Wala na akong nakasalubong na asungot sa hagdanan pagkaakyat ko pabalik sa unit namin ni Violet.
Hindi naman sa inaasahan ko itong makita ulit na pakalat-kalat sa tabi-tabi, pero pakiramdam ko kasi ay nakamasid pa rin sa bawat kilos ko ang partikular na pares ng asul na mga mata nito pagkapasok na pagkapasok ko pa lang ng gusali.
Pinagkibit-balikat ko lang ang naramdaman dahil wala naman akong sixth sense para sa mga gano'ng bagay.
Bumalik na agad ako sa iniwan kong lulutuin kaya ilang saglit lang at nawaglit na sa isip ko ang gumugulo sa'king pares ng asul na mga mata.
Tapos ko nang mahati-hati ang niluto kong pancit para sa iba naming mga kapitbahay nang dumating si Violet.
"Pakihatid itong iba sa taas, ako na ang bahala sa baba," sabi ko sa kanya pagkabungad pa lang niya sa kusina.
Hindi niya pinansin ang mga nakahandang mga pancit sa mesa namin, sa halip ay diretso siyang lumapit sa'kin.
"N-nakita ko iyong Carson na dumating," namimilog ang mga mata niyang bulalas. "Hindi siya katulad no'ng iba..." tila wala sa sarili niyang dugtong.
"Pangit ba?" nakataas ang kilay kong tanong.
Lahi kasi ng mga magaganda at gwapo ang angkan ng mga Carson, baka merong nahalong hindi gano'n.
"Hindi," umingos na sagot ni Violet. "Bakit iyan agad ang naisip mo?" napapantastikohan niyang tanong sa'kin.
"Wala akong maisip na pwedeng kaibahan no'ng Carson na nakita mo roon sa iba," kibit-balikat kong sagot.
Kinuha ko iyong pinakamalapit na pinggang may pansit at inabot sa kanya. Wala naman siyang nagawa kundi tanggapin ito.
"Ihatid mo iyan kay Tita Ava, masarap iyan habang mainit pa," saad ko.
"Bev, magkukwento pa ako, eh," reklamo niya pero marahan ko na siyang tinulak palabas ng kusina upang gawin ang utos ko.
Kinuha ko rin iyong ibang kailangan kong ihatid sa mga nasa baba.
Bumubulong-bulong pa si Violet habang papalabas ng unit namin. Nataon namang nakita ko ang isa sa mga anak ng kapitbahay namin pagkasunod ko sa kanya kaya tinawag ko ang bata.
"Bakit, Ate Beverly?"
"Dalhin mo 'to sa inyo." Inabot ko sa kanya ang pansit na bitbit. "Pakibalik iyong pinggan ha. Tawagin mo rin si Mikot para kunin iyong parte nila."
"Opo! Salamat po!"
Pinanood ko itong excited na umalis bitbit ang bigay kong pancit. Babalik na sana ako sa loob nang maramdamang may nakamasid sa'kin.
Nang pumihit ako sa direksiyon ng hagdanan sa kabilang dulo ng pasilyo ay natanaw ko ang pamilyar na lalaking nakasalubong ko kanina.
Kumunot ang noo ko dahil kahit may kalayuan ang distansya sa pagitan namin ay ramdam ko ang tila galit niya para sa'kin.
Ano kaya ang problema ng isang ito? Galit pa rin ba ito dahil nabangga ko siya kanina? Kahit ako iyong nakabangga ay ako kaya iyong mas nasaktan dahil parang pader iyong kinauntugan ng ulo ko.
Kahit nakita na niyang nahuli ko na siyang nakatingin sa'kin ay hindi man lang siya umiwas. Mukhang wala yata sa bokabularyo niya iyong pagkailang. Ni hindi niya iyon ramdam habang nakipagtagisan ng tingin sa isang babaeng hindi man lang niya kakilala.
Wala sa sariling napahawak ako sa suot kong chain necklace na umabot ang haba hanggang sa ibaba ng dibdib ko. May malaking pendant ito ng tila mata na maraming kaartihan. Parte lang naman talaga ito ng get-up ko bilang manghuhula kuno.
Nabili ko lang ito sa isang antique shop, para makadagdag misteryo ay dinagdag ko sa mga anik-anik na suot ko.
Dahil hindi man lang bumitaw sa pagkakatitig sa'kin ang hindi ko kilalang lalaki ay may naisip akong kalokohan na gagawin.
Taas-noo at tuwid akong naglakad palapit sa kinatatayuan niya. Ni hindi man lang nagbago ang blangko niyang ekspresyon sa mukha at matalim na tingin habang papalapit ako.
Hindi rin niya inihiwalay sa'kin ang mataman niyang mga titig na tila hinihintay niya talaga akong lumapit.
Nang nasa mismong tapat na niya ako ay direkta kong sinalubong ang mga mata niya. Sanay na sanay akong umaktong mahiwaga sa harapan ng mga customer ko kaya iyon ang ginawa ko ngayon.
Kulang na lang ay may background music para mas magiging dramatic ang tensiyon sa paligid namin.
"Malapit nang dumating ang isang malaking pagbabago sa buhay mo..." mababa ang boses kong sabi sa kaharap na lalaki.
Parang gusto kong palakpakan ang sarili dahil sobrang galing ng delivery ko. Kahit sino sigurong makakarinig ay iisipin talagang legit kong nakikita ang hinaharap.
"Tatagan mo ang loob mo... kailangan mo iyon," pagpapatuloy ko pa.
Hindi ko naman alam ang mga pinagsasabi ko. Pakiramdam ko lang ay gano'ng mga linyahan ang magandang sabihin sa kaharap ko. Gawa-gawa ko lang talaga ang mga iyon at walang ibang kahulugan.
Wala naman akong nakitang reaksiyon sa kaharap maliban sa bahagyang pag-igting ng panga niya at lalong pagtindi ng nakalarawang galit sa asul niyang mga mata.
Bakit ba parang may anger issue ang isang ito? O sadyang sa'kin lang siya ganito?
Hindi nga siya natinag kahit konti sa matalinghaga kong pinagsasabi. Hindi yata naniniwala sa hula ang lalaking ito. Sayang naman at hindi ko siya pwedeng singilin.
Napagtanto kong wala naman pala akong mapapala sa kanya. Gusto ko lang naman subukan kung may makukuha ba akong reaksiyon o mababago ko ba ang ekspresyon niya. Nag-aaksaya lang pala ako ng oras.
"Okay, bye!" pairap kong usal bago pumihit patalikod upang umalis na.
Pero hindi pa man ako nakaisang hakbang ay isang mahigpit na hawak sa braso ang pumigil sa'kin.
Awtomatiko akong napalingon sa lalaki dahil sa biglaan niyang ginawa. Hindi naman masakit iyong pagkakahawak niya pero sapat na upang iparating sa'kin na kahit hihilingin ko ay wala siyang balak na bitiwan ako nang gano'n - gano'n lang.
"Bakit? May kailangan ka?" nakataas ang kilay kong tanong sa kanya.
"You're Beverly Punsoy, right?" malamig niyang tanong sa'kin.
Mukhang may tatapat na yata sa pagiging manghuhula ko dahil nahulaan niya ang buo kong pangalan habang ako ay walang kaide-ideya kung sino siya.
Hindi ko naman pwedeng itanong kung sino siya dahil baka bigla ay hamunin akong hulaan iyon para patunayan ang pagiging manghuhula ko.
Wala akong dapat patunayan dahil peke akong tunay!
"Kilala mo naman siguro kung sino ako," dagdag pa niya.
Gusto ko sanang magprotesta sa sinabi niya dahil hindi ko talaga siya kilala!
"At paano mo naman ako nakilala?" kunot-noo kong tanong.
Tahimik kong pinagdarasal na sana ay hindi siya katulad nang iniisip ko... hindi sana siya isang totoong manghuhula.
Pero wala naman sigurong manghuhula na ganito kalaking mama at ganito kalakas iyong dating. Oo nga at parang tumatagos pati sa kaluluwa kung tumitig ang asul niyang mga mata, pero hindi naman siguro ibig sabihin niyon ay nakikita niya ang hinaharap.
Ang problema, sa loob ng halos tatlong taon kong pagiging pekeng manghuhula ay wala pa akong nakilalang legit na fortune teller. Syempre, naniniwala ako sa mga hula-hula, kaya nga ako nasa ganitong field of panloloko eh!
"Pinapaimbestigahan ko bawat taong nakatira sa gusaling ito," saad ng kaharap ko na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan.
Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil wala pa pala akong maging legit competitor sa panghuhula. Sa tingin ko kasi ay mas nakakabahala iyong ginawa niyang pagpaimbestiga.
"Bakit mo naman iyon ginawa?" hindi ko napigilang bulalas.
"Dahil hadlang kayo sa mga plano kong gawin sa lugar na ito," mahina pero may katigasan niyang saad.
Mas lalong tumalim ang pagkakatitig niya sa'kin. Humigpit din maging iyong pagkakahawak niya sa braso ko.
Pero wala roon ang atensiyon ko kundi ay sa mga sinabi niya. Unti-unting tumino sa isip ko ang katauhan ng kaharap. Bakit nga ba hindi ko agad naisip na isa siyang Carson?
Sa asul na mga mata pa lang ay dapat naghinala na ako! Aminado akong pekeng manghuhula pero hindi ko yata matanggap na ganito pala kalala ang katangahan ko.
Dahil sa tangkad niya at malaking katawan ay agad kong naisip na kasama siya ng security team at hindi isang Carson. Kung iisipin ay halos kasing-katawan niya lang iyong mga men in black na naghihintay sa sasakyan na nasa labas. Hindi ko rin lubos maisip na nangangailangan pa ng mga bantay ang ganito kalaking mama.
Iyong matalim na tingin niya pa lang ay sapat ng self-defense at tiyak na hihiwalay na ang kaluluwa ng sinumang tamaan ng mga ito. Wala sigurong maglakas-loob na magloloko-loko sa ganito kalaking tao na pwedeng lethal weapon ang mga braso at malaking kamay.
Ganito ba talaga kalaking tao ang mga Carson sa personal? Normal lang naman iyong mga nakita ko na sa TV at mga magazine. Pero itong kaharap ko ay ibang usapan na.
Sa height na 5'3" ay hindi naman siguro ako gano'n kapandak, pero kung itatabi ako rito sa kaharap ko ay hanggang dibdib lang ako at kailangan ko pang tumingala kapag kakausapin ko siya.
"Ano namang mapapala mo sa pagpaimbestiga sa'min?" napaisip kong tanong kapagkuwan.
"Marami," walang emosyon niyang sagot. Hindi ko napigilang mapalunok nang may nahagip akong kislap ng panganib sa asul niyang mga mata. "At sana ay hindi na tayo aabot sa punto na kailangan ko pa iyong gamitin laban sa inyo."
Bigla akong nakaramdam nang panlalamig dahil sa tono niya pero pinigilan ko ang sariling magpakita ng reaksiyon.
Kahit nakakatakot siyang kaharap, hindi lang dahil sa laki niyang mama kundi ay dahil sa impluwensya at yamang kakabit ng pagiging Carson niya, ay never kong ipapakita sa kanya na kaya niyang takutin kaming mga taga-Purok Otso!
"Kulamin kaya kita," nandidilat kong sabi sa kanya. "Grrrr!" Inangilan ko pa siya na parang mabangis na hayop sabay tapat sa mukha niya ng pendant ng suot kong kwentas.
Hindi ko alam kung saan siya mas nagulat, sa pag-angil ko o sa pendant na muntikan nang dumikit sa mukha niya. Basta ang importante ay nabitiwan niya ako dahil sa pagkabigla.
"See you around, rawr!" nang-aasar kong sabi bago kumaway at iniwan siyang hindi nakaporma sa huli kong ginawa.
Ilang hakbang na ang layo ko sa kanya nang humarap ako sa kanya bago madramang itinaas ang gitnang daliri ko.
"Kapre!" tawag ko sa kanya. "Ganito ka sa'kin, oh!"
Bago pa siya makapag-react ay binilatan ko na siya sabay takbo pabalik sa loob ng unit namin ni Violet. Mahirap na at baka bigla niyang maisipang gumanti!