Katulad sa unang palapag ay tahimik din iyong ikalawang palapag kung nasaan ang unit namin ni Violet.
"Nasa taas kaya silang lahat?" tanong ni Violet.
"Ano naman ang gagawin nila roon?" walang pakialam kong tanong.
Lumapit ako sa inuukopa naming unit upang buksan ang lock ng pintuan.
"Baka sinisilip po nila iyong bisita ni Tita Ava," sagot ni Gwen sa tanong ko. "Iyong malaking mama na nakakatakot tumingin."
Nagkatinginan kaming tatlo. Hindi ako interesadong masilip ang tinutukoy ni Gwen lalo na at ang alam kong malaking mama ay iyong tall, dark, and not so handsome na nakatira sa malaking puno. May paninda akong pananggala laban sa isang iyon.
"Matutulad ba tayo roon sa pinanood kong teleserye kung saan ay tatakutin tayo para mapilitang umalis dito?" tanong ni Violet. "Tapos lalaban tayo! Taas-noo kahit kanino!" Madrama pa nitong itinaas ang sariling noo habang tuwid na tuwid ang pagkakatayo.
"Totoong buhay 'to, Violet," paingos kong sagot. "Kung anu-ano pinapanood mo, apektado na pati utak mo," naiiling kong dugtong.
"Pwede kaya iyon mangyari sa totoong buhay," giit niya pero inikutan ko lang siya ng mga mata.
"Hindi ka ba makikiusyuso?" tanong sa'kin ni Kenny.
Isa pa 'to! Halatang curious din matapos makita iyong mga miyembro ng security team ng bisita ni Tita Ava sa baba. Isa pa, kung Carson ang dumating ay siguradong blue eyes ito. Kahit sino siguro ay hindi mapapalampas ang pagkakataong makita sa personal at malapitan ang pamosong asul na mga mata ng isang Carson. Maliban lang siguro sa'kin, dahil sa blue bills lang ako interesado.
"Wala akong mapapala kung gagawin ko iyon," pahinamad kong sagot.
Nabuksan ko na ang lock ng pinto kaya tinulak ko na ito pabukas.
"Ipapaalam naman siguro sa'tin ni Tita Ava kung ano ang napag-usapan," dagdag ko pa.
"Paano kung makumbinsi nila si Tita Ava na ibenta itong lupa niya?" aligagang tanong ni Kenny.
"Saan tayo lilipat, Kuya?" tanong naman ni Gwen sa kapatid.
"Hindi ko rin alam," problemadong sagot ni Kenny. Binalot ulit ng seryosong atmosphere ang paligid. "Ewan ko lang kung makakahanap tayo nang katulad nitong tinitirhan natin ngayon."
"Magiging kapitbahay pa rin ba natin sina 'Nay Saling at 'Tay Gal?" tanong ni Gwen. Ang tinutukoy nito ay ang matandang mag-asawang laging nagbabantay sa mga nakababata nilang kapatid ni Kenny.
Mahilig sa mga bata ang mag-asawa kaya kalimitan ay libreng binabantayan ng mga ito ang mga kapatid ni Kenny tuwing natagalan siya sa trabaho.
Habang nakikita ko ngayon ang pag-alala sa mukha ni Gwen ay lihim kong pinagdasal na sana ay patuloy na tatanggihan ni Tita Ava ang anumang offer ng Carson Builders.
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Kenny sa tanong ni Gwen at dumiretso na ako papasok sa loob ng unit namin ni Violet.
Agad kong pinasadahan ng tingin ang bumungad sa'king maliit na sala. Mula rito ay matatanaw ang dalawang maliliit na silid na nagsisilbing kwarto naming dalawa ni Violet. Sa likuran ng divider ng sala ay ang maliit na kusina kung saan kami nagluluto at kumakain na rin. Katapat naman ng kusina ay ang CR katabi ang maliit na silid para sa mga paninda namin sa shop.
Hindi man gano'n kalaki itong unit namin ni Violet ay sakto lang ito para sa aming dalawa. Ganito kalaki lahat ng mga unit dito sa gusali kaya alam kong medyo masikip para sa malaking pamilya. Gano'n pa man ay maraming nagtitiyaga rito dahil sa hirap ng buhay.
At ngayong nanganganib kaming mapalayas dito ay tiyak na napuno ng pangamba iyong mga kapitbahay namin. Kahit nga ako na handa namang lumipat ng ibang matitirhan ay medyo nababahala rin. Nakasanayan ko na kasi rito, at baka mahihirapan kaming humanap ng malilipatan na pabor din para sa shop namin ni Violet. Maging iyon kasi ay kailangan din naming hanapan ng bagong puwesto.
"Bev, sasama muna ako sa kanila sa taas, ha," paalam sa'kin ni Violet na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan.
"Nasa rooftop daw iyong mga bisita ni Tita Ava, kinakausap iyong ibang tenant," pagpapatuloy niya habang nakasilip sa pintuan. "Makikiusyuso lang ako. Ayaw mo bang sumama?"
"Balitaan mo na lang ako," sagot ko.
Mas gusto ko pang ituloy iyong balak kong pagluluto ng pancit kaysa umakyat sa taas.
Gano'n pa rin naman, kung ano ang magiging desisyon ni Tita Ava ay wala pa rin kaming magagawa.
Unang -una talaga sa pangarap ko ay ang magkaroon ng bahay at lupa, pero sa ngayon ay lupa muna sa paso ang afford ko.
Nang umalis na si Violet ay dumiretso ako sa kusina upang ihanda ang lulutuin ko. Hindi maiwasang sumagi sa isip ko iyong tungkol sa mga bisitang kausap ni Tita Ava nang mula sa bintana ay matanaw ko sa baba ang tatlo pang kasamahan ng mga ito.
Kung paano namin ito naabutan kanina ay gano'n pa rin ang posisyon ng mga ito hanggang ngayon. Napaisip tuloy ako kung kasali ba sa trabaho nila ang hindi paggalaw. Anong klaseng amo kaya meron sila at bakit sobrang seryoso nila sa buhay?
Kilala ang mga Carson sa buong bansa. Ilang beses ko nang nakita ang mga ito sa TV at balita. Meron ding ibang na-feature sa mga sikat na magazine.
Masasabi kong parang royalty ang mga Carson dahil sa yaman at impluwensya nila, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa ibang bansa.
Galing sa ibang bansa ang lahi ng mga Carson tapos nakapag-asawa ng mga tagarito kaya iyong iba sa kanila ay rito na nanirahan sa bansa.
Sa totoo niyan ay wala pa naman akong nakitang Carson sa personal. At hindi rin ako katulad no'ng ibang kinain na ng sistema na pinapangarap talagang makadaupang-palad ang sinumang miyembro ng pamilyang iyon.
Pangarap nga ng mga kababaihan na matulad doon sa mga maswerteng babaeng nakabihag ng isang Carson. Kahit kasi sobrang yaman ng pamilyang iyon ay walang pag-aalinlangang nagpakasal sa mga babaeng sobrang layo ng katayuan sa buhay sa kanila.
Parang fairytale ang kwento ng mga babaeng kinasal sa isang Carson, hinahangad no'ng karamihan at kinaiinggitan ng iba.
Para sa'kin naman ay swerte iyon ng iba, hindi sa'kin kaya kailangan kong magsumikap para swertehin din.
Hindi iyong swerteng makabingwit ng mayaman na mag-aahon sa'kin sa kahirapan, kundi ay swerteng makabenta ng marami para makaipon ng pambili ng bahay at lupa.
Natigil ang paglalakbay ng isip ko nang mapansing wala na pala kaming mantika. Wala rin si Violet kaya wala akong mautusang bumili kundi ang sarili ko.
Pinasadahan ko muna ng tingin ang mga naihanda kong rekados para sa lulutuing pancit bago kinuha ang lagayan ng mantika. Malalaki ang mga hakbang na tinungo ko ang pintuan. Mabilis kong tinawid ang tahimik na pasilyo bago may pagmamadaling bumama ng hagdan.
Iyong hagdan sa likurang bahagi ang ginamit ko dahil mas malapit dito ang tindahan ni Ate Beth na tenant din ng apartment.
Sa kakamadali ko ay hindi ko agad napansing may kasalubong ako. Mabuti na lang at mabilis akong nakapagpreno bago tuluyang sumalpok sa malapad na katawan ng taong kasalubong.
"Sorry!" mabilis kong paumanhin nang hindi ko naagapan at tumama talaga ang noo ko sa matigas na dibdib nito.
"Tsk... so clumsy."
Mahina man iyong pagkasabi niya pero nagpanting ang tainga ko sa narinig.
Agad akong umatras mula sa kanya upang makita ang mukha niya.
Dahil pababa ako at paakyat siya ay medyo advantage sa'kin dahil nasa mataas akong bahagi ng hagdan. Kahit hamak na mas matangkad siya sa'kin ay ngayon halos magkatapat lang
kami at direkta ko siyang natitingnan sa mukha nang hindi ko kailangang tumingala.
"Tsk! So, arogante," hindi nagpapatalo kong pasaring. Nag-sorry na ako no'ng una kaya huwag niyang asahang magso-sorry ulit ako.
Kahit muntikan na akong matulala sa kagwapuhan niya ay minus pogi points pa rin dahil magaspang ang ugali niya. Hindi rin niya ako masisindak sa matalim niyang tingin dahil nasa teritoryo ko siya.
Nakipagsukatan ako ng tingin sa kanya nang maalala ang pakay ko sa pagbaba.
Wala akong panahon para makipag-argumento dahil may kailangan pa akong tapusing lutuin. Iniwanan ko siya nang matalim na tingin bago nilampasan.
Ewan ko kung ako lang ba pero tila inamoy niya ako bago pa man ako makalampas sa kanya. Hindi ko na nga lang nakita ang ekspresyon niya pagkatapos niyon. Nang nasa puno na ako ng hagdan ay pasimple kong inamoy ang sarili dahil baka nangangamoy paniki na ako.
Nang wala naman akong maamoy na hindi kaaya-aya ay tinapunan ko pa ng tingin ang taong nasa taas ng hagdan. Muntikan akong mawalan ng balanse nang matagpuang nakamasid sa'kin ang asul at madilim nitong mga mata.
Inaasahan kong nakaalis na ito kaya medyo nawindang ako nang makitang naroon pa pala ito sa pinag-iwanan ko.
Ang weird pa niyang makatingin, na kahit wala naman akong ginagawang masama ay pakiramdam ko meron.
Hindi ko naman siya kapitbahay pero napaka-judgemental ng loko kung makatitig.
Upang hindi ipahalatang affected ako ay inirapan ko siya bago tuluyang iniwanan. Iyong tipo ng irap na masasabi kong 'speaks a million words' tapos lahat iyon ay mura.
Pagkarating ko sa tindahan ay agad kong binili ang mantikang kakailanganin ko.
"Ate Bev, effective ba iyan?" maya-maya ay tanong sa'kin ng dalagitang tindera.
Napatingin ako sa suot kong mga bracelet na paninda ko ring mga abubot at anting-anting. Kung sakaling legit ang mga ito ay sigurado akong nawalan na ng bisa dahil minalas ako sa nakabangga ko kanina.
"Depende sa paniniwala mo," sagot ko. " May fifty percent discount 'pag bibili ka."
"Hindi po ba pwedeng buy now pay later para masubukan muna ang bisa?" nakanguso niyang tanong.
"Gusto mo pa akong gulangan," naiiling kong bulalas. "Mag-aral ka na lang mabuti para hindi mo na kailangan ang kung anu-anong pampaswerte."
Matapos mabayaran ang binili ay agad akong nagmamadaling umuwi.
Medyo kakaba-kaba pa ako dahil baka magkasalubong ulit kami no'ng lalaki kanina. Hula ko ay kasamahan iyon ng mga bisita ni Tita Ava.
Kung mga katulad ng isang iyon ang kumausap kay Tita Ava ay talagang nakakaintimida pala talaga. Pero sa edad ni Tita Ava ay may tiwala naman akong hindi ito basta-basta magpapasindak sa kaharap. May attitude rin kaya ang matandang iyon, takot nga roon iyong mga siga sa kanto.
Tsaka kaya siguro masama ang tingin sa'kin kanina no'ng lalaki dahil sa mga anik-anik kong suot bilang isang manghuhula. Iyong bandana sa ulo lang ang natanggal ko, hindi ang suot kong mga burloloy.
Siguro ang tingin sa'kin kanina no'ng lalaki ay parang naglalakad na advertisement para sa mga suot kong burloloy. Hindi naman halatang parang modus na manghuhula ang pormahan ko.
Sa ganda kong 'to ay walang makapag-isip na manloloko ako. Itanong pa nila sa mga naloko ko!