"Pero hindi pa rin magbebenta si Tita Ava."
Nag-angat ako ng mukha dahil sa sunod na pinahayag ni Kenny.
"Talaga?" maang kong bulalas.
"Oo naman, bakla!" mangiyak-ngiyak na sagot ni Kenny.
Naghawak-kamay sila ni Violet at masayang nagtatalon.
Nakahinga namg maluwag naman akong napasandal habang pinapanood sila. Pinakaba pa ako saglit ng baklang Kenny na 'to, alam naman niyang fake manghuhula ako.
"May tao pa palang hindi nasisilaw ng pera," hindi makapaniwalang usal ni Violet.
"God bless talaga kay Tita Ava at sa mabuti niyang puso!" madamdaming pahayag ni Kenny. "Nang marinig ko iyong offer kanina ay ako iyong muntik nang napa-oo roon sa mga dumating na representative ng Carson Builders."
"Carson Builders..." mahina kong pag-uulit.
"Shocking, 'hindi ba?" eksaheradang tugon ni Kenny at pumilantik pa ang mga daliri nito. "Hindi naman sa pag-aano ha! Pero napaisip ako, mga bakla. Hanggang kailan mapanindigan ni Tita Ava ang desisyong hindi magbenta?"
Napatitig ako kay Kenny, ngayon ko lang kasi namalang nag-iisip din pala ito.
"Iyang tingin mo, bakla!" nandidilat nitong sita sa'kin. "Masyadong judgerist!"
Kimi ko itong nginitian upang ipakitang walang masamang ibig sabihin ang anumang napansin niya. Irap naman ang naging tugon niya sa ngiti ko.
"Balita ko, kahit iyong may-ari ng puwesto ng mga ihawan sa kabilang kanto na nagmatigas noong una, sa huli ay bumigay rin," saad ni Violet na umagaw sa pareho naming atensiyon ni Kenny.
"Kumpleto na sa permit iyong sisimulang constraction," usal ni Kenny. "Iyong kay Ate Ava na lang talaga ang naiwan."
Hindi na ako nagbigay pa ng komento habang iniisip ang nakaamba naming paglipat ni Violet kung sakali.
Mabait si Tita Ava, totoong pamilya ang turing nito sa mga tenant ng apartment niya kaya tiyak na patuloy itong tatanggi sa anumang offer ng Carson Builders. Hangga't hindi ibebenta ni Tita Ava ang apartment niya ay hindi kami lilipat ni Violet.
"Bev, may raket pala ako para sa'yo," maya-maya ay baling sa'kin ni Kenny.
Nagtatrabaho si Kenny sa isang sikat na hair and beauty salon kung saan ay marami itong nakakasalamuhang maperang mga customer. Sa kanya ko nakikilala ang ilan kong mga kliyente sa iba ko pang raket.
"Isang legal wife na madatung ang nangangailangan ng spy para sa kanyang asawa na pinaghihinalaan niyang may ibang babae," pagpapatuloy ni Kenny.
"Huy, Kenny, baka mapahamak si Beverly riyan ha," singit ni Violet. "Last time ay muntikan na tayong pumalpak dahil 'di alam ng client natin na siya pala ang kabit."
"Hindi na talaga ito katulad no'ng last time," sagot ni Kenny. "Super legit na 'to."
"Pwede naman sanang mag-hire ng private investigator pero bakit kailangan pang maghanap ng iba?" Umirap pa si Violet sa hangin.
"Mas okay na 'to, at least maambunan tayo ng grasya," saad ni Kenny. "Ano, Bev, payag ka ba?" untag niya sa'kin.
"Ano ba ang gagawin?" tanong ko.
"Kailangan ka munang i-meet ni Mrs. Lim at siya na mismo ang magsabi sa'yo ng gusto niyang ipagawa," nakangiting tugon ni Kenny. "Galante si Mrs. Lim kahit Insik iyon," nakabungisngis niyang dugtong.
"Hindi niya naman siguro ipapatay ang kabit ng asawa niya kung totoong meron nga, 'di ba?" tanong ni Violet.
"Hired killer sana ang hinire niya kung gano'n," sarkastikong sagot ni Kenny. "Pero isang maganda at sexy na babae ang kailangan niya para gawin ang gusto niyang mangyari."
Nagkatinginan kami ni Violet. Sa uri ng trabaho namin ay ilang beses din na muntikan na kaming mapahamak.
"Pakibigay nga sa'kin ang ilang details ng client na 'to," sabi ni Violet kay Kenny. "Iba-background check ko lang. Mahirap na..."
Mabilis namang binigay ni Kenny ang kailangan ni Violet. Kaya ilang saglit pa ay pareho na kaming tatlo na ini-stalk ang mga social media account nito.
Sa edad na fifty-plus ay masyado pa itong active sa ilang sikat na social media platforms.
"Pareho kami ni Mrs. Lim na follower ng BBboys," nakabungisngis na pahayag ni Violet habang pinapanood namin ang shared post ni Mrs. Lim sa isang grupo ng mga sumasayaw na maskuladong kalalakihan.
"Tatapusin pa ba natin iyan?" nababagot kong tanong.
"Syempre," mabilis na sagot ni Kenny na tutok na tutok sa mga kalalakihan.
Pakiramdam ko ay hindi na ito kumukurap. Kulang na lang at malunok na nito ang cellphone ni Violet.
"Ang gugwapo!" kinikilig pa nitong tili na mabilis ding sinang-ayunan ni Violet.
Muli ko namang sinulyapan ang pinapanood nila. Tama namang may hitsura ang mga naroon. Hindi naman siguro maging sikat ang mga iyon kung hindi gwapo at magagaling sumayaw at kumanta. Iyon nga lang, para sa'kin ay hindi gano'n ka-manly ang feature at kilos ng mga ito.
Mas babae pa nga ang mukha ng mga ito kung ikukumpara sa'kin.
"Ate Bev! Ate Let!"
Kasabay nang malakas na tawag sa mga pangalan namin ni Violet ay sunud-sunod na katok mula sa labas ng pintuan.
"Boses ng kapatid mo iyon ah." Hindi ko pa natapos ang sinasabi ko kay Kenny ay basa pintuan na ito upang pagbuksan ang kapatid.
"Bakit? May sunog ba?" namaywang niyang bungad sa nakababatang kapatid na babae na napagbuksan ng pinto.
Nakasunod naman kami ni Violet kay Kenny. Itutuloy na namin ang naantalang pagsasara ng shop na naantala no'ng dumating ang huli.
"Bakit ka nandito, Kuya Kondrado?" napakurap-kurap na tanong ng sampung taong gulang na si Gwen.
"Naghatid ka ng tsismis, 'no?" panunukso pa ni Gwen sa kapatid bago pa ito makasagot sa naunang tanong.
"Anong akala mo sa'kin tsismosa?" maarteng tugon ni Kenny.
"Oo," hindi kumukurap na sagot ni Gwen.
"Bastos kang bata ka," namaywang na sita ni Kenny sa kapatid.
"Sorry naman, Kuya Kondra—"
"Kenny nga sabi!" mabilis na putol ni Kenny sa kapatid. "Tanggap ko na iyong kuya, huwag lang iyong Kondrado na talo pa ang pangalan ng siga sa kanto!"
Habang nagtatalo ang magkapatid ay sinara ko na ang pintuan ng shop. Ilang hakbang lang mula rito ang apartment building na tinutuluyan namin kaya natatanaw ko agad ang ilang mamahaling sasakyan na nakaparada sa tapat nito.
"Kanino ang mga iyan?" tanong ko na pumutol sa pag-uusap ng magkapatid.
"Iyan ang kanina ko dapat sinasabi, Ate Bev," pahayag ni Gwen. "Bisita ngayon ni Tita Ava ang mayamang bumili ng mga kalapit na puwesto."
"Ano raw ang kailangan?" tanong ni Violet.
"Hindi ko alam," kibit-balikat na sagot ni Gwen. "Nakakatakot iyong dumating na mama," pabulong nitong dugtong.
"Paanong nakakatakot?" kunot-noo kong tanong.
Nagsimula na kaming naglakad patungo sa entrance ng apartment building. Madadaanan namin iyong nakahelirang apat na mga sasakyan. Medyo out of place talaga rito sa lugar namin ang ganitong kamahal na kotse, at syempre lalo na ang tatlong men in black na mukhang security team ng bisita ni Tita Ava.
Tindig pa lang ng mga ito ay nakaka- intimidate na. Kahit wala akong nakikitang baril ay siguradong may dala ang mga ito. Mga ganito iyong napapanood ni Violet sa mga K-drama niya eh, ang kaibahan lang ay hybrid yata ang mga nandito dahil ang lalaki ng katawan nila.
"Bakit pakiramdam ko ay sasakupin na tayo?" mahinang tanong ni Violet.
"Kung ganyan kasarap ang mga mananakop ay handa akong magpasakop—Aray!" Sinamaan ng tingin ni Kenny ang kapatid na si Gwen nang kurutin siya ng huli sa tagiliran.
"Mawawalan na tayo ng tirahan, uunahin mo pa ang kalandian," nakasimangot na sabi ni Gwen.
Sanay na kami ni Violet sa ganitong iringan ng magkapatid. Sa kanilang dalawa kasi ay kadalasan umakto pang mas matanda itong si Gwen.
"Sorry naman, maganda lang marupok sa tukso," pabebeng sagot ni Kenny sa kapatid.
Nagawa pa nitong magpa-cute nang mapadaan na kami sa harapan ng tatlong lalaking tuwid na tuwid ang pagkakatayo at diretso ang tingin sa direksiyon ng apartment building.
"Ito na yata iyong chance kong magkaroon ng blue eyed baby," kinikilig na bulong ni Kenny sa'kin nang makalagpas na kami sa tatlong halatang may ibang lahi.
"Baka nakalimutan mo, wala kang matris," sarkastiko kong paalala sa kanya.
"Panira ka talaga ng pantasya ko," pairap niyang tugon at mahina pang hinila ang dulo ng buhok ko. "Baka ikaw, bet mo—"
"Pass," mabilis kong sagot. "Hindi parte ng cravings ko ang blue eyed baby," paingos kong dugtong.
"So, mas prefer mo iyong dugyot baby?" nang-aasar niyang tanong.
"Kung ako ang nanay, kahit sino ang tatay ay hindi magiging dugyot ang magiging anak ko," puno ng kumpyansa kong wika. "Sa ganda kong 'to, tiyak sa'kin magmana ang bata."
Bahagya ko pang itinaas ang mukha upang ipakita sa kanya ang tinutukoy kong ganda.
"Pero bata pa ako kaya hindi muna ako pwedeng maging ulirang ina," pagpapatuloy ko sa mga naunang pahayag. "Kailangan ko munang yumaman."
"Ang dali sabihin pero ang hirap gawin," pabuntonghiningang usal ni Kenny.
Pareho na kaming nanahimik habang nakasunod kay Violet at Gwen na nauna na sa'min.
Medyo may kalumaan na ang gusaling kinaroroonan ng labing-dalawang apartment unit na tinitirhan namin pero kapansin-pansin ang kalinisan nito. Kahit naman kupas na iyong mga pintura ng mga pader ay matibay pa rin ang bawat structure nito. Tahanan pa rin ito para sa aming mga nangungupahan dito.
May dalawang hagdanan na ginagamit paakyat at pababa sa tatlong palapag na gusali. Hindi naman gano'n kahigpit patungkol sa bisita si Tita Ava hangga't hindi nakakaisturbo sa ibang tenant, kaya malayang naglalabas-masok sa gusali ang kahit na sino.
Hindi man ito gano'n kaligtas para sa iba at depende pa rin talaga iyon sa pag-iingat dahil wala namang makakapasok sa unit ng kahit na sino kung uugaliing mag-lock ng pinto iyong may-ari.
Isa pa, halos magkakilala na kaming lahat dito kaya mabilis na matukoy ang bagong mukha.
Pagkapasok namin sa entrance ng gusali ay kapansin-pansin ang katahimikan sa mga unit na nandito sa baba.
Dati naman kapag ganitong oras ay maingay rito dahil kalimitang nagsibabaan iyong nasa third floor para makitambay.
Mukhang nasa taas yata ngayon sila dahil sa bisita ni Tita Ava.