Kabanata 3

2505 Words
ELLY Malakas na alarm ng aking telepono ang gumising sa diwa ko sa araw na ito. Nakasarado ang lahat ng kurtina sa kwarto ko kaya hindi ganoon kaliwanag dito. Bumangon ako sa aking pagkakahiga sa kama para patayin na ang aircon na kasalukuyang nakabukas, para na rin mabuksan ko ang bintana upang makapasok ang sariwang hangin sa silid kong ito. Nakita kong 6:30 am pa lang, maaga akong nakatulog kagabi dahil sa lungkot na nararamdaman ko dahil sa galit na mayroon si Liam kahapon. Buong magdamag ata siyang wala rito sa bahay, nang makatulog ako ng alas otso kagabi ay wala pa rin siya kaya umakyat na lamang ako rito sa kwarto upang makapagpahinga. Nang matapos ko ang lahat ng pag-aayos sa aking silid ngayong umaga ay lumabas na ako para bumaba sa kusina namin. Marami pa akong pwedeng gawin para makalimutan ang lahat ng lungkot na naramdaman ko kahapon. Mas mabuti pang libangin ko na lang ang sarili ko sa mas makabuluhang bagay kaysa umiiyak na lang sa isang tabi dahil sa buhay na mayroon ako. Tama! Nakaya ko naman noon maging masaya kahit sobrang unfair ng buhay ko, e. Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay masanay na wala na ang dating si Liam na nagpoprotekta at nagpapasaya sa buhay ko. Kailangan ko na talaga sigurong kalimutan ang lahat ng iyon at mabuhay na sa kasalukuyan kung saan asawa ko na ito at hindi na best friend. Asawa na ako ni Liam— asawa niya na hindi naman niya kailanman ginusto. At least kapag natanggap ko ang katotohanang 'yon ay mababawasan na ang sakit na nararamdaman ko tuwing binabalewala niya ako. Sabi nga nila, the more you learn the less you fear. Hindi ako nakapagtapos ng high school pero hindi naman ako gano’n katanga para hindi maunawaan ang ibig sabihin niyon. Kung mas alam ko na hindi na magbabalik pa sa akin kailanman ang best friend ko ay hindi na ako matatakot na balewalain ni Liam ngayon. Kapag natanggap ko 'yon ay malamang hindi na ako iiyak sa kanya ng sobra-sobra kailanman. Pero kung may choice lang ako ay mas gusto kong matutuhan ng sarili ko kung paano tuluyang putulin ang pagmamahal na hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin sa kaniya… Maging sa pamilya kong buong buhay na hindi pinaranas sa akin ang isang masayang pamilya. Gusto kong hindi na sila mahalin kailanman, kasi kung mas nagmamahal ako sa kanila ay mas lalo lang din nila akong nasasaktan, e. Sa totoo lang ay ayoko na talagang mas masaktan pa, kaya ayoko na rin silang mahalin— kaso hindi ako ganoong tao. Paano ko naman gagawin na kalimutan na lamang ang mga taong mahal ko kung sila lang ang mayroon ako sa buhay? Mahal ko pa rin talaga ang pamilya ko at si Liam kahit sobrang sakit sa akin ang lahat ng ito sa aking buhay. Malungkot ang nagawa kong ngiti nang muli kong naramdaman ang pag-init ng mga mata ko. Umagang-umaga ay kung ano-ano ang naiisip ko kaya heto na naman ako at naiiyak na lamang bigla. Hindi tama ito, tama na ang nagawa kong iyak kahapon. Tama na muna ang masakit na bagay na nasumbat sa akin ni Liam. "You have maid naman pala rito, babe. Nakahihiya baka narinig niya tayo kagabi..." doon nawala ng tuluyan ang mga bagay na tumatakbo sa isipan ko kanina lang. Magandang babae ang bumungad sa akin nang makarating ako sa hapag kainan, doon muling nanikip ang dibdib ko dala ng pagkabigla nang makita kong nakayap patalikod sa kanya ang asawa ko. Kasalukuyang naghihiwa ng gulay ang babae, base sa mga gamit sa lamesa ay malamang magluluto ito. Gawa ng sinabi ng babae kay Liam ay doon siya nahinto sa ginagawa at napatingin sa akin ang mga mata. Ang kaninang nakangiti niyang labi habang nakatingin sa ginagawang paghiwa ng kayakap na babae ay napalitan agad ng pagka-blangko dahil lamang ako na ang nakikita niya. Bumitaw siya sa babae at mas lalo pang lumamig ang tingin na ibinibigay sa akin, habang ako naman ay tila ba hindi alam ang gagawin sa mga sandaling ito. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman ngayon. Hindi ko alam kung paiiralin ko ba ang pagiging asawa niya o ang pagiging katulong niya sa bahay na ‘to? Sobrang sakit, ngunit hindi ko kayang mailabas ang tunay kong nararamdaman ngayon. Natatakot ako sa maraming bagay na posibleng mangyari sa relasyon namin ni Liam kapag naglabas ako ng saloobin ngayon. "Glad you're awake. Ikaw na ang tumapos ng ginagawa ni Gwen, babalik na lang kami kapag tapos ka nang maghanda ng almusal." may awtoridad na wika ni Liam sa akin. Sa hindi malamang dahilan ay mabilis akong tumango sa kaniya at bahagya pang yumuko para lang maitago ang pamamasa ng mga mata ko. Narinig ko pang may sinabi ang babaeng kasama niya subalit hindi ko na nagawang intindihin ito dahil mas nakatuon ang atensyon ko ngayon sa pagpigil ng paghikbi ko. Nang makaalis sila sa hapag ay natanaw kong nagtungo sila sa sala at doon naupo habang nakaharap sa nakabukas na telebisyon. Dahil sa muling pagkawasak ng dibdib ko gawa ng sakit na hindi ko mapigilan ngayon ay naramdaman ko na ang pagtulo ng mga luha ko habang inililigpit ang lahat ng nakalagay sa hapag kainan at inilipat iyon sa kusina. Patuloy lang ang pagluha ko habang naghihiwa ng mga sangkap sa putahe na hindi ko alam kung ano, hindi ko magawang gisingin ang sarili ko sa matinding kirot sa dibdib dahil sa eksena na nangyayari ngayon. Nakangiti si Liam kanina, ang maganda niyang ngiti ay muli kong nasilayan. Nakangiti siya ngunit hindi para sa akin kundi para sa iba. Masakit, sobrang sakit na hindi ko na maipaliwanag pa. Nagseselos ako— nilalamon ako ng inggit sa babaeng kasama ni Liam— pero hindi ko alam kung may karapatan ba akong maramdaman ‘yon sa mga sandaling ito. Muli ay hindi ko na naman alam kung saan ako lulugar. Sa lahat ng bagay na napagtanto ko kanina ay lahat ng iyon ay nawala kaagad sa akin. Ang kaninang pangakong ginawa ko sa sarili na pipilitin nang tanggapin na lang ang kasalukuyang relasyon na mayroon kaming dalawa ay naglaho na sa isipan ko. Sa sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon dahil kita ko sa mga mata ni Liam ang saya niya sa babaeng kasama ay parang unti-unting dinudurog ang puso ko. Paano ko magagawang itigil ang pagmamahal ko kay Liam, kung sa bawat oras na makita ko siyang masaya sa iba ay nawawalan ng sariling kulay ang puso ko? Kahit pilitin kong bitawan ang pagmamahal ko kay Liam ay masasaktan lang ng todo ang puso ko. Sa lahat ng pagpipilian ko para sa relasyon naming dalawa ay parehas lang ako na masasaktan sa dulo. Wala na ba talaga akong karapatan sumaya sa buhay ko? Kung sino pa ang bumuo sa akin noon— Kung sino pang nagbigay ng kaayusan sa buhay ko noon ay siya pa ang muling nangwawasak nito ngayon. Bakit ba kasi nangyari sa akin ang lahat ng ito? Parang halos lahat na ata ng pwedeng maranasan ng isang tao ay napunta na sa akin… Para na akong naliligaw sa sarili kong buhay. Ayokong sumuko, subalit ayoko na ring maramdaman pa ang lahat ng masasakit na nangyayari sa akin araw-araw. "Should I thank you?" mataray na tanong ng babae nang maihanda ko na sa hapag ang mga niluto ko para sa kanilang dalawa. Inabot ako ng kalahating oras sa pagluluto, nagpapasalamat na lang ako na nagawa ko pa rin na maayos silang maipaghanda ng almusal kahit hirap na hirap na ang sistema kong indahin ang nararamdaman kong sakit dala ng ginagawa ni Liam sa puso ko. Hindi ako sumagot sa babae dahil aminado akong inis lamang ang nararamdaman ko sa kaniya. Gustuhin ko mang isampal sa kaniya ang katotohanan na ako ang asawa ng lalakeng nilalandi niya ay wala akong magawa. Maliban sa hindi ako palaban na babae ay alam kong hindi ako ang kakampihan ng asawa ko kung sakali na mangyari ang bagay na iyon. Mas magmumukha lang akong tanga kapag nakipagtalo pa ako sa isa sa mga kabet ng asawa ko. Tama! Kabet lang sila at ako ang totoong asawa ni Liam, kaya kahit anong gawin niyang pagtataray sa akin ay kabet pa rin siya sa mga mata ko. Nang maayos ko na ang lahat sa hapag ay hindi ko na hinintay magsalita si Liam at naglakad na lang paalis. Naisipan kong magtungo sa bakuran namin kung nasaan si Lily. Sa buong bahay namin ay itong bakuran lamang ang tanging safe space ko, narito kasi si Lily para pagaanin ang mood ko at para na rin pasayahin ako kahit papaano. Hindi ko kayang manatili sa isang bubong kasama ang babaeng ‘yon, sobrang sakit ng naidudulot nito sa akin ngayon. Umagang-umaga ngunit sira na ang araw ko, kaya para umayos ang nararamdaman ko ay pinakawalan ko na lang si Lily sa kulungan niya at hinayaan ko siyang maglaro sa malawak naming bakuran. Malaya siyang tumatakbo at malayang ginagawa ang gusto niya, malayong-malayo sa buhay ko ngayon. Buti pa si Lily ay nakalalaya, habang ako ay walang kalayaan sa masaklap kong buhay. Gusto kong magalit sa lahat pero wala akong sapat na lakas ng loob gawin iyon. Natatakot ako sa maaaring idulot sa akin ng matinding galit at poot sa lahat ng tao na sumira sa buhay ko mula pa man noon. Kung hindi sa kanilang lahat ay hindi kami masisira ng ganito ni Liam… Hindi sana ako aabot sa puntong nasasaktan makitang masaya sa iba ang best friend ko. Bakit kasi sa iba pa siya sumasaya? Bakit hindi na lang ulit sa akin? "Arf, Arf!" agad akong napangiti nang mabilis akong nilapitan ni Lily at dinilaan ang mga luhang nailabas na naman ng aking mga mata. Nagpapasalamat na lang talaga ako na may isang bagay pang natira sa akin para pagaanin ang loob ko na walang iba kundi ang cute kong alaga— Siyempre, si Lily! "Gusto mo maligo, Lily?" tanong ko kay Lily. 7:15 pa lang kaya masyado pang malamig para magpaligo ng aso, pero dahil mukhang gusto ni Lily maligo ay kakailanganin kong magpainit ng tubig para sa kanya. Nang muli kong maramdaman ang dila ni Lily sa mukha ko ay malungkot akong napangiti, mabilis pa sa kurap nanumbalik sa aking memorya ang masaya naming nakaraan ni Liam kasama si Lily noon. Nakakamiss. [Flashback...] "Ano ba!" gulat kong singhal nang mabasa ang damit na suot ko. Kasalukuyan kaming nasa bakuran ng mansyon nila Liam habang pinapaliguan niya ang alaga naming aso na si Lily. "Maligo ka na rin daw, Elly ko!" tumatawang banggit ni Liam habang patuloy niyang tinututok sa akin ang hose ng tubig na hawak niya. Dahil doon ay nakangiti ko siyang inirapan at tumakbo sa gilid para kuhanin ang timbang naglalaman din ng tubig para magantihan siya. "Isa! Kapag hindi mo binitawan yang hawak mo, hahalikan kita!" pagbabanta niya sa akin kaya natawa lang ako habang patuloy siyang binabasa gamit ang tabo na hawak ko. Hahalikan niya raw ako, e. HAHA. "Sige nga!" pabiro kong hamon sa kanya at inilapit pa ang nguso ko para lalo siyang asarin. "Joke lang! Bawal pa ngayon..." sagot niya at pinatay na ang hose para ikulong ako sa yakap niya. Muli ay naramdaman ko ang pagpula ng aking pisngi dahil sa ginawa niyang ‘yon. Hindi ko maipaliwanag ang saya na naidudulot sa akin ng mainit niyang yakap sa mga oras na ‘to. Para bang yakapin niya lang ako ay magagawa niya nang maayos ang lahat ng komplikadong bagay sa magulo kong buhay ngayon. Gano’n ang dulot sa akin ni Liam, kaya masaya akong kaibigan ko siya na laging narito para sa akin. "Hahalikan lang kita kapag sinagot mo na ako..." rinig kong dagdag niya kaya napatigil ako dahil sa gulat. "H-hindi ka naman n-nanliligaw, e?" namumula kong sagot dala ng kahihiyan. Hindi ko alam kung bakit ko sinabi iyon, pero huli na para bawiin— Lumabas na lang sa bibig ko. Kinikilig ako na hindi maintindihan, para bang may kung anong kuryente ang nagsimulang dumaloy sa aming dalawa ng maingat niyang hawakan ang pisngi ko. "Gusto mo ba na manligaw ako sa’yo, Elly ko?" nakangiti niyang tanong kaya natawa ako dahil nakikita kong inaasar niya lang ako ngayon. Subalit nang maramdaman ko ang paghalik niya sa noo ko ay nanumbalik sa aking sistema ang kilig na nadarama… Seryoso nga siya? "Sa tamang panahon ay liligawan kita, Elly ko… Kapag alam kong handa ka nang mahalin ako ng buo na walang pag-aalinlangan ay liligawan na kita." mahina lang ang boses niya nang sabihin iyon ngunit sapat na para marinig ko. Gusto ko mang sabihin sa kaniya ngayon na mahal ko rin siya gaya ng sinasabi niya ay hindi ko na tinuloy. Alam kong darating din kami sa puntong iyon, sa ngayon ay masaya na ako na magkaibigan kaming dalawa. Alam ko namang kapag tinadhana talaga kami ay hindi na namin kailangan pang madaliin ang isa't isa at hahayaan na lamang ang panahon ang siyang magdala sa amin sa dulo— sa happy ending na kung tawagin ng iba. Ngayon ay sapat na sa akin na kasama ko siya, sabay kaming gumagawa ng magagandang alaala para sa isa't isa na maaari naming balikan sa hinaharap. "Pinapakilig na naman niya ako." bulong ko sa aking sarili nang maramdaman ko ang paghawak niya sa mga kamay ko. Napakaswerte ko talaga… Napakaguwapo na nga ng bestfriend ko ay napaka-sweet pa! Siguradong swerte ang magiging asawa nito sa hinaharap... At sana– sana lang talaga ay ako ang babaeng tinutukoy ko ngayon. "Narinig ko 'yon! Hahahaha!" tawa niyang banggit kaya agad kong nabitawan ang kamay niya gawa ng kahihiyan. Namula na parang kamatis ang buo kong mukha habang naririnig ang walang hangganan niyang pagtawa. Nakahihiya! Baka isipin niya na patay na patay ako sa kaniya dahil pinapakilig niya ako palagi— totoo naman, pero nakahihiya pa rin, no! [End of Flashback] Mabilis kong pinunasan ang mga luhang ewan ko ba at hindi na maubos-ubos pa sa aking mata. Dahil sa mga malulungkot na alaalang bumalik sa akin ay nginitian ko na lang si Lily na nakaupo lang sa harapan ko habang pinagmamasdan ako. Agad ko siyang tinayo at niyakap ng mahigpit. Sa kaniya ko lang nabubuhos ang lahat ng nararamdaman kong pagmamahal sa amo niya, kaya masaya ako na yakap ko siya ngayon… Kahit papaano ay naiibsan niya ang kalungkutan ko. Ang tanging hiling ko lang naman sa bawat araw ay sana sa hinaharap ay muli kong makikita ang magandang ngiti ni Liam para sa akin. Sana dumating ulit ‘yung araw na hindi na ako matatakot ipakita ang pagmamahal ko para sa kaniya— Ang araw kung saan malaya na akong sabihin kay Liam ang tunay kong nararamdaman sa kaniya. At sana dumating na rin ang araw na makalaya ako sa nakaraan na sumira ng lubos sa buhay ko ngayon— Sa buhay namin ngayon ni Liam. Kahit 'yon lang ang dumating ay magiging masaya na ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD