Simula
ELLY
Isang napakaganda na namang umaga ang bumungad sa akin ngayon. Masasabi kong maganda ang umagang ito, pero hindi para sa katulad ko. Mabilis ang ginawa kong pagbangon sa kamang tinutulugan ko at mabilisan lamang itong inayos para makababa na ako sa kusina namin. Thirty minutes na lang kasi bago magising ang asawa ko at kailangan na nito ng masarap na almusal para hindi siya pumasok sa opisina ng gutom.
Ako nga pala si Elly Laine Carter, 23 years old. Maaga akong naikasal sa lalaking pinakamamahal ko na walang iba kundi ang best friend kong si Liam. Pero mukhang hindi ganito ang inaasahan kong magiging buhay naming dalawa noon kapag dumating na nga ang araw na mag-isang dibdib kami. Hindi kagaya sa ibang buhay mag-asawa ay hindi naging maganda ang takbo ng relasyon naming dalawa hanggang ngayon, sobrang daming nangyari sa nagdaang taon mula nang maikasal kami.
Sa sobrang daming masasamang pangyayari sa nakaraan ko ay ayoko nang balikan pa ang mga iyon. Maliban kasi sa traumang epekto ng mga iyon sa akin ay dahil din doon, malabo ko na rin makitang manumbalik ang Liam na kilala ko dati. "He became completely heartless" ika nga nila.
Hindi naman niya ako sinasaktan ng pisikal, ngunit tila ba mas masakit pa sa sugat at mga pasa ang sakit na nadarama ko sa bawat araw na kasama ko siya. Mas masakit pala talaga sa pakiramdam na tila ba hangin ka na lang sa lalaking pinaka-nagmamahal sa’yo noon. Ngayon kasi ay ako na lamang ang nanatiling nagmamahal sa aming dalawa… hindi ko alam kung ano pa ang dapat kong gawin para bumalik kami sa dati.
Ang saya lamang balikan ang mga panahon na best friend pa ang turingan namin sa isa't isa. Matanda siya sa akin ng apat na taon kaya siya ang nagpoprotekta sa akin laban sa lahat ng mga tao sa paligid ko, maging sa mga magulang ko.
Ampon lang kasi ako, subalit siyempre ay walang may alam ng bagay na iyon bukod sa pamilya ko. Iyon siguro ang dahilan kaya una pa lang ay masama na ang trato nila sa akin na tila ba hindi ako kailan man naging parte ng pamilya nila. At ang mas masakit pa roon, nagawa pa nila akong ipangbayad utang sa pamilya ni Liam, ang mga Carter. Umutang sila ng malaking halaga para sa luho nilang tatlo, pero nang bayaran na ay wala silang naipon noon kaya nakipagkasundo sila Mama sa mga magulang ni Liam.
Mabait sina Ma'am Kendall at Sir Harold sa akin dahil ako ang best friend ng anak nila, ngunit lingid sa kaalaman nila na noong maipagkasundo nila ako kay Liam para sa isang kasal ay sira na ang relasyon naming dalawa bilang magkaibigan. Masyadong malalim ang dahilan ng pagkasira naming dalawa sa isa't isa, sa sobrang sakit na naidulot sa akin ng araw na iyon ay hindi ko na kayang balikan pa ang alin doon.
"L-liam?" utal kong banggit sa pangalan niya nang makita ko siyang nakaupo na sa upuan sa hapag kainan. Walang pagkain sa lamesa, subalit may tasa na ro’n ng kape. Maging ang laptop na kaniyang ginagamit sa trabaho ay naroon na rin sa kaniyang harapan. Hindi siya tumugon sa pagtawag ko kaya tipid na lamang akong ngumiti kahit sarili ko lamang ang may alam niyon.
Sanay na dapat ako sa ganitong cold treatment niya sa akin. Pero ewan ko ba sa aking sarili at patuloy pa rin ako umaasa at iniimahe ang mga bagay na sobrang labo na ngayon. Sabi nga ng iba ay sanayan na lang talaga sa sakit, ngunit sa akin kasi ay hindi ko pa rin talaga maiwasang masaktan sa ganitong set-up naming dalawa.
Kilala ko kasi si Liam, e. Matagal ko siyang naging best friend, kaya kahit sobrang dami ng rason para tanggapin na wala na itong pag-asa ay narito pa rin ako sa kaniya. Kahit umuuwi siya ng late sa gabi at kakain lang sa umaga’t aalis na ulit ay ayos lang. Kahit kung minsan ay hindi siya umuuwi ng ilang araw at pagbalik ay may kasama na siyang ibang babaeng kalandian niya ay narito pa rin ako.
Isang malaking tanga nga ako katulad ng mga nababasa ko sa mga libro, subalit ano bang magagawa ko? Si Liam na lang ang mayroon ako.
Kaya kahit alam kong hindi normal ang lahat ng ginagawang pagtrato sa akin ni Liam bilang asawa niya ako, tinitiis ko. Ang lantarang pambababae niya na dinadala pa rito sa bahay kung nasaan ang legal niyang asawa na walang iba kundi ako, pinipilit kong sikmurain. Para lang manatili siya sa akin ay kailangan kong maging matibay. Wala akong kayang gawin para pigilan siya, para ipaglaban ang karapatan ko sa kaniya bilang asawa niya. Nasubukan ko nang sabihin sa kaniya ‘yon noon, ngunit nauwi lang iyon sa matagalan na pag-aaway na ayoko nang maulit pa. Doon ko narinig mula sa kaniya ang masasakit na salita na hindi ko kailanman naisip na maririnig ko mula mismo sa kaniyang bibig…
Sinabihan niya ako noong malandi, wala raw akong pinagkaiba sa mga babae niya kaya wala akong karapatan mangialam sa buhay niya. Mula nang masira kaming dalawa ay mababang babae na ang tingin niya sa akin. Hindi ko siya masisisi kung iisipin niyang malandi ako dahil sa nakaraan ko. Pero… hindi naman talaga ako malandi, at alam kong alam niya iyon sa sarili niya. Sadyang nangangamba pa rin siya at hindi ako kayang pagkatiwalaan.
Kilala niya ako, kilala niyang hindi ko magagawang lumandi sa iba. Ngunit dala ng kakulangan ng tiwala sa akin na kaibigan niya, ay mali ang tumatak sa kaniyang isipan. Gusto ko man ipaliwanag ang totoo, subalit natatakot ako na mas kampihan pa niya ang mga kaibigan niya kaysa sa akin—ayoko na alalahanin pa ito. Hindi ko pa kaya.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kayang balikan ang araw na iyon, kahit dalawang taon na ang nagdaan ay sariwang-sariwa pa rin sa akin ang trauma, ang sakit, at ang takot na naramdaman ko ng araw na iyon sa aking buhay.
"Tatayo ka lang ba riyan o bibili na lang ako ng pagkain sa labas? You're late. Anong oras na at wala pa ring pagkain sa lamesa, Elly." mabilis akong napakurap sa pagkatulala sa kanya nang marinig ko ang sarkastikong tono ng kaniyang boses. Doon na siya humarap sa akin kaya awtomatiko akong nataranta at agad napatango sa kaniya bilang sagot.
Dali-dali na akong tumungo sa kusina ng aming bahay at sinuot na ang apron ko bago magsimulang magluto ng agahan niya. Akala ko pa man din ay maaga na akong nagising ngayon, nakita ko ang orasan sa kusina at doon lang napagtantong 7:45 na ang oras ngayon. Wala nang isang oras bago ang oras ng pasok niya sa opisina. Dahil sa katangahan ko sa pag-gising ngayon ay kailangan ko nang magmadali para hindi siya mahuli sa trabaho at para na rin hindi na siya magalit sa akin ngayong araw.
Nang matapos ko ang pagpiprito ng itlog at hotdog ay agad ko nang itinoast ang mga tinapay at hinanda ang isa pang tasa ng kape kung sa kaling gusto niya pa ulit uminom ng kape. Panigurado naman kasi na maghahanap pa siya ng kape kahit alam kong may kape na siya sa lamesa ngayon, ito kaya ang favorite niya. At saka, gusto ko lang makasigurado sa lahat ng ihahanda ko ngayon dahil ayokong may masabi na naman siya sa akin na mali.
Inabot ako ng halos twenty minutes sa paghahanda at wala na rin akong sinayang pang oras at kumilos na para maayos ko na ang hapag. Nang dumating ako sa lamesa ay iniligpit niya na ang kaniyang laptop at saglit nagtungo sa itaas para ilagay ito sa silid niya. Nang siya naman ay makabalik na ay doon na sumilay sa labi ko ang matamis muling ngiti katulad kanina. Natapos ko na kasi ang lahat ng dapat kong gawin sa umaga, kaya hindi ko napigilan maging proud sa aking sarili at ipakita iyon sa kaniya.
Pero siyempre, gaya ng dati ay hindi niya pinansin ang ngiti ko at dumiretso lang sa kaniyang upuan dito sa lamesa.
Nang makaupo na siya ay naupo na rin ako sa upuan ko para sana kumain, ngunit isang pagbagsak ng tinidor at kutsara ang agad kong narinig matapos nun. Doon ko napagtanto na hindi nga pala ako sumasabay sa kaniya sa pagkain, dahil doon ay binatukan ko ang sarili ko sa loob-loob ng aking isipan.
Sa isang taon naming kasal na ganito ang set-up ay hindi ko maintindihan kung bakit ang simpleng bagay lang gaya nito ay hindi ko magawang masunod at matandaan. Malamang ay inis na naman ito sa akin ngayon dahil sa katangahan kong ito.
"Ginag*go mo ba talaga ako? Tanga ka ba talaga para hindi mo maintindihan na ayokong makasabay ka sa hapag?" mababakas sa kaniyang mukha ang galit nang banggitin iyon sa akin. Dahil sa naramdamang lungkot dahil sa sinabi niya ay napapikit na lang ako para pigilan ang mga luha ko, nakalimutan ko rin atang sabihin na iyakin nga pala akong tao. Kaya itong pagtaas ng boses niya ay nagbabadya na kaagad ang mga luha ko.
"I just lost my appetite--"
"N-naku! Huwag, Liam. A-ang ibig kong sabihin—sorry. Aalis na lang muna ako para maglinis sa itaas. Babalik na lang ako pagkatapos mo kumain, pasensya ka na talaga, Liam. Hindi na mauulit." taranta kong putol sa kaniyang sinasabi. Alam kong hindi na siya kakain ng hinanda ko kapag hinayaan ko siyang umalis ngayon dahil sa pagkakamali kong ‘to.
Ayokong magutom ito ng dahil lang sa katangahan ko ngayong umaga, kaya hindi ko na siya hinintay makasagot sa sinabi ko at tumakbo na lang agad paakyat sa hagdan namin. Maglilinis na lang muna ako habang kumakain siya. Hindi ko alam kung bakit pero ayokong madisappoint ko siyang muli. Kahit sa maliit na bagay lang ay ayokong madisappoint siya sa akin, kaya kahit nasasaktan ako sa pagtrato niya sa akin ng ganito ay pinipilit ko pa ring maging best para sa kaniya.
Ganito lang siguro kapag totoong nagmamahal…
Nang makarating ako sa kwarto niya ay agad kong dinampot ang mga kalat sa sahig. Mapa-papel man, damit na hindi pa niya nasusuot, maging ang mga bote ng alak na hindi niya man lang maitapon sa tamang tapunan, at ang pinakamasakit sa lahat ng kalat niya rito sa kwarto... ay maging ang gamit niyang c*ndom ay pinulot ko rin para itapon sa basurahang hawak ko.
Ilang buwan na ba nang magsimula siyang magdala ng babae rito sa bahay? Halos tatlong buwan pa lang matapos naming maikasal ay lantaran na siya kung magdala ng babae rito sa amin. Sanay na rin ako maglinis ng kalat nila ng mga babae niya, alam kong masakit ang bagay na iyon para sa akin.
Ako na legal niyang asawa ang nagiging katulong niya tuwing may inuuwi siya rito. Matinding selos ang nararamdaman ko, pero gaya nga ng sinabi ko kanina ay wala akong ibang magawa kundi mag sa walang kibo na lamang at manahimik sa isang tabi. Kapag wala na sila ng babae niya ay doon na bumabawi sa akin ang lahat ng sakit na nararamdaman ng puso ko, doon na bumubuhos ng matindi ang mga luha ko.
Naaalala ko pa noong unang beses kong makakita ng gamit na c*ndom dito sa kwarto niya, sobra ang pag-iyak ko ng mga oras na iyon. Pinapagaan ko na lang ang loob ko at pilit itinatatak sa kukute ko na... at least may suot siyang proteksyon kaya hindi ako natatakot na mabalitaan na lamang na may nabuntis na siya sa mga babae niya. Sa sobrang hina kong tao ay 'yon na lamang ang pinapanghawakan ko sa tuwing nakikita ko ang mga kalat nila.
Gusto kong magalit, magalit kasi pinaparamdam niya sa akin kung gaano ako ka walang halaga sa buhay niya. Tila ba isang walang kwentang bagay lamang ang kasal naming dalawa sa kaniya, at ni hindi niya na rin ako magawang makausap ng matino mula nang maikasal kami sa isa't isa.
Hindi niya siguro matanggap na ang ex-best friend niya na ilang buwan niyang iniwasan ay sa isang iglap ay maikakasal na lang sa kaniya biglaan. Maging ako ay nagulat nang sabihin sa akin ni Ma'am Kendall ang tungkol sa kasal namin noon, ngunit wala akong pagtututol na nagawa dahil magagalit sa akin si Mama at Papa kapag hindi ako sumang-ayon sa gusto ng mga magulang ni Liam.
Kahit parang tuta lamang ako sa lahat ng tao ay pinilit kong mag-move on sa lahat ng bagay na iyo para lamang patunayan muli ang sarili ko sa best friend ko, na ngayon ay asawa ko na. Gusto kong itama ang lahat ng maling tingin niya sa akin, gusto kong sabihin sa kaniya ang totoo. Subalit dala ng takot sa nakaraan ay tila ba nawalan na ako ng kakayahang sabihin ang lahat sa kaniya.
Gusto ko na lang na dumating ang araw na siya na mismo ang lumapit sa akin at hilingin ang katotohanan sa nakaraan naming dalawa. Gusto ko nang dumating ang araw na handa niya na akong pakinggan magpaliwanag. Ang araw kung saan mararamdaman ko na ulit ang proteksyon niya gaya lamang ng dati noong ako pa ang pinakamamahal niyang babae sa mundo.
Daraating pa kaya ang araw na iyon? Hindi ko rin alam ang sagot. Pero sana… oo.
Sa bawat araw kasi na lumilipas na ganito ang nangyayari sa aming dalawa ay unti-unti nang nawawala ang tiyansa ko sa kaniya. Nahihirapan ako, hindi ko alam kung saan ba dapat ako lumugar sa buhay nya. Bawal akong masaktan kahit sobrang sakit na. Bawal ko siyang pilitin na magustuhan muli ako at tanggapin sa buhay niya, dahil siyempre mahirap at imposible namang mapilit mo ang damdamin ng isang tao para sa'yo. Kaya kahit lumalabo na ang lahat ay tinitiis ko pa rin dahil mahal ko sya, simula noong una ay mahal ko na siya at masyado na itong malalim para mapigilan ko pa.
"You can leave." nabitawan ko agad ang hawak kong walis nang magulat ako sa bigla niyang salita sa likuran ko. Nakita kong nakatayo siya sa pintuan ng kaniyang kuwarto habang blangko pa rin ang ekspresyon ng mukha niya sa akin.
"M-mahuhuli ka na sa pasok mo sa opis—"
"It's my day off. Stupid." blangko niyang putol sa sinasabi ko. Mahina man ang huli niyang sinabi ay nagawa ko pa ring marinig iyon. Nagdala lamang sa akin ng matinding pagbigat ng dibdib ang sinabi niyang iyon kaya ako ay napayuko na lamang.
Oo at wala akong natapos sa pag-aaral, ngunit hindi naman ako bobo. Kaya sana hindi niya na lang sinabi sa akin ang bagay na iyon ngayon lang.
"P-pasensya ka na. Pero hindi pa ako tapos sa paglilinis dito sa kwarto mo—" muli ay hindi ko nagawang matapos ang sinasabi ko nang galit niyang hinampas ang pintuan niya na nagsanhi ng malakas na tunog nito sa buong kuwarto.
"I said, Leave!" dahil doon ay matinding kaba ang rumehistro sa aking dibdib. Agad siyang lumapit sa akin at inagaw ang basurahan na hawak ko pa rin. Itinapon niya iyon sa kung saan, matapos nun ay kaagad niyang hinablot ang kamay ko at kinaladkad ako palabas ng kaniyang kwarto.
"Don't ever clean up my mess again. And I don't want to see you cry in front of me ever again, understand? You deserve all of this after all, Elly. So, get lost!" hindi na blanko ang nakikita ko sa mukha niya ngayon. Matinding poot, inis, at galit na ngayon ang mababakas sa kaniyang mukha. Nang maisalpak niya ang pinto ng kuwarto upang ito ay magsara ay doon ko lang napagtanto na umiiyak na nga ako. Dala ng halo-halong emosyon sa sistema ko ay hindi ko na naramdaman ang pagluhang ginagawa ng mga mata ko.
Sobrang sakit. Sobrang sakit kasi alam kong mali ang ginagawa kong pagtitiis sa kaniya, pero narito pa rin ako. Alam kong kaya lamang siya ganito sa akin dahil tingin niya ay madumi akong babae, kaya habang hindi niya pa alam ang totoong nangyari nang araw na iyon ay patuloy pa akong aasa sa kaniya. Alam kong maiintindihan niya rin ako, at alam kong sa oras na malaman niya ang totoo ay maaayos din ang lahat sa buhay naming dalawa. Kaya hindi ako susuko.
Sa ngayon, kailangan ko lang humanap ng paraan para masabi sa kaniya ang lahat. Kailangan ko ng ebidensya para paniwalaan niya ako, ngunit paano kung ang ebedinsyang mayroon ako ay imposible ko nang makuha at magamit? Paano kung ang ebidensya na natatanging mayroon ako ay ang pamilya ko lang at ang mga… kaibigan ni Liam?
Ang hirap naman... nasasaktan ako.
"Arf, arf!" doon lang ako natauhan nang marinig ko ang malakas na tahol ng aso namin ni Liam. Si Lily. Ngayon ko lang napagtanto na dinala pala ako ng mga paa ko sa likod bahay namin, dito nakalagay ang kulungan ni Lily na ngayon ay nagwawala na nang makita ako. Dahil sa kacute-tan niya ay napangiti na lang ako habang lumuluha pa rin ang mga mata. Agad akong lumapit dito at pinakawalan siya sa kulungan niya para mabigyan ng isang mahigpit na yakap.
Dahil sa ginagawa niyang pagdila sa mukha ko ay natawa na lang ako rito, ngunit lalo lamang naiyak nang muling magsibalikan sa akin ang masasayang ala-ala namin ni Liam kasama si Lily noon. Masaya talaga kami noon, kaya hindi ako makapaniwala na lahat ng iyon ay nasayang. Nasayang dahil sa kahayupang ginawa sa akin ng mga kaibigan ni Liam noon. Kasabay ng pagkasira ng pagkakaibigan namin ni Liam ay nasira rin ang pagkatao ko.
Hindi ko na nga alam kung maibabalik ko pa ang lahat ng iyon sa akin ngayon.
Kung sana ay pwede ko na lang ulitin ang lahat sa buhay ko ay malamang ginawa ko na. Kung sana ay kaya kong ibalik ang lahat ng oras ay sisiguraduhin kong babaguhin ko ang lahat ng nangyari sa aming dalawa ng kaibigan ko. Kung pwede lang sana... ngunit sino bang niloko ko? Kahit anong gawin ko ay hindi ko na mababago ang nakaraan, kaya mas mabuting itama ko na lang ang lahat ng iyon ngayon.
"Arf! Arf!" muling tahol ni Lily na tila ba sinang-ayunan ako. Muli na lang akong ngumiti at pinunasan na lang ang mga luha na hinaluan pa ng laway ng alaga kong aso. Siguradong namimiss na rin ni Lily si Liam, si Liam na best friend ko—hindi 'yung Liam na asawa ko ngayon.
Namimiss ko na talaga siya. Sana mahinto na ang lahat ng sakit na nararamdaman ko at sumaya na lamang ako sa buhay ko kailan man. Bakit pa kasi ako ipinanganak sa mundo kung puro paghihirap lang din naman ang darating sa akin? Si Liam na nga lang ang kaligayahan at pinaghuhugutan ko noon ng lakas… nawala pa sa akin.
Masama ba talaga ang mundo? O baka may mali lang talaga sa akin kaya ako nagkaganito?