Always You (Valencia Series #1)
by larajeszz
Chapter 2
“Ikakasal?!” Hindi ko na napigilang sumigaw.
Napahilot ako sa sentido ko. Dumagdag pa siya sa mga isipin ko! Ilang araw na nga akong namomroblema rito sa pag-iisip ng ireregalo ko sa birthday ng crush ko tapos mababalitaan ko pa ito?!
“Oo, ikakasal. Hindi niya ba nasabi sa ‘yo ‘to?” sagot ng pinsan kong si Kyle mula sa kabilang linya. “Nakakaloka ‘yang mother nature mo, ‘te. Nambibigla ba naman!”
“Kylie girl, ni hindi ko nga alam na may boyfriend pala si Mama!”
“Kalma ka lang, ‘te. Huwag mo akong sigawan, baka umiyak ako!”
Inis akong napatayo sa harapan ng study table ko at naglakad-lakad sa buong kuwarto ko. Paano ko sasabihin kay Papa na magkakaroon na ng bagong asawa ‘yong asawa niya?! Namalayan ko na lang na nakakagat ko na naman pala ang mga kuko ko sa daliri dahil sa sobrang stress.
“Ano ba naman ang pumasok sa isipan niyang nanay ko?” Ibinagsak ko ang sarili ko sa kama. “Nasa bahay ka ba? P’wede ko ba siyang makausap?”
“Uh… Kadarating niya lang kasama ‘yong…” Narinig ko ang pag-aalinlangan ng pinsan ko sa kabilang linya. “Ate Konnie, ito nga pala si Ivan. Fiancé ko!”
Tahimik akong napamura nang marinig ko ang boses ng nanay ko mula sa kabilang linya.
“Ate Ky-”
Sa sobrang inis ay ibinaba ko na agad ang tawag. Ano ba’ng akala ng nanay ko? Na dalaga pa siya?
“Ano ba ‘yang pinapasok mo, Karylle?” tanging nasabi ko habang nakatitig sa kisame.
Ibinaon ko ang mukha ko sa unan dahil hindi ko alam kung paano sasabihin sa tatay ko ang binabalak ng nanay kong pagpapakasal. At ang mas nakakasama pa ng loob ay hindi niya ‘yon sinabi sa akin! Sa iba ko pa nalaman! Akala niya ba ay matutuwa ako kapag sinurprise niya ako?!
Kahit pa dalawang taon nang naghiwalay sina Mama at Papa ay umaasa pa rin ang tatay ko na magbabalikan silang dalawa. Nagtrabaho siya para mabili ‘tong bahay namin sa isang sikat na subdivision na halos katapat lang ng bahay ng best friend kong si Timothy.
Magkaibigan ang mga tatay namin ni Timothy, parehas silang Civil Engineer. Si Tito Theo Valencia ay boss ni Papa sa trabaho. No’ng maliit pa ako ay isinasama ako ni Papa sa trabaho niya, doon kami unang nagkakilala ni Tim. Walang mag-aalaga sa akin noon dahil abala si Mama sa mga gawain niyang hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano. Pero nakakaroon na ako ng ideya. Baka noon pa lang talaga ang abala na siya sa mga lalaki niya. Hindi ko maintindihan si Papa kung bakit ba gusto niya pang makipagbalikan sa nanay ko. Ayos lang naman sa ‘kin kahit kaming dalawa lang.
Napabangon ako nang makarinig ng katok. “Pasok, Pa.”
Sumilip muna si Papa bago tuluyang pumasok sa kuwarto ko. May dala na naman siyang buko pie. Palagi niya na lang akong dinadalhan ng meryenda.
“Pa, malaki na ako. Hindi mo na ako kailangang dalhan ng buko pie.”
Tumawa lang siya. “Hayaan mo na. Kapag nag-asawa ka na ay hindi ko na ‘to magagawa.”
Napairap na lang ako. “Wala naman po akong boyfriend.”
He looked at me suspiciously. “Kapag kinasal kayo ni Timothy ay-”
Tinakpan ko ang mga tainga ko. “Pa! Kadiri!”
Humalakhak naman siya dahil alam niyang nandidiri ako kapag inaasar niya kaming dalawa ni Timothy. Halos kapatid na ang turing ko ro’n! Pero siya lang ang tinuturing kong kapatid dahil crush ko ang dalawang kuya niya. Lalo na si Theon!
“Kumain ka na.” At ‘yon nga ang ginawa ko.
Pakiramdam ko palagi ay para akong bata sa t’wing dinadalhan niya ako nito sa kuwarto.
Kumuha ako sa plato ng isang slice at itinutok sa bibig niya. “Kumain ka rin, Pa. Hindi ko ‘to mauubos. Diet na ako.”
Nakita ko ang pagkamangha sa mga mata niya. “Kailan pa?”
“Last week lang. Kailangan ko nang alagaan ang katawan ko, hindi na po ako bumabata.”
Tahimik kaming kumain. Hindi ko siya magawang tingnan nang matagal dahil nasasaktan ako para sa kaniya. Hindi siya deserve ni Mama. Mabuti na nga lang din at hiwalay na sila, pero sana ay matutunan na rin ni Papa na bumitaw.
“Ikakasal na ang Mama mo?”
Muntik na akong mabulunan nang sabihin niya ‘yon. Sinuntok ko ang dibdib ko dahil sa sunod-sunod na pag-ubo habang si Papa naman ay pinalo-palo ang likod ko. Inabutan niya rin ako ng tubig.
Nang makabawi ay nanlalaki ang matang tiningnan ko siya. “Ba’t alam niyo?”
Bumuntong-hininga siya at ngumiti. “Paanong hindi ko malalaman, eh, isinigaw mo kanina?”
Napatakip ako ng bibig. Hindi ko na pala kailangang isipin kung paano ko sasabihin sa kaniya dahil narinig niya na pala. Very good ka, Kyrese!
Uminom ulit ako ng tubig. Parehas kaming nakaharap ngayon sa pader ng kwarto ko.
Tumikhim ako. “Kumusta ka, Pa?”
Lumingon siya sa ‘kin na may ngiti sa labi. “Maayos lang ako.”
Mahina ko siyang tinulak sa balikat. “Sure?” tanong ko na sunod-sunod niya namang tinanguan. “Bakit ba kasi gusto mo pa siyang balikan?”
Sinakop niya ang pagitan sa gitna namin at umakbay sa akin. “Gusto ko siyang balikan… hindi para sa ‘kin. Ayoko lang dumating ang araw na mahirapan ka. Na pakiramdam mo ay kailangan mong pumili sa aming dalawa-”
Napahinga ako ng malalim. “Pa, sa ‘yo naman ako sasama, eh. T’saka kung ako lang naman din pala ang dahilan kaya mo siya babalikan ay ‘wag na lang. Masaya na ako kahit tayong dalawa lang ang magkasama rito sa bahay.” Isinandal ko ang ulo ko sa balikat niya. Naipikit ko ang mga mata ko nang maramdaman ang paghaplos niya sa ulo ko.
“Tumatawag si Tim,” ani Papa.
Kunot-noo kong kinuha ang cellphone ko at sinagot ‘yon. Istorbo naman ‘tong isa. “Ano na naman?”
Narinig ko ang pagtawa ni Papa pero umirap lang ako. Mang-aasar na naman ‘yan mamaya!
“Come over. Laro tayo.”
“Ayaw ko nga.”
“Nasa bahay ngayon sina Kuya-”
Nanlaki ang mga mata ko. “Ayaw kong tumanggi. Teka lang, mag-aayos lang ako. Bye na!”
“Ge.”
Dali-dali akong tumayo at naghanap ng maisusuot sa cabinet ko pagkababa ko ng tawag.
“Madaling-madali, ah? May date kayo ni Tim?”
“May date kami ng mga kuya niya, Pa,” sagot ko habang patuloy pa rin sa paghahanap ng isusuot.
Narinig ko ang pagliligpit ni Papa sa mga pinagkainan namin. “Ikaw talagang bata ka. Bakit ba lumalayo ka pa gayong abot-kamay mo na?”
Hindi ko pinansin ang sinabi ni Papa at tiningnan lang sa salamin kung bagay ba sa ‘kin ‘yong pink scoop top ko at black maong shorts. Lumabas na si Papa sa kuwarto ko at nagsimula naman akong ayusan ang mukha ko pagkabihis. Powder at lip tint lang naman ang ginawa ko dahil nagtitipid ako ngayon.
Pagkababa ko ay nagpaalam ako kay Papa at tumawid na sa kabilang bahay. Hindi na ako nag-doorbell dahil wala naman sina Tita Fresia, ang mommy ng Valencia brothers. Sadyang mula pagkabata pa lamang ay takot na ako sa kaniya, pero thankful ako dahil dinala niya sa mundo ang dalawang pogi niyang anak at ang bunso niyang mabait.
Kumatok ako sa malaki nilang pintuan at makalipas ang tatlong segundo ay bumukas na ‘yon at bumungad sa ‘kin ang best friend kong sobrang gulo ng buhok at may suot na makapal na salamin.
“May bago ka na namang laro? Kaya na ang kapal-kapal niyang salamin mo, eh!” bungad ko sa kaniya. “Mukha ka nang video games!”
He smireked. “Pero pumunta ka pa rin naman.”
Umirap ako. “Mga kapatid mo ang ipinunta ko!”
Nilagpas ko ang tingin sa kaniya at nakita ko si Theon na nagla-laptop sa dining table nila. Salubong ang makakapal niyang kilay at magulo rin ang ayos ng buhok. Nakasuot din siya ng malaking headphones. Ang guwapo talaga! Impit akong napasigaw at hinampas si Timothy sa braso.
“Ouch!” pag-ilag niya. “Kunwari ka pa, ah? You could just tell me if you want to touch my biceps.” Ang kaninang kilig ay napalitan ng pandidiri. Pagbaling ko kay Tim ay nagtaas-baba pa siya ng kilay habang nakangisi.
“Tara na nga!”
Hinila ko na siya paakyat sa kuwarto niya. Panira!
-----
-larajeszz