Chapter 4

1717 Words
Always You (Valencia Series #1) by larajeszz Chapter 4 Nagising ako Sabado ng umaga na ako na lang mag-isa sa bahay. Bumaba ako sa kitchen at nakitang may iniwang note si Papa sa ref. Nag-hiking na naman siya at hindi niya sinabi ‘yon sa ‘kin in advance dahil ang alam niya ay hindi ko siya papayagan. Mahina na ang tuhod niya pero sige pa rin siya nang sige! Para siyang si Mama, feeling bagets pa rin. Pero ngayon ay hindi ko na siya pinipigilan sa gusto niya dahil hindi naman siya umalma sa gusto ko. “Ano ba’ng kukunin mong strand sa Senior High?” tanong niya no’ng huling beses na nakausap ko siya about sa kukunin ko sa susunod na pasukan. “GAS, Pa.” “Ano’ng course mo sa college?” “Entrepreneurship.” Bumuntong-hininga siya bago sabihing, “Eh, ano naman ang balak mong gawin pagka-graduate?” Ngumiti ako sa kaniya labas ang lahat ng ngipin ko. “Bubuo ng banda.” Palagi akong ina-assure ni Tim na may kilalang agency si Tito Theo na p’wede kaming kunin kapag ready na kaming bumuo ng sarili naming banda. Ipinarinig din namin sa kanila ang composition namin ni Tim at nagustuhan nila ‘yon. Sa pagba-banda, hindi naman namin target na maging kilala kaagad ng masa. Baka mamaya ay malaking promotion ang gawin sa amin tapos hindi naman pala pasok sa taste nila ang mga kanta namin. Napag-usapan namin ni Tim na mas okay kung mag-umpisa kami sa mga busking. Nagpunta ako sa dining table namin at may note ulit do’n si Papa. Ipinagluto na niya ako ng breakfast dahil kahit pa incoming Grade 11 na ako ay hindi pa rin ako marunong magluto. But I made a promise to myself na dapat ay matuto ako ng kahit isa man lang putahe bago magsimula ang klase which is next week na. Sawang-sawa na akong mag-lunch sa school ng mga fast food! Mabuti na lang at palagi akong hinahatian ni Tim ng baon niya. Hindi ko ‘yon hinihingi sa kaniya, sadyang mabait lang siya. Mas sanay akong kumain nang nakakamay kaya ngayong nagtitipa ako nga mga letra sa keyboard ng cellphone ko ay hirap na hirap na ako. Kailangan ko nang mamili ng school supplies. At nakalimutan ko ‘yong banggitin kay Papa! Hindi ako nakahingi ng pera sa kaniya. May kaunti pa naman akong naitabi pero hindi ko alam kung sasapat ba ‘yon. Misis ni THEON: gising ka na bs? Seen by timbog sa kanto. timbog sa kanto: bs timbog sa kanto: bs timbog sa kanto: bs Napairap na lang ako dahil sobrang perfect niyang tao! Walang kapintasan! Ni-long press ko ‘yong mic icon para mag-voice message sa kaniya. “G*go ka talaga kahit kailan. Samahan mo akong mamili ng school supplies, alam kong wala ka pa rin.” Pagka-send ko no’n ay maya-maya’y may reply rin siya na voice message. “Lunukin mo nga muna ‘yang kinakain mo, Kyrese Lyann.” At bagong gising lang ang loko! Sobrang morning voice pa ng boses niya. Nag-send siya ng isa pa. “G ako. ‘Yong isaw ko, ah.” Sinabihan ko siyang bumangon na dahil sa boses niyang ‘yon ay alam kong nakahiga pa siya sa kama niya at nakayakap sa hotdog niyang unan. Alam kong bolster ang tawag do’n pero wala akong pake. “Maliligo na ako pagkakain kaya bumangon ka na r’yan. Ang bagal-bagal mo pa naman kumilos.” “Huwag ka masiyadong magmadali, baka madulas ka.” Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o talagang concerned siya sa akin. Pagkatapos kong kumain ay hinugasan ko ang pinagkainan ko at pumasok na sa bathroom. Hanggang sa pagligo ay dala ko ang cellphone ko para mag-play ng music. Mahirap na, pakiramdam ko kasi kapag wala akong naririnig na tugtog ay may bubulong sa akin na hindi ko nakikita at hihingi ng hustisya. Isang white tube top, black na high waist shorts, at pastel purple hoodie ang naisipan kong isuot ngayon. Hinayaan kong bukas ang zipper ng hoodie ko. Habang tinitingnan ko ang sarili ko sa salamin ay pakiramdam ko’y may kulang sa outfit ko kaya kumuha ako ng white cap sa kuwarto ni Papa. Mas kuntento ako ngayon sa kabuuan ko nang idagdag ko ang sombrero ni Papa. Hindi naman ako gano’n kasamang anak, ‘no? Nag-send ako ng message sa tatay ko na hiniram ko ang white cap niya. Hindi ko lang alam kung matatanggap niya ba ‘yon ngayon dahil siguradong walang signal sa bundok. Tumayo na ako sa vanity table ko at kinuha ang white kong shoulder bag nang marinig na may nag-doorbell na sa baba. “What a snail,” reklamo ni Tim nang makalabas na ako ng bahay. ‘Yan ang madalas niyang sabihin kapag mas nauuna siya sa akin. Sa totoo lang naman ay mas mabagal siyang kumilos sa akin! Sadyang marami lang talaga akong kaartehan sa katawan kaya minsan ay nauuna siya, pero siya pa rin ang makupad sa aming dalawa. Nasa harap siya ngayon ng gate namin at umiiling-iling. Nangasim ang mukha ko habang pinagmamasdan siya sa suot niya. Naka-hoodie rin siya na kulay navy blue at loose maong pants. Parang hindi kaniya ‘yon dahil sa sobrang laki! At as usual, magulo pa rin ang buhok niya kahit pa basa ‘yon galing sa pagligo. He hissed. “Huwag mo nang punahin ang suot ko ngayon. Hindi naman tayo magde-date.” Ngumiti ako sa kaniya. “Pinuna ko ba? Ang guwapo-guwapo mo kaya!” Itinulak niya ang noo ko. “That face you just made says everything.” Nagsimula na kaming maglakad papalabas ng subdivision. May sariling driver si Tim pero alam niyang mahihiya akong yayain siya sa kung saan-saan kapag nakabuntot sa amin ‘yong driver niya. Isa pa ay nae-enjoy niya rin namang mag-commute kahit pa siksikan. Walang arte sa katawan ‘to, eh. “Saan tayo?” tanong niya habang nag-aabang kami ng jeep. “Sa mura lang ako mamimili. Hindi ako nakahingi kay erpat, eh. Pero p’wede ka namang bumili ng iyo sa mall, sasamahan kita.” Ibinaling niya ang tingin sa daan. “Do’n na lang din ako mamimili sa pagbibilhan mo. Mamamasahe pa tayo kapag pumunta pa sa mall.” Mahina niya akong sinagi sa balikat. “T’saka walang isaw sa mall.” Napangiti ako nang maalala ang nangyari kahapon kaya ko siya ililibre ng isaw ngayon. “Kahit isang buong manok pa ang bilhin ko sa ‘yo ngayon ay okay lang!” Halos 30 minutes na kaming naghihintay ng masasakyan ay wala pa ring dumadaan! Mapa-tricycle man o jeep ay wala! Kung mayroon man ay puno na ang mga ‘yon. Sinamaan ko ng tingin si Timothy nang iharang niya ang palad niya sa mukha ko at isinara ‘yon na para bang isang papel na ginusot ang mukha ko. “Huwag ka nang sumimangot d’yan. May dadaan din.” Isinara niya ang mga mata niya at pinagdikit ang mga palad niya. “Mag-pray tayo.” Umirap lang ako sa kalokohan niya at nag-stretch ng mga binti. “Ngalay na ako sa kakahintay. Ang tagal naman!” “Palagi ka kasing nakahiga. Hindi ka na sanay tumayo nang matagal.” Sinubukan ko siyang hampasin pero naiwasan niya ‘yon. “Sana maraming laman ang isaw na makain mo mamaya!” Agad na nandiri ang ekspresyon ng mukha niya kaya hindi ko napigilang mapatawa. Maya-maya pa’y kinulbit niya ako. “Ano?!” “Ngalay ka na ba talaga?” “Makulit ba lahi mo?” Pinagdikit niya ang dalawang paa niya kaya nagtataka ko siyang tiningnan. “Upo ka muna sa paa ko,” aniya. Itinuro ko sa kaniya ang suot ko at binigyan siya ng how-would-that-be-possible look. Nagsimula siyang hubarin ang hoodie niya. Hindi kagaya ng sa akin, walang zipper ang kaniya kaya kailangan sa ulo padaanin ‘yon para maalis niya. Inabot niya muna sa akin ang makapal niyang salamin para hindi ‘yon madaanan ng hoodie. “Oh,” pag-abot niya sa akin ng hoodie niya. Naka white shirt na lang siya ngayon. Nakangiti kong tinanggap ‘yon. “Salamat, timbog sa kanto.” Ipinatong ko ‘yon sa hita ko at dahan-dahang naupo sa paa niya. Inalalayan niya ako sa mga braso ko. “Ang bigat mo pala,” komento niya. Tatayo na sana ako pero hinawakan niya ang mga balikat ko para hindi ko ‘yon tuluyang magawa. “Joke lang! Ito naman.” Bahagya kong isinandal ang likod ko sa binti niya. Mahirap na kung isasandal ko nang todo ang likod ko dahil baka mabaliktad kaming dalawa rito. “Ready ka na bang pumasok?” “Okay lang.” “Ano ba namang klaseng sagot ‘yan?” Narinig ko ang pagtawa niya. “Eh, sa ‘yon ang nararamdaman ko, eh. Pake mo?” Makalipas ang limang minuto ay may natanaw na kaming jeep na papadaan. Sa wakas! Tumayo na ako at ibinalik kay Tim ang hoodie niya. Agad kong pinara ang jeep nang malapit na ito sa amin. “Isa na lang ang kasya, ija at ijo,” sigaw ng driver nang huminto sa harap namin ang jeep niya. Napamura ako sa isipan ko. Ang tagal-tagal naming naghintay tapos hindi naman pala kami kasyang dalawa! “Hindi na lang po-” “Sasakay po kami,” pagputol ni Tim sa akin. Nilingon ko siya. “Baliw ka ba?!” Mahina niya akong itinulak para maglakad na papasok ng jeep. “Baka isang oras na ang ipaghintay natin kung hindi pa tayo sasakay rito.” “Hindi na nga kasya!” At nasa harapan ko na ngayon ang entrance ng jeep. “Paano ka?” “Sasabit ako. Sige na.” Inabot niya sa akin ang wallet niya. “D’yan ka na kumuha ng pamasahe natin, baka mag-123 ka pa, eh.” Kahit labag sa loob ko ay pumasok na ako sa loob ng jeep. Nang makaupo ako ay tinanaw ko si Tim sa likuran ng jeep na ngayon ay nakasabit na ro’n. Habang umaandar ang sinasakyan namin ay hindi ako makahinga nang maayos dahil sa sobrang kaba. Ngayon lang siya sumabit sa jeep! Kapag nahuog ka d’yan, Timothy Leigh, ay malilintikan ka talaga sa akin! Dodoblehin ko ang makukuha mong galos! ----- -larajeszz
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD