Always You (Valencia Series #1)
by larajeszz
Chapter 7
Tahimik lang akong nakaupo sa sulok ng convenience store habang hinihintay si Tim na makapagbayad ng mga binili niya. Nasa pito ngayon ang customer ng may kasikipang tindahan, kabilang na kami ni Tim do’n.
Maya-maya pa’y namataan ko na ang kaibigan ko na naglalakad papunta sa akin dala ang isang supot na wari ko’y hindi lang ice cream ang laman.
Pagkaupo niya sa tabi ko ay ipinakita niya sa ‘kin ang iba pang laman ng supot. “Chocolate chip cookies. May pagkain na tayo bukas sa recess.”
Napangiti na lang ako sa kaniya. Mukhang ready’ng-ready na siya pumasok. May dalawang bottled water din sa loob ng supot at iba’t ibang klase ng ice cream. Inabot niya sa akin ang isang red bean ice cream na hugis isda ang tinapay. “Salamat.”
Tahimik kaming kumain habang nakaharap sa labas. Medyo may kadiliman ang langit kahit pa tanghali pa lang, mukhang malakas ang magiging buhos ng ulan mamaya. Kagaya ng nararamdaman ko ngayon, maging pati ang langit ay may mabigat na dinadala na kailangan niyang ilabas para maibsan.
“Sorry, Ky.”
Gulat akong napalingon nang sabihin ‘yon ni Tim. “Ha?” tanong ko pero hindi siya tumitingin sa gawi ko. “Sorry saan?”
He sighed and looked down at his ice cream. “For what happened the other day… Hindi ko dapat sinabi ‘yon.”
“Hindi ko maalala kung alin sa mga nasabi mo. Alin ba?”
“Na…” Nakita ko mula sa anggulo ko ang pagtaas-baba ng lalagukan niya. “Na kaya pumayag ka agad na mag-perform tayo ay dahil si Kuya Theon ‘yong nag-request.” Pagkasabi niya no’n ay saka pa lang siya tumingin sa akin.
I smiled at him. “Forget about it, Tim-”
“No, I get it, Ky.” Ngumiti siya na wala sa akin ang paningin. “Kung ako rin naman ang nasa sitwasyon mo ay baka hindi rin ako makatanggi.”
Napataas ang mga kilay at nanlaki ang mga mata ko dahil sa gulat sa narinig. “May crush ka ba?!”
Magkasalubong ang mga kilay at nakangusong ibinalik niya ang paningin niya sa akin. “Wala, ah!” Ang defensive masiyado! “I just tried to put myself on your situation.”
Ipinatong ko ang mga siko ko sa lamesa at ipinagpatuloy ang pagkain. “Wala na ‘yon. Nasabi ko na kay Theon kanina na hindi tayo tutuloy.” Bumaling ako sa kaniya. “I should’ve talked to you first. I’m sorry.”
Ibinato niya sa mukha ko ‘yong plastic ng ice cream pero hindi naman tumama. “Kahapon ka pang nagso-sorry, alam mo ‘yon?”
Hindi na rin kami nagtagal pa masiyado ro’n. Nang matapos naming kainin ‘yong red bean ice cream ay napagpasyahan na naming umuwi bago pa kami maabutan ng ulan dahil parehas kaming walang dalang payong. Mahirap na, baka magkasakit pa kami, eh, may pasok na kinabukasan.
“Kapag nagkita kayo ni Papa sa labas ng bahay, ‘wag mo nang babanggitin sa kaniya ang tungkol do’n, ah?”
“Bakit ko naman babanggitin sa kaniya ang bagay na ‘yon?”
Napatungo at napangiti ako nang may naalala. “Minsan kasi sa sobrang concerned mo sa ‘kin may nasasabi ka sa tatay ko na dapat sa ‘ting dalawa lang naman.”
Noong nasa Grade 3 pa lang kami ni Tim ay madalas kaming maglaro ng piko sa harapan ng mga bahay namin. At dahil wala pa kaming pambili noon ng chalk, sinadya niyang sirain ang paso ng halaman nila para lang may maipangguhit kami sa semento ng kalsada. Nakita kami ni Tita Fresia at sobra siyang nagalit sa amin ni Tim no’ng nakita niyang sira na ang isa nilang paso. Dahil sa sobrang gulat ko noon kay Tita ay nadapa at nagkasugat ako sa pagtalon. Ako pa nga ang sinisi niya na sumira ng paso pero umamin si Tim na siya ang may kagagawan noon. Hindi na natuloy ang paglalaro namin kaya pagkauwi ko sa bahay ay itinago ko agad kay Papa ang nakuha kong sugat. Subalit kahit ano pa ang ginawa kong pagtatago sa nakuha kong galos ay binanggit pa rin ‘yon ni Tim sa tatay ko dahil nag-alala raw siya! Ang ending, isang linggo akong hindi pinalabas ni Papa ng bahay namin.
Humalakhak si Tim at napatigil pa sa paglalakad nang maalala rin ang nangyaring ‘yon. “I won’t tell him anything,” aniya at itinaas pa ang kanang kamay na parang nanunumpa. “Baka mamaya ay isang linggo na naman kitang hindi makita.”
I smirked. “Clingy mo naman.”
“Yuck!” Aba! At niyakap pa ni OA ang sarili niya! “It’s boring lang kapag walang maingay sa paligid ko,” pagdadahilan niya.
“User!” Inirapan ko siya. “Pero bakit nga ba hindi kayo gaanong close ng mga kapatid mo?”
“Ewan,” he said with a shrug pero napaisip din naman. “Siguro dahil hindi kami magkakatulad ng gusto?”
“Nerd ka.”
“Hindi ako tatanggi.” Nagtawanan kami dahil ‘yon naman talaga ang katotohanan. Bata pa lang kami ay mayroon na siya no’ng makapal niyang salamin! Nagpatuloy siya, “I read, play video games, write songs, play instruments. Si Kuya Theon naman ay palaging nasa gadgets niya lang. While Kuya Bryce likes to explore. Halos hindi ko na nga nakikita sa bahay ‘yon, eh.”
Wala sa sarili akong napangiti dahil maganda ang pamilyang kinalakihan niya. “But still, kahit pa sabihing hindi kayo close, you’re lucky that you have a complete family.”
Nakita ko sa gilid ng mata ko na napatingin siya sa akin. Mahina niya akong itinulak sa balikat gamit ang kamao niya. “My family is your family, too, Ky.”
“Misis nga ako ni Theon, ‘di ba?” pilyang sagot ko na inilingan niya lang habang nakangiti.
Huminto na kami sa paglalakad nang parehas na kaming nasa tapat ng bahay namin.
“Sabay tayo bukas, ah?” paalala ko sa kaniya.
Tumango siya at ipinatong ang palad niya sa ulo ko. “Huwag mo nang isipin masiyado ‘yong kanina. Tumawag ka na lang mamaya kapag kailangan mo ng kausap.”
Inalis ko ang kamay niya sa ulo ko. “Opo, Kuya.”
Nagpasalamat at tinapik ko siya sa balikat bago ako humarap sa direksiyon papunta sa bahay namin. Malaking iba ang pakiramdam ko ngayon kumpara sa kanina. Ice cream helps! And of course, having someone by your side is incomparable to any kind of dessert.
Nasa sala si Papa nang makapasok ako ng bahay at nagbabasa ng mga papel na related sa trabaho niya. Tumayo siya agad nang makita ako.
“Ano’ng nangyari?” tanong niya.
Laking pasasalamat ko na hindi na pugto ang mga mata ko ngayon. Kung hindi ako nakita ni Tim kanina at niyayang kumain ay hindi ko alam kung saan ako magpapalipas ng oras para lang hindi malaman ni Papa na umiyak ako.
Pilit akong ngumiti sa kaniya. “Wala naman, Pa. Paalis din si Mama no’ng nakarating ako kaya sina Tita Konnie at Kyle na lang ang nakausap ko.” Hindi ko magawang sabihin sa kaniya ang totoo. Huwag na muna ngayon. Napatakip ako ng bibig nang may naalala. “Nakalimutan kong bumili ng buko pie!”
“Okay lang! Ako ka ba?”
Muling nadapuan ng tingin ko ang sandamakmak na papel na inaasikaso niya ngayon. I could feel my emotions starting to build up again. Mabilis ko siyang niyakap. “Love you, Pa. Kahit nagtatampo ako minsan sa inyo, hindi ko kayo iiwan.” Kahit matigas ang ulo ko, kahit kailan ay hindi ako sinukuan ni Papa. Kaya ipinapangako ko sa sarili ko na dapat ay maging successful ako sa future!
Pinisil niya ang magkabila kong pisngi. “At sa tingin mo ba ay papayag ako na iwan mo ako?”
Niyakap ko siya ulit at naramdaman ko ang paghalik niya sa ulo ko. “Akyat na po ako.”
Nakatulog ako ng ilang oras at ginising ako ni Papa no’ng gabi para kumain ng hapunan. Kung hindi niya ako ginising ay hindi ako makakapag-ready ng mga gamit ko para bukas! Pati ang uniform ko ay kailangan ko pang plantsahin!
Misis ni THEON: naka-ready na ba mga gamit mo?
timbog sa kanto: kahapon pa
timbog sa kanto: pagkauwi natin after mamili
Misis ni THEON: sanaol
timbog sa kanto: pati ba naman yan kina-cram mo pa?
Misis ni THEON: nakatulog ako????? gago buti na lang ginising ako ni papa
timbog sa kanto: buti nagising ka pa
Misis ni THEON: (sent a middle finger emoji).
Tunog pa nang tunog ang cellphone ko dahil sa messages ni Tim, akala niya ay nagalit ako sa huli niyang sinabi. Pero mas kailangan kong unahing mag-ayos kaysa reply’an siya!
Pagkatapos kong ayusin ang mga gamit ko sa bag ay inilabas ko ang uniform ko sa cabinet para simulang plantsahin. Kunot-noo kong nilingon ang cellphone ko sa kama nang marinig na may tumatawag. Si timbog ‘yon.
“Ano ba? Spammer ka na nga, caller ka pa!”
“Galit ka?” Nakahiga siya ngayon sa inflatable sofa sa kuwarto niya.
“Gagi, hindi.” Itinapat ko sa camera ang hawak kong uniform. “Busy ako mag-ayos ng mga gamit ko kaya hindi ako nagre-reply. Sige na, bye! Istorbo ka.”
Nagsimula akong magplantsa at tumunog na naman nang dalawang beses ang cellphone ko pero hindi ko na ‘yon pinansin. Kailangang maaga ko ‘tong matapos para maaga rin akong magising bukas! Ayaw ko namang pumasok na haggard ako at may eyebags. Kahit anong try ko, hindi talaga nagmumukhang cute na aegyosal ang ilalim ng mata ko. I’m helpless!
Pinatay ko na ang ilaw ng kuwarto ko at nahiga na sa kama ko. Nag-set ako ng alarm sa cellphone at saka pa lang binuklat ang dalawang huling messages ni Tim.
timbog sa kanto: istorbo na pala ako ngayon? :’(
timbog sa kanto: suyuin mo ako, ky :’(
“Ano’ng problema nito?” nakakunot ang noo na sambit ko. “Bakit ko siya susuyuin, eh, ‘di ko naman siya jowa?”
Misis ni THEON: matulog ka na para hindi ka na matimbog sa kanto
timbog sa kanto: good night :’(
Misis ni THEON: night
timbog sa kanto: :’(
-----
-larajeszz