Always You (Valencia Series #1)
by larajeszz
Chapter 6
Kanina pa akong gising pero hindi pa rin ako bumabangon. Kagabi ay umuulan ng malakas pero hindi pa rin nakakauwi si Papa. Pagkatapos kong kainin ang mga ibinigay ni Tim ay hindi pa rin ako nakatulog sa kakahintay sa kaniya.
Ilang oras akong hindi mapakali na nakaupo sa sala namin. Pasado alas dyes na siya dumating! No’ng pumasok siya sa pinto ng bahay namin ay nakikipagtawanan pa siya sa kaibigan niya na kasama niya mag-hiking. Nang dumapo sa akin ang tingin niya ay agad akong tumayo at nagtungo sa kuwarto ko.
“Anak, sorry na. Nakapagluto na ako ro’n sa baba. Hindi na ako magha-hike ulit, okay?”
Kanina pa siyang kumakatok sa labas ng kuwarto ko. Saglit akong nagtalukbong ng kumot hanggang ulo at nang hindi ko na matiis ay tumayo na ako at pinagbuksan siya ng pinto.
“P’wede pa naman kayong mag-hike, eh. Basta isama niyo na ako!”
Nagulat siya sa bigla kong pagbubukas ng pinto pero napangiti pa rin. “Iyon lang naman pala, eh. Walang problema!”
Kahit na medyo naiinis pa ay natawa na lang kami parehas at niyakap ko siya. Sobra akong nag-alala kagabi! Bumaba na kaming dalawa sa dining para mag-agahan.
“Bibisita ako kay Mama ngayon,” sambit ko nang makaupo sa puwesto ko.
Natigilan siya sa paglalagay ng kanin sa plato niya. Tumikhim siya. “Alam ba niya na pupunta ka?”
“Hindi pa po. Pero bahala na, kung wala siya ro’n ay sina Tita Konnie at Kyle na lang ang bibisitahin ko.”
Hindi siya nakapagsalita agad at tila nag-iisip. “Gusto mo bang… samahan kita?”
“Siguro ka ba, Pa, na gusto mo talaga akong samahan?” Hindi siya nakasagot sa tanong ko kaya umiling na lang ako sa kaniya. “Kaya ko na ‘to. Bibili na lang ako ng buko pie mamaya bago umuwi.”
Naghanda na ako agad pagkatapos kumain. Hindi na kalakihan ang hiningi kong pera kay Papa dahil wala naman akong balak na magbigay ng pasalubong sa nanay ko. Gusto ko lang talaga siyang makausap.
Pagkalabas ko ng bahay ay namataan ko si Theon sa harapan ng bahay nila at naglilinis ng motor niya. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya.
“Theon…”
“Hmm?” he hummed before looking up to me. Umayos siya ng tayo. “Where are you off to?”
“Bibisita lang sa mama ko,” simpleng sagot ko. Huminga ako ng malalim bago sabihin sa kaniyang, “Hindi matutuloy ‘yong performance namin ni Tim…” Napahawak ako sa batok ko. “Hindi kasi siya pumayag.”
Saglit siyang napatingin sa akin at maya-maya’y natawa na lang habang umiiling. “Ang hina ko sa bunso namin pero ang lakas ko sa ‘yo.” Ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko dahil sa huling sinabi niya. “It’s okay, Kyrese. You don’t have to worry about it.”
Nagpaalam na ako sa kaniya pagkatapos noon dahil ayaw ko namang makaabala sa paglilinis niya ng motor.
Hindi gaya kahapon ay may dumaan kaagad na masasakyan kaya hindi ako nainip sa paghihintay. Thirty minutes ang biyahe papunta sa tirahan ni Mama ngayon, bahay ‘yon ng nag-iisa niyang kapatid na si Tita Konnie na ina naman ng pinsan kong si Kyle. Pagkatapos kong sumakay ng jeep ay kailangan kong mag-tricycle dahil medyo sikip ang daan papunta ro’n.
Binigay ko ang address sa tricycle driver at makalipas ang halos sampung minuto ay natanaw ko na ang bahay nila. Bukas ang gate kaya hindi na ako nag-abalang tumawag sa labas at dumiretso na lang papasok ng bahay nila.
“Kylie girl!” sigaw ko nang makita ang pinsan ko sa sala at sumasayaw habang nagbubunot ng sahig.
He came to me dramatically at bumeso sa akin. Tinaasan niya ako ng isang kilay at nilagay ang mga kamay niya sa magkabilang baywang. “Salamat naman at naaalala mo pa pala kami?”
“Ang OA mo, magkausap lang tayo no’ng isang araw, ah!”
“Bakla ka, binabaan mo kaya ako!”
Lumabas mula sa kusina ang mama niya. Kaya agad akong lumapit para magmano.
“Tita Konnie, si Mama po?”
“Hay naku!” napairap si Tita at itinuro ang isang silid. “Ayan, nand’yan sa kuwarto, nagpapaganda.”
Pilit akong ngumiti at nagpasalamat sa kaniya. Huminga ako ng malalim bago tuluyang binuksan ang pinto ng kuwartong itinuro ni Tita.
“Ma…”
Gulat siyang napalingon sa akin. “Anak!” Tumayo siya sa harap ng vanity table niya at niyakap ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. “Mabuti naman at naisipan mo akong dalawin! Hindi naman ako makapunta ro’n sa bahay niyo dahil ang higpit ng papa mo sa ‘yo!”
Tiningnan ko ang kabuuan niya. Malayong-malayo ‘yon sa pormahan niya no’ng huli ko siyang nakita. “Saan kayo pupunta?”
“Uh… May bibilhin lang saglit sa labas,” sagot niya at bumalik na sa puwesto niya kanina para ituloy ang paglalagay ng kolorete sa mukha.
Inilibot ko ang tingin ko sa kabuuan ng kuwarto niya. Napansin kong marami siyang branded na bags at mga sapatos. Naupo ako sa kama na nasa gilid niya. “Wala ba kayong gustong sabihin sa akin?”
“Ay, oo ng pala!” I slightly scoffed at her reaction. Oo nga pala? Humarap siya sa akin at hinawakan ang mga kamay kong nakapatong sa aking hita. “Anak, ikakasal na ulit ako!”
Napatitig ako sa mukha niya. Kamukhang-kamukha ko pala talaga siya. I couldn’t mirror the smile she has on her face. “Bakit?” I couldn’t help but ask.
Napalayo siya at bahagyang napabitaw sa akin. “Anong bakit?”
“Akala ko noon ay laro lang sa inyo ‘yang gan’yan. Bakit magpapakasal ka sa iba gayong kasal ka pa kay Papa?” Hindi ko siya maintindihan, at hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Akala ko ba ay ayos lang sa akin? Ano ngayon ‘tong mga sinasabi ko?
“Kyrese, kaya tayong buhayin ni Ivan,” sambit niya na para bang kailangan niyang itanim ‘yon sa utak ko. Muli niyang hinawakan ang mga kamay ko. “Isasama na kita sa US.”
Binawi ko sa kaniya ang mga kamay ko at tumayo sa kama. Unti-unting bumilis ang paghinga ko at naramdaman ko ang mga nagbabadyang luha.
Galit na hinarap ko siya. “Kayang buhayin? Mukha bang hindi maayos ang buhay ko ngayon, Ma?” Mapait akong napatawa habang pinupunasan ang tumakas kong luha. “Isasama mo ako? Eh, parang wala ka ngang balak sabihin sa akin na ikakasal ka na! Bakit kailangang sa iba ko pa malaman ang bagay na ‘yan?” Mariin akong pumikit at sunod-sunod na umiling. “Maayos na maayos ako ngayon! Mas maayos pa kaysa no’ng mga panahon na nasa pangangalaga mo ako,” madiin kong sambit para ang mga salitang ‘yon ang tumanim sa isipan niya.
“Kyrese…”
“Papakasalan mo ang lalaking ‘yan at sasama ka sa US? Paano si Papa?” Kahit ano pang pilit ko na magmukhang matatag… “P-Paano ako?” My voice still broke.
Taranta siyang tumayo sa kinauupuan niya at muling lumapit sa akin. “Hindi ko sinasabing hindi ka naaalagaan nang maayos ni Wilbert. Pero si Ivan… mas kaya niya tayong buhayin na dalawa.”
Umatras ako sa kaniya. Talagang hindi ko na siya kilala. “Kung gusto mo akong buhayin bakit hindi pa noon? Mas pinili mong maghanap ng iba kaysa tulungan si Papa na buhayin ako… Tapos ngayong nakahanap ka ng paraan, gusto mo akong ilayo sa tatay ko?” Hindi ko napigilan ang sunod-sunod kong hikbi. T*ngina, huwag kang umiyak, Kyrese! “Anak mo ako, Ma. Hindi ako tuta na inihabilin mo lang sa kung sino para gano’n na lang kabilis bawiin!”
“Kyrese…” Mapupungay ang mga mata na humakbang siya palapit pero mabilis akong nagmartsa palabas ng kuwarto hanggang sa makalabas ako ng bahay.
Habang nagmamadali akong umalis ay nakita kong tahimik lang na nakatungo si Tita at ang pinsan ko, alam kong narinig nila ang lahat. Mabuti na lang din at hindi nila pinigilan ang biglaan kong pag-alis dahil hindi na ako makahinga sa lugar na ‘yon.
Para akong t*nga na pumara ng tricycle habang patuloy sa pag-agos ang mga luha ko. Naaalala ko ang batang ako. Naaawa ako sa batang ako na iniwan ng nanay sa murang edad pa lamang. Bakit kailangan ko ‘tong maranasan ulit? Gano’n ba ako kadaling iwanan? Hindi ba talaga ako sapat na dahilan para manatili?
Pagkalipas ng ilang minuto ay huminto na ang sinasakyan kong tricycle sa terminal ng jeep.
“Kuya, p’wede po bang padiretso na sa Golden Fields?” pagtukoy ko sa subdivision namin.
“Anak ng… Ija, hindi mo arkila itong tricycle ko.”
Naglabas ako ng limang daan sa wallet at inalok sa kaniya. “Sige na po. Please…”
Mukhang naawa na siya nang may luha na namang lumabas sa mga mata ko kaya kinuha na niya ang perang inaalok ko at muli nang pinaandar ang sasakyan.
Nanatili lang akong nakapikit sa buong biyahe. Sa mga oras na ‘to, mas pipiliin ko pang makita ang dilim kaysa masilayan ang mundo.
“Ija, nandito na tayo.”
Ginising ako ng tricycle driver at nakitang nandito na kami sa tapat ng Golden Fields.
“Salamat po…”
Pagkababa ko sa sinakyan ko ay ramdam ko ang panghihina ng mga tuhod ko. Napaupo ako sa gutter sa gilid ng kalsada nang makaalis ‘yong sinakyan ko.
Hindi ko deserve ‘to. Hindi ‘to deserve ni Papa. Hindi ko lubos maisip kung paanong naging gano’n kadali sa kaniya ang talikuran kami para lang sa mga luho niya. At kung sakali ngang pumayag ako na sumama sa kaniya, magiging masaya ba ako? Saan siya nakakuha ng lakas ng loob na sabihin sa akin ‘yon gayong wala naman siya buong buhay ko?
“T*ngina.” Hinayaan ko ang sarili ko na umiyak. Humalukipkip ako ro’n na para bang isang paslit na walang mauwian.
Hinayaan ko ang sarili ko na ilabas ang lahat-lahat. Wala akong pakialam kahit pa sumakit ang mga mata ko sa kakaiyak. Wala akong pakialam kung pugto ang mga ‘to bukas sa unang araw ng pasukan.
May narinig akong mga yabag pero hindi ako nag-abalang mag-angat ng tingin. Pinakinggan ko lang hanggang sa nawala na sa pandinig ko ang mga tunog na ‘yon.
Nanigas ang katawan ko nang maramdaman ang mga brasong yumakap sa akin. Gulat at kinakabahan akong lumayo at nag-angat ng tingin. Unti-unti ay nawala ang takot sa dibdib ko nang makita kung sino ‘yon.
“Tim…” parang bata na pagtawag ko.
“Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong niya habang nakahawak sa pisngi ko.
Dahil sa bigat ng nararamdaman ko ay mahigpit akong yumakap sa kaniya at ibinaon ang mukha ko sa dibdib niya. Patuloy lamang siya sa paghagod ng likod ko.
“Shh…” Kahit pa alam kong maraming tanong sa isipan niya at hindi na siya nagtanong ulit. Hinayaan niya lang ako na umiyak sa mga bisig niya.
“Iiwan na ako ni Mama, Tim…” Mas lalong lumakas ang mga hikbi ko. “Iiwan na naman niya ako.”
Mas lalong humigpit ang yakap niya. “Nandito ako, Kyrese. Hindi kita iiwan, I promise.” Matagal kaming nanatili sa gano’ng puwesto. Nang medyo tumahan na ako ay kumalas ako at tumingin sa kaniya. Pinunasan niya ang mga pisngi kong basang-basa ng luha.
Tumayo siya at naglahad ng kamay sa akin. “Tara?”
“Saan?”
He smiled. “Ice cream tayo. My treat.”
Hindi ko na rin napigilang mapangiti. Tinanggap ko ang kamay niya at agad siyang umakbay sa akin nang tuluyan akong makatayo.
“Magiging maayos din ang lahat,” aniya.
Kahit pa walang kasiguraduhan, kumalma ang puso ko nang marinig ko mula sa kaniya ang mga salitang ‘yon.
-----
-larajeszz