Kabanata 3
NAPATINGIN si Odette sa pintuan ng kwarto niyang bumukas, halos bente minutos ang nakalipas. Lalo siyang napahikbi nang makita ang lola niya na umiiyak.
Pumasok iyon at lumapit sa kanya, naupo sa papag niya, “Halika.” Anito sa malumanay na boses kaya agad siyang tumayo mula sa pinagkukublihan niyang sulok.
Niyakap siya nito at hinaplos ang likod ng ulo niya, “Pasensya ka na, apo. Hindi ko sinasadya na magsalita ng ganun. Pinag-iingatan kita dahil ikaw na lang ang meron ako, na alaala ng Mama mo. Napakasakit na mamatayan ako ng anak, at gusto ko ikaw ay maging maayos ang lagay. Kahit na napakalayo ng Aklan, pinilit kong makapag-ipon ng pamasahe para makuha lang kita. Hindi ko matanggap na magiging disgrasyada ka,” napaiyak na sabi nito sa kanya.
“Wala po akong boyfriend, lola…” Hagulhol ng dalagita kaya naitikal siya nito at tiningnan siya sa mukha.
“Paano? Hindi ka naman magbubuntis na wala kang nobyo. Sabihin mo na kung sino para alam ko ang gagawin.”
Umiling siya rito dahil wala naman talaga siyang sasabihin. Alam ng Diyos na hindi siya nagsisinungaling, at wala siyang itinatago.
“Paano ka nabuntis kung wala?” Dismayado na tanong pa ni Ely.
“S-Si Liza po, la. Hinikayat niya ako na sumapi sa isang samahan.”
“Anong samahan?!” Bulalas nito.
“Hindi ko po alam, lola. Sabi lang, kapag sumapi ako, bibigyan ako ng pang-allowance kapag wala tayong pera, tutulungan daw ako na makapag-enroll tapos kapag daw naka-graduate na ako ng College, tutulungan ako na magkaroon ng trabaho. Pero la,” napahikbi siyang muli, “Nung gabi na sabi ko may research kami, ang punta ko po talaga ay kay Liza. Isinama niya po ako sa isang lugar. Tapos la… may mga lalaki…”
“Diyos ko.” Napapikit na usal nito.
Lalo itong umiyak at niyakap siyang muli, “Ginahasa ka ba nila?”
Tumango siya.
“Ang kawawang apo ko,” hagulhol nito.
Alam niyang naniniwala ito sa kanya dahil hindi naman siya sinungaling talaga.
“Magbihis ka,” mabilis na utos nito sa kanya kaya napatanga siya.
“Pupunta tayo sa istasyon ng pulis at magre-report tayo. Pupuntahan natin iyang Lisa na sinasabi mo.”
“Ayoko po, lola…” aniya rito.
“Bakit? Hindi pwede na ganito, Odette.”
“Mayaman sila, lola. Wala tayong laban.”
“Kahit na. Anong walang laban. Lalaban tayo. Magsasampa tayo ng kaso. Mga walang hiya sila!” Umiiyak na sabi nito kaya hindi siya umimik.
Sumunod siya sa utos ni Ely na magbihis siya. Nagsuot lang siya ng isang cotton pants at isang t-shirt. Magkasama silang mag-lola na lumabas. Sobra siyang naaaawa sa lola niya kaya palihim niya itong tinitingnan.
Pumunta sila sa istasyon ng pulis at nagpa-blotter.
“Ang tagal na nito, neng. Bakit ngayon ka lang nag-report. Isang buwan na itong sinasabi mo. Sino ito, anak kamo ni Judge dela Peña?” Muling tumingin ang pulis sa record.
“Oo, bakit? May problema ba kung anak siya ng huwes?” Matapang na tanong ng lola Ely niya sa lalaki.
“Wala naman, lola. Gusto ko lang itanong kung sigurado ba siya na talagang itong anak ni Judge ang nagsama sa kanya. Lumalabas sa blotter niya na isang fraternity ang sinalihan niya. May initiation na tinatawag. Maraming lalaki sa Maynila ang namamatay sa ganito. Hindi ka ba aware tungkol dito? Itinuturo ito sa eskwelahan ha.”
“Sandali. Bakit parang sa tono niyo Mamang pulis ay pinagmumukha niyong kasalanan ng apo ko ang lahat. Dapat ay wag na kayong magsalita kung parang kumakampi kayo sa taong dawit dito porke anak ng huwes,” matapang na sabi ni Ely.
Noon nakita ni Odette ang pangalan ng lalaki sa uniporme nitong suot.
Dela Peña.
Wala silang aasahan sa lalaking ito. Kaapelyido ito ni Judge dela Peña.
“Hindi naman sa ganun, lola. Malaki na kasi ang apo niyo. Dapat aware na siya sa mga ganito at hindi na naloloko.”
“Magsalita ka pa at pati na ikaw ay isasama ko sa reklamo!” Banta ni Ely.
Hindi na umimik ang pulis.
“Ano ‘yan, Sgt?” Tanong ng isa ring pulis kaya napatingin siya sa may pinto.
“Wala po, Chief. Nagpapa-blotter po sina Lola tungkol sa isang rape case. Dawit yata ang anak ni Judge dela Peña.”
“Anak ng tiyo mo?”
Nagkatinginan silang mag-lola.
“Kahit sino pa ang dawit, sige irecord mo at gagawan natin ng aksyon kung gusto nilang itinuloy sa kasuhan o mag-aregluhan. Karapatan nila yun,” maagap na sagot ng may edad na pulis, saka ngumiti sa kanya.
Hindi siya ngumiti. Yumuko lang siya at nag-iwas ng tingin.
“Babalik kami sa kasuhan. Gusto ko lang na magkaroon ng record ang nangyari sa apo ko. Hindi naman siya nagsabi sa akin kaya ito natagalan. Pero kung nagtapat siya kaagad, maaga pa lang ay nandito na kami at di na aabot pa ng isang buwan,” masungit pa na sabi ng lola niya at ni nagpasalamat ito ay hindi.
Hinila siya nito papalabas. Ramdam din niya ang diskriminasyon ng lalaki na iyon sa kanilang mag-lola dahil hikahos sila sa buhay.
“Pamangkin pala kaya kala mo kung sino,” inis pa na daldal ni Ely sa kanya.
“Saan na po tayo, la? Pagod na po ako.” Amin niya rito at nang tingnan siya nito ay habag ang nakita niya.
“Saglit na lang, apo. Iyong Lisa na lang ang pupuntahan natin. Uuwi na rin tayo at itatawag ko ito sa Tiya Bibeng mo.”
Tumango siya, “Sakay tayo la ng tricycle.”
Ganun nga ang ginawa nila. Kinse minutos lang naman ang byahe papunta sa bahay nina Judge dela Peña.
Sa pagbaba nila malapit sa isang kurbada ay natanaw kaagad niya ang isang mala-mansyon na bahay, na puno ng pailaw kahit hindi naman pasko.
Napalunok siya ng laway. Ano nga ba ang laban nila sa isang tulad ni Liza, isa pa ay wala naman siyang testigo ni isa. Sina Eva at Queen, alam niyang hindi sa kanya kakampi.
Naagaw ang atensyon ng dalagita nang makakita siya ng isang lalaki na lumabas sa gate ng mga dela Peña.
Napatanga siya roon. Napakagwapo ng lalaki, na sa liwanag ng paligid kahit na gabi ay kitang-kita niya. Napakatangkad nun at parang may dugong banyaga, pero ang kulay ng balat ay hindi puti, mala-tsokolate.
“Helios! Come back here!” A beautiful woman stomped her foot as she followed the man.
Hindi iyon pinansin ng lalaki at nagmamadali iyon na sumakay sa puting mamahaling pickup. Saka nun pinasibad iyon na parang hangin.
“Saan ang bahay, Odette?” Untag sa kanya ng lola Ely niya at wala sa isip na naituro niya ang magarang bahay, kung saan may nakatayong babae sa may gate.
“Iyan ba ang Liza?”
“Hindi po, lola.”
“Ineng, magandang gabi.” Agad na sabi ng lola niya sa babaeng gigil pa.
Lumapit agad ang matanda.
“Wala akong limos!” Agad na sabi ng babae sa mataray na paraan saka iyon tumalikod at nagmartsa papasok ng bahay.
Doon niya nakita si Liza na palalabas naman sana kaya napamadali siya.
“Liza!” Bulalas niya sa babae na parang nadismaya sa kanya pero napakunot noo kapagkuwan.
“Excuse me?” Tanong nun.
“Gusto kitang makausap, Liza.”
“I don't know you. Who are you?” Iritadong tanong nito kaya napatingin sa kanya ang lola niya.
“Liza,” naiyak na sabi niya, “Liza naman…”
“Limusan mo na para lumayas na!” Galit na singhal ng babae na naunang lumabas kanina, habang papasok na iyon sa pinto ng mansyon.
“Yaya! Give these people some alms. Gabing-gabi na namamalimos pa.” Irap ni Liza.
“Hindi ako namamalimos! Nandito ako para kausapin ka!”
“Ano ito?” Tanong ng isang maawtoridad na lalaking lumabas sa may kung saan.
Napatingin siya sa matandang iyon.
“I don't know these people, Dad. They're calling me and said they wanted to talk to me.”
“Get inside,” utos ng lalaki sa anak na mataray naman na tumalikod, kasama ang isang irap.
“Kayo ba si Judge Dela Peña?”
“Wala akong sasagutin sa tanong niyo, Ale. Ang mga pumupunta rito, may appointment.”
“Hindi po kami magpapa-appointment dahil ang anak niyo ay may malaking kasalanan sa akin. Dinala nila ako at ipinagahasa sa mga lalaki. Ngayon, buntis po ako!” Garalgal ang boses na sabi niya rito pero tila ba hindi man lang ito nagulat sa sinabi niya.
“If you want to file a complaint against one of those girls, file. Haharapin nila kayo. Ngayon, kung isisisi mo sa kanya ang katangangahan mo, mukhang hindi tama yun. Baka naghahanap ka ng idadawit sa problema mo, huwag ang angkan ng mga dela Peña, ineng. Kilala ko ang mga pobre na tulad niyo, naghahanap ng areglo at kwarta. Mga inutil kayo at walang ambag sa gobyerno,” sabi ng lalaki kaya tila siya nanlumo.
Napakawalang hiya ng lalaking ito.
Tumulo ang mga luha niya at hindi siya nakahuma. Napayuko na lang siya dahil alam niyang wala ng pag-asa.
“Magdahanzdahan kayo sa pananalita niyo. Di komo makapangyarihan ka ay pwede kang manghamak ng tao. Kung ikaw man ang huwes, nakakaaawa ang mga tulad naming dukha dahil siguradong ang timbangan mo ay mas mabigat para sa mga taong may salapi. Mukha kang kwarta!” Singhal naman ng lola niya rito saka siya nito inakay papaalis.
Napahikbi siya nang yakapin siya ng lola Ely niya. Sobrang sakit ng kalooban niya at parang naramdaman niya na sumasakit ang kanyang puson.
“Lola, ang sakit po,” daing niya rito saka siya namilipit at halos mapahiyaw siya sa sakit.
“Lola…” iyak niya kaya hinila siya nito sa may poste para maliwanag.
Tiningnan niya ang kanyang green na cotton na pantalon at nakita niyang parang may marka ng mantsa sa may hita niya.
“Nakunan ka!” Bulalas ng lola Ely niya, “Tulong! Tulungan niyo kami! Dinudugo ang apo ko! Sigaw nito habang umiiyak, saka napatakbo papabalik sa malaking gate pero kitang-kita ni Odette na pinagsarhan lang ito ng huwes.
Umiiyak na nahawakan niya ang mantsa sa kanyang pantalon at naiyak siya nang makita ang dugo sa mga kamay niya.
Ano ba ito? Anong nakunan? Bakit siya nireregla kahit buntis siya? Ito ba ang pinag-aralan nila sa Science na miscarriage?
Umiyak siya lalo. Ayaw niyang maging ina pero mas lalong ayaw niyang mamatayan ng anak!