Kabanata 2
ABOT hanggang langit ang kaba ni Odette habang hawak ni Lea ang test kit na kanyang ginamit. Naki-banyo lang sila sa simbahan dahil tapos na ang kanilang praktis.
Sa freedom park nila itinuloy ang praktis nang ma-dismissed na sila sa eskwelahan. Ngayon na tapos na rin ang praktis, sa simbahan sila tumuloy dahil iyon lang ang katapat ng park, na pwede silang makigamit ng banyo.
Naghihintay lang siya sa may labas, sa isang simentadong upuan, malapit sa rebulto ni Virgin Mary. Nanalangin siya nang lubos na walang laman ang tiyan niya.
Kumurap ang dalagita sa kaibigan niyang nakatingin sa kanya.
“A-Anong sabi sa result?” Tanong niya rito.
Hindi ito agad nakaimik.
“Lea,” she called her friend again. Nakatitig lang ito sa kanya tapos ay tumango.
“P-Positive.”
Nanlumo siyang napanganga rito, at pagkatapos ay sa test kit siya tumingin. She grabbed it to confirm the result with her own eyes.
May dalawa siyang pula na nakikita. Sabi sa instructions sa pakete kanina, kapag dalawang guhit ay positive.
Positive siya. Nagdadalang-tao siya. Sukat sa kaisipan na iyon ay napaiyak si Odette. Bumagsak ang mga balikat niya at tila gumuho ang mundo sa kanyang buong pagkatao.
Bakit?
Napahagulhol siya at napapikit, kaya agad naman na lumapit at tumabi sa kanya si Lea, niyakap siya.
“Gusto mo ba samahan kita kay Lola Ely?”
“Hindi ko alam kung paano…” umiiyak na sagot niya.
Puno ng sakit ang kalooban niya. Nabiktima na nga siya, ngayon ay problema pa ang kanyang dala-dala. Wala naman siyang ibubuhay sa bata. Wala naman siyang trabaho at isa pa rin siyang palamunin. Ultimo uniform niya ay lola niya pa rin ang naglalaba dhajl ayaw siyang pagurin.
Mag-aral lang daw siya para ma-maintain niya ang pagiging top 5 sa honor students. Aanhin niya ngayon ang honor? Mapapakain ba sila nun na mag-ina? Naturingan nga siyang matalino pero napakatanga niya.
Boba siya. Hindi siya magaling.
“Ayokong magbuntis,” mabilis na sabi niya, hindi niya alam kung sa sarili niya o sa kaibigan niya.
“Hindi mo naman ‘yan pwedeng patayin,” sagot naman kaagad ni Lea sa kanya.
Sukat dun ay napatingin siya sa krus na sa may bukana ng simbahan. Puno ng luha ang mga mata niya. Gusto niyang magtanong kung bakit pinayagan ng Diyos na magbunga ang isang pangmo-molestya sa kanya. Hirap na nga siya sa buhay, nagkaroon pa siya ng isang pasanin, isang dapat niyang pakainin at alagaan. Hindi niya kaya.
Bumalong ang mga luha ni Odette habang tahimik na nag-iisip. She had lost her mother and she had never been with her. Salat siya sa pagmamahal ng isang ina kaya siya nasaktan ng ibang tao. Ngayon, kaya ba niyang ilayo ang sarili niya sa sarili niyang anak, kung siya ay nakaranas na mabuhay na walang ina?
If this is a challenge to her, then it's so hard to decide. Napakabata pa niya at labis niyang sinisisi ang kanyang sarili sa nangyayari ngayon. Bali-baliktarin man ang mundo, siya ang may kasalanan sa mga nangyayari sa buhay niya. Kung hindi siya nagpakatanga at naging mapagtiwala, hindi sana nangyari ito ngayon.
Yumuko siya at hinayaan ang mga luha na malaglag. Inaalo lang siya ni Lea habang siya ay walang imik na nag-iisip. Baka sa kauna-unahang pagkakataon ay masaktan siya ng lola niya. Tanggap niya kasi may kasalanan siya.
Sa kabila ng nangyayaring ito, hindi niya kayang kumitil ng buhay na hindi naman siya ang may bigay. Sana lang, hindi siya iwan ng Diyos sa pagsubok na ito sa kanyang buhay.
“Kapag pinaalis ka ni lola Ely, magsabi ka kaagad sa akin. Kakausapin ko sina Mommy. Bahala na. Hindi naman pwede na solo ka lang dito.”
Tumango na lang siya.
Isipin pa lang niya na ipagtatabuyan siya, labis na siyang nasasaktan. Wala naman siyang kakayahan sa buhay. Ngayon ay nararamdaman ni Odette ang pagiging wala niyang silbi.
“K-Kakausapin ko muna si Liza. Dapat makausap ko ang lalaking yun…o mga lalaki,” muli siyang napaiyak.
Daig pa niya ang aso na pinagsawaan. Nakakadiri siya. Ni ama ng anak niya ay hindi niya alam kung sino. Ang tanong niya, may managot naman kaya sa ipinagbubuntis niya?
Kapag nakausap na niya si Liza, saka niya kakausapin ang lola niya, para alam na niya ang kanyang gagawin. Pero, hindi kaya mas dapat na kasama niya ang lola niya sa pagkausap kay Liza?
Tama, sa lola na muna siya magsasabi. Bahala na kung magalit iyon at ayaw na siyang samahan sa paghahanap sa ama ng ipinagbubuntis niya. Wala naman siyang ibang pwedeng lapitan, iyon lang.
Bahala na ang Diyos sa kanya.
Nang siya ay medyo mahimasmasan na, lumakad na sila ni Lea para makauwi na siya. Sana ay makakuha siya ng lakas ng loob para magtapat sa matanda, at huwag na niyang patagalin pa. Ang buong akala niya ay maililihim niya ang lahat ng nangyari sa initiation. Ibinaon na niya iyon sa limot kahit na sobrang hirap na gawin, pero ngayon ay bumalik makalipas ang isang buwan, dahil may bunga ang lahat ng kahayupan.
“Kaya mo na ba na umuwi?” Nag-aalala na tanong ni Lea sa kanya kaya tumango siya.
Kakayanin. Mas lalong ang pangit kung hindi na naman siya uuwi. Puro pangaral naman ang bigay sa kanya ng lola Ely niya, hindi niya alam kung bakit nagawa pa niyang hindi pakinggan. Tapos, ngayon na may problema na, iyon ang lalapitan niya. Hindi na siya natuto sa pagkakamali ng kanyang mga magulang nang magbuntisan ang mga iyon tapos ay nag-away lang sa huli.
“Ingat ka,” anito nang sumakay siya sa traysikel papauwi.
“Ikaw din,” matamlay niyang sagot dito.
Tulala siya hanggang sa makarating siya sa bahay. De numero na naman ang kanyang bawat paghakbang. She was thinking of some better words to say to her grandmother, but she thinks nothing will ease her burden, and the pain it will inflict to the old woman who is raising her.
Parang sasabog ang dibdib ni Odette sa kaba nang siya ay makalapit sa pintuan. Nasilip kaagad niya si Ely sa screen. Nakaupo ang matanda at naglalagay ng mga beads sa gown. Iyon ang sideline ng lola niya sa tuwing walang ginawa.
Ang modista nilang kapitbahay ang nagbibigay ng mga gowns para lagyan ng beads. Sa bawat isang gown, depende sa dami ng ilalagay na burloloy, ang bayad ay nagmumula sa 250 hanggang 500. Iyon ang ginagamit nitong pandagdag sa kanyang gastusin sa eskwelahan kapag wala pang padala ang kanyang tiyahin na madre.
May sponsor lang kasi ang kanyang pag-aaral. Iyon na nga. May sponsor lang siya pero ano pa ang ginawa niyang kalokohan sa buhay niya?
“Apo,” Ely woke her up. Natatawa itong nakatingin sa kanya at di na halos niya namalayan, “Pumasok ka na. Ano pang ginagawa mo riyan?”
Alanganin na ngumiti ang dalagita saka walang lakas na hinila ang screen. Tumikhim siya nang pumasok siya.
Hindi siya halos makatingin sa matanda nang maupo siya sa solohang upuang kahoy.
“Magbihis ka na at ng makapag-meryenda ka na. Kumusta ang praktis, Odette?”
“O-Okay lang naman po, La.” Aniya rito pero nakatuon ang mga mata niya sa sapatos na hinuhubad.
“Nagpa-plano ang Tiya Bebeng mo na sa Maynila na tayo pagka-graduate mo. May nakuha raw siyang sponsor para sa pagko-kolehiyo mo. Ang nakakatuwa, isa itong Italyano, anak. Malaki raw ang handang gastusin para sa kurso mo. Kahit ano raw na apat o limang taong kurso. Kaya heto, sinisikap kitang mapagtapos para gumanda ang kinabukasan mo. Para naman kahit wala na ang Mama mo, naitaguyod pa rin kita.”
Sukat sa mga salitang yun ay biglang humagulhol si Odette. Lalo siyang naawa rito. Nakokonsensya siya na sobra.
“O, bakit ka umiiyak?” Tanong nito sa kanya.
“Lola…” garalgal na tawag niya rito, “Lola di ko po alam kung paano ako makaka-College.”
“A-Anong di mo alam? May bagsak ka ba, apo? Ma-Makikiusap ako sa titser mo,” maluha-luha na rin ito kaagad.
Sana nga ganun lang kadali pero hindi. Hindi siya nakapagsalita.
“Odette, magsalita ka. Anong problema?”
Lalo siyang humagulgol ng iyak nang tingnan ito. Wala itong kaalam-alam at kita sa mukha nito na wala itong maisip na dahilan. Wala naman kasi siyang boyfriend. Kahit na maganda siya at may mga gusto sa kanyang manligaw, hindi siya pumapayag, pero mauuwi lang pala siya sa pambubuntis ng hindi niya nakikilalang nilalang.
“Apo,” ani Ely na naibaba na ang gown na nilalagyan ng beads.
“B-Buntis po ako, la…” aniyang umiyak na sobra, “H-Hindi ko po alam ang ama.”
“Diyos ko!” Napatutop ito sa bibig at umiyak din sa sariling mga palad, “Paano mo nagawa ito? Paano ka na? Paano na di mo alam ang ama?! Naglandi ka ba?!” Galit na tanong ng lola niya sa kanya pero iling lang ang naisagot niya.
“Pinagsusumikapan kita pero ganito pa ang gagawin mo! Bahala ka sa buhay mo! Umuwi ka sa ama mong walang hiya!”
Umalis si Ely sa harap niya at lumabas ng bahay.
Umiiyak na pumasok si Odette sa kwarto niya at doon siya nagkulong. Ang sakit ng kalooban niya pero masa masakit iyon para sa kaisa-isang tao na tumatayo na magulang niya.
Sumuksok siya sa isang gilid, malapit sa may durabox niya. Doon siya umiyak, yakap ang mga tuhod niya. Daig pa niya ang baka na umaatungal dahil kapag hindi siya umiyak, baka sumabog ang dibdib niya. Kung uuwi lang din siya sa ama niya at ipauubaya siya ng kanyang lola roon, mas mabuti pa ang mamatay na lang siya.