NAPABALIKWAS ng bangon si Karizza mula sa kaniyang kinahihigaang kama nang makarinig ng iyak ng baby. Nang ilibot niya ang kaniyang tingin sa paligid ay saka lang niya napagtanto na nasa loob pa rin siya ng maliit na silid na hanggang ng mga sandaling iyon ay inuukupa niya. Agad nangilid ang masaganang luha sa mga mata ni Karizza nang maalala na naman ang kaniyang anak na si Khai. Mahigpit niyang niyakap ang isa pang unan sa tabi niya. “Anak ko,” humihikbi niyang wika na mariin pang pumikit. Miss na miss na niya si Khai. Napakahirap pala at hindi ganoon kadali na mawalay sa anak. Buong isang linggo na wala siyang ibang ginawa kung ‘di ang umiyak lang nang umiyak. Ang ginagawa ng may-ari ng hostel na kaniyang tinutuluyan ay dinadalhan na lamang siya ng kaniyang puwedeng kainin dahil h