WINDANG, iyon ang nararamdaman ni Karizza ng mga sandaling iyon. Halos hindi niya maigalaw ang kaniyang ulo para magbaling ng tingin sa katabing lalaki.
Hindi ba siya dinadaya lamang ng kaniyang paningin?
Ang lalaking nasampal niya ng dalawang beses ay ang lalaking pakakasalan niya?
Napalunok siya. Ni hindi na iyon umalis pa sa kaniyang tabi kaya natitiyak niya na ito nga ang lalaking pakakasalan niya.
Kung ganoon, ito ang Boss Zi na tinutukoy ng kaniyang ama?
All this time ay bata pa palang maituturing ang Boss Zi na iyon na buong akala niya ay matandang malapit ng umugod-ugod. Maling-mali pala siya ng akala.
Palagi na lang kasing bukang bibig ng kaniyang ama na mabait ang Boss Zi nito. Iyon lang ang alam niya.
Mabait?
Naalala na naman niya noong unang beses niya itong ma-encounter. Nasampal niya ito ng mag-asawa pa. Tiyak niyang masakit iyon.
Wala ba itong balak na iurong ang kasal nila? Dapat galit ito sa kaniya.
Paano kung natatandaan siya nito? Imposibleng hindi siya nito maalala.
Para bang gusto ng magpalamon ni Karizza sa kaniyang kinatatayuan.
How came na ninais nitong makasal sa kaniya? Kung tutuusin ay anak lang siya ng family driver ng mga ito. Dahil ba walang maibabayad ang kaniyang ama sa malaking halagang ginamit nila para madugtungan ang buhay ng kaniyang Mama Sol? Kaya siya na lang talaga ang naisip nitong ipambabayad dito?
Napalunok na naman si Karizza. Ang kaniyang kamay na mahigpit na nakahawak sa kaniyang bouquet ay nanlalamig na.
Piping hiling niya na sana ay mairaos niya nang maayos ang kasal na iyon.
Isang lalaking napakaperpekto ng hitsura, sobrang yaman, pero kataka-takang sa kaniya lang babagsak. Wala na ba itong iba pang pagpipilian na babae?
Pero imposible iyon. Dahil sa hitsura at tindigan nitong tinataglay, ito iyong tipo ng lalaki na hinding-hindi mauubusan ng babaeng nababaliw rito.
Lihim na huminga nang malalim si Karizza. Bigla, para bang nanlalambot ang kaniyang pakiramdam.
Pasimple pa nang sulyapan niya ang lalaking nasa tabi niya na nasa unahan lang ang atensiyon.
Paanong nangyari na ito ang lalaking nakatakda niyang pakasalan?
Isa sa sinikap ni Karizza, iyon ay ang mairaos ng matiwasay ang seremonya ng kasal. Na-orient naman siya ng mga dapat niyang sabihin sa kasal na iyon. Lalo na at sa totoong buhay ay bago sa kaniya ang lahat. Lalo na sa lalaking pakakasalan niya.
“You may now kiss your bride…”
Bigla, animo tinatambol ang dibdib ni Karizza nang muli siyang humarap sa lalaking asawa na niya ngayon. Si Kenzie Castellano o mas kilala niya sa palayaw na Zi.
Hindi pa niya magawang salubungin ang mga tingin nito. Hindi niya kaya.
Iniisip ni Karizza, hindi naman siya hahagkan sa labi ng lalaking asawa na niya ngunit nananatili pa ring estranghero sa kaniya. Kaya naman nang bumaba ang mukha ni Zi sa kaniya ay ganoon na lamang ang gulat niya nang hagkan siya niyon sa kaniyang labi.
Ni walang kiyemeng lumapat ang labi nito sa kaniya.
May limang Segundo rin yatang naglapat ang mga labi nila bago nito nagawang ilayo ang mukha sa kaniya.
Saka lang nagawang habulin ng tingin ni Karizza ang kaniyang asawa.
Ni wala siyang mababakas sa guwapong mukha nito na guilty ito sa ginawa. Ngumiti pa nga ito nang magbaling ng tingin sa mga tao.
Mga taong parang ang dark ng mga aura na hindi mawari ni Karizza. O baka naman dala lang ng pagiging sobrang yayaman ng mga taong naroroon?
SA DURASYON NG kasal hanggang sa reception, na ginanap sa loob din ng Ayala Alabang Village, ang Alabang Country Club ay walang ibang hiniling si Karizza kung ‘di ang mabilis na pagtatapos ng araw na iyon. Pagod na siyang ngumiti at magpanggap na masaya para sa kasal na iyon.
Kasal na lingid sa kaalaman ng lahat ng dumalo ay malayong-malayo sa inaakala ng mga iyon.
Maraming pumupuri sa kaniya dahil bagay na bagay raw sila ni Zi. Sigurado daw na magiging magaganda at guwapo ang mga magiging anak nila.
Idinadaan na lamang ni Karizza sa ngiti ang lahat. Hindi nga niya alam kung ikinatutuwa ba ni Zi ang mga sinasabing papuri na iyon o hindi?
Hindi rin naman maka-relate si Karizza kapag negosyo na ni Zi ang pinag-uusapan. Na-a-out-of-place ang kaniyang pakiramdam.
“Anak, okay ka lang?” tanong pa sa kaniya ng kaniyang ama nang magkaroon ito ng pagkakataon para malapitan at makausap siya.
“Papa,” ani Karizza na mahigpit pa itong niyakap. Saka lang siya mas nakakahinga nang maluwag.
“Masanay ka na, anak,” masuyo pa nitong wika sa kaniya.
“Ginagawa ko po, ‘Pa. Hindi po ninyo naulit sa akin na mas bata pa pala ang Boss Zi ninyo.”
“Mahigpit na ipinagbabawal ni Boss Zi na magkuwento sa iyo ng kahit na ano tungkol sa kaniya,” anang kaniyang Papa Abel nang maghiwalay sila sa kanilang pagkakayakap sa isa’t isa.
“Pero bakit po?”
Nagkibit ito ng balikat. “Hindi ko rin alam, anak. Sumusunod lamang ako sa utos niya.”
Napalunok si Karizza. Inilibot pa niya ang tingin sa paligid. Malayo naman sa kaniyang kinaroroonan ang kaniyang asawa. Kapag kuwan ay hinila pa niya ang kaniyang ama sa isang sulok para mas makausap pa.
“Wala po akong nakitang ama’t ina niya. Bakit?” tanong na kanina pang gumugulo sa kaniya.
“Wala na sila, anak. Ang nagpalaki lamang sa asawa mo ay ang kaniyang lolo na sumakabilang buhay na rin. Mag-isa na lang siya sa buhay. Wala rin siyang mga kapatid.”
Wala ng pamilya si Zi?
Hindi maiwasan ni Karizza na hayunin ng tingin ang kinaroroonan ng kaniyang asawa.
Mukhang hindi naman ito malungkot dahil wala siyang nababakas na kahit na anong lungkot sa guwapo nitong mukha. Nagbawi lang si Karizza ng tingin nang tumingin din sa kaniyang kinaroroonan si Zi. Bakit ramdam na naman niya ang animo kabog sa kaniyang dibdib?
Daig pa niya ang nahuli sa akto na gumagawa ng krimen. Ganoong klase ng kaba.
“Kung ganoon po, wala kaming ibang kasama sa bahay niya kung doon na rin ako titira?”
“Bukod sa napakaraming kasambahay, wala ng iba anak. Ikaw na ang bahalang mag-adjust sa kung ano mang buhay ang madaratnan mo sa mansiyon. Alam kong hindi ka sanay tumira sa isang napakalaking bahay.”
Totoo iyon. Dahil tama lang ang laki ng bahay nila. Lalo na at tatatlo lang naman silang nakatira doon ng kaniyang ama’t ina.
Mukhang aalog-alog sila sa bahay na bago niyang titirhan.
Napatingin si Karizza sa kaniyang kamay na may nakasuot na mamahaling wedding ring.
Singsing na wala namang ibang meaning para sa kaniya bukod sa ikinasal siya sa isang mayamang lalaki. Iyon lamang ang papel ng singsing na iyon para sa kaniya.