Chapter 02

1054 Words
LITERAL na napigil ni Karizza ang kaniyang paghinga nang makita ang napakaguwapong mukhang iyon. Exaggerated na kung exaggerated, pero literal ding animo nakasisilaw ang kaguwapuhan ng lalaking iyon. Mukha na para bang mahirap ipagkamali sa iba. Nang makabawi, sa isip naman ni Karizza ay ipinilig niya ang kaniyang ulo. Bakit ba niya pinagtutuonan ng pansin ang guwapong lalaking iyon? Eh, hindi naman iyon ang lalaking pakakasalan niya? Pero sandali, bigla ay natigilan na naman si Karizza nang unti-unting malapitan ang kinaroroonan ng lalaking nakaagaw ng kaniyang pansin. Dahil ang mukhang iyon ay para bang pamilyar sa kaniya. Mabilis na bumalik sa kaniyang isipan ang isang eksena may dalawang linggo na rin ang nakalilipas. Papunta siya noon sa isang Mall. “Miss may namboboso sa iyo,” narinig ni Karizza na wika ng matandang babae sa kaniya. “Ho?” “May namboboso sa iyo. Kung bakit kasi kaiiksi ng mga palda na sinusuot ng mga kabataan ngayon?” naiiling pang wika ng matandang babae. Umawang ang labi niya. At kasalanan pa niya na sunod sa trend ang suot niya? Sadyang may mga mata lang talaga na hindi mapakali. Halos magpuyos ang dibdib ni Karriza nang lumingon siya. Sakto naman na may isang lalaki nga na malapit sa kaniya. At iyon lang ang bukod tanging malapit sa kaniya. Tss, guwapo nga, walang hiya naman, ngitngit ng kaniyang kalooban na nilapitan ang lalaking iyon. At nang makalapit si Karizza sa lalaking iyon na halos kaunting hakbang lamang ang layo sa kaniya ay walang kangimi-ngiming sinampal pa niya iyon ng dalawang beses sa harap ng maraming tao. “Bastos!” she hissed. “Kayo talagang mga lalaki, mga walang hiya rin, eh. Por que ba medyo maiksi ang suot naming mga babae, may karapatan na kayong mamboso? At kami? Sisisihin pa ninyo dahil ganito ang suot namin? Partida, ha? May cycling pa ako sa loob ng palda ko. Ano, ha? Satisfied ka ba sa nakita mo?!” Ngumawa-ngawa ang lalaking bigla na lamang niyang sinampal at tinalakan. Para bang hindi man lamang nanginig sa kaniyang ginawang p********l o pananalak sa gitna ng kalye na iyon. Napapatingin pa sa kanila ang mga taong dumaraan. Kapag kuwan ay binalingan siya ng lalaking may mga matang animo nakakahipnotismo kung makatitig. Nakakatunaw. Kung hindi ito magsasalita, iisipin niyang hindi ito nagsasalita ng Tagalog. Paano nga kung ganoon? Baka hindi nito maintindihan ang kaniyang sinabi. “Pinagbibintangan mo ba ako?” anang boses nitong malamig sa pandinig. Para bang may dulot na panganib. Ganoon ang dating kay Karizza. Kung ganoon, naiintindihan nito ang kaniyang sinabi dahil nakakapagsalita rin ito ng wikang Tagalog. Sandaling animo naging speechless si Karizza. Lihim pa siyang napalunok. “H-hindi kita pinagbibintangan, Mister. Sinabihan ako ng matandang babae na binobosohan ako. At alam kong ikaw ‘yon.” “Ako? At paano mo naman nasabi na ako nga? Nakita mo ba?” “Linyahan ng mga lalaking huli na, tatanggi pa. Sige lang, itanggi mo. Tutal naman ay sa pagtanggi kayo magagaling. Sana tubuan ka ng butlig sa mga mata mo kasisilip mo. Hindi excuse na may hitsura ka kaya madali kang mapapatawad ng inaagrabyado mo. Baka gusto mo, dalhin pa kita sa Police Station?” “Matapang ka masyado. Kung hindi mo kilala ang pinagbibintangan mo, back off. Baka mapahiya ka lang.” Napakasuwabe ng lalaking ito. Ni hindi man lamang natatakot sa mga patutsada niya. Paano na lang kung hindi nga ito ang lalaking namboso sa kaniya? Napakurap si Karizza nang may kamay na humila sa kaniyang braso palayo sa lalaking nasampal niya. “Ano’ng ginawa mo sa lalaking ‘yon?” Nang magbaling ng tingin si Karizza ay nakita niya ang may edad ng babae na nagsabi sa kaniya na binosohan siya. “Kinakastigo ho dahil sa pamboboso niya.” “Pambihira ka naman, hija, hindi ang lalaking ‘yon. Nakatakbo na palayo nang sabihin ko sa iyong binobosohan ka.” Umawang ang mga labi ni Karizza sa kaniyang narinig. At nang lumingon siya, animo parang isang bula na nawala ang lalaking nasampal niya. Kung ganoon, mali ang lalaking nasampal niya ng dalawang beses? Namula ang mukha niya sa sobrang kahihiyan. Baka ang ending, siya pa ang kasuhan niyon ng pamimisikal. Para tuloy gusto niyang matunaw. “Sa susunod, mag-ingat ka sa mga isinusuot mo, hija. Kahit hindi mo gustuhin na mabastos, sadyang may mga naglipanang mga bastos,” iyon lamang at tuluyan na siyang iniwan ng matandang babae. Lumakas ang kabog sa dibdib ni Karizza habang inililibot ang tingin sa paligid. Wala na talaga ang lalaking hinahanap niya. Sino iyon? Nakakahiya ang ginawa niya. Tiyak na isinusumpa na siya niyon. Nahiling niya bigla na sana ay hindi na magkrus pang muli ang mga landas nila dahil sa sobrang kahihiyan na nararamdaman niya…  Ngunit mukhang hindi nakikiayon ang tadhana kay Karizza. Dahil sa mismong araw ng kasal niya, makikita niyang muli ang mukha ng lalaking iyon. Animo isang Prinsipe na nakatayo sa harapan ng dambana ng Diyos. Kay guwapong tingnan at hindi niya maikakaila ang bagay na iyon. Sandali pang nagtama ang kanilang mga paningin. Bagay na si Karizza rin ang unang nagbawi. Hindi maaaring mahalata ng lalaking iyon na natatandaan niya ito. Magpapatay malisya siya kung kinakailangan. Isa pa, masyado siyang magandang lalo ng mga sandaling iyon dahil sa napakaganda niyang ayos, kaya naman nakasisiguro si Karizza na hindi siya natatandaan ng lalaking iyon. Karizza, kailangan mong mag-focus sa kasal mo at hindi sa lalaking napagkamalan mong namboboso sa iyo. Baka magalit pa sa iyo ang mapapangasawa mo dahil ibinabaling mo sa iba ang atensiyon mo, saway sa kaniya ng kaniyang isipan. Lihim na huminga nang malalim si Karizza. Hinahanda na niya ang kaniyang sarili na ibigay ng kaniyang mga magulang ang kaniyang kamay sa lalaking matanda na may kalakihan ang tiyan at ang katawan. Iyon na ang napi-picture ni Karizza sa kaniyang isipan na mangyayari ano mang sandali. Kaya naman laking gulat niya nang maglakad palapit sa kaniya ang lalaking nasampal niya at siyang kumuha sa kaniyang kamay. Naisip niya, baka naman para iabot ang kamay niya sa matandang lalaki na naroon? Ngunit hindi ganoon ang nangyari, dahil ang mismong lalaking iyon ang naggiya sa kaniya papunta sa mismong harap ng altar. Bigla, para bang nasa isang roller coaster ride siya. At literal na para bang gusto na niyang mahimatay sa nangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD