"Roma! Gising na diyan at tanghali na! Kumain ka na't maglalaba ka pa!"
Iyon agad ang bumungad sa'kin ngayong umaga. Ang sigaw ng nanay ko sa akin na kahit nakasarado ang pintuan ko ay dinig na dinig ko pa rin. Napakunot tuloy ang noo ko sabay takip ng unan sa tenga ko.
Anong oras na ba? Inaantok pa 'ko eh. Isa pa, wala namang pasok ngayon dahil Sabado. Tiningnan ko 'yong phone ko na katabi ko lang. Alas otso lang naman pala eh.
Marahas akong bumangon sa aking kama at tinatamad na lumabas ng kuwarto.
"Ma, mga damit ko lang naman lalabhan ko eh," sambit ko nang makita ko si Mama na dumaan sa harap ko dala ang isang humper ng mga labahin.
"Oo na. Alam ko. Kumain ka na," sagot naman niya. Tapos ay tumungo na ako sa mesa para mag-almusal. Nandoon na ang tatlo kong kapatid.
"Si Papa?" tanong ko pagkakuha ko ng tinapay at hotdog.
"As usual," sagot naman sa akin ni Rayver, katorse anyos, ang kapatid ko na sumunod sa'kin.
'Di na 'ko umimik pa. Lahat kami, alam 'yon. Nasa sabungan na naman si Papa. Hobby niya talaga 'yon tuwing weekends. At walang makakapigil sa kanya.
"Nga pala, Ma. Aalis ako ngayon," sambit ko.
"At saan ka naman pupunta?" tanong naman niya.
"Kila Josephine. May gagawin lang kami," sagot ko.
"Sige. Basta wag kang magpapagabi, ha." bilin niya.
"Opo, Ma." sagot ko. Kailan ba 'ko ginabi ng uwi? Isa pa, bihirang-bihira kaya ako lumabas ng bahay tuwing weekends. Hindi naman kasi ako mahilig gumala. Mas gusto ko pang magkulong sa loob ng kuwarto ko maghapon.
"Sus. Kila Josephine daw. Magdo-DOTA ka lang naman." pang-asar naman ng ikatlo kong kapatid, si Reine, dose anyos. At masasabi kong 'complete opposite' ko.
"Eh, totoo naman doon ang punta ko eh. Isa pa, may problema ba sa pagdo-DOTA ko?" maangas kong sambit sa kapatid 'kong ubod ng arte.
"May pa-Jutsu Jutsu ka pang nalalaman." Patuloy pa rin ang pang-aasar niya.
"So? Kaysa naman sa'yo. Dose anyos palang, pumo-forever na!" pang-aasar ko naman sa kanya.
Sandali siyang natigilan at pinandilatan ako ng mata. "Bakit? May boyfriend ba 'ko? Wala naman ah," pagtanggi niya.
"Ano Reine? Defensive? Sus, parang 'di ko alam na napupuyat ka sa pakikipag-chat mo sa syota mo! Ano nga bang pangalan ng hayop na 'yon?" nanunuya kong sambit habang umaaktong nag-iisip.
"Ah naalala ko na, si Charl!" pang-aasar ko sa kanya. Napangiti ako nang makita kong naasar siya. Guilty kasi.
"Ma oh! Si Ate!" Lalo akong natawa nang magsumbong siya na parang bata.
"Ano ba? Roma, Reine! Nasa harap kayo ng pagkain," suway sa amin ni Mama habang nasa labahan siya.
Mayamaya ay pinuntahan kami ni Mama. Tapos ay inis na pumaywang siya sa harap namin ni Reine.
"Hoy Reine, ano 'yang naririnig ko? Aba, ang bata-bata mo pa, nagbo-boyfriend ka na? Isa pa, ate mo 'yan. Matuto kang gumalang sa mas nakatatanda sa'yo," pangaral ni Mama sa magaling kong kapatid. Natatawa-tawa ako sa isip ko habang pinapagalitan siya.
"At ikaw naman, Roma. 'Wag ka na ngang pumatol sa bata. At tigilan mo 'yang pagdo-DOTA mo."
Napataas ako ng kilay sa sinabing 'yon sa akin ni Mama.
"Bakit naman? Hobby ko lang naman 'yon eh. Isa pa, 'di naman ako nagpapabaya sa pag-aaral. Ang taas kaya ng grades ko! Baka nakakalimutan niyong top one ako ng klase." katwiran ko.
"Ay oo nga, nandoon na nga tayo. Kaso nga lang, pag naglalaro ka, wagas ka makapagmura. Parang hindi ka edukada at babae. 'Yan lang ba ang natututunan mo diyan?" Pagkatapos ay bumalik na si Mama sa labahan.
Napanguso na lang ako sa sinabi niya. May sarili kasi kaming computer set dito sa bahay at cabled internet. Dito ako minsan naglalaro.
Hindi ko naman mapigilang magmura pag naglalaro, lalo na't ang intense na ng game. You don't know the feels.
"Buti pa nga si Ate Roma, kahit nagdo-DOTA mataas pa rin ang grades. Eh 'yong isa diyan? Kamusta naman kaya?" nang-aasar na sambit ni Rayver sabay nguso sa puwesto ni Ryler, onse anyos, bunso.
"Tss..." tanging tugon lang nito habang seryoso ang mukha na akala mo'y Biyernes Santo.
Mahilig din kasi sa online games ang batang 'yan - DOTA, Cabal, LOL, Counter Strike, name it all. Kaso nga lang, tamad mag-aral. Kaya sa aming magkakapatid, siya ang pinakabokya.
Namumulaklak palagi ang report card niya sa line of 7. Hindi na nga namin alam ang gagawin d'yan. Napailing na lang ako.
--
Paglabas ko ng kuwarto, ready to go na 'ko with my black shirt on top, skinny jeans, sneakers, at black cap ko.
"Alis na 'ko!" paalam ko sabay labas.
Paglabas ko ng subdivision namin ay sakayan na. Mabuti't may jeep kaagad kaya't nakasakay na 'ko. Fifteen minutes lang ang biyahe mula dito hanggang sa subdivision nina Josephine kung walang traffic.
At dahil nga Sabado ngayon, traffic na sa daan kahit alas nuebe pa lang ng umaga. Tapos, maalinsangan pa. Hay naku. Ayaw ko pa naman din ng ganitong panahon. Madali akong mairita kapag binabanas ako.
Pagkatapos ng mahigit trenta minutos, sa wakas narating ko na rin ang tapat ng subdivision nina Josephine. Tapos may sakayan dito ng tricycle. Sumakay ako sa isa sa mga nakahilera doon at sinabi ang street nila.
Buti pa nga dito may mga tricycle na puwedeng sakyan para maihatid ka saan man dito sa loob, 'di gaya sa'min.
--
Nandito na 'ko sa tapat ng gate ng bahay nina Phine. Kaya't nag-doorbell na 'ko. Sandali lang matapos kong mag-doorbell, lumabas na si Phine ng bahay at pinagbuksan niya ako ng gate.
"Hi, Roma!" bati niya sa'kin nang may matamis na ngiti.
Si Phine or Josephine ay classmate ko since grade 8. Mas maliit siya sa'kin ng konti at mas may laman. Maputi, tuwid at bagsak ang kanyang hanggang likod na buhok, bilugan ngunit mapupungay ang kanyang mga mata, 'di katangusan ang kanyang ilong pero bumagay naman iyon sa hugis puso niyang mukha. Mahinhin siya at matipid kumilos.
"Si Roma ang late!" Parang batang nang-aasar na bungad sa'kin ni Evan pagkadating ko pa lang sa sala.
Evan, boy bestfriend ko. Classmates kami noong grade 7 kaya kami nagkakilala. Hanggang ngayon, 'di ko pa rin maisip kung paano at bakit ko siya naging bestfriend samantalang kinaiinisan ko siya noon?
Kung guwapo si Evan? Well, medyo oo, na medyo hindi rin. Ang g**o ko ba? Hindi siya ganoon katangkad, medyo malaki ang pangangatawan niya, maputi siya, at may hawig siya kay Phine lalo na sa mata, medyo kulot din ang buhok niya na laging naka-clean cut.
"E ano kung late ako? May consequence ba 'yan?" maangas kong sambit pagkaupo ko sa sofa na katapat ng TV.
Kaya kami nanditong lahat dahil nagpasama si Phine. Wala raw kasi siyang kasama dito maghapon. Tita lang niya ang kasama niya dito at pumasok ito sa trabaho. Kahit Sabado pala may trabaho pa rin ang Tita niya.
"Ililibre niya tayo mamaya ng pamasahe pauwi! Wooh!" masayang sambit ni Evan na parang bata habang pumapalakpak pa.
"Ugh? Libre your face. Wala akong pera, 'no." sabay bato ko sa mukha niya ng throw pillow.
"Ano ba naman 'yan? Wala bang ibang palabas?" inis na sambit ni AJ habang nakatingin sa TV.
Si AJ, or Alicia Joy. Sa lahat, siya ang pinaka-best friend ko. Pareho kami halos sa lahat ng bagay - kilos, pananamit, pagsasalita, ayaw magpatawag sa buong pangalan dahil masyadong feminine ang dating, at hilig sa anime at DOTA.
Siguro ang dominant na pinagkaiba namin, KPop fan siya, samantalang ako naman ay hindi. Hindi ako mahilig sa mga lalaking bisexual na sumasayaw at mukhang mas maganda pa sa'kin.
Bukod pa ro'n, strength niya ang Math, at weakness ko naman 'yon. Ngayon lang ako gumaling-galing doon. Science was my strength.
"AJ, hanapin mo 'yong remote. Ilipat mo na lang sa Animax." sambit ko.
"Luh? Animax? Myx na lang." singit bigla ni Jeyra na lumalamon ng chippy.
Si Jeyra, the frustrated singer at aspiring well-known author s***h theater actress. Kaya't member siya ng theater club ng school. Sabay ko silang nakilala ni AJ last year dahil magkakaklase kami.
Sa aming lahat, siya 'yong parang...how could I say this? May pagka-weird?
"No, Animax." pagpilit ko.
"Myx." pagpilit naman niya.
At nagpatuloy pa kami sa pagtatalo kung Myx ba o Animax ang channel na lilipatan namin.
Nang matigil kami ay bumuntonghininga siya, "Mabuti pa 'yong Animax, pinaglalaban mo. Pero siya, hindi niya 'ko kayang ipaglaban," madrama niyang sabi at mukhang feel na feel pa niya. 'Di ba? Ang weird?
Ayan na naman siya. Kaya't napangiwi tuloy ako. Mahilig humugot, wala namang lovelife. Ewan.
"O, ayan. Jack TV na lang para walang gulo." singit bigla ni Evan pagkalipat niya ng channel.
Napataas kami ng kilay na nakatingin sa kanya. Nasa kanya lang pala ang remote.
"O bakit? 'Di ako mahilig sa anime at lalo na doon sa channel na gusto ni Jeyra basurera," nang-aasar niyang sambit.
Tinapunan siya ni Jeyra ng isang matalim na tingin. "Basurera? Kailan mo ba ako titigilang tawaging ganyan?" singhal niya kay Evan.
"Kapag maganda ka na," nang-aasar niyang sagot.
"Kaso mas imposible pa 'yon kesa sa pagputi ng uwak," dagdag pa ni Evan sabay bulalas ng tawa.
Lalong tumalim ang tingin sa kanya ni Jeyra na parang gusto na niya itong patayin.
"Ang sama mo talaga! Inaano ba kita, ha?" inis na bulyaw dito ni Jeyra sabay hampas at kurot nito kay Evan, kaya't panay na ang daing nito sa sakit.
Ayan na naman po sila. Daig pa nila minsan sina Duterte at De Lima kung mag-away. Napahawak na lang ako sa noo ko sabay iling.
Si Evan naman kasi, masyadong pang-asar. Lagi niyang sinasabing napapangitan siya kay Jeyra.
Sa aming lahat kasi, si Jeyra lang ang morena. Chubby, chinita, at kapag ngumiti, kita na ang gilagid. Para kay Evan, pangit siya. Kung ako naman, wala namang problema sa hitsura niya. Or 'di lang talaga ako mahilig mang-jugde base sa hitsura?
--
Kung anu-ano na ang mga pinaggagawa namin dito para malibang. Kumain, magkuwentuhan, naglaro ng indoor games, at huli, nanood ng movie.
Sakto naman, pagkatapos ng movie, dumating na 'yong tita ni Phine.
Mauuna na kami nina AJ at Jeyra, kaya't nagpaalam na kami kay Phine at sa Tita niya.
Paglabas namin ng gate, mabuti at may dumaang tricycle. Sumakay na kami at sampung minuto lang ay nasa labas na kami ng subdivision at sumakay na kami ng jeep.
Mayamaya'y nauna nang bumaba ang dalawa dahil salungat naman ang daan nila pauwi kaysa sa'kin.
Mga kinse minutos matapos nilang bumaba, ay ako naman ang bumaba. Dito sa tapat ng subdivision namin.
Time check, 5:30 p.m. Kailangan makauwi na ko bago pa lumubog ang araw.
Naglalakad na 'ko dito sa loob ng subdivision namin. At mayamaya lang ay narating ko din ang tapat ng shortcut na daanan papunta sa street namin.
Masukal nga lang dito at tago dahil napalilibutan ito ng mga puno at halaman. Makipot at mabato pa ang daanan.
Habang tinatahak ko ang daanang ito, parang may naririnig akong yabag. Pakiramdam ko may sumusunod sa akin. Ako lang naman ang tao dito, 'di ba?
Para makasiguro, huminto ako. Huminto din 'yong yabag. Pasimple akong tumingin sa paligid ko at nakikiramdam.
Wala talagang tao. Tapos nagpatuloy na 'ko. Pero ayan na naman 'yong yabag.
Naisip kong bilisan ang lakad. At nagulat ako nang bumilis din 'yong yabag. Dito na 'ko medyo kinabahan.
Nasa kalagitnaan pa lamang ako ng daanan nang biglang may sumulpot sa unahan ko kaya't napahinto ako.
"Hi, miss. Saan ka pupunta?" tanong ng lalaki.
Hindi ko siya pinansin at nilampasan ko lang siya. Mukha siyang adik at 'di gagawa ng matino.
"Kinakausap pa kita. 'Wag ka namang bastos," sambit niya sabay hawak sa braso ko. Para namang umakyat ang dugo sa ulo.
"Bitiwan mo 'ko," mariin na utos ko. Pero lalo niyang hinigpitan ang hawak.
Dahil mainitin ang ulo ko, mabilis kong hinawakan ang braso niya, pinilipit ito, tapos ay binalibag ko siya.
Para sa kaalaman ninyo, marunong ako ng aikido at jujitsu.
Umangal sa sakit 'yong lalaki, namimilipit at halos 'di na makatayo.
Ano lalaban ka pa ha? Paano ako natuto? Training videos, mga dre. 'Di ko na kailangan ng coach at formal training. Kaya ko na matutunan ang isang bagay just by watching.
May sumulpot namang dalawa pang mga lalaki mula sa mga nagkakapalang mga halaman sa tabi. 'Yong totoo? Saan ba galing 'tong mga 'to?
Pagsugod ng isa, sinapak ko agad siya. Tapos hinawakan ko din agad ang braso niya, pinilipit ko habang tumalikod sa kanya, sabay balibag sa kanya. Two down.
Pagkatapos 'yong isa naman. Teka, sumusugod siya na akmang sasaksakin ako ng...ice pick!