"Ma, alis na 'ko!" paalam ko sa kanya.
"Sige, ingat ka," sagot naman ni Mama.
Paglabas ko ng bahay, sumakay na 'ko ng bike ko. Araw-araw ko 'tong ginagawa. Ang pasok ko ay eksaktong 6:15 ng umaga. At ang awas ko naman ay ala una ng hapon. Two shifts kasi ang public high school na pinapasukan ko.
Mga kinse minutos bago ako tuluyang makarating sa school. Pagdating ko doon ay pinarada ko sa parking-an ng mga bike itong bike na dala ko. At syempre, kinabitan ko ng kadena para secure. Mahirap na.
Pinapasok agad ako ni Manong guard dahil may suot akong ID. 'Yong building kung nasaan ang classroom ko ay katapat lang ng gate kaya mabilis lang akong nakarating.
Pagpasok ko sa room, medyo kakaunti pa kami dahil nga maaga pa. Pag-upo ko pa lang, hinikab na agad ako. Inaantok pa 'ko eh.
"Hoy, Roma. May assignment ka ba sa Trigo? Pakopya naman!" sambit sa'kin ni Jacob, seatmate ko. Kaklase ko siya mula grade 7. Tatag 'no?
Tiningnan ko siya nang may tamad na ekpresyon. "Tumigil ka nga. E ano kung may assignment ako? Asa ka namang pakopyahin kita. Kilala mo 'ko, 'di ako nagpapakopya," sabi ko.
Syempre, kahit papaano pinaghirapan ko 'yon. Ano ka? Naka-free? Ulol.
"Damot mo naman. Parang 'di tayo friends," nakangusong sabi ni Jacob.
Tiningnan ko naman siya na parang nandidiri ako. "Tumigil ka nga. 'Di ko na problema kung wala kang assignment, 'no!" inis kong sabi sa kanya.
Nang bumalik na si Jacob sa kanyang upuan ay tumungo na lang muna ako sa armrest ko dahil inaantok pa talaga ako. Napapikit na ako nang marinig kong may tumatawag sa'kin.
"Psst! Cassandra!"
Aba. At pangalawang pangalan ko pa talaga? Hangal talaga.
Nakakunot-noo akong umangat mula sa pagkakatungo ko at dineretso ko ang tingin ko sa pintuan. Ang mga tropa ko pala. Nasa ibang section na sila kaya't pinupuntahan na lang namin ang isa't isa. Tumayo naman ako at nilapitan sila.
"Ano? Inaantok agad?" pang-asar na tanong sa'kin ni Phine. Tumango lang ako.
"Birthday mo na next week ah. Anong plano?" kantyaw sa'kin ni AJ.
Oo nga pala. 17th birthday ko na next week. Nagkibit-balikat lang ako. Hindi talaga ako nagce-celebrate ng birthday. Kaya 'di ako excited. Para sa'kin, isa lang 'yang ordinaryong araw na lilipas. 'Di ko na nga maalala kung kailan ang huling birthday celebration ko eh. 10 years ago, I think?
"Nagpuyat ka na naman kapapanood ng bold," pang-aasar sa'kin ni Evan. Boyfriend ni Phine at boy bestfriend ko since grade 7.
"Tanga ka. Gaya mo pa 'ko sa'yo. Ano? May game ba?" sambit ko.
"Ewan ko. Wala pang sinasabi si Captain," sagot niya.
"Ah gano'n ba."
Hindi outdoor sports ang tinutukoy namin ni Evan. Kun'di online game. Pamilyar ba kayo sa DOTA or Defense of the Ancient? Iyon 'yon.
Member kami ng isang organization na ang pangalan ay 'Jutsu'. Sa kasalukuyan, meron na itong 14 teams na may tigli-limang members. Hindi magkakakilala ang members, maliban na lang kung magfe-face off kayo sa isang game. At sa maniwala kayo't hindi, ako ang vice captain ng team namin, ang Team 11, at nag-iisang babae. Hindi ko lang alam kung may ibang babae din na member ang org.
"Ano? May game kayo mamaya? Sama ako!" biglang pagsingit ni Jacob.
"Sasama ka, 'di ka naman member," sambit ni Evan.
Natawa ako. "Paano naman kasi siya magiging member eh ang weak niya," pang-aasar ko sa kanya.
Sinamaan niya 'ko ng tingin. "Ikaw ang weak!" bulyaw niya sa'kin na parang pikon na bata.
Natawa ako, "Hindi ako magiging vice captain kung weak ako," pagmamalaki ko. Totoo naman eh.
"Yabang mo talaga. Magiging member din ako tandaan mo 'yan!" banta niya. Napangiti na lang ako sabay iling.
"Kailan? Pag maputi na ang uwak?" kutya ni Evan. Narinig ko namang nagpipigil ng tawa ang tropa. Natatawa talaga ako. Asar na si Jacob.
"Ang hard mo talaga sa akin kahit kelan!" nakangusong sambit niya sa'kin. Lalo akong natawa sa mukha niya.
Ilang beses na kasi niyang sinubukang sumali do'n pero palagi siyang bagsak.
--
First subject namin ay Filipino kaya syempre, adviser namin ang teacher namin dito.
"O leaders, kokolektahin ko yung index cards ninyo bukas kaya paki-tally na lahat ng points. Ang mga kailangang i-record, i-record na. Hindi ako magbibigay ng extensions," sambit ni Ma'am.
After ng announcement na 'yon ni Ma'am, umalis na siya. May task na naman akong gagawin pag-uwi. Sana ito lang at 'di na madagdagan pa. Leader ako dito sa subject na 'to, group one. Kaya kailangan. Balak ko pa naman din sanang manood ng anime pag-uwi ko kung wala kaming game mamaya.
Kasunod nito ay Math, at bago tuluyang umalis si Ma'm, ibinigay niya sa'kin 'yong papers ng assignment para check-an. Ayos ah. Ako din pala ang maghahawak ng mga papel na 'to sa huli. Dalawa na ang task ko, jusme. Napakamot na lang ako sa ulo.
Kasunod nito ay Physics. Bago din umalis si Mam, ibinigay niya sa'kin ang activity papers ng klase at ako na daw ang mag-check. Pambihira.
English naman. Eto na ang huling subject bago ang recess. "Okay class, you need your notebooks to be checked," sabi bigla ni Ma'am.
Naku, kinakabahan na 'ko. Sana naman, hindi na ako ang mag-check. Ganyan din 'yang teacher na 'yan eh. Utusan din ang tingin sa'kin.
"Your notebooks will be checked by..."
Ayan na...'wag ako, please! 'Wag ako! Nag-cross fingers na ako. 'Wag ako please. Iba na lang!
"Jana. Make sure your notebooks will be checked by her," pag-announce niya.
Nakahinga ako ng maluwag doon ah. Ayos.
"Then after that, you will record it, Ms. Martinez."
Napalaglag-panga ako. Seriously? Nakalusot nga ako sa pagche-check, pero hindi pala sa recording. Iniabot sa akin ni Ma'm ang recording sh*t niya bago siya umalis.
Nakakapanlumo ang araw na 'to.
--
Awasan na at sinalubong ako ng tropa sa pintuan. "Roma, may game tayo. Nauna na sila do'n sa comp shop," bungad sa'kin ni Evan. Nanlaki naman ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.
"Bakit?" tanong niya.
Napabuntonghininga ako nang may ingay at naihilamos ko ang aking palad,
"Busy ako, pre," sabi ko.
"Gano'n? E five v five 'yon, brad. Kailangan ka," pag-pilit niya.
Napaisip ako. Okay, Roma. It's your turn para mamili. School work? O DOTA? Napaisip ako ng ilang sandali. Hindi ko akalaing darating ako sa puntong 'to. Na mamimili ako sa dalawang 'to.
"Wala ba akong magiging sub?" tanong ko.
"Kung busy ka talaga, maghahanap na lang kami ng sub mo. Sasabihin ko na lang kay Captain," mungkahi niya.
Nakahinga naman ako do'n, "Sige, salamat. Mauna na 'ko," sambit ko.
At umalis na'ko kasama si AJ matapos namin magpaalam kay Phine. Pinili ko ang obligasyon ko sa school, mga dre. Nakakainis naman kasi. Bakit kailangan pa nilang magsabay-sabay?
"O pa'no, Cass. Una na 'ko," paalam naman sa'kin ni AJ pagsakay niya ng bike. Tumango at ngumiti lang ako kay AJ tapos ay umalis na siya. Habang ako, sumakay na 'ko ng bike ko at umalis na din.
--
Pag-uwi ko, agad akong nagbihis ng pambahay at dumeretso sa study table ko. Inumpisahan ko na para matapos agad kahit pa tinatamad pa talaga ako.
Ako lang mag-isa ngayon sa bahay. Palagi naman tuwing weekdays. Whole day sa klase ang tatlo kong kapatid, at ako ang panganay sa kanila. Nasa office si Papa, at kasambahay naman sa isang Korean family ang Mama ko, 'di kalayuan dito. Kaya usually, tuwing 5 p.m. na 'ko nagkakaroon ng kasama dito sa bahay.
Natapos ko na 'yong recording sa Filipino at kasalukuyan akong nagche-check ng Math papers.
Huminto muna ako sandali at pinalagutok ang mga daliri ko. Tinatamad na ako. At mayamaya lang, nakaramdam na 'ko ng antok.