Tahimik lang akong nagdo-drawing ng manga rito sa aking study table sa kuwarto ko. Wala akong pasok ngayon dahil Linggo.
“Ano nang mangyayari kina Kazuki at Chiharu? Roma! Nasaan na ang kasunod nito?”
“Puwede ba, Caden? Hanggang diyan lang ang kinaya ko. Sa susunod na lang ulit,” inis kong sambit.
Narito sa kuwarto ko nambubulabog ang torpeng engot na ‘to.
“Wala na?” tanong pa niya. Bumuntonghininga ako nang may halong inis sabay padabog na tumayo sa kinauupuan ko.
Lumapit ako nang nakapamaywang, “Hoy ikaw. Hindi ka rin makapal, ano? Sino may sabi sa’yong tumambay ka rito sa kuwarto ko?” inis kong tanong.
“Technically, this is not your room,” sambit niya habang hinihimas ang unan na katabi niya.
Inikutan ko siya ng mata sabay ekis ng mga braso ko. “Puwede ba? Umalis ka na nga rito!”
Hindi siya natinag sa pagkakahiga na parang walang narinig. Kinuha ko ang isa niyang braso at hinila ito nang buong lakas ko.
Pero mabigat siya at parang sinasadya pa niya para hindi siya makaalis. Para na siyang lintang nakadikit sa kama ko.
Bumalikwas siya habang nakahawak pa ako sa kanya kaya’t nahila niya ‘ko papunta sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko na nakatitig sa mga mata niya habang nakapatong ako sa kanya.
“Roma?”
Natauhan ako nang tinawag ni Caden ang pangalan ko kaya’t agad-agad akong lumayo.
“I-ikaw kasi eh! Hinila mo ‘ko! Hay naku! E kung gumagawa ka na kaya diyan ng paraan para maging kayo na ni Kiara,” inis kong sabi.
“Speaking of Kiara. Nag-date kami kahapon!” masaya niyang sambit.
“Talaga?” sambit ko nang nakangiti.
“So, kayo na?” tanong ko pa.
“Hindi pa eh. I can’t tell my feelings yet,” sagot niya.
“Sus, ginoo,” sambit ko sabay sapo sa noo ko.
“Because I want it slowly but surely,” katuwiran niya.
“Slowly?! Isang taon lang ang meron tayo at ikakasal na tayo. Slowly pa ha?” pag-aamok ko.
“Don’t worry too much, darling. I can manage this. Sisiguraduhin kong bago ka mag-eighteen next year, kami na ni Kiara at natupad na natin ang nasa treaty. Okay?” aniya.
“Siguraduhin mo lang ha.”
Matapos niyang basahin ‘yong bagong chapter ng manga ko na Elemental Rose, kinuha naman niya ‘yong manga ko na Marry Your Daughter. School life, romance ang genre ng manga ko na ‘yon.
Kasalukuyan ‘yong may sampung chapters dahil ‘yon ang pinakaunang manga na ginawa ko.
“Ohh. So arranged fiancée pala ni Kyouya si Sayuri? What a coincidence,” sambit bigla ni Caden.
Bumangon siya sa kama ko at umupo. Tiningnan niya ako ng seryoso, “I want to be honest with you,” sabi niya.
“Ano naman ‘yon?” kunot-noo kong tanong.
“Hindi ko masyadong feel ang romance. Hindi kagaya sa fantasy mo, ramdam ko ‘yong thrill. Pero sa romance, nah,” sambit niya.
“Ano ka? Critic?” taas-kilay kong tanong.
“Do you know that I am a published mangaka?” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Tapos ay natawa ako.
“Talaga lang ha?”
“Yep. Do you know the annual Silent Manga Competition?” tanong niya.
“Oo! Sumali ako diyan last year. Kaso natalo ako sa kalagitnaan. Tapos no’n, hindi na ako sumali,” sambit ko.
“For your information, I won the contest for three consecutive years.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. “Weh?”
At dahil hirap akong paniwalaan siya, kinuha ko ang laptop ko at nag-browse sa internet. Silent Manga Competition champion. Ren Baltazar.
Sandali. Ren…Baltazar? “Ikaw si Ren Baltazar?!” pagkagulat ko.
“Yes, deary. ‘Yan ang pen name na ginamit ko sa competition,” sambit niya.
“Nabasa ko na ‘yong mga manga na naipanalo mo,” sambit ko.
“Really? Want an autograph?”
“Sus. Yabang,” natatawa kong sambit.
“But seriously. Dapat sumali ka ngayon. Malay mo, mag-second or third place ka pa this year. Magaling ka naman eh. ‘Yong romance mo nga lang ang medyo may problema,” sambit niya.
“Alam ko naman ‘yon. “
“Sa bagay. Inexperienced ka pa sa romance, so understood naman ‘yon. Hindi ka pa talaga nai-in love kahit once? Even crush?” usisa niya.
“Nope. Hindi pa. Ewan ko ba. Ni crush hindi ko pinag-aksayahan ng panahon,” sambit ko.
“Pero, babae ka naman ‘di ba?”
Nilaliman ko siya ng tingin. “Baliw ka talaga, ‘no! Siyempre naman!” inis kong sambit.
“Chill, okay? Biro lang,” natatawa-tawa niyang sambit.
“Lumabas ka na,” utos ko.
“Fine.”
At lumabas nga siya ng kuwarto ko. Panggulo talaga ang isang ‘yon. Parang walang magawa sa buhay.
---
Tumigil muna ako sa ginagawa ko para magpahinga sandali. Sumasakit na rin ang mga kamay ko at mga mata ko.
Tumayo ako at dumungaw sa bintana. May balcony pala rito.
Naisip kong buksan ang glass door at pumunta sa balcony ng kuwarto ko. Halos tanaw ko na ang buong street namin. Humahampas din ang sariwang hangin sa balat ko at nililipad din ang buhok ko.
Huminga ako nang malalim habang nakapikit para damhin ang sariwang hangin.
Pagtingin ko naman sa baba ay nakita ko si Caden sa gate na parang may sinisilip. Nang sumilay naman ako sa kalsadang katapat ng gate namin ay nakita ko si Kiara na naggagala ng aso niyang shih tzu.
Napangisi naman ako. Sinisilayan ni torpeng engot ang crush niya.
Naisip kong bumaba para asarin si Caden. Lumabas ako ng kuwarto ko at nagmadaling lumabas para lapitan ni engot.
“Waah!”
“What the—“
Humagalpak ako ng tawa dahil sa naging reaksyon ni Caden. Para siyang nakakita ng multo.
“Roma!” sambit niya habang pinandidilatan ako ng mata.
“Bakit? Naistorbo ko ba ang pagpapantasya mo kay Kiara?” natatawa kong sabi.
Tiningnan niya ako nang nakakunot-noo.
“Bakit? Tama naman ako, ‘di ba?” Sumilip din ako sa awang ng gate at nakita ko si Kiara na naggagala ng aso niya. Nakaputing shorts lang siya at pink na t-shirt at tsinelas.
Kapit-bahay lang din siya nila kumag. Kanila ‘yong pink and white na mansion na may pulang gate na hindi kalayuan dito.
“Lapitan mo kaya kaysa nakasilay ka lang?” sambit ko.
“Ayaw ko. Nahihiya ako.”
“Putragis. Paano tayo uusad niyan kung ang bagal mo?”
Hindi naman ako inimik ni kumag.
“Tatawagin ko na lang siya, Kia—“
Nagulat at natigilan ako nang takpan bigla ni Caden ang bibig ko. Pagkatapos ay nanlaban ako.
“Sshh! Huwag ka ngang magulo,” inis na bulong sa’kin ni Caden.
Hindi ako makapagsalita dahil nakatakip sa bibig ko ang kamay niya. Tanging impit na ungol lang ang nagagawa ko.
“Keep quiet and I’ll let you go.”
Nang huminahon ako ay dahan-dahan niya akong binitiwan.
“Pwe! Hindi ako nakahinga ro’n ah!” reklamo ko.
“Oh bakit? Sinong may kasalanan?” inis niyang tanong.
“Ewan ko sa’yo!” inis kong sabi sabay martsa paalis.
Pumasok na ako sa loob at dumeretso sa kusina.
Tubig lang sana ang gusto ko pero nakakita ako ng mango juice sa ref. Inilabas ko ‘to at nagsalin sa baso at uminom.
Halos maibuga ko naman ang ininom ko nang nakita ko ang taong pumasok sa kusina.
“Sino ‘to?” bulong ko sa sarili ko.
Nakatitig lang din siya sa’kin na parang nagtataka. Mayamaya naman ay ngumiti siya.
“Roma? You’re Roma Cassandra, right?” tanong niya.
Tumango naman ako bilang sagot.
“Kilala mo ‘ko? Sino ka ba?” tanong ko naman.
Tumawa siya sabay kamot sa batok niya.
“I’m Chester. Caden’s elder brother.”
“Ha? Kapatid ka ni kumag? Pasensya na hindi ko alam.”
Tumawa siya, “It’s okay. Kararating ko lang kaninang madaling araw from Manila.”
“Oh Kuya. Gising ka na pala.”
Dumating bigla si Caden.
Halos magsingtangkad lang sila kahit pa mas bata si Caden. Pareho silang chinito pero ang mga mata ni Caden ay double eyelids, samantalang si Chester naman ay monolids.
Full lips naman si Chester habang si Caden ay thin lips. Pareho silang matangos ang ilong at mas maliit naman ang mukha ni Caden.
Pareho rin silang may maputi at makinis na kutis, katamtamang pangangatawan, at magandang tindig.
“Ah oo. I’m looking for something to eat.”
Tapos ay tumingin siya sa’kin, “Pero, iba ang nahanap ko.”