Thirteenth Chapter: Out of Town

1685 Words
Tamad na tamad akong nakadungaw dito sa bintana ng kuwarto ko sa second floor. Mayamaya’y nag-ring ang phone ko. Nasa bulsa ko lang ito at kinuha ko ito para sagutin. “Hello.” “Roma, where the hell are you? Bakit wala ka sa kuwarto mo?” tanong ng kausap ko sa kabilang linya. Bumuntonghininga ako, “Nandito kasi kami ngayon ng pamilya ko sa Cavite,” sagot ko. “What? Anong ginagawa niyo diyan?” usisa ng Caden na ‘to. Natigilan ako sandali, “Huling libing ni Lola,” sagot ko. “Oh, I’m sorry. Condolence.” “Bakit mo nga pala ako hinahanap? May kailangan ka ba?” tanong ko. “Magbabasa ng manga mo,” sagot niya. “Gano’n ba. Bukas pa ng umaga kami makakauwi.” “Ah okay, sige. Bye.” At ibinaba na niya ang phone. “Ate.” Tumingin ako sa tumawag sa’kin na kapapasok pa lang sa pinto. “Kakain na tayo,” sambit ni Reine. “Sige susunod na ‘ko.” Tapos ay umalis na siya. Nandito kami ngayon sa bahay ng tita ko sa Dasmariñas, Cavite. Huling libing ng Lola ko, nanay ni Papa. Sa totoo lang, ayaw ko naman talagang sumama dito. Kaso pinilit lang ako ni Papa.  Mabuti na lang din at pinayagan siya ni Michael na isama ako rito. Bukod sa ‘di ako sanay sa lugar dahil maingay at matao rito, hindi naman ako malapit sa namayapa kong Lola. Nang mabalitaan kong namatay na siya, nagulat ako nang kaunti pero parang wala lang.  At nang makita ko ang bangkay niyang nakahimlay sa loob ng kabaong, parang wala akong maramdaman. Hindi ako malungot at naiiyak, hindi rin naman ako masaya. Galit? Hindi ko rin alam. Bago niyo sabihin na masama akong apo, gusto kong linawin na hindi kami malapit sa kanya. Na kahit kalian, hindi siya naging lola para sa aming magkakapatid.  Pagkatapos naming kumain ng tanghalian ay nagtipon kaming magkakapatid dito sa sala. Maraming tao ang naririto ngayon dahil nandito rin ang iba pa naming mga kamag-anak, maging mga kapitbahay nila ay nakikiramay din. Hindi talaga ako komportable sa maraming tao kaya’t nananahimik lang ako rito sa isang upuan habang naglalaro ng phone ko. “Roma.” Tumingin ako sa kumulbit sa’kin. ‘Yong tita ko pala na siyang may-ari nitong bahay. “Bumili ka ng strawberry juice sa tindahan. ‘Yong powder na tinitimpla,” utos niya sa’kin sabay abot ng pera. Wala na akong magawa kundi ang sumunod. Paglabas ko ng bahay ay may nadaanan na agad akong tindahan. Nagtanong ako pero wala raw silang tinda. Naglakad ulit ako hangga’t makarating ulit ako sa susunod na tindahan. Pero wala ulit. Hanggang makarating na ako sa mga sumunod na tindahan, pero wala talaga! “Ano ba ‘yan? Wala talaga silang mga tinda? Hay nako! Bakit kasi strawberry juice pa ang pinapabili ni Tita?” pag-aamok ko sa sarili ko. Tiningnan ko ang paligid ko. At saka ko napagtanto na…mukha yatang naliligaw ako! Natataranta na ang isip ko habang nililibot ko ang paningin ko sa paligid. Kalma lang, Roma. Kalma lang. Makakauwi ka rin. Saan na nga ba kasi ang daan? Kahit wala akong alam ay nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Walang pag-aalinlangan akong sumuot sa bawat eskinitang makita ko. Pero bumabalik pa rin ako kung saan ako nanggaling! Palatandaan ko ‘yong nakahubad na mamang malaki ang tiyan na nakatambay doon sa kanto. Naku naman. Magtanong na kaya ako? Tsk. Kaso nahihirapan akong magtiwala sa magiging sagot sa’kin ng mga tao rito. Bakit ba kasi ako ang inutusan ni Tita? Alam naman niyang wala akong alam sa lugar na ‘to at first time ko rito. “Miss, excuse me?” Tumingin ako sa likod ko dahil sa nagsalita. “Mukhang naliligaw ka,” sambit ng lalaki. Kinunotan ko lang ng noo ang lalaki at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi ko ugali ang makipag-usap sa mga taong hindi ko kilala. “Miss! Miss, sandali lang!” Hindi ko pinapansin ang pagtawag sa’kin ng lalaki. Lalo kong binilisan ang lakad ko para maiwasan ko na siya at naiinis na rin ako. Baka masapak ko lang siya. Sa isang iglap ay napagtanto kong nasa gitna na pala ako ng kalsada at may paparating na isang mabilis na tricycle! Sa taranta ko ay napapikit na lang ako. Habang nakapikit ako ay naramdaman kong may humila sa’kin. “Magpapakamatay ka ba?” Nang matauhan ako sa narinig ko ay dinilat ko na ang mga mata ko. Paglingon ko sa aking likuran ay nakita ko ‘yong lalaking kinakausap ako kanina. “Bitiwan mo ‘ko! Manyak!” sigaw ko. Agad namang bumitiw ang lalaki sa pagkakayakap niya sa bewang ko. “Hoy, hindi ako manyak ha,” depensa niya. Inirapan ko lang siya at nagmartsa na ako paalis. Anong karapatan niyang hawakan ako ng gano’n?! “Ikaw na nga ang niligtas, ikaw pa ang galit at pinagbintangan mo pa ‘kong manyak ha?” sambit nong lalaki. Ano? Sinusundan pa rin niya ‘ko? Nilingon ko siya, “Hoy, bakit mo ‘ko sinusundan ha? Stalker ka ba?” pagtataray ko. Natawa nang pang-asar ang lalaki, “Miss, kahit maganda ka, hindi kita i-stalk, ano. Hindi ako stalker.” Inikutan ko lang ng mata ang lalaki at nagpatuloy sa paglalakad. “Sandali lang!” Bumuntonghininga ako nang may ingay at nilingon ko siya. “Ano na naman?” “Dito ang daan,” sambit niya sabay turo sa eskinitang katabi niya. Tiningnan ko siya nang kahinahinala, kung maniniwala ba ako o hindi. “Trust me, I know,” sambit niya. Sige na nga. Bahala na. Kaya ko namang protektahan ang sarili ko, eh. Dumaan nga ako sa eskinitang tinuro sa’kin nong lalaki. Pagdaan ko ay nakita ko nga ulit ‘yong unang tindahan na pinuntahan ko. At sa tapat no’n ay nakita ko ang mga kapatid ko. “Miss, ako nga pala si Daniel. Ikaw?” Kasunod ko pa rin pala siya? “Wala ka na do’n,” sagot ko. “Sungit mo naman.” “Ate Roma!” sigaw ng mga kapatid ko nang Makita nila ako. “Ah, Roma pala ang pangalan mo,” sambit niya. Nilingon ko siya at sinamaan ng tingin tapos ay inirapan ko siya. Nilapitan ko na ang mga kapatid ko para makauwi na. “Saan ka naman napadpad, Ate? Ang tagal mo ah,” sambit ng kapatid kong si Reine pagkapasok namin sa loob ng bahay. “Naligaw ka siguro, ‘no?” pang-aasar naman ni Rayver. “Oo, naligaw ako. Kainis,” sambit ko. Naalala ko bigla ‘yong lalaki na nagpakilalang Daniel. Paano niya kaya nalamang naliligaw ako at ‘yon ang tamang daan? --- Gabi na at medyo maingay pa rin ang paligid. Ibang-iba talaga rito kaysa sa lugar namin. Sa amin kasi pag ganitong oras, tahimik na ang lahat at wala nang tao sa daan. Binabanas ako rito sa puwesto ko. Paano ba naman kasi? Siksikan kaming apat na magkakapatid dito sa kama na parang sardinas. Hindi ako sanay nang may katabi. Dahil hindi ako makatiis ay bumangon na ako. Sinulyapan ko ang mga kapatid ko at mukhang maayos naman silang natutulog. Paano kaya nila nagagawa ‘yan? Pagtingin ko sa orasan ay mag-a-ala una na pala ng madaling araw. Dumungaw na lang ulit ako sa bintana at pinagmasdan ang mala-Christmas lights na mga ilaw ng syudad.  Bumuntonghininga ako nang malalim sabay sa paghampas ng hangin sa aking balat at dinadala nito ang aking buhok.  Bigla ko namang naramdamang nag-vibrate ang phone ko na nasa bulsa ko lang pala. Caden: Still up? “Aba, gising pa ang mokong na ‘to?” bulong ko sa sarili ko habang nakatitig sa screen ng phone ko at binabasa ang message ni kumag. Me: Oo.  Caden: Bakit naman? Me: Hindi kasi ako makatulog. Alam mo na. Namamahay? E ikaw? Caden: Wala. Nagising lang ako. And I’m trying to sleep again. How about you? Me: Naku. Hindi na ako makakatulog nito. Sa bahay na lang siguro ako babawi ng tulog pag-uwi namin. Caden: Okay. Anyway, inaantok na ulit ako. I’m going to sleep again. Good night, Roma. “Roma.” Nagulat ako sa biglang tumawag sa’kin. “Papa.” Tapos ay binigyan niya ako ng nilagang itlog. Panlaban daw sa puyat. Kinain ko na lang ‘yon habang hinihintay ang pagsikat ng araw. --- Pagsapit ng umaga ay naghanda na kami agad sa aming pag-uwi sa Laguna. Alas nuebe na ng umaga ay nasa biyahe na kami. Halos banggag na ako buong biyahe. Mainit na, traffic pa. Ilang oras pa ang biyahe mula Cavite hanggang Laguna. Haay naku. Habang nabiyahe ay halos makatulog na ako sa sasakyan. Pero pilit ko lang nilalabanan ang antok ko dahil ayaw kong matulog sa mataong lugar. Pagkatapos ng halos apat na oras ng byahe ay sa wakas, nakauwi na rin kami. Lahat kami ay dumeretso sa kanya-kanya naming kuwarto. Pabagsak kong inihiga ang sarili ko sa kama ko. “Haay, ang sarap talaga kapag sa sarili mong kuwarto.” “Hindi ka pa ba babalik sa mga Morgenstern?” tanong ni Mama. “Magpapahinga lang ako saglit bago umalis.” At mayamaya’y napapikit na rin ako. --- Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at nakita kong papalubog na ang araw. Tumingin ako sa orasan at nakita kong ala-sais na pala ng hapon. Sinundo ako ni Earl dito sa bahay at umalis. Habang nasa daan, may naalala ako. “Sandali, Earl.” “Ano po ‘yon, Miss Roma?” “Punta muna tayo ng bookstore. May bibilhin lang ako.” “Okay, Miss.” Pagdating namin sa bookstore ay bumaba ako kaagad at pumasok sa store. Hinanap ko muna kung nasaan ang mga pambura. At nang makakuha na ako ay hinanap ko naman kung nasaan ang mga typewriting. At nang makakuha na ako ay nabunggo ko naman ang nasa likod ko. “Ay sorry.” Nanlaki ang mga mata ko sa nakita kong nabunggo ko. “Ikaw?” sabay naming tanong. “Oh hi, Miss Roma sungit,” bati nito sa akin nang may ngiti. “Daniel?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD