Twenty-ninth Chapter: Sports Fest

1502 Words
Eto na ang Sports Fest ng school namin at eto ang unang araw. Tumatagal ng tatlong araw ang event na ito ng school. Nasa covered court kaming lahat. Walang klase ngayon ang lahat ng estudyante pero lahat kami ay required na nakasuot ng PE uniform.  Nasa gitna kaming buong class F kaharap ang katunggali naming mga grupo ng kalalakihan na tinatawag na ‘Mariyanatics’ na pinangungunahan ng kanilang president na si Aristoneo.  Habang ang audience ay mga nakaupo sa bleachers. Hindi naman talaga kami dapat kasali sa event na ‘to kung hindi lang kami hinamon ng mga hunghang na ito kapalit nga ang halik ni Mariya bilang premyo sa mananalo. “Magsisimula na ang game within five minutes,” sambit sa amin ng organizer. Kaya naman nagsipuntahan na kami sa aming mga benches. Nakapulang jersey ang mga player ng section namin samantalang violet naman ang kulay ng jersey ng kalaban. Habang narito kami sa bench namin ay nagwa-warm up na ang first five namin para sa basketball game portion.  “Galingan niyo, please!” pakiusap ni Mariya sa mga manlalaro. “’Wag kang mag-alala, Mariya. Hindi kami papayag na makahalik ang mga panget na ‘yan sa’yo,” sambit ni Duke na isa sa mga unang maglalaro. “Basta sundin lang natin ang gaming strategy natin, malaki ang chance na maipanalo natin ‘to,” sambit naman ni Jude bilang coach nila. “Magandang umaga, Nationalians!” “Nagsalita na ang commentator. Magsisimula na ang game,” sambit ko. “Jude, ikaw na bahala. Kaya niyo ‘yan,” sambit ko pa. “Syempre naman, Roma. Mamaniin lang namin ‘to na parang DOTA,” sambit ni Jude nang may buong kumpyansa. Ningitian ko siya tapos ay umupo na kami sa puwesto ng section namin sa bleachers. “Magsisimula na ang basketball game portion sa pagitan ng Team Class F laban sa Team Mariyanatics!” sambit ng emcee. Lumapit na sa gitna ng court ang first five players ng kanya-kanyang koponan. Tapos ay may isang referee ang nasa pagitan ng dalawang koponan at tila binibigyan sila ng instructions. Mayamaya ay hinagis na ng referee ang bola paitaas o tinatawag na jump ball. Aaminin ko, kung laki ang pag-uusapan, ‘di hamak na lamang ang kalaban. Pero kung skills naman, may laban pa rin ang team namin. Napasigaw kami nang muntik nang makuha ng kalaban ang bola pero magaling mag-steal ang player namin. Ilang sandali lang ay naka-shoot ang section namin kaya may two points na kami. Napapalakpak naman kami dahil do’n. Napapapigil-hininga kami sa tuwing nasa kalaban ang bola at sa tuwing nakaka-shoot sila. Halos dikit palagi ang score sa pagitan namin. Mayamaya ay tumimbre na hudyat na tapos na ang first quarter ng laro. Kaya nagbalikan sa kanya-kanyang benches ang mga manlalaro. Sa ngayon, lamang lang kami ng three points sa kalaban. Habang nasa bench ay wala silang sinayang na oras. Nagplano na ulit sila sa pangunguna ni Jude habang umiinom ng tubig at nagpupunas ng pawis. Ilang saglit lang ay bumalik na ulit sila sa game para simulan ang second quarter. Sa pagkakataong ito, nasa kalaban na ang bola. Mukhang hindi na umubra this time ang steal ng player namin.  Nang aagawin naman ng player namin ang bola ay natumba ito. Kaya’t lahat kaming nakaupo rito ay napanganga. “Ang daya! Hindi pumito ang referee! Foul ‘yon! Tinulak niya si Jacob!” sigaw ng isa naming kaklase. Lahat ng kaklase namin ay ‘yon ang sigaw pero nang tumingin sa amin ang referee ay umiling ito. Hindi raw ‘yon foul. “Ang daya naman. Binayaran siguro no’ng Aris na ‘yon ‘yong referee,” sambit ng isa kong kaklase. Mukhang gano’n nga. Halata namang foul ‘yong ginawa no’ng kalaban. Imposibleng hindi ‘yon nakita ng referee. Kung kampi sa kanila ‘yong referee, ano nang gagawin namin? Mayamaya ay pumito ang referee, “Foul Number seven! Blocking!” Napanganga kami sa ginawa ng referee.  “Ano ‘yon? Wala namang ginagawa si Jason ah? Anong blocking do’n?” reklamo ng mga kaklase ko. “Anong gagawin natin, Roma?” tanong sa’kin ni Eric. Hindi na nakapagreklamo si Jason. Itinaas na lang niya ang kamay niya bilang pagtanggap sa naging foul niya na hindi naman talaga dapat. Ilang sandali lang ay natapos na ang second quarter. Kaya naman nagsibalikan nang muli ang mga players sa kani-kanilang benches. Kung kanina ay lamang kami, ngayon ay six points ang lamang sa amin ng kalaban. Bumaba ako ng bleachers at pinuntahan ang team namin. Nakita ko sa mga mukha nila ang pagod at pagkadismaya. “Jude,” tawag ko sa tumatayong coach nila. “Roma.” “Mukhang kampi ‘yong referee do’n sa kalaban. Buwisit!” angal ni Duke. “Oo nga. Kita namang foul ‘yong kalaban pero hindi siya napito. Pero sa amin sobrang higpit. Parang kada kilos namin, foul,” sambit naman ni Jason. “May foul na kayong lahat. Tig-dadalawa kayong apat, tapos isa kay Jacob. Mag-ingat na lang kayo. Hindi naman tayo makakapagreklamo, eh,” sambit ni Jude. “May third at fourth pa. Kaya niyo ‘yan. Bawi na lang kayo,” sambit ko. “Sana nga madali lang tayong makabawi,” sambit ni Jude. Tapos ay napatingin kami sa gawi ng kalaban. At nakita naming mga nakatingin sila sa amin habang nakangisi na akala mo’y nang-aasar. “Kita mo ‘tong mga buwakanang inang ‘to. Ang papanget na nga, pang-asar pa ang mga tingin. Suntukan na lang, ano? Mga gago!” inis na sambit ni Duke. “Duke, huwag. Tama na,” saway namin sa kanya. “Sa court niyo sila bawian. Ipakita niyong nagkamali sila ng kinalaban,” sambit ni Jude. --- Matapos ng mahabang minuto ng pahinga ay nagsimula na ang third quarter. Bumalik na ako sa puwesto ko sa bleachers. Tila nabuhayan kami ng pag-asa nang makuha ng player namin ang bola at agad itong naka-three points! Kay lalakas na hiyawan ay palakpakan ang nagawa namin. Sa pagkakataong ‘to, mas palagi nang nasa amin ang bola at mas madalas na kaming makapuntos. Mukhang nagliyab ang inis sa mga players namin lalo na kay Duke. Asar na asar talaga siya do’n sa mukha ng mga kalaban. Well, kahit sino naman talaga maaasar eh. Natapos din sa isang iglap ang pag-asa namin nang pumito ang referee. Na-foul na naman si Duke! “Ano? Foul? Anong foul do’n?” pagtataka ng mga kaklase ko. “Travelling daw!” “Anong travelling sa ginawa ni Duke?” angal ng mga kaklase. Napatayo ako, “Buwisit na mga referee ‘yan ah. May kinikilingan. Mga hayop na ‘to. Teka nga,” sambit ko. Bigla naman akong hinawakan sa braso nila Eric at Ricco. “Relax lang, Cass. Hindi mo puwedeng bigla na lang bugbugin ‘yong referee. Gusto mo bang ma-disqualify tayo?” sambit ni Eric. Mahinahon akong umupo. Inilagay ko ang mga nakasarado kong mga kamao sa aking hita at napapikit ako. Kalma lang, Roma. Kalma lang. Hanggang sa natapos na ang game. At sa kasamaang palad, natalo kami. Halos tulala kami nang mangyari ‘yon. Lamang ng nine points ang kalaban. Halos tulala rin at dismayado ang players namin nang bumalik sila rito. Tapos ay bumaba kaming lahat sa bleachers at nilapitan ang players namin. “Sorry, Roma. Lalo na sa’yo, Mariya,” nakayukong sambit ni Jude. “Okay lang. Ginawa niyo naman ang best niyo. May dalawang contest pa naman,” sambit ni Mariya na mukhang awang-awa sa mga players namin. “Paano ba ‘yan class F, nanalo kami.” Napalingon kami sa nagsalita at nakita naming si Aristoneo ‘yon. “Huwag ka ngang mayabang. May dalawa pang contests. Babawi kami,” sambit ni Jude. Tumawa si Aris, “Talaga ba? Sige, tingnan na lang natin. Mga talunan!” pang-aasar nito sabay tawa pa kaya lalo kaming naasar. --- Naiwan sa bleachers ang iba kong kaklase at kaming kasali sa susunod na event ay naghanda na. Nagbihis ng colored plain shirt at kulay pula ang amin. Nagbihis ako sa ladies’ room at paglabas ko pumunta ako sa classroom. At sa pintuan ay may nakita akong hindi inaasahan. “Chester?” “Roma.” “Anong ginagawa mo rito?” tanong ko. “I came here to see you. Pero mukhang may event sa school niyo kaya pinapasok na rin ako ng guard,” sagot niya. “Ah oo. Sports Fest kasi namin ngayon,” sambit ko.  “Kasali ka?” tanong niya. “Ah oo. Reserve player lang ako ngayon. Alam mo na, kung sakaling may maaksidente,” sagot ko. “Hmm. Okay.” “Oh paano, babalik na ako sa covered court,” sambit ko. Nabigla ako nang hawakan niya ang kamay ko. “Sasama na ako sa’yo. Manonood din ako. Kasama ka,” sambit niya.  Tumango lang ako bilang sagot at siya namang ngiti niya. Tapos ay sabay na kaming nagpunta sa court para simulan na ang susunod na contest, ang baton relay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD