Patuloy lang sa pagda-drive si Caden at tingin ko mga kalahating oras na kami sa daan. Nasa loob kami ngayon ng isang villa. Tahimik ang paligid at mukhang kami na lang ang nasa labas.
“Kinakabahan ka ba?” tanong niya bigla.
Hindi ako umimik. Bagkus ay napalunok na lang ako.
“Ayos lang ‘yan,” sambit pa niya.
Sino ba namang hindi kakabahan, ‘di ba? Susugod kami sa bahay ng isang yakuza? Paano kung may mangyari sa aming masama roon? Bata pa ako at marami pa akong pangarap sa buhay!
“Narito na tayo,” sambit niya tapos ay inihinto niya ang sasakyan. Lalong tumindi ang kaba ko dahil sa sinabi niya. Juskupo.
Nauna siyang bumaba at mayamaya lang ay bumaba na rin ako.
“’Yan ang bahay niya,” sambit niya sabay turo sa isang mansion na katapat namin na may mga nagtataasang mga bakod at gate.
“Paano naman tayo papasok diyan?” usisa ko habang tinitingala ang napakataas na bakod sa harap ko.
Tumingin sa’kin si Caden at ngumiti. “Para saan pa ‘tong disguise natin, ‘di ba?” sambit niya.
Malaki ang bahay ni Resty at Japanese style talaga ang bahay nito.
“Ganda ng bahay niya,” sambit ko.
“Sus, ‘di hamak na mas maganda diyan ang mansion namin, ‘no,” pagkontra naman ni Caden.
“O ano? Tara na?” aya ko.
“Teka lang,” sambit niya sabay hila sa braso ko.
Bigla siyang may dinikit sa ilalim ng ilong ko.
“Ano ‘to?” pagtataka ko.
“Obvious ba? E ‘di pekeng bigote,” sagot niya.
Agad kong tiningnan ang sarili ko sa salamin ng kotse.
“Ayoko nito, Caden! Para akong may toothbrush sa ilalim ng ilong!” angal ko.
Natawa siya, “Okay lang yan. Hindi ka kasi mukhang lalaki, eh. Kaya nilagyan kita ng bigote,” katwiran niya.
“Teka, nang-aasar ka ba?”
“Halika na,” sambit niya sabay hila sa braso ko.
“Ayoko nga nito!”
Nasa tapat pa lang kami ng gate ay may dalwang yakuza na agad ang sumalubong sa’min.
“Sino kayo, ha?” maangas na tanong sa’min ng isa. Malaki ang katawan niya, singkit, at kalbo.
“Kami po ‘yong mga butler na nag-apply na pinadala ng agency,” sagot ni Caden.
Nagtinginan ‘yong dalawang gangster.
“Parang wala namang nabanggit si Boss tungkol dito,” sambit nong longhair na balabas-sarado na malaki rin ang katawan.
Mayamaya lang ay may isa pang dumating.
“Anong meron dito?” tanong nito. Lalaking malaki rin ang katawan at kamukha ni Paquito Diaz. Kilala niyo ba ‘yon? Siya ‘yong bigotilyong kontrabida sa mga FPJ films.
“Bossing, sila raw ‘yong mga bagong hired na butler mula sa agency. May nabanggit ba si Master tungkol dito?” tanong ni kalbo.
Tinitigan kami nong tinawag nilang ‘boss’ na parang kinikilatis kaming mabuti. Kinabahan ata ako sa pagtitig ng isang ‘to ah.
“Oo. Nagpa-hire nga si Master ng mga butler mula sa agency. Sige tuloy kayo,” sambit niya.
Nang nasa loob na kami ay lalo kong nakita ang ganda ng bahay nila Resty. Napakalaki at napakalawak talaga nito. Parang tirahan ng isang maharlikang Japanese.
“Anong pangalan ninyo?” usisa ni Paquito.
“Ako si Ren Baltazar. At ‘yong kasama ko naman ay si Rome Buendia,” sagot ni Caden. Wow, prepared talaga ang lalaking ‘to para sa araw na ‘to. May pagka-Boy Scout talaga siya, ano?
Naglalakad kami ngayon sa isa sa mga hallway nitong Japanese style mansion nila. Pinipilt kong itago ang kabang nararamdaman ko ngayon. Lalo kasing nakakapagpakaba ay itong mga gangster na mga nakatayo sa gilid-gilid.
Ang sasama nila tumingin at mukha talaga silang sanay na sumabak sa mga away at g**o.
“Saan niyo nga pala kami dadalhin?” usisa ni Caden.
“Kay Master,” sagot ng isa. Napalunok naman ako sa sinabi niya. Makakaharap namin ngayon ‘yong Restituto na ‘yon.
Ilang saglit ay huminto kami sa tapat ng isang pinto ng kuwarto. Tapos at hinawakan na nong kamukha ni Paquito ‘yong doorknob.
Parang nag-slow motion ang lahat habang binubuksan niya ang pinto habang ako naman ay ninenerbyos na sa kinatatayuan ko.
Sumulyap naman ako kay Caden. Pero bakit gano’n? Mukhang chill lang siya?
“Pasok,” utos bigla nong kalbo.
Sinunod namin ang utos niya kaya’t pumasok na kami ni Caden. Tahimik lang ang silid at walang halos kagamit-gamit sa loob. Tapos ay may nakita kaming isang lalaking naka-indian sit sa sahig na kala mo’y nagme-meditate.
“Master,” sambit nong Paquito sabay yuko.
“Nandito na po ‘yong mga bagong butler na pinadala ng agency,” dagdag niya.
Dahan-dahang tumayo si Resty at hinarap kami. Nakasuot siya ng itim na kimono at nakamedyas. Matangkad siya, may kalakihan ang katawan, singkit ang mga mata, at makapal na kulay pula ang buhok niya. Kamukha niya si Sakuragi ng Slam Dunk!
“Pangalan ninyo?” tanong nito gamit ang malagong na boses na talaga namang nakakasindak.
“Ren Baltazar po.”
“R-Rome Buendia.”
Una, tinitigan niyang mabuti si Caden. “Hmm, parang may kamukha ka?” sambit nito. Patay!
“Ha? Talaga po? Well, marami nga pong nagsasabi sa’kin na may kamukha raw akong Korean actor. Not sure of his name,” sambit ni Caden.
Pagkatapos kay Caden ay ako naman ang kinilatis niya. Nakakakilabot talaga ang isang ‘to.
“Hmm, lalaki ka ba talaga?” usisa nito. Nabigla ako sa naging tanong niya.
“O-oo naman po,” sagot ko. Kinilatis pa niya ako nang mabuti dahil mukhang hindi siya kumbinsidong lalaki ako. Naiikom ko tuloy ang mga palad ko dahil sa nerbyos.
Bumasag sa katahimikan ng paligid ang pag-ring ng isang phone. Lumayo na si Resty mula sa’kin at sinagot ang phone niya.
“Hello. Ano ‘yon?” sagot niya.
“Anong ibig mong sabihin? E may dalawang dumating dito.”
Mayamaya’y binaba na niya ang tawag.
“Pinadala ba kamo kayo ng agency?” tanong niya.
“Opo, sir,” sagot ni Caden.
Ngumisi si Resty, “Alam niyo ba kung sinong tumawag sa’kin? ‘Yong agency lang naman ‘yon. Sinabi nila sa’kin na nag-back out daw ‘yong mga mag-a-apply dahil nalaman nilang yakuza ang papasukan nila!”
Halos mapatalon ako sa kinatatayuan ko nang sumigaw siya nang gano’n. Nanlilisik na ang mga mata ni Resty at mukhang nagngingitngit na siya sa galit.
“Takbo na, Cassandra,” bulong sa’kin ni Caden.
“Igapos ang dalawang ‘yan!” utos ni Resty.
“Takbo na!” sigaw ni Caden tapos ay hinarap niya ‘yong tatlong gangster na kasama namin.
Kahit natataranta ay sinunod ko si Caden. Tumakbo ako at iniwan ko siya. Patuloy lang ako sa pagtakbo kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta.
Pero kailangan ko munang makita si Kiara!
Halos lahat ng kuwarto na madaanan ko ay binuksan ko. Wala akong oras na dapat sayangin. Nanganganib na rin si Caden ngayon!
At pagbukas ko sa sumunod na kuwarto ay nakita ko na si Kiara. Nakahiga siya sa isang kama habang nakagapos ang mga kamay at paa at may tali ng panyo sa bibig.
Tumingin muna ako sa paligid at nang makita kong walang kahit sinong tao ay dahan-dahan akong pumasok at isinara ang pinto.
Tinapik ko ang balikat ni Kiara at agad naman siyang tumingin sa’kin. Nakita ko ang labis na takot sa kanyang mukha habang umiiling-iling pa na parang nagmamakaawang huwag ko siyang saktan.
“Ssshh. Hindi ako masamang tao. Nandito ako para iligtas ka. Kasama ko si Caden,” sambit ko habang isa-isa kong kinakalag ang mga nakatali sa kanya.
“Nandito si Rendel?” usisa niya nang tanggalin ko ‘yong panyo sa bibig niya. Mas maganda siya sa malapitan.
“Oo. Nandito kami para iligtas ka. Tara na. Bilisan mo,” sambit ko.
May napansin akong kakaiba kay Kiara. “Kiara? Okay ka lang?” tanong ko.
“Nahihilo ako at parang inaantok. May pinainom silang kung ano sa’kin kanina,” sagot niya.
Naku, paano ba ‘to? Kailangan ko pa siyang alalayan habang tumatakas kami.
Mayamaya lang ay mag bigla na lang pumasok.
“Hoy! Ano sa tingin mong ginagawa mo?!” sigaw nong pumasok at may kasama pa siyang apat na gangster!
Na-corner na ‘ko. Wala na akong magagawa. Kailangan ko nang lumaban!
Umilag ako sa una at sinuntok ko ang mukha niya. Natumba naman siya. Sinipa ko naman sa sikmura ‘yong isa at tumalsik naman siya.
Hinampas ko naman ng vase sa ulo ‘yong isa tapos ay natumba siya doon sa lalaking nasa likod niya kaya’t natumba sila pareho.
‘Yong isa naman ay nahawakan ako ng mahigpit sa pareho kong braso kaya sinipa ko na lang ang manoy niya. At dahil doon ay napadaing siya sa sakit.
Lumingon ako sa bintanang nasa likod ko nang narinig kong may kumatok.
“Caden!” Sinenyasan niya ako na doon na lang dumaan. Siguro maraming mga bantay na nagkalat sa paligid.
Binuksan ko ang malaking bintana at pinauna kong ilabas si Kiara. Inalalayan namin siya ni Caden hanggang makaapak na siya sa lupa. Tapos ay sumunod na ‘ko.
Ilang metro lang ay nasa gate na kami kaya’t agad na namin ‘yong tinakbo habang wala pa ang mga gangster na alipores ni Resty.
Buhat ni Caden si Kiara at sumakay ako sa backseat kasama siya dahil parang wala ito sa huwisyo. Tapos ay agad nang sumakay si Caden sa driver’s seat at pinatakbo ang sasakyan ng mabilis.
“Ligtas na ba tayo? Si Kiara, alam mo ba kung bakit ganyan siya? Parang wala siya sa sarili,” usisa ko.
“Ang mga gagong ‘yon. Kinidnap nila si Kiara dahil patay na patay sa kanya ‘yong Restituto na ‘yon. Pinainom nila ng drugs si Kiara para sana sa masamang balak sa kanya ng hayop na ‘yon,” sagot ni Caden habang nagda-drive. Halata mo ang labis na galit sa boses niya.
“Hello…”
Napatingin ako sa nagsalita. “Kiara.”
Mukha pa talaga siyang high at wala sa huwisyo.
“You’re my knight in shining armor…” sambit niya sabay haplos sa mukha ko.
“Ahm…” Medyo naiilang na ‘ko. Lalaki pa rin siguro ang tingin niya sa’kin dahil sa hitsura ko.
Nakatitig lang sa’kin si Kiara habang hinahaplos ang pisngi ko. Mayamaya’y labis kong kinagulat ang ginawa niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang bigla na lang niya ‘kong halikan!
Pagkatapos naming maglayo ay nakatulog na siya bigla. Nagkatinginan naman kami ni Caden sa rear-view mirror at parehong gulat na gulat.
“F-first kiss ko ‘yon…” nanlalambot kong sabi. Tapos ay bigla na lang nagblangko ang lahat.
---
“Cassandra. Cassandra, gising!”
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at tumambad sa’kin ang mukha ni Caden.
“Nakauwi na tayo,” sambit niya.
Nagkukusot ako ng mga mata ko tapos ay bumaba na ako ng sasakyan. Nandito na nga kami sa tapat ng bahay nila.
“Anong nangyari? Si Kiara?” usisa ko.
“Inihatid ko na sa kanila. Buti na lang ‘yong yaya lang nila ang nagpapasok sa’min. Kasi pagnakita kami ng parents niya, mag-aalala pa ‘yong mga ‘yon,” sagot niya.
“Gano’n ba. Mabuti naman,” sambit ko sabay sandal sa sasakyan.
“How does it feel?” tanong niya bigla.
Napatingin ako sa kanya nang nakakunot ang noo habang katabi ko siya na nakasandal din sa sasakyan niya.
“Her kiss?” tanong niya sabay ngisi.
Nanlaki ang mga mata ko. “First kiss ko ‘yon, brad! Kahit ganito ako, babae pa rin ako, ano! Hmp!” angil ko.
“I’m jealous, you know?”
“Tumigil ka nga!” angil ko sabay palo sa braso niya habang natatawa-tawa pa siya.
Tinanggal ko na ang pekeng bigote na suot ko at hinubad ko na ang wig ko. Nilipad ng sariwang hangin ang tuwid at hanggang bewang kong buhok.
Tahimik ang paligid at kami na lang ang nandito sa labas. Tumingala ako at napangiti dahil sa mga nagkikislapang mga bituin sa langit.
“You love stars, don’t you Cassandra?” tanong bigla ni Caden.
Ngumiti lang ako at tumango habang nakatingala pa rin sa langit.
“Roma. Roma na lang,” sambit ko.
“Okay, Roma.”