Dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko nang maramdaman ko ang pagtama ng sinag ng araw sa mata ko.
Bumalikwas ako sa kanan para tingnan ang oras ngunit may iba akong nakita kaya naman napakunot-noo ako.
“Daniel?” tanong ko.
Ngumiti siya, “Good morning, ganda.”
Nakaupo siya sa upuang katabi ng kama ko habang nagbabasa ng magazine. Naka-longsleeve polo siyang puti at nakabukas ang unang dalawang butones nito sa dibdib na naka-tuck in sa itim niyang slacks na tinernohan niya ng black shoes.
Bumangon ako habang pumupungas pa, “Anong ginagawa mo rito? Trespassing ka kaya,” inis kong tugon.
“Bumangon ka na diyan. Ready na ang brunch mo,” sambit niya.
Napakunot-noo ako, “Brunch?” pagtataka ko. Anong oras na ba? Napatingin ako sa orasan at nakita kong alas onse na ng umaga.
“Alam kong hindi ka marunong magluto kaya nagmagandang-loob ang isang magandang lalaking tulad ko na maghatid ng pagkain mo,” sambit niya.
“Ang kapal mo ro’n sa part na magandang lalaki ka. Saka, trespassing ka pa rin. Puwede ka namang tumawag muna sa telepono bago ka pumunta rito para kahit papaano nasabihan mo ‘ko,” sambit ko.
Tumawa siya, “I’m sorry for that. Gusto ko kasing makita ka kung anong itsura mo pagtulog,” sambit niya tapos ay itinukod niya ang mga kamay niya sa kama ko at lumapit sa’kin.
“Infairness, maganda ka pa rin,” sambit niya. Pinaningkitan ko siya ng mata tapos ay ngumisi siya sabay layo sa’kin.
“Kumain ka na. Masamang pinaghihintay ang grasya,” sambit niya.
Tumayo na ako at pumunta sa hapag-kainan. Fried rice, egg, and bacon. Tapos coffee with cream na nakalagay sa teal green mug na mukhang mainit-init pa ang mga nakahain sa mesa.
“Ako lang kakain? Kumain ka na ba?” tanong ko.
Naupo lang siya sa puwesto sa harap ko.
“Yes, ganda. Don’t worry,” sambit niya tapos ay pinagpatuloy niya ang pagbabasa ng magazine na hawak niya.
“Anong oras ka pa nandito?” usisa ko.
“Isang oras na siguro,” sagot niya.
“Wala ka bang trabaho?” tanong ko.
“Meron,” sambit niya habang nakatingin pa rin sa magazine na hawak.
“Eh bakit nandito ka?” usisa ko.
Tinuon na niya ang atensyon niya sa’kin, “Bakit ka ba tanong nang tanong? Interesado ka ba sa’kin?”
Sinamaan ko siya ng tingin, “Ungas mo.”
Tapos ay pinagpatuloy ko na ang pagkain at hindi ko na siya kinausap pa.
“Pagkatapos mo diyan, mag-ayos ka. May pupuntahan tayo,” sambit niya.
Napataas ang kilay ko, “Ha? Saan naman?”
“Basta. Maganda ro’n sa pupuntahan natin,” sagot niya.
“Kala ko ba may trabaho ka?” pagtataka ko.
“Oo. At dahil guest ka rito, ikaw ang trabaho ko ngayon,” nakangisi niyang sambit.
Kinunotan ko siya ng noo sabay inikutan ko siya ng mata tapos ay sinubo ko ang bacon na nasa tinidor ko.
---
Pagkatapos kong kumain ay lumabas na si Daniel at sinabi niyang sa lobby na lang kami magkita. Saglit lang ako naligo dahil naligo naman ako kagabi bago matulog.
Nagbihis ako ng dark red sweatshirt, skinny jeans, white sneakers, tapos itim na cap.
Nang matapos ako ay lumabas na ako at bumaba ng lobby gamit ang elevator. Mula nang magpunta ako rito, hindi ko pa binubuksan ang phone ko. Kaya hindi ko alam kung hinahanap ba nila ako. Siguro, oo?
Nang matanaw ko na si Daniel sa lobby ay nilapitan ko siya.
“Let’s go,” sambit niya. Tapos ay umalis na kami ng hotel.
Nagpunta kami ng parking lot dahil nandon ang motor niya. Binigay niya sa’kin ang isang helmet. Hinubad ko ang cap ko bago ko isuot ang helmet. Nang ready na si Daniel ay umangkas na ako sa kanya at umalis na kami.
Nabiyahe kami ngayon sa isang highway. Tirik na rin ang araw pero hindi ko masyadong alintana ang init dahil malamig naman ang simoy ng sariwang hangin.
Sa mga nadadaanan namin, may mga nakikita akong mangilan-ngilang mga establishments pero kalimitan ay mga taniman at palayan. Tanaw rin ang bundok na lalong nakapagpaganda sa view. Hindi rin gaanong traffic kaya suwabe lang ang biyahe.
Kumusta na kaya si kumag? Hinahanap kaya niya ako? Nag-aalala kaya siya?
Napailing ako. Bakit ko ba siya naiisip? Eh ano naman kung hindi niya ako hanapin? Kung nag-aalala ba siya?
---
“Andito na tayo,” sambit ni Daniel.
Napanganga ako habang tinitingala ang magandang tanawing nakikita ko.
“Tara na,” aya niya sa’kin. Tapos ay pumasok na kami. May booth sa entrance at nagbayad do’n si Daniel bago kami tuluyang makapasok.
Hindi ko mapigilang igala ang paningin ko dahil sa pagkamangha sa ganda ng paligid. Napapalibutan ang lugar ng iba’t ibang puno at halaman. Para itong isang malaking park. May mga infrastructure na mga nakatayo na mukhang sinauna pa ang disenyo.
“Ang ganda naman dito,” pagkamangha ko.
May mga tao ring naggagala rito ngunit hindi naman ganoon karami. Pumunta muna kami sa bilihan ng souvenirs at nakita ko ang mga magagandang souvenir items na tinda rito gaya ng t-shirt, bag, keychains, at iba pa. Bumili si Daniel ng ilang t-shirt at ako naman ay isang keychain lang na kahoy na hugis puso.
Naglibot pa kami at lalo kong nakita ang magaganda pang spot ng lugar na ‘to. May mga waiting area din na may bubong na kulay green na nakakabit sa sementong table na may apat na upuan din nakapalibot dito na gawa rin sa semento.
Pumunta rin kami sa may higanteng pinya. Tapos ay nagpunta naman kami sa shrine. At sa may malaking balcony rito ay tanaw ang magandang tanawin ng bundok ng Mt. Sungay.
Pagkatapos ay niyaya naman niya ako sa may ‘unfinished mansion’. Ito ang pinakamalaking infrastructure dito sa tourist spot na ‘to.
Higanteng mansion ito na mukhang hindi pa tapos itayo at may kalumaan na rin ito. Kulay pula ang bubong nito.
Nang nandito na kami sa taas ay tanaw ang mas magandang tanawin dahil bukod sa bundok, tanaw mo rin ang Taal Lake.
“Alam mo ba na ang mansion na ito ay sa mga Marcos at hindi lang nila ito natapos dahil napatalsik na sila sa puwesto?” sambit ni Daniel.
Pareho kaming nasa railings ng mansion at pinagmamasdan ang magandang tanawin ng Tagaytay.
Katahimikan ang namayapa sa aming dalawa nang magsalita siya.
“Umamin ka nga sa’kin, Roma.”
Napatingin ako sa kanya nang sabihin niya ‘yon.
“Tumakas ka lang sa inyo, ano?”
Nabigla ako sa naging tanong niya kaya’t napaiwas ako ng tingin.
“Paano mo naman nasabi?” tanong ko.
“Wala kang phone na dala. Gaya kahapon nang kumain tayo sa labas. Wala kang dalang phone. Inisip ko kahapon baka nakalimutan mo lang. Pero wala ka pa ring dala ngayon. Sabihin mo, may tinatakasan ka ba?” sambit niya.
Napalunok ako tapos ay bumuntonghininga ako nang malalim.
“Oo. Umalis ako sa’min nang walang paalam,” sambit ko.
“Hala, umurong ka na sa engagement niyo ni Morgenstern?” usisa niya.
“Hindi ‘yon,” sagot ko.
“Ay, akala ko naman…So, anong dahilan?” sambit niya.
“Bored lang ako,” tipid kong sagot.
Kinunotan niya ako ng noo, “Seryoso?”
Parang hinihintay niyang magpaliwanag pa ako pero hindi na ako nagsalita.
Bumuntonghininga siya, “Pero kahit ano pa ‘yan, mabuting umuwi ka na sa inyo. O kaya naman magpaalam ka man lang sa parents mo na narito ka. I’m sure nag-aalala na ‘yong mga ‘yon sa’yo. Baka nga nahihilo na ‘yong mga ‘yon kakahanap sa’yo,” sambit niya.
Tinamaan ako ng mga sinabi ni Daniel at napaisip. Hanggang sa napagtanto ko na tama ang mga sinabi niya.
---
Pagbalik namin sa hotel ay agad ko nang inayos ang mga gamit ko at lumabas. Pagdating ko naman sa lobby ay naroon si Daniel at nilapitan ko siya.
“Hatid na kita sa inyo,” sambit niya.
“Huwag na. Kaya ko na ‘to,” sagot ko.
“Okay. Hatid na lang kita sa bus terminal,” sambit niya.
Pumayag naman ako at hinatid nga niya ako ro’n gamit ang motor niya. Halos thirty minutes din ang biyahe mula sa hotel hanggang sa terminal.
Hinintay muna ni Daniel na makasakay ako ng bus bago siya tuluyang umalis. Nang nasa biyahe na ako, kinuha ko ang phone sa bag ko. Tinitigan ko muna ito tapos ay bumuntonghininga ako.
Habang ino-open ko ang phone ko ay may gumapang na kaba sa dibdib ko.
Nang tuluyan nang magbukas ang phone ko ay nagdagsaan ang messages mula kay Papa, Mama, at mga kapatid ko. Tapos sa Messenger ko, mga messages ng kaibigan ko. Siguro hinanap din ako ng pamilya ko sa kanila. May mga chats din mula kay Caden at Chester.
Mayamaya ay nakita kong natawag ang Papa ko. Napalunok muna ako bago sagutin ang tawag.
“Roma!”
Naiiwas ko ang phone sa tenga ko dahil sa lakas ng boses ni Papa. Malamang dahil galit siya. Ikaw ba naman ang umalis nang walang paalam tapos hindi ka pa ma-contact.
“Saan ka ba nagpupupuntang bata ka?! Bakit umalis ka nang walang paalam ha?! Bakit hindi ma-reach ang phone mo?! Tawag kami nang tawag sa’yo!! Kung saan-saan ka namin hinanap! Pati mga kaibigan mo walang alam kung nasaan ka! Nasaan ka bang bata ka ha?!” galit na sambit ni Papa na parang nagra-rap.
“N-nasa Tagaytay ako, Pa,” sambit ko.
“Tagaytay?! Anong ginagawa mo diyan?!”
“Pauwi na ako. Sa bahay na lang ako magpapaliwanag,” sambit ko tapos ay binaba ko na ang phone.
Sabi ko na nga ba eh. Malamang hinanap ako ng mga Morgenstern sa pamilya ko kaya nalaman nila.
---
Matapos ang higit tatlong oras na biyahe mula Tagaytay ay sa wakas nakarating na rin ako sa tapat ng subdivision namin. Naisip kong daanan muna sila Papa.
Pagbaba ko ng jeep ay may nakita akong pamilyar na tao na nakatayo sa waiting shed na malapit sa entrance.
“Caden?”
“Roma,” sambit niya tapos ay bigla niya akong niyakap nang mahigpit.
“Ano bang pumasok sa isip mo at umalis ka nang walang paalam ha?” tanong niya habang nakayupyop siya sa balikat ko.
“Kanina ka pa ba rito?” tanong ko.
“Hindi na mahalaga kung gaano katagal akong naghintay sa’yo. Ang mahalaga nakita na kita ulit,” sambit niya. Ramdam ko ang labis na pag-aalala sa boses niya.
Binitiwan na niya ako at lumayo sa’kin, “Halika na. Punta na muna tayo sa inyo. Dumaan tayo sa parents mo.”
Tapos ay sumakay kami sa kotse niya na naka-park lang sa tabi.
“Ano bang nakain mo’t umalis ka nang walang paalam?” tanong ni Caden.
“Uhm. Wala. Bored lang ako.”
“That’s it?” inis niyang tanong.
“Ewan ko. Pakiramdam ko, kailangan ko munang magpakalayo-layo.”
“I think that’s burn-out. May problema ba? You can talk to me,” malumanay niyang tugon.
Natahimik kami sandali. Pagkatapos ay bumuntonghininga ako bago magsalita.
“Na-stress lang ako sa tambak na school works na binigay sa'min bago ang Christmas vacation.”
“And? May iba pa?”
Bumuntonghininga ako, “Tumawag sa'kin kagabi ang kapatid ko. Nag-away na naman daw sila Mama at Papa kasi nagpatalo na naman ng malaking halaga si Papa sa sabong.”
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit patuloy pa rin siya sa pagsusugal. Kahit pa lagi niyang katuwiran na sabong na lang ang hobby niya dahil itinigil na niya ang ibang sugal na nilalaro niya noon.
Naramdaman ko na lang na hinawakan ni Caden ang kamay ko at marahang pinisil.
Nang makarating kami sa’min ay bumaba na kami ng sasakyan. Pagpasok ko sa loob ng bahay namin ay nakita ko ang pamilya ko na nagtipon sa sala.
“Roma. Ano namang ginagawa mo sa Tagaytay?!” galit na tanong ni Papa.
“Nagbakasyon lang,” sagot ko.
“Bakasyon?! Saan ka kumuha ng pera para magbakasyon do’n?!”
“Napalanunan ko ‘yon sa isang raffle. Libreng accommodation sa isang hotel do’n ng tatlong araw. Hindi ko na nga tinapos eh,” sagot ko.
“Sa susunod naman magpapaalam ka! Hindi kami mapakali rito kakahanap sa’yo!” At nagsermon na nga ng tuluyan si Papa tungkol sa pag-alis ko nang walang paalam.