Nakahiga ako ngayon sa kama habang nakapikit ang mga mata dahil pinapahinga ko ang mga ito at kanina pa ako nagdo-drawing. Pagod na mga mata ko.
Tatlong araw na lang at Pasko na. The usual, salo-salo sa Noche Buena kaming pamilya pagsapit ng alas dose. Ano kayang plano nina AJ? Gagala kaya kami sa Pasko?
Mayamaya ay narinig kong nag-ring ang phone ko. Katabi ko lang naman ito kaya't nakuha ko 'to kaagad at sinagot.
"Hello," sambit ko.
"Hello, Roma."
"Oh, Josephine. Napatawag ka?"
"Uhm, Roma. Free ka ba ngayon?" tanong niya.
"Oo. Hindi naman ako busy ngayon. Bakit?" sambit ko.
"Puwede bang samahan mo 'kong lumabas ngayon?" alok niya.
Napakunot ang noo ko. Bakit parang biglaan naman yata?
"Niyaya mo rin ba sina AJ at Jeyra?" tanong ko.
"Tinawagan ko sila. Hindi sumasagot ni AJ. Tapos si Jeyra naman sinamahan 'yong pinsan niya sa pedia. Inatake kasi ng hika," sagot niya.
"Gano'n ba? Sige, sige. Anong oras ba at saan tayo magkikita?" tanong ko.
"Magkita tayo after one hour sa town mall," sagot niya.
"Okay sige." Tapos ay binaba na namin ang tawag.
Bakit kaya gano'n? Pakiramdam ko nag-away na naman sila ni Evan?
Tumayo na ako at kumuha ng tuwalya. Tapos ay dumeretso na ako sa banyo para maligo.
Trenta minutos ang tinagal ko sa paliligo tapos ay dumeretso na ako sa kuwarto para magbihis. Nagsuot lang ako ng white t-shirt na may print ng cartoon na pusa sa gitna. Pinaresan ko rin ng maong skinny jeans, tapos 'yong black and white Converse ko.
Pagkatapos kong mag-ayos ay umalis na ako ng bahay. Naglakad lang ako hanggang sa sakayan ng jeep. Kinse minutos ang ginugol ko para ro'n. Nang makasakay ako ng jeep ay nagbayad kaagad ako tapos ay ni-text ko si Josephine na papunta na ako.
Nabigla ako nang mag-reply siya na nandoon na raw siya.
"Ang bilis naman niya?" bulong ko. Sa bagay, mas malapit ang bahay niya sa kabihasnan. Isang sakay lang ng tricycle nasa mall na siya.
Kinse minutos na biyahe lang ay nasa mall na ako. Pagbaba ko ay nakita ko kaagad si Josephine sa tapat nito. Nakatayo siya ro'n sa tabi ng entrance. Naka-peach na dress siya na hanggang tuhod ang haba at may maikling sleeves.
Mayamaya ay may nakita akong tatlong lalaki na lumapit sa kanya. Napakunot ang noo ko at may kutob ako na may masamang balak sila kay Josephine kaya naman nilapitan ko sila agad.
"Miss, mag-isa ka yata? Gusto mo samahan ka namin?" tanong ng isang lalaki. Nabakas naman ang takot at alinlangan sa mukha ni Josephine.
"Ako ang hinihintay niya. Hindi niya kayo kailangan," sambit ko.
Napalingon sa'kin ang tatlong lalaki. Mayamaya'y ngumisi sila.
"Pare, dalawang chics na oh," sambit no'ng isa.
"Puwede naman namin kayong samahan pareho?" alok ng isa.
Binigyan ko siya ng matalim na tingin, "Iwanan niyo kami."
"Aba, maangas ka ah," sambit ng isa. Hahablutin niya sana ang braso ko nang mapigilan ko ito sabay pilipit sa braso nito.
Napadaing sa sakit ang lalaki at laking gulat naman ng mga kasama niya.
"Pag nagpumilit ka pa, babaliin ko mga buto mo," pagbabanta ko.
"Hindi na po! Pasensya na!" takot na sambit ng lalaki. Tapos ay binitiwan ko rin ito.
"Halimaw!" sigaw nila sa'kin sabay takbo paalis.
"Okay ka lang, Phine?" tanong ko sa kanya sabay hawak sa braso niya.
"Okay lang ako, Roma. Hindi mo naman sila kailangan gano'nin," sambit niya.
"Naku, okay lang 'yon. Dapat matuto ng leksyon ang mga gano'ng klaseng tao," sambit ko.
"Ang cool mo talaga. Thank you," sambit niya.
"Wala 'yon. Oh anong gagawin natin?" sambit ko.
---
Pumasok kami sa loob ng mall at una kaming nagpunta sa arcade.Naglaro lang kami ng virtual games gaya ng race cars at zombie house.
Naglaro din kami ng Indiana Jones kung saan may hihilahin ka ro'n at kapag napatapat sa kung ilang tokens ang mapapalanunan mo, 'yon ang lalabas sa machine para ma-claim mo.
Nananalo rin naman kami kahit pasampu-sampung token lang. Tapos niyaya niya ako sa videoke booth.
"Dito natin gagamitin 'tong mga tokens na napalanunan natin kanina," sambit niya pagkaupo namin sa couch sa loob.
May isang pulang couch dito sa loob tapos katapat namin ang isang karaoke. Parang kasinglaki lang ang booth ng isang elevator at soundproof ang mga dingding. Pero gawa sa salamin ang pintuan.
Nag-select na ng kanta sa karaoke si Josephine habang hinuhulog ang token. Tatlong kanta kaagad ang ni-select niya. Habang ako naman ay buklat lang nang buklat sa song book.
Hindi naman kasi ako kumakanta. Baka ma-bad trip lang si Josephine pag narinig niya akong kumanta.
"Roma."
Napatingin ako sa kanya nang tinawag niya 'ko.
"Ano na? Kanina ka pa diyan. Hindi ka pa rin ba makapili?" sambit niya.
"Ang bilis naman. Tapos ka na agad?" sambit ko.
"Duh? Tatlong kanta lang kaya ang ni-select ko," sambit niya.
"Ah gano'n ba..."
"Oo. Ikaw na!" udyok niya.
"Alam mo naman na hindi ako kumakanta, 'di ba?" sambit ko.
"Sus. Tayong dalawa lang naman nagkakarinigan dito. Saka magkaibigan naman tayo mahihiya ka pa?" natatawa niyang sabi.
Napakamot na lang ako sa ulo ko at tumayo na ako para mag-select ng kanta. Wala naman akong choice. Pagbibigyan ko na si Josephine kahit nakakahiya ang boses ko.
"I'm so glad you made time to see me,
How's life? Tell me how's your family?
I haven't seen them in a while,
You've been good, busier than ever,
We small talk, work and the weather,
Your guard is up and I don't know why."
Wala akong maisip na kanta na puwedeng maka-relate si Josephine. Kaya pinili ko na lang 'yong kanta ni Taylor Swift na Back to December. Sa una kinakabahan ako pero nasanay na rin ako sa katagalan.
Pagkatapos namin sa videoke booth ay niyaya niya ako sa food court para kumain. Um-order siya ng isang burger steak with rice at iced tea. Sa'kin naman ay lasagna at orange juice.
"Bakit nga pala hindi si Evan ang niyaya mo?" tanong ko.
Napansin ko ang lungkot na gumuhit sa kanyang labi at nabakas sa kanyang mga mata kahit pa nakatuon ang kanyang atensyon sa kanyang pagkain.
"Hmm, wala lang," tipid niyang sagot nang may pilit na ngiti.
"Nag-away na naman kayo, ano?" sambit ko.
Natigilan siya sa pagkain at nagsimulang humibi. Nataranta tuloy ako at hinimas ko kaagad ang balikat niya.
"Tama ka, Roma. Si Evan kasi eh," sambit niya habang nagpupunas ng luha.
"Ano na naman bang nangyari?" tanong ko.
"Pinag-awayan namin 'yong classmate mo. Si James," sambit niya.
Napakunot-noo ako, "Oh, anong meron kay James?"
"Sinabi ko sa kanya na nagtapat sa'kin si James na crush niya 'ko. Tapos ayon, nagalit si Evan," sagot niya.
Napakunot-noo ako lalo, "Tapos?"
"'Yon lang."
"Ano? 'Yong lang?" tanong ko pa ulit.
Tumango naman siya bilang sagot.
"'Yon lang talaga? As in?" tanong ko pa.
"Oo. Nagselos kasi siya. Bakit? Kasalanan ko ba kung may nagkakagusto pa sa'king iba? Eh wala naman akong ginagawa eh. Naging crush lang ako no'ng James na 'yon kasi palagi niya akong nakikita na pinupuntahan ka," sambit ni Phine.
Tumawa ako nang pagak, "Ang babaw talaga ni Evan minsan, ano? Hindi mo naman pala nilandi si James eh. Anong problema niya? Saka hindi mo kasalanan kung maganda ka at meron pang nagkakagusto sa'yong iba," sambit ko.
Bumuntonghininga siya, "Ayaw niya akong kausapin mula no'n. Dalawang araw na. Hindi niya sinasagot mga text at tawag ko. Hindi rin niya sini-seen mga chat ko," sambit niya.
"Ni-block ko na nga si James eh," dagdag pa niya.
"Kakausapin ka rin no'n. 'Wag kang mag-alala. Hindi ka matitiis no'n. Two years na kayo. At ganyan kayo lagi pag nag-aaway, 'di ba?" sambit ko sabay tawa nang kaunti.
Natawa rin siya, "Sa bagay. Tama ka," sambit niya.
Pagkatapos namin kumain ay lumabas na kami ng mall. Huminto kami sa bandang sakayan. Hihintayin kong makasakay si Josephine bago ako umuwi.
Mayamaya naman ay nag-ring ang phone ko kaya kinuha ko ito at sinagot.
"Hello."
"Roma, where are you?" tanong ng taong nasa kabilang linya.
"Nasa mall."
"What are you doing there? May kasama ka ba?" usisa niya na parang nag-aalala.
"Kasama ko si Josephine. Pauwi na rin ako," sambit ko.
"Okay. Ingat sa pag-uwi. If you need me, just call me. See you," sambit nito tapos ay binaba na niya ang tawag.
"Si Caden ba 'yan?" usisa ni Josephine.
"Ah oo," sagot ko. Napakunot naman ang noo ko nang mapansin kong nakatitig sa'kin ni Phine.
"Bakit?" tanong ko.
"In love ka," sambit niya.
Pinandilatan ko siya ng mata, "Ano?!"
Humagalpak naman ng tawa ang babae, "Kung makangiti ka kasi kanina akala mo asawa mo tumawag," pang-aasar niya.
"Baliw ka! Teka, nakangiti ba ako kanina?" sambit ko.
"Oo kaya! Nakangiti ka habang kausap siya sa phone. Loka-loka ka," pang-aasar ni Josephine .
Napaisip tuloy ako. Nakangiti ba talaga ako kanina? O inaasar lang ako nito? Napakibit-balikat ako. Ewan, hindi ko naman namalayan.
Nilagay ko ang isang kamay ko sa ulo ni Josephine at marahang tinapik ito.
"Magiging okay din kayo ni Evan. Huwag ka nang mag-alala masyado," sambit ko.
"Thank you, Roma. Alam mo ba ginagawa rin sa'kin ni Evan 'yang marahang pagtapik sa ulo? Sign din kasi 'yan ng paglalambing," sambit niya.
Ngumiti na lang ako bilang tugon sa sinabi niya.
Nang makasakay na si Josephine ng tricycle ay siya namang sakay ko ng jeep.
---
Nang nasa tapat na ako ng subdivision ay bumaba na ako. Pagtingin ko sa waiting shed ay napataas ang kilay ko sa kung sinong nakita ko.
"Caden?"
"Roma!" Tapos ay nilapitan niya ako at sinalubong ng matamis na ngiti.
"Kanina ka pa ba diyan?" tanong ko.
"Hmm, ten minutes ago?" sagot niya.
"May dala ka bang sasakyan?" tanong ko.
"Oo. There it is," sambit ni Caden sabay turo sa kotse niya na naka-park 'di kalayuan sa waiting shed.
"Why? Pagod ka na?" tanong niya.
"Ah oo. Medyo," sagot ko sabay himas sa batok ko.
Tapos ay pinatong niya ang kamay niya sa ulo ko at tinapik ito nang marahan.
"It's okay. Let's go home so you can take a rest," sambit niya.
Napatingala ako para masilayan ang mukha niya. Nakangiti siya sa'kin nang maaliwalas.
"...marahang pagtapik sa ulo? Sign din kasi 'yan ng paglalambing."
Naalala ko bigla 'yong sinabing 'yon ni Josephine. Bigla tuloy bumilis ang pintig ng puso ko at pakiramdam ko nag-init ang mukha ko.
"Roma? Are you okay?" pag-aalala niya.
"H-Ha?"
"Your face is red," sagot niya.
Napaiwas agad ako ng tingin sabay yuko.
"W-Wala lang 'to. Binabanas lang ako," sagot ko.
"Okay. Sabi mo, eh," sambit niya sabay tawa.