“Ano?!” gulat na tanong ko kay Caden.
“Ayaw ko nga!” dagdag ko pa.
“Huwag ka ngang sumigaw! Listen, hindi ka naman kilala no’ng dalawang ‘yon kaya ayos lang ‘yon,” pagkumbinsi niya sa’kin.
“Puwes sa’kin, hindi okay ‘yon,” pagmamatigas ko sabay inikutan ko siya ng paningin.
“Cassandra, please!”
“No way! Hindi ko talaga magagawa ‘yang sinasabi mo,” pagmamatigas ko pa.
Gusto kasi ng kumag na ‘to na pumuwesto ako malapit kina Darwin tapos ay magpa-cute ako do’n sa lalaki. As if naman na kaya kong gawin ‘yon! Yuck!
“Cassandra…cute ka naman, eh. So I know you can,” pangungulit pa niya.
Sinamaan ko siya ng tingin. “Hoy, kahit anong sabihin mo, hindi mo ‘ko mauuto. Kuha mo? Hindi ko ‘yan gagawin. Never.”
“Kahit sa ngalan na lang ng cancellation of marriage natin at sa five million pesos,” sambit niya.
Natiglan ako. Oo nga pala, fiancé ko nga pala ang tukmol na ‘to. Muntik ko nang makalimutan. Napayuko tuloy ako ng ulo sabay iling.
“Bakit kasi hindi na lang ikaw?” tanong ko.
“Ayoko nga. Iisipin ni Kiara na stalker ako. Pag na-turn off ‘yon, wala na, finish na,” sagot ni Caden.
Napabuntonghininga ako nang may ingay. Wala ba talaga akong choice?
Ibinaling ko ang atensyon ko kina Kiara at Darwin at pinagmasdan sila. Mukhang masaya talaga si Kiara habang kasama ‘yong Darwin na ‘yon.
Teka sandali. Para yatang may kakaiba.
Tumingin akong muli kay Caden. “Sige. Gagawin ko na,” sambit ko.
Mukhang nagulat si Caden. “For real?”
Tumango lang ako at sinenyasan ko siya ng ‘sandali lang’. Tapos ay tumayo ako mula sa kinauupuan ko at pasimpleng lumapit sa dalawa. May kakaiba kasi talaga rito, eh.
Mayamaya’y tumayo ‘yong Darwin at pumunta sa counter na bilihan ng drinks. Tapos ay sinundan ko siya.
Nang siya na ang nakapila ay pumila rin ako kasunod niya. Matapos niyang makuha ang order niya ay agad ko siyang sinalubong.
Napahinto siya at ako nama’y nakatingin lang sa kanyang mga paa. Dahan-dahan kong ipinasada ang paningin ko sa kanya hanggang maiangat ko ang ulo ko at nagkasalubong ang mga mata namin.
“Miss?” sambit niya.
Nakatingin lang ako sa mga mata niya hanggang sa makita kong parang naiilang na siya.
“Excuse me,” sambit niya tapos ay bumalik na siya sa puwesto nila ni Kiara. Tapos ay bumalik na rin ako sa puwesto namin ni Caden.
“Ano na, Cassandra? Ano ba ‘yong ginawa mong ‘yon?” usisa niya.
“May kakaiba sa Darwin na ‘yon,” sagot ko.
“Kakaiba? Paanong kakaiba? Is he harmful?” usisa pa niya.
“Hindi. Ewan ko. Hindi pa ako sigurado. Mabuti pa, patuloy lang natin silang sundan,” sambit ko.
“Okay,” sagot naman ni Caden sabay tango.
At sinundan nga namin na parang mga stalker sina Kiara at Darwin. Namasyal pa sila sa iba pang parte ng mall pagkatapos sa food court.
Nagpunta pa silang clothes’ section, perfume station, arcade, maging sa department store. At habang sinusundan namin sila, hinahayaan ko lang magngitngit sa inis itong kasama kong tukmol habang inoobserbahan ko pa ‘yong Darwin na ‘yon.
Hanggang sa makarating na kami sa exit ng mall. Huminto ang dalawa at siya rin namang hinto namin sa ‘di kalayuan. At mula rito, rinig na namin ang usapan nila.
“Thanks for today, bes,” sambit nong Darwin.
“No problem, bes. Happy birthday!” masayang sambit ni Kiara do’n sa Darwin tapos ay nagbeso sila.
“Bes?” pagtataka ni Caden.
“Confirmed,” sambit ko. Tumingin sa’kin si Caden na nakakunot ang noo.
“Hindi mo pa rin nage-gets? Bakla si Darwin. Gay, vaklush, ka-federasyon, ganern,” sambit ko.
“Ahh, so ‘yon ‘yong ibig mong sabihin kanina na parang kakaiba sa kanya, gano’n ba?” tanong niya.
“Exactly,” sagot ko.
Natawa si Caden na akala mo nagtagumpay. “This is good. I felt relieved. Mabuti kung gano’n,” sambit niya nang may malapad na ngiti.
“So, ano? Puwede na ba akong umuwi?” sambit ko. Tapos ay naglakad na ako papunta sa exit ng mall.
“Ihahatid na kita.”
Nabigla ako sa nagsalitang ‘yon. Paglingon ko, kasunod ko pala si Caden.
“Huwag na. Sanay akong umuwi mag-isa. Isa pa, hindi mo ba lalapitan si Kiara? Siya na lang kaya ang ihatid mo?” sambit ko.
“Gusto ko sana, pero look.” Tumuro siya sa labas.
“Naunahan na ako ng personal driver niya,” sagot niya. Nakita naming nakasakay na si Kiara sa sasakyan at umalis na ito.
“E di wow.”
“Dali na. Halika na,” pilit pa niya.
Napakamot ako sa batok ko. “Sige na nga.”
Pagkatapos ay sumakay na kami ng kotse niya.
---
“Kailan mo pa pinaghinalaan si Darwin?” usisa ni Caden habang nagda-drive.
“Hmm, habang kumakain kasi sila ni Kiara doon sa food court, pumapalantik ang mga daliri niya. Tapos ang hinhin niya magpunas ng tissue sa labi niya. Parang babae,” sagot ko.
“Wow. Paano mo napansin ‘yon?” usisa pa niya.
“Sus. ‘Yon lang? Palibhasa kasi puro ngitngit at selos ang pinapairal mo,” pang-aasar ko.
“Oo na. Ikaw na. Pero, Cassandra may tanong ako. Pero huwag kang tatawa, okay?” sambit niya.
“Sige, ano ‘yon?” tanong ko.
“Paano ba manligaw?”
Nanlaki ang mga mata ko tanong niya. “Seryoso ka ba riyan?” tanong ko.
“Oo naman. Alam mo, hindi pa ako nanligaw sa buong buhay ko dahil si Kiara lang ang babaeng nagustuhan ko,” paliwanag niya.
“Aba, ano rin bang alam ko? Wala pa akong experience sa ganyan, ‘no,” sagot ko.
“Patay tayo diyan,” sambit niya.
“May lalaki pa palang hindi marunong manligaw sa panahon ngayon? Magpaturo ka sa mga dose anyos,” sambit ko.
“Ha? Dose anyos?” pagtataka niya.
“Oo. Kalimitan sa mga dose anyos ngayon may lovelife na. Parang kapatid ko,” sambit ko sabay tawa.
Pagpasok namin sa automatic nilang gate ay ni-park na ni Caden ang sasakyan niya sa parking lot ng bahay nila at bumaba na kami.
Nauna na akong pumasok sa loob ng mansyon at dumeretso na ako sa kuwarto ko. Isinara ko ang pinto at nagbihis ng pambahay. Mayamaya lang ay may kumatok.
“Pasok.”
Nagulat ako nang makita kong si Caden ang nagbukas ng pinto.
“O ano?” tanong ko. Inilibot niya ang paningin niya sa buong kuwarto ko.
“Ang kalat. Parang hindi ka babae,” sambit niya.
Nakita kasi niya ang mga hinubad ko sa kama at magulo kong bedsheet at kumot.
Pinanliitan ko siya ng mata. “Wow. Salamat, ha,” sarkastikong sambit ko.
“Ang kalat ng study table mo. Nagkalat ang mga papel,” sambit pa niya. Napangiwi ako sabay pamaywang.
Dumampot siya ng isang lukot na papel na nakakalat sa paanan ng study table ko tapos ay binuklat niya ito.
“Teka. Manga ito ah. Drawing mo?” tanong niya.
Nanlaki ang mga mata ko at agad akong lumapit sa kanya.”Huwag ‘yan! Akin na ‘yan!” sambit ko habang pilit na inaagaw sa kanya ang papel. Pero nilalayo niya sa’kin ‘to pataas at hindi ko ito maabot dahil matangkad siya.
“Hmm, not bad. Ang ganda ng drawing mo. May I see more of this?” sambit niya.
“Ha? Mukha mo. Bakit? Close ba tayo?” inis kong tanong.
Idinikit niya ang balikat niya sa tabi ng balikat ko. “O ayan. Close na tayo. Puwede na ba?”
Itinulak ko siya tapos ay lumayo ako. “Hindi ka rin pilosopo, ano?”
Bigla naman niyang hinalungkat ang study table ko. “Aha! Got it!”
Nanlaki ang mga mata ko maging ang bibig ko’y napaawang nang nakuha niya ang isa sa mga folder ko ng ginagawa kong manga.
“Huwag kasi, Caden! Ano ka ba?” inis kong sambit habang nagpapapadyak sa inis.
“Trespasser ka na nga, invasion of privacy ka pa!” bulyaw ko. Pero parang wala siyang narinig at patuloy lang na binuklat ang folder.
“Trespasser? Don’t forget na nasa bahay ka namin.”
Natigilan naman ako nang ma-realize kong tama siya.
“Kahit na ba!”
Namayani ang katahimikan habang binabasa niya ang isa sa mga manga na ginagawa ko habang ako naman ay nakatingin sa kanya at kinakabahan.
Hindi ko kasi talaga ugaling ipakita o ipabasa sa iba ang mga likha ko, maliban na lang kung talagang malapit ka sa’kin.
“Not bad, Cassandra. I-update mo ito ha? Babasahin ko,” nakangiti niyang sambit.
Tinaasan ko siya ng kilay, “Talaga? Seryoso?”
Tumango siya sabay ngiti.