Kabanata 12

4855 Words
SA PAGPASOK nila palalim pa sa bahagi ng siyudad na iyon, lalo lamang kumapal ang mga tao na para bang hindi bumuhos ang ulan sa nakalipas na mga oras. Sumisikip na rin dahil sa mga kainan at de karitong tindahan na kumalat sa tabi ng daan. Naglalaro pa sa hangin ang maninipis na usok na kapansin-pansin dulot ng malamig na hangin. Idagdag pa ang hindi mawalawalang ingay. Bagay na hindi nila maiiwasan ni Gregorio. Kung kaya nga'y inihimpil ng binatang pulis ang motorsiklo sa pagitan ng tindahan ng karne at ng mga lumang gamit. Sumunod na rin naman siya rito't itinabi ang kinasasakyang motorsiklo sa sinakyan nito. Kapagkuwan ay nagkasabay sila sa pagbaba ng motorsiklong nanatiling nakalutang kahit na namahinga na ang makina. Isa lang ang nasabi niya, buhay na buhay ang lugar na para bang walang nangyayaring hindi magagandang bagay sa likuran niyon. Pakiwari nga niya'y hindi nagtatapos ang umaga sa dakong iyon dahil sa kalabisan ng liwanag ng mga makukulay na ilaw ng mga karatula at gusali. "Dito na ba?" ang tanong niya kay Gregorio habang ipinangtabon niya sa kanyang ulo ang pandong ng suot na diyaket. Inayos niya rin ang tumabinging sombrero. Si Gregorio naman ay palinga-linga sa paligid bago nito ibinaling ang tingin sa kanya. "Hindi pa," tugon naman nito. Matapos nitong sabihin ang dalawang salitang iyon. Humakbang ito patungo sa harapan ng eskaparate ng tindahan ng karne. Sa likuran niyon patuloy lang ang matabang lalaking tumatadtad ng karne na madalas nitong ginagawa. "Anong sa inyo?" naitanong ng tagatadtad kahit na hindi nakatingin kay Gregorio. Ang suot nitong puting tapis sa beywang ay napaliguan ng tumalsik na dugo. Maging ang suot nitong manipis na dilaw na guwantis ay ganoon din ang estado. Tumayo lang siya sa likuran ng binatang pulis sa pagkausap nito sa tagatadtad. "Patingnan ko lang sana sa inyo ang dalawang motorsiklo habang wala kami," malumanay na sabi ni Gregorio. Hindi ito nagtutunog nakikiusap kundi inuutusan pa nito ang tagatadtad. Sa sinabi ni Gregorio huminto sa pagtadtad ang matabang lalaki. Bumaon pa nga ang makapal na kutsilyo nito sa tapayang kahoy. Tumalim ang tingin ng matabang lalaki sa pag-aakalang nanggugulo lang sila roon. Sa pagkasalubong ng tingin ng dalawang nakakatanda itinaas ng binatang pulis ang tsapa nito mula sa bulsa. Dahilan upang umamo ang mukha ng matabang lalaki't sumilay ang ngiti sa labi nito na ikinalitaw ng naninilaw nitong ngipin. "Siyempre puwede mong iwan ang mga iyan," sambit ng matabang lalaki nang tingnan nito ang dalawang motorsiklo. "Babantayan ko nang maigi," dugtong pa nito. Isinuksok naman pabalik ni Gregorio ang tsapa sa bulsa sa pagpayag ng matabang lalaki. "Maraming salamat. Aasahan ko iyan," ganti pa nga ng binatang pulis dito kapagkuwan ay tinalikuran na ito upang makapagtuloy sa kanilang pupuntahan. "Sigurado ka ba talagang iiwan mo ang mga motorsiklo? Paano kung hindi nila mabantayan talaga nang maigi pagkatapos pagbalik natin wala na ang mga iyan," wika niya para sa binatang pulis. Kapwa sila humakbang sa simula ng dagat ng mga tao. "Huwag mo nang aalalahanin ang bagay na iyan. Ang isipin mo kung anong gagawin mo para makita mo ang kaibigan mo," sabi naman ni Gregorio. Iniikot pa rin nito ang paningin sa mga tao. "Akala ko ba ikaw ang gagawa niyon?" reklamo niya sa binatang pulis na hindi naman nito pinansin. Napabuga na lang siya nang mainit na hininga. "Sabihin mo kung anong pakay natin dito para ako na lang ang pupunta." "Hindi mo makakausap iyong taong makakatulong sa atin kahit makita mo pa siya," sambit ni Gregorio. Nagpatiuna itong humalo sa mga taong naroon habang siya ay nasa likuran lang nito. "Bakit naman hindi?" tanong niya sa kanyang pagbuntot. Umiiwas siya sa mga tao nang hindi siya masiko't matulak ng iba. Samantalang si Gregorio hindi naman nahihirapan dahil madali itong nakakalusot. "Mandaraya at mapanlinlang ang taong iyon," tugon naman ni Gregorio. "Sa puntong makita ka niyon ibebenta ka niya upang magkapera." Hindi natigil sa paglinga-linga si Gregorio kahit na naglalakad sila sa gitna ng mga tao. Naguguluhan siyang napapatingin dito. "Ano bang hinanahanap mo? Kanina ka pa," ang hindi niya maiwasang tanong. Tumingala ang binatang pulis kaya napatitig din siya sa tiningnan nito. Hindi siya sigurado kung sa makukulay na karatula ito nakatingin o sa mga bintana ng gusali. "Hinahanap ko iyong pasukan ng aliwan," sagot naman ni Gregorio nang ibaba nito ang tingin. Kapagkuwan way muling tuwid na naglakad. "Lalo lang ako nalilito diyan sa sinabi mo." Kahit sa mukha niya malinaw iyon sa pagsalubong ng kanyang dalawang kilay kasabay ng pagkunot ng noo. Pinaliwanag naman ng binata kung anong pinagsasabi nito nang maunawaan niya naman ang ikinikilos nito. "Kasi nga iyong aliwan na madalas na puntahan ni Marin nag-iiba ang kinalalagyan ng pasukan na gawa ng ilusyon," panimula ng binatang pulis. Hindi na niya tinanong kung sino iyong nabanggit nito dahil sa palagay niya naman iyong ang pakay nila roon. Hindi niya lang maunawaan ang nabanggit nitong ilusyon. "Katulad ba ng nangyari sa akin sa kalye onse?" pag-usisa niya nang masigurado niyang hindi siya nagkakamali sa pag-iisip. "Oo," simpleng sabi naman ni Gregorio sa paglampas nila sa nagtitinda ng mga insektong kinakain. "Paano naman mangyayari ang ganoong bagay?" Hindi niya naiwang mapalingon sa kanan dahil sa pagbusirit ng mantika mula sa de karitong tindahang may bubong. Napapatitig siya sa nagluluto ng uod sa kawali dahil nilagyan pa ng bawang at mantikilya. Nahinto pa nga siya ng ilang segundo habang pinagmamasdan ang kumakawag na uod na lumalangoy sa kumukulong mantika. Kahit insekto kailangang maghirap para maging pagkain. Bago pa man mapansin ni Gregorio na wala siya sa likuran nito sumunod siya kaagad. Sa puntong nasa likuran siya ulit nito nagsalita ito ulit patungkol sa naging huling katanungan niya. "Alam mo hindi mo kailangang magtanong kung paanong nangyari. Ang kailangan mo paniwalaan mo't tanggapin na totoo ang mga iyon," sambit ni Gregorio bago ito biglang tumigil. Kamuntikan pa siyang bumangga sa likuran nito. Mabuti na lamang napahinto siya rito. "Bakit ka huminto?" aniya sa binata sa pag-aakalang mayroong nakatingin sa kanila't naghihintay lang na sila'y sugurin. Iniikot pa nga niya ang paningin sa paligid. Wala naman siyang mapansing kakaiba. Patuloy pa rin naman ang mga tao sa paglalakad at sa kanilang mga ginagawa. Ni hindi pinagkakaabalang sila ay sulyapan. "Mukhang mahihirapan tayong pumasok ng aliwan," pagbibigay-alam ni Gregorio sa kanya. "Ipaliwanag mo nga," aniya sa binatang pulis. "Tingnan mo iyong nagluluto ng insekto," sambit ni Gregorio sabay turo sa de karitong tindahan sa unahan na ilang dipa ang layo sa kanila. Sinundan niya kung saang direksiyon nakaturo ang daliri nito. Kung kaya nga nahihiwagaan siyang napatitig sa de karitong tindahan na kanina lamang ay nadaanan niya. Lumingon siya sa likuran sa pag-aakalang may iba pang katulad niyon doon ngunit wala rin namang iba pa. Ibinalik niya ang kanyang tingin kay Gregorio na nagtatanong ang kanyang mga mata. "Paanong nangyari ito gayong kanina lang napadaan na tayo diyan?" nagtataka niyang tanong. Binaba ni Gregorio ang kanyang kamay. "Hindi mo kailangang magtanong kung nakikita mo naman ang kasagutan. Tulungan mo na lang akong hanapin iyong pasukan para makatulong ka naman," anang binatang pulis sa kanya. Kumunot ang noo niya sa binatang pulis. "Anong hahanapin ko gayong hindi ko naman alam kung anong pasukan iyong sinasabi mo," aniya naman dito. "Hanapin mo lang iyong bagay na parang totoo o hindi," ang makahulugang sabi ni Gregorio na hindi niya naunawaan. Hindi na niya ito natanong ulit sa muli nitong paghakbang pabalik naman sa kanilang pinanggalingan. Pagkahanggang sa mga sandaling iyon iniikot pa rin nito ang paningin sa paligid. Kaya nga iyon na nga lang din ang ginawa niya sa pagsunod niya rito ng paglalakad. Naghanap siya ng bagay na hindi niya rin alam kung ano habang nakatingala sa mga gusali. Sa muli nilang  pagsumiksik sa gitna ng mga tao napuna niya ang isang karatula sa ikaapat na palapag na gusali sa kanyang kaliwa. Hindi gaanong mapapansin ang parisukat na karatula na mayroong pailaw na hugis sombrero dahil sa ilalim ito ng patayong karatula. Hindi umiilaw iyon sa kabila ng liwanag na mayroon ang lugar. "Iyon ba hinahanap mo?" tanong niya sa binatang pulis kaya napahinto ito sa paghakbang. "Saan ba?" sagot naman nitong patanong nang balikan siya nito. Nang tinuro niya ang karatula umilaw ng pula muli iyon na para bang nawalan lang iyon ng kuryente sa maikling sandali. Pinagmasdan din naman iyon ni Gregorio kung kaya nga binaba na niya ang kanyang kamay sabay kapagkuwan ay sinuksok sa bulsa ng suot na diyaket. "Madali lang palang hanapin," komento niyang may buong pagmamalalaki. "Iyan nga ang inaalala ko. Samantalang hindi ko naman makita iyan kanina bago mo nahanap. Ano bang ginawa mo para lumitaw iyan?" Tiningnan siya nang tuwid ni Gregorio na para bang mayroon siyang ginawa na hindi nito alam. "Huwag mo nga akong paghinalaan diyan. Kusa na lang iyang lumabas nang mapatingala ako," wika niya sa binatang pulis kaya lang nakatitig lang pa rin ito sa kanya. "Pumasok na lang kayo tayo kaysa tumagal pa tayo rito. Saan ba? Mauna ka na kaya?" Pinutol lang nito ang tingin sa kanya't lumakad na ito papaalis ng daan. Agaran naman siyang sumunod dito. Nagsumiksik ulit sila sa mga tao upang makarating sa tabi. Ilang pag-iwas at hakbang nakarating nga sila sa isang eskenita sa pagitan ng dalawang gusali. Hindi nakakaabot ang liwanag ng lansangan sa kahabaan niyon kung kaya nga madilim na sa bandang dulo. Sa likuran naman nila ay patuloy lang ang mga tao sa paglalakad. Nagtataka siyang napapatitig sa eskenita sa paghinto nila ni Gregorio. Wala nga rin naman siyang ibang makita roon kundi kadiliman lang. Kinakabahan siyang napalingon sa katabi nang mayroon itong sinabi. "Sa oras na makapasok tayo sa loob. Wala kang ibang gagawin para mabaling sa iyo ang atensiyon ng iba. Kung ayaw mo ring mawala. Kailangan mo lang matahimik. Wala kang ibang kakausapin maliban sa akin," babala nito sa kanya. "Naintindihan mo?" Tinugon niya ito ng isang tango. "Dito na lang ako pagkagayon. Hihintayin na lang kita," aniya nang maramdaman niya ang lamig na umaakyat sa kanyang mga kamay. "Hindi maari iyang sinabi mo," ang huling nasabi ni Gregorio kapagkuwan ay pumasok na nga ito sa eskenita. Nilingon pa nga siya nito nang malamang hindi siya sa sumusunod. "Halika ka na," pagtawag nito. Napahugot na lang siya nang malalim na hininga. Sa puntong tumapak ang kanyang mga paa sa eskenita naramdaman niya ang puwersang pumipiga sa kanya. Ganoon paman pinagpatuloy niya pa rin ang paglalakad upang makasabay kay Gregorio. Tikom ang kanilang bibig sa paglalakad nila palalim ng eskenitang iyon. Habang tumatagal sila mayroon naman siyang nakikitang maliwanag na kalye naman sa dulo na kanina lamang ay wala naman. Naguguluhan nga siyang lumingon sa likuran kaya nalaman niyang purong kadiliman na lamang ang naroon. Naguguluhan siyang napatitig sa mukha ng binatang pulis. Gusto niya sanang magtanong ngunit hindi niya rin naman naituloy. Sapagkat nahuhulaan niya na rin kung anong isasagot nito. Kung kaya nga imbis na magtaka hindi siya huminto sa paghakbang. Naisip niyang hindi na dapat siya umatras pa kahit bago sa kanya ang mga nangyayari. Ilang sandali pa'y nakalabas na rin sila ng eskenitang iyon. Bumungad sa kanila ang abala ring kalsada kawangis ng kanilang inalisan. Ang pinagkaiba lamang ng lugar na iyon ay hindi gaanong maliwanag ang paligid sa kakaunting ilaw mayroon ang mga karatula. Mayroong mga palakad-lakad kasabay ng pinaghalong ingay ng mga pag-uusap at tugtog. Hindi madilim ang kalangitan kundi napaliguan ito ng mapulang liwanag ng buwan. Ang higit niyang napansin sa mga ito ay ang aliwan na may dalawang palapag --- ang karatula niyon ay may disenyong pailaw na sombrero sa kulay na pula. Nasa kabilang ibayo iyon ng daan, at isa iyong bukas na aliwan kaya kita mula sa labas ang mga nag-iinoman. "Saan ba tayo?" ang naitanong niya kay Gregorio. Hindi na niya napigilan ang bibig. "Nasa Liwayway. Nasa isang lugar pa rin naman ito iyon nga lang nasa ibang oras," paliwanag naman ni Gregorio sa kanya. "Maraming pumupunta rito hindi lang mga tao kaya tandaan mo ang bilin ko." Pinakatitigan pa nga siya nito dahilan upang mapatango na lamang siya. "Huwag kang mag-aalala wala naman akong planong gawin. Susunod lang ako sa iyo baka mamaya maligaw pa ako sa lugar na ito," ang sabi pa niya sa binatang. "Mabuti," simple namang sabi ni Gregorio. Kapagkuwan ay binagtas na nito ang kalsada patungo sa aliwan. "Paano mo nalamang narito iyong sinasabi mo?" ang naisipan niyang tanong dito. Katulad ng mga unang pagkakataon bago pa man sila makapasok doon nakabuntot lang siya sa likuran nito. "Madalas iyong naglalagi sa ganitong lugar," sagot naman ni Gregorio. "Paano mo nalaman iyon?" sumunod niyang tanong. "Siya ang una kong trabaho noong una kong pasok sa konseho. Nakalaya lang siya dahil hindi naman napatunayang siya ang may gawa ng krimen na dahilan kung bakit ko siya sinusundan," pagkuwento naman nito. "Pero naniniwala akong siya ang may gawa sa pagpatay sa mag-ina." Natapos ang pagsasalita nito nang makalapit na sila sa harapan ng bar. Napalingon siya sa kanan nang mapansin ang lalaking nakatalakbong ng itim na pandong. Iyon ay dahil sa nakabalot na usok sa ulo nito. Hindi man lang naalis ang usok kahit na umiihip naman ang hangin. Habang nakatingin siya rito biglang lumiit ang usok dahil nahihigop iyon. Pagkawala niyon nalantad ang pulang-pulang mukha nito't namumuting mga mata. Nagkasalubong pa ang kanilang mga tingin. Sa pagkabigla niya'y nagmadali siyang sumabay sa binatang pulis. Pakiramdam niya kapag nagpahuli siya mayroong kukuha sa kanya. Hindi niya gustong isipin na tagpuan ang lugar na iyon ng mga demonyo. Pero sa nasaksihan niya mukhang hindi niya na mapipigilan ang paglabas ng katotohanang iyon. Ang magagawa niya na lamang ay tanggapin ang mga nangyayari sa kanya na noong simula ang buong akala niya'y purong imahinasyon lamang. Sa labas pa lang sila nasinghot na niya ang amoy na nagmumula sa loob ng aliwan. Hindi niya lang matukoy kung ano --- ang tanging mailalarawan niya rito'y tila nasusunog na dahon. Ang sigurado lang siya nang sandaling iyon ay ang dami ng mga naroon na halos nagsisiksikan na. Habang patuloy sa pagtugtog ang isang banda na lima ang miyembro sa malayong sulok niyon --- malamyos na musika ang gawa ng mga ito. Masyado pang mapula ang ilaw na pumuno sa kabuuan ng aliwan kaya nagmumukhang mga kakaibang nilalang ang lahat. "Hindi lang basta mga tao ang narito hindi ba?" ang naisipan niyang tanong sa paghinto nila sandali. Tiningnan siya ni Gregorio. "Oo," tugon naman nito. Tumakbo ang isipan niya sa naging sagot ni Gregorio. "Kung gayon bakit hinahayaan ng konsehong manatili ang lugar na ito," wika niya nang maalala kung ano ang papel ng konsehong pinanggalingan nito. "Ang totoo niyan bawat araw nasisira ang lugar na ito sa kamay ng konseho. Iyon nga lang matapos naman niyon pinapatayo ito ulit. Kaya nga paibaba sila ng lokasyon ng pasukan nang mahirapan nang kaunti ang konseho sa paghahanap. Malayang makakagalaw ang mga narito bago pa dumating ang konseho." "Sa sinabi mong iyan pakiramdam ko hindi ko na makikita ang kaibigan ko," ang buong pag-alala niyang sabi dahil sa nalaman. "Wala pa naman akong narinig na pinuksang demonyo ngayong araw kaya siguradong buhay pa ang kaibigan mo," sabi ni Gregorio ngunit hindi niya naman makuhang matuwa. "Pumasok na tayo," dugtong nito kapagkuwan ay humakbang na nga ulit. Hinanap nila ang daan sa pagitan ng mga nakatayo roon sa harapan. Nakaiwas naman silang makabangga kaya nga nakarating sila sa gawing gitna na walang lumilingon sa kanila. Abala nga rin naman ang lahat sa pagsasaya kaya ni bigyang-pansin sila'y malayong nangyari nang sandaling iyon. Dinala siya ni Gregorio sa sulok kasunod ng hagdanang nasa gawing gitna. "Hindi ko nagugustuhan ang karakter ng aliwan na ito," aniya sa binatang pulis habang iniikot na naman nito ang paningin sa paghahanap. Hindi niya talaga nagugustuhang magtungo sa mga iyon lalo na't ang aliwan na iyon ay sa ibang oras. Pakiramdam niya kapag tumagal siya roon sasabog ang utak niya. "Magiging maayos ka huwag ka lang aalis dito," ani Gregorio nang ibaling nito sa kanya ang atensiyon. Masyadong malapit ito sa kanya upang magkarinigan sa lakas ng tugtog na inilalabas ng banda. Isang dangkal lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. "Pagkatapos kung may lalapit sa iyo huwag na huwag mong kakausapin. Lalo na ang tumanggap ng anomang inomin." "Ganoon pala pagkatapos dinala mo pa ako rito," reklamo niya naman sa binatang pulis. Delikado rin naman pala talagang manatili roon pagkatapos isinama pa siya sa loob. "Hindi ka puwedeng maiwan sa labas. Iyon na lang ang isipin mo. Maupo ka na riyan." Tinuro nga nito ang bakanteng bilugang upuan sa pinakasulok. Naupo nga siya roon na walang sinasabi. "Aakyat lang ako sa itaas para magtanong sa may-ari." "Sige. Hintayin na lang kita," alanganin niya namang sabi. Ni hindi niya nga malaman kung anong dapat sabihin dito. Iniwan nga siya ni Gregorio pagkaupo niya sa upuan. Umakyat ito sa hagdanan upang makarating sa ikalawang palapag. Siya naman inabala ang kanyang sarili na pagmasdan ang mga naroon sa aliwan na iyon. Sa mga mata niya mistulang panaginip nga lamang lahat. Ngunit naroon nga rin naman siya. Hindi niya nga rin naman talaga lubos akalain na malalagay siya sa gaanoong sitwasyon. Samantalang ang nais lang naman nila ni Kenji ay ang mamasyal at maghanap ng pera. Naputol ang kanyang pag-iisip nang mayroong lumapit sa kanya na isang babaeng nakabulaklaking blusa. Hindi niya masabi kung tunay bang tao ito gayong babaeng makurba ang katawan ng papalapit sa kanya. "Nag-iisa ka lang ba?" ang tanong sa kanya ng babae sa malambing na boses. Inakala siguro nitong madadala siya nito kung maglalambing ito. Sumuksok sa kanya ang sinabi ni Gregorio kung kaya nanatiling tikom ang kanyang bibig. "Sayang naman. Iimbitahan ka lang sana naming sumama sa aming para mag-inom." Dugtong ng babae sa pananahimik niya. Tinitigan niya lang ito nang masama. "Ito na nga aalis na," ang huling nasabi nito kapagkuwan ay bumalik at humalo sa mga naroon. Napabuntong-hininga siya nang malalim sa paglayo ng babae. Naisipan niya lang na tumingin sa banda. Mayamaya'y kumaway sa kanya ang bokalista na nakasuot ng ternong kulay pula. Lumingon pa siya sa kaliwa niya sa pag-aakalang iba ang kinakawayan nito. Ngunit nalaman niya na lang na siya nga nang hindi ito tumitigil sa pagkaway. Inalis niya na lang ang tingin kasi naman hindi niya naman ito kilala. Pagbaling niya ng tingin sa hagdanan napuna niya ang isang dalagang paibaba niyon. Iba man ang suot nito nang mga oras na iyon namumukhaan niya pa rin naman ito. Imbis na dilaw na blusa, ang suot nito ay maikling saya na tinernohan nito ng puting pang-itaas. Maging ito ay napansin din siya nang makarating ito sa katapusan ng hagdanan. Nakipagtitigan pa nga ito sa kanya kapagkuwan ay humakbang na ito papalabas ng aliwan na iyon. Naisip niya na mayroong koneksiyon ang babae sa pagkawala ng kaibigan niyang si Kenji. Kaya nga sinundan niya ito. Kinalimutan niya ang bilin sa kanya ni Gregorio. Nagsumiksik siya't umiwas sa mga tao mahabol lang ang babae. Naabutan niya naman ito sa paglalakad nito sa kalsada. Hindi ito huminto kaya mas lalo niya lang binilisan ang pagbuntot dito. Tumagal pa ng ilang minuto ang paghahabol niya rito hanggang sa hindi niya ito nasundan ng mata. Bigla na lamang itong nawala na ikinatigil niya katulad nang tumalon ito ng ospital. Sinubukan niya pa rin naman itong hanapin sa mga naroong naglalakad ngunit hindi talaga niya nakita ito ni hibla ng buhok. Bagsak ang balikat niyang humakbang pabalik sa aliwan. Ngunit bago pa man siya makailang hakbang lumitaw sa likuran ng naglalakad na lalaki ang dalaga. Ang mga daliri nito'y tuwid na tuwid na tatarak sa kanya. Inundayan siya nito ng saksak kaya bago pa mahuli ang lahat umatras siya nang makaiwas. Sa bawat pagsugod naman nito'y nakukuha niya rin namang iwasan. "Ano bang nagawa ko't gusto mo akong saktan?" ang naitanong niya sa dalaga sa pag-ilag niya sa pagsasak nito gamit lang ang mga daliri. Hindi naman siya sinagot ng babae. Tiningnan lang siya lalo nito nang masama. Kung kaya lalo lang siyang napaatras. Iyong ibang mga naroon naman wala namang pakialam sa kanila't patuloy lang sa paglalakad. Isinangga niya ang kanyang kamay nang aakmang sisipain siya nito. Tumama nga iyon sa kanya. Sa lakas na binigay nito sa sipa nang sandaling iyon tumalbog siya patungo sa pader ng gusali sa tabi. Pagtama ng kanyang likod sa pader imbis na magiba nabasag iyon na mistulang salamin. Matapos niyon hinigop siya ng kung anong puwersa habang lumalayo siya sa butas sa pader. Sa likuran ng pader na iyon ay purong kawalan. Wala siyang makitang ibang liwanag liban sa pinanggalingan niya. Mayamaya'y naramdaman niya lang na mabilis siyang nahuhulog. Ang butas naman ay lalong lumiliit hanggang sa mawala na iyon. Sa ibaba niya naman kapansin-pansin ang malawak na kalupaan na napupuno ng mga nangingitim na punong ni walang isang dahon. Bumagsak siya sa gitna ng mga iyon nang padapa na kanyang ikinaungol sa sakit. Napaubo-ubo pa nga siya nang dalawang beses. Nang bumangon na siya'y bumagsak sa harapan niya ang dalaga. Nagdala ng bugso ng hangin ang paglapag nito kung kaya naglaro sa ere ang alikabok. Tinakpan niya ang kanyang ilong gamit ang braso bago pa siya makasinghot niyon. Hindi pa man humuhupa ang naglalarong alikabok sumugod na naman ito. Ginawan na niya nang paraan upang hindi siya nito masaktan. Sinalubong niya iyon na may kasamang pag-ilag kung kaya humaging lang sa kanyang leeg ang nakatuwid nitong mga daliri. Sinundan niya iyon ng suntok sa tagiliran nito. Hindi niya man nais na makasakit ng babae ngunit kailangan niya iyong gawin. Napaatras naman ang babae dahil sa pagkabigla. Muwinesra niya ang kanyang mga kamao sa harapan kasabay ng pag-atras ng isang paa. Lalo lamang siyang pinanlisikan ng tingin ng babae dahil sa galit. Hindi niya naman maintindihan kung bakit ito nagagalit sa kanya. Walang itong pagdadalawang-isip na idinipa ang mga kamay. Sinundan iyon nang paglitaw ng dambuhalang itim na ahas sa uluhan nito mula sa manipis na hangin. Sumagitsit pa iyon sa kanya na ikinakalabas ng dala nito, kumunot ang noo niya sa nakita. Habang tumatagal lalo lang lumalala ang nararanasan niya. Sa ibang banda gusto niyang panaginip na lang iyon. Mula sa paglitaw ng ulo nito nadagdagan iyon ng katawan kasabay ng pagsakmal sa kanya. Tumalon siya mula sa kinatatayuan dahilan upang tumama lang sa lupa ang nguso ng ahas. Sa pag-iisip niya nang gagawin gumapang ang ahas paikot sa dalaga at umatungal patungo sa kanya. Hindi niya nga malaman kung paanong nakakapagpalabas ang dalaga ng dambuhalang ahas. Pinagsisihan niya rin naman nagtanong siya pa. Nagkatitigan pa sila ulit ng dalaga bago siya muling sinugod ng ahas nang pagapang. Hindi rin naman siya siraulo para harapin ang dambuhalang ahas. Kung kaya nga walang pagdadalawang-isip na tumakbo siya upang magtago sa mga puno. Napahawak pa siya sa nadaanang puno kaya nalaman niyang nababalot iyon ng itim na abo. Kahit nakalayo na siya nang kaunti nakasunod pa rin sa kanya ang dambuhalang ahas. Naisipan niyang magtago sa likuran ng puno ngunit bago pa man siya tumagal doon binangga ng ahas ang puno na ikanawala nito na parang usok. Nahihiwagaan siyang napagulong sa lupa makaiwas lang sa pagsakmal ng ahas. Pagkatayo na pagkatayo niya nang tuwid pumulupot sa kanyang beywang ang buntot ng ahas nang mahigpit. Kapagkuwan ay hinila siya niyon at hindi binitiwan. Nang tingnan niya ang babae pasugod na ito sa kanya. Ang kamay nito ay nakahanda na naman. Habang humihigpit ang pagpulupot ng ahas sa kanyang beywang. Nang matatamaan na siya nito sa mukha, nahinto ito dahil sa nagsalitang lalaki na lumitaw lang bigla sa likuran ng puno na nasa gawing kaliwa niya. Gahibla na lang ang layo ng talim ng mga daliri ng dalaga sa kanyang kanang mata. "Itigil mo nga iyan. Hindi ba't inutusan lang kitang dalhin ang kahon kay Baltasar. Anong ginagawa mo ngayon?" anang lalaki sa malalim na boses. Nakasuot ito ng ternong purong itim habang sa ulo nito'y nakaputong ang mataas na sombrero. Ibinaba ng dalaga ang kamay nito kasabay ng paglaho ng dambuhalang ahas sa mumunting ilaw na asul. Dahilan upang mapaluhod na lamang siya sa lupa. "Ang taong ito ay hindi dapat nabubuhay," paliwanag ng dalaga sa lalaking bagong dating. Tinuro pa siya nito. Tumayo siya mula sa pagkaluhod matapos marinig ang sinabi ng babae. "Hindi mo ako kilala pagkatapos ganiyan ang sasabihin mo. Ano bang klaseng tao ka?" aniya naman sa dalaga. Nang mapagtanto niya sa ibang lugar siya dugtong niya rito, "Ang tanong tao ka nga ba?" Sa sinabi niyang iyon tumalim ang tingin sa kanya ng dalaga. Nakatingin lang din naman sa kanilang dalawa ang lalaki na animo'y nanonood lang ng nag-aaway na aso't pusa. Aakma na namang susugurin siya ng babae na muli rin naman napigilan ng lalaki. "Tama na iyan," mariing sabi ng lalaking naka-terno ng damit. "Pero nararamdaman ko ang kasamaan sa kanya. Hindi na dapat natin siyang hayaang makaalis dito," paliwanag naman ng babae na may diin sa bawat salita nito. "Lahat naman ng tao mayroong tinatagong kasamaan sa kanilang mga sarili. Ngunit hindi ibig sabihin niyon hindi na sila maaring maging mabuting tao," pangaral ng lalaki sa dalaga. "Ikaw ang mas makakaunawa niyon." Mahalatang nagpipigil ang dalaga sa pagkumyos ng kamao nito. Tiningnan siya nito nang masama kapagkuwan ay iniwan na siya nito. "Ang alam ko hindi siya kailanman gagawa nang mabuti," ang huling nasabi ng dalaga sa paglalakad nito papalayo. Sinundan pa nga niya ito ng tingin. Naibaling lang niya ang atensiyon  sa lalaki nang kausapin siya nito. "Pagpasensiyahan mo na iyong alaga ko. Sa sobra niyang pagsabuhay sa papel niya nakakalimutan niyang makipag-usap muna," paliwanag ng lalaki na mayroong manipis na ngiti sa labi nito. "Lalo na iyong pagsugod niya sa ospital. Hayaan mo't kakausapin ko siya nang tigilan ka na niya." "Sino ba kayo dahil mukhang hindi naman kayo miyembro ng konseho?" aniya sa lalaking kaharap. Wala siyang maramdamang kung ano rito. "Sasabihin ko sa iyo kung magkita tayo ulit. Kailangan ko nang umalis dito. Ikaw rin dapat na umalis na," anang lalaki sa kanya. Napapiksi na lang siya nang hawakan siya nito sa ulo't ginulo ang kanyang buhok. Kasabay nang mabilis na pagbago ng paligid. Pagpikit-bukas niya ng kanyang mata nasa harapan na sila ng aliwan. "Mag-ingat ka. Bumalik ka na roon sa kasama mo," paalam nito't inalis na nito ang kamay. Hinatid niya ito ng tingin sa paglalakad nito na nakataas pa ang kamay patungong kanluran. Nagtaka lang siya kung paano nito nalamang mayroon siyang kasamang nagtungo roon. Babalik na sana siya sa loob ng aliwan nang mayroong humawak sa kanyang balikat. Nalaman niya na lang na si Gregorio nang lingonin niya ito. "Kailan ka ba makikinig sa akin?" matigas na sabi ng binatang pulis sa kanya. Magkasalubong na ulit ang mga kilay nito. "Nakita ko kasi iyong si Tala," pagbibigay alam niya sa binatang pulis. "Pagkatapos nang sundan ko siya nawala rin naman siya bigla." Iniba niya na lang ang nangyari't hindi sinabi ang totoo rito. "Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo?" panunubok pa sa kanya ni Gregorio. "Huwag kang maniwala. Hindi naman kita pipilitin." Humugot ito nang malalim na hininga. "Sa susunod na makita mo siya sabihin mo sa akin," sabi na lang nito. "Sige ba. Ano na ang nangyari roon sa nakausap mo sa itaas?" pag-iiba niya na lamang sa usapan. "Nalaman mo na ba kung nasaan si Marin?" "Oo naman. Naroon siya sa kabilang kalye. Anong akala mo hindi? Bumusangot ang kanyang mukha para sa binatang pulis matapos marinig ang sinabi nito. "Wala naman akong sinasabing ganiyan," ang naiinis niyang sabi kapagkuwan ay lumakad na patungong kanluran. "Hindi diyan. Dito sa kabila," pagpigil sa kanya ni Gregorio bago pa man siya makalayo. Bumalik nga siya sa kinatatayuan ni Gregorio't sumabay na nga siya rito sa paglalakad patungo sa kabilang kalye. Tikom lang ang kanyang bibig sa kanilang paghakbang. Ang kalyeng sinasabi nito ay tatlong gusali ang layo mula sa pinanggalingan nilang aliwan. Sa kalyeng iyon walang gaanong naglalakad. Idagdag pa na may kadiliman doon. Mayroon mang ilaw ang mga gusali roon ngunit tila hindi lumalampas iyon sa bintana. Basang-basa pa ang daan na animo'y madalas umulan doon. Tumalsik pa ang natinggang tubig na kanyang nadaanan. Matapos nilang lumiko huminto sila sa harapan ng gusaling mahigit limang palapag. Hindi niya malaman kung ilan dahil habang tumataas ang palapag dumidilim naman. Katabi nito ang gusaling itinatayo pa lang na kinakabitan pa rin ng mga iskapolding. Pumasok sila sa loob niyon. Nang makapasok sila roon nakikita niyang hindi malayo ang pinagkaiba ng gusaling iyon sa paupahan ng babaeng si Layla. Tinitingnan lang siya ni Gregorio sa pag-kayat nila sa kanang hagdanan na kasunod lang ng pinto. Hinayaan niya lang ito dahil na wala naman siyang maisip na sabihin dito. Hindi naman sila umakyat pa paitaas kundi sa ikalawang papalapag lang sila. Tuloy-tuloy lang si Gregorio sa paghahanap sa isang pinto habang nasa likuran lang siya nito. Kumatok ito sa ikalimang pinto na tumutuklap ang pintura. Nakailang katok pa nga ang binatang pulis bago mayroong nagbukas niyon. Sa likuran ng pinto ay nakatayo ang isang lalaking buto't balat ang katawan na walang saplot pang-itaas. Naroon ang kama sa likuran nito kung saan nakahiga ang isang hubo't hubad na babae. Nanlaki ang nanlulumong mata ng lalaki nang magkasalubong ang tingin nila ng binatang pulis. "Kumusta, Marin? Mukhang nagsasaya ka," sabi ni Gregorio rito. "Oo naman. Paminsan-minsan lang din naman nito," kinakabahang sabi nito. "Ano bang kailangan mo?" "Mayroon lang naman sana akong itatanong sa iyo tungkol sa binatilyong nawawala na hinahanap ko," sagot naman ng binatang pulis. Tumingin sa kaliwa't kanan si Marin na animo'y hinahanap. Imbis na mayroong sabihin tinulak nito ang nakaharang na binatang pulis. Kapagkuwan ay nanakbo ito sa kahabaan ng pasilyo. Sumunod din naman sila kaagad ni Gregorio bago pa ito makalayo. Pagkarating ni Marin sa dulo tinalon nito ang bintana na ikinabasag ng salamin. Nang kapwa sila napasilip ni Gregorio nakita nila si Marin na umaakyat ng iskapolding paitaas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD