Kabanata 11

4774 Words
PRINOSESO ng kanyang isipan ang kanyang narinig. Samantalang numipis ang hangin na sa kanya'y nakapaligid. Nagsumiksik iyon sa kanya. Pinipiga ang kanyang ulo. Kinain ang naiiwang init sa kanyang balat. Naramdaman niya rin ang lamig na nagpatayo sa balahibo niya sa katawan. Sa balak ng mga ito malalaman ang kanyang mga nakaraan na hindi magugustuhan nino man na tinatahak ang tuwid na landas gaya ng binatang pulis. Hindi niya inaalala na makita ang hindi niya magandang kalagayan sa buhay. Ang ikinabalisa niya ay ang mga nagawa nila ng kanyang kaibigan na si Kenji para lamang mayroong makain ang kanilang mga magulang. "Hindi na kailangan na gawin niya pa iyon. Sasagutin ko na ang gusto mong malaman," aniya kay Gregorio na mataman lang na nakatingin sa kanya. Pinagpatuloy niya ang pag-inom sa tubig. "Magsasabi ka ba ng totoo?" paniniguro naman ni Gregorio sa kanya. Ibinaba niya ang tubig upang magsalita. "Oo naman," tugon niya naman dito. Inubos niya ang tubig na laman ng botilyang plastik. Kapagkuwan ay tinapon niya iyon sa parisukat na basurahan sa dingding sa kanyang kanan. Hindi niya inalis ang tingin sa dalawa. Narinig na lamang niya ang alingawngaw ng pagbangga ng botilya sa matigas na bakal habang iyon ay nahuhulog. Si Gregorio na ang kusang pumutol sa pagkasalubong ng kanilang mga tingin. Humakbang ito papalapit sa mesa't kinuha ang silyang kahoy doon. Inilagay nito iyon sa pagitan ng telibisyon at ng kinauupuang sofa ng babae. "Maupo ka rito para makapagsimula na tayo," utos ni Gregorio nang tapikin nito ang pakurbang sandigan ng silya. "Sige ba," pagsunod niya na lamang sa binatang pulis kahit na nagdadalawang-isip siya sa gagawin ng mga ito. Isinuksok niya ang kanyang mga kamay sa bulsa ng suot na pantalon sa paghakbang niya palapit sa silya. Nakasunod lang ng tingin ang dalawa sa kanyang pagkilos. Pagkaupo niya'y pinagmasdan siya nang maigi ng babae. Hindi na naalis ang kakaibang ngiti nito. Napatitig pa nga siya sa kamay nito nang ilahad nito iyon upang makipagkamay. Sa iniisip niyang gagawa ito ng bagay na hindi niya malalaman wala siyang balak na tanggapin iyon. Dahilan upang ibaba na lang ng babae ang namumutla nitong kamay na tila hindi nga dinadaluyan ng dugo. "Tawagin mo na lang ako sa pangalang Layla," wika ng babae sa kanya na tinugon niya ng tango. "Hindi mo na kailangang magpakilala sa akin. Alam ko na rin ang pangalan mo," dugtong pa nito nang iwasiwas nito ang kamay upang pigilan siya sa pagsasalita. Hinintay niya pang maupo si Gregorio nang makapagsimula na ito sa pagtatanong sa kanya. Humakbang naman ito ngunit malayong-malayo para ito ay maupo. Kundi ang hawakan ang kanyang mga kamay sa likuran ng upuan nang mapigilan siya sa pagkilos. Sa puntong iyon napagtanto niyang gagawan nga siya nang masama ni Gregorio. Masyado pa man ding mahigpit ang pagkahawak nito. "Anong balak mo ha? Pakawalan mo ako," mariin niyang sabi kay Gregorio na nasa likuran niya. Sinubukan niya pang alisin kapit ng binatang pulis ngunit walang nagawa ang pagpupumiglas niya. "Alam ko rin namang magsisinungaling ka kaya kailangan ang ganito," matigas na bigkas ni Gregorio sa kanya. "Sabi ko ngang sasagutin ko nang totoo," bawi niya naman. "Hindi. Ito ang tamang gawin para malaman na rin namin kung ano talagang nangyari sa inyo." Sa likuran niya lang ito kaya naririnig niya nang malinaw ang salita nito. "Iyon din naman ang sasabihin ko," pamimilit niya sa binatang pulis. "Hindi iyan sapat kaya kailangang mula pagkabata makita ko ang nangyari sa iyo," wika ni Gregorio na ikinakunot ng kanyang sabi. "Pakawalan mo ako sabi!" Nagpumiglas siya pa rin ngunit wala pa ring nangyari. Hindi pinansin ni Gregorio ang sinabi niya. Ibinaling lang nito ang atensiyon sa babaeng si Layla. "Simulan mo na," utos nito. Gumanti ng isang tango ang babae kapagkuwan ay tumayo ito mula sa kinauupuan. Umirit nang mahina ang sofa pagkawala ng bigat nito roon. Humakbang ito papalapit sa kanya nang mabagal lamang. Ang yabag nito'y mistulang umaalingawngaw sa buong bahay. "Tumigil ka! Huwag mong gagawin ang pinapapagawa niya!" mariin niyang saad sa babae ngunit hindi nito pinakinggan ang kanyang pagdaing. "Huwag kang mag-alala madali lang ito." Nilaparan pa nito ang ngiti sa mga labi kaya lumabas na ang lahat ng ngipin nito. Marahan nitong inilapit ang kamay para mahawakan siya sa kanyang ulo. "Hindi sabi puwede---" Naputol ang sasabihin niya nang tuluyan siyang nahawakan sa ulo ng babae. Sa puntong lumapat ang kamay nito sa kanyang noo, nakaramdam siya ng kung anong enerhiya na nagmula rito na dumaloy sa kanyang buong katawan. Namanhid ang kanyang kasukasuan at hindi niya man lang maikilos ang mga daliri. Dahilan upang pakawalan siya ni Gregorio. Samantalang ang babaeng si Layla ay tumitirik ang mata habang pinapasok nito ang kanyang isipan. Sa paningin niya'y matuling lumitaw ang mga alalala niya mula sa nakaraan. Mistula iyong naging malabong litrato sa kalabisan ng bilis. Habang patuloy ang babae sa panghihimasok sa kanyang alaala nagsimulang lumabas sa paligid nila ang manipis na itim na usok na siyang pumaikot sa kanila. Lalo pang numipis ang hangin doon kung kaya nga bumigat pa nang doble ang atmospera. Sinundan iyon ng biglaang panginginig ng babae. Ang binatang pulis naman nakamasid lang at naghihintay sa mga susunod na mangyayari. Sa hindi pag-alis ng babae ng kamay sa kanyang noo naiyak ito ng kulay itim na luha sa isang mata. Dumaloy iyon sa pisngi nito. Mayamaya'y bigla na lamang itong tumalbog papalayo. Kasabay ng malakas na puwersa mula sa kanya na siyang nagpalaho sa itim na usok. Sumabit ang paa ng babae sa sofa kaya bumaliktad iyon. Huminto lang ito sa pagtalbog nang bumangga ito sa pader. Kapagkuwan ay bumagsak sa sahig na nauubo. Huminto rin naman ang paglitaw ng mga imahe sa kanyang paningin. Nais niyang gumalaw ngunit hindi niya pa rin magawa. Nalalaman niya pa rin naman ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Nakatingala lang siya sa kisame. Napapatingin pa sa kanya si Gregorio. Samantalang ang babaeng si Layla ay itinayo ang sarili. "Tama iyong hula ko. Nagkatagpo nga sila ng demonyong nagdulot ng aksidente sa tulay matapos itong magtago sa dagat," pagbibigay-alam ng babae sa nakita nito. Minasahe nito ang nasaktang balikat. "Hindi ko lang alam kung saan napunta dahil mukhang hindi nakayang sumanib sa kanya." "Posibleng sa kaibigan niya. Naintindihan ko na ngayon kung bakit mayroong kumuha rito," wika naman ni Gregorio. Malinaw niyang naririnig ang pinag-uusapan ng mga ito ngunit wala naman siyang masabi. "Sino naman ang gagawa niyon?" taka namang tanong ni Layla. "Iyon nga ang balak kong alamin. Ano bang nakita mo?" "Wala na rin namang iba," tugon ng babae habang nakatingin sa binatang pulis. "Gusto mo ba kung paano siya namuhay?" "Hindi na. Nakikita ko rin naman," pagwaksi ni Gregorio sabay baling ng atensiyon sa kanya. "Kumilos ka na diyan," dugtong nito habang tinatapik siya sa kanyang pisngi. Gustuhin niya man ang sinasabi nito pero hindi nga nangyayari. "Hoy! Arjo! Kilos na!" ang mabigat na sambit nito. Imbis na makapagsalita siya unting-unting sumara ang kanyang mga mata. "Anong ginawa mo Layla?!" matigas na tanong nito nang pasigaw sa babae. "Wala naman akong ibang ginawa sa kanya. Hindi siya dapat mamamatay sa pagbasa ko lang," ang huli niyang narinig na sambit ng babae bago niya naramdamang siya ay nahulog sa upuan. Sinundan iyon ng pagbalot ng kawalan sa kanya. Wala siyang makitang iba. Walang maramdaman. Wala siyang marinig. NANGUNOT ang noo ni Gregorio nang makita niyang natumba si Arjo. Mabuti na lamang nahabol niya ito ng salo sa balikat bago pa man bumagsak ito ng sahig. Inalis niya ito sa upuan kapagkuwan ay inilapag sa sahig. Hindi makikita nang pagkakataong iyon sa kalmado't malinis na mukha nito ang pagdurusang nararanasan ng tulad nitong mahirap lamang. Nag-iskwat siya sa kaliwa nito. "Sabihin mo nga Layla kung ano talagang ginawa mo?" tanong niya sa babae nang humakbang ito patungo sa kanila ni Arjo. "Wala nga akong ginawa. Nawalan lang siya marahil ng malay-tao dahil sa pagod," paliwanag naman ni Layla. Gumuhit ang takot sa mukha nito para sa nagsisimulang galit niya. "Siguruduhin mo lang. Hindi ko gustong gumagawa ka ng paraan para kalabaninin ako," sambit niya naman sa babae nang ibalik niya ang tingin kay Arjo. Idinikit niya ang kanyang kamay sa pulsuhan upang pakiramdaman ang pagtibok. Nakahinga naman siya nang maluwag nang maramdamang mayroon nga. Marahil tama nga si Layla nawalan lang itong na malay-tao dahil sa pagod. Marami nga rin namang nangyari sa binatilyo kasama ang kaibigan nito. Binuhat niya na lamang si Arjo sa dalawa niyang kamay kapagkuwan ay pinasok sa kanyang kuwarto na mayroong pang-isahang taong kama. Matapos niyang pumanhik dala ang binatilyo sumara lang ang pinto ng kanya lang. Sa gawing uluhan ng kama ay naroon ang bintana kung saan matatanaw ang malakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat. Inihiga niya sa kama si Arjo kasunod ng pagkumot dito. Pinagmasdan niya pa nang maigi ang mukha nito kapagkuwan ay tumayo sa may bintana. Sa kaliwa ng kanan ng kama at sa kanyang kaliwa ay naroon ang apat na malalapad na monitor kung saan nakalahad ang mga kuha ng kamera sa iba't ibang lugar na naisipan niyang tingnan. Habang nakatitig siya sa labas nalalaman niyang iba ang panahon nang oras na iyon. May dala iyong kung anong hindi magandang bagay. Nang hawakan niya ang abuhing kurtina lumitaw sa paanan ng kama ang babaeng si Layla. Hindi man lang ito gumamit ng pinto upang makapasok. Nakabuntot pa rito ang maputing usok na nawala rin naman kasing-bilis ng paglabas niyon. "Mabuti pang hayaan mo na ang batang ito," marahang sabi ni Layla. Mababatid ang takot sa boses nito pati na rin sa mga mata nito. "Bakit naman?" simple niyang tanong sa babae. Pinantabing na niya ang kurtina dahil mukhang matagal pa bago mawala ang sama ng panahon. Dahilan upang dumilim sa kuwartong iyong, ang tanging maliwanag ay ang mga monitor. "Wala siyang magandang maidudulot sa iyo. Kamatayan lang ang dala niya." Sinalubong niya ang mga mata nito. "Anong saysay ng pagiging pulis ko at miyembro ng Kataastaasang Konseho kung hindi ko naman siya matutulungan?" "Hindi mo matutulungan ang lahat. Pati ikaw mahihirapan kung malaman ng konseho na tinutulungan mo siya," paliwanag naman ng babae sa kanya. "Kung kaya dapat mong gawin ang pinapagawa ko sa iyo at itikom mo ang bibig mo nang walang ibang makakaalam." Napabuntong-hininga nang malalim ang babae dahil malabong mababago nito ang desisyon niya. "Hindi mo ba ako maintindihan? Hindi siya ordinaryo," saad ng babae. Humina na rin ang tinig nito sa pag-aalalang magigising si Arjo sa pag-uusap nilang iyon. "Maraming hindi ordinaryo sa mundong ito. Kaya magsalita ka sa paraang mauunawaan ko," wika niya sa babae. "Hindi siya ang taong inakala mo. Ang nangyari sa kanila ay hindi simple. Pakiramdam ko nakatadhana sa kanya ang lahat. Hindi ako huminto sa pagbasa sa isipan niya dahil sa tapos na ako. Mayroong puwersang pumigil sa akin kaya tinulak ako palayo," paliwanag naman ng babae sa kanya. "Pagkagayon basahin mo siya ulit nang malaman natin kung ano ba talaga," suhestiyon naman niya sa babae. "Hindi ko na puwedeng gawin iyan," pagtanggi ni Layla na may kasamang pag-iling ng ulo. "Mawawala ako sa katinunan kapag sinubukan ko ulit." Humakbang pa nga ito nang patalikod na animo'y may dalang kamalasan ang mga lumabas na salita sa sariling bibig. Wala na siyang nasabi pa sa babae nang maglaho ito na parang bola. Ang naiwan na lang sa kinatatayuan nito kanina lang ay manipis na puting usok. Muli na naman siyang napabuntong-hininga. Palagay niya'y lalong magiging komplikado ang lahat. Sa huling pagkakataon pinagmasdan niya naman ang mukha ni Arjo. "Sino ka ba talaga?" ang naisatinig niya na lamang ngunit wala naman siyang nakuhang sa patuloy na pagkahimbing ng binatilyo. NAGISING SA PAGKATULOG SI ARJO dahil naman sa isang masamang panaginip. Bumangon siya nang paupo na mayroong kasamang pagsigaw. Habol niya rin ang kanyang hininga habang tumatagatak ang pawis sa kanyang noo. Hinapo niya ang kanyang dibdib sa pag-aakalang mayroong kumuha ng kanyang puso. Matapos niyang maramdaman ang t***k nakahinga siya nang maluwag. Kapagkuwan ay hinugasan ang kanyang mukha ng kanyang mga palad. Ibinaba niya lang ang kanyang kamay nang marinig niya ang pagpihit ng upuan sa gawing kanan niya. Pagkalingon nga niya'y sumalubong sa kanya ang mukha ni Gregorio na nakatingin sa kanya. Sa likuran nito'y patuloy ang andar ng mga monitor. Kumunot ang noo niya nang makita niyang kuha ng kamera sa iba't ibang lugar. "Anong problema? Nanaginip ka?" marahang tanong pa sa kanya ni Gregorio. "Ikaw ang problema ko. Nakakainis ka. Sabi ko ngang sasagutin ko mga tanong mo pagkatapos tinuloy mo pa rin," ang mabilis niyang sabi. Inalis niya ang kumot na nakabalot sa kanya, sinipa iyon paibaba kapagkuwan ay naupo sa gilid ng kama malayo sa binatang pulis. "Akala mo siguro may gagawin akong hindi maganda sa iyo ano?" tanong pa nito sa kanya. Imbis na sagutin nanahimik lang siya. "Hindi mo kailangang sagutin kasi nakikita ko naman. Saka buhay ka naman hanggang ngayon na ibig sabihin wala akong itensiyon na masama sa iyo." "Wala pa," simple niyang sabi. "Hindi ka nakakatawa," saad naman nito kahit hindi naman talaga siya nagbibiro. Inalis nito ang tingin sa kanya sa pagpihit sa upuan at ibinalik sa mga monitor. Dahil sa nakatalikod na ito hindi niya na kailangang tingnan pa ito sa mata. "Anong nakita ni Layla?" ang naisipan niyang itanong. "Nalaman na namin kung saan iyong hinahabol naming demonyo," sambit ni Gregorio na nakatalikod. "Iyon ay sumanib sa kaibigan mo." "Anong sinasabi mong demonyo?" naguguluhan niyang tanong. Gayonpaman nakakaramdam siya ng takot. Kakaiba nga ring marinig ang bagay na dati naman sa panaginip niya lang nakikita. "Iyong nakita mo sa ilalim ng tubig." "Ibig mong sabihin demonyo iyon. Hindi lang basta gawa ng imahinasyon ko dahil sa lamig at dilim. Ang buong akala ko ay simpleng pogita lang." "Totoo nga ang mga demonyo. Tanggapin mo na. Walang mangyayari kung hindi ka maniniwala. Ano bang nangyari talaga sa inyo? Sabihin mo sa akin," malumanay na sabi sa akin. "Dahil iyon ang dahilan kaya posibleng mawalan ka ng kaibigan." "Paanong mawawalan ako ng kaibigan?" pag-usisa niya sa binatang pulis. "Kapag tumagal na nakasanib ang demonyo sa kaibigan mo lalamunin ang kaluluwa niya hanggang sa maangkin nito ng katawan niya." Tumalim ang tingin niya sa binatang pulis dahil sa narinig. "Huwang kang magbiro ng ganiyan," sambit niya sa binatang pulis. "Hindi rin naman ako nagbibiro. Ano ngang nangyari't bakit hindi ka nasaniban ng demonyo?"  pamimilit ni Gregorio upang sabihin niya ang gusto nitong malaman. Huminga siya nang malalim. Habang naiisip niya ang araw na nagkatagpo sila ng demonyo tila naririnig naman niya ang tinig nito. "Hindi ko rin alam. Basta na lang siya lumabas ulit. Hindi na niya naulit dahil bumalik na ako ng bangka." "Bakit naman kaya nagkaganoon?" Mahahalatang nag-iisip si Gregorio kahit sa kanya ito nakatingin. "Paano naman iyong sa kaibigan mo? Anong nangyari?" dugtong nito. "Hindi ko rin alam," naguguluhan niyang tugon. "Isipin mo nang mabuti. Kasama mo ba ang kaibigan mo nang subukan kang saniban ng demonyo?" "Oo," aniya naman na may kasamang pagtango. "Nasa laot kami pareho. Ako lang ang sumisid nang sumabit iyong panghuli namin sa bahora." "Alalahin mo nang nangyari kasunod niyon. Dahil sigurado nasaniban ang kaibigan mo matapos na pumalpak ang demonyo sa pagsanib sa iyo. May nangyari bang kakaiba?" Sa sinabi nito binalikan nga niya ang araw na pumalaot sila ng kanyang kaibigan. "Siguro noong huminto iyong bangka namin. Pagkatapos kasi niyon nahulog si Kenji sa tubig. Noong tinanong ko naman siya kung may nangyari sa kanya sinabi niya lang wala naman," pagkuwento niya sa binata. "Kayang kontrolin ng demonyo ang katawan ng tao. Kaya hindi malabong binura iyong sandaling sumanib ito sa kaibigan mo." "Maiiligtas mo pa ang kaibigan ko hindi ba?" ang naitanong niya naman sa binatang pulis "Oo naman. Kaya nga tinutulungan kita. Huwag lang tayong mahuli." Binalik nito ang atensiyon sa monitor habang pumipindot sa teklado ng kompyuter. "Sigurado ka ba doon sa mga lalaking kumuha sa kaibigan mo kagaya ng sabi mo roon kay Reyes." "Oo. Nakipag-away pa ako roon sa isa." "Pagkagayon mayroon ngang kumontrol sa kuha ng kamera," sabi ni Gregorio kahit hindi nakatingin sa kanya. "Tiningnan ko na lahat ng kamera na nakuhanan kayo ng kaibigan mo. Iyong sa kalye onse lang talaga ang kakaiba." Huminto ito sa pagpindot sa teklado kapagkuwan ay tumitig sa monitor habang nag-iisip. "Bakit ka mayroong ganito sa bahay mo?" tanong niya sa binatang pulis pagkaalis niya sa kama. Humakbang siya papalapit sa likuran nito kapagkuwan ay tumitig sa mga monitor. Hindi rin naman siya nito nilingon. "Dahil nagtratrabaho ako kahit dito. Sabihin na nating hindi ako nagpapahinga," sabi naman nito. "Mahahanap ko ang mga taong gusto kong hanapin gamit lang ito." "Talaga lang?" panunuya niya kay Gregorio. "Wala ka bang tiwala sa kakayahan ko." "Mabuti alam mo," simple niyang sabi kaya nilingon siya nito. "Nakita ko na nga iyong dalagang gustong pumatay sa iyo." Huminga ito nang malalim sabay pumindot sa teklado ng kompyuter. "Naroon din siya sa pangangampanya ni Deturimo." "Oo naroon nga. Siya iyong balak pagnakawan ng kaibigan ko," sabi niya naman sa binatang pulis kaya napatigil na naman ito sa pagpindot. "Tama nga ang naisip ko kung anong pakay niyo kaya kayo pumunta ng New Manila." Pinagpatuloy nito ang pagpindot. "Ngayon nalaman mo ang totoo. Huhulihin mo kami?" pag-usisa niya. "Hindi. Ibang mga pulis ang huhuli sa inyo. Kaya bago pa mangyari iyon tumigil na kayo," ang huling nasabi ni Gregorio kapagkuwan ay tumigil na talaga ito sa pagpindot. Pag-alis nito ng kamay sa teklado nailahad sa ibabang monitor ang mukha ng babaeng nakadilaw na blusa na kuha sa pinangyarihan ng pangangampanya. Sa kaliwa ng litrato ay nakalagay ang mga impormasyon nito. "Tala Espinosa," bigkas niya nang mabasa ang pangalan nito. "Huwag mo nang tandaan siguradong hindi iyan totoong pangalan. Kahit iyang kung saan siya nag-aral ng hayskul. Pinagtrabahuan niya," paalala ni Gregorio sa kanya. "Sige," aniya na lang. "Hindi siya miyembro ng konseho malayo sa inakala ko. Natingnan ko na lahat ang kasali sa Kataastaasang Konseho ngunit walang miyembrong may mukha ng katulad niya. Kaya posibleng sa ibang grupo siya galing." "Sino naman kaya ang nag-utos sa kanya? Ano naman ang dahilan niya para patayin ako?' "Hindi ko alam kung sino. Pero posibleng ang dahilan niya ay parehas sa kung bakit kita tinutulungan." "Sana lang tama ka nga. Dahil hindi ko gustong isipin na may iba pang dahilan," ang nasabi na lamang niya sa binatang pulis. Hindi niya mapigilang tingnan ang mukha ng babae. Noong sugurin siya nito sa ospital hindi niya masyadong napagmasdan ito nang maigi. Nang sandali lang iyon. Pantay ang tabas ng buhok nito na umabot ang haba hanggang sa tainga. Napatingin siya kay Gregorio nang mayroon itong sabihin sa kanya. "Nagagandahan ka sa kanya ano?" tanong nito na nakatingin pa sa kanya. "Hindi naman ibig sabihin nakatitig nagagandahan na," tugon niya naman dito. Kasi naman hindi naman kailangang pag-usapan ang ganoong bagay. Maganda nga naman ang babae ngunit wala rin namang kahulugan iyon sa kanya. "Mabuti," simple nitong sabay tayo mula sa kinauupuan. "Kumain ka na roon para makaalis na tayo. May pupuntahan tayo para mahanap natin ang kaibigan mo. Maghahanda lang ako. Siguradong nagugutom ka. Mahigit dose oras ka pa man ding tulog." Matapos niyang marinig iyon lumapit nga siya sa bintana para sumilip. Nalaman nga niya ang madilim na sa labas. Tumigil man ang ulan ngunit naroon pa rin iyong pagkidlat na siyang pumupunit sa kadiliman ng kalangitan. Nang bumitiw siya sa kurtina nasapo niya naman ang kanyang tiyan sa malakas na pag-ungol niyon. Kailangan niya na nga talagang kumain. "Ano bang kakainin ko?" tanong niya sa nakatayo lang na si Gregorio. "Doon sa mesa tingnan mo. Kanina ko pa iyon binili kaya posibleng malamig na iyon." Tinuro pa nito ang pintuan ng hinlalaki. "Hindi rin naman ako mapili," aniya naman sa binatang pulis. Humakbang na siya na nilalampasan ang binatang pulis upang makalabas ng kuwartong iyon. Pagkatapak niya sa sahig bago ang pinto bumukas iyon nang mag-isa. Hindi niya nilingon ang binatang pulis sa muling pagsara niyon nang tumbukin niya ang mesa. NASA MESA NGA ang pagkaing sinabi ni Gregorio na nakasilid sa lagayang parisukat na kayumangging karton. Sa kalabisan ng gutom niyang nararamdaman nauubos niya iyon kaagad. Nasinop niya na iyon sa paglabas ng binatang pulis ng kuwarto nito't lumipat sa kabilang pinto na walang sinasabi sa kanya. Nang itapon niya ang sisidlang karton sa basurahan inaalala na niya naman si Kenji. Bagay na nagtulak sa kanya upang balikan ang kanyang mga gamit. Kaya lamang hindi naman siya nakatuloy nang mapansin niya ang mga iyon na maayos na nakapatong sa sofa. Lumapit na lang siya roon. Sa palagay niya'y iniligpit ni Gregorio ang mga gamit niya. Hindi na niya hinubad ang suot na damit ng binatanag pulis. Idadag na lang niya sa kaunti niyang damit. Malabo namang makabawas iyon sa bilang na mayroon ang binatang pulis sa dami ng damit nito. Kung kaya nga isinuot na lamang niya ang kanyang sapatos. Sa tabi niyon ay ang pera, tuyo na iyon at nakarolyo ng apat. Nagkibit-balikat na lang siya sapagkat nahiwagaan siya sa ginawang iyon ni Gregorio. Kapagkuwan ay inilagay niya ang mga damit niya sa loob ng kanyang bag kasama na ang pera. Nang isusukbit niya na iyon sa kanyang likod lumabas na si Gregorio sa lagayan ng damit nito na purong itim ang suot magmula sa sombrebro hanggang sa sapatos. Dala nito sa kamay ang itim na diyaket pa na may pandong at pulang sombrebro. "Isuot mo ito," wika ni Gregorio nang iabot nito sa kanya ang mga dala. "Para ano? Hindi naman ako hubad," reklamo niya sa binatang pulis. Sa pandinig niya'y tila ginagawa siya nitong batang paslit na kailangang sabihan pa kung ano ang dapat gawin. "Isuot mo na nga nang hindi gaanong makita ang mukha mo sa pupuntahan natin." Tinapon na lang nito sa mukha niya ang diyaket kasama ang sombrero. Hindi niya nasalo ang sombrebro kaya nahulog iyon sa sahig. Samantalang ang diyaket naman sumabit sa balikat niya. Pinandilatan pa siya ng mata ni Gregorio na tila ba nagsasabing hindi ka ba makikinig. "Ito nga. Isusuot na." Binitiwan niya saglit ang bag sabay suot ng diyaket. Pinulot kapagkuwan ang sombrero, pagkaraa'y sinuot iyon. "Marunong ka bang magmotorsiklo?" ang naitanong ni Gregorio nang isukbit niya ang bag sa kanyang balikat. "Oo naman. Dati akong tagahatid ng order sa isang restawran. Naputol lang ng magkaroon ng robot na tagahatid ang may-ari," pagbibigay alam niya sa binatang pulis. "Bakit mo naitanong?" "Dahil magmamaneho ka. Hindi iyong isasakay pa kita." Lumapit ito sa dingding kasunod lang ng pinto ng lagayan ng damit nito. "Sige ba. Wala namang problema." Inayos niya ang pagkasiper ng suot na diyaket at pati na rin ang sombrero. Nang ibaling niya ang atensiyon sa binatang pulis idinikit nito ang kamay sa dingding. Pag-alis nito ng kamay doon narinig niya mula rito ang matinis na ugong ng makina. Kasabay ng pagbukas ng nagtatagong pinto. "Tara na. Hindi tayo puwedeng magtagal," wika nito sa pagpatiuna nitong pumasok. Agaran naman siyang humabol ng takbo kay Gregorio. Nilakad lang nila ang maikling pasilyo hanggang sa marating nila ang pabilog na silid. Sa gitna ng silid na iyon nakatayo sa sahig ang dalawang itim na motorsiklo, ang nasa kaliwa lang ay mayroong kulay dilaw na disenyong linya sa katawan nito. Walang mga gulong ang mga ito ngunit ang unahan at hulihan ng mga ito'y hugis bilog. "Sabihin mo mga gaano ka ba kayaman? Sa rebista ko lang nakikita ang mga ganito," ang nasabi niya sa kanyang pagkamangha. Dinantayan pa nga niya ng daliri ang motorsiklong nasa kaliwa. "Hindi ako mayaman. Nagsumikap lang ako kaya nakabili ako ng ganiyan. Galing din ako sa hirap katulad mo. Kaya kung ako sa iyo itigil niyo na ang ginagawa niyo ng kaibigan mo para makakita lang ng mas malaking pera," pangaral naman ni Gregorio sa kanya na para namang nakakatanda niya itong kapatid. "Pag-iisipan ko," ang labas sa ilong niyang sabi. Napabuntong-hininga na lamang nang malalim ang binatang pulis. "Iyang isa ang gamitin mo," sambit ni Gregorio na nakaturo pa sa motorsiklong nasa kanan. Umalis siya sa tabi ng kinatatayuang motorsiklo patungo sa kabila. Sumakay na siya kaagad kapagkuwan ay napatigil nang mapagtanto niyang hindi niya mapapaandar iyon. "Paano ko ba mapapaandar ito samantalang sa iyo ito?" tanong niya kay Gregorio sa pag-upo nito sa motorsiklo. Inabot nito ang bilog sa katawan ng motorsiklong kinasasakyan niya na kasunod lang ng manibela. Diniin nito roon ang hinlalaki kung kaya umilaw iyon ng kulay bughaw kasabay ng pag-ugong ng motorsiklo. Sinundan iyon ng pag-ikot ng silid habang matuling bumababa. "Ayos na ba? Hindi makapaghintay," ani Gregorio na pinalabas niya lang sa tainga. Masyado siyang nadadala ng kaunting tuwa dahil makakasakay na siya sa motorsiklong iyon. Sa patuloy na pagbaba ng silid habang umiikot sumagi ang isa pang bagay sa kanya. "Paano kung masundan naman ako ng bakulaw sa paglabas natin?" ang naitanong niya kay Gregorio. Nakatingin lang ang binatang pulis sa manipis na cellphone na hawak. "Huwag kang mag-alala. Gabi ngayon walang masyadong makakapansin sa atin. Mahaharap ko siya na walang iniisip," buong pagmamalaki nitong sabi sa kanya. "Bakit? Isang taong-robot ka rin ba?" "Hindi." "Ano naman?" pag-usisa niya naman dito. "Malalaman mo rin naman. Huwag ka ng magtanong." Ibinalik nito ang cellphone sa bulsa. Ilang sandali pa nga'y malapit na sila sa unang palapag. Mayroon na rin naman siyang palagay matapos masaksihan ang mga hindi pangkaraniwang bagay. Kung kaya nga imbis na alamin pa kung ano talaga iyon nagtanong siya ng iba. "Saan bang lugar tayo pupunta?" aniya sa binatang pulis. "Mabuti na lang tinanong mo iyan." Tiningnan siya nito nang tuwid. "Pagkarating natin doon sa pupuntahan nating lugar lahat ng sasabihin ko susundin mo. Dahil delikado roon. Kapag hindi ka makinig sa akin pati ikaw mapapahamak. Pero kung gusto mo talagang hindi mo na mahanap ang kaibigan mo kumilos ka ng ikaw lang. Hindi na ako magsasayang ng oras para lang tulungan ka. Sabihin mo lang sa akin kung sosolohin mo na lang ang paghahanap." Matapos ng mahabang litanya nito nakarating rin sila sa unang palapag. Kumalatong ang kanilang kinalalagyan na platapormang bakal sa paghinto niyon. "Sana nga lang mahanap ko na kaibigan ko para makauwi na lang kami," sambit niya sa hangin na hindi naman pinansin ni Gregorio. Sa pagbuhay ni Gregorio sa kinauupuang sasakyan bumukas ang nag-iisang pinto sa kanilan harapan. Samantalang siya naman iniangat niya ang kanyang paa mula sa sahig. Sinundan iyon ng pagkatanggal ng pangsipit na bakal sa hulihan ng parehong motorsiklo. Kapagkuwan ay magkasabay na lumutang sa ere na mahigit isang dangkal ang taas. Humawak siyang nang mahigpit sa manibela habang pinapainit ang makina ng sasakyan. Nang tingnan niya si Gregorio pinaandar na nito ang motorsiklo patungo sa pinto. Kung kaya nga napasunod na lamang din siya. Tinahak nila ang makipot na pasilyo kung saan umaalingawngaw ang ugong ng kanilang kinasasakyang motorsiklo. Sa dulo niyon ay bumukas pa ang isang pinto. Nagtuloy-tuloy lang sila sa pag-andar hanggang sa makalabas na nga sila sa likuran ng matayog ng condominium. Binagtas nila ang daang naroon sa likuran ng gusali na ang magkabilang ibayo ay kinatatamnan ng mga puno't halaman. Sa sandaling binilisan ni Gregorio ang pagpapatakbo sa kinasasakyang motorsiklo ganoon din ang ginawa niya upang makabuntot dito. Hindi niya alintana ang lamig ng hangin na tumatama sa mukha niya lalo na't katatapos lamang ng ulan. Sa bilis ng pagtatakbo nila ilang minuto lang nalampasan na nila ang daang iyon. Kapagkuwan ay nakarating sa daang-bayan kung saan makikita rin ang mga umaandar na sasakyan. Kinuha ni Gregorio ang kanang landas patungong hilaga kaya sumunod din naman siya rito. Sa gilid lang sila ng daan habang nilalampasan ang iba pang mga sasakyang na iba't iba ang sukat. Hanggang makarating sa paangat na kalsada. Sa kalagitnaan na sila niyon nang mayroong mangyaring aksidente. Isang malaking truck ang biglaang sumumsob sa ibabang daan na natatanaw niya. Nagpagulong-gulong iyon kapagkuwan sa labis na bilis, pagkaraa'y nanghabas iyon ng ibang mga sasakyan. Kumalat pa sa basang kalsada ang kargang buhangin ng trak. Huminto siya't napatitig sa aksidente. Naisip niya pa kung ilan ang mga nasagutan at kung mayroong mga namatay. Humigpit ang kapit niya sa manibela sa isiping iyon. Naputol lang ang titig niya roon nang tawagin siya ni Gregorio. "Halika na. Hayaan mo na iyan," ang sambit nito sa kanya. Nasa unahan niya lang ito na ilang hakbang ang layo. Nakalingon ito sa kanya habang nakapahinga ang isang paa sa daan. "Tumulong kaya tayo baka mamaya mayroong namatay diyan," aniya sa binatang pulis. "Tatagal lang tayo kung bababa pa tayo. At saka sigurado namang mayroong rerespunde diyan." Inalis nito ang tingin sa kanya kapagkuwan ay muling naunang umalis. Sa sinabi nitong iyon muli nga niyang pinaandar ang motorsiklo na nakatingin pa rin sa ibaba. Inalis niya ang tingin doon nang makalayo-layo na nga siya. Naiwan nga ang aksidente sa daan na hindi niya alam kung anong naging dahilan. Lumiko lang sila mula sa daang-bayan na iyon nang makalampas sila sa tulay na daan sa kanilang uluhan. Tinahak nila ang kalsadang pababa papasok ng mas abalang lansangan. Diretso lamang sila hanggang makarating sila sa bahagi ng siyudad kung saan makukulay ang mga pailaw sa gusali. Napapatitig siya sa mga naglakakad na tao kahit na gabi na. Pakiramdam niya'y bumalik siya sa isang siyudad sa ibaba. Sumusuksok sa kanyang tainga ang pamilyar na ingay --- sigawan ng mga tao na nahaluan ng malakas na tugtog. Hindi niya lubos akalain na mayroong ganoong lugar pa rin sa New Manila. Naging mabagal ang andar nila dahil sa mga palakad-lakad na mga tao kahit na nasa daan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD