HINDI HUMINTO si Marin sa pag-akyat paitaas. Mabilis nitong ikinakapit ang mga kamay sa bakal ng iskapolding kasabay ng paa upang maiangat ang sarili. Nagmumukha lang itong butiki lalo pa't ang katawan nito'y nangangayat. Dahil dito tumayo si Gregorio sa bintana. Nabasag ang mga salaming naiwan sa kuwadro sa ilalim ng matigas nitong sapatos. "Dito ka lang," ang bilin nito sa kanya kapagkuwan ay tumalon na ito patungo sa iskapolding na mahigit dalawang dipa ang layo. Walang kahirap-hirap itong kumapit sa iskapolding kapagkuwan ay umakyat na rin paitaas upang makasunod kay Marin. "Ano naman ang gagawin ko rito?" saad niya na para sa kanyang sarili. Pinagmasdan niya ang dalawang umaakyat paitaas. Sa huli napagdesisyunan niyang sumunod na rin sa binatang pulis. Hindi nga ba't sabi ni Gr