bc

Night of the Howling Wind

book_age16+
491
FOLLOW
2.3K
READ
independent
brave
tragedy
bxb
city
mythology
sword-and-sorcery
another world
multiple personality
like
intro-logo
Blurb

Pamamasyal ang pinunta ni Arjo ng New Manila kasama ang kaniyang kaibigan na si Kenji na may isang balak sa likuran ng kanilang isipan. Kaya nga hindi niya inasahan na mayroong masamang mangyayari sa kanila. Nawala si Kenji dahil mayroong kumuha rito. Ilang araw din niya itong hinanap. Nakita naman niya ang kaibigan kaya nakauwi rin sila ng probinsiya. Ngunit matapos ng pangyayaring iyon, nadiskubre niya ang mga bagay na nagtatago sa likuran ng paglago ng mundo. Kasama na roon ang tunay niyang pagkatao.

chap-preview
Free preview
Prologue
Matiyagang naghihintay si Amara sa harap ng isang aliwan na makikita sa gitnang palapag ng isa sa matayog na gusaling bumubuo sa distritong pinuntahan niya. Mahigit limampung palapag pa ang taas niyon mula sa lupang hindi naabot ng liwanag ng araw tuwing umaga.  Saan mang dako siya tumingin ang sumasalubong sa kaniya ay ang makukulay na pailaw ng mga karatula at gusali. Dumagdag pa rito ang mga ilaw na pangunahan ng mga sasakyang nakalutang sa ere na animo'y hindi magtatapos. Napapadaan ang mga iyon sa kaniyang harapan, uluhan at sa ilalim ng kinatatayuan niyang hintayang matigas na bakal. Sa kaniyang tainga naman ay sumusuksok ang ingay ng paligid na pinaghalong busina, ugong ng mga makina at tugtoging nakatatakas sa pintuan ng aliwan na natatabingan ng mapulang kurtinang pira-piraso. Dinuyan niya ang kalong na sanggol na nababalot ng pulang tela upang hindi ito maiyak sa ingay. Sa likuran niya'y --- sa ibabaw ng pinto ng aliwan --- umiindap-indap ang madilaw na ilaw na humugis babaeng naka-two piece bikini.  Nadadala pa ng may kainitang hangin kahit na gabi ang kaniyang mahabang buhok na walang kasing itim at ang blusang suot na kasing kulay ng kaniyang buhok. Kanina pa niya sinusubukang pumara ng masasakyang taxi ngunit walang humihinto sa kabila ng dami ng mga sasakyan.  Hindi sila gaanong mapapansin ng kaniyang anak sakay ng taxi sa pagtungo nila sa taong pakay niya sa dakong iyon ng Quezon City. Hindi na siya mapakali sa paglipas ng mga sandaling nanatili pa rin siya roon kasama ang kaniyang anak.  Sa pagkakataong lang iyon siya nakaramdam ng takot sa buong buhay niya na nakalimutan niya na kung ano. Mapapansin iyon sa kaniyang mukha na namumutla. Ang katulad niya ay bibihirang dapuan ng ganoong pakiramdam. Kung magkakamali siya'y mahahantong sila pareho ng kaniyang anak sa kamatayan na hindi niya gustong mangyari. Ang nais niya ay mabuhay ang kaniyang anak para sa kanilang dalawa. Humakbang siya papalayo sa harapan ng pintuan nang lumabas mula roon ang isang lalaki na hindi napuputongan ang ulo ng kung anong klaseng sombrero. Napasulyap pa ito sa kanilang mag-ina bago ito napaupo't sumandig sa dingding ng aliwan sa tabi ng pintuan. Hindi niya ito binigyang-pansin kahit na nasisinghot niya mula rito ang pinaghalong amoy ng mga pabango, alak at sigarilyo.  Ang palagay pa nga niya ay mamamatay nang maaga ang lalaki kung hindi ito titigil sa pagpunta sa aliwan na iyon. Siya naman ay pumasok lang doon upang maningil ng utang na pera sa kaniya ng may-ari na nakasilid sa kayumangging sling bag sa kaniyang balikat. Mahalaga ang pera ngunit ang lalaki ay winawaldas lang nito. Napalingon lang siya sa lalaki nang tumayo  ito kapagkuwan, pagkaraa'y humakbang patungo sa kaniyang kanan. Mayroon pa nga itong sinabi. "Sa tingin mo mamamatay talaga ako?" saad ng lalaki. Naglabas pa nga ito ng sigarilyo mula sa likod ng diyaket ng suot na itim na terno kapagkuwan ay sinindihan gamit ang pangsindi na stainless steel. Pinakatitigan niya ang lalaki na walang sinasabi. Kapansin-pansin ang makapal nitong kilay na bumagay sa hugis ng mukha nito. Humithit ang lalaki ng sigarilyo --- mabilis na umapoy ang dulo niyon --- sabay buga, at dagdag nito, "Hindi mo kailangang sagutin. Pero matutulungan kita sa problema mo." Kumunot ang noo ni Amara sa sinabi nito. Habang pinagmamasdan niya ang pares ng mga mata nitong kayumanggi nalalaman niya kung ano ang kayang gawin nito. "Malabo akong hihingi ng tulong sa katulad mo," malumanay na sabi niya sa lalaki. "Bakit naman hindi? Alam mo wala rin naman sa akin kung ano ka," pagpapatuloy ng lalaki. Nakabinbin sa bibig nito ang nakaipit na sigarilyo. "Kung may nangangailangan talaga ng tulong ko, ibinibigay ko iyon." Pumitik-pitik ang sigarilyo sa pagsasalita nito't hindi iyon nahulog man lang. "Sabi ko nga sa iyo na hindi ko kailangan ng tulong mo," pagbibigay niya ng diin sa bagay na hindi nito maintindihan. Napabuntong-hininga na lamang ang lalaki at may kung anong inilabas mula sa likod ng suot na diyaket ng terno gamit ang malayang kanang kamay. "Kapag nagbago ang isip mo. Ito kunin mo," anang lalaki na inaabot ang isang business card na itim na madalas na ginagamit ng mga negosyante. Mukha nga naman itong ganoon --- lasinggerong negosyante. Hindi siya hihingi ng tulong dito dahil ang pupuntahan niyang tao ang magbibigay niyon. Pinagmasdan niya nang maigi ang hawak nitong business card bago niya kinuha habang hawak sa isang kamay ang anak. Wala na siyang nasabi sa lalaki at ngumiti na lang ito sa pagpara niya ng taxi na kulay dilaw na mabagal lang ang andar. Makikita sa harapang salamin ng sasakyan ang pabitin na smiley at ang drayber na nakatanaw, ang suot nito ay berdeng polo shirt. Nakahinga siya nang malalim nang huminto ang taxi na hindi kakitaan ng gulong sa pagkakalutang nito. Niyuko niya ang kaniyang ulo para sa lalaki kapagkuwan ay sumakay na siya sa likod na upuan ng sasakyan. Bahagya pa ngang umuga ang taxi sa pag-upo niya sa de kutson na upuan kasabay ng pagsara sa pinto. Naiwan ang lalaki sa harapan ng aliwan na nakatayo bago ito bumalik sa loob. Naibaling lang niya ang atensiyon sa drayber nang nilingon siya nito upang magtanong sana kung saan siya pupunta. Nanlaki ang bilugan nitong mata nang magkasalubong ang kanilang paningin. "Hindi ka puwedeng sumakay sa akin. Sa iba ka na lang," saad ng drayber na puno ng pagkadismaya. Ang buhok nito ay medyo kulot na nakulayan ng kayumanggi. Nagsalubong pa nga ang dalawang kilay nito na parang isang uod. Hindi na niya pinagtakhan ang lumabas sa bibig ng drayber dahil nauunawaan niya naman ito. "Wala kang magiging problema. Ihahatid mo lang kami," sabi naman niya rito. Tiningnan niya ang hawak na business card na walang kung anong sulat kaya sinuksok niya na lang iyon sa gilid na bulsa ng sling bag na dala. "Kahit na," reklamo ng drayber. "Tahimik akong nabubuhay na magugulo lang dahil sa iyo. Hindi ko gustong mawala ako sa buhay ng asawa ko." Kung magsalita ito ay para bang magkakilala sila. Ang totoo ay unang pagkakataon iyon na makasakay siya sa minamaneho nitong taxi. "Sa San Juan lang kami," saad niya. "Babayaran kita nang malaking halaga." Gumalaw-galaw naman ang dalawang kilay ng drayber sa pag-iisip. Kapagkuwan ay binalik na nito ang atensiyon sa manibela.  Tinapik-tapik niya ang puwetan ng sanggol sa pag-iyak nito nang paandarin ng drayber ang taxi. Wala na rin namang lumabas sa bibig ng drayber sa pag-alis nito sa taxi sa ikatlong daanan. Pumailalim ang taxi na umiiwas sa mga umaandar na hanay ng mga sasakyan sa mga ibabang daanan kung kaya'y lalong lumakas ang pag-alingawngaw ng mga busina. Tumigil lang sa pagbaba ang taxi nang makarating sila sa kalsada sa lupa kung saan nagkalat ang mga basura. Kaunting ilaw na lamang ang nakabukas roon kahit sa mga poste dahil malimit na binabasag ng mga taong walang magawa sa buhay. Sa itaas naman ay mistulang ibang mundo dahil sa mga nakalutang na sasakyan at makukulay na mga ilaw. Ni isang tao ay walang makikitang naglalakad doon. Naglaro ang alikabok na naipon doon sa ilaw na pangunahan ng taxi. Pati ang mga basurang papel at plastik ay nakipagsayaw sa hangin na dala ng taxi na ilang talampakang nakalutang mula sa lupa. Tahimik na nagmamaneho ang drayber sa katamtamang bilis. Hindi tumigil ang taxi sa kahabaan ng kalsada na iyon. Lumiko lamang sa kanan matapos ang maraming kanto. Nagmumukhang abandunado ang ibaba ng siyudad na iyon sa labis na katahimikan samantalang sa itaas mahigit dalawampung palapag ay patuloy ang ingay.  Sa makailang ulit na pagsulyap ng drayber sa rearview mirror nasasabi ni Amara na gusto nitong magtanong sa kaniya na hindi nito naitutuloy dahil sa pagdadalawang-isip. Hindi rin naman naibuka nito ang bibig sa pag-alis ng taxi sa abalang bahagi ng siyudad. llang liko pa ang nangyari bago nakapasok ang taxi sa San Juan kung saan naroon nakatayo ang mga paupahang gusali na mahigit limang palapag. Walang makikitang ibang sasakyan doon liban sa umaandar na taxi. Ang mga kumpol ng wires na tila malapiyesta ang namagitan sa mga gusali.  "Saan ba kita ibababa?" ang tanong ng drayber nang bagalan nito pa ang taxi. Nakuha pa nitong tumingin sa labas. Napasilip naman si Amara upang malaman kung nasaan na sila. Nang makita ang abuhing gusali sa kanan aniya sa drayber, "Dito na." Agaran din namang huminto ang sasakyan pagkasabi niya niyon. Binuksan niya ang pinto na hinayaan niyang nakabukas kapagkuwan ay binalik ang tingin sa drayber sa paglingon nito sa kaniya. "Hintayin mo ako rito." "Hindi. Aalis na ako," ang mabilis na sambit ng drayber. "Bayaran mo na ako. Ngayon na." Sumalubong ang kilay nito habang humihigpit ang kapit sa manibela sa pagpipigil ng inis. "Maghihintay ka. Dahil kung hindi wala kang makukuha sa akin," ang pinaleng sabi niya sa drayber. Hindi na niya hinintay pa ang sasabihin nito't lumabas na siya ng taxi kasabay ng pagsara ng pinto nito na kumalatong pa. Hinawi niya ang kaniyang buhok na tumakip sa kalahati niyang mukha nang umihip ang hangin sa kaniyang paghakbang patungo sa abuhing paupahan. Dumaan siya sa baitang ng hagdanan sa gilid ng gusali upang makaakyat sa ikalawang palapag. Ang suot niyang de takong na itim na sapatos ay gumagawa ng hindi nagbabagong tunog sa bawat baitang ng batong hagdan. Kahit nang makarating siya sa pasilyo kung saan natatanaw niya ang nakaparadang taxi naroon pa rin ang ingay. Kung hindi lang sa kaniyang paglalakad walang babasag sa katahimikan ng lugar na paminsang-minsang nababahiran ng ugong ng hangin sa lansangan. Mayroon pa siyang nakasalubong na isang pares ng babae't lalaki na nakasuot pareho ng itim na leather jacket. Nakasunod ang mga mata ng mga ito sa paglampas niya. Pinukulan siya nang kakaibang tingin ng mga ito na hindi niya binigyang-pansin. Hindi mahalaga ang pagkadisgusto ng mga ito sa kaniyang ayos. Walang magagawa ang opinyon ng mga ito na nabuo sa isipan ng mga ito laban sa kalagayan nila ng kaniyang anak kahit hindi alam ng mga ito iyon. Nagpatuloy lamang siya hanggang makarating sa harapan ng paupahan ng lalaking pakay niya sa lugar na iyon. Umindap-indap pa ang pahabang ilaw sa ibabaw ng pintong bakal dahil sa naglalarong mga gamu-gamo. Hindi na niya pinatagal pa ang sandali kapagkuwan ay pinindot ang parisukat na boton sa kanan ng pinto. Naghintay siya ng ilang mga segundo ngunit walang nagbubukas sa kaniya kaya pinangalawahan niya iyon ng pindot. Mayamaya'y tumunog at bumukas ang parisukat na monitor sa itaas lang ng boton. Sa likuran ng pintuan ay nakatayo ang isang lalaking hindi nalalayo ang edad sa kaniya. Nakakunot ang noo nitong makikita sa kalaparan ng monitor. Sa gulo ng buhok nito'y nasabi niyang naistorbo niya ang pagtulog nito. Lalo pang nagsalubong ang kilay nito sa pananahimik niya ng ilang segundo. Hindi nga rin nito inasahan na pupunta siya sa inuupahan nito matapos ang maraming buwan. Malaki ang pinagbago nito noong huli silang nagkausap na mapapansin sa matipuno na nitong katawan.  "Ano ang ginagawa mo rito? Tapos na kung ano ang mayroon sa atin, hindi ba?" bungad ni Alfonso sa pananatili nitong nakatayo. Malinaw niyang naiintinidihan ang boses nito kahit mahina ang pagsasalita nito.  Sa pinapakita nitong galit at nasasabi'y tila hindi nila pinagsaluhan minsan ang mga masasayang sandali. Sinalubong ni Amara ang galit sa mata nito sa kabila ng namagitang pintong bakal. "Kailangan ko ng tulong mo. Papasukin mo muna kami," saad niya sa lalaki. "Pakiusap," dagdag niya na pagsusumamo na ikinahugot nito nang malalim na hininga na makikita sa pagtaas ng mga balikat nito. Mayroon pa rin naman palang epekto ang kaniyang pagmamakaawa rito. "Sana lang hindi ko ikapapahamak ang pinunta mo rito," ang sabi ni Alfonso na sinundan ng pagbukas ng pintong bakal. Nagtago ang sara sa kanan kaya napagmasdan na niya ang kabuuan nitong nakasuot ng puting sando na pinaresan ng asul na salwal at ito ay nakayapak lamang. Binayaan siya nito sa pintuan sa paglalakad nito patungo sa de kutsong upuang kayumanggi at naupo roon. Indikasyon na dapat na siyang tumuloy kaya nga walang pag-aalangang pumanhik siya na sumasara ang pinto sa kaniyang likuran. Kahit na maliit ang sala ng inuupahan ni Alfonso na kadugtong ay ang kusina, malinis pa rin iyon. Mayroong pinto sa gawing kanan niya na papasok ng kuwarto. Naamoy niya pa nga ang air freshener na kasing halimuyak ng rosas. Wala ng iba pang gamit roon sa sala kundi ang mababang mesang salamin lamang sa gitna ng dalawang de kutsong upuan. Ginamit niya ang naiiwang upuan paharap kay Alfonso. Nakasunod lang ng tingin sa pagkilos niya ang lalaki. Umirit pa nga nang bahagya ang upuan sa kaniyang bigat. Nang tingnan niya ang lalaki'y nakatitig ito sa kalong niyang sanggol. Sa mahinang pag-iyak ng bata dinuyan niya iyon nang ito ay tumahan na nangyari naman. "Magiging maayos ang lahat anak," ang sabi pa niya sa sanggol na muling ikinakunot ng noo ni Alfonso. Hindi na nakatiis si Alfonso kaya nagsalita na ito. "Ano bang pinunta mo rito? May dala-dala ka pa," sambit ng lalaki na mababanaagan ng pagkadismaya kahit na malumanay ang pagsasalita nito.  Sa narinig inalis niya ang tingin sa sanggol at binaling sa lalaki. Muling sinalubong niya ang mga mata nitong kayumanggi na parati niyang napapanaginipan. Pinantayan naman nito ang tingin niya kaya kung pagmamasdan sila'y mistulang nag-uusap sa pamamagitan ng mga mata. Si Alfonso ang taong nagbigay ng kahulugan sa kaniyang naging buhay. Naging masaya naman ang kanilang pagsasama na tumagal din naman ng apat na taon. Nabago lamang ang lahat nang mabunyag ang kaniyang lihim na naging dahilan kaya kailangan niyang lumayo at makipaghiwalay dito. Sampung buwan na ang nakakaraan nang huli niya itong nakausap na hindi isang naging magandang alaala dahil may kasama iyong galit sa panig nito. Karugtong niyon ang pagdadalang-tao niya na pilit din niyang itinago dahil hindi rin dapat iyon nangyari.  Ang isilang ang sanggol ay isang malaking pagkakamali. Kahit na matagal silang hindi nagkita ng lalaki wala siyang napapansing pananabik nito sa kaniya. Ano nga ba naman ang maaasahan niya mula rito gayong ginamit niya ito upang maitago kung ano siya. "Kailangan mo siyang kunin ---" panandaliang siyang tumigil upang pagmasdan ang anak kapagkuwan ay binalik sa kausap "--- nang mailayo mo siya rito. Dalhin mo siya sa lugar kung saan maari mo siyang maitago ---" "Ano bang---" pagsingit ni Alfonso na naputol din naman sa patuloy niyang pagsasalita. "---at palakihin mo siya nang maayos. Dadalawin ko na lang siya kapag nagkaroon ng pagkakataon." "Nasisiraan ka na ba ng ulo? Bakit ko naman gagawin iyang sinasabi mo?" ang mariing sabi ni Alfonso. Naitikom niya ang kaniyang bibig sa maikling sandali. Hindi niya nagustuhan ang lumabas sa bibig ng lalaki. Marahil tama rin naman ito dahil kung matino siya hindi na siya dapat lumapit dito noong unang araw na nakita niya ito. Humugot siya nang malalim na hininga. Inasahan niya na rin na ganoon ang magiging reaksiyon nito ngunit masakit pa rin iyon sa dibdib. "Anak mo siya. Responsibilidad mo ring ilayo siya sa kapahamakan," wika niya na may bahid ng inis. Nagbabakasakali pa rin siya kahit alam niya ang patutunguhan ng usapang iyon. "Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo ngayon?" Sumama ang tingin ni Alfonso. "Simula nang malaman ko kung ano ka sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na papakinggan ang mga sasabihin mo." "Pero Alfonso, iyon ang katotohanan---" "Tumigil ka!" pagputol ng lalaki sa mga sasabihin niya pa. Umalingaw-ngaw ang pagsigaw nito sa kabuuan ng sala. "Hindi na kita hahayaang sirain pa ang buhay ko!" Tumaas pa ang boses nito kasabay ng pagkumyos ng kamao nito sa patungan sa upuan. "Anak mo siya sa iba't pinapaako mo lang sa akin! Wala akong anak at magiging anak sa iyo!" dagdag nito sa huli na mistulang naging bombang nakakabingi. "Wala akong ibang lalaki sa buhay ko. Tanging ikaw lang," pananama niya sa nabanggit ni Alfonso. Bahagyang nanghina ang kaniyang tinig, idagdag pa ang mga luha sa kaniyang mga mata ay nangingilid. Muli na namang nanahimik si Alfonso na animo'y malalim na nag-iisip. Pagkakataon niya na iyon kaya inilabas niya na ang tunay na dahilan kung bakit kailangang kunin ni Alfonso ang sanggol. "Naging ikalawang katauhan ang anak natin ni Homobono. Alam mo rin naman kung sino si Homobono. Kinakatakutan siya noon sa lumang panahon." Sa anak siya nakatingin. "Liban pa roon nais kunin ni Kasmir ang katawan niya nang malaya itong makagalaw sa mundong ibabaw. Ang nais ko lang naman ay maging tahimik ang buhay ng anak natin." Pinalusot lang ni Alfonso ang huling dalawang salita niya sa kanang tainga nito't pinalabas sa kabila.  "Hindi ko na problema iyon," anang lalaki na hindi mababanaagan ng kung ano mang awa para sa sanggol. "Ikaw ang nagdala sa kaniya ng kapahamakan." Nang marinig niya iyon tila napakalayo na ng lalaki sa kaniya, hindi na niya maabot ang takbo ng isipan at kalooban nito. Sinundan iyon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa't nagpakiramdaman kung sino ang magbubukas ulit sa usapan.  Hindi na nasundan pa ang pag-uusap nilang iyon sa biglaang pagpatay ng bilugang bombilya sa kisame. Kapwa sila napaangat ng tingin dito sa muli nitong pagliwanag. Dahil dito ay dali-dali siyang tumayo't humakbang na tinutumbok ang pinto. Matapos bumukas ang pinto pinukulan niya ng huling tingin si Alfonso dahil posibleng hindi na mauulit ang pagkikita nilang iyon. Tinatak niya sa kaniyang isipan ang guwapo nitong mukha. Nakatingin lang din ito sa kaniya na walang lumalabas sa bibig. Hindi niya gustong isipin na kalungkutan ang nakikita niya sa mga mata nito. Isang kahibangan na umasa siyang mayroon pa itong pakialam sa kaniya. "Sana ay hindi dumating ang araw na pagsisihan mo ang hindi pagtanggap sa anak nating dalawa," ang huli niyang mga katagang binitiwan kapagkuwan ay tuluyan na siyang lumabas ng pintuan. Sa pagsara ng pinto'y siya ring mabilis niyang pagtakbo na inaayos ang pagkabalot ng tela sa anak. Nang makarating sa hagdanan mistulang naghahabulan ang kaniyang mga paa kaya tila naging maikli rin ang hagdanan. Pagkatapak ng kaniyang de takong na sapatos sa huling baitang dumiretso siya sa naghihintay na taxi. Kapagkuwan ay sumakay na roon. Lumagabog pa ang pinto sa madalian niyang pagsara roon. "Umalis na tayo rito," ang sabi niya sa drayber sa muli na namang pag-iyak ng sanggol. Inalo niya ito para tumahan na ngunit hindi ito tumitigil habang sa labas ay umiindap ang mga ilaw. "Mapapahamak talaga ako sa iyo. Nakikita ko," anang drayber na nakitingin sa kaniya. "Ilayo mo na lang kami rito, pakiusap," pagsusumamo niya sa drayber. Nabasag ang tinig niya sa pagpigil na humagulhol. Sa kanang mata niya ay tumakas na ang luha na namalisbis sa kaniyang pisngi. Labis ang kirot na kaniyang nararamdaman sa hindi pagtanggap ni Alfonso na nang mga sandaling iyon ay nakatayo lang sa pasilyo't nakanataw sa taxi. Napakamot na lang ng ulo ang drayber sa nakikita nitong kalagayan niya. Pinaandar na lang nito nang may kabilisan ang taxi paalis sa harapan ng mga paupahan. Matapos makaalis doon niliko nito ang taxi sa may kahabaang kalsada. Sa pagtahan ng anak pinagbuhol niya ang dalawang dulo ng tela kasabay ng paglitaw ng mga mumunting liwanag sa kaniyang kanan na kulay asul.  Mula sa manipis na hangin naipon ang mga mumunting liwanag hanggang sa naging isang espiritung bantay na sa tunay nitong anyong lobo. Ang balahibo nito ay kasing-puti ng niyebe at walang kasing-asul ang pares ng mga mata nito. Sa pagtayo nito sa pagitan ng unahan at hulihang upuan, pumitik-pitik ang matulis nitong tainga. Sa laki nito'y halos umabot na ang taas nito sa bubongan ng sasakyan. Makikita ang pagkagulat sa mata ng drayber na sumalamin sa rearview mirror sa paglitaw ng espiritung bantay. Imposible nga naman para sa katulad niya ang makapagtawag ng espiritu. Ngunit sa sitwasyon niya ay naging posible iyon dahil nagkaroon sila ng kasundunan ng espiritung bantay matapos niyang mailigtas ito sa pag-aamok. Naging gala ang lobo matapos mamatay ang nagtawag ditong manggagaway na hindi ito naibabalik sa mundo nito.  Pinagmasdan niya ang lobo matapos mahigpitan ang pagkatali ng tela. "Ano na ang nangyayari?" tanong pa ng lobo sa malalim at malamig na boses nito. Iniikot pa nito ang paningin sa loob ng sasakyan. Hinarap siya nito. "Alam mo na ang gagawin mo. Huwag kang mag-aalala hindi ka matutulad sa dati na kamuntikan ng maging masamang espiritu. Magiging malaya kang makalabas-pasok sa mundong ito dahil sa anak ko. Mabubuhay ka hanggang nabubuhay din siya," ang sabi niya sa lobo nang alisin niya ang nakasabit na sling bag sa balikat. "Hindi ko nagugustuhan ang tono ng pananalita mo Amara," saad ng lobo.  Pinilit niyang ngumiti para sa espiritung bantay. "Ikaw na ang bahala sa anak ko," aniya't sinabit niya ang tela na nakabalot sa sanggol sa leeg nito. "Kailangan nating maghiwalay nang hindi kayo masundan." "Pero Amara, posibleng mamatay ka sa gagawin mo," ang malungkot na sabi ng lobo. Hinawakan niya ito sa ulo't hinaplos. "Doon na rin naman ako papunta kahit ano pang pag-iwas ang gagawin ko." Binaling niya ang tingin sa sanggol sabay pinisil ng daliri ang malusog nitong pisngi na nagpahagikhik dito. "Nararamdaman kong hindi na rin talaga ako tatagal. Nagbago na ang sistema ng katawan ko matapos ko siyang ipanganak. Nanghihina na ako. Kaya nakikiusap ako sa iyo habang bata pa siya'y bantayan at alagaan mo siya hanggang kaya na niyang protektahan ang sarili niya." Tinigil niya ang paglalaro sa sanggol at sinunod na sinabit ang sling bag sa leeg ng lobo matapos na dukutin ang business card na itim sa gilid na bulsa. Hinawakan niya lang iyon sa kaniyang kanang kamay. "Kung iyan ang hiling mo ay wala na akong magagawa't bigyan ng katapuran," ang huling nasabi ng lobo na ikinangiti niya. Mayroon siyang tiwala rito. Hindi na siya nakapagsalita pa nang mapalingon siya sa kanilang likuran. Nakita niya ang sunod-sunod na pagpatay ng mga ilaw na tila hinahabol sila ng kadiliman. Hindi iyon basta brawn-awt lang kaya hindi niya maiwasang kabahan na naman. Tiningnan niya na lang ang drayber na abala pa rin sa pagmamaneho.  "Bilisan mo pa ang pagpapatakbo," aniya sa drayber. "Ano ba kasing---" Naputol ang sasabihin ng drayber nang maabutan na sila ng pagdilim na sinundan ng pagpatay ng makina ng sasakyan na siyang ikinabagsak niyon sa daan. Agarang lumingon siya sa labas upang pakiramdaman ang paligid. Maging ang lobo ay naging alerto. "Huwag kang mag-iingay," aniya sa drayber sa mahinang boses nang maramdaman niya nang maayos ang pagdating ng humahabol sa kanila. Ngunit imbis na makinig ang drayber ito ay nagsalita ito. "Tama nga ako sa naisip ko. Hindi na sana kita isinakay," anang drayber. Wala na itong nasabi pa sa paglapag ng isang lalaki sa takip ng sasakyan mula sa kalangitan na may kasamang tunog ng kidlat. Napasigaw pa ang drayber dahil sa pagkagulat. Sinundan din iyon ng pagbalik ng mga ilaw sa lansangan na iyon. Sa kalabisan ng puwersang dulot ng paglapag ng lalaking nababalot ang kasuotan ng puting balabal, nayupi ang takip at nasira ang makina ng sasakyan. Napayuko pa nga si Amara sa pagkabasag ng salamin sa harap. Mabuti na lang hindi sila natamaan ng lobo kasama na ang sanggol dahil nasalo ng upuan ang mga bubog. Sa kasamaang-palad ang drayber ay hindi kaagad nakakakilos kaya napaliguan ito ng bubog ngunit nakagalaw pa rin naman ito. Dagling humawak ang kamay ni Amara sa pinto lalo nang tingnan sila ng bagong dating mula sa labas. Ang drayber naman ay natatarantang inaalis ang seatbelt. Hindi nito malaman kung bakit nanigas pa ang seatbelt na tila ba ayaw itong paalisin ng sasakyan.  Sa kanang kamay ng bagong dating ay namumuo ang naiipong kidlat na kumokunekta pa mula sa poste ng mga ilaw at sa tabi ng daan. Nang pakawalan iyon ng lalaki ay nakalabas na rin siya kasabay ng lobo dala ang kaniyang anak kapagkuwan ay tumakbo sila palayo sa likuran ng kotse. Ngunit ang drayber ay hindi nakaalis kaya natusta ito ng kidlat na bumalot sa sasakyan. Paglingon niya pabalik roon napansin niya na lamang ang maitim na usok na lumusot sa bubongan ng taxi at pumaitaas bago naglaho.  Lalo pa nilang binilisan ang pagtakbo nang umalis mula sa takip ng sasakyan ang lalaki't naglakad lang nang mabagal pasunod sa kanila. Sa ginagawa nito'y sinasabi nitong hindi sila makatatakas kahit ano pang gawin niya. Kahit nga nakalalayo na sila sa lalaki ay hindi pa rin nagbago ang bilis ng paghakbang nito. Sa paglalakad naman nito ay naglalabasan ang kidlat mula sa dingding ng gusali't poste na dumidikit sa katawan nito. Naroon ding umiindap ang mga ilaw sa paligid. Hindi niya kayang harapin ang lalaki. Ang kailangan niya lang ay makalayo ang lobo dala ang kaniyang anak. Ngunit hindi niya malaman kung paano mangyayari iyon gayong nariyan lang at nakabuntot ang lalaking humahabol sa kanila. Sa patuloy niyang pagtakbo'y sumagi sa isipan niya ang lalaking nakausap sa harapan ng aliwan. Sana lang hindi siya lolokohin nito katulad ng iba para lang makuha ang kaniyang anak.  Kahit na nakararamdam siya ng bagabag, pinakatitigan niya ang business card na itim sabay pinaypay kaya nagbago ang anyo niyon, mula sa pagiging matigas na papel unti-unti iyong naging usok kapagkuwan ay nawalang parang bola. Sinundan iyon ng pagkapal ng hangin kasabay ng pamumuo ng hamog sa bawat sulok ng kalsada. Naramdaman niya na lang ang pagdaan ng kung ano sa kaniya, nadala pa nga ang mahaba niyang buhok. Paglingon niya nga sa humahabol sa kanila'y naroon na nga ang lalaking naka-ternong itim na may dala pang brief case. Pumagitna ito sa pagitan nila ng lalaking nakabalabal ng puti. Nilingon siya saglit ng lalaki na may ngiti sa labi. Napatigil sila sa pagtakbo ng lobo dahil doon kasabay ng pagyuko niya sa ulo upang sabihin dito ang pasasalamat niya. Lumapad pa ang ngiti ng lalaki kapagkuwan ay hinarap na nito ang lalaking nakabalabal na natigil din sa paghakbang. Ngunit bago pa ito mayroong magawa pinigilan na niya ito, "Hindi mo kailangan siyang harapin. Ilayo mo lang ang anak ko. Masyado siyang makapangyarihan para sa ating dalawa. Ako na ang haharap sa kaniya para magkaroon kayo ng pagkakataon na makalayo." "Sigurado ka ba diyan?" anang lalaking naka-terno sa paglingon nito sa kaniya. "Oo," aniya. "Umalis na kayo bago pa dumating ang mga kasamahan niya." Mukhang naintindihan naman ng lalaki ang sinabi niya dahil humakbang na ito papalapit sa kanila. Binaling niya ang kaniyang atensiyon sa lobo. "Mag-iingat kayo," aniya sa lobo sabay haplos sa ulo nito. Lumakad na rin siya patungo sa manggagaway. Nagkasalubong pa sila ng lalaking naka-terno. Nakuha pa siya nitong nginitian kaya ginantihan niya ito ng isang tango. "Amara," pagtawag pa ng lobo sa kaniya ngunit hindi niya ito nilingon. Nang sandaling iyon ay nagpakawala ng kidlat ang manggagaway patungo sa kanila kaya idinipa niya ang kaniyang dalawang kamay. Sa harapan niya ay lumabas ang malapad na pananggalang na gawa sa enerhiyang itim. Umabot ang kalaparan niyon hanggang sa gilid ng kalsada. Mistulang naging salamin ang pananggalang sapagkat sa pagtama ng pinakawalang kidlat rito'y kumalat iyon pabalik sa manggagaway. Sinundan niya iyon ng pagkulong sa manggagaway gamit din mismo ang pananggalang na humugis parisukat sa paligid nito. Makikita ang pangingitim ng kaniyang balat sa mga kamay at leeg dahil sa ginagawa niya. Saglit niyang nilingon ang lobo na hindi pa rin kumikilos sa kinatatayuan nito. "Alis na," matigas niyang sabi sa lobo. Pinagmasdan siya nito nang tuwid. "Ito lang ang tanging paraan upang maging malaya ang anak ko." "Tara na," ang sabi naman ng lalaking naka-terno sa lobo na naghihintay lang. Sa huling pagkakataon ay tumango sa kaniya ang lobo kapagkuwan ay mabilis na tumakbo ito kasabay ng lalaking naka-terno. Hindi niya inalis ang paningin sa mga ito hanggang sa mawala ang mga ito sa likod ng dilim ng lansangan. Pagkabalik niya ng kaniyang atensiyon sa manggagaway napupuno na ang parisukat na kulungan ng kapangyarihan nito kaya lalo siyang nahirapan. Pilit nitong binabasag ang kulungang iyon. "Isa kang hangal!" sigaw pa ng manggagaway sa kaniya. Pinaliit niya ang kulungan dahil nararamdaman niyang hindi na niya magagawa iyon kapag nagtagal pa. Ngunit bago pa man niya magawa iyon tuluyan nang nabasag ng manggagaway ang kulungang parisukat na mistulang isang salamin. Sa kalabisan ng kapangyrihan nito'y tuluyang pumatay ang mga ilaw sa kanilang paligid at muli na namang silang nabalot ng kadiliman. Natamaan pa nga siya sa tagiliran dahilan upang siya ay tumalsik sa kalsada at nagpagulong-gulong.  Sa pagtigil ng kaniyang paggulong napaubo siya na may kasamang dugong walang kasing itim. Ramdam niya ang napunit na balat sa kaniyang tagiliran na ininda niya lang. Humakbang na naman palapit sa kaniya ang manggagaway na nababalot pa rin ng kidlat ang buong katawan. Napapangiwi siyang iniangat ang paningin sa lalaki. Maging sa mga mata ng lalaki ay naglalaro ang kidlat. "Huwag ka ng lumaban nang hindi ka mahirapan," sabi pa ng lalaki sa kaniya.  "Kahit hindi ako lumaban pareho pa rin naman ang patutunguhan ng paghaharap natin," pilit niyang sabi't nahihirapang bumangon hawak ang tagiliran na nagdurugo.  Sa sinabi niya'y biglang tumawa ang lalaki na dumagundong sa katahimikan ng lansangan. "Sa tingin mo ba sa ginagawa mong ito, makakalayo ang anak mo? Mahahanap ko siya kahit saan pa siya mag-suot," anang lalaki. Wala itong sabi-sabi na nagpakawala na naman ng kidlat patungo sa kaniya. Nakaiwas naman siya sa pamamagitan ng pagtalon kasabay ng pagbabago ng kaniyang katawan. Ang balat niya'y kumaliskis ng itim hanggang sa mukha. Naging kawangis ng reptalya ang kaniyang matang naging ginintuan ang kulay. Pati ang kaniyang mga kuko ay tumulis. Ang panghuling pagbabagong nangyari sa kaniya ay ang paglabas ng itim na pakpak sa kaniyang likod. Sa pagpagaspas niya sa pakpak natigil siya sa ere. Ang lalaki naman sa lupa'y nagpakawala ng kapangyarihan naman nito gamit na ang dalawang kamay. Hinarap niya iyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng bolang apoy na itim. Sa pagtama ng kanilang mga kapangyarihan nagkaroon ng pagsabog na may kasamang maitim na usok. Natakpan niya ang kaniyang mukha dahil sa puwersang tumama sa kaniya dala ng pagsabog. Napaatras pa nga siya ng lipad hanggang sa dulo ng usok.  Sa kasamaang palad kinailangan niyang lumapag sa daan sa panghihina niya. Pagkatapak ng kaniyang paa sa aspalto'y naglaho ang kaniyang pakpak. Sa muli niyang pag-ubo'y matawing tumalon ang lalaki na pansin niya sa likuran ng usok. Nang makarating ito sa itaas inipon nito sa isang kamay ang mga kidlat na walang pag-alinlangang pinakawalan na naman nito. Sinubukan niya pang magpalabas muli ng pananggalang ngunit hindi na niya iyon nagawa pa. Napaluhod na lang siya sa tuluyang pagkaubos ng enerhiyang naiiwan sa kaniya. Sa nangyari'y direkta siyang natamaan ng kidlat sa dibdib dahilan upang manginig ang kaniyang buong katawan. Sa kaniyang bibig ay tumakas ang malakas na sigaw. Hindi siya binigyan ng pagkakataon ng lalaki na makabawi. Sapagkat naglabas ito mula sa manipis na hangin ng apat na maliit na poste na batong itim sa pamamagitan ng pagtagpo ng dalawang palad.  Bumulusok ang mga matutulis na bato patungo sa kaniya. Kahit na nahihirapan pinilit niyang humakbang ngunit hindi na siya nakalayo pa. Ang unang bato ay tumusok sa kaniyang hita. Sa bigat niyon ay napahiga siya sa daan. Sinundan iyon ng pagbaon ng iba pang mga bato sa isa niya pang hita at dalawang braso. Hindi pa nakuntento ang lalaki sa nagawa nito dahil sa marahang pagbaba nito sa ere makailang ulit na pinapatamaan siya nito ng kidlat sa dibdib kung nasaan ang kaniyang puso. Ang tanging nagawa na lamang niya ay sumigaw sa kinasasadlakang paghihirap. Sige pa rin ang lalaki sa pag-atake kahit na nabutas na ang kaniyang dibdib kung saan umaagos ang maitim na dugo. Naluha na lang siya nang hindi na niya maramdaman ang anak. Sa pagdilim ng kaniyang paningin kahit dilat ang mata sumagi sa likuran ng kaniyang isipan na ligtas na ang sanggol.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Ang Mahiwagang Puting Liquid

read
43.4K
bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
142.0K
bc

Yakuza's Contract Wife [ SPG ]

read
176.2K
bc

Luminous Academy: The Intellectual

read
44.0K
bc

Guillier Academy ( Tagalog )

read
188.3K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
79.8K
bc

Rain Alcantara :The Boss Thunder

read
10.8K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook