NAGISING NA LAMANG si Arjo sa pagbigat ng kanyang ulo na tila sasabog. Nalaman niya na lamang kung bakit nang buksan niya ang kanyang mga mata. Nakabitin siya nang patiwarik sa kisame ng isang hindi kalawakang lugar, mahigit tatlong dipa mula sa sahig ang taas. Isang malapot at madikit na itim na tali na mistulang isang sapot ang nakapulupot sa kaniyang buong katawan. Ni hindi niya maigalaw ang kaniyang mga daliri. Mayamaya'y napagtanto niyang hindi lang siya ang nag-iisang nakabitin doon. Mayroon pang iba na hindi niya mabilang sa kaniyang mga kamay. Hinanap niya pa sa mga iyon si Gregorio na hindi niya naman magawa sa kadahilanang ang ilan ay nakatalikod sa kaniya at mayroong kadiliman sa kisame. Tanging pag-ingit niya ang tanging bumabasag sa katahimikan doon. Nakilala niya rin ang ib