Kabanata 2

5314 Words
Sa ikalimang pantalan niya pinasok ang bangka matapos makalampas sa huling bilugang pulang boya. Hindi na dumadaong lalo na ang malalaking bangka roon dahil sa mga hindi naalis na lumubog na barko. Madalas sila lang ang gumagamit niyon. Nasanay na siyang pumundo roon kaya maingat niyang nailusot ang kinasasakyan sa pagitan ng mga lumang barko. Hanggang sa maitabi ang bangka pahalang sa pantalan. Pagkadikit ng tagiliran niyon sa bungi na daungan kaagad na bumaba si Kenji na walang sinasabi sa kanya. Napabuntong-hininga na lang siya habang sinusundan ng tingin ang kaibigan niya sa pagtakbo nito. Pinatay niya na lang ang makina ng bangka't bumaba na rin bitbit sa kanang kamay ang lubid. Sa kabila naman ay ang tsinelas niyang manipis na. Habang tinatali niya ang dulo ng lubid sa nakausling kalawanging bakal, hindi niya maiwasang ibaling ang tingin sa mga taong maingay sa sinundan na pantalan. Naroon ang malalaking bangka kasama na ang kina Roberto. Hindi magkamayaw ang mga nag-aangkat sa kasisigaw upang makapili ng magandang isda. Nakapaikot ang mga ito sa mga kahong ibinaba ng mga mangingisda. Naghalo na ang mga sinasabi ng mga ito sa hangin kaya hindi na rin maintindihan. Naalis niya lang ang tingin dito nang mayroong magsalita sa nakatambak na kahong kahoy sa kaniyang likuran. Nang sandali ding iyon ay siya ring pagbitiw niya sa ibinuhol na lubid. "Nakuhanan na naman kayo ng isda," saad ng matandang naninilaw na ang ngipin na nagngangalang Ismael. Tumayo ito mula sa inilatag na higaang karton sa gitna ng mga kahon. Kagustuhan nitong doon natutulog kahit na malansa. Kasing-amoy na nga rin ng katawan nito na kahit sa pagsasalita'y umaalingasaw. "Nahulaan mo," aniya sa matanda nang harapin niya ito. Kumamot ito sa loob ng marumi't butas-butas na damit ang matanda. "Parati namang nangyayari iyon sa inyo kaya hindi ko kailangang hulaan. Mukhang nainis na naman ang kaibigan mo," komento pa nito. Inilipat nito ang pagkakamot sa loob ng short sa bandang hita. "Sinabi mo pa," pagsangayon niya naman dito't sinimulan na ang paglalakad. "Bakit kasi hindi niyo isumbong sa kinauukulan?" suhestiyon pa nito. Kung ganoon lang sana iyon kadali ngunit hindi na nito alam ang kalakaran sa bayan na iyon. "Kahit subukan pa namin wala namang maniniwala. Papanigan pa rin si Roberto," aniya sa matanda pagkalampas niya rito. Tumingala pa sa kalangitan ang matanda na tila ba naroon ang kasagutan sa kaniyang problema. Matapos niyon ay humagikhik pa ito na kaniya namang ikinailing ng ulo. Umalis ito sa nakatambak na mga kahon. Kapagkuwan ay lumipat sa bangka na ginagamit nila ni Kenji. Binayaan na lang niya dahil madalas namang ginagawa iyon ng matanda. Nagtuloy-tuloy lang siya ng lakad na isinusuot ang tsinelas. Madali niyang nalakad ang kahabaan ng pantalan na iyon sa bilis ng kanyang paghakbang. Kalawanging tarangkahang bakal ang naghihintay sa dulo. Lumusot siya sa kaunting bukas nito palabas ng kalsada kung saan papunta't paparito ang mga tao, nakikisabay sa mga pick up truck na nakalutang ng mahigit isang talampakan mula sa lupa. Sa likuran ng mga sasakyan na mabagal ang andar ay nakalagay ang mga malalaking kulay tinggang cooler na naglalaman ng mga bagong huling isda. Hindi niya hinintay na mabawasan ng mga tao ang abalang kalsada. Bagkus ay nagsumiksik siya habang umiiwas sa mga sasakyan. Muntikan pa siyang mahagip ng isang motorsiklong nakalutang din. Umalingawngaw pa nga mula rito ang nakakapunit-taingang busina. Ni lingonin niya iyon ay hindi niya ginawa. Dumiretso lang siya ng lakad hanggang makarating sa may kakipotang kalye. Bilang lang sa daliri niya ang mga taong naglalakad doon. Ang mas prominenteng mapapansin sa kalye na iyon ay ang mga nakatambak na basura sa tabi't tubig na hindi na maalis-alis. Maging ang masangsang na amoy ay nanatili sa hangin kung kaya nga nakukusot niya ang kanyang ilong. Sa uluhan niya pa ay nakasabit na mga damit. Hindi na rin umaabot ang sinag ng araw sa aspalto dahil sa nagtatayugang mga patong-patong na bahay. Nagbalik lang ang ingay ng mga sasakyan sa kanyang tainga nang makarating siya sa dulo ng kalye na iyon. Nilampasan niya lang ang lumang hardware pagliko niya sa kaliwa. Sinundan niya naman ang kahabaan ng daan sa dakong iyon na kinalalagyan ng mga iba't ibang tindahan. Kasabay niya ang iba pang mga taong may sariling mundo katulad niya sa paglalakad. Napapasunod naman ng tingin ang ilan sa kanya dahil sa wala siyang suot na pang-itaas. Nagmumukha nga naman siyang isang baliw. Ang huling tawid na ginawa niya ay sa harapan ng umiindap na billboard. Tumakbo siya nang hindi siya mabangga ng mga dumadaang sasakyan. Kapagkuwan ay tinunton niya ang eskenita na hindi naiiba ang itsura, nagkalat din ang mga basura roon. Nang makaalpas doon bumaba siya sa ilog na ilang dekada nang hindi dinadaluyan ng tubig. Nagpadulas siya sa sementadong dalam-pasig paibaba. Pagkatapak sa lupa'y hinanap niya ang daan sa pagitan ng mga gabundok na basura hanggang makarating sa kabilang gilid. Tinakbo naman niya ang dalam-pasig upang makaakyat. Malapit na siya sa ibabaw nang dumulas ang suot niyang tsinelas. Mabuti na lang nakahawak siya sa bakal na tubo ng tubig. Kung kaya nga'y nakatayo siya sa tabi ng gusali na hindi nagagasgasan. Ilang hanay pa ng mga kabahayan ang kanyang nalampasan bago siya umabot sa daan kung saan naroon ang kanilang bahay. Umalis siya sa sementadong kalsada't kinuha ang lupang daan na kinatutubuan ng mga mababang d**o. Sa kahabaan niyon ay nakatayo ang mga bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping mga piraso ng tabla at kahoy. Napapaiwas siya sa mga batang maagang naghahabulan. Hindi alintana ng mga ito ang nagkalat na basura. Ang ilan namang ginang na nagdadaldalan sa harap ng isang bahay ay napapatingin sa kanya. Nakaguhit sa mata ng mga ito ang pagkadigusto na hindi niya binigyang-pansin. Huminto lang siya sa paghakbang nang makita niya si Kenji na papaalis pa lang sa nag-iisang gripo roon. Nagmamadali itong tumakbo dala ang hinubad nitong dyaket at sabon patungo sa bahay nila na kasunod lang ng gripo. Muli na naman siyang napabuntong-hininga nang isara ni Kenji ang pintong lata ng bahay nito na hindi man lang siya tinitingnan. Maging siya ay lumapit na rin sa gripo. Kinuha niya ang dulo ng hose na siyang nilagay niya sa ulo upang makapag-anlaw. Habang bumubuhos ang tubig sa kanyang ulo hinahapo niya ng isang kamay ang kanyang dibdib. Sa lakas ng pagsigaw ng nanay ni Kenji umaabot iyon sa kinatatayuan niya. "Sinasabi ko na nga sa iyong huwag ka nang magpalaot! Wala ka namang mapapala! Mabuti pang nangalakal ka na lang!" pagbunganga ng nanay ni Kenji. Katulad ng dati tahimik lang ang kaibigan niya. Hindi ito nangatwiran ni minsan sa nanay nito. Napalingon siya sa mga bata nang magsigawan ang mga ito. Sinusundan nila ng tingin ang sasakyang panghimpapawid na ang biligugang elesi ay sa kaliwa't kanan. Masyadong mababa ang sasakyan kaya ganoon na lamang ang tuwa ng mga bata. Matapos ang ilang minuto, pinatay niya rin ang gripo sabay iniwan na iyon. Hindi man lang niya nakuhang magsabon kasi wala naman siyang mahiraman. Nagpatuloy siya sa paghakbang. Hindi rin nagtagal nakarating na siya sa bahay nila na siyang pinakahuli sa kanang hanay ng mga kabahayan. Kadikit na nila ang pasukan ng sementeryo kung saan limang palapag ng bahay ang taas ng mga patong ng mitso. Sa labas pa lang ng pintuan, naririnig na niya ang ingay ng telibisyon mula sa loob. Pagkapasok nga niya sa pintong tabla, nadatnan niya ang kanyang ina nanonood ng paborito nitong serye sa maliit at pinaglumaang telebisyon. Ang palabas ay patungkol sa namamagitang pag-iibigan ng isang cloned na babae at normal na lalaki. Nakaupo ang ginang sa matigas na upuang kahoy na binuo niya lang. Hinahapo pa nito ang malaking tiyan habang napapangiti sa babaeng bida ng serye. Madalas kapag ganoong oras ito nanonood sa umagang pag-ere ng serye. Gusto nitong maging kamukha ang bidang babae na para namang posible iyon. Kapag wala naman itong ginagagawa makikita naman ito sa labas kasama ang mga kumare nito't nakikipagtsismisan. Uuwi lang kapag kainan na. Ni hindi ito lumingon sa paglalakad niya sa likuran nito. Sapat lang ang kalaparan ng bahay sa kanilang tatlo ng kanyang magulang. Ilang hakbang lang ang layo ng mga gamit. Nang maramdaman ang pagkulo ng tiyan, lumapit siya sa kabinet sa kusina na pinagtabihan niya ng ulam sa itaas lang ng mesang dikit sa dingding. Nadismaya siya nang wala nang makita roon. "Nay saan na iyong tinira kong ulam?" ang tanong niya sa ginang. "Inulam namin ng tatay mo," sagot naman nito na hindi inaalis ang tingin sa palabas. "Wala ka bang dala ngayon?" Hindi rin naman siya nagreklamo sa ginang kahit na inubos ng mag-asawa ang ulam na sasapat pa sana hanggang sa hapunan. "Naibenta ko na," pagsisinungaling niya. Kapag sinabi niya pang kinuha nina Roberto hindi maniniwala ang mga ito't papagalitan pa siya. "Hanap ka na lang ng pang-ulam para mamaya," sabi pa ng ginang. Nagtataka siya sa ikinikilos nito. Kapag kinakausap siya nito ilang salita lang ang lumalabas sa bibig nito. Ngunit nang sandaling iyon ay nag-iba. Palagay niya maganda ang lagay ng loob nito na nangyayari lang kapag mayroon itong paparating na kwarta. "Sige. Ako na ang bahala," simple niyang sabi. Kapagkuwan ay nagtungo na siya ng kanyang kuwarto. Tinulak niya ang manipis na pinto papasok. Binati siya ng kanyang alagang aso na nakaupo sa katre sa pagtahol nito. Kasingkulay ng niyebe ang balahibo nito na nabahiran ng itim sa likod at ulo. Sa laki nito umaabot ang taas nito sa kanyang hita. "Binigyan ka ba ng pagkain, Paco?" tanong niya nang mahina sa pagsara niya sa pinto. Umungot ang aso bilang tugon sabay patong ng mukha sa dalawang paa. "Nakalimutan ka na naman," dagdag niya sa paglapit niya sa kama. Hinimas niya ang ulo nito nang makailang ulit. "Huwag kang mag-alala. May naiwan pa naman akong tinapay." Pagkasabi niya niyon kinuha niya ang latang kahon na itinago niya sa ilalim ng kama. Naglabas siya mula rito ng dalawang piraso ng tinapay na nababalot ng papel bago niya sinara't muling itinago ang kahon. Binigay niya kapagkuwan ang isa sa aso at ang kinagat niya ang panghuli. Pagkaraa'y hinubad na niya ang basang short kasama na ang brep. Habang kinakain ng aso ang tinapay nagpalit siya ng damit mula sa plastik na kahong lagayan niya sa uluhan lang ng katre. Ang napili niyang suotin ay asul na t-shirt at short na itim. Napaupo siya sa tabi ng katre't napatingala sa butas na yerong bubong, lumulusot doon ang sinag ng araw. Kinain niya na rin ang hawak na tinapay. "Kailan kaya magbabago ang buhay ko, Paco? Napapagod na rin ako sa ganito," aniya sa alagang aso na para namang marunong itong magsalita. May mga pagkakataong bumababa ang bilib niya sa sarili, binabalot ng pagkaduwag at nakakaramdam ng lungkot. Isa na ang sandaling iyon. Hinimas niya ang leeg ng aso kaya umalis ito ng katre kagat ang tinapay na para bang hindi nito nagugustuhan ang mga sinabi niya't nararamdaman. "Hanapin ko na lang kaya ang tunay kong magulang. Kaso kahit sa panahon ngayon mahirap pa rin silang hanapin kung nabubuhay pa sila. Lalo na't wala namang akong alam tungkol sa kung sino sila. Alam mo naman iniwan lang ako sa taxi na minamaneho ni tatay noong nasa Maynila pa siya. Malabo na kasi akong ituring na anak ni tatay ngayon pa't magkakaanak na sila." Naglakad lang ang aso hanggang sa sulok at doon tinapos ang pagkain sa tinapay. "Paco, kinakausap kita. Pati ako hindi mo na pinapansin. Dahil diyan iyan na ang huling tinapay mo. Hindi na kita bibigyan kailanman." Tinuro niya pa ang aso. Tila naintindihan naman siya ng hayop dahil saglit itong tumigil sa pagkain. Kapagkuwan ay pinagmasdan siya. Nakuha pa nga nitong ngumoyngoy. "Biro lang," pagbawi niya kaya binalik nito ang atensiyon sa tinapay. Pinagmasdan niya ang apat na sulok ng kuwarto niyang iyon. Mainit sa loob at kung anong itsura nito ay hindi nagbibigay na komportableng pakiramdam sa kanya. Isang maliit na daga pa ang tumakbo sa sulok at lumusot sa maliit na butas ng dingding patungo sa kabilang bahay. Tumayo lang siya sa kinauupuan ng maalala niyang kailangan niyang maghanap ng ulam. Inubos niya na ang hawak na tinapay sa kanyang pagtayo. "Gusto mong sumama? Pupunta ako sa palengke," aniya sa aso niyang si Paco. Iniangat nito ang ulo para siya ay matingnan. Hindi naman lumapit ang aso niya't nanatiling nakahiga na ibig sabihin mag-isa lang siyang lalabas. Papanhik na siya ng sala nang marinig niya ang paghinto ng isang sasakyan sa harapan ng kanilang bahay. Wala naman siyang inaasahang bisita para sa araw na iyon. Ni wala naman siyang ibang kaibigan tanging si Kenji lang kaya nahihirapan siya kapag hindi nito pinapansin. Kung kaya nga'y naisip niya na ang doktor na bibisita sa ginang. "May inaasahan ka bang bisita?" ang tanong niya sa kanyang nanay. Nakapako pa rin ang paningin nito sa telebisyon. "Wala naman. Tingnan mo nga," saad naman nito. Napatili na naman ito na parang isang dalaga nang ipakita ang mukha ng artistang gusto nito kasama ang leading man nito. Binayaan na lang niya ang ginang sa kasiyahan nito't nagtungo na nga sa harapan ng bahay. Nagsalubong ang dalawang kilay niya nang makita ang nakalutang na pulang kotse roon. Pinagkakaguluhan pa iyon ng mga bata, pinipilit na silipin ang loob sa madilim na salamin nito. Mayamaya'y lumabas na rin naman ang nagmaneho niyon. Lalo lamang siyang nagtaka dahil ang tatay niya ang lalaki. Mayroon pa itong dalang kayumangging supot. Kumaway pa ito sa mga taong nakikiisyoso sa sasakyan nang isara nito ang pinto. Hindi na naalis ang ngiti sa labi nito kaya nasabi na naman niyang mukhang maganda nga ang araw ng kanyang magulang. "Aba, Amando. Umaasenso ka na. Nanalo ka na ba?" tanong ng isang ginang na nakikisali rin sa iba. Nang lingonin niya kung sino nalaman niyang nanay ni Kenji na si Aleng Marga. Sa laking babae nito't sa suot na kulay dilaw una itong mapapansin sa dagat ng mga taong naroon. Mahilig magsugal ang kanyang tatay kaya karaniwan na ang tanong na katulad niyon. "Siyempre naman," ang sabi na lang ng tatay niya. Tumawa pa nga ito sa paghakbang nito palapit sa bahay. Kahit ganoon hindi pa rin matatago niyon kung anong klaseng tao ito. Kaya kapag ganoong nakatiba-tiba madalas nakakahinga siya nang mabuti. Hindi rin siya kumbensido na nanalo nga ito sa sugal. Imposible namang makabali ito ng sasakyan gayong ang dami nitong utang na babayaran. Kung manalo man ito sapat lang pangbayad kahit gaano pa kalaki iyon. Nagsialisan na rin iyong ibang mga tao. Ang naiwan na lang ay ang mga bata. "Mamasada ka ulit?" naisipan niyang itanong. Kumunot ang noo ng matanda sa kanya. "Bakit ko naman gagawin iyon? Hindi ko kailangang magtrabaho," ang buong pagmamalaki nitong sinabi. Initsa pa nito sa kanya ang supot. Nasalo naman niya kaya hindi nahulog sa lupa. "Lutuin mo para naman makahigop ng sabaw si Sylvia," dugtong nito't nilampasan lang siya. Nilapitan nito ang asawang nanonood at nagbulungan ang mga ito. Napahagikhik na naman ang ginang na ikinabuntong hininga niya nang malalim. Kapag ganoon ang dalawa mayroong binabalak ang mga ito na hindi siya kasama. Sinilip niya ang supot sa paglalakad niya papasok ng kusina. Nalaman niyang karneng manok ang laman niyon kasama na ang panghalo para sa tinola. Ilang taon na rin iyong huling nakakain siya ng manok. Hindi na niya matandaan. Sa paghahanda niya ng manok narinig niyang nag-aaway ang mag-asawa. Biglaan na naman kaya napahinto siya sa paghihiwa ng karne. Sa inis niya'y iniwan na lang niya ang nakatiwang-wang na karne ng manok. "Ano bang klaseng tao ka?! Hindi pa nga ipinapanganak ang anak natin ibenenta mo na," nagsisigaw na sabi ng ginang. Wala itong pakialam na marinig ng kapitbahay. Pag-uusapan na naman sila sa lugar na iyon. Naisipan niyang bumalik ng kuwarto dahil kapag naroon siya hindi siya papakialaman. Magkaharap na nakatayo ang dalawa sa harap ng telibisyong nakabukas pa rin. Iyong senaryo pa sa palabas ay kapareha ng nangyayari sa mga ito, nag-aaway rin. "Bakit hindi?! Para sa ating dalawa ang ginagawa ko!" sigaw naman pabalik ng kanyang tatay. Lumalabas ang litid sa leeg nito sa lakas. "Hindi pa rin tama na gawin mo. Ito ang unang magiging anak natin pagkatapos ganiyan ka. Ano bang nangyayari sa iyo Amando?! Nasisiraan ka na ba?!" Hindi rin magpapatalo ang ginang. Halata ring nagpipigil si Amando na saktan ang asawa sa pagkumyos ng kamao ito. Hindi man lang siya pinansin ng dalawa kaya nakapasok na siya sa kanyang kuwarto. Sinara niya nang mabuti ang pinto bago naupo sa katre na hinuhugasan ang mukha ng dalawang-kamay sa pagkadismaya. Mas nagulat siya sa sumunod na sinabi ng kaniyang tatay. "Kaya mo bang buhayin? Hindi naman a," mariin nitong sabi. "Kanino kasalanan iyon?" birada naman ng ginang. Sinundan iyon ng paghagulhol nito na ikinatahimik ng kanyang tatay. Ilang minuto ring walang lumabas sa mga bibig ng mga ito. Nang sandaling iyon ay napagdesisyunan niyang sumama na lang sa lakad ni Kenji. Kailangan niya nang makahinga sa kaguluhan sa bahay na iyon. Nagmadali siyang naglagay ng ilang pares ng damit sa bag pack na itim. Nagpalit na rin siya ng sapatos kaya napapatingin sa kaniya si Paco. "Dito ka lang. Bantayan mo iyang dalawa," bulong niya sa kaniyang alaga. Hinapo niya ito sa leeg kapagkuwan ay lumabas siya ng bahay sa bintana. Maingat niyang sinara ulit iyon habang nakatitig sa aso na nakatingin lang din sa kaniya. Sa likod bahay siya dumaan na kinatatambakan din ng mga basura hanggang sa makarating sa bahay nina Kenji. Lumabas siya ng eskenita patungo sa harapan ng bahay. Nadaanan niya pa ang dalawang batang nasa limang taong gulang na naliligo sa gripo, nakaupo ang mga ito sa malapad na palangganang aluminum. Kumatok siya sa pinto nang makailang ulit bago mayroong bumukas sa kaniya. Si Aleng Marga ang nagbukas hindi ang kaibigan niyang si Kenji. "Nasaan na po si Kenji?" tanong niya sa matanda. Masama ang tingin ng ginang sa kaniya. Parati naman itong ganoon. Iniisip kasi nitong hindi siya magansang impluwensiya sa anak nito. "Ewan ko roon bigla na lang umalis na walang paalam," sabi pa ng ginang. "Ikaw, kung anu-ano ang sinasabi mo sa kaniya kaya tumitigas ang ulo." "Hindi naman ho," aniya sa ginang. "Alis na ho ako." Tinalikuran na talaga niya ang ginang bago pa malaman ng kaniyang magulang na wala siya sa bahay. Binilisan niya ang paghakbang upang maabutan niya rin si Kenji sa sakayan ng tren. DUMATING siya aa terminal ng tren makalipas ang limang minutong paglalakad. Pumasok roon at bumaba ng hagdanan habang hinahanap ng kaniyang mata ang kaibigan na si Kenji. Hindi gaanong siksikan ang mga tao kaya nakakahakbang naman siya nang maayos. Hindi niya naman makita kaagad ang kaniyang kaibigan. Naglakad pa siya sa plataporma kung saan naghihintay ang ibang mga pasahero. Naghalo sa hangin ang hindi malinaw ng pag-uusap na nahaluan ng malamyos na tugtog na na nagmula sa ticketing booth. Nakarating na siya sa dulo ngunit ni anino ni Kenji ay wala. Bumalik na lang siya sa hagdanan at umakyat pataas ng kalsada. Tiningnan niya ang oras sa kaniyang relos. Nalaman niyang lampas na sa oras ng pag-alis ang kaniyang kaibigan. Palagay niya'y mayroon lang itong dinaanan pa. Naisipan niya na lang na maghintay sa upuang nakalagay sa bukana ng hagdanan. Pinagmasdan niya ang mga napapadaang sasakyan, nag-iiwan pa ang mga iyon ng alikabok kaya natatakpan niya ang kaniyang ilong. Nag-iba siya ng posisyon makaraan ang ilang minuto. Pinatong niya ang kaniyang baba sa palad. Kapagkuwan ay tiningnan ang oras sa ikalawang pagkakataon. Sa huli napagdesisyunan niya na umuwi na lang din. Sa paglalakad niya sa bangkita nakasalubong niya ang matandang lalaki. Patungo na ito ng istasyon para sa karaniwang gawain nito tuwing umaga, ang pamamalimos. Iyong mga nakukuha naman nito ay napupunta lang sa alak. "Mukhang may lakad tayo a," puna ng matanda nang malapit na sila sa isa't isa. Tiningnan niya lang ito nang tuwid, ipinagkibit-balikat niya lang din ang sinabi nito. Bagay na hindi naman mahalaga para rito. Nakalampas na siya rito nang mayroong itong sinabi. "Hinahanap mo ba ang kaibigan mo?" Huminto siya sa paghakbang. Pinihit ang katawan pabalik sa matanda dahil sa narinig. "Saan mo siya nakita?" tanong niya rito imbis na sagutin ang naging katanungan nito. "Nakita ko siya papasok ng junkyard. Tinanong ko pa nga kung nagkabati na ba kayo," pagbibigay alam ng matanda na ikinasalubong ng kaniyang kilay. Nahuhulaan niya ang balak gawin ng kaibigan kung kaya nga'y mabilis siyang umalis. Naiwan ang matanda na nagtataka. Sa junkyard nakatira si Roberto kasama na ang dalawang barkada nito. Nababahala siyang masaktan ang kaniyang kaibigan sa paglapit nito sa lalaki. Sa bilis ng kaniyang paghakbang mistula tuloy naghahabulan ang kaniyang mga paa. Umiiwas siya sa mga nakakasalubong na naglalakad. Dumaan siya sa kalye ng Gadon at lumiko papasok ng Magayon, makikita roon ang lumang palengke na wasak-wasak na ang pader. Matapos ng ilang liko pa'y nakarating na rin siya sa lugar na kinalalagyan ng junkyard. Umalis siya ng kalsada at lakad-takbo ang ginawa niya sa lupang daan na ang kanang ibayo ay kinalalagyan ng mga tagpi-tagping bahay. Tinaholan pa siya ng asong buto't balat na nakatali sa poste ng ilaw kadikit ng pader sa gawing kaliwa niya. Hindi siya huminto dahil lang doon. Hindi naiiba ang mga tao roon sapagkat nagdadaldalan ang iba kahit na lalaki. Sampung kabahayan pa ang kaniyang nadaan bago siya makarating sa kalawanging tarangkahan ng junkyard. Iyong karatula nitong hindi na mabasa ay nakalawit na lang sa arko nito. Habol ang kaniyang hininga na pumasok siya sa loob. Kahit saan mang dako siya tumingin ang nakikita niya ay mga tambak ng pinagpatong-patong ng niyuping sasakyan. Sa taas ng mga iyon mistula na iyong naging gusali, lalo na't nakahanay pa ang mga ito. Maingat siyang naglakad sa mga iyon na hindi gumagawa ng ingay. Bawat paghakbang niya'y may kasiguraduhan. Hindi siya tumigil hanggang narating niya ang gitna kung saan naroon ang bahay na isang kahon ng kargo. Sa gilid siya nito dumaan imbis na sa harapan, nagtatago sa likuran ng mga mas mababang tambak ng sasakyan habang sumisilip sa balkonahe. Naroon si Roberto na nakikipag-inuman sa dalawang kasamahan nito. Ang mga ito ay nagtatawanan pa. Sa harapan ng bahay ay nakatiwangwang lang ang mga malalaking makinarya na ginagamit na pangyupi. Sa paglipat niya sa isang kotse upang mas makakita ng magandang anggulo nahanap niya si Kenji nang hindi sadya. Nasa loob ito ng lumang close van nagtatago, nakasilip sa basag nitong bintana ng pinto. Tahimik siyang pumasok na hindi nito namamalayan sa pagkatalikod nito. "Ano bang binabalak mo?" ang mahina niyang tanong. Pumiksi si Kenji sa pagkagulat. Hawak nito ang dibdib paglingon nito sa kaniya. "Huwag ka ngang manggulat," bulong naman nito. Mabuti na lang hindi ito napasigaw dahil kung hindi malalaman nina Roberto na naroon sila. Huminga pa ito nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Hindi naman siya nito tinaboy kaya naisip niyang maayos na silang dalawa kahit wala silang sabihin sa isa't isa. "Ano nga?" pamimilit niya rito. Binalik nito ang tingin sa nag-iinoman. "Wala naman," simple nitong sabi. "Pinaghintay mo ako sa sakayan. Nandito ka lang naman pala. Mabuti nakita ka ni Mang Ismael," aniya sa kaibigan. Wala namang sinabi ang kaniyang kaibigan, tahimik lang itong nakamasid. Napabuntong-hininga na lang siya nang malalim. "Akala ko ba pupunta ka ng New Manila." "Oo nga. Kailangan ko lang ng pera," sagot naman nito. Napatango-tango siya ng kaniyang ulo. "Walang mangyayari kung nandito ka lang. Gumawa ka kaya ng dibersiyon. Ako na ang papasok," suhestiyon niya rito. Nilingon siya ni Kenji dahil doon. "Sigurado ka?" ang hindi makapaniwala nitong sabi. "Mukha ba akong nagbibiro?" aniya naman sa kaibigan sa paglabas niya ng van. "Sige na nga." Lumabas na rin ito ng van. Kapwa sila tumayo sa tabi. "Ibig sabihin ba nito'y sasama ka?" "Pupuntahan ba kita kung hindi." Tinapik niya ito sa balikat. "Alis na. Kita na lang tayo sa sakayan matapos ang sampung minuto." Tiningnan niya pa ang oras sa kaniyang relos. Ngumiti ang kaniyang kaibigan kapagkuwan ay lumakad na ito. Hinatid niya ito ng tingin hanggang sa mawala ito sa likuran ng mga tambak ng sasakyan. Siya naman ay naghintay na may gawin ito't muling sumilip sa loob ng van. Kumilos siya sa kinatataguan nang marinig niya ang sunod-sunod na pagbagsak ng mga patong-patong na sasakyan. Yumuko siya matapos na mapansing tumayo si Roberto kasama ang dalawang lalaki. Tumingin ang mga ito sa malayo kung saan nagmumula ang ingay. Makikitang nag-uusap ang mga ito na hindi naman niya marinig mula sa kinapupuwestuhan niya. Binatukan pa ni Roberto ang isa nitong kasamahan na mayroong pilat sa leeg. Mayamaya'y nagpatiunang bumaba si Roberto na busangot ang mukha. Napasunod na lang ang dalawang kasamahan nito. Samantalang siya ay hinintay na makalayo ang mga ito. Dumaan ang tatlo sa tabi ng mga makinarya. Nawala lang ang mga ito sa kaniyang paningin pagkalampas ng mga ito sa pagitan ng dalawang dilaw na school bus na nagsilbing pasukan. Sinigurado niyang nakalayo na ang tatlo. Nang lumipas ang ilang minuto na wala namang bumabalik lumabas na siya ulit ng van. Inakyat niya ang bubongan niyon upang makalipat sa kabila. Tumalon siya mula sa ibabaw at patayong lumapag sa lupa. Mabilis siyang naglakad patungo sa bahay habang iniiwasang mapatid ng mga tambak na lata at maliit na bakal na kaniyang natatapakan. Makaraan ng ilang minuto nakarating din siya sa balkonahe. Kapagkuwan ay inakyat niya iyon papasok ng bahay na nilalampasan ang mesa na kinapapatungan ng mga botilya. Pinihit niya ang pahabang busol ng pinto't pumitik iyon sa pagbukas niya. Natakpan niya ang kaniyang ilong pagpanhik niya sa loob habang sinasara ang pinto. Hindi niya malaman kung anong klaseng amoy ang nasisinghot niya na masakit sa ilong. Nagkalat sa sahig ang pinagsamang damit at basura. Kulang nalang maging tambakan na rin ang bahay na iyon. Nasa kaliwa ang kamang wala sa ayos. Sa gawing kanan naman niya ay ang kusina na natambakan ng hugasin. Nilapitan niya ang mesa na nasa bandang gitna. Sa unang dibuhista na binuksan niya ang laman ay mga lumang dvds na malalaswa. Kahit sa pangalawa at pangatlo ganoon din ang laman. Inisip niya kung saan naglalagay ng pera si Roberto. Hindi maganda kung naglalagay ito sa bangko kasi naman mawawalan ng saysay ang pagpasok niya. Imbis na tumigil pinagbabaliktad niya ang kutson ng kama. Wala rin siyang nakitang perang nakaipit roon. Kahit ang magulong kabinet binuksan niya na rin. Inilabas niya ang mga damit na hindi nakatupi nang makita ang sulok niyon. Ngunit walang nakatago roon. Kagat-kagat ang kaniyang kamao inikot niya ang kaniyang paningin sa kabuuan ng kuwarto. Hanggang sa tumama ang kaniyang mata sa ilalim ng kama. Napansin niya ang nakausling latang kahon kaya inilabas niya iyon. Binuksan niya iyon habang nakaluhod na walang inaaksayang sandali. Nalaman niyang naglalaman iyon ng mga maraming pera. Kinuha niya lahat ng mga isang libong piso. Hindi niya nakuhang bilangin at basta na lang niya nilagay sa bulsa ng kaniyang bag. Iniwan niya ang limang daan na tatlong piraso. Ibinalik niya rin naman ang kahon. Nang tumayo siya'y napansin niya ang isa pang kahon sa itaas ng kabinet. Inabot niya iyon na nakatingkayad. Kumunot ang noo niya nang buksan niya. Naglalaman ang kahon ng mga siringilya at vials na naglalaman ng berdeng likido. Kumuha siya ng isa na sinuksok niya sa bulsa bago lumabas. Sinipa niya pa ang dalawang patong ng speakers kasunod ng pinto kaya natumba iyon. Pagkalabas niya'y natigil siya sa balkonahe sapagkat naroon na sa harapan ng bahay si Roberto na masama ang tingin. Sa likuran nito ay ang dalawang lalaki't ang kaibigan niya. Hawak ng may pilat sa leeg ang kaibigan niya sa bitbit nitong bag. Napapatingkayad si Kenji dahil inaangat ng lalaki mula sa lupa. "Ibalik mo ang kinuha mo," mariing sabi ni Roberto. "Wala naman akong kinuha," pagsisinungaling niya naman dito. Sumama pa lalo ang mukha ni Roberto. "Ang galing niyo rin ano. Akala niyo maiisahan niyo ako. Huwag kayong magpatawa. Wala kayo sa kalingkingan ko," ani Roberto na ikinatawa ng dalawa nitong kasama. "Sasaktan ko na ba ito?" tanong ng may pilat sa leeg na hawak pa rin si Kenji. Pinagmasdan niya si Kenji na nahihirapan na sa pagtingkayad. Kapagkuwan ay binalik niya kay Roberto ang tingin. "Ibabalik ko na," aniya na inalalabas ang droga mula sa bulsa. "Ito na." Pinatong niya iyon sa harang ng balkonahe. "Mukhang mahalaga sa iyo. Marami ka nito," dugtong pa niya. Ngumisi nang matalim si Roberto. "Isama mo na rin ang pera," tiim ang bagang na sabi nito. "Hindi ko alam iyang sinasabi. Ano bang pera?" pagmaangmaangan niya rito. "Naririndi na ako sa iyo. Huwag mo akong pinagloloko." Hindi napigilan ni Kenji na magsalita. "Pabayaan niyo na kami. Pera rin namin kung kukuhanan namin kayo ng pera. Baka nakakalimutan niyo na sa amin ang isdang naibebenta niyo madalas," reklamo naman ni Kenji "Walang sa inyo. Mga siraulo kayo," mariing sabi ni Roberto sa kaibigan niya na may kasunod na mapaklang tawa. Binalik din nito kaagad ang tingin sa kaniya. "Akin na." Inilahad pa nito ang kamay para ilabas niya ang pera. Nagpumiglas ang kaibigan niyang si Kenji. Binitiwan naman ito na may kasama pang pagtulak kaya napadapa sa lupa ang kaibigan. Si Roberto naman ay humakbang na papalapit sa kaniya. Nagmadali siyang kumuha ng mga bote sa mesa matapos na ibalik sa bulsa ang vial. Binato niya ang isa sa kasamahan ni Roberto. Nadaplisan pa nga si Roberto na nagpayuko pa rito. Natamaan naman ang lalaki sa balikat. Sinunod niyang batuhin si Roberto na napailag ulit pakaliwa. Bago pa ito makalapit sa kaniya tinalon niya ito mula sa balkonahe. Sinipa niya ito sa dibdib na ikinabagsak nito na siya ring nagmamadaling pagbangon ni Kenji. Sabay nilang tinackle ang dalawang lalaki natigalgalan. Nagsisigaw pa si Kenji sa ginawa nila sa dalawang lalaki. Bumagsak din naman ang mga ito kaya nagkaroon sila ng pagkakataon na tumakbo. "Mananagot kayo sa akin?!" pagbabanta ni Roberto sa kanila pagbangon nito. Hindi sila lumingon sa mga ito at patuloy lang sa pagtakbo habang tumatawa. Naririnig na lang nila na sumusunod sina Roberto kaya paikot-ikot sila sa mga nakatambak na kotse. "Kinakabahan ako," ani Kenji na habol ang hininga. Ganoon pa man ang sinabi nito pero hindi nawawala ang ngiti nito. "Bilisan mo na lang," simple niyang sabi sa kaibigan pagkalampas nila sa mas mababang tambak. Nakahabol naman si Roberto pagliko nila sa kanan. Samantalang iyong dalawang kasamahan nito ay umikot para maharangan sila. Nahawakan pa nito sa bagpack si Kenji. "Huli ka," panunuya nito sa kaibigan niya. Sa nangyari binalikan niya ang mga ito. "Bitiwan mo siya," sigaw niya pa kay Roberto. Ngumisi lang ito sa kaniya imbis na makinig kaya sinipa niya ito nang malakas sa tuhod. Sinundan niya iyon kaagad ng isa pa sa leeg na nagtulak dito para pakawalan ang kaibigan niya. Napaupo na lang si Roberto at bago pa man siya makatayo ulit pinagsisipa ito ni Kenji sa tagiliran. Tinalikuran niya na rin ito. "Matagal ko nang gustong gawin ito sa iyo! Akala mo kung sino ka!" sabi ni Kenji. Hindi na nakapalag pa si Roberto't napahiga na lang sa lupa habang prinoproteksiyunan ang mukha. Natigil lang silang dalawa ni Kenji nang paparating doon ang dalawang lalaki pa. Mabilis ang takbo ng mga ito sa pagitan ng mga tambak ng kotse. "Tara na," aniya sa kaibigan. Hinila niya ito sa suot na bagpack. Pinabaunan pa ni Kenji si Roberto ng huling sipa sa mukha bago ito sumunod. Inakyat nila ang may kababaan na tambak hanggang makarating sa mataas. Dito sila tumakbo't nagtatalon para makalipat sa bawat tambak hanggang makarating sa dulo. Narinig na lang nila ang malakas na sigaw ni Roberto. Mula rito'y tumalon sila't napagulong paglapag sa lupa. Agaran din naman sila tumayo't kumaripas ng takbo patungo sa kalsada. Nilampasan lang nila ang mga kabahayan na naiikang si Kenji. Nakarating naman sila ng kalsada kaya naghintay sila ng masasakyan. Nilingon pa nga niya sina Roberto na malayo pa ang distansiya. "Si Mang Berting bro," ani Kenji kaya naibalik niya ang atensiyon sa kalsada. Pagkalingon nga niya'y paparating nga iyong isang pick-up truck na may kargang mga abuhing cooler. Pinara iyon kaagad ni Kenji. Pagkahinto na pagkahinto niyon sa harapan sumakay na sila katabi ng matandang nagmamaneho. Sa muling pag-andar ng sasakyan nilingon niya si Roberto na hindi na sumunod sa kanila't naiwang nakatayo sa gilid ng daan. "Akala ko ba ay sa tren kayo sasakayan?" saad pa ni Mang Berting na hindi inaalis ang tingin sa daan. "Ano bang nangyari sa inyo?" Umayos na rin siya ng upo habang pinapagpag ang suot. "Wala naman," ani Kenji na habol ang hininga. Nagkatinginan sila ni Kenji kasabay ng pag-apir.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD