Ramdam ni Arjo ang lamig ng hangin sa kanyang balat kahit suot niya ang pinaglumaang dyaket ng kanyang tatay. Katulad sa mga nakalipas na araw, tiniis niya lang iyon upang may maiuwi namang huli kahit papaano. Bata pa lang naman siya'y nasanay na ang katawan niya. Kaunting sandali na lang ang kanyang hinihintay upang maiahon nila ng kanyang matalik na kaibigan ang mga kahong panghuli.
Napapaikutan siya ng may kasungitang dagat na siya ring banayad na dumuduyan sa kinasasakyang niyang maliit na bangka.
Gumagawa pa ng hindi nagbabagong tunog ang paghampas ng tubig sa pakurbang katawan ng bangka; iyon ay mistulang isang musika na ang kalikasan lang ang nakakagawa.
Madalas siyang maaga kung bumangon sa matigas na katreng kahoy --- iiwan ang masikip at mainit na kuwarto niya na ang dingding ay gawa sa tagpi-tagping mga lata. Tumutungo siya kaagad ng piyer kahit walang laman ang tiyan. Kadalasan nga isang beses lang sa isang araw kung siya'y kumakain.
Hindi siya dumadaing sa kung anong naging pamumuhay niya at kahit sa kung sino ang naging magulang niya. Hindi niya sinumbat sa mga ito kung bakit hindi siya nakakapag-aral at madalas siyang lumiliban sa klase. Dahil tinutuon niya naman ang buong araw niya sa pagtratrabaho upang may makain sila ng kanyang pamilya. Umaabot pa nga sa kalagitnaan ng gabi kung minsan ang pagbabanat niya ng buto kapag may pagkakataon makadagdag lang sa kikitain.
Mula nang matanggal ang kanyang tatay bilang mensahero sa kapitolyo siya na ang pumalit dito bilang padre de pamilya sa murang edad na labing-isang taon. Anim na taon na rin ang nakalipas at ginagawa niya pa rin pagkahanggang sa sandaling iyon. Hinayaan niya lang ang kanyang magulang sa gusto ng mga ito habang siya ay abala.
Ginawa niya iyon upang kahit katiting naman ay matuwa ang mga ito sa kanya. Tinitiis niya ang bawat pagdaing ng kanyang katawan sa tuwing matutulog na siya. Hindi na niya inisip ang pagod para sa mga ito. Sapagkat ang nais niya lang ay tanggapin siya ng buong-buo at ituring na tunay na anak. Kaya lamang malayong mangyari ang inaasam niyang iyon.
Sa pag-upo niya sa hulihan ng bangka, napatitig siya sa nagsisimula ng sumilip na araw sa likod ng silwate ng isla ng Tablas. Mapapatingin talaga siya gayong nagbibigay ang senaryong iyon ng bagong pag-asa sa katulad niya. Iyong mga tala'y unti-unti na ring nagtago panandalian at babalik kapag nagdilim na naman ang kapaligiran.
Kabaliktaran ito ng pinapakitang mukha ng nakalutang na New Manila sa gawing hilaga. Ang nakalutang na siyudad ay isang senyales ng pag-usbong at paghihiwalay ng estado ng mga bawat mamayan. Mistula itong mga binaliktad na bundok ilang milya mula sa lupa, natatabingan ng mga ulap. Ang mga ilaw sa lansangan at gusali roon ang siyang nanghahalina sa mga tao sa ibaba.
Kumilos lang siya sa kinauupuan nang mag-ingay ang kanyang digital na relos sa kanyang kaliwang pulsuhan. Umilaw sa parisukat na pisngi niyon ang numerong lima kapares ang dalawang bilog sa kulay na asul. Sa bandang itaas din naman, umiindap-indap ang petsa nang araw na iyon --- 02.12.3012.
Matapos niyang pagmasdan ang oras tumayo siya't maingat na naglakad sa gilid ng bangka. Pinuntahan niya ang kanyang matalik na kaibigang si Kenji na mahimbing ang tulog. Nakasuot ito ng makapal na diyaket nang maprotektahan ang sarili sa lamig. Ang kamay pa nito'y magkatagpo sa dibdib habang nakatihaya nang higa sa pahabang upuan sa harap ng kuwadro ng reweda.
Pinitik niya ito sa noo upang ito'y magising. Sa una'y wala itong naging reaksiyon. Sa pangalawa lang ito bumalikwas ng bangon. Napahawak pa nga ito sa upuan nang makakuha ng suporta dahil sa isang maling akala.
"Ano ang nangyayari?" ang tanong pa nito habang inililinga ang paningin kaya nalaman nitong nasa tubig pa rin sila. Hinapo nito ang noong namumula. Kapagkuwan ay pinagmasdan siya nang tuwid. "Sabi ko nga sa iyo na huwag mo akong gigisingin nang bigla," reklamo pa ito. "Parang nawala ang kaluluwa ko sa iyo."
"Mahirap kang gisingin kaya bagay lang sa iyo. Tumayo ka na diyan para makauwi na tayo," pagsisinungaling niya na may manipis na ngiti sa labi.
Sumimangot na lang si Kenji na kinukusot ang mata nang maalis ang namumuong muta roon. Ang pisngi't tainga nito ay namumula na dahil sa lamig at alat ng dagat.
Kinuha niya na lang ang de bateryang lampara sa tabi nito. Iniwan niya ang kaibigan na may kasamang paghikab. Nang makarating sa gitna ng bangka inilapag niya roon ang lampara. Matapos niyang mag-unat ng kamay paitaas hinawakan na niya ang lubid na ang dulo'y nasa ilalim ng tubig, mahigpit ang kapit ng kanyang mga kamay dito. Huminga siya kapagkuwan nang malalim, pagkaraa'y sinimulang bumatak. Maging si Kenji ay ganoon din ang ginawa sa isa pang lubid sa kabilang ibayo ng bangka.
"Siyanga nga pala brad. Pinayagan ka ba na pumunta tayo ng New Manila?" ang tanong ni Kenji habang hila-hila nito ang lubid.
"Hindi pa nga ako nakakapagpaalam," aniya na hindi binitiwan ang lubid na kanyang hinihila.
Si Kenji naman ay bumitiw sa hawak nito. Tiningnan pa nga siya nito. "Ngayon kaya ang alis natin. Sayang naman kung hindi matutuloy," sabi ni Kenji.
"Malabo kasi akong payagan ni tatay. Alam mo naman walang kasama si nanay sa bahay," pagpapaalala niya sa kaibigan habang patuloy sa paghila sa lubid. Makikita ang paglabas ng ugat sa kanyang kamay at leeg sa pagtigas ng lubid.
"Oo nga pala. Kabuwanan na ng nanay mo," ang nasabi na lang ni Kenji. Binalik nito ang atensiyon sa lubid. Nakailang siyentemero pa lang ito nang hindi na nito mahila ang lubid. "Tulungan mo nga ako brad. Mukhang sumabit," tawag ng kaibigan niya.
"Lipat ka muna rito. Itong sa akin ang unahin natin," aniya sa kaibigan kaya nga pinabayaan na lang nito ang panghuli na malubog sa tubig. Nang makalapit naman ito'y isang metro na lang ang naiwan bago mismo ang parihabang panghuli.
Hinila niya nang hinila niya ang lubid hanggang sa nakita niya ang parihabang panghuli. Hinawakan niya ang mata ng metal na net na bumuo rito't inihaon katulong si Kenji sa kabilang dulo. Napangiti ang kaibigan niya sa nakikitang huli sa loob na iba't ibang klase ng mga isda. Kumakalampag pa ang mga iyon. Matapos na maihaon dahan-dahan nila iyong pinuwesto sa gitna ng bangka kalapit ng lampara. Nasisinghot pa niya ang lansa at alat na nadala ng panghuli.
"Mukhang sinuwerte tayo ngayon. Araw talaga natin ngayon, marami tayong mababaon sa pamamasyal natin," komento ni Kenji na labis na naliligayahan. Nagpatiuna ito sa paglapit sa ikalawang lubid.
Sumunod na rin naman siya sa kaibigan. "Ikaw lang ang pupunta," biro niya kahit na usapan talaga nila iyon. Hinigpitan niya ang kapit sa lubid. Samantalang ang kaibigan niya'y masama ang tingin sa kanya. Nawala rin naman iyon kaagad sa pagbibilang niya, "Isa, dalawa, tatlo."
Napasunod na lang si Kenji nang gamitan niya ng puwersa ang lubid nang maalis ang ikalawang panghuli. Nagtama pa ang kanilang mga siko sa pinagsama at pinagsabay nilang lakas. Nagsilabasan ang ugat sa kanilang mga kamay kasabay ng pagpigil ng hininga. Sa kasamaang-palad wala rin namang nagawa iyon. Sapagkat ni hindi man lang gumalaw kahit nang kaunti ang lubid.
Sabay pa silang napabitiw sa lubid at humugot nang malalim na hininga. Namula lang ang palad niya dahil doon.
"Mukhang sumabit a," komento ni Kenji habang nakatitig sa tubig. Hindi naman nito makita ang panghuli sa kadiliman sa ilalim.
"Nagkamali ka na naman ng hulog," aniya sa kaibigan sa paghakbang niya sa upuang hinigaan ni Kenji. Inilabas niya ang pailaw na nalulublob sa tubig at bilugang hingahan mula sa kahon mula sa ilalim niyon.
"Pasensiya naman," ani Kenji na may ngiti sa labi. "Sisirin ko," dugtong nito. Aakma pa itong kukunin ang hawak niya sa kanyang pagtayo.
Inilayo niya ang dalawang gamit sa kaibigan kasabay ng pag-iling ng ulo. "Ako na," pagpresenta niya na lang. "Baka mamaya manginig ka na naman sa lamig. Magrereklamo ka na naman sa akin."
"Sige, hinihintay nga kita na sabihin mo iyan," pabirong sabi ni Kenji nang ipahawak niya ang pailaw at hingahan.
Tiningnan niya ang kaibigan habang hinuhubad ang diyaket kasama ang kaniyang t-shirt. Salwal na lang ang naiwan sa kanyang katawan.
"Kapag may lumapit na naman sa ating bangka. Alam mo na gagawin mo. Mawawalan na naman tayo ng huli," bilin niya sa kaibigan. Tumango ito nang ibigay nito sa kanya ang pailaw na sinuot niya sa ulo. Ang huli niyang kinuha rito'y ang hingahan. Kapagkuwan ay tumayo na siya sa gilid ng bangka.
"Bilisan mo," biro ni Kenji. Ang mga kamay nito'y muli nitong pinagtagpo sa dibdib.
Kinagat niya sa bibig ang hingahan sa pagtitig niya sa tubig. Kapagkuwan ay tinaas niya ang kamao para sa kaibigan. Narinig niya pang tumawa ito sa kanyang paglusong una ulo.
Sa loob ng ilang segundo lang, nabalot siya kaagad ng tubig. Mas nanunuot sa kanyang katawan ang lamig habang nasa ilalim. Tinutok niya ang ilaw sa lubid at sinundan iyon. Hinila pa nga niya kasabay ng pagkampay ng mga paa nang makasisid nang maayos.
Mahigit isang daang metro rin naman ang haba ng lubid kaya natagalan siya nang kaunti. Dumudulas pa ang kanyang kamay. Lumalabas sa hingahan sa kanyang bibig ang mga bola sa kaniyang malumanay na paghinga. Nadaanan pa siya ng ibang mga isda na lumangoy din naman palayo. Mayamaya'y nalaman niya rin kung bakit nahirapan silang iangat ang panghuli.
Sa ilalim ng tumatamang ilaw, bumulaga sa kanya ang mababaw na trintsera kung saan nahulog ang parihabang panghuli.
Sa pagsipa niya sa tubig kasabay ng paghila, narating niya rin ang trintsera. Sinuri niya ang kalaparan ng panghuli't nalaman niyang sumabit ang magkabilang gilid nito sa nakausling bato. Hindi siya nagtagal pa't sinimulan niyang alisin ang bakal na panghuli. Nakailang ulit din siya ng buhat ngunit kahit kaunti'y hindi man lang niya naiangat iyon. Kung kaya nga'y lumipat siya ng puwesto. Tumapak siya sa buhanging nasa gitna ng trintsera't buong lakas na hinila paatras ang panghuli hanggang maalis ito sa pagkasabit. Nang sandali ding iyon, may kung anong nahagip ang kaniyang mata sa gawing kaliwa na nagtulak sa kanya upang tumigil.
Hindi niya inalis ang kamay sa panghuli nang inikot niya ang kanyang paningin sa nakabalot sa kanyang tubig. Sa bawat pagtama ng ilaw sa kung anong nakatingin sa kanya'y lumalayo ito't nagtatago sa dilim na hindi abot ng liwanag ng pailaw Ang buong akala niya'y pating pa iyon. Ngunit binalewala niya rin ang ideyang iyon lalo na't nang tumama na ang ilaw sa nakamasid sa kanya. Imbis na pating ang sumalubong sa kanyang mga mata, ang naroon ay isang mala-usok na nilalang na walang hugis. Kasing itim niyon ang kadiliman.
Nang bumukas ang mapulang mata nito kung saan sumalamin pa ang ilaw, nagmadali siyang lumangoy paitaas. Kasabay ng pagsugod sa kanya ng nilalang.
Hindi man lang siya nakalayo sa pagpulupot nito sa kaniyang paa. Pagkaraa'y hinaltak siya pabalik sa sahig ng dagat. Tumama pa ang likod niya sa may katulisang bato dahilan upang mapaungol siya. Sa pagtayo niya sa ilalim ng tubig, pinaikutan siya ng nilalang na sinusundan niya ng tingin. Hindi naman mahabol ng kanyang mga mata. Pakiwari niya'y pinaglalaruan siya kaya muli na naman siyang lumangoy paitaas. Sa pagkakataong ngang iyon, bumalot sa kaniyang buong katawan ang nilalang. Kahit na mayroong siyang kagat na hingahan hindi pa rin siya makahinga. Sinubukan niyang lumangoy paitaas ngunit walang nangyayari.
Malapit na siyang mawalan ng ulirat nang may kung anong siyang narinig sa kaniyang isipan.
Hindi ko lubos akalain na susuwertehen ako sa pananatili ko sa tubig dito, dinig niyang sabi ng kung sino na mayroong malalim na boses. Panigurado mabubusog ako sa araw na ito. Maari ko ring gamitin na lang ang katawan mo.
Sa lakas ng pagsasalita nito'y nalaman niyang nagmumula sa nilalang ang tinig. Hindi niya man alam kung ano ang dahilan kung bakit niya ito naririnig sa isipan, sinabihan niya rin ito.
Pakawalan mo ako. Wala kang makukuha sa akin. Sa sinabi niyang iyon natigil ang nilalang. Pinakawalan siya nito't pinakatitigan nang maigi nang malaman kung sino siya.
Nang magsawa ito'y muli siya nitong binalot dahilan kaya natanggal sa kanyang bibig ang hingahan. Mula rito'y pumasok sa kanyang bibig ang nilalang na nagtulak sa kanyang katawan upang manginig. Makalipas ang ilang segundo lang nahinto ang nilalang. Inilabas nito ang bahagi ng katawan nitong naunang naipasok kapagkuwan ay lumayo sa kanya.
Hindi niya naman malaman kung bakit natigilan ang nilalang. At dahil na rin sa kaba wala na siyang inaksayang panahon. Mabilis siyang lumangoy paibabaw. Pinagpasalamat niyang hindi na rin sumunod sa kanya ang nilalang.
Pagkaluwa ng kanyang ulo sa ibabaw ng tubig, lumangoy siya papalapit sa bangka kung saan naghihintay si Kenji. Dali-dali siyang umakyat sa tabi't tinulungan pa siya ng kanyang kaibigan. Humiwalay sa kanya ang mga kumapit na tubig. Nang makaahon sa dagat, paupo siyang nagpahinga sa sahig ng bangka na habol ang hininga. Inalis niya ang pailaw sa kanyang ulo't pinuno ang baga ng sariwang hangin.
Pinagmasdan siya nang maigi ni Kenji sa hindi niya pagsasalita. "Ano'ng nangyari sa iyo?" nagtatakang tanong nito.
Doon na niya naiangat ang paningin sa kaibigan. "May kung ano sa ilalim ng tubig. Muntikan na akong mapatay. Maitim na walang katawan. Mapula ang mga mata," aniya sa kausap. Kumunot ang noo ng kaibigan niya dahil hindi makapaniwala sa narinig.
"Baka pating lang," komento naman ni Kenji.
"Ano'ng pating? Nagbibiro ka ba? Hindi ako nagkakamali sa nakita ko," aniya't pinakita niya ang kaniyang kanang paa na nangingitim ang balat sa itaas ng bukong-bukong. "Kita mo ito? Hinila pa ako." Tinuro niya pa ang bahagi ng kaniyang paa na iyon.
Napatitig naman si Kenji sa paa niya. "Ano naman kaya iyon?" Pinisil pa nito ang paa niyang nangingitim kaya napangiwi siya.
Sinipa niya ang kaniyang kaibigan dahil sa kirot na naramdaman. Napalayo tuloy ito nang hindi masaktan. "Hindi ko alam," aniya na lamang sa kaibigan. Tumayo siya mula sa pagkakaupo.
Pinagmasdan niya nang maigi ang magulong tubig nang makasiguradong hindi lalabas mula roon ang nilalang. Wala na rin naman kaya umalis na siya sa tabi ng bangka.
Ibinabalik niya ang pailaw sa lagayan nang mapansin niya ang may kalakihang bangka sa hindi kalayuan. Sa ilaw na dala ng bangka'y hindi maganda ang pinapahiwatig nito.
Maging si Kenji ay napalingon din naman sa tinitingnan niya. "Ano ba naman iyan? Hindi ba tayo tatantanan ni Roberto na iyan!" bulalas nito.
"Patayin mo na lang iyang lampara," aniya sa kaibigan sabay lapit sa lubid.
Hinila niya ang lubid na gumaan na rin na siya ring pagpatay ni Kenji sa ilaw. Sa ginawa nito'y ang liwanag ng papasikat pa lang na araw ang nagbibigay tanglaw sa kanila. Tinulungan naman siya ng kaniyang kaibigan kaya naihaon nila ang panghuli sa loob ng ilang minuto. Pinagtulungan nilang ipatong iyon sa unang panghuli matapos maihaon sa tubig.
Makaraang bumitiw siya sa panghuli, nagmadali siyang pumuwesto sa reweda. Binuhay niya ang makina ng bangka. Samantalang si Kenji naman ay inalis ang angkla sa tubig. Palapit nang palapit naman ang may kalakihang bangka kaya nga paglapag ni Kenji sa angkla pinaharurot niya ang kinasasakyan nilang bangka.
Hinabol naman sila ng may kalakihang bangka na may sariling kubyerta. Sa unahan nito'y mayroong tatlong kataong nakatayo't sinusundan sila ng tingin. Sa pagtalon-talon ng kinasasakyan nilang bangka sa nadadaanang alon, napapahawak nang mahigpit si Kenji sa gilid ng kuwadro ng reweda. Wala rin namang nagawa ang bilis ng bangka nila't hindi nasiyahan nang biglang sumundot ang makina hanggang sa tuluyang namatay. Sa pagkahinto nila habang sinusubukang paandarin ulit ang bangka, naabutan na nga sila. Bumangga pa ang gilid ng may kalakihang bangka sa kinasasakyan nila sa labis na pagkadikit at umirit pa nang makapunit tainga.
Napabuntong-hininga siya nang malalim sa pagtitig niya sa tatlong nakatayo sa unahan ng malaking bangka; nakahawak ang kamay ng mga ito sa harang na bakal. Kapwa nakasuot ang mga ito ng asul na overall na damit. Mahigit sampung hakbang ang taas ng kinatatayuan ng mga ito kaya pababa ang tingin ng mga ito.
"Kumusta na mga kaibigan?" ang sabi ng lalaking nasa gitna na nagngangalang Roberto. Ang ngipin nito ay medyo naninilaw. Nakaguhit pa sa labi nito ang matalim na ngisi. Idagdag pa ang nakakarinding boses nito kapag nagsasalita na parang pinupunit na lata. Kapansin-pansin din ang pilat nitong namumuti sa leeg na tumakbo mula sa ilalim ng tainga paibaba ng balikat.
Mahigit anim na taon ang agwat nito sa kanila. Ngunit kung umasta ito'y parang batang paslit.
Walang araw na hindi sila nito ginugulo. "Huwag mo nga kaming kausapin na para namang kaibigan mo talaga kami. Hindi kami nakikipagkaibigan sa mga pogita na katulad mo," ang sabi naman ni Kenji. Tumayo pa nga ito nang tuwid na may masamang tingin para sa lalaki.
Ang dalawang lalaking kasama ni Roberto ay napatawa pa kaya sinamaan nito ng tingin na nagpabaluktot sa mga ito.
"Mababawasan ng tabas ang dila mo kapag pinutol ko iyan at ipakain sa pating," pagbabanta ni Roberto na umaarko pa ang makapal na nguso.
"Gawin mo na lang. Dami mo pang sinasabi," matapang na saad ni Kenji.
"Pinupuno mo talaga ako," mariing bawi ni Roberto. Pinagmasdan nito ang dalawang kasamahan sabay sabing, "Ilubog niyo ang bangka nila."
Bago pa man makakilos ang dalawa, nagsalita na si Arjo. "Kunin niyo na lang ang huli namin. Iyon naman ang gusto niyo. Pabayaan niyo na kami," aniya kay Roberto kaya napangiti na lang ito nang malapad kahintulad sa isang aso.
Sa sinabi niya'y nilingon siya ni Kenji na nabahiran ng pagtataka ang mukha. "Brad, paano naman iyong pagtitiis natin? Tapusin na natin ang kalokohan nila ngayon," anang kaibigan niya.
"Mas gusto mo bang lumubog tayo rito't hindi na makauwi?" patanong niyang saad sa kaibigan na ikinagbagsak ng balikat nito. "Hayaan mo na sila. Darating din ang araw na titigil ang mga iyan."
"Makinig ka na lang sa kaibigan mo Kenji. Tama rin naman siya," ang sabi ni Roberto na may karugtong na tawa. Dahil doon naibalik ni Kenji ang atensiyon dito.
Nanatili silang pinagmamasdan ang tatlo habang gumagalaw ang dunghal sa likod ng mga ito. Sa pagpihit ng dunghal patungo sa maliit na bangka kumalatong pa ang katawan na bakal nito.
Nang pumantay iyon sa kanilang bangka, pumaibaba ang de kadenang mga kuko nito na sumakop sa unang panghuli. Wala na ngang nagawa si Kenji't hinatid na lang ng tingin ang pagtaas ng panghuli na inililipat ng dunghal. Samantalang si Roberto nang-aasar ang pagtawa, pati ang mga kasama nito ay nakikisali. Matapos ang unang panghuli, sinunod kaagad ang pangalawa. Tumutulo pa ang tubig-alat mula rito. Pagbagsak niyon sa malaking bangka gumawa pa nang malakas na tunog na umalingawngaw at natabunan ng ugong ng hangin.
"Isang araw pagsisihan mo ang lahat ng ito," pagpapaalala ni Kenji.
Hindi iyon pinansin ni Roberto. Hindi man lang ito natakot. "Paano sa susunod ulit," pang-aasar pa na sabi ni Roberto sa muling pag-usad ng may kalakihang bangka.
Pinagmasdan ni Arjo nang maigi ang sumamang mukha ng kaniyang kaibigan na si Kenji. Malalamang hindi lang ito galit kina Roberto. Naiinis din ito sa kaniya. Hindi nga siya nagkamali dahil paglingon nito sa kaniya'y matalim na ang tingin nito.
"Ano?" aniya kahit alam naman niya kung ano ang ikinasasama ng loob nito.
"Bakit ba hindi ka man lang lumalaban sa mga iyon?" ang tanong nito.
"Para ano? Para mapahamak tayong dalawa? Hindi mo alam kung ano ang kayang gawin ni Roberto. Totohanin niya ang banta niya kung nagmatigas pa tayo."
"Kahit na. Harapin mo naman sila kahit minsan. Ilang ulit na nangyari sa atin ito. Puro ka na lang pananahimik," pangaral ni Kenji sa kaniya.
Pinakatitigan niya ang kaibigan habang ididuyan ang bangka ng alon. Kasabay ng pag-ihip ng hangin.
"Huwag mo akong turuan kung ano ang dapat kong gawin," sabi naman niya nang hindi na niya nagustuhan ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
"Ang sabihin mo duwag ka lang talaga."
Nais niya sanang batuhin ng bruhula na nasa tabi ng reweda. Hindi niya lang itinuloy dahil baka mag-away pa silang dalawa sa pananatili nila sa dagat.
"Tigilan mo ako, Kenji," sabi na lang niya kahit nagmumukha talaga siyang duwag sa pag-iwas niya.
Minabuti niya na lang na suriin ang makina ng bangka. Iniangat niya lang ang sara sa likuran niya nang makita ang makina. Pinagmasdan niya nang maigi kaya nalaman niyang natanggal na naman ang gomang tumatakip sa spark plug. Lumuhod siya upang maabot iyon.
Nahirapan pa siyang ikabit iyon dahil sa paggalaw ng bangka. Naibalik niya naman kahit na nagtataka kung bakit iyon natanggal.
Sa pagsara niya ng takip humampas ang may kalakihang alon kaya umangat ang bangka. Nang sandaling iyon ay naglalakad si Kenji patungo sa unahan upang doon maupo. Sa lakas ng paghampas ng alon nawalan ito ng balanse't nadulas pa kaya nga nahulog ito sa tubig. Ni hindi ito nakakapit sa gilid. Samantalang siya ay napahawak sa kuwadro ng reweda kaya hindi siya bumagsak. Kitang-kita niya kung paanong nilamon ng tubig ang kaniyang kaibigan.
Sa pagpantay ng bangka, tinakbo na niya ang kaniyang kaibigan. Hinanap niya ito sa magulong tubig ngunit hindi niya ito makita. Pumaikot-ikot na siya sa bangka para lamang sa kaibigan. Sa kasamaang-palad ni senyales na pumapaibabaw ito ng tubig ay wala. Hindi na siya nag-aksaya ng oras at muling lumusong sa tubig. Natatakot siyang baka sinundan sila ng nilalang. Sa ilalim ng liwanag ng sumisikat araw, nakakita siya kahit papaano sa tubig. Ngunit hindi niya pa rin mahanap si Kenji. Pumaibabaw lang siya ng tubig upang kumuha ng panibagong hangin. Nang sandaling lumuwa ang kaniyang ulo, nakita na niya nga si Kenji na lumalangoy pabalik ng bangka. Maging siya'y lumapit na rin ng bangka.
Inunahan pa nga niyang makaakyat si Kenji upang matulungan ito. Hahawakan na niya ito sa suot nang alisin nito ang kamay niya. Kaya hinayaan niya lang itong alisin ang sarili sa tubig. Kinuha niya na lang hinubad na diyaket na kaniyang itinabon sa mukha ng kaibigan sa panginginig nito habang nakaupo.
Alam niyang kapag gaanoon si Kenji hindi niya ito makakausap. Pumunta na lang siya ng reweda't sinubukang paandarin ang makina. Nakahinga siya nang malalim sa pag-ugong naman iyon. Muli niyang pinausad ang bangka habang ang kaibigan niya'y pumuwesto sa harapan ng reweda na nagpapalit ng basang diyaket. Sinuot din nito ang pinahiram niyang diyaket na luma.
Laman ng kaniyang isipan kung anong nangyari roon sa nilalang. Naitanong niya sa kaniyang sarili kung ito ang may gawa kaya huminto ang kanilang bangka. Hindi niya rin naman mabigyang kasagutan dahil wala namang nakabuntot sa kanila. Hindi rin siya makapaniwala dahil nang mahulog naman si Kenji ay wala rin namang masamang nangyari rito. Sumagi tuloy sa likuran ng kaniyang isipan ang pagdadalawang-isip; marahil isa lang naman iyong imahinasyon na paminsan-minsan niya ring nararanasan.
Naalala pa nga niya iyong araw na papauwi siya galing ng paaralan noong nasa elementarya pa lang siya. Ang alam niya'y mayroong sumusunod sa kaniya. Ngunit sa bawat paglingon niya'y wala namang siyang nakitang nakabuntot sa kaniya.
Kaya lang parang totoo iyong nilalang gayong malinaw pa nga niya itong narinig sa kaniyang isipan. Lalo pa't nahawakan siya nito sa paa.
Nahihilo lang siya sa labis na pagtakbo ng isip kaya itinigil niya lang. Sa huli pinagpalagay niyang pinaglaruan lang siya ng kaniyang mata dulot ng pinagsamang puyat, pagod, lamig at kadiliman ng tubig. Marahil pogita lang iyong kumapit sa paa niya. Nakapaimposible rin naman kasing makakita siya ng kung ano sa ilalim ng tubig sa panahong iyon.
Binaling niya na lang ang atensiyon sa unahan sa matuling pag-andar ng kanilang bangka. Tumataas-baba iyon dahil sa ilang matataas na alon. Sa malayo'y nakita niya pa ang may kalakihang bangka ni Roberto at ilan pa na papauwi na rin.
Nang marahas na nanginig si Kenji, pinabayaan niyang umaandar ang bangka. Pinuntahan niya ang kaniyang kaibigan sa panginginig ng katawan nito't pagkalog ng balikat nito. Ilang hakbang na lang siya rito nang mapaluhod si Kenji at ang mga kamay nito'y sapo ang tiyan. Nanunubig na rin ang mga mata nitong tila luluwa na.
Pagkadikit niya kay Kenji hinapo niya ang likod nito na sinundan iyon ng pagsuka. Kumalat pa sa sahig ang namumuting tubig na nahaluan ng piraso ng mga nakain nito.
Tinulak siya nito sa dibdib matapos iyon. "Doon ka," saad pa nito. Napaatras na lang siya sa kagustuhan nito.
"Nag-alala lang ako sa iyo," sabi naman niya sa kaniyang pagtayo.
"Nahihilo lang ako," pagbibigay-alam naman ni Kenji sa pagbangon nito muka sa pagkaluhod.
Tiningnan niya ito nang maigi dahil naiisip niyang muli itong matutumba. Nakaupo na rin naman ito nang maayos sa harapan ng reweda kaya binalikan niya na lang ang pagpapaandar sa bangka. Sa mukha niya'y tumatama ang malamig na hangin.
Ilang sandali pa'y natanaw na rin niya ang maliit na bayan ng Calatrava na humugis gasuklay na buwan. Dito patungo ang mga bangkang pangisda kasama na ang kina Roberto. Sa malayo'y tila pinagpapatong lang na kahon ang mga kabahayan doon. Pati ang kabundukan nito'y kinatatayuan na rin ng mga bahay sa paglubo ng populasyon. Mayroon itong limang mahahababg piyer kung saan nakadaong pa ang ibang mga bangka.
Nadaanan pa nga nila ang pulang boya na mayroong umiindap-indap na berdeng pailaw sa tuktok. Sa dakong iyon ay kumakalma na ang tubig. Hindi na gaanong magalaw ang bangka.