Samyo ng air freshener ang siyang pumupuno sa loob ng unahan ng pick up truck na nagbigay kaginahawahan kay Arjo. Malayong-malayo ito sa hangin sa labas na nahaluan ng polusyon. Parating ganoon ang estado ng sasakyan, binibigyan talaga ni Mang Berting ng panahon ang paglilinis niyon. Paminsan-minsan nga nauutusan pa siyang maglinis kapag sobra na ang pagod ng matanda. Dahil dito hinihila siya ng antok upang umidlip habang nasa biyahe. Ang kaibigan nga niyang si Kenji na pumagitna sa kanila ng matanda ay nakatulog na. Makakatulog talaga sila gayong ang tugtog pa na inilalabas ng mini-speaker na nakakabit sa dashboard ng sasakyan ay purong tunog lang ng piano. Sapat lang din ang binubuga ng aircon sa kanilang uluhan nang hindi nila maramdaman ang init ng araw na tumatama sa bubong.
"Maling araw ang pagpunta niyo ng New Manila," ang nasabi ng matanda.
Kanang kamay lang nito ang nakahawak sa kayumangging manibela ngunit hindi rin naman ito nahihirapan sa pagmamaneho. Ang isa nitong kamay na metal ay nakapahinga lang sa hita nito. Naputolan ito noong nagsisilbi pa itong pulis.
Sa pagkakaalam niya nasabugan ito nang minsang rumisponde ito sa pabrika ng kuryente. Pakiramdam niya naman hindi iyon totoo na hindi na rin niya masyadong inusisa pa. Isa nga namang hindi iyon isang magandang ala-ala.
"Bakit mo naman nasabi?" tanong niya rito na parang magkaibigan lang.
Nasanay na sila ni Kenji na kausapin si Mang Berting sa ganoong paraan. Iyon din naman ang gusto ng matanda nang magmukha rin itong bata. Ang matanda rin ang natatakbuhan nila kapag mayroon silang problema ng magkaibigan. Parati sila nitong kinukuwentuhan ng mga nangyari sa buhay nito. Hindi lang niya alam kung alin ang totoo at gawa-gawa lang nito. Gayunpaman pinakikinggan pa rin niya ito kung tinuturuan siya ng tamang mga gawi.
"Hindi ka nanonood ng balita?" tanong pa nga nito.
Umiling siya ng kanyang ulo bilang tugon sa naging katanungan ng matanda. "Alam mo naman hindi. Sa umaga sa tambakan kami, sa gabi naman sa palengke at sa kinaumagahan nagpapalaot naman. Walang panahon para manood," pagpapaalala niya sa matanda. "Ano bang mayroon?" dugtong niyang tanong.
"Ngayon ang simula ng kampanya ng mga kumakandedato bilang presidente roon," pagbibigay-alam ng matanda. "Kaya posibleng sa pagpunta niyo roon maraming checkpoint. Asahan niyo na magkakaroon ng gulo. Mahihirapan kayo kung madamay kayo."
"Hindi naman kami pupunta kung saan ang mga kandidato. Pamamasyal ang ipupunta namin doon at hindi ang pakikinig sa kanila," aniya naman sa matanda.
"Kahit saang kalye puwedeng pagsimulan ng gulo. Mga ganitong araw nangyayari ang ganoon."
"Huwag kayong mag-alala. Iiwas naman kami kung pakiramdam namin tataon iyang naiisip mo."
Saglit siyang sinulyapan ng matanda't binalik din sa daan ang mga mata. "Sa tono ng pananalita mo, mukhang hindi iyon ang gagawin ninyo. Baka magnakaw kayo sa dami ng tao roon," ang sunod-sunod na sabi ng matanda.
"Malabo naman iyan Mang Berting. Hindi namin ipapahamak ang sarili namin. Wala kaming balak na magnakaw," aniya sa matanda kahit hindi rin naman siya sigurado. Nakapagdala na rin sila ng pera na nakuha niya kay Roberto kaya baka hindi naman sila magnakaw.
"Siguraduhin mo lang. Kilala ko kayo ni Kenji," paniniguro ng matanda. "Mangako ka na hindi ka magnanakaw."
Pinagtagpo niya ang kanyang mga braso sa dibdib. "Huwag na."
"Isa, Arjo. Naghihihtay ako," pamimilit ni Mang Berting.
Napabuntong-hininga na lang siya nang malalim habang tinataas ang kanang kamay paturo sa kalangitan. "Sige na nga," pagsuko niya na lamang sabay baba ng kamay. "Iyan tapos na."
"Mabuti naman." Mayroon itong inabot sa lagayan sa uluhan lang nito. Inipit ng daliri nito ang nakadikit doon na itom na kard kapagkuwan ay sinara rin ang lagayan. "Ito kunin mo kung maipit nga kayo." Inabot nito sa kanya ang kard na kinuha niya rin naman.
"Ano ba ito?" tanong niya habang iniikot ang kabuuan ng hawak.
"Numerong puwede mong tawagan. Ano pa bang tingin mo diyan?"
Nakita nga niya sa harapan ng kard ang numero sa pinakagitna na ginintuan ang kulay. Iyon lang ang laman at walan ng iba pang nakalagay. Ni pangalan ay hindi naimprinta roon.
"Kanino ba ito?" ang sumunod niyang tanong.
"Sa kakilala kong si Mikael. Matutulungan kayo niyan. Tawagan mo lang kapag kailangan lang talaga. Masyado pa namang abala ang taong iyon." Niliko nito ang sasakyan sa pakurbang daan na paibaba. "Kunin ma na," pagtulak nito nang mapansing nag-aalangan siyang itago iyon.
Pakiramdam niya iyong Mikael na sinasabi nito ay miyembro ng sindikato dahil sa kulay ng kard.
"Ito na para hindi ka mag-alala," aniya kasabay ng pagsuksok niya sa kard sa kaliwang bulsa ng suot na short.
Sa katapusan ng kanilang pag-uusap narating na nila ang mga kabahayan na nagtatayugan pa rin. Kinuha nila ang daan sa gitna hanggang sa makarating sa pasukan ng mahabang tulay. Sa bukana niyon ay nakatayo roon ang mataas na parisukat na poste sa magkabilang ibayo na sa unang tingin ay aakalaing basta lang poste.
Matapos silang makalampas dito kasabay ng iba tumunog at umilaw ang berdeng lente sa gitna ng manibela. Indikasyon na makakatuloy sila na walang aberya.
Inakyat na nga ng pick up truck ang pataas na bahagi ng tulay. Nang pumantay doon niya nakita ang mga barkong nasa tubig-dagat sa ibaba. Ang mga usok na gawa ng mga ito'y naiiwan sa hangin.
Pokus lang sa pagmamaneho ang matanda at siya naman ay nanatiling nakapako ang tingin sa malayo. Ang kaibigan niya ay natutulog pa rin. Hindi rin nagtagal narating nila ang sumangang tulay makalipas ang limang minuto. Kinuha nila ang kanan sa pangalawang lane samantalang ang ibang mga kasabay nila ay sa kaliwa na magdadala sa mga ito sa kapitolyo ng probinsiya ng Romblon.
Nang makaliko'y bahagyang bumagal ang kanilang pagtakbo dahil sa mahinang daloy ng trapiko sa lane na tinatahak nila. Sa kabilang lane naman ay hindi naman mabigat kaya nagtataka ang matanda.
NASA KALAGITNAAN na ng tulay ang sasakyan nang makita nila ang kaguluhan sa tabi. Naroong nakahanay ang ibang sasakyan na nagkayupi-yupi. Sa estado ng mga iyon malalamang nagkarambola. Doon niya naitindihan kung bakit sumisikip nang kaunti ang daloy ng mga umaandar ng sasakyan sa bahagi na iyon ng tulay.
Hindi niya maiwasang tumingin nang maigi doon. Ito namang si Mang Berting ay inihinto ang kinasasakyan nilang pick up truck. Itinabi nito bago ang hanay ng mga nayuping sasakyan. Patuloy lang ang pag-andar ng ibang sasakyan na nilalampasan ang pulis trapikong nagbabantay. Ang ilan namang mga taong nakatayo kalapit ng harang ay nakatanaw sa ibaba kung saan naroon inaahon ng isang barko ang nahulog na kotseng pula. Nakasuot ang mga ito ng parehong uniporme na suot ng pulis trapiko --- kulay asul na linen na diyaket na mayroong dalawang mahabang yellow green na linya na nagmumula sa balikat.
"Dito ka lang. Magtatanong lang ako," sabi ni Mang Berting nang patayin nito ang makina ng sasakyan. Tumango lang siya bilang sagot dito.
Matapos nga nitong buksan ang pinto lumabas na ito. Sa malakas na pagsara nito roon naalimpungatan ang natutulog na si Kenji.
"Nakarating na ba tayo?" ang nakuha pang itanong ni Kenji na kinukusot ang mata. Hindi niya ito tinitingnan dahil ang mga mata niya ay nakasunod kay Mang Berting na naglalakad patungo sa mga kalalakihan.
"Hindi pa," tipid niyang sagot sa kaibigan.
Si Kenji naman ay pinagmasdan ang labas sa unahan nila na pikit ang kaliwang mata. "Anong nangyari ba? Bakit tayo huminto?' anang kaibigan niya.
"Nagkaroon ng aksidente. Bumaba lang si Mang Berting para magtanong," pagbibigay alam niya sa kaibigan.
Hindi na rin naman nila pinagtakhan ang bagay na iyon dahil nga sa nakaugalian na ng matanda ang magtanong-tanong lalo na pagdating sa bagay na ganoon, resulta ng dati nitong trabaho na dala-dala nito sa pagtanda.
Pinagmasdan lang nila ang pakikipag-usap ng matanda sa isa mga lalaking manipis ang buhok sa bunbonan. Ang ibang kasamahan nito'y napapalingon sa pick up truck na tila alam ng mga ito kung sino ang nakasakay. Napakunot pa nga ang noo niya dahil sa klase ng tingin na binibigay ng mga ito --- tingin ng mga pumapatay ng tao. Pagkapikit-bukas niya ng kanyang mata napagtanto niyang imahinasyon lang niya na tinitingnan siya ng mga lalaki. Napakamot na lang siya ng kanyang ulo, nasabi niya na lamang sa sarili na nanaginip siya ng gising dahil sa pagod.
"Bumaba na rin tayo," sabi pa ni Kenji. Tinutulak siya nito sa balikat para kumilos siya sa kinauupuan.
"Huwag na," pagpigil niya naman sa kaibigan. Inalis pa nga niya ang kamay nito. "Wala ka namang makukuha."
"Anong wala? Paano mo malalaman kung wala nga kung hindi ka naman bumaba. Mas magandang makita mo sa malapitan," ani Kenji sa kanya. Muli siya nitong tinulak sa balikat kaya binuksan niya na nga lang ang pinto.
Bumaba na nga rin talaga siya sa kagustuhan ng kaibigan niya na sumunod din naman kaagad ng baba. Ito na rin ang nagsara ng pinto. Nanginig pa nga ito sa lamig ng ihip ng hangin na tumatama sa kanila matapos na bumitiw sa sasakyan. Sa lakas ng buga nadadala niyon ang kasuotan nilang dalawa lalo na ang manipis na tshirt ni Kenji. Siya naman ay napansin ang naiwang guhit ng gulong sa aspalto patungo sa nasirang harang ng tulay. Pinagtagpo na lang ng kanyang kaibigan ang braso nito sa dibdib nang malabanan ang panginginig.
"Bumalik ka na lang kaya sa loob. Nagmumukha kang kambing sa kalagayan mo," puna niya sa kaibigan sa paghakbang nila sa unahan ng pick up truck.
Sinamaan siya ng tingin ni Kenji kasi hindi nito gusto na tinatawag na kambing. "Palibhasa ikaw manhid na," buwelta naman nito na ikinibit-balikat niya lang. "Nagtataka ako sa iyo. Hindi ka man lang tinatablan ng lamig."
"Pinagtataka ko nga rin iyon. Hindi lang ikaw." Tinapik niya ang kaibigan sa balikat.
Pinagmasdan niya nang maigi ang itim na kotseng nasa hulihan ng hanay ng sirang sasakyan, nayupi ang kaliwang gilid nito. Sa lakas ng bumangga rito umabot sa magkabilang dulo ang sira. Napansin niya pa ang naiwang dugong tumutulo sa nasirang pintuan nito mula sa loob.
"Sa tingin mo ilan ang mga namatay?" tanong ng kaibigan niya na nasa kanan niya.
Tiningnan niya ito sa mukha. Hindi niya inasahan ang katanungang iyon ng kaibigan niya. "Ang bilis mo namang mag-isip. Hindi ba puwedeng, walang namatay?" aniya naman sa kaibigan.
"Sa klase ng eksidente may mamatay talaga. Tingnan mo nga," ani Kenji. Umiral na naman ang pagiging maisip nito. Tinuro pa nito ang huling sasakyan hanggang sa dulo. "Halos lahat nayupi ang kalahati kung saan ang drayber. Malaki ang posibilidad na mayroong hindi nakaligtas na drayber," dugtong pa nitong paliwanag pagkababa ng kamay. Muli nitong niyakap ang sarili.
"Alam mo ba iyong salitang himala. Nakaligtas ang lahat. Sinuwerte," aniya naman sa kaibigan.
"Huwag mong lokohin ang sarili mo Arjo. Alam natin pareho na sa panahon ngayon wala na ang himala na sinasabi. Sa posibilidad at bilis ng mga pangyayari hindi na makakapag-isip ang mga sakay ng nabanggang sasakyan." Pumiksi ang kaibigan niya sa muling pagbuga nang malakas ng hangin.
Tama rin naman ang kaibigan niya patungkol sa himala kaya wala na siyang sinabi sa bagay na iyon. "Marahil nga. Pero hindi magandang ganoon ang iniisip mo. Mahalaga ang buhay ng tao."
"Sabihin mo iyan sa mga pumapatay hindi sa akin. Sinasabi ko lang ang katotohanan," paliwanag naman ni Kenji.
Naputol sila sa pag-uusap nang lapitan sila ng pulis trapiko. Ang bibigat ng hakbang nito dahil sa suot na bota. "Hindi kayo puwedeng makiisyoso. Bumalik na kayo sa sasakyan niyo. Nakakaabala kayo sa trabaho ko," anang lalaki. Mapapansin ang lalim ng mata nito na kung makatitig sa kanila tila lalamunin sila ng buo.
"Sino ba kasing may sabi sa iyo na umalis ka sa puwesto mo, manong. Wala naman a," birada ni Kenji sa pulis trapiko. Sa sinabi nito'y lalong sumama ang tingin ng lalaki sa kanila.
Upang makaiwas hinila na niya si Kenji palayo rito. Hinatid na lang sila ng tingin ng lalaki bago ito bumalik sa puwesto. Sila naman ay lumapit sa harang ng tulay na abot sa kanilang mga balikat ang taas.
"Siraulo ka talaga," sabi niya pa sa kaibigan.
Ngumiti ito sa kanya. "Kung makapagsalita naman kasi para namang kasalanan natin kaya mabigat ang daloy ng trapiko," pagbulong na sabi ni Kenji. Tumingin ito paibaba sa nasirang harang na bakal. "Nahulog ang isa brad. Sigurado diyan hindi nakaligtas ang sakay."
Nailing na lang siya ng ulo para rito. Maging siya ay sumilip din. Ang mga kamay niya'y kumakapit sa dulo ng nasirang harang nang hindi siya mahulog kung sakali. Pagtingin nga niya sa ibaba, nakita niya ang barkong umaahon sa nahulog na sasakyan. Sa taas ng tulay nagmukhang maliit na laruan sa mata niya ang barko. Sa dulo ng crane na ginagamit ng barko'y isa ngang pulang kotse. Naiiwan ang tubig sa unti-unting paglitaw ng hulihan nito.
Umalis sila sa pagkasilip nang magsalita si Mang Berting. "Bumalik na kayo. Aalis na tayo," aniya kaya lumayo na sila sa sirang harang.
Nagpatiunang maglakad ang matanda patungo sa pick up truck na sinundan naman ni Kenji. Bago pa siya makasunod napalingon siya sa mga kalalakihan dahil sa pagbulungan ng mga ito. Paghakbang niya'y napatingala siya kalangitan sa pagdaan ng mga uwak. Sa dami ng uwak mapapatingin talaga siya. Patungong hilaga ang lipad ng mga ito. Inalis niya rin naman ang tingin sa mga ito nang businahan siya ng matanda.
Tumuloy na siya ng pick up truck at umakyat na rito.
"Anong nalaman mo Mang Berting?" pag-usisa niya sa matanda nang isara niya ang pinto.
"Oo nga, ano?" segunda pa nitong si Kenji.
Bago pa man magsalita ang matanda pinaandar na nito ang sasakyan. Nakisabay itong muli sa mga napapadaan. Nilampasan pa nga nila ang pulis trapiko na masama pa rin ang tingin.
"Huwag niyo ngang alamin," sabi naman ng matanda.
"Sabihin mo na. Malalaman din naman iyan sa balita. Kaya sabihin mo na lang sa amin ngayon din mismo," pagpupumilit ng kaibigan niya.
Napabuntong-hininga na lang nang malalim ang matanda at inilahad na nga nito ang tunay na nangyaring aksidente.
"Iyong pula na kotse bago ito nahulog. Pinagbabangga niya ang mga sasakyan na nasa unahan nito," pagsisimula ng matanda. Nang sandaling iyon nalampasan na nila ang hanay ng mga nasirang sasakyan. "Ayon sa nakita nila sa kuha ng camera mukhang sinadya talaga ng may-ari ng pula na kotse. Kasi hindi naman ito nawalan preno. Umaatras pa nga nang mabangga ang nasa hulihan naman. Pagkatapos nang huli na'y binangga na ng may-ari ng kotse sa harang kaya ayun nahulog sa tubig."
Hinintay nila na mayroong idugtong ang matanda pero wala na rin naman. Nagsalita na pa nga si Kenji. "Iyon na?" tanong nito na tinugon ng matanda ng isang tango. "Siraulo iyong drayber kaya niya nagawa ang ganoong bagay."
"Posible nga. Sino naman ang nasa matinong pag-iisip ang mangdadamay ng ibang tao," komento rin naman niya sa nalaman.
"Sumasangayon ako sa iyo brad," dugtong pa ni Kenji. "Hindi ko rin naman masisi iyong drayber. Kung napagod na rin siguro siya sa takbo ng buhay." Binaling nito ang tingin sa matanda. "Siya nga pala Mang Berting? Kumusta iyong mga nadamay."
"Patay lahat," ang naalangang sabi ng matanda.
Dahil doon nilingon siya ni Kenji. "Sabi ko sa iyo brad. Hindi pa ako nagkakamali sa hinuha ko," ang pamamalaking sabi pa nito.
"Masaklap ang nangyari. Hindi mo talaga malalaman kung kailan ka nga malalagutan ng hininga," sambit niya habang sa malayo pa rin ang mga mata.
Wala na rin naman siyang narinig mula sa kaibigan niya sa pagpapatuloy ng sasakyan. Mayamaya'y bigla na lang lumindol. Itinabi kaagad ng matanda ang sasakyan dahil iyong ibang mga kasabay nila nagsisiunahan. Napuno ang labas ng busina.
"Mang Berting, bakit tayo huminto?" tanong ni Kenji sa patuloy na panginginug ng tulay. Napakapit pa nga ito sa kanyang braso. Siya naman ay huminga lang nang malalim upang kumalma.
Nahulog pa iyong mga nakalagay na mga papel sa lagayan sa uluhan ni Mang Berting sa pagbukas niyon. Kumapit naman siya sa likod ng pinto.
"Kaysa naman maipit tayo sa gitna ng ibang mga sasakyan. Mas mahirap iyon," sabi naman ng matanda. "Labas na para makatalon pa tayo sa tubig."
"Mamatay tayo kung tatalon tayo. Alam mo ba kung gaano kataas ang tulay?" mabilis na sabi ni Kenji. Pagkatapos niyon nawala rin ang lindol kaya bumitiw na ito sa kanya. "Kinabahan ako roon a. Wala naman sa tiyempo ang lindol. Kung saan narito tayo sa tulay doon pa lumabas. Mabuti na lang talaga." Hinapo pa nito ang dibdib.
Huminga naman siya nang malalim. Naibaling niya ang tingin sa unahan dahil sa naggitgitan doong mga sasakyan sa pagmamadali. Nagsiayos din naman ang mga iyon kaya muling bumalik ang dating daloy ng trapiko.
"Sinusuwerte pa rin kayo," komento ng matanda nang buhayin nito ang makina.
"Tama ka diyan Mang Berting. Akala ko hindi na ako makakaranas na magkaroon ng kasintahan," sabi ni Kenji na ikinailing ng ulo ng matanda. Sinundan iyon ng pananahimik nila.
Habang nasa biyahe pa rin hindi na niya nalabanan ang antok. Dinagdagan pa ni Mang Berting ang volume ng tugtog. Nakaupo lang siya nang mahulog siya sa malalim na pagtulog. Ang ulo niya ay nakapatong sa sandigan samantalang ang kanyang mga braso ay magkatagpo sa kanyang dibdib. Hindi na rin naman bago na nakakatulog siya sa ganoong posisyon. Muli na naman siyang nanaginip nang masama na hindi niya gusto. Sapagkat iba ang dating ng mga panaginip niya. Pakiwari niya'y totoo ang lahat ng iyon.
MADALAS NA NATATAGPUAN ni Arjo ang kanyang sarili sa loob ng kanyang panaginip sa gitna ng nawasak na siyudad. Kahit saang dako man siya tumingin ang bumabati sa kanya ay natibag na mga gusali. Naglalaro pa sa hangin ang makapal na itim na usok.
Ni hindi niya alam kung mayroon pang ibang makikitang tao roon maliban sa kanya.
Isa lang ang sigurado siya. Iyon ay ang naririnig niyang iyak ng mga tumipon na uwak sa kalangitan na nagmumula sa timog. Nang lumingon nga siya, nasaksihan niya ang nagsisiliparang mga uwak na patungo sa kanyang kinatatayuan. Sa sobrang dami ng mga ito nahaharangan na ang liwanag ng araw.
Ramdam niya ang marahas na pagtibok ng kanyang puso habang nakakatutok siya sa mga uwak. Pati ang isipan niya'y matulin ang takbo, naghahanap ng tamang gawin sa sitwasyon na iyon. Sa kasamaang-palad wala siyang maisip na mas magandang paraan kundi ang tumakbo lamang. Kusang gumalaw ang kanyang mga paa na tila naghahabulan sa kanyang bilis. Sa bawat pagtapak ng kanyang paang walang sapin sa maruming daan lumilipad ang alikabok.
Hindi rin nagbabago ang pagkasunod-sunod ng mga senaryo kaya alam na niya ang susunod na mangyayari.
Pagkarating niya sa dulo ng daan naabutan na siya ng mga uwak. Pinaikutan siya ng mga ito kawangis ng isang ipo-ipo kaya nasa gitna na siya. Kapagkuwan ay nagsiliparan ang mga ito paitaas sa himpapawid.
Sinubukan niya pang muling tumakbo ngunit napigilan na siya ng mga itim na kamay. Kumapit nang mahigpit ang mga iyon sa kanyang paa mula sa ilalim ng lupa. Ang tanging nagawa na lamang niya ay ang sumigaw nang malakas sa pagbulusok paibaba ng mga uwak. Tumama ang mga ito sa kanyang dibdib na nagtulak sa kanyang buong katawan na manginig. Walang kapares ang sakit na naramdaman niya sa pagkakataong iyon.
NAGISING na lang si Arjo mula sa pagkatulog dahil sa malakas na pagkalampag sa unahan ng sasakyan kasabay ng pag-alog ni Kenji sa kanyang balikat. Sa lakas na mayroon ang kaibigan parang maalis na ang braso niya. Nangyayari lang naman iyon dito kung nakakaramdam ito ng takot.
"Brad, gising!" sigaw pa nga ng kaibigan niya. "Hindi ka maniniwala sa nangyayari!"
Pagmulat niya ng mata tumigl na rin si Kenji at bumitiw na sa kanya, na siya ring muling paghinto ng sasakyan sa tabi ng tulay. Kumiskis pa nga ang tagiliran nito sa harang sa sobrang dikit.
Nalaman na lang niya kung bakit ganoon na lang takot ni Kenji nang tumingin siya sa labas. Kinukuyog ng mga uwak ang kinasasakyan nila. Ang ilan pa ay bumabangga sa salamin. Mabuti na lang hindi nababasag. Napalingon siya sa salamin ng pinto sa kinauupuan niya sa pagbangga roon ng isa pang uwak. Nakalipad pa rin naman ang uwak, napatingin pa nga ito sa kanya. Ang mga mata niya ay sinalubong ang itim na mata nito, pakiwari niya'y kinakausap siya nito sa pamamagitan ng tingin. Matapos niyon lumipad na rin ang uwak na may kasamang pag-iyak pa. Sumunod na rin ang mga naiwan, nagsiliparan ang mga ito patungo sa bloke ng mga batong pumipigil sa hampas ng alon sa ibaba. Nagsidapo ang mga ito roon sabay pinagpiyestahan ang patay na paging sumampay sa isa mga bloke.
Pagkawala ng mga ibon muling nagliwanag ang loob ng sasakyan.
Nagtataka siyang binaling ang atensiyon sa kanyang mga kasama. Hindi niya malaman kung bakit kinuyog sila ng mga uwak. Halos pareho sa kanyang panaginip. Sigurado rin siya nang sandaling iyon ay malayong isang panaginip sapagkat nararanasan niyang pinagpawisan ang buong katawan.
"Ayos ka lang Arjo?" ang tanong ni Mang Berting sa pagkatulala niya. Ang mga mata nito'y mababanaagan ng pag-aalala.
"Oo. Masama lang panaginip ko. Pagkatapos nagulat pa ako pagkagising," aniya naman sa matanda.
"Nakakagulat talaga. Akala ko mayroong hindi magandang mangyayari sa atin. Tingnan mo nga sila, kamalasan dala nila," ani Kenji. Sinilip pa nito ang mga uwak sa ibaba na tila nag-aagawan sa isang pagi. Napapatingin na lang din siya sa ibaba. "Nakapagtataka lang tayo lang ang kinuyog," dagdag nito bago muling umayos sa pagkaupo.
"Wala akong ibang naiisip na rason. Marahil dahil sa alam nilang mayroon tayong dala na isda," sabi naman ni Mang Berting habang binubuhay nito ang makina ng sasakyan. "Madalas silang gutom sa kawalan ng makakain."
Napatango-tango si Kenji sa narinig. "Posible Mang Berting," ang sabi pa nga nito.
"Mukhang sa Cebu na naman ang sentro," komento pa ng matanda sa naririnig na balita sa radyo. Nilakasan pa nga nito upang malinaw na marinig ang nagbabalita patungkol sa lindol na yumanig sa Pilipinas.
Wala namang pumapasok sa tainga niya dahil okupado ang kanyang isipan.
Hindi naman siya kumbensido sa opinyon ng matanda dahil kahit iyong lindol nakakalito. Ang alam niya mayroong ibang eksplinasyon sa mga naganap. Hindi niya lang mahanapan ng kasagutan.
Muli niyang tinaponan ng tingin ng mga uwak sa ibaba sa pag-andar ng pick up papasok sa ekstensiyon na siyudad ng Batangas. Lalo lang siyang nahiwagaan sa hindi pagkilos ng mga ito habang hinahatid ng tingin ang sasakyan. Naalis niya lang ang mata roon nang tapikin siya ni Kenji sa balikat.
"Masama ba ang panaginip mo kanina? Ungol ka nang ungol. Ang tagal mong magising," pagkuwento ng kaibigan niya. "Natakot ako kasi akala ko napano ka na. Dumagdag pa iyong mga uwak. Siguradong ayos ka lang. Wala ka bang nararamdaman na iba?"
"Wala naman. Masamang panaginip lang talaga," aniya sa kaibigan.
Hindi niya naman mapaniwala ang sarili na basta panaginip nga lang iyon. Marahil totoo rin katulad ng pagkuyog ng mga uwak sa sasakyan. Naroon pa rin sa kanya ang takot na naramdaman habang pinaglalaruan siya ng isipan.
Mahigit dalawampung dipa ang distansiya ng mga bloke mula sa katapusan ng tulay. Natapos ng sasakyan iyon sa loob ng ilang minuto lamang. Pumasok sila sa unang distrito sa ektensiyon ng siyudad ng Lipa matapos na malampasan ang dalawang parisukat na poste. Umilaw ang berdeng lente sa gitna ng manibela. Pinatay naman ng matanda ang radyo. Makikita sa mukha ni Kenji ang eksaytment. Samantalang siya'y pinipilit na iwaglit sa isipan ang mga nangyari habang naroon sila sa tulay. Ngunit hindi maalis-alis iyon.
Malaki ang pinagkaibihan ng siyudad sa pinanggalingan nilang bayan. Tuwid na binuo ang mga nagtatagisang gusali na tinayo sa ibabaw ng dagat. Alin mang bahagi't palapag ay napapalamutian ng mga makukulay na pailaw, sinasabayan pa ng mga malalapad na screen kung saan buong araw at gabing umaandar ang mga patalastas. Hindi rin mawawala ang mga naglalakihang hologram na mga tao na animo'y nakikisabay sa mga taong naglalakad sa magkabilang ibayo ng daan. May sinasabi ang mga hologram na hindi naman binibigyan-pansin ng iba. Kahit magdadapit-hapon pa lang litaw na ang lahat niyon.
Nadaanan pa nila ang kubong robot na kasing-taas ng isang karaniwang tao. Naglilinis ito ng mga basura na naiiwan doon. Bumangga pa ang isang hologram sa kinasasakyan nila, lumusot iyon pagkatapos ay nabuong muli pagkalampas nila rito.
Hindi mapakali ang kaibign niyang si Kenji sa kinauupuan. Inuuod ang pang-upo nito sa pinaghalo-halo na kagalakan sa kalooban nito. Lingon ito nang lingon kaliwa't kanan. Pinakatitigan nito ang hanay ng mga tindahan na para bang iyon ang unang pagkakataon na nagtungo ito roon.
Natigil lang ito nang mapuna nito ang pagiging walang-kibo niya.
"Brad, wala kang imik diyan," puna ni Kenji. Siniko pa nga siya nito sa tagiliran nang mahina upang mapukaw lang ang atensiyon niya. "Ang daming bago mula noong huling beses na nagpunta ako rito dalawang buwan na ang nakakaraan. Pagkatapos ang tamlay mo diyan."
"Hindi naman." Nagkunwari siyang hinahapo ang bituka. "Sumasakit lang ang tiyan. Hindi naman ako natatae o nauutot man lang."
Hinawakan siya nito sa noo dahil sa kasinungalingan niyang iyon. Dumukit sa kamay nito ang namuong pawis doon. "Ang lamig ng pawis mo. Sigurado ka bang wala kang nararamdaman na masama? Baka iba na iyan." Pinagpahinga na rin ito ang kamay.
"Wala. Gutom lang siguro ito," dagdag niya upang mas maging kapanipaniwala.
"Kung bakit kasi hindi ka kumain nang maayos. Iyan tuloy nanghihina ang katawan mo." Tumingin ito sa labas upang maghanap ng makakainan. "Kumain na lang tayo bago pumunta ng terminal."
"Sige, tutal may pera na rin naman tayong puwede nating gastusin," sabi na lang niya.
Tinapik siya ni Kenji sa balikat habang ang matanda ay lumiko papaalis sa abalang kalsada. Pinasok nito ang pick up truck sa makipot na daan na sapat lang sa sukat ng sasakyan. Inihinto nito iyon sa harapan ng inumang bukas sa madla. Makikita ang mga kalalakihan na nag-iinom, nakahanay ang pagkaupo ng mga ito sa mataas na stool.
Nilingon sila ng matanda matapos nitong padyakan ang preno. Hindi nito inaalis ang kamay sa manibela. "Paano ba iyan hindi ko na kayo maihahatid sa terminal. Mahuhuli na ako sa pag-deliver ng isda. Naghihintay na iyong suki ko. Dito na lang kayo bumaba malapit na rin kayo," sabi ng matanda.
"Sige po. Maraming salamat," paalam niya sa pagbaba niya ng sasakyan. Sumunod din naman kaagad si Kenji na nakuha pang mag-unat ng katawan. Inayos niya ng pagkadala sa bag, kahit ang kaibigan niya ay ganoon din.
Isasara na niya ang pinto nang may huling sinabi si Mang Berting. "Iyong bilin ko sa inyo Arjo huwag niyong kalimutan. Huwag matigas ang ulo. Tawagin niyo na rin ang numerong binigay ko sa inyo. Hindi ko talaga maiwasang isipin na mayroong mangyayari sa inyo."
"Tatandaan ko," aniya sa matanda sabay tapik sa bulsa kung saan niya sinuksok ang kard. Sinara na rin niya ang pinto matapos niyon.
Hinatid nila ng tingin ang sasakyan sa pag-andar nito.
"Ano bang ibinilin ni Mang Berting?" tanong ni Kenji habang kumakaway pa sa papalayong matanda sakay ng pick up truck.
"Huwag daw tayong magnakaw," aniya sa kaibigan.
Binaba na rin ni Kenji ang kamay nang makaliko na ang sasakyan. Nawala na ito sa kanilang paningin.
"Puwede ba iyon?" sambit ng kanyang kaibigan.
Dadagdagan pa sana nito ang sasabihin kaso bigla itong nakaramdam ng kung ano, napatakip pa ito ng bibig. Napatakbo ito palayo sa harapan ng inuman kapagkuwan ay nagsuka sa gilid ng daan nang makailang ulit. Napahawak ito sa dalawang tuhod habang inilalabas ang manilaw-nilaw na suka na nabahiran ng kung anong kulay itim. Nilapitan niya ito sabay hapo sa likod nito sa ilalim ng dala nitong bag.
"Ano bang nakain mo?" tanong niya pa.
"Tinapay lang naman," sagot nito.
Muli itong nagsuka na dumiretso sa tubig-dagat sa ibaba na sampung dipa ang layo. Mangiyak-ngiyak ang kaibigan niya nang humapa na ang pagsuka nito habang pinapahid ang labi. Tumayo na rin ng tuwid na pinapahid nito ang kamay sa suot niya kaya napalo niya ito sa braso.
Lumayo na lang ito sa kanya nang ilang hakbang bago pa niya ito mabatukan.
"Dapat talaga kumain na lang tayo muna." Sinuksok niya ang kamay sa bulsa.
"Buti pa nga, bigla na rin naman akong nagutom. Tutal dito na rin tayo kakain tayo sa mamahaling restawran," suhestiyon pa nito sa pagsisimula nila sa paglalakad paalis sa daan na iyon. "Magkano ba ang nakuha mo?" Inakbayan pa siya nito.
"Hindi ko binilang. Marami-rami rin naman," pagbibigay-alam niya rito.
"Buti hindi tayo sinundan ng tarantadong iyon. Natakot kay Mang Berting," ang nasabi ni Kenji na hindi niya gaanong pinansin.
Nakaramdam siya ng kung ano mula sa kanilang likuran. Pakiwari niya'y mayroong nakasunod sa kanila. Inalis niya ang kamay ni Kenji paglingon niya.
"Sandali," simple niyang sabi. Wala rin namang nakabuntot sa kanila na pinagtakhan niya. Marahil guni-guni niya lang iyon.
"Bakit?" pag-usisa ni Kenji na nakatitig na rin sa daan.
"Wala," aniya't nagpatiuna sa paglalakad. "Tara na."