"Dapat pa ba tayong pumasok?" ang tanong niya sa kaibigan na nasa kanyang kanan.
Ang mga mata niya ay nakapako sa mga kumakain sa loob ng restawran. Ang kabuuan nito ay napintahan ng mapusyaw na kayumanggi kasingkulay ng mga mesang kainan. May kadiliman lang ang kulay ng itaas na bahagi ng counter na nasa malayong sulok. Sa likuran niyon ay malayang nakakagalaw ang apat na serbedor sa itim na uniporme.
Kapansin-pansin din ang manilaw-nilaw na liwanag na pinapakawalan ng ilaw sa kisame, bumagay iyon sa atmospera sa loob. Kung kaya nga hindi na nakapagtatakang maraming nagpupunta roon. Nakakapang-akit nga rin naman.
"Nag-aalangan nga ako. Pakiramdam ko hindi ako makakain nang mabuti dahil sa kasosyalan ng restawran na ito," ang sabi pa ni Kenji na may bahid nang kaunting pagsisisi. Maging ang mga mata nito ay nasa mga tao nakatutok.
Magkatabi silang nakatayo sa harapan ng dingding na purong salamin. Sa likuran nila ay patuloy ang paglalakad ng mga tao, sa dami hindi na makapasok ang alin mang sasakyan sa dakong iyon na buhay ng siyudad. Iba't iba ang ayos ng bawat isa; ang ilan ay puno ng tatu ang katawan kasama na ang mukha; naroon din ang mga namumuting parokyano ng klinika na sa sobrang puti iisiping walang dugong dumadaloy sa ugat ng mga ito; magkaiba ang mga istilo ng pananamit na nakuha mismo direkta sa usapan ng sikat na moda.
Napaubo pa siya nang mapadaan sa kanila ang isang lalaking nakausot ng kayumangging diyaket. Labis ang inilalabas na usok ng makapal na tabakong nakaipit sa bibig nito. Hindi rin mawala ang nagsisigawan, hindi malinaw na pag-uusap at ang tugtog na nagmumula sa tindahan ng mga lumang musika sa kabilang ibayo ng daan.
Kinusot niya ang kanyang ilong nang ibalik niya ang atensiyon kay Kenji. "Doon na lang kaya tayo sa parati nating kinakainan," suhestiyon niya rito.
"Dito na lang. Masarap kaya ang alimango nila rito. Maganda ang opinyon ng mga tao para rito na nabasa ko sa isang artikulo." Inayos ni Kenji ang suot na pulang shirt na para namang mayroong mababago sa itsura nito. "Tara na nga. Hindi talaga maganda na nagdadalawang-isip pa. Natatagalan lang. Ang resulta hindi na lang tutuloy. Kaya bago pa mag-iba ang isip ko pumasok na tayo."
"Sa sitwasyon natin tama ka rin naman." Sinangayunan niya na lang ang opinyon nito.
Magkasabay silang humakbang patungo sa pintong salamin.
"Alam ko rin naman." Kumindat si Kenji na may kasamang pagbaril sa kanya gamit ang dalawang kamay. Ngumiti pa ito dahil malakas ang bilib nito sa sarili pagdating sa mga bagay na napag-uusapan nila.
Ito na rin ang nagbukas ng pintong salamin kaya nga nauna siyang pumanhik papasok. Natingga sila matapos ng pintuan. Sandaling tumayo sila roon habang iniikot ang paningin sa kabuuan ng restawran. Naghanap sila ng bakanteng mesa na mauukopahan.
Sa puntong bumitiw si Kenji sa hawakang bakal nagsilingon sa kanila ang mga kumakain. Agarang gumuhit sa mukha ng mga ito ang malaking pagkadisgusto sa kanilang dalawa. Sa ayos nga naman nila'y mukha silang hindi nababagay sa lugar na katulad niyon. Nakasuot nga sila ng damit ngunit malalamang pinaglumaan, nababahiran pa ng dumi. Liban pa rito'y kapansin-pansin ang mga pilat sa kanilang kamay ng kanyang kaibigan.
"Mayroon pang isa," pagbibigay-alam niya sa kanyang kaibigan nang mapansin ang mesang kalapit ng counter. Nakaturo pa ang kanyang daliri. Hindi iyon gaanong nakikita sa kinatatayuan nila dahil sa mga kumakain sa unahan.
Tinapik siya ni Kenji sa balikat kapagkuwan ay humakbang na sila patungo sa bakanteng mesa. Binalewala lang nila ang mga taong nakasunod ng tingin sa kanila na nakaupo sa mesang nilalampasan. Nakalapit din naman sila roon na walang pumipigil sa kanila na sino. Wala silang naging problema sa mga unang minuto nila roon.
Naunang pumuwesto si Kenji sa upuan, nakatalikod sa lalaking kalbo na naka-puting suit. Hindi maalis ang ngiti ng kanyang kaibigan lalo pa nang pagmasdan nito ang mga nakalagay sa menung kulay dalandan.
Nang sandaling iyon ay nilapitan sila ng babaeng serbedor na kagagaling lang ng kusina. "Ano ang sa inyo?" tanong pa ng babae. Hawak nito ang isang trey na naglalaman ng umuusok pang dalawang bowl ng noodles.
Iba ang nakaguhit sa mukha nito na hindi niya mabigyan ng kahulugan. Sa laki ng dibdib nito para na ngang puputok iyon sa hapit na puting uniporme.
"Hindi pa kami nakakapili," sabi ni Kenji nang tingnan niya ang babae na nagtulak dito para tumango ng dalawang beses.
Ang babae'y tumingin sa malayong mesa dahil naroon ang lalaking hindi na maipinta ang mukha sa pagkainip. "Sige, balikan ko na lang kayo," anang babae kapagkuwan ay umalis na rin ito. Umugoy sa hangin ang nakataling mahabang buhok nito sa paraan ng paglalakad nito.
Napapatingin pa siya sa mukha ng babae kasi nakangiti ito sa kanya habang lumalayo dahilan upang kumunot ang kanyang noo rito.
"Hindi ako makapili ng kakainin. Halos masarap ang lahat," komento ni Kenji na ni alisin ang tingin sa hawak ay hindi nito ginawa. "Ano bang oorderin natin?" dagdag nitong patanong.
Pinagmasdan niya nang tuwid ang kaibigan.
Saglit siyang nanatiling nakatayo dahil sa sinabi nito. "Akala ko ba gusto mong tikman ang lutong alimango nila rito?" pagpapaalala niya sa kaibigan. Inalis niya ang bag sa likod kapagkuwan ay pinatong sa mesang kahoy. Walang tunog na lumabas sa gaan niyon.
"Susubukan nating ang lahat." Inilapag nito ang nakabuklat na menu sa mesa't tiningnan siya. "Iyon na lang ang gawin natin. Kasi baka ito na ang huli't unang beses na makakain tayo rito. Ano kaya?"
"Kung sa paglamon lang naman hindi kita aatrasan. Iyong pera natin ang problema. Dapat itabi na lang kaysa gumastos tayo nang malala."
"Gastusin na lang natin bago pa tayo maisipang balikan ni Roberto. Para kahit bugbugin niya tayo wala siyang makukuha." Iba rin naman talaga ang takbo ng isipan nito kung minsan, may mga pagkakataong lumuluwag ang turnilyo nito. Binalikan nito ang menu sabay muling pinasadahan ng tingin.
Bago pa man siya makaupo napalingon siya sa sinundan nilang mesa. Ang binatang nakaupo roon nang mag-isa'y nakatingin sa kanya kahit na sumisimsim ito ng kape. Hapit ang abuhing suot nitong t-shirt na pinatungan ng bulaklaking asul na polo shirt na hindi nakabutones, ipinapakita niyon ang matipuno nitong pangangatawan. Blangko lang naman ang tingin ng mga mata nito na naliliman ng makapal na pares na kilay. Maikli pa ang tabas ng buhok na bumagay sa hugis ng mukha nito.
Sinamaan niya ito ng tingin nang ibalik niya ang atensiyon sa kaibigan. "Lumipat na lang kaya tayo," sabi niya rito. Iba na ang pakiramdam niya dahil sa babae, idagdag pa ang binata.
"Ano? Nakaupo na kaya ako," reklamo naman ni Kenji. "Bakit ba?"
Hindi na lang niya pinilit ang gusto't naupo na nga rin. "Hindi ko gusto ang tingin ng lalaking iyon," aniya. Iginalaw niya ang kanyang ulo sa direksiyon ng binata.
Sinundan naman iyon ni Kenji sabay ngumiti nang malapad para sa binata.
Matapos niyon sinalubong nito ang kanyang mga mata. "Isa siyang pulis," ang nakuha nitong sabihin nang mahina.
"Paano mo naman nasabi?" tanong niya naman. Sinulyapan niya pa ang binata sa ikalawang pagkakataon.
"Taglay niya ang dating na mayroon ang isang pulis. Tindig. Itsura. Alam mo naman parati akong pinapatawag ng pulis sa atin kaya pamilyar na ako sa katulad niya," paliwanag ni Kenji sa obserbasyon nito sa binata. Madalas naman itong tama kaya hindi na niya siniguro. "Huwag mo na lang tingnan baka mamaya isipin na magnanakaw tayo rito sa restawran."
Tumango na lang siya ng ulo para sa kaibigan. Sa pananahimik nito ay siya ring pagtawag ng lalaking kalbo sa serbedor na nakaunipormeng itim. Umalis ang serbedor sa likuran ng counter.
Nakarolyo ang mahabang sleeve sa siko nito. Lumapit nga ito sa lalaking kalbo kapagkuwan ay binulungan ng huli.
Itinaas ni Kenji ang kanang kamay upang magtawag ng ibang serbedor dahil iyong babae'y hindi pa nakakabalik. Naibaba rin nito ang kamay nang lumipat ang serbedor sa kanilang mesa galing sa lalaking kalbo.
Tumayo ito sa tabi ng mesa't pinasadahan sila ng tingin na animo'y may dala silang nakakahawang sakit.
"Hindi kayo puwedeng kumain dito," ang saad nito.
"Bakit naman ganoon?" ani Kenji. Nilabanan nito ang mapunuring tingin ng serbedor. "Kung iniisip mong wala kaming pangbayad. Nagkakamali ka diyan."
"Kung mayroon man kayong pera hindi pa rin puwede. Lumabas na lang kayo nang hindi kayo makaabala sa iba. Mawawalan kami ng kustomer dahil sa inyo," mariin nitong sabi. Hinablot pa nito ang hawak ni Kenji na menu. Pati iyong menu na kukunin niya pa lang kinuha rin nito.
Sumama ang mukha ni Kenji sa pinagsasabi ng serbedor. Inunahan na niya ito bago pa ito gumawa ng hindi magandang eksena roon. "Sa iba na lang tayo," aniya sa kaibigan nang isabit niya sa kanyang likod ang bag.
Inalis na rin naman nito ang sarili sa upuan. Nilingon nito ang lalaking kalbo't sinamaan ito ng tingin. Maging ang kalbo'y masama ang tingin sa kanila na para namang mayroong silang nagawa rito.
"Ang pinakakaayawan kong mga tao ay iyong katulad niyo," matalim na sabi ni Kenji sa serbedor.
Umasim ang mukha ng serbedor sa narinig. "Umalis na kayo. Masyado na kayong tumatagal. Baka gusto niyo pang magtawag ako ng pulis," reklamo naman ng serbedor. Hindi na pantay ang noo nito sa pagkakunot.
"Sa ginagawa niyo, malulugi talaga kayo. Nakikita ko," ang huling sinabi ni Kenji kapagkuwan ay lumakad na ito na mabibigat ang hakbang.
Iniwan na rin naman niya ang mesang iyon. Bumuntot siya sa kanyang kaibigan palabas ng restawran. Nakasalubong pa nila iyong babae, mapapansin ang pagtataka sa mukha nito sa biglaan nilang paglabas. Nakahinga siya nang maluwag nang makarating sila sa tabi ng daan bago ang dagat ng mga tao. Ang kaibigan niya'y naglabas ng sama ng loob sa pamamagitan ng pagtapon ng masamang tingin sa restawran habang nakatayo. Sa itsura nito'y para nitong isinusumpa ang mga tao roon. Hahakbang na siya rito nang lumabas na ang binatang pulis. Mapapatingin talaga siya rito gayong pinagmamasdan din siya nito sa paglalakad nito paalis ng restawran. Pinutol din naman nito ang tingin sa kanya't humalo sa mga tao. Kung nakakabutas lang ang tingin nasugatan na ang likod ng binata. Makalipas ng ilang sandali nawala na rin ito sa paningin niya kaya binalikan niya ang kanyang kaibigan.
"Doon na lang tayo sa kabila." Tinapik niya ito sa balikat.
Nagpatiuna siyang humakbang sa pagtawid sa daan sa gitna ng mga taong naglalakad, nakasunod lang si Kenji. Umiwas silang mabangga ang iba hanggang sa makarating sila sa kabila sa harapan ng tindahan ng mga lumang tugtugin. Lumiko sila rito't iniwan ang abalang kalsada. Kapagkuwan ay pumasok sila sa makitid na daan na hindi naaabot ng ingay. Bahagyang kadiliman ang nanguna roon sa kadahilanang walang ilaw ang bahagi roon ng dalawang gusaling pinagitnaan ng daan.
Sa looban niyon nakaharang ang isang kainan na naliliman ng tolda. Nang sandaling makarating sila rito walang kustomer ngunit patuloy pa rin ang matandang babae sa pag-iihaw sa kariton. Naglalaro pa sa hangin ang usok na inilalabas ng ihawan. Nakabuntot dito ang nakakagutom na amoy ng karne ng baboy.
"Parehas pa rin ang order namin lola," aniya sa matanda nang mapadaan sila rito.
Naupo sila sa mesang kalapit ng kariton. Makikita sa mukha ni Kenji na hindi ito talaga natuwa sa nangyari sa kanila sa restawran.
"Kapag nakita ko lang talaga ulit ang kalbo na iyon papagulungin ko siya sa kalsada. Narinig ko ang binulong niya. Alam mo ba kung anong sabi niya roon sa serbedor? Palabasin tayo kasi nga basura," ungot ng kanyang kaibigan. Nailalabas nito ang mga bagay na katulad niyon dahil sa inis ngunit hindi naman nito ginagawa. Paraan na nito ang paglalabas ng sama ng loob sa pamamagitan ng pagsasalita nang maanghang.
"Hindi na nga talaga dapat tayo pumasok doon. Iba na ang mundo ngayon. Kung hindi ka talaga kahanay nila malabong bibigyang halaga ka," aniya naman kay Kenji. Pinaglaro niya ang kanyang daliri sa mesa sa paghihintay ng kanilang inorder.
"Kapag naging presidente ako babaguhin ko ang lahat." Pinagtagpo nito ang braso sa dibdib kapagkuwan ay tumingin sa malayo. Naglakbay ang isipan nito habang ipinapalagay ang mga mangyayari sa hinaharap.
"Bago mangyari iyon tapusin mo muna ang pag-aaral mo," paalala niya sa kaibigan.
Inalis ni Kenji ang braso sa dibdib nang mapagtanto ang mahalagang aspeto ng buhay. Ngunit ang sabi nito nang huli, "Hindi ko kailangang makapagtagpos para maging pinuno ng bansang ito."
"Sige, gawin mo na lang. Kapag nangyari iyon bigyan mo ako ng bahay at lupa malayo sa magulong siyudad na katulad nito."
"Naman, gagawin ko iyan. Pero, sandali." Tumuktok ito sa mesa. "Hindi ka puwedeng lumayo. Kailangang nasa tabi kita."
Nailing na lang siya ng ulo para sa kaibigan. "Iyong sa ngayon na lang ang problemahin natin. Saka na ang hinaharap."
"Pinag-uusapan ang ganoon kahit malayo pa."
"Maraming posibleng mangyari sa atin Kenji. Magkakahiwalay tayo o hindi. Malaki rin ang posibilidad na maging magkaaway tayo," aniya na ikinakunot ng noo nito.
"Hindi ako makapaniwala na sasabihin mo ang ganiyan," reklamo pa ni Kenji.
Ipinagkibit-balikat lang niya ang huling nasabi nito dahil sa naamoy na napapatas ng inihaw na karne. Umalis siya mula sa kinauupuan kapagkuwan ay tumayo sa harapan ng kariton. Ang matanda'y abala sa paggawa ng sawsawan sa kabilang dulo.
Kinuha niya ang pangsipit sa tabi ng ihawan. Pinigilan niya ang paghinga nang hindi masinghot ang usok na direktang tumatama sa kanyang mukha. "Nasusunog na lola," aniya sa matanda. Inihaon niya sa parihabang metal ang dalawang malalaking hiwa ng karne't isinalin sa dalawang pinggang papel.
Iniangat ng matanda ang tingin nito sa kanya. Ngumiti pa nga ito kaya lumabas ang kompletong ngipin nito. "Pasensiya na. Hindi ko na kasi makita. Alam mo naman malabo na ang mata ko," sabi nito sabay binalik ang atensiyon sa ginagawa. Nanginginig nang bahagya ang kulubot na nitong kamay sa pagbuhos sa sukang nakalagay sa botilya.
"Hindi ka na nga dapat nagtratrabaho. Tutal wala ka na rin ganoong kustomer. Napapagod ka lang. Ang maganda sa iyo lola nagpapahinga ka na lang. Pumunta ka sa mga anak mo." Binalik niya ang pangsipit sa lagayan nito't sinundan ng tingin ang pagkilos ng matanda sa pag-aalalang mayroong mailagay na iba sa sawsawan.
"Wala na akong anak. Wala rin akong mapuntahan," malungkot sa sabi ng matanda. Sumabit pa ang boses nito.
"Doon na lang kayo sa tahanan para sa mga matatanda."
Natapos na rin ito sa paggawa ng sawsawan. Naglagay ito ng kutsilyo't tinidor sa dalawang pinggan. Kinuha niya iyon, pagkaraa'y humakbang pabalik sa mesa kasabay ng pag-alis ng matanda sa likuran ng kariton bitbit ang trey na kinapapatungan ng sawsawan at dalawang bowl ng kanin.
"Mamatay lang ako roon. Mas mabuti na ang ganito nang manatiling malakas," anang matanda.
Napaupo na lang siya na bagsak ang balikat. Iniurong niya ang inihaw ng karne na para kay Kenji. Kumunot pa ang noo nito dahil maitim na iyong karne. Iniling niya ang kanyang ulo para hindi na ito magreklamo.
"Mukhang masarap ito lola," sabi pa nga ni Kenji na labas sa ilong sabay ngiwi. Napangiti siya sa reaksiyon nito na nagtulak rito para mailing ng ulo.
Marahang inilagay ng matanda ang mga kanin at sawsawan sa mesa nang bigla nitong maalala ang isang bagay. "Siyanga pala mayroong naghahanap sa inyo," wika nito. Hinawakan nito sa harapan ng hita ang bilugang trey.
Kapwa sila napatingin sa matanda dahil sa narinig. "Sino naman?" pag-usisa ni Kenji.
"Hindi ko kilala iyong lalaki. Ang natatandaan ko lang nakasuot siya ng bulaklaking polo," pagbibigay-alam ng matanda. "Kaninang alas singko siya nagpunta rito."
Nagkatinginan silang dalawa ni Kenji. Hindi niya gustong isipin na ang binatang pulis ang sinasabi ng matanda. Kung ito man ang naghahanap sa kanila nagtataka siya dahil wala naman itong ginawa sa kanila habang nasa restawran. Hindi niya rin gustong bigyang pansin ang posibilidad na minamanmanan sila nito. Ang tanong niya ay sa anong dahilan pati na rin ang bigla lang nitong pag-alis. Nalilito siya dahil sa tumatakbo sa kanyang isipan. Nakikita niya rin sa kanyang kaibigan na pareho sila ng naiisip.
Walang lumabas sa kanilang bibig nang mayroong magsalitang isang lalaki mula sa daang pinanggalingan nila.
"Kanina ko pa kayo hinihintay na pumarito," saad ng lalaki sa malalim at buong-buo na boses nito.
Magkasabay silang lumingon ni Kenji sa pinagmulan ng tinig. Samantalang ang matanda naman ay bumalik sa puwesto nito sa likuran ng kariton, muling inabala ang sarili sa paghiwa ng karne.
Tinutok niya ang kanyang mata sa kadiliman ng daan upang pagmasdan nang maigi ang lalaking papalapit sa kanila. Kumunot ang noo niya nang malamang hindi naman iyon ang binatang pulis. Kundi isang lalaki na malabato ang pangangatawan. Yumuko ito nang kaunti upang hindi sumabit ang kalbong ulo sa dulo ng tolda. Ang tanging kapareho nito sa pulis ay ang suot nitong polong bulaklakin na kulay asul. Pinaiikot nito sa kamay ang sigarilyong hindi pa nasisindihan.
"Ano bang kailangan mo?" direktang tanong ni Kenji. Sa kanilang dalawa ito talaga ang agresibo at maikli ang pasensiya kaya kapag mayroong nanunubok sa kanila ito ang nauunang pumuputok. "Ni hindi ka nga namin kilala."
"Hindi naman kailangang makilala niyo pa ako. Ang problema ay ang ginawa niyo," ang makahulugang sabi nito sa pagtigil nito ng hakbang.
Iilang dangkal na lang ang layo nito sa kanila. Itinigil nito ang paglalaro sa sigarilyo kasabay ng pagdukot ng pangsindi na stainless steel sa kanang bulsa ng suot na cargo pants. Pagkaraa'y binigyan ng apoy ang dulo niyon.
"Wala akong matandaan na may nagawa kami sa iyo," patutsada ni Kenji sa bagong dating.
Nagtinginan silang dalawa, nagbigayan ng hudyat sa pamamagitan ng mga mata.
Humithit ang lalaki sa sigarilyo sabay balik ng pangsindi sa bulsa. Inilabas din naman nito ang usok na nahigop. "Sino ba ang nagsabi sa iyo na ako ang naniningil? Napag-utusan lang naman ako ni Roberto," sabi nito't muling inipit ang sigarilyo na mistulang naging posporo sa kapal at laki ng bibig.
Lumiwanag pa lalo ang dulo ng sigarilyo sa paghinga nito nang malalim.
"Kung pera ang pinunta mo rito, wala naman kaming nakuha," ang sumunod na sinabi ni Kenji. Sinubukan pa talaga nitong kumbinsihing maniwala ang lalaki.
"Isa kang malaking sinungaling. Sa tingin mo ba mauuto ako ng mga salita mo," mariing sabi ng lalaki. Ni hindi nahuhulog ang sigarilyo sa bibig nito, pumitik-pitik lang iyon. "Kahit na sa inyo na ang pera. Ang gusto ni Roberto ay kapalit na braso ninyong dalawa.
Iniligay nito sa pagitan ng dalawang daliri ang sigarilyo at itinuro sa kanya.
"Hindi mo maaring gawin iyan sa amin. Alam mo bang mapaparusahan ka ng batas sa gagawin mo?" paalala ni Kenji sa pagaakalang nasisilaw lang ito sa salapi. "Bayaran ka namin ng malaki kaysa sa binayad sa iyo ni Roberto," dugtong nito nang mapunta sa kanila ang pabor.
"Saan naman kayo kukuha ng pera?" Ngumisi pa ito nang matalim at inihulog ang sigarilyo sa semento na dinikdik pa ng suot nitong matigas na sapatos. "Saka wala akong pakialam sa batas."
Nang sandaling iyon kapwa nila hinawakan ni Kenji ang magkabilang dulo ng mesa. Pinatayo nila iyon sa tagiliran nito na naging dahilan kaya nahulog at natapon ang pagkaing nakalagay dito. Kapagkuwan ay magkasabay nilang sinipa patungo sa lalaki. Nasalag naman iyon nito na walang kahirap-hirap ng isang kamay lang. Hindi rin naman sila nagpahuli upang makalayo rito. Nagmadali sila ng takbo papalabas sa daan na iyon na siya ring pagbagsak ng mesa sa semento.
Nakuha niya pang lingonin ang lalaki. Mabagal ang paglalakad nito na animo'y hindi ito mag-aaksaya ng panahon sa paghabol sa kanila. Pakiwari niya'y mayroong hindi magandang mangyayari.
Hindi na siya nakapag-isip pa nang magsimulang tumakbo ang lalaki. Sa laki ng bawat hakbang nito maabutan sila kaagad. Maging si Kenji ay alam ang bagay na iyon na mapapansin sa nanlaki nitong mata. Sa puntong iyon pinagsisihan niyang kinuhanan nila ng pera si Roberto. Ganoon ang pinakaiiwasan niyang dumaan sa kanya na nangyari na nga. Gustuhin man niyang harapin ang lalaki sa pagkabakulaw nito mahihirapan siya kahit tulungan pa siya ng kanyang kaibigan.
Kinuha nila ang kabilang direksiyon makatakas lang sa lalaki. Tumalamsik ang natinggang tubig sa bawat pagtama ng kanilang mga paang nababalot ng sapatos, bumubulong ito sa magkabilang pader sa katahimikan ng dakong iyon.
"Nasosobrahan na talaga ang Roberto na iyon. Hindi ako makapaniwala na magagawa niyang iutos ang ganoong bagay," sambit ni Kenji sa pagitan ng pag-uunahan ng mga paa nito.
"Ito na nga ang sinasabi ko. Kaya nga umiiwas akong magkaroon ng gusot sa kanya. Tingin mo wala lang ang pagsasawalang-bahala ko sa kalokohan nila," nakuha niyang sabihin sa kaibigan.
"Huwag mo ngang isisi sa akin. Ginusto ko bang habulin tayo ng bakulaw na iyan." Mabigat ang pagkasabi nito sa mga salita dahil na rin sa kanilang pagtakbo.
"Sinong may sabi sa iyo na sinisi kita. Pinapaalala ko lang," ang naiinis na rin niyang sabi.
"Sa paraan ng pagsasalita mo, kasalanan ko." Hindi talaga nagpapapigil ang kaibigan niya.
"Isipin mo kung iyan ang gusto mo," ang huli niyang nasabi.
Hindi na sila nakapag-usap pa dahil naabutan na nga sila ng lalaki ilang hakbang bago ang katapusan ng daan. Hinablot sila nito pareho sa dalang nilang bag. Sa lakas nito, umangat sila mula sa lupa't magaang naibalibag pabalik sa kadiliman ng daan. Gumulong sila pareho sa ginawa nito kasama ang mga basura roon. Bumangga pa ang kanyang likod sa bakal na basurahan na nagpatigil sa kanyang paggulong. Napaungol siya sa sakit at nangingiwing nilingon si Kenji na nakadapa sa gitna ng daan. Tumatama sa mukha niya ang anino ng lalaki dulot ng liwanag na nagmumula sa kalsada.
"Mapag-uusapan pa natin ito nang mabuti," pang-iinganyo ni Kenji sa lalaki.
Bumangon si Kenji mula sa pagkadapa hawak ang sikong nasaktan.
"Wala nang dapat pag-usapan. Hindi magbabago ang isip ko," anang lalaki. Inalis nito ang ikalawang sigarilyo sa bibig kapagkuwan ay tumawa nang mapakla.
"Pagsisihan mo. Mas magandang sa amin ka sumunod. Mas marami akong maiibibigay sa iyo. Wala man sa itsura ko pero anak-mayaman ako," ani Kenji. Kung anu-ano na lang ang sinasabi nito para lang pabayaan sila ng lalaki.
Nilapitan siya ng kanyang kaibigan, tinulungan siyang bumangon. Hinawakan siya nito sa braso upang masuportahan siya sa pagtayo. Hindi nila inaalis ang tingin sa lalaki sakaling biglang itong sumugod. Hinihithit lang nito ang sigarilyong sinindihan na animo'y naghihintay sa gagawin nila.
"Mauna ka na nang tumakbo," bulong niya kay Kenji.
"Ano?" ang naguguluhang tanong ni Kenji. Hindi niya na ito pinakinggan. Marahas niyang inalis ang kamay nitong nakakapit sa braso niya.
Hindi niya na hinintay na masabi pa nito ang iba. Tumakbo siya ng pasugod sa lalaki na siya ring pagsigaw ni Kenji sa pangalan niya. Ang bakulaw naman ay lalong tumawa sa kanila. Masyado mang malaki ang lalaki ngunit susubukan niya pa rin. Maraming pinagdaanan na ang labing-pitong taong gulang na siya kaya ang maputulan ng kamay ay hindi magiging balakid sa kanya. Ang prayoridad niya ay ang mailayo si Kenji dahil ito ang mas may magandang hinaharap sa kanilang dalawa. Ang gusto niya lang ay ang makilala ang kanyang magulang samantalang si Kenji marami itong gustong gawin. Ininda niya lang ang sakit ng paa sa kanyang pagtakbo. Walang magagawa ang kirot sa kanya, ginagawa itong mahina ang katawan niya kung hahayaan niya lang na kontrolin siya nito. Sa mundong ginagalawan niya walang lugar ang mahihina kaya hindi sapat na natatakot lang siya, kailangan niya ring kumilos.
Nang ilang hakbang na lang siya sa lalaki tinalon niya ito kasabay ng sipa ng dalawang paa. Tumama rin naman sa matigas nitong dibdib, ngunit walang gaanong resulta. Napahakbang lang ito ng isa paatras at wala nang iba. Bumagsak siya nang nakatigilid sa maruming semento na siya ring pagsugod ng lalaki. Binalak niya pang tumayo ngunit nahuli na siya. Nahawakan na siya ng lalaki sa kanang paa.
Prinotektahan niya na lang ang kanyang ulo sa pagbalibag ng lalaki sa kanya, sa laki nito wala itong kahirap-hirap na nagawa iyon. Inihampas siya nito sa pader na ikinabagsak niya sa lupa na labis ang natamong sakit sa katawan. Napaubo siyang sinubukang bumangon. Samantalang ang lalaking bakulaw ay mabagal na naglakad habang naghithit ng sigarilyo.
"Nakakatuwa kayo. Mga uod na binudburan ng asin," panghahamak ng lalaki.
Nagdadala ng hindi nagbabagong tunog ang mabibigat na hakbang nito. Hindi rin naman ito nakalapit sa kanya nang batuhin ito ni Kenji ng bilugang basurahan, naiwan pa sa hangin iyong mga lamang basura saka nahulog. Sinangga kaagad ng lalaki na siya ring pagsugod ng kanyang kaibigan. Umikot ito sa ere nang makailang ulit kasabay ng sipa sa leeg ng lalaki. Naihilig ng lalaki ang ulo nito na hindi man lang nasasaktan. Lumapag naman si Kenji nang nakatayo kasunod ng pagkalampag ng bilugang basurahan.
Habang hinihimas ng lalaki ang leeg nito tuluyan na siyang nakatayo. Ang sigarilyo sa bibig nito ay naroon pa rin. Umikang-ikang siyang lumapit sa kanyang kaibigan.
"Ang sabi ko sa iyo umalis ka na," aniya kay Kenji.
Sinalubong nito ang kanyang tingin. "Bakit ako makikinig sa iyo? Ano ako siraulo?" birada naman nito.
Huminga siya nang malalim at itinuwid ang kanyang paa.
"Sa itsura niya kahit tumakbo tayo masusundan niya pa rin tayo," ang nasabi niya na lang imbis na makipag-argumento pa sa kaibigan. Hindi rin naman nito gustong iwanan lang siya roon nang basta-basta.
"Gumawa tayo nang paraan. Iyong mapapatigil siya't hindi makakasunod kaagad." Tumayo nang tuwid si Kenji na ipinoporma ang mga kamao sa harapan. "Kailangan lang natin ng ilang minuto. Mataas ang posibilidad na makakalayo tayo. Handa ka na?"
Inihakbang niya ang kanang paa paharap kasabay ng pagtaas ng mga kamao.
"Sige," ang mahina niyang tugon.
Itinigil ng lalaki ang paghimas sa leeg kapagkuwan ay pinagmasdan sila nang masama.
"Sigurado ba kayong lalabanan niyo ako? Walang mababago kahit dalawa pa kayo," patutsada ng lalaki
"Hindi mo alam ang mga posibilidad," ani Kenji't tinakbo ang lalaking bakulaw.
Sinipa ni Kenji ang lalaki na nasangga naman ng huli.
Sinundan niya iyon ng pagsipa din sa pagyuko ng kanyang kaibigan, pati iyon nasangga pa rin. Pagkaraa'y sabay silang sumipa na tumama sa dibdib ng lalaki, napaatras ito nang makailang ulit dahil doon. Sa pagsugod nito'y lumusot siya sa ilalim nito samantalang ang kaibigan niya ay tumakbo sa gilid. Aakmang huhulihin ng lalaki ang kaibigan niya sa braso. Upang mapigilan niya iyon sinipa niya ito nang malakas sa likuran ng mga paa nito na nagtulak dito para mapaluhod. Nilingon pa siya nito na may masamang titig. Sa loob ng ilang segundo, isinawalang-bahala niya lang iyon kapagkuwan ay pinagtulungan nila ng kanyang kaibigan na buhatin ang malaking basurahan. Pareho silang sumigaw nang itapon nila iyon na nakabaliktad sa lalaking papatayo pa lamang. Bumagsak sa likod ng lalaki ang basurahan kaya napadapa ito. Habang naiipit ito, wala na silang inaksayang pagkakataon. Kumaripas na sila ng takbo papalabas sa daang iyon. Tumawid sila ng daan kahit na maraming dumadaang sasakyan. Bumuntot sa kanila ang nakakapunit na busina. Tumalon pa sila sa hood ng kotseng huling nalampasan nila't nakatayo sila sa bangkita na habol ang hininga. Pinagmasdan sila ng ibang mga taong naglalakad at binalewala rin. Iyong tinalunan namang sasakyan nila'y hindi naman tumigil.
Nang lingonin nila ang nilabasang daan nakita nila ang lalaking tumatalon-talon sa mga umaandar na sasakyan patungo sa kanila. Lalo lamang nagkagulo ang mga sasakyan sa kalabisan ng pagbubusina.
"May kung anong mali sa taong iyan," komento pa ni Kenji habol ang hininga.
Tumingin siya sa kaliwa't kanan sa kahabaan ng kalyeng iyon. Sa distansiya ng lalaki maabutan sila nito kung tatakbo sila sa alin mang direksiyon. Pagbaling niya ng tingin sa likuran hinila niya sa bag si Kenji papasok ng limang palapag na paupahan. Ang karatula niyon ay umiindap-indap sa itaas ng malapad na pintuan. Sa ibaba'y mayroon pang dalawang kuwarto bago ang dalawang hagdanan. Napasunod na lang ang kanyang kaibigan sa pag-akyat niya sa kaliwang hagdanan, umalingaw-ngaw pa ang kanilang mabilis na paghakbang sa bawat baitang.
Naghanap sila ng kuwartong mapagtataguan nang makarating sa ikaapat na palapag. Sa paglalakad nila sa pasilyong iyon bumukas ang isang pinto. Tinakbo nila iyon kapagkuwan ay pumasok dito. Napaatras na lang iyong babaeng naka-blusang bulaklakin na papalabas pa lamang.
"Anong ginagawa niyo rito?" ang pasigaw na tanong ng babae sa kanila. Nanlaki na ang mata nito sa pagkabigla.
Inilapit niya ang daliri sa kanyang bibig upang patahimikin ang babae. Habang isinasara ng isang kamay ang pinto.
"Aalis din kami mamaya. Kailangan lang naming manatili rito sa kuwarto mo pansamantala," paliwanag naman ni Kenji sa babae na siyang humarap dito.
"Hindi puwede," ang sabi naman ng babae. Dinukot nito ang cellphone sa bitbit na maliit na pouch.
Inagaw kaagad iyon ni Kenji bago pa makatawag ang babae sa mga pulis.
"Hindi ka puwedeng tumawag pati kami ipapahamak mo," saad ng kaibigan niya. Inilayo nito ang cellphone sa babae. Samantalang siya ay pinakinggan ang paglapit ng bakulaw sa pasilyo. Idinikit niya ang kanyang tainga sa pinto nang marinig nang maigi ang paglalakad nito. Bumibilis ang t***k ng kanyang puso dahil sa antisipasyon.
Binalak pang sumigaw ng babae kaya itong si Kenji'y tinakpan ang bibig nito. Napalingon siya sa mga ito dahil sa pag-ungol ng babae.
"Hindi ka namin sasaktan. Huwag kang matakot," aniya sa babae ng pabulong.
Nag-iba ng puwesto si Kenji. Hinila nito patungo sa kama ang babae't naupo roon. Sa takot ng babae'y nanlaki pa rin ang mata nito. Umungol pa ito habang nagpupumiglas.
Binalikan na lang niya ang pinto nang marinig niyang kumatok sa ibang kuwarto ang lalaki. Ilang beses itong kumatok na sinundan ng katahimikan. Dahil dito napapatitig siya sa pinto na sinundan ng pagtalksik niyon. Umaatras siya nang makailang ulit nang hindi mabagsakan ng natanggal na pinto. Lumakad sa ibabaw nito ang bakulaw matapos nitong ibaba ang paa na pinangsipa nito. Sa labi na naman nito ay nakaguhit ang matalim na ngisi. Dahan-dahan itong humakbang patungo sa kinatatayuan niya. Umirit pa ang pinto sa bigat nito. Sa laki nito'y kumiskis ang mga balikat nito sa pader ng makipot na pasilyo ng silid.
"Sa bahay na lang sana kayo. Hindi na sana kayo lumabas. Ganito ang mga nangyayari sa mapangahas na batang katulad niyo," anang bakulaw.
"Ikaw ang hindi dapat lumalabas. Mapanganib kang tao," aniya naman sa lalaki.
Tinawan pa nito ang kanyang nasabi. "Bakit naman hindi? Masaya kaya sa labas," ang makahulugang sabi nito. May bahid ng pagkasira ng ulo ang naging paraan ng pananalita nito.
Nilingon niya si Kenji nang pakawalan nito ang babae. Sa sobrang takot ng babae nanginig na lang ito't napahagulhol. Sinenyasan na naman niya sa pamamagitan ng paggalaw ng ulo ang kaibigan upang umalis na. Kaya lang kumunot lang ang noo nito.
"Huwag mo ngang ipilit ang gusto mo," ani Kenji sa kanya. "Mas mabuting mamatay na lang ako kaysa iiwan ka."
Kaibigan niya talagang tunay si Kenji, magkapatid na nga rin ang turingan nilang dalawa. Mula bata pa'y magkasama na sila hiwalay sa ibang mga bata.
Hinarap niya na lang ang bakulaw. Kapagkuwan ay sinugod ito. Hindi makakilos nang maayos ang lalaki kaya nang huhulihin siya nito nakayuko siya sabay pinagsusuntok niya ito sa tiyan nang makailang ulit. Natigil lang siya nang mapagtantong wala talang epekto iyon dito. Umatras pa siya ngunit nasakal na siya nito. Nahirapan siyang huminga nang iangat siya nito mula sa sahig.
Pinagmasdan pa nga siya nito sa malapitan. "Sino ka ba?" tanong nito bigla. Nagsalubong ang dalawang kilay nito sa pagtataka. "Pamilyar ka. Parang nagkita na tayo. Sabihin mo nga saan ba tayo unang nagkakilala?"
"S-siraulo ka. Hindi ako nakikipagsalamuha sa katulad mo. Imposibleng nagkita na tayo dati pa," nakuha niya pang sabihin sa kabila ng mahigpit na pagsakal ng lalaki.
Tinabingi ng lalaki ang ulo pakanan. "Nakapagtataka."
Wala itong nasabi nang hawakan niya ito sa mukha't tinusok ng hinlalaki ang dalawang mata nito. Hindi niya tinigilan na siya ring paghigpit ng sakal sa kanya. Natigil lang siya nang ibalibag siya nang lalaki sa dingding. Tumakas ang malakas na ungol sa kanyang bibig sa pagtama ng kanyang likod. Nagsisigaw ang lalaki dahil sa nasaktan nitong mga mata. Namumula iyon at nahihirapn itong dumilat. Pagbasak niya sa sahig kaagad siyang bumangon patungo sa bintana. Ang lalaki naman ay bumuntot sa kanya na pikit ang mga mata. Nakahawak ito sa dingding upang humingi nang suporta rito.
Ang babaeng humagulhol ay kumalas sa kamay ng kanyang kaibigan. Nanakbo ito papalabas ng silid, sinubukan pang hawakan ito ng bakulaw. Mabuti na lang hindi naabot kaya maririnig na lang ang sigaw nito sa pasilyo.
Hindi na siya nag-aksaya ng panahon, binuksan niya na ang bintana sa pagtulak rito patabi. Matapos ng gusali ay ang namagitang tubig-alat na sinundan ng reles ng tren. Tumingala pa siya sa itaas kapagkuwan ay pinagmasdan ang tubong nakakabit sa likod ng gusali.
"Anong balak mong gawin?" tanong ng kanyang kaibigan na nasa likuran niya.
Nilingon niya ito. "Umakyat na lang tayo paitaas," aniya naman dito.
"Mga bata. Pinapagod niyo lang ang sarili niyo," anang bakulaw.
Sa inis ni Kenji, kinuha nito ang maliit na paso ng cactus na ibinato nito sa lalaki. "Tigilan mo na kami," sabi pa nga nito.
Natamaan man ang lalaki sa dibdib pero marahan pa rin itong naglakad patungo sa kanila. Nagtapon ulit ito ng pangalawang paso sa likuran ng lalaki para mabaling roon ang pakiramdam nito. Sa paglingon nito roon, umakyat na nga lang siya sa bintana bago pa mahuli ang lahat. Humarang pa ang lalaki sa pasilyo kaya hindi sila makakadaan doon. Inabot niya ang tubo't umakyat na nga paitaas. Ang sapatos niya'y kumakapit sa nakausling kinabitan ng turnilyo. Sumunod din naman si Kenji, muntikan pa nga itong mahawakan ng bakulaw. Hindi naman sila nahirapan sa pag-akyat dahil na rin isang palapag na lang ang pagitan bago ang pantay na bubongan. Pagkatayo niya sa tabi, tinulungan niya ang kanyang kaibigan. Inabot niya ang kamay nito sabay hila. Nang kapwa na sila nakatayo sa gilid, nilingon nila ang lalaki na papaakyat na rin. Nanlaki ang mata ni Kenji nang mabilis nitong naakyat ang tubo dahilan upang mapaatras sila na naghahanap ng magagamit pangpalo sa lalaki na iyon. Nakakita naman si Kenji ng maliit na tubo sa sulok. Mayamaya nga'y nakarating na ang lalaki sa ibabaw. Naibubukas na nito nang kaunti ang dalawang mata.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin," pagbabanta ng lalaki sa kanya.
Tinakbo sila nito kaya naghiwalay silang dalawa ni Kenji. Sinipa niya ito sa mukha samantalang ang kaibigan niya ay pinalo ito sa paa. Sinundan niya iyon ng pagsakay sa likuran nito habang sinasakal sa leeg at ang mga paa niya ay nakapulupot sa tiyan. Si Kenji naman ay pinagpapalo ulit sa tuhod ang lalaki. Bumagsak ito nang paluhod. Hinigpitan niya ang pagkasakal dito't kahit na hinawakan siya nito nang mariin sa kamay hindi niya ito pinapakawalan.
Hindi pa natapos sa pag-atake si Kenji dahil hinampas pa nito ang tubo sa ulo ng lalaki. Napatabangi lang ang ulo nito't nakarinig sila ng pagkalatong. Nang tingnan nila ang kalbong ulo ng lalaki nalaman nilang ang kalahating bungo nito ay gawa sa bakal. Nang sandaling iyon ay nahawakan siya ng lalaki sa suot na bag, hinila siya't ibinalibag sa kaibigan niya.
Sinundan iyon ng pagtayo ng lalaki na tumatawa't sinugod silang dalawa. Balak pa siya nitong padyakan mabuti na lang nakagulong siya sa papalayo. Ang kanya namang kaibigan ay lumayo't nagtungo sa gilid ng bubongan. Nang aakmang susuntukin siya ng lalaki tumayo siya para makailag. Sinundan iyon ng pagsigaw ng kanyang kaibigan. Sumugod ito kaya lang tumalsik nang sipain ito ng bakulaw sa tiyan.
Bumangon pa rin naman si Kenji at sumugod sa lalaki hawak ang tubo. Sa kasamaang-palad hindi na nito natamaan ang bakulaw. Sinalo ng bakulaw ang tubo't binawi sa kanyang kaibigan. Ito na naman ang nanhampas kay Kenji. Sinunod-sunod nito kaya napapaatras ang kaibigan niya.
Luminga-linga siya upang maghanap ng iba pang bagay na magagamit sa lalaki. Ngunit wala siyang makita kundi ang mga kawad lang ng kuryente na nakakabit sa harang ng bubongan. Hinila niya iyon, hindi niya tinigilan hanggang hindi natanggal sa pinagkabitan ng linya. Kumidlap ang dulo niyon nang makuha niya rin. Inilayo niya iyon sa kanyang katawan at napansin niya ang paparating na ang tren ilang metro ang layo mula sa kanilang kinalalagyan. Binalikan niya ang lalaki na sinasakal ang kanyang kaibigan, pumuwesto siya sa likuran nito.
"Bakulaw, tumingin ka rito," tawag niya sa lalaki.
Lumingon naman ito na sa kanya. Nabitiwan nito si Kenji matapos tusukin ng kanyang kaibigan ang kamay nito ng pako.
Nang makaharap niya ang bakulaw pinatama niya rito ang kawad ng kuryente. Pagkadikit ng dulo niyon sa dibdib nito tuluyan itong nanginig sa kalabisan ng boltahe ng kuryenteng dumaloy dito. Umusok pa nga ang balikat at ulo nito bago bumagsak nang pahiga sa bubongan na nanginginig pa rin. Nabitiwan na rin nito ang hawak na tubo.
"Bagay lang iyan sa iyo," sabi pa ni Kenji nang lumapit ito sa kanya na minamasahe ang leeg.
"Umalis na tayo bago makabangon ulit iyan," aniya sa kaibigan. Binitiwan na rin naman niya ang hawak na kawad.
Naintindihan naman siya ng kanyang kaibigan matapos na marinig nila ang ingay ng tren. Nang makalampas ang unahan nito sa gusali bumuwelo sila't tumakbo. Pagkarating sa harang tumalon sila mula rito patungo sa umaandar na tren. Pinaglalaruan ng hangin ang kanilang kasuotan habang nasa ere sila. Sa mabilis na andar ng tren, lumapag sila sa huling bagon nito sabay gulong. Sumobra pa si Kenji kaya hinabol niya ang kamay nito matapos siyang kumapit sa sara ng lagusan sa bubong ng tren. Napangiwi siya dahil sa puwersa at bigat ng kanyang kaibigan. Hinila na rin niya ito na sinasabayan nito ng pag-akyat.
Napahugot sila pareho nang malalim na hininga nang makahiga sila. Naupo pa nga siya't tinanaw ang lalaking bakulaw na hirap na tumatayo pa lang sa harang ng bubongan.