Nakarating ang tren sa heksagonong sentrong istasyon sa siyudad na iyon na nanginginig ang kaibigan niyang si Kenji. Kinuskos nito ang mga palad sa braso nang kahit papaano'y makaramdam ng init na siyang dadarang sa nanlalamig nitong balat.
Nag-alala na siya sa kalagayan ng kanyang kaibigan. Kahit naisin man niyang pagsabihan ito wala pa ring patutunguhan. Ipagpipilitan pa rin nito ang gusto na magtungo ng New Manila. Naroon nga naman siya para suportahan ito't samahan kahit na alam niyang hindi siya matutuwa sa pagtungo ng siyudad sa kalangitan.
Tumabi ang pampublikong sasakyan sa kanlurang plataporma kung saan naghihintay ang dumagsang mga tao kahit na gumagabi na. Sa kalabisan ng ilaw dito nagmumukha pa ring umaga, sumasalamin pa nga iyon sa kanyang balintataw sa pagmasid niya rito. Ibang-iba sa mga pailaw ng gulod sa hindi kalayuan na mistulang mga tala sa kalupaan.
Hindi nawawala ang pagkiskis ng balani sa ilalim ng tren sa matigas na reles na sumusuksok sa kanyang hindi handang tainga. Sinabayan iyon ng pag-alingawngaw sa ere ng boses lalaki sa balintiyak nito, naghahayag ito ng mga oras ng mga biyahe. Maririnig ang tinig na iyon kahit saang mang sulok ng istasyon.
Bahagyang umuga ang tren nang tuluyan itong tumigil. Kasunod niyon ang pagsirit ng hangin na tumatakas sa bumukas na kaliwang mga pinto sa bawat bagon.
Nang bumaha ang mga taong nagsilabasan ,nagkasabay sila ni Kenji na tumalon paibaba. Natigalgalan iyong babaeng pasahero na napalingon sa kanilang paglapag nang nakatayo. Hindi rin naman sila binigyang-pansin ng mga tao liban sa babae na sumama ang tingin. Kung kaya nga'y nakapaglakad sila na walang pumipigil at nagtatanong sa kanila kung anong ginawa nila sa bubongan.
"Nararamdaman kong magiging masaya ang pag-akyat natin," sambit ng kanyang kaibigan. Tinapik nito ang mukha nang maalis ang naiiwang lamig sa pisngi.
"Sana lang huwag tayong madawit sa kung anong masamang bagay. Sa nangyari sa atin kanikanina lang dapat tayong mag-ingat," aniya sa kaibigan. Humalo sila sa mga taong papalabas ng daanan, sa gitna niyon ay ang hanay ng makinang nangangain ng etiketa. "Kaya ipagpaliban na lang natin ang pagnanakaw." Halos pabulong na iyong huling mga salita niya.
"Sayang naman," ang nabitiwan naman ni Kenji. Tiningan niya ito nang tuwid na sinusubukang kumbinsihin. "Sige na nga. Hindi na dahil mayroon na rin naman tayong pera," pagsuko na lamang nito kaya nga nakahinga siya nang maluwag.
Hindi pa rin naman niya inalis sa isipan na magagawa nga nitong magnakaw kahit sumang-ayon na ito sa kanya.
Lumapit ito sa kanya't ipinasok pabalik ang sumilip na pera sa siper ng kanyang bag. Pagkaraa'y isinara nang maayos. Nginitian pa nito nang malapad ang kasabayan nilang matandang nakasalamin. Inunahan pa nga nila ito. Sa kawalan ng etiketa nagpadulas na lamang sila sa katawan ng makina para makalampas. Pagkatayo sa kabila niyon nagmadali silang lumakad bago pa mayroong manita sa kanila na kabatas.
Nakarating sila sa dulo ng labasan sa bilis ng kanilang paghakbang. Naglakad sila sa bulwagan na pumaikot sa gitnang bahagi ng istasyon. Ang mga taong naglalakad sa dakong iyon ay hindi mawala-wala sa buong araw at gabi. Sa kanilang uluhan ay naroon ang mga hologram sceeen na kung anu-ano ang pinapalabas. Ang karamihan na sumasahimpapawid doon ay ang mga patalastas na pampulutiko ng mga kandidato bilang presidente.
Nagtuloy-tuloy sila ng lakad habang umiiwaas sa dagat ng mga tao. Hanggang makaharap nila ang dambuhalang mukha na pinagmumulan ng boses lalaki na siyang prominenteng maririnig sa kabuuang istasyon. Lumusot sila sa bibig nito kaya nabasag ang bahagi na iyon sa maliliit na parisukat sa iba't ibang kulay, kapagkuwan ay nagbalik ito sa dating ayos nang makalampas na sila. Hindi man lang naputol ang pagsasalita nito.
Matapos niyon pumila sila sa ikalawang hanay ng mga tao sa ticketing booth para sa tutungo sa ikapito't pinakahuling distrito sa New Manila. Sa pagdukot niya ng isang libo sa loob ng kanyang bag itong kaibigan niyang si Kenji ay mayroong napuna sa gawing kanan nila.
"Hindi ba iyong pulis iyon?" tanong ng kanyang kaibigan.
Bago pa man niya tingnan ang sinabi nito sinara niya nang mabuti ang siper baka hindi naman niya mamalayan mayroon na namang lumuwa. Nang sundan nga niya ang tingin nito naroon nga ang binatang pulis na ilang dipa ang layo sa kanila. Kausap ng binata ang sekyu na nakasuot ng itim na uniporme. Hindi na nito pinalitan ang suot na bulaklaking damit. Lumingon pa nga ito sa kanila kaya inilayo niya na rin ang tingin dito. Sa puntong iyon nagsialisan na iyong bumili ng etiketa sa unahan kaya siya naman ang lumapit sa kubol na nahaharangan ng makapal na salamin. Sa likuran niyon naroon ang babaeng ang labi ay pulang-pula, ngumunguya pa ito ng bubble gum kung kaya nga lumulubo ang kaliwang pisngi nito.
"Ilan?" tanong ng babae. Mapanuri ang tingin nito sa kanya.
Ipinasok niya ang hawak na isang libo sa parihabang puwang sa ibaba. "Dalawa," ang marahan niya namang sabi.
Pinagmasdan pa ng babae nang maigi ang pera, sinalat nang makailang ulit kapagkuwan ay pinagaspas. Nang makutento binigyan siya muna nito ng sukli na puro barya. Sinundan nito iyon ng dalawang ginintuang etiketa na kinuha niya kaagad kasabay ng sukli.
Tumakas pa ang limang piso nang isinaklit niya sa bulsa ang sukli. Nahulog iyon sa sahig, gumulong papalayo na kanya namang hinabol. Ang kaibigan niya naman ay napapasunod ang mga mata sa kanya. Tumigil din naman ang limang piso.
Tumayo iyon sa gatla ng kumikintab na baldosa sa sahig. Aakma siyang pupulutin iyon nang tumigil ang puting pares ng sapatos sa kanyang harapan. Hindi niya nagawang alisin ang limang piso sa pag-angkat niya ng tingin upang malaman kung sino ang lalaki. Nalaman niya na lang na ang binatang pulis nang magkasalubong ang kanilang mga mata.
"Ingatan mo ang bawat barya," ang makahulugang sabi ng binatang pulis nang pulutin nito ang limang piso. Binigay nito sa kanya sabay sabing, "Sa liit nito magdudulot din ito ng aksidente."
Hindi niya makuha ang sinabi nito. Kumunot lang ang noo niya habang nakatingin dito. Sa malapit mas napagmasdan niya nang maigi ang pares na singkit nitong mga mata. Wala sa loob niyang hindi tinanggap ang inaabot nito. Ang ginawa na lang nito'y sinakop ang kanyang kamay na naging dahilan kaya nagsitayuan ang balahibo sa kanyang katawan. Nilagay nito sa kanya palad ang limang piso sabay ikinumyos nito iyon. Lalong sumama ang mata niyang nakatingin dito. Sa pag-iling nito ng ulo, binitiwan na siya nito kapagkuwan ay lumakad na nilalampasan siya na tinutumbok ang ticketing booth. Pagkalingon niya rito'y papalapit na rin sa kanya ang kaibigang si Kenji.
"Anong sinadya niya sa iyo?" ang naitanong sa kanya ni Kenji.
Pinaliit nito ang kanang mata na ang pinaparating ay sabihin ang gusto nitong malaman. Pinadikit niya sa noo nito ang ginintuang etiketa na isa.
"Wala naman. Binalik niya lang sa akin ang nahulog na limang piso." Itinaas niya ang barya nang makita nito kapagkuwan ay sinuksok sa bulsa kasama ng iba pa.
Ginalaw nito ang ulo nang paibaba't paitaas resulta ng naglalarong mga salita sa likuran ng isipan nito. "Mayroon akong ideya upang mag-alangang lumapit sa atin ang bakulaw na iyon." Pinagmasdan nito ang binatang pulis na kaharap ang babaeng namumula ang labi.
"Ano naman? Dapat epektibo ang naiisip mo."
Ibinalik nito ang atensiyon sa kanya sa paglalakad ng binatang pulis patungo sa hanay ng detektor na mga pintuan kung saan dumadaan ang mga tao papasok ng pasilyo. Sa magkabilang dulo ng hanay ay ang dalawang sekyu sa itim na uniporme na mistulang estatwa sa hindi paggalaw sa kinatatayuan. Hawak ng mga ito ang mahahabang baril sa dibdib.
"Sumabay tayo roon sa pulis hanggang sa makarating tayo sa New Manila," suhestiyon ni Kenji. Itinuro nito ang hinlalaki sa binatang pulis na naghihintay sa pila.
"Sa tingin mo gagawin niyang sumabay sa atin?" paniniguro niya sa kanyang kaibigan. Hindi man lang sumagi sa isipan niya ang bagay na iyon.
"Oo, tungkulin niya iyon bilang pulis," paliwanag naman nito.
"Hindi ibig sabihin na pulis siya gagawin niya ang mga nakasulat na gawi ng kapulisan sa papel."
"Huwag mo kayang nilalahat ang mga pulis. Mayroon din namang mabubuti ang loob. Binalik nga niya ang limang piso sa iyo."
Hindi siya makapagsangayon sa sinabi nito dahil sa gumugulo sa kanya. Pakiramdam niya mayroong mali sa binatang pulis na hindi niya mabigyang kahulugan.
"Walang ibig sabihin ang pagbalik niya ng limang piso," paggigiit niya naman sa kaibigan nang matigil ito.
"Mayroon. Subukan na lang natin." Ngumiti pa ito nang malapad kapares ng sa aso upang mapilit siya.
Tumaas-baba ang balikat niya sa paghugot ng malalim na hininga. "Ikaw ang bahala pero huwag kang umasa na kakausapin ko siya," saad naman niya sa kaibigan.
"Inasahan ko na rin na iyan ang sasabihin mo. Magtataka na nga lang ako kung kakausapin mo ang taong hindi mo naman kilala. Ano ba tawag diyan?"
Itinaas niya ang kanyang kamao sa kaibigan. "Sapak, gusto mo?" pagbabanta niya rito.
"Huwag naman," ani Kenji sabay tawa na siya ring pagbaba niya sa kanyang kamao.
Nagpatiunang naglakad ang kaibigan niya habang nasa likod lang siya nito. Ang atensiyon ng binatang pulis ay sa mga pumapasok sa pasilyo. Tinawag ni Kenji ang atensiyon nito nang mabaling sa kanila ang tingin nito.
"Magandang gabi sa iyo kuya," bungad ni Kenji sa binatang pulis na ikinalingon nito sa kanila. "Hindi ba ikaw iyong nakita namin kanina sa restawran," dugtong pa nito nang magmukhang hindi ito sigurado.
Unang pinukos ng binata ang tingin sa kanyang kaibigan habang kausap ito. "Ako nga. Ano bang kailangan niyo?" anang binata habang inililipat nito ang tingin sa kanya. Dahil dito pingmasdan na lang niya ang mga taong lumalampas sa hanay ng detektor na pintuan papasok ng pasilyo.
"Makikiusap sana kami kung puwedeng makisabay sa iyo," paliwanag naman ni Kenji kahit gawa-gawa lang. "Ano kasi hindi namin kabisado ang New Manila. Unang pagkakataon na makapunta kami roon. Maghahanap kami roon ng trabaho. Kung ayos lang naman sa iyo?"
"Sige, walang problema," ang walang pag-aalinlangang sabi ng binata na ikibinalik niya rito ng mata. Nabibilisan siya sa pagdesisyun nito na hindi man lang pinag-isipan. Sabagay isa nga naman itong pulis kaya hindi magdadalawang-isip na tumulong, kung mabait nga ito gaya ng sabi ni Kenji.
"Maraming salamat. Hindi namin malilimutan ng gabing ito," ang magiliw na sabi ni Kenji. Inilabas pa nito ang pangbato nitong ngiti. Nagtagumpay ang kanyang kaibigan upang hindi sila malapitan ng bakulaw na walang kasing-itim ang budhi.
"Tumuloy na tayo. Aalis na ang sasakyan natin," anang binata matapos siya nitong tapunan ng huling tingin.
Nangunang pumuwesto sa detektor ang binata. Ang kaibigan naman niya ay ngumiti sa kanya bago ito sumunod. Rinig niya ang inilabas na tunog ng detektor sa paghakbang ng binata. Ganoon din ang nangyari nang kaibigan na niya ang lumampas. Siya naman ay kinakabahang humakbang sa pag-aakalang mayroon kung anong makita sa kanya. Nakuha niya pang tingalain ang ibabaw ng detektor kung saan naroon ang linyang lumiliwanag. Nakahinga lang siya nang maluwag pagkalapit niya sa kaibigan na naghihintay kasama ang binatang pulis.
Nagsilakad din naman sila sa kahabaan ng pasilyo na iyon kasama pa ang iba. Walang kasing-puti ang dingding at pader na dinagdagan pa ng mahabang nakakasilaw na ilaw sa kisame. Itong kaibigan niya'y sumasabay pa sa binata. Samantalang siya ay nanatili sa likuran ng mga ito.
Naglalaro pa rin sa likuran ng isipan niya kung mabait ba na tao ito o hindi.
"Pulis ka nga talaga ano?" ang tanong ni Kenji sa binata.
"Oo," simpleng tugon ng binatang pulis. "Paano mo naman nalaman?"
"Alam ko lang. Nakikita ko sa asta mo," sabi naman ng kaibigan niya na ikinatango-tango ng binatang pulis. "Kenji pala ang pangalan ko. Iyang kaibigan ko naman ay si Arjo." Nakaturo pa ang hinlalaki nito sa kanya.
Sa puntong binanggit ni Kenji ang pangalan niya nilingon siya ng pulis. Binalik din naman nito ang atensiyon sa paglalakad. "Hindi palasalita iyang kaibigan mo ano?" nasabi nito base sa kbserbasyon sa kanya.
"Nahulaan mo," anang kaibigan niya na may kadugtong na malapad na ngiti. "Wala talaga iyang ganoong kinakausap. Lalo na kung hindi niya lubos na kilala. Ano pala ang pangalan mo?"
"Gregorio," simpleng tugon ng binata. "Huwag niyo na lang akong tawaging, sir. Sa tingin ko naman ay kaunti lang ang agwat ko sa inyo.
Nasabi niya tuloy na ang layo ng pangalan nito sa itsura nito bilang pulis. "Makaluma ang pangalan mo," komento ng kaibigan niya na katulad ng nasa isipan niya.
"Iyong mga magulang ko ang dahilan, hilig nilang pag-aralan ang lumang sibilisasyon," pagbibigay-alam nito.
Hindi na nasundan ang pag-uusap ng dalawa dahil nakarating na sila sa katapusan ng pasilyo. Naroon ang mga nakapaikot na hanay ng mga Lawin. Kung pagmamasdan ang mga sasakyan napaka-balintuna na lilipad ito ng ganoon lang sa himpapawid. Kinakabitan ang bilugang pares ng bagwis ng mga ito ng elesi.
Purong salamin ang tagiliran ng mga sasakyan panghimpapawid kung kaya kita ang mga upuan sa loob. Nakatayo naman sa pinakagitna ang matayog na tore na ang tuktok ay hugis disko.
Bumuntot sila sa hanay ng pasahero patungo sa sasakyang nilang Lawin sa pagitan ng dalawang pilak na eskrima. Sa dulo ng eskrima ay naroon ang dalawang lalaking nakauniporme ng itim hawak ang isang iskaner na aparatu.
Hindi sinasadyang dumantay ang kanyang kamay sa bakal kaya naramdaman niya ang pagdaloy ng dagitab dito. Inalis na lang niya ang kanyang kamay nang hindi mamanhid.
Napalingon pa si Kenji dahil doon habang ang binata ay patuloy lang. "Anong nangyari?" tanong pa nito dahil tinitigan pa niya ang kanyang palad.
"Nakuryente ako," sabi niya sa kaibigan. "Huwag kang humawak diyan sa harang."
Bago pa man niya mapigilan ang kaibigan. Kumapit na nga ito sa eskrima't napakunot ang noo. "Wala naman. Pinagloloko mo ako," himutok ng kaibihan niya sabay balik ng tingin sa harap.
Nagtaka naman siya sa sinabi ni Kenji dahil sigurado siyang mayroon siyang naramdamang dagitab. Ang ginawa na lang niya'y dinampi ulit ang daliri sa bakal. Kumunot ang noo niya nang wala na siyang maramdaman. Pinaglalaruan nga naman siya ng kanyang imahinasyon.
Ilang tao pa ang sumunod sa kanya't makalipas ang mga sandali siya na ang lalabas sa eskrima. Tinaas niya ang hawak na etiketa na sinuri ng lalaking nakauniporme gamit ang hawak na aparatu. Umilaw ng kulay asul ang bilugang nguso niyon na tumama sa etiketa't sa kanyang maitim na mukha. Matapos niyon nakatuloy na siya't winawasiwas pa ni Kenji ang etiketa nito sa harapan niya.
"Ngumiti ka naman diyan. Mukha kang nabagsakan ng mundo," puna nito.
"Tinatamad na akong sumama. Umuwi na lang kaya ako?" biro niya sa kaibigan kaya sumama ang mukha ito.
Ang binata naman ay napansin niyang umakyat na ng bakal na dahilig papasok sa likuran ng Lawin kasabay ng iba pa. Ngumiti nang pilit ang kaibigan niya kaya pinitik niya ang noo nito. Sinabayan na lang siya nito na umakyat habang hapo ang noo nito. Pagkapasok nila sa loob habang sinusuksok ag etiketa sa bulsa hinanap kaagad ni Kenji kung saan nakaupo si Gregorio sa dalawang hanay ng tatluang upuan. Sa bandang gitna ito katabi ng durangawan na salamin, tinataas pa nito ang kamay. Lumapit na nga sila rito.
Sa tabi ng tatluang upuan pumuwesto si Kenji samantalang siya ay sa gitna. Naglalaro sa loob ang ingay pinaghalong usapan ng ibang mga pasahero. Pagkalapat ng kanyang pang-upo sa kutson na upuan nanginig ng bahagya ang sasakyan sa pagtaas ng pinto sa suwelo nito.
Umalunig pa sa mga upuan ang mabilis na pag-ikot ng elisi. Sinundan iyon ng pag-angat ng sasakyan na nilalabanan ang paghila ng dagsin.
Napatanaw siya sa labas kaya lang hindi naman niya makita nang maigi ang pakpak mula sa kanyang kinauupuan. Sa ginagawa niya'y napapatingin sa kanya si Gregorio. Umayos na lang siya nang upo kapagkuwan ay pinindot niya ang pulang kabtol sa likuran ng sinundang upuan. Pagkabitiw niya rito lumabas ang parisukat na hologram screen sa kanyang harapan. Nilingon niya lang si Gregorio nang kausapin siya nito.
"Magpalitan tayo ng upuan. Mukhang gusto mong tumitingin sa labas," sabi ng binatang pulis.
Pinagmasdan lang niya ang blangko nitong mukha kapagkuwan ay binalik ang tingin sa hologram screen. Naghanap siya ng mapapanood habang nasa biyahe kaya lang itong katabi niyang binatang pulis tumayo sa harapan niya. Nagulat na lang siya nang hawakan siya nito sa suot niyang t-shirt. Sa lakas nito itinayo siya nito at tinulak paupo sa inalisang upuan. Wala itong sinabi nang maupo ito sa gitna nila ni Kenji habang pinapatay ang hologram screen.
Upang makaiwas sa tingin ni Gregorio sumilip na lang siya sa durungawan habang lalong umaangat sila sa kalangitan. Nababanaagan niya sa likuran ng mga ulap ang kalupaan sa ibaba na napuno ng mga ilaw.
Ito namang kaibigan niya'y hindi na naman napigilan ang bibig. "Gaano ka na ba katagal na pulis?" pag-usisa nito.
"Limang taon na," sagot naman ni Gregorio na para namang magkaibigan na sila ni Kenji. "Pumasok ako sa unibersidad sa edad na trese."
"Ang aga naman. Mahirap ba talagang maging pulis?"
"Hindi naman gaano. Basta masikap ka makakaya mo," anang binata.
"Iyan ang gusto ko dati kaso hindi rin kaya ni nanay na pag-aralin ako kaya kinalimutan ko na lang. Sinubukan ko ring maging iskolar kaya lang bumabagsak ako." Magaling talagang humabi ng kuwento si Kenji. Kahit ang pagsasalita nito kapanipaniwala kaya hindi na siya nagtatakang nalilinlang nito si Gregorio.
"Kaya maghahanap na lang kayo ng trabaho sa New Manila. Mahihirapan kayo kasi kailangan mayroon kayong makikitang sertipikasyon. Sa itsura niyo mukhang hindi pa kayo nakakatagpos ng pag-aaral."
"Iyon nga ang problema. Kahit gustuhin naming mag-aral hindi na lang kami pumapasok. Kailangan naming kumita ng pera kaya nagtratrabaho na lang kami," ang nasabi ni Kenji bago marahas na umalog ang buong Lawin.
Sa lakas ng pagnginig napahawak siya sa patungan ng kamay. Nagulat na lang siya na ang nakapitan niya'y kamay ni Gregorio na nakapahinga roon. Ikinalingon din iyon ng binata sa kanya. Inalis niya ang kanyang kamay sabay niyuko ang ulo para humingi ng paumanhin.
Napuno ang sasakyan ng sigaw ng ibang pasahero na sinundan ng pagsagatsat ng speaker at ang pagsasalita ng piloto. "Pinapayuhan na ang mga pasahero ay manatili sa upuan hanggang makalampas ang lawin sa po-ipo." Ang tinig nito'y pumantay sa pagkalatong ng mga bakal at pag-irit ng mga upuan sa sasakyan. "Hindi dapat matakot dahil magiging ligtas lahat kayo.*
Nang sabihin nga iyon ng piloto nakita niya nga sa labas ang ipo-ipo na nabuo sa ilalim ng maitim na mga ulap. Sumasalamin sa bintana ang pagkidlat na nagmumula rito. Hinihila ang Lawin ng buntot ng hangin habang maingat na nilalabanan ng piloto. Ilang minuto din ang tinagal ng ipo-ipo bago ito nalusaw.
Naging maayos din ang paglipad ng Lawin sa pagpasok nito sa makapal na ulap paitaas.
"Natakot ako doon a. Bigla-bigla na lang. Akala ko katapusan ko na," ang nasambit pa ng kanyang kaibigan.
"Masasanay ka rin kung parati kang pupunta ng New Manila. Paiba-iba na ang takbo ng panahon ngayon kaya hindi na mahulaan," ang nasabi naman ni Gutavo.
"Alam ko rin naman na mangyayari ang ganoon. Hindi ko lang inasahan na ganoon kalala," ani Kenji. Wala talaga sa kanya ang usapan ng mga ito.
Tumango-tango ang binatang pulis. "Ano bang gusto niyong pasukin na trabaho?" ang naitanong nito.
"Kung ano iyong mayroon. Hindi naman kami mapili," tugon naman ng kaibigan niya.
"Paano ang titirahan niyo?" dagdag na tanong ni Gregorio. "Kung wala pa'y puwede kayo roon kung saan ako nangungupahan. Kakausapin ko ang may-ari upang babaan ang singil sa inyo."
"Mabuti pa nga. Maraming salamat," anang kaibigan niya bago nito tinawag ang kanyang pansin. "Brad, magsalita ka naman diyan. Para kang estatwa. Babaho ang laway mo kung hindi ka sasali sa usapan."
Sinalubong niya ang tingin ng kanyang kaibigan. "Sige lang. Mag-usap lang kayo. Huwag mo na akong alalahanin," aniya kapagkuwan ay binalik ang mata sa labas.
"Minsan nahihirapan din akong kausapin iyan si Arjo kapag ganiyan siya't nanahimik," nasabi pa ni Kenji nang pabulong kay Gregorio.
"Naririnig kita kung hindi mo alam," aniya sa kaibigan na ikinatikop na lang ng bibig nito. Mas pinili na lang nitong ilabas ang hologram screen.
Samantalang ang binatang pulis ay pinikit ang mata habang nakasandig ang ulo. Ang dalawang kamay nito'y nakapahinga sa patungan.
Naririnig niya ang marahan nitong paghinga sa lapit niya rito.
Bumalik ang kabog ng kanyang dibdib nang makita niya ang paglapit sa kanila ng sasakyang panghimpapawid na Dahunan na malahugis tatsulok na ginagamit ng pulisya. Huminto ito sa ibabaw ng kinasasakyan nilang Lawin. Hindi na rin sila gumalaw para sa inspeksiyon na magaganap.
Kahit nasa loob sila ng Lawin naririnig niya ang ugong ng makina ng itim na sasakyan na iyon na tila humahalo sa karimlan. Iniisip niyang hinahanap na sila sa katampalasan na nagawa nila sa Lipa. Nanggulo nga rin naman sila roon. Maging ang kaibigan niya ay natigil sa pagpindot at hinintay ang susunod na mangyayari. Si Gregorio naman ay hindi pinagkaablahang ibukas ang mata kahit na nagsalita na ang isang babae sa speaker ng Lawin mula sa sasakyan sa ibabaw nila.
"Walang kikilos sa inyo dahil kung mayroon man huhuliin kayo't aasahang magpaliwanag. Kung wala naman kayong gingagawang masama makakapagpatuloy kayo," anang tinig ng babae. Makapangyarihan ang pananalita nito. "Mayroon lang kaming hinahanap. Kasama na rin ito sa pag-iingat para sa gaganaping pangangampanya. Kaya kung may dala ang sino man sa inyo na armas, sumuko na kayo nang maiwasan na ang gulo."
Nagkatinginan pa sila ni Kenji, may gusto sana itong sabihin na hindi nito naituloy dahil sa katabing pulis. Sa puntong iyon pinagsisihan nitong dumikit sila kay Gregorio. Hindi na nga sila nakapag-usap sa pagbaba ng bilugang itim na drone mula sa ilalim ng Dahunan. Kitang-kita niya ang paghinto nito sa tabi ng bagwis kapagkuwan ay naglabas ng asul na ilaw na lumusot sa bintanang salamin. Nagsimula ang pag-iskan nito mula sa unahan hanggang sa dulo. Pinigilan niya pa ang paghinga nang madaanan siya nang ilaw at muling huminga nang walang marinig na alarma. Matapos niyon bumalik din naman ang drone paitaas sa Dahunan. Hinatid niya ito ng tingin sa paglipad nito papalayo patungo sa kasunod nilang Lawin. Lumiit ito nang lumiit sa kanyang paningin sa muling pag-andar nila.
"Salamat naman. Akala ko kung ano na," nasambit ni Kenji sa pagdausdos nito sa kinauupaun.
Sa pagkawala ng tensiyon sa kanya, umungol ang kanyang tiyan kaya hinapo niya ito. Napapangiwi siya sa hapdi dulot ng pagkagutom. Natigalgalan siya nang abutan siya ni Gregorio ng isang tsokolate sa kayumangging pabalat mula sa bulsa nito. Hindi nito pinagkaabalahang buksan ang mata.
"Kunin mo na. Huwag ka nang mahiya. Alam ko hindi pa kayo kumakain," ani Gregorio sa kanya. Sa puntong iyon tiningnan na siya nito.
Alanganin niyang kinuha ang binibigay nito. "Paano mo nalaman? Minamanmanan mo ba kami?" usisa niya sa binata.
"Hinulaan ko lang. Hindi ba nga pinalabas kayo sa restawran?" paalala nito na ikinakunot ng kanyang noo. Inilihis nito ang atensiyon sa kanya't binigyan din ang kaibigan niyang si Kenji ng tsokolate.
"Mayroon ka pala nito kanina mo pa sana binigay," ang nasabi ng kaibigan niya't binuksan ang hawak na tsokolate.
Sinimulan niya ring lantakan ang tsokolate niya sa muli namang pagpikit ng mata ng binatang pulis. "Gisingin niyo na lang ako kapag nakarating na sa New Manila. Hindi pa ako nakakabawi ng tulog," bilin pa nito't muling nanahimik.
Pagkagat niya sa tsokolate nalusaw iyon sa kanyang bibig. Hindi niya napigilan ang sarili na lasapin ang sarap niyon sa pagpapatuloy ng Lawin sa kalangitan.
Hindi pa rin maalis sa kanya ang hindi magandang nararamdaman mula sa binata.
Ang mga taong katabi't kalapit nila'y nag-uusap sa mahinang boses kaya nagtutunog bubuyog na bumubulog. Sa kinauupuan naman niya'y tahimik lang, pinikit ng kaibigan niya ang mga mata nito matapos nitong maubos ang kinaing tsokolate. Sinubukan niya ring matulog ngunit hindi naman nangyari. Liban sa ugong ng elesi sa bagwis ng Lawin na gumugulo sa kanyang tainga, hindi rin kampante ang kalooban niya habang nanatili sila sa himpapawid. Natatakot siyang kapag pinikit niya ang mata masiraan bigla ang Lawin na magiging dahilan ng pagbulusok nila sa karagatan ng pasipiko. Posible iyon kaya mas mabuting gising siya nang makagawa siya ng paraan upang makaligtas kung mangyayari nga ang naiisip niya.
Sa pagtiklop niya sa kayumangging pabalat ng tsokolate, umiyak ang isang sanggol na nasa pinakaunahan limang upuan mula sa kanya. Inalo iyon ng ina kaagad bago pa magreklamo ang mga ibang pasahero sa ingay nito.
Hindi na naman niya naiwasang alalahanin ang kanyang tunay na magulang. Natapos siya sa pagtiklop sa pabalat na parisukat ang hugis, naglalaro sa likuran ng kanyang isipan kung nabubuhay pa ba talaga ang mga ito. Kahit ang ina na lang niya ang gusto niyang makita.
Sa labas tila ngumingiti ang mga talang nakakalusot sa tabing ng mga ulap. Habang pinagmamasdan niya ang mga ito sumagi sa kanyang isipan ang isang bagay. Kung kaya nga binuksan niya ang hologram screen kasabay ng pagpatong niya sa tinuping pabalat sa patungan ng kamay sa kaliwa niya.
Inilagay niya ang numero ng kanyang tatay sa hologram kasabay ng pagsuksok ng piraso ng plastik para sa tainga na nakuha niya mula sa ibaba lang ng pulang kabtol. Naghintay siya ng ilang segundo bago nasagot nito ang kanyang tawag. "Sino ba ito?" ang naiinis na tanong ni Amando mula sa kabilang linya.
"Ako ito," mahina niyang tugon sapat lang upang marinig siya ng kausap.
"Nasaan ka bang bata ka ha? Bigla-bigla kang umaalis. Hindi ba sabi ko sa iyo lutuin mo iyong manaok. Huwag na huwag kang babalik dito na wala kang dala," litanya ng tatay niya na hindi niya binigyang-halaga. Madalas naman itong ganoon lalo na kapag umaalis siya ng bahay kaya nakasanayan na niya.
Imbis na ipagtanggol niya ang kanyang sarili sinabi na lang niya ang rason kung bakit siya tumawag. "Gusto ko lang malaman ang pangalan ng kalye kung saan ako iniwan," aniya sa kanyang tatay.
"Iyan na naman. Ilang ulit ko bang sabihin sa iyo na hindi mo mahahanap ang magulang mo. Iniwan ka nga't pinabayaan. Ano pang halaga ng paghahanap mo?" Narinig niya pa ang paghugot nito nang malalim na hininga.
"Kahit na, gusto ko lang silang makilala. Kaya sabihin niyo na kung saan iyong kalye baka may makuha ako roon," pagpupumilit niya.
"Wala nga akong masasabi sa iyong pangalan dahil nakalimutan ko na. Labing-anim na taon na ang nakalipas, huwag mong asahan na maalala ko pa. Sigurado wala na rin ang kalye na iyon ngayon, naitindihan mo?"
"Mga gusali na mayroon doon. Wala ka po bang matatandaan?" tanong niya.
Sumulyap siya sa labas dahil nakarating na sila sa mabatong ilalim ng ikapitong distrito sa New Manila na nahihiwalay sa iba pa.
"Pinahihirapan mo akong bata ka," reklamo ng tatay niya. Tumigil ito sa pagsasalita na animo'y nag-iisip. Pagkatapos ng ilang segundo nagsalita na ito ulit. "Ang natatandaan ko lang ay iyong sikat na aliwan sa harap."
"Ano ang pangalan?" tanong niya.
"Liwayway," sabi naman ni Amando.
Hindi na niya hinintay na mayroon pa itong sasabihin. Ibinaba na niya ang tawag sabay balik ng piraso ng plastik sa lagayan nito sa ibaba ng pulang kabtol. Sinubukan niyang hanapin ang sinasabi nito sa hologram kaya lang hindi pinapahintulutan ang paghahanap gamit iyon.
Inalis na lang niya ang hologram sabay nag-isip nang malalim sa paglapit nila sa paliparan na nasa bangin ng ikapitong distrito. Unti-unting nalantad sa kanyang mga mata ang mahahabang lapagan na mayroong nga pailaw sa gilid. Patukoy ang paglapag at paglipad ng ibang mga sasakyang panghimpapawid dito. Kahit napagmamasdan niya ito mula sa ibaba hindi niya mapigilang makaramdam ng kaunting tuwa.
Nang tuluyang pumantay ang kinasasakyan niyang Lawin sa lupa sa ibabaw, binati siya ng buhay na siyudad sa distritong iyon.
Sa sandaling paibaba na sila sa pinakagitna ng lapagan ginising na niya ang kanyang kaibigan na si Kenji. Inabot niya ang balikat nito sabay yugyog. Nagising naman ito na biglaang tumayo. Matapos nitong malaman na nakarating na sila tumayo ito sa may durungawan sabay pinagmasdan ang siyudad.
Si Gregorio naman ay hindi man lang iminumulat ang mata kahit na umalog ang Lawin sa tuluyang paglapag nito. Malakas ang pagsitsit ng bumubukas ng pinto sa suwelo at ang ingay ng mga tao, ngunit nanaitiling tulog pa rin ito. Wala na siyang nagawa't niyugyog na lang din ang balikat nito. Nang ibubukas na nito ang mga mata nagpatiuna na siyang lumabas kasabay ng iba pang mga pasahero.
"Hoy! Arjo! Hintayin mo kami!" tawag ng kaibigan niyang si Kenji nang malingunan siyang wala na roon.
Hindi siya tumigil bagkus ay nagpatuloy siya sa pagbaba hanggang makarating sa kontretong lapagan. Tumatama sa kanya ang malamig na ihip ng hangin. Nag-unat pa siya ng katawan habang pinagmamasdan ang mga naglalakad na tao pati na rin ang hanay ng mga sasakyang panghimapapawid.
Ilang sandali pa'y nakababa na rin ang kaibigan niya kasunod si Gregorio. "Gusto niyo ba munang kumain?" ang naitanong ng binatang pulis. "May kainan diyan lang sa labas ng terminal. Libre ko kayo."
"Sige ba," sabi naman ni Kenji. Binaling sa kanya ang tingin kaya nagkibit-balikat na lang siya.
Nagsilakad na sila kasabay ng iba papalabas ng lapagan. Sa dulo niyon naroon ang parking area na puno ng mga sasakyan. Dumaan sila rito hanggang sa makalabas nga sa malapad na tarangkahan sa pagitan ng dalawang gusali ng terminal. Matapos ng tarangkahan ay kalsada na puno ng mga dumadaang sasakyan. Sa kabilang ibayo ng daan ay naroon ang hanay ng mga kainan. Para makarating doon umakyat sila sa maliit na tulay. Napapatingin siya sa mga sasakyan sa paglalakad nila roon. Ang kaibigan niya naman ay nakangiting pinagmamasdan ang mga nakakasabay na babae. Itinigil niya lang ang pagtingin sa ibaba nang lingonin siya ni Gregoruo. Tumuwid na lang siya sa paglalakad sa pagbaba nila sa tulay na iyon.
Bumuntot lang sila sa binatang pulis sa pagdala nito sa kanila sa kainan na natatabingan ang pinto ng pira-pirasong pulang kurtina. Hinawi pa nga nito ang kurtina para sa kanila kaya alanganin silang pumanhik.
Sa loob naroon ang mga taong nag-iinuman habang kumakain na nahaluan ng pagtama ng mga kubyertos.
"Maupo na kayo. Ako na ang mag-oorder para sa inyo," sabi ni Gregorio sa kanila.
Nagtinginan sila ni Kenji kapagkuwan ay naupo sa bakanteng mesa na naroon. Samantalang si Gregorio ay lumapit sa counter kung saan nakatayo ang babae at kinausap nito iyon.
"Tama lang ang pagsabay natin sa kanya. Tingnan mo nilbre pa tayo," bulong ng kaibigan niya sa paglalakad ng binatang pulis patungo sa kanila.
"Sana lang talaga wala siyang gawin," aniya naman sa kaibigan at nanahimik na sila pareho
Hindi rin naman naupo si Gregorio pagkatayo nito sa gilid ng kinapupuwestuhan nilang mesa. "Punta lang ako sa banyo. Kumain na lang kayo kapag dito na ang pagkain niyo," sabi nito na ginantihan ni Kenji ng isang tango.
Lumakad na ito atungo sa malayong sulok ng kainan. Hinatid pa nga niya ito ng tingin. Inalis niya lang rito nang mayroong sabihin sa kanya si Kenji.
"Anong uunahin nating gawin bukas?" anito sa kanya.
"Hindi ko alam. Ikaw na ang bahala. Ideya mo na pumunta rito," saad niya naman sa kaibigan. Nakaramdam siya na kailangan niyang magbawas din ng likido sa katawan kaya tumayo siya sa kinauupuan. "Dito ka lang. Magbabawas lang ako, puputok na ang pantog ko."
Ngumiti nang malapad ang kaibigan niya. Para sa kanya mayroong iyong ipagkahulugan kaya tinulak niya ito sa ulo nang hindi nito maituloy ang binabalak. Sumimangot na lang ito sa kanya nang lumakad na siya na tinutumbok ang pintong magdadala sa kanya sa palikuran. Pagkaalis niya sa pangunahing bahagi ng kainan pinasok niya ang pinto't nilakad ang makipot na pasilyo. Bago pa man siya sa makatuloy sa pinto ng palikuran na nasa dulo, narinig niyang may kausap si Gregorio. Naitigl siya sa may pintuan kapagkuwan ay pinakinggan ito.
"Gawin mo na lang ang sinasabi ko," ang unang sabi ng binatang pulis. Sumasalubong ang kilay niya sa narinig. "Ipapadala ko na lang sa iyo ang litrato ng dalawa. Hindi ko alam ang buong pangalan nila, Arjo at Kenji lang ang pakilala nila sa akin. Pakiramdam ko may tinatago ang dalawa " Humina pa ang pagsasalita nito.
Tuluyang sumama ang mukha niya sa narinig. Hindi na lang siya tumuloy sa palikuran. Iniwan na niya ang binatang pulis bago nito malaman na narinig niya ang pakikipag-usap nito sa telepono. Bumalik siya sa mesa kung saan nagsisimula ng kumain si Kenji.
"Umalis na tayo," aniya sa kaibigan. Wala itong balak tumayo kaya hinawakan niya ito sa suot na bag sabay hila. "Bilisan mo bago pa tayo maabutan ng Gregorio na iyon."
Wala nang nagawa ang kaibigan niya kaya napasunod na lang din ito. Iyong iba pa ngang kumakain ay napalingon sa kanilang paglabas ng kainan. Mabilis silang naglakad sa gilid ng daan.
"Ano bang nangyari?" tanong na kaibigan niya habang hinahabol siya sa paghakbang.
"Ang Gregorio na iyon inaalam kung sino tayo," aniya sa kaibigan.
"Bakit naman niya gagawin iyon?' ang naitanong naman ni Kenji. "Wala rin naman tayong ginagawang masama liban sa pagnanakaw sa mayayaman. Hindi rin naman niya alam iyon."
"Siya ang tanungin mo. Hindi ko alam. Ang alam ko lang hindi maganda ang pakiramdam ko sa kanya," aniya sa kaibigan. Humalo sila sa mga taong naglalakad habang naglalaro sa hangin ang mga busina at ingay ng mga sasakyan.