Kabanata 6

4828 Words
Ang napili nilang pasukan na paupahan ay matanda na ngunit tumatakbo pa rin para tumanggap ng mga nagtutungo sa dakong iyon ng distrito. Kung kaya nga hindi na nakapagtataka ang ibinibigay nitong kaibahan kaysa sa ibang mga gusaling nakatayo sa kahabaan ng lansangan. Liban pa rito napakatahimik ng gusali lalo na ang pasilyo sa unang palapag nito na kahit pagpatak ng tubig mula sa malayong silid ay maririnig. Napipintahan ang kahabaan ng pasilyo ng madilim na kayumangging kulay na dumagdag lang sa taglay nitong pagkaluma. Binagayan iyon ng manilawnilaw na liwanag ng mahahabang bombilya. Huminto sila sa paghakbang nang marating nila ang tanggapan ng paupahan na walang ibang makikitang gamit liban sa lumang modelo ng telepono. Nakatayo sa loob niyon ang isang babaeng nakasuot ng puting blusa. Ang buhok ng naturang babae'y nakatali sa bonbonan kaya nga nagmumukha iyong sombrero kung titingnan sa malayo. Higit na mapapansin sa pader sa likuran lang nito ang sabitan ng mga susi. Iniangat lang ng babae ang tingin nito sa binabasang unang isyu ng isang rebista nang kumatok ang kaibigan niyang si Kenji sa pisnging tabla ng tanggapan. Imbis na sa kaibigan niya tumingin ang babae, sa kanya tumitig ang mga mata nitong nangingitim ang ilalim. Sa itsura ng babae mukhang hindi na ito nakakaranas kung paano ang matulog. Namumutla pa ang kompleksiyon nito kaya iisipin niya talaga ang ganoong bagay. Nilihis lang ng babae ng tingin mula sa kanya nang magsalita si Kenji. "Kukuha kami ng dalawang kuwarto," bungad ni Kenji sa babae. "Isang kuwarto lang ang maibibigay namin sa inyo," pagbibigay-alam ng babae sa mahina nitong tinig. "Punuan kami ngayon dahil sa gaganaping pangangampanya bukas sa kalapit na plaza." Hindi niya alam kung dapat niya bang paniwalaan ang sinabi ng babae dahil nga sa itsura ng paupahan na iyon. Nagdalawang-isip pa nga sila na doon magpalibas ng gabi. Ngunit nang mapag-usapan nila na mas mainam doon dahil hindi iisipin ng sumusunod sa kanila na tutuloy sila rito. Wala rin namang ibig ipagkahulugan ang iilang susing nakikita niya sa lagayan para masabi niyang maramin ngang nagpapalipas ng gabi roon. Palagay niya'y naiwala lang ang iba sa paglipas ng mga araw. Hindi rin naman kaya nadadala ng mga nangupahan at hindi na naibalik. Nilingon siya ni Kenji dahil sa narinig upang kunin ang kanyang opinyon sa pamamagitan ng tingin. Binigyan niya ito ng isang kibit-balikat bilang tugon kaya binalik nito ang atensiyon sa tahimik lang na babae. "Sige kukunin na namin," anang kaibigan niya. "Naghahain din ba kayo ng pagkain?" "Oo," maikling sagot ng babae. Hindi na niya pinigilan ang kaibigan dahil gutom na gutom na rin naman silang dalawa kanina pa. "Gusto namin iyong pinakamasarap niyong niluluto. Dalawa," dugtong ng kanyang kaibigan. Itinaas pa nito ang dalawang daliri. Iginalaw ng babae ang ulo nito nang pataas-baba para sabihin na naintindihan nito ang sinabi ni Kenji. Mabagal itong kumilos sa kinatatayuan na animo'y naubusan ito ng lakas sa katawan. Kahit nang abutin nito ang susi ay napakabagal. Nakuha naman nito ang isa sa mga susi ng nanginginig nitong kamay. Hindi na naman tuloy nila mapigilan ni Kenji na magkatinginan. "Dalawang libo isang gabi. Isang libo para sa pagkain," anang babae sa kanila nang ipatong nito sa mukha ng tanggapan ang susi. "Nasa ikalawang palapag ang kuwarto." Matapos na marinig niyon ni Kenji nagbunot ito ng pera sa bulsa na binilang nito bago pa man sila magtungo roon. Ipinangbayad nito iyon sa babae kapagkuwan ay pinulot ang susi na may nakasukbit na numerong dalawampu. "Maraming salamat," ang nakuha pang sabihin ng kanyang kaibigan. Kumunot pa ang noo nito nang pinilit na ngumiti ng babae. Nagmukha lang tuloy itong nasisiraan ng ulo. Nang itago ng babae ang hawak nitong pera nagsilakad na sila ni Kenji patungo sa alkoba ng mga elebeytor. "Kakaiba ang babaeng iyon," ang nakuha niyang sabihin sa kaibigan nang makalayo sila sa tanggapan. Nagsilingon pa nga sila patungo rito na nang sandaling iyon ay pinagpatuloy ang pagbabasa sa rebisa. "Oo nga. Para siyang iyong manggagamit ng mga lalaki pagkatapos papatayin sa huli," komento ng kanyang kaibigan. Tumuwid sila ng tayo nang biglang tumingin sa kanila ang babae. Napahawak pa si Kenji sa dibdib dahil sa pagkagulat. "Parang mali tayo ng napasukan brad," dagdag pa nga nito matapos huminga nang malalim. "Mas mainam na dito tayo dahil hindi maiisip ng bakulaw," aniya sa kaibigan nang pindotin niya ang buton para bumaba ang elebeytor. "Idagdag pa si Gregorio." Naghintay sila sa pagbaba ng masasakyang elebeytor. "Sigurado ka ba roon kay Gregorio? Hindi ko talaga maisip ang dahilan kung bakit niyang gustong malaman kung sino tayo. Samantalang wala naman talaga sa ating dalawa ang mayroong itinatago," saad ng kaibigan niya sabay nag-isip naman na nakahawak sa baba. "Baka naman mali ka lang ng narinig." Ibinaba na rin nito ang kamay kapagkuwan ay sinalubong ang kanyang mga mata. "Hindi ako nagkamali sa narinig ko. Sa tono ng naging pananalita niya para tayong masamang tao sa kanya," pagbibigay-alam niya sa kanyang kaibigan. "Huwag naman sanang dahil sa nagnakaw tayo," ang nasabi na lang ni Kenji sa pagtunog ng elebeytor indikasyon na nakababa na nga ito. Pagbaling nga nila ng atensiyon sa elebeytor bumukas na iyon. Sumungaw mula rito ang alimuom na may kasama pang alikabok kung kaya nga napatakip siya ng ilong. Lalo lang siyang nag-aalangang maniwala sa babae na maraming kustomer ang paupahan na iyon sapagkat kung titingnan ang estado ng elebeytor malalamang matagal na itong hindi nagagamit. Kapansin-pansin pa nga ang mga sapot ng gagamba sa itaas pagpanhik nila sa loob niyon, umirit pa nga dahil sa kanilang bigat na hindi binigyang pansin ni Kenji sa pagpindot nito sa bilugang buton na may numerong dalawa. Nanlalabo na rin ang pintura ng dingding nito. Kahit na sanay naman siya sa mga ganitong sitwasyon napapatanong pa rin siya sa kanyang sarili kung dapat nga bang naroon sila. "Hindi ako komportable rito," ang nasabi pa niya sa kaibigan niya. "Pakiramdam ko mayroong mangyayaring hindi maganda sa atin." Sinulyapan siya ng kanyang kaibigan sa pagtayo nila nang magkatabi. "Naranasan na rin natin lahat ng dagok sa buhay. Ano pa ba ang darating sa atin?" sabi naman nito na may kasamang ngiti. "Maputol iyang ano mo," aniya sa kaibigan na ikinatawa nito sabay tapik sa kanyang balikat. Tama rin naman ito marami na silang napagdaanan kahit na ang makasaksi ng p*****n sa kanilang harapan. Sa lumabas sa kanyang kaibigan sumagi sa isipan niya ang nangyari sa kanya habang nasa ilalim ng tubig sa laot. Naitanong niya sa kanyang sarili kung parehas niyon ang mangyayari sa kanila paano niya maipapaliwanag sa kanyang kaibigan. Nahirapan nga rin siyang maniwala, sinasabi ng kanyang likuran ng isipan na imahinasyon lang ang mga iyon. Pero sa tuwing titingnan niya ang kanyang paa pinapaalala niyon na totoo nga ang lahat at hindi basta gawa-gawa lang ng kanyang kamalayan. Muli na naman niyang tiningnan ang kanyang paa. Naroon pa rin iyong tanda ng pumulupot na galamay sa kanya. Naalis lang niya ang tingin dito nang magtanong ang kanyang kaibigan. "Sumasakit ba?" Iniling niya ang kanyang ulo sabay sabing, "Hindi naman." "Alam mo iniisip ko pa rin kung ano talaga ang pumulupot sa paa mo. Hindi rin naman puwedeng malaking pogita kasi kung ganoon hindi sana nangitim iyang paa mo," saad nito na nakatitig sa kanyang paa. Umayos na lang siya ng tayo upang matigil ito sa kakatitig. "Huwag na nating isipin. Hindi naman natin malalaman pa kung ano. Nabuhay pa rin naman ako," aniya rito na hindi sinasabi ang tungkol sa tinig ng nilalang na kanyang narinig. "Sangayon ako," sambit naman ni Kenji. Sinundan iyon ng pag-alog ng elebeytor kaya napahawak ito sa kanyang balikat. Kung gaano kabilis ang pagdating ng pag-alog ay siya ring pagkawala niyon. "Kinabahan ako roon. Akala ko kung ano na," dagdag nito nang bumitiw ito sa kanya. Makaraang umayos ang takbo ng elebeytor nakarating na sila sa ikalawang palapag. Pagkabukas ng pinto nito na nagtago sa sulok nalaman niyang hindi naiiba ang itsura ng pasilyo roon. Umiindap-indap pa nga ang ibang mahahabang ilaw. Lumabas na rin naman sila kaagad ng elebeytor kapagkuwan ay tumuloy na sa kuwartong may numerong dalawampu sa pinto sa kulay na kayumangging-ginto. Si Kenji na ang nagbukas niyon dahil siya rin naman ang may hawak sa susi. Nagliwanag pa nga ang mukha nito nang makitang maayos at malinis ang kuwarto. Siya naman ay nakahinga nang maluwag. Maaliwalas din tingnan ang pinturang ginamit sa loob na kulay abo. Sa pinakagitna ng silid ay naroon ang kamang sapat lang sa dalawang tao. Sa pader naman kasalungat ng higaan ay ang telebisyon na nakabaon, sa kanan ng kama naman ay ang maliit na mesa. Wala ng iba pang gamit na makikita sa loob. Nagpatiuna sa pagpasok si Kenji na nilalampasan ang pinto para sa banyo. Dumiretso ito ng higa sa kama nang padapa kasabay ng pag-ungol. Bago pa man siya pumasok tumingin siya sa kahabaan ng pasilyo nang kaliwa't kanan. Sa bawat dulo niyon umuugong ang hangin. Nasasabi niya talagang sila lang ang tao nang sandaling iyon. Humugot siya nang malalim na hininga kapagkuwan ay pumasok na sinasara ang pinto. "Pakiramdam ko talaga nagsinungaling sa atin ang babae na maraming tao rito. Masyadong tahimik," aniya sa kaibigan kaya tiningnan siya nito kahit na nakadapa. Pinatong niya ang bag sa mesa sa tabi ng kama. "Siyempre nasa loob ng kuwarto iyong mga tao. Masyado kang nag-iisip. Ipahinga mo na lang. Pagod lang iyan," anang kaibigan niya bago nito pinikit muli ang mga mata. Gusto man niyang sundin ang sinabi ng kanyang kaibigan hindi niya naman magawa. May kung anong nagsasabi talaga sa kanya na mayroong mali sa paupahan na iyon. Hindi niya lang matukoy kung ano. Kung kaya nga imbis na pakaisipin pa naupo na lamang siya sa lapag na nakasandig sa kama. Sa likuran niya lamang ang nakadapa niyang kaibigan. Inabala na lang niya ang kanyang sarili sa paglalaro ng goma na nasa kanyang pulsuhan. Bumuo siya ng hugis tala kapagkuwan ay sinisira iyon upang mapalitan naman ng bilog. Lumipas ang mga minuto na iyon lamang ang kanyang pinagkaabalahan. Habang naririnig niya ang marahang paghinga ni Kenji. Mayamaya'y nabasag ang katahimikan ng kuwarto dahil sa mahinang katok sa pinto. Ibinalik niya na lang ang goma sa kanyang pulsuhan. Kapagkuwan ay tumayo na siya upang pagbuksan ang kamakatok. Nang mabuksan niya nga iyon naroon ang babae na may dalang mataas na kariton na kinapapatungan ng pagkaing kanilang inorder. Basta na lang nitong iniwan ang tanggapan sa ibaba na walang bantay. "Kapag nakatapos kayong kumain ilagay niyo lang ang kariton dito sa labas. Kukunin ko na lang," bilin ng babae sa kanya. "Wala ka bang ibang kasama rito para tumulong sa iyo?" ang nakuha niyang itanong nang masagot kahit kaunti ang kanyang pagtataka. Pumiksi nang kaunti ang babae sa naging katanungan niya. Tumingin pa ito sa kaliwa at kanan bago binalik ang mga mata sa kanya. "Mayroon din silang ginagawa. Sabi ko nga marami kaming kustomer ngayon kaya abala ang lahat," sabi naman nito na hindi niya naman pinapaniwalaan. Kasi naman wala siyang nakikitang taong pabalik-balik sa pasilyo kung abala nga ang lahat ng nagtratrabaho roon sa pagsilbi sa mga kustomer. Balak na nitong itulak ang kariton kaya kaagad niyang pinigilan ito sa unahan. "Ako na ang papasok," aniya sa babae. "Sige," simple nitong sabi na animo'y tinatamad itong may sabihin na iba pa. Hinila niya ang kariton papasok ng kuwarto sabay sara sa pinto. Nang palapat na iyon sa hamba nito napansin niya pa ang pagngiti ng babae na ikinakunot ng kanyang noo. Pinakarimdaman niya muna ang babae sa labas. Nang maglakad na ito papalayo na malalaman sa marahang yabag nito sa pasilyo, dinala na niya sa paanan ng kama ang kariton. Nakuha niya pang pagmasdan ang pagkain matapos niyang alisin ang takip na stainless steel. Tinikman ang sabaw ng sinigang at hinintay kung may mangyayari sa kanya. Nang hindi naman siya nahimatay o nagsuka binitiwan na niya ang kutsara. Kapagkuwan ay nilapitan na niya sa Kenji. Inalog niya ang balikat nito para lang ito magising. Muli naman nitong binuksan ang mga mata na nakuha pang kusutin. Pinagmasdan siya nito na nakapikit ang isang mata sa pagbangon nito nang paupo. "Bakit? Ano bang mayroon?" tanong naman nito. Nakalimutan na naman nito kung nasaan sila nang mga oras na iyon. "Kumain ka na." Pinitik niya ito sa noo't binalikan ang kariton. Napasunod na lang ang kaibigan niya sa pag-upo niya sa paanan ng kama upang makakain nang maayos. Hindi nag-alangan ang kaibigan niyang si Kenji na tikman ang sinigang na baboy matapos nitong maupo sa kanyang kanan. Sa kanang kamay nito ay hawak ang malaking kutsara. "Akalain mo iyon masarap at malinis ang pagkaluto nila. Inasahan ko na may makikita tayong nilagay na kung ano sa pagkain. Pero mukhang wala naman," komento pa ng kaibigan niya. Hindi na rin ito nakapagsalita pa ng iba pa dahil sa gutom. Pinagpatuloy nito ang pagkain. Sinabayan niya ito hanggang sa maubos ang laman ng dalawang mangkok. Tanging pagtama ng kubyertos at pagnguya nila ang namutawi sa katahimikan ng kuwarto. "Matulog ka na lang ulit. Magbabantay na lang ako," aniya sa kanyang kaibigan nang uminom siya ng tubig. "Bakit mo naman gagawin iyon?" tanong ni Kenji nang hubarin nito ang suot na sapatos gamit lang ang paa. Umalis siya sa pagkaupo sabay tulak sa kariton. "Gusto ko lang. Iniisip ko kasing baka masundan tayo rito," aniya sa kanya kaibigan. "Hindi rin naman ako makakatulog nito kahit pilitin ko pa." "Ikaw ang bahala. Pero ako talaga matutulog. Hindi ko na kaya ang pagod." Narinig niya na lang ang paghiga nito sa pagkatalikod niya rito. Binuksan niya nga ang pinto nang makalapit rito at iniwan lang doon sa labas ang kariton katulad ng sabi ng babae. Muli niyang pinagmasdan ang kahabaan ng pasilyo. Nang makuntento bumalik na siya sa loob sabay sara sa pinto. Iniupo niya ang sarili sa lapag habang nakasandig sa kama. Samantalang ang kaibigan niya ay nakatulog na kaagaad, madali nga naman para rito ang matulog kahit saang lugar at sa ano mang sitwasyon. Nang sandaling iyon hindi siya naglaro ng goma kundi tumitig lang siya sa kisame habang iniisip ang kanyang buhay. Isang bagay lang naman ang namutawi sa likuran ng kanyang isipan na kung nabubuhay pa ang tunay na magulang niya, maaring wala siya sa sitwasyon niya nang gabing iyon. Initayo niya lamang ang kanyang sarili nang makarinig siya ng ingay sa labas. Lumapit siya sa pinto sabay dikit ng tainga doon. Maraming yabag ang pumupuno sa pasilyo kaya nakahinga siya nang maluwag. Nabawasan nang bahagya ang pag-alala niya mula pa kanina. Mukhang hindi lang sila nga talaga ang nangungupahan doon. Tama nga ang kaibigan niyang si Kenji masyado siyang nag-iisip. Nang aalis na siya narinig niya ang pamilyar na boses sa labas habang kausap ang babaeng kumuha sa kariton ng pagkain. Muli lang niyang idinikit ang kanyang tainga sa pinto. "Mukhang maraming nakituloy ngayon dito," sabi ni Gregorio sa babae. Sigurado siya na ang binatang pulis iyon. "Oo nga. Saka mayroon pa na dalawang kabataan," ang makahulugang saad ng babae. Lalo lamang siyang naguluhan sa sumunod na sinabi ni Gregorio. "Paano sila nakapasok dito?" pag-usisa naman nito. "Alam mo na rin naman kung bakit," simple namang sabi ng babae kapagkuwan ay tinulak na ang kariton. "Mukhang bagong salta lang sila rito." "Kaya naman pala. Ngayon na lang ulit nangyari ito," sabi pa ni Gregorio. Pakiramdam niya nakatayo lang sa likuran ng pinto si Gregorio. Hinintay niyang kumatok ito pero hindi naman nangyari. Lumayo na lang ito't sumunod sa babae na malalaman sa mga yabag nila. Hindi niya lubos akalain na magkakilala ito't ang babae. Hindi niya rin naman maintindihan ang naging usapan ng mga ito. Minabuti niya na lang na gisingin si Kenji ngunit kahit anong yugyog niya rito hindi naman ito magising. Pinagpalagay niya na lamang na hindi rin siguro malalaman ni Gregorio na sila ang gumagamit sa kuwartong iyon. Hindi rin naman kinuha ng babae ang kanilang pangalan na nakapagtataka rin. Liban na lang kung kumatok ang binatang pulis roon. Itinigil na lang niya ang paggising sa kaibigan niya't muling naupo sa lapag na nakasandig sa gilid ng kama. Itinutok niya ang kanyang mata sa pinto na para bang bigla iyong bubuksan ni Gregorio. Kasabay ng pagtahimik ang pasilyo, ni kaluskos wala nga siyang marinig mula roon Sa ganoong ayos siya na hindi niya namalayang nakatulog na siya. Hindi na naging mailap sa kanya ang antok. Nagising na lamang siya sa malakas na pag-ungol ng kanyang kaibigan. Marahas itong naginig habang dilat ang mga mata. Matulin niyang nilapitan ito sa pag-aakalang binabangungot lamang ito na dilat ang mga mata. "Gising, Kenji," mahina niyang sabi sa kaibigan. Kumabog ang kanyang dibdib sa takot sa nangyayari sa kanyang kaibigan. Niyuguog niya ito ulit sa balikat kaya lang wala pa rin iyong epekto. Tinampal niya na lang ito na naging dahilan kaya nagising din naman ito. "Maraming salamat naman nagising ka na. Tinakot mo ako," sabi niya sa kaibigan nang maupo siya sa gilid ng kama. Imbis na mayroong itong sabihin tumayo ito sa kama kapagkuwan ay tumakbo pababa. Nagulat na lang siya nang mabilis itong naglakad kaya bumangga sa pader kalapit ng telibisyon. Dali-dali na rin naman siyang lumapit dito na nagtataka sa nangyayari. Tumama ang ulo nito sa pader na naging dahilan kung kaya bumagsak ito sa sahig na siyang paglapit niya rito. "Ang sakit nun a," ang biglang nasabi ng kanyang kaibigang si Kenji kaya nakahinga siya nang maluwag. Hinapo nito ang noong nasaktan. Tumayo siya sa tagiliran nito. "Ano bang nangyayari sa iyo?" ang tanong niya rito habang tinitingnan niya ito. Pansin niya ang lalong pagkaputla nito. "Bakit?" taka naman nitong tanong sabay bumangon nang paupo. Pinagmasdan pa nito ang kalagayan sa sahig. "Anong ginagawa ko rito?" Hapo pa rin nito ang kanyang noo. "Bigla ka na lang nanginig pagkatapos bumangon ka't tumakbo hanggang bumangga sa pader," pagbibigay-alam niya sa kanyang kaibigan. Kumunot ang noo nito sa pagtataka matapos marinig ang nangyari. Hindi na ito nakapagsalita nang bigla itong nanakbo patungo sa banyo takip ang bibig. Napasunod na lang siya ng tingin dito. Pumuno sa buong silid ang pagsuka nito sa banyo na tila hindi na titigil. Kung kaya nga sumunod na siya rito. Mahigpit ang kapit ng kanyang kaibigan sa bibig ng basin habang inalalabas ang sukang nangingitim. Nangatog ang buong katawan nito sa bawat buga nito. Nilapitan niya ito sabay hapo sa likod nitong marahan. "Dadalhin na kita sa ospital. Mayroong nangyayari sa iyo na hindi maganda," aniya sa kaibigan. "Baka ano na iyan." "Ayos lang ako. Hindi lang natanggap ng tiyan ko ang mga nakain ko ngayong araw," napilit namang sabihin ni Kenji. "Hindi. Iba na ang nangyayari sa iyo. Hindi lang basta simpleng sakit ng tiyan iyan. Nakikita mo naman. Makinig ka sa akin." Hinawakan niya ang kanyang kaibigan sa braso ngunit inalis at tinulak nito ang kanyang kamay. "Ikaw ang makinig sa akin. Ako ang nakakaramdam dito hindi ikaw. Alam ko ang nangyayari sa katawan ko." Muli na naman itong sumuka sa ikahuling pagkakataon. Sa sandaling iyon halos hindi na ito makahinga sa tagal ng paglabas ng suka. Umubo-ubo ito nang matapos at hapong-hapo na nakadampi ang mukha sa bibig ng basin. Hindi na niya nagugustuhan ang kalagayan ng kanyang kaibigan. Alam niya rin namang hindi niya ito mapipilit. Pakiramdam niya'y nawala na rin ang pagsuka nito kaya nakahinga siya nang maluwag. Ang nagawa niya na lamang ay ang kunan ito ng tubig sa dala niyang bag na nakasilid na sa bakal na sisidlan. Nang balikan niya ito sa banyo binigay niya rito ang tubig kapagkuwan ay siya na ang pumindot sa basin nang pumailalim ang suka. Kasabay niyon ang pagtayo ni Kenji habang nakadikit sa bibig ang sisidlan dahil sa pag-inom nito ng tubig. Tila nauuhaw ito sapagkat hindi nito bitiwan ang sisidlan sa paglalakad nito pabalik ng kama. Samantalang siya ay naiwan sa loob ng banyo habang tinitigan ang unti-unting pagpailalaim ng maitim na sukang inilabas ng kanyang kaibigan. Pagkabalik niya sa kama natagpuan niya ang kanyang kaibigan na nakatulog na lang ulit nang padapa. Hawak pa nga ito ang sisidlan. Sa paglapit niya rito, dumulas na ang sisidlan sa kamay nito kung kaya nga nahulog ito sa sahig. Gumulong pa nga iyon patungo sa kanya na kanyang pinulot, pagkaara'y binalik na lamang niya sa kanyang bag. Kanya namang pinagmasdan ang kaibigan sa pagkahimbing nito habang nag-iisip ng tamang gawin. Napabuntong-hininga na lamang siya nang malalim para sa kanyang kaibigan. Hinawakan niya pa nga ito sa noo para malaman kung mainit ito. Nang maramdamang hindi naman inalis na niya ang kanyang kamay. Kasunod niyon ang ingay na nagbalik sa pasilyo kahit na mag-uumaga na. Hindi na siya umalis sa kinauupuan para silipin kung sino ang mga naglalakad doon. Minabuti niyang maupo na lamang sa sahig habang nakasandig ang likod sa kama. Tumingala pa nga siya ulit sa kisame. Sa ikalawang pagkakataon hindi na naman niya namalayan na nakatulog na lang siya ulit. Habang mahimbing silang dalawa ni Kenji ang kadiliman naman sa labas ay unti-unting napalitan ng liwanag. Lumipas ang mga segundo na naging minuto hanggang maging oras. Pumasok ang sinag ng araw sa salaming bintana na tumatama sa kanyang mukha. Sinundan iyon ng kaguluhan sa daan at doon na siya nagising. Tinakpan pa nga niya ang kanyang mga mata ng kamay dahil sa nakakasilaw ang sinag. Pikit ang isa niyang mata nang tingnan niya si Kenji na mahimbing pa rin ang tulog. Naisipan niyang silipin ang gumagawa ng ingay kung kaya nga tumayo siya na hinuhugasan ang mukha ng kamay nang maalis ang naiiwang kumapit na antok. Pagkalapit niya nga sa durangawan nakita niya ang pagkatipon ng mga mga tao para sa pangangampanya ng isang kandidato sa pagkapresidente sa kalapit na plaza. Hindi makahulugang karayom ang mga taong humarang sa daan. Sa gitna ng mga tao ay naroon ang maliit na lumulutang na pick up truck kung saan nagmumula ang malakas na tugtog. Ang iba pa sa mga sumusuporta ay mayroong dalang banderang tatsulok sa kulay na pula. Naalis lang ang kanyang atensiyon dito sa pagbangon ng kanyang kaibigan na si Kenji nang paupo. Kinukusot nito ang kalawang mata habang inuunat naman ang isang malayang kamay. "Nagsisimula na ba?" ang naitanong nito habang humihikab. Tinugon niya lang ito nang isang tango sa pagkuha niya sa kanyang bag na isinukbit niya rin sa balikat. Umalis din naman ang kaibigan niyang si Kenji ng kama na humihikab pa rin. Maging ito ay kinuha na rin ang bag na inilagay din nito sa likod. Nauna siyang lumabas ng kuwarto't pinagmasdan ang pasilyo na tahimik na naman nang mga sandaling iyon. Pagkalabas ni Kenji ito na ang nagsara ng pinto. Napasunod na lang ito sa kanya nang humakbang siya na tinutumbok ang hagdanan. "Dito na tayo sa hagdanan. Huwag na tayo sa elebeytor para kapag kailangan ng pagkakataon makakatakbo tayo," aniya sa kaibigan sa paglapit nila sa hanay ng hagdanan. "Bakit naman?" ang nagtatakang tanong naman ni Kenji. Kinukusot pa rin nito ang mata kung kaya nga bahagya na iyong namula. "Narito si Gregorio. Narinig ko siya kagabi habang tulog ka," pagbibigay alam niya sa kanyang kaibigan. Sa narinig ni Kenji binilisan nito ang paghakbang upang makasabay sa kanya. "Sigurado ka ba diyan? Iniisip mo pa rin mayroon siyang hindi gagawing maganda sa atin," anang kaibigan niya sa pagbaba nila ng hagdanan na hindi rin malinis. Sa itsura niyon mukhang hindi na nadadaanan. Namuo pa ang lumot sa sulok ng bawat baitang. Umaalingawngaw ang kanilang bawat paghakbang na nahulaan ng kanilang pag-uusap. "Siyempre, pulis siya kaya posible iyon. Hindi niya tayo ipapahanap kung sino tayo kung wala. Kausap niya iyong babaeng nagbabantay dito sa paupahan na ito," aniya naman sa kaibigan. "Wala namang ibang ibig sabihin iyon. Hindi ba nga ang sabi ni Gregorio may alam siyang paupahan. Ito na iyong sinasabi niya. Magkaibigan sila ng babae." "Posibleng magkaibigan nga sila. Kahinala-hinala ang naging usapan nila kagabi na narinig ko," ang huli niyang nasabi kay Kenji pagkarating nila sa hagdanan sa unang palapag. Wala na ring nasabi ang kaibigan niya't napabuntong-hininga na lang nang malalim. Wala na silang ibang napag-usapan pa hanggang sa makarating sila sa katapusan ng hagdanan. Pinigilan pa nga niya sa suot na bag si Kenji at hinila pabalik sa huling baitang. Nagtataka itong napatingin sa kanya. "May problema ba?" ang tanong nito sa kanya. Binitiwan niya na rin ito matapos niyon. "Wala. Sandali sisilipin ko lang baka nariyan si Gregorio," aniya sa kaibigan kapagkuwan ay sinilip nga ang tanggapan ng paupahan. Kumunot ang noo niya nang makita niya ang babaeng nagbabasa pa rin ng magasin. Hindi niya naman nakita si Gregorio. Ni walang ibang taong naglalakad doon. Napatago siya nang biglang tumingin sa kinaroroonan nila ang babae. Napasilip na lang ang kanyang kaibigan sa naging reaksiyon niya. Tinapik siya nito nang ibalik nito ang atensiyon sa kanya. "Nasosobrahan ka na talaga sa pag-iisip," sabi pa nito kapagkuwan ay lumakad na sa pasilyo upang makalabas ng paupahan na iyon. "Hindi nagkakamali ang kutob ko," aniya sa kaibigan nang sundan niya ito. Nagkibit-balikat lang ang kanyang kaibigan na hindi niya inasahan. Pinagtaka niya iyon dahil madalas sumasang-ayon pa ito sa kanya kapag mayroong siyang naiisip na hindi magandang bagay. Iyon ang unang pagkakataon na hindi nito binigyang-pansin. Napatitig na lang siya sa likod nito sa pag-aakalang epekto lang iyon ng pagsusuka nito sa nagdaang gabi. Sa pagdaan nila sa tanggapan binati sila kaagad ng babae. "Magandang umaga. Bumalik kayo rito kapag napunta kayo ng New Manila ulit," ang monotonong saad ng babae. Ni hindi ito ngumiti kaya naging kakaiba para sa kanila ni Kenji. Nilampasan lang nila ito na walang sinasabi kapagkuwan ay nagmadaling humakbang papalabas ng paupahan na iyon na hindi nililingon ang babae. Pagkatapak nila sa kalsada tiningnan nila ang mga dagat ng tao sa kanilang harapan. Nagsilakad lang ang mga ito patungo sa plaza na hindi sila pinagkaabalahang tingnan. Iyon ang isa sa pinakahihintay nila na mangyari nang magawa nila ang balak. "Handa ka na ba brad?" ang naitanong ni Kenji sa kanya. Tiningnan niya ang kaibigan niya nang maalala ang binilin ni Mang Berting sa kanya. "Huwag na lang nating ituloy," aniya sa kaibigan. Sinalubong nito ang kanyang mga mata kasabay ng pagkunot ng noo. "Nagbibiro ka lang hindi ba?" paniniguro pa nito sa kanya. "Pagkakataon na natin ito. Bihira lang tayong makapunta rito't ang dami pa ng tao kaya sunggaban na natin." "Paano kung mahuli na tayo?" aniya sa kaibigan. Hindi na rin nawala sa kanyang isipan ang binatang pulis. Posibleng pinaghihinalaan na sila nito na nagnanakaw sila sa mga nakakaangat sa buhay kaya nga marahil pinapahanap nito kung sino sila ni Kenji. Maingat din naman silang dalawa pero hindi niya pa rin maalis sa sarili ang mag-aalala. "Iyan ka na naman. Ilang ulit na nating magnakaw sa mga ganito. Hindi naman tayo nahuhuli," ang may bahid na inis na sabi ng kanyang kaibigan niya. Pati ang pagsasalita nito ay nag-iba sa kanyang pandinig. Pakiwari niya ay hindi niya kaharap ang kaibigan at ibang tao ang kanyang kausap. "Iba na ngayon. Baka nga binabantayan na tayo ng pulis na iyon. Nandiyan lang siya sa tabi, nag-aabang." Sumama ang tingin ng kaibigan niya sa kanya dahil sa nasabi niya. "Alam mo kung ayaw mo. Sabihin mo lang," mariin pa nitong sabi. "Ako na lang ang gagawa." Iniwan siya nito bigla matapos ng mga sinabi nito. "Bumalik ka rito," aniya sa kaibigan na hindi ito sinusundan. "Kita na lang tayo sa tagpuan natin," ang nasabi na lang nito hanggang sa tuluyan na nga itong humalo sa mga tao. Pinili niyang huwag na lang itong sundan dahil lalo lang itong magagalit sa kanya kapag ginawa niya. Napakamot na lang siya ng ulo habang naghahanap ng mabibilhan ng makakain. Kapag ganoong maraming tao hindi rin mawawala ang mga kariton na may bubong na nagtitinda ng kung anu-anong pagkain. Nakahanap din naman siya kaagad kaya nga lumapit na siya rito para bumili. Nagsumiksik siya upang makalapit sa isang kariton na nakapuwesto sa tabi ng isang punong nalalagas ang dahon. Ngunit bago pa man siya makabili nang nasa harapan na siya nito biglang mayroong humawak sa kanyang braso. Nang tingnan niya iyon nalaman na lang niya na ang binatang pulis. "Sumama ka sa akin. Kailangan nating mag-usap. Saan na ang kaibigan mo?" kaagad na sabi ni Gregorio sa kanya. Imbis na sumunod sa sinabi nito inalis niya ang kamay nito sa kanyamg braso. "Hindi natin kailangang mag-usap," aniya sa binata kapagkuwan ay kumaripas ng takbo papalayo riro. Sinubukan pa nitong habulin ang kanyang dalang bag para mapigilan siya kaya lang nakaiwas siya't nakahalo siya sa mga tao. Kinuha niya ang direksiyon na siyang pinuntahan ng kanyang kaibigan. Umiwas sa mga taong makabangga sa kanyang paglayo sa binatang pulis na sumusunod din sa kanya. Naisipan niyang iligaw ito sa dami ng mga tao roon habang hinahanap ng mata ang kaibigan. Naroong yumuyuko siya upang hindi siya makita ng binatang pulis. Hindi naman niya natagpuan ang kaibigan kaya dumiretso lang siya sa daan hanggang makaabot siya sa malawak na lupang kinatatayuan ng plaza. Kasalukuyang nagsasalita sa entablado ang tumatakbong presidente na si Deturimo sa likod ng lectern. Sa likuran nito ay ang hanay ng mga nakaupong sumusuporta rito. Sa likuran naman ng entablado ay naroon ang matayog na gusali na pinatayo nito. Dahil sa nahirapan siyang hanapin ang kaibigan umakyat siya ng poste ng bandila na ilang dipa ang layo sa entablado. Habang nakahawak siya sa bakal at nakatungtong sa sementong katawan nito iniikot niya ang kanyang paningin sa kalaparan ng mga tao. Sa kasamaang-palad imbis na mahanap si Kenji ang nakita niya ay ang binatang pulis na patungo na sa kinalalagyan niya. Nagkasalubong pa ang kanilang mga mata bago siya muling bumaba. Isang pagkakamaling humiwalay pa siya sa kanyang kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD