"Pagbabago ang kailangan ng bansang ito. . ."
Umaalingawngaw man ang tinig ni Deturimo sa paligid ngunit hindi rito nakapokus ang kanyang atensiyon. Kahit na patungo sa kanya ang binatang pulis na si Gregorio na nakaguhit sa mukha ang determinasyon upang makuha siya, hindi siya kaagad na umalis sa kinatutungtungan. Sumalubong pa rin naman sa kanya ang salitang suwerte sapagkat pagkalingon niya sa kanluran natagpuan na rin niya si Kenji. Nakatayo ito sa likuran ng dalawang lalaking natatakpan ang ulo ng putong na makulay ilang hakbang ang layo sa harang na naghihiwalay sa mga tao at entablado. Nakikinig ito sa nagsasalitang kumakandidato sa pagiging presidente kung pagmamasdan niya ito. Ngunit hindi iyon ang dahilan kaya nahinto ito sa kinatatayuan, inoobserbahan nito ang mga kalapit habang naghahanap ng tiyempo.
Nang ibalik niya ang tingin kay Gregorio hindi na siya nag-aksaya pa ng mga sandali. Tumalon na siya mula sa kinatutungtungan kapagkuwan ay hinanap ang daan sa pamamagitan ng pagsingit sa mga tao patungo sa kanyang kaibigan. Sa puntong humalo siya sa mga naroon nag-iba rin ng direksiyon ang binatang pulis upang makabuntot sa kanya.
Napansin din naman siya ng kanyang kaibigan sa paglapit niya rito. Nakuha pa nga nitong ngumiti na tila ba hindi sila nagkainisan bago mapunta roon.
"Nagbago na ang isip mo. May nakita na akong pagnanakawan natin," wika ng kaibigan niya sa mahinang tinig. Tinuro pa nito ang dalagang nakadilaw na blusa na dalawang tao ang layo rito. "Malaki ang makukuha natin." Sumilay pa ang manipis na ngiti sa labi nito.
"Hindi. Umalis na tayo rito bago pa tayo maabutan ng pulis na si Gregorio. Natagpuan na niya tayo," bulong niya sa kanyang kaibigan bilang pagtanggi.
Nagbago ang ekspresiyon sa mukha nito. Iyong kaninang tuwa na mabilis na lumabas ay napalitan ng purong pagkadismaya. Unti-unting kumunot ang noo nito na nagsasabing hindi nito gusto ang narinig.
"Kailan ka ba titigil? Huwag ka ngang gumawa ng dahilan para lang pigilan ako. Kung ayaw mo talaga umuwi ka na lang sana," mariing sabi ni Kenji kahit sa mahinang boses. "Wala namang katuturan ang pinagsasabi mo."
"Hindi ko basta lang gawa-gawa ang sinasabi ko. Nariyan naman talaga siya. Makinig ka sa akin kung ayaw mong makuha ka niya," aniya pabalik sa kaibigan na nabahiran ng inis. Isinaalang-alang na nga lang niya ang kaligtasan nilang dalawa nagagalit pa ito sa kanya.
"Naiinggit ka lang sa akin dahil makakuha ako ng malaki."
Dinuro niya sa dibdib ang kanyang kaibigan matapos na marinig ang sinabi nito. "Ikaw itong kung anu-ano ang sinasabi. Kahit makakuha ka ng malaki walang ibang ipagkahulugan iyon."
Hinawakan niya ito sa suot sabay hila. Nalingon pa nga nila pareho ang paparating na si Gregorio. Hindi na rin nagpapigil ang kaibigan niya dahil nakita na nitong hindi niya gawa lang na naroon ang binatang pulis. Kapwa sila tumakbo habang umiiwas sa mga tao makalayo lang sa binata. Umikot sila patungo sa kaliwa ng entablado. Ngunit bago pa man sila nakalayo nagkaroon ng pagyanig sa lupang nakapaikot sa entablado na may isang daan na metrong diyametro. Nanginig iyon kasabay ng pagguho hanggang sa naramdaman na lang niyang nahulog na sila paibaba sa sinadyang puwang sa ilalim kasama na ang iba pa at ng entablado. Kahit ang nagsasalitang kumakandidato kasama ang mga tauhan nito ay nasali sa pagbagsak. Mahigit isang palapag ang taas ng puwang kung kaya nga ilang minuto din silang nasa ere na napuno rin ng pagsigaw. Tiningnan niya ang kanyang kaibigan na ang mata ay nakapako sa ibaba. Sa pagitan silang dalawa ng malaking tibag na bato bumagsak na nanakit ang buong katawan kung kaya nga hindi nila malaman ang nangyayari sa iba. Sa pagtayo niya'y napatingala siya sa ibabaw kung saan bilog na bilog ang pagkatibag ng lupa. Nalaman niya kaagad na sinadya talagang mangyari iyon ng kung sino. Naroon ang ilan na sumilip na pinaalis din kaagad ng pulisya kung sakaling mayroong mangyari pang iba.
"Hindi ko inasahan na mangyayari ang ganito sa atin," anang kaibigan niya nang alisin nito ang mga kumapit na alikabok sa suot. "Ano sa tingin mo nang nangyari?"
"Hindi ko alam. Mukhang hindi maganda kaya umalis na tayo rito," aniya sa kaibigan niya dahil naroon pa rin sa isipan niya ang binatang pulis. Ilang hakbang lang ang naging layo nito sa kanila kaya siguradong nasama ito sa mga nahulog.
"Alamin natin," suhestiyon ng kaibigan niya sa pagsisimula nitong umakyat sa mga guho paalis ng kanilang kinalalagyan.
Pinigilan niya ang kanyang kaibigan sa naisip nito. "Hindi magandang ideya ang gagawin mo. Nariyan pa rin iyong pulis na si Gregorio," paalala ng kanyang kaibigan kaya binalik nito ang atensiyon sa kanya.
Natigalgalan sila pareho ni Kenji nang umalingangaw ang sunod-sunod na putok ng baril. Dahil malapit sila sa binagsakan ng entablado malakas nila iyong nadinig. Naging dahilan iyon upang magkatinginan silang dalawa ni Kenji.
"Mukhang magkakagulo pa," anang kanyang kaibigan.
"Kaya nga sabi ko sa iyo umalis na tayo," pag-ulit niya sa kaibigan.
Inalis niya ang atensiyon dito kapagkuwan ay inakyat ang malaking tibag na bato na nakapahilig. Nang makarating sa tuktok niyon maingat siyang sumilip kung kaya nga nasaksihan niya ang kaguluhan. Ilang dipa ang layo sa kanya nagtatago sa likuran ng nawasak na entablado ang grupo ni Deturimo habang walang habas na pinapaputukan sila ng mga kalalakihan na nababalot ang mukha ng gas mask. Iyong ibang mga sumusuporta sa kandidato'y bumulagta sa mga guho dahil natamaan. Kitang-kita niya rin ang pagtatago ni Gregorio sa likuran ng nakatayong tibag ng bato na malapit lang sa pinagtataguan niya. Yumuko siya nang aakma itong lumingon sa kanila.
"Anong nakikita mo?" tanong ng kaibigan niya sa balak nitong pag-akyat.
Tinulak niya ito sa balikat. "Huwag mo nang ituloy," aniya sabay umakyat sa tibag ng bato sa ibang direksiyon. "Tara na." Nilingon niya ang kanyang kaibigan na walang balak sumunod. "Ano pang ginagawa mo diyan? Nagpapakamatay ka ba?" mariin niyang sabi sa kaibigan nang aakma itong muling aakyat sa pahilig na bato.
"Gusto ko lang namang malaman kung ano ang kaguluhan," anang kaibigan niya sa pag-akyat nito sa guho na inakyatan niya.
"Hindi mo ba naririnig?" paniniguro niya sa kaibigan. "Kamatayan iyan," dugtong niya patungkol sa putukan ng baril. Sumumama ang mukha ng kaibigan niya ngunit tumuloy pa rin naman ito sa pag-akyat.
Pagkatayo nito sa tabi niya'y hinanap nila ang kanilang daan sa tibag ng mga bato kasabay ng iba pang mga lumalayo. Nang tingnan niya kung saan patungo ang mga ito nalaman niyang sa daan ng tren sa ilalim ng lupa.
"Gustong patayin si Deturimo kahit na mabuting tao," komento ng kaibigan niya sa paglayo nila sa putukan.
"Paano ka nakakasigurado diyan na mabuting tao siya?" paniniguro niya sa kanyang kaibigan.
"Nabasa ko ang artikulo tungkol sa kanya. Liban pa roon madalas siyang numero uno sa mga pagsusuri."
Hindi niya maramdamang sumangayon sa paliwanag ng kaibigan niya. "Walang ibig sabihin ang mga iyon para masabi mo talagang mabuti ang isang tao," aniya naman nang tumalon siya sa malaking tibag na bato patungo sa mas maliit.
Ganoon din naman ang ginawa ni Kenji. "Hindi mo lang makita kasi ikaw dati pa hindi mo na gusto ang politiko," hirit ng kaibigan niya sa kanya. "Sila kaya ang kumikilos para umunlad ang bansa natin matapos nilang mailuklok."
"Diyan ka nagkakamali. Ang mga mamamayan ang nagpapaunlad sa bansa. Ang ginagawa lang ng mga katulad ni Deturimo ay ang makipagbangayan."
Ilang tibag pa ng mga bato ang nilampasan nila bago sila makarating sa bukana ng daan ng tren sa ilalim ng lupa. Nagsipasok na roon ang mga lumayong sumusuporta sa kumakandidatong si Deturimo. Hindi na nakapagsalita ang kaibigan niya nang kamuntikan itong matamaan ng maliit na tibag ng batong nahulog mula sa itaas. Isang dangkal lang ang layo ng binagsakan nito. Nasapo na lang nito ang dibdib na malakas ang naging kabog.
"Hindi tama ng baril ang magiging mitya ng kamatayan ko kundi bumabagsak na bato," ang nasabi pa ni Kenji nang ipangtabon nito ang bag sa ulo sa pagpasok nito sa daan ng tren sa ilalim ng lupa.
Naiwan siyang nakatayo habang pinagmamasdan ang kaguluhan katulad ng iba pa. Natanaw niya ang paggalaw ng grupo ni Deturimo palayo sa nawasak na entablado sa hindi matapos-tapos na habas na pamamaril. Pansin niya pa ngang pinoprotekhan si Deturimo ng dalawang guwardiya nitong malalaki ang katawan. Hindi rin nakatakas sa kanyang paningin ang pag-agaw ni Gregorio sa baril ng lalaking naka-gas mask na naunang bumuntot. Sa nasaksihan ng ilan na paglapit nina Deturimo sa daan ng tren nagsiktakbuhan na rin ang mga ito papasok upang makaiwas na mapahamak at magtago. Hindi natigil ang ilan sa paglayo kaya nga ang kaibigan niya ay nabangga pa ng iba.
"Lakad na," aniya sa kaibigan nang lapitan niya ito. "Papunta na sila rito," dugtong niya kaya binilisan na nga rin ng kaibigan niya ang paglalakad sa reles.
"Minamalas tayo ngayong araw. Pansin mo?" ang hindi naiwasang sabihin ni Kenji.
Nasa pinakahuli sila ng mga taong lumalayo. Nakikita naman nila ang nilalakaran dahil sa mga ilaw na nakakabit sa dingding ng daan ng tren sa ilalim ng lupa. Umaalingawngaw pa ang pagsasalita ng mga tao na mistulang naging bubuyog.
"Nagkataon lang ang mga nangyari," aniya naman sa kaibigan nang lumingon siya sa bukana ng daan. Wala pa roon ang kandidatong si Deturimo na sana lang huwag na roon pumunta nang wala sa kanilang mga naroon ang madamay.
"Nagtataka lang ako kung sino ang gustong pumatay kay Deturimo," ang nasabi naman ng kaibigan niya. "Kaaway niya kaya o ang kakompetensiya niya mismo sa posisyon."
Dinala nito nang maayos ang bagpack sa likod.
"Ako ang nagtataka sa iyo. Masyadong nagkakainteres ka sa buhay niya," aniya sa kaibigan.
Nakuha na namang ngumiti nang manipis ang kanyang kaibigan. "Nasabi ko na ba sa iyong pakiramdam ko magiging katulad ako ni Deturimo."
"Hindi pa," aniya na may kasamang pag-iling ng ulo. "Ibig mong sabihin iniidolo mo siya?"
"Wala namang ganoon," sabi naman nito. "Kapag tinitigan ko kasi ang mukha niya parang nakikita ko ang sarili ko sa kaniya."
Kumunot ang noo niya sapagkat hindi niya ito naintindihan. "Pakipaliwang nang simple lang iyong hindi maguguluhan ang utak ko," sambit niya sa patuloy nilang paglalakad nang magkasabay sa reles.
"Magkahawig kami ang ibig kong sabihin."
Nang sabihin iyon nang kaibigan niya napatitig siya rito. Tama nga ito dahil magkaparehas ang kapal ng kilay nito't hugis ng mga mata nito kasama na ang bibig. Hindi na rin naman niya nabigyan ng pansin iyon sa paghinto ng mga tao sa unahan nila. Nang tingnan niya ang dulo kung bakit nalaman niyang natibag ang daanan ng tren sa dakong iyon na humarang sa kanilang daraanan. Napahugot siya nang malalim na hininga nang ibalik niya ang tingin sa kahabaan ng daanan habang sinasabi sa isipan na huwag sanang sumunod doon ang mga kalalakihang gustong pumatay kay Deturimo.
"Hindi maganda ang sitwasyon natin ngayon. Malapit ko ng pagsisihan na sumama ako sa iyo," aniya sa kaibigan nang ibalik niya ang atensiyon dito. Samantalang iyong ibang mga tao ay natatakot na kung kaya nga kung anu-ano na ang lumalabas sa bibig na hindi na maintindihan. Tumaltalbog lang ang mga iyon sa pader ng daanan kapagkuwan ay aalingawngaw palabas.
"Nakakasakit iyang sinasabi mo," anang kaibigan niya na magkahalong biro't kaseryosohan na ipinagkibit-balikat niya lamang. "Isipin na lang natin kung ano ang dapat nating gawin. Lumabas na lang tayo rito o hintayin na may ibang pumasok dito na mga kalalakihan na may dalang baril. Hindi tayo sigurado kung hahayaan tayong mabuhay."
"Bato, bato, pik?" simple niyang tanong sa kaibigan.
"Sige," pagpayag naman nito. "Sa iyo ang lalabas akin ang dito lang tayo hanggang may dumating na tulong. Isa lang, panalo na."
Pinagharap nila ang kanilang mga kamao sabay winawisas ng tatlong beses. Napapatingin na lang sa kanila iyong mga katabi dahil sa kanilang ginagawa. Nang ihinto nila ang kanilang mga kamay pinili niya ang papel kaya nanalo siya. Napakamot na lang ng ulo ang kaibigan niya sa naisipan nitong bato.
"Lumabas na tayo bago pa mayroong humarang sa atin," aniya sa kaibigan sa pagpapatiuna niya sa paghakbang.
Gumagawa ng hindi nagbabagong tunog ang kanilang paglalakad sa reles. Hindi naman sila nakalayo sa mga tao nang marinig nila ang sasalubong na ingay. Kung kaya nga natigil sila't pinakatitigan ang paparating. Malayong makatakas sa kanyang mga mata ang bulto ni Deturimo na kasabay ng dalawa nitong alalay at ang apat na tauhan nito kasama na ang lalaking kalbo na campaign manager. Hindi naman sa mga ito napako ang kanyang mata kundi sa binatang pulis na si Gregorio na nahuhuli sa hanay.
"Natatagalan ang tinawagan niyong mga pulis. Baka mamaya mapasok na tayo rito. Alam niyo naman walang magagawa ang dalawa sa bukana ng lagusan sa dami ng bilang ng mga kriminal na iyon," ani Deturimo na dinig-dinig sa katahimikan ng daanan ng tren sa ilalim ng lupa. Mababatid ang pagkadismaya sa tinig nito.
Nagsalita rin naman ang lalaking kalbo na nasa kaliwa ni Deturimo. "Papunta na sila rito. Ilang minuto na lang nandito na ang mga iyon," paliwanag ng kalbo bago pa maubos ang pasensiya ni Deturimo.
"Siguraduhin mo lang dahil ayaw kong masira ang imahe ko sa mga mamayan na narito. Iisipin nila na hindi ko magawan ng paraan ang ganitong problema," dugtong ng kumakandidato na kalbo.
"Huwag kayong mag-alala hindi nila maiisip ang ganoon. Gagawan ko ng paraan bago pa mangyari," hirit naman ng kalbo na para bang alam na alam nito kung paano tumakbo ang isipan ng isang mamamayan.
Sa patuloy na paghakbang ng mga ito umatras na siya sa paglalakad. "Bumalik tayo. Kasama si Gregorio nina Deturimo," aniya sa kaibigan niya nang tumuwid siya sa paghakbang.
"Ano naman ba iyan," ang nasabi ng kaibigan niya na mukhang hindi napansin ang binatang pulis. "Kung mamalasin nga naman talaga tayo." Sumabay na rin naman ito sa kanyang bilis. Mistulang nag-uunahan ang kanilang mga paa pabalik sa nagkatipon mga tao sa tabi ng humarang na lupa't mga bato.
Nang makabalik sa mga tao nagsumiksik sila sa mga ito upang makarating sa likuran at nang maitago ang kanilang mga mukha sa binatang pulis na kasama ni Deturimo sa pagpunta roon. Sa puntong nakapuwesto na sila kasunod ng dalawang matandang mag-asawa ay siya ring tuluyang paglapit ng hanay ng kumakandidato. Kaagad napansin ng mga ito ang kalagayan ng mga taong natingga roon na biglang nabuhayan naman.
"Mabuti naman ba ang mga lagay niyo?" ang naging tanong kaagad ni Deturimo.
Imbis na makakuha ng sagot ang natanggap niya'y puro pagmamaktol.
"Ano ang gagawin mo? Madadamay pa kami dahil sa iyo," anang lalaking nakasuot ng sombrero na kaharap lang ng kandidato.
"Paano na lang ang mga anak namin," dagdag naman ng babaeng mataba na ilang tao ang layo sa lalaking unang nagsalita. Masyadong malayo ang naging takbo ng isipan nito.
"Maganda siguro kung ibigay mo na lang kung anong gusto nila," sabi naman ng matandang lalaki na nasa harap ni Kenji.
"O hindi naman kaya kausapin mo sila nang walang madamay dito," dugtong pa ng isa pang babaeng nakadilaw na blusa.
Nag-alala ang mga tao kung paano sila makakalabas doon ng buhay samantalang sila ng kaibigan niya pinoproblema nila ang binatang pulis.
"Huwag kayong mag-alala mga kababayan magiging maayos ang lahat sa pagbaba ng mga pulis," paliwanag ng kandidatong si Deturimo kaya lang lalong nagbulungan ang mga tao.
"Sigurado ka ba diyan?" paniniguro naman ng lalaking naunang nagsalita na inaalis ang suot na sombrebro. Nalantad ang numinipis nitong bunbonan.
"Oo---" tinaas ni Deturimo ang kanyang dalawang kamay "---kaya huwag kayong matakot. Ilang minuto lang matutulungan na tayo ng mga pulis."
Umatras pa sila sa lalo sa likuran ng mga tao kung saan hindi gaanong tumatama ang liwanag sa kanila nang humakbang si Gregorio. Pinagmasdan nito isa-isa ang mga tao. Nagtago naman sila sa likuran ng lalaking malaki ang pangangatawan. Sa distansiya nila sa grupo ni Deturimo hindi na niya marinig kung anong sinasabi nito sa campaign manager. Idagdag pa ang pagbalik ng pinaghalong usapan ng mga taong naroon.
"Tumakbo na lang kaya tayo palabas," suhestiyon ni Kenji nang pabulong.
"Alalahanin mo iyong narinig nating sinabi ni Deturimo na posibleng pasukin siya rito ng mga kalalakihan," aniya sa kaibigan nang ibaling niya ang tingin dito. "Pagkatapos maabutan lang din tayo ni Gregorio. Hintayin na lang natin iyong mga pulis bago tayo pumuslit papaalis."
"Pakiramdam ko makukuha niya tayo," anang kaibigan niya.
Sa sinabi ng kanyang kaibigan pinagmasdan nga niya si Gregorio na hindi naalis ang paningin sa mga tao. Tumayo ito nang tuwid sa katapusan ng hanay. Nang aakma itong lilingon sa kinatatayuan nila hinila nya sa dalang bag ang kanyang kaibigan na si Kenji. Napayukod na lang din ito na sinundan siya patungo sa silangan ng daanan ng tren. Habang nakabuntot ito sa kanya ang mga tao naman ay nagtaka sa kanilang pinaggagawa.
Nahinto lang siya nang biglang humarang sa harapan niya si Gregorio. Nanlaki ang kanyang mata kasabay ng pag-atras niya rito. Ang kaibigan niyang si Kenji ay naumpog sa kanyang likod dahil sa paghakbang niya patalikod. Hindi naman siya nakalayo sapagkat mahigpit siyang hinawakan sa braso ni Gregorio. Sa kalabisan halos ibabaon na nito ang mga daliri sa kanyang balat.
"Bakit ba kayo tumatakbo? Hindi naman ako masamang tao," ang mariing sabi ni Gregorio sa kanya sa mahinang boses. Sapat lang iyon upang marinig niya. Gumuhit sa noo nito ang pagkadimasya.
Sinubukan niya pang kumawala sa kamay nito ngunit imbis na lumuwag ang kapit nito lalo lang humigpit iyon. Hindi naman malaman ni Kenji ang gagawin habang hapo ang naumpog na ulo, nakatitig lang ito sa mukha ng binatang pulis.
"Hindi ka rin mabuti dahil kung ganoon ka wala kang balak na gawin sa amin," aniya naman sa lalaki. "Pinapaalam mo nga kung sino kami. Wala rin naman kaming ginagawang masama para gawin mo ang bagay na iyon."
"Mayroon akong dahilan kaya ko pinagawa ko iyon," pagtatanggol naman nito sa sarili.
"Ano naman iyon?" anang kaibigan niyang si Kenji na nakatayo lang sa kanyang likuran. "Pakawalan mo na nga siya," dugtong pa nga nito sa panandaliang pananahimik ng binatang pulis.
"Hindi ko puwedeng gawin ang gusto mo," anang pulis. "Hindi ko rin masasabi sa inyo ang dahilan ko sa lugar na ito. Ang kailangan niyo lang gawin ay maniwala sa akin na wala akong magagawang masama sa inyo. Matutulungan ko pa nga kayo."
Humina pa lalo ang pagsasalita nito sa huling nasabi. Pinagsalubong niya ang kanyang dalawang kilay sa sinabi nitong iyon.
"Malabo akong maniwala sa sinasabi mo," patutsada niya naman sa lalaki.
Sumama ang tingin nito sa kanya sabay inilapit nito ang mukha sa kanya. Gahibla na lang ang namagitan sa kanilang mga tongki ng ilong.
"Makinig na lang kayo kung ayaw niyong may gawin talaga ako sa inyo na hindi maganda para sumunod lang kayo sa sinasabi ko," pagbabanta nito na ikinasalubong ng kanyang mga kilay.
Hindi niya mahanap ang boses sa ilang segundo dahil sa galit. Nang makahinga na siya nakapagsalita na rin siya. "Sabihin mo muna ang dahilan bago kami makikinig sa iyo," aniya naman sa binatang pulis.
Inilayo nito ang mukha sa kanya kapagkuwan ay kinaladkad siya hanggang sa dingding ng daanan ng tren. Napasunod na lang din si Kenji na hindi malaman ang ikikilos. Matapos nilang mapatigil umalingangaw sa kahabaan ng daan ang putok ng mga baril. Naging dahilan iyon upang magsigawan ang mga taong naroon kasabay ng pagdapa. Maging ang grupo ni Deturimo ay ganoon din ang ginawa.
Samantalang sila ng binatang pulis kasama ang kaibigan niya ay nanatiling nakatayo. Nagkasabay lamang silang lumingon patungo sa pinanggalingan ng ingay kung saan tumatakbo ang dalawang tauhan ni Deturimo na natamaan sa iba't ibang bahagi ng katawan. Hawak ng isa ang nasugatang balikat sa paglapit nito.
Dahil sa nasaksihang kalagayan nito binitiwan siya ni Gregorio sabay sabi sa kanya, "Huwag niyong subukang takasan ako ulit."
Mataman siya nitong pinagmasdan habang naghihintay ng kanyang sasabihin. Ngunit pinanatili niyang tikom ang kanyang bibig. Wala na ngang nagawa ang binatang pulis kundi umalis. Sinalubong nito ang papalapit na tauhan ni Deturimo. Hindi naman niya narinig ang naging tanong nito sa tauhang nakahawak sa balikat sa distansiya niya rito. Walang nakuhang sagot ang binatang pulis sa pagbagsak ng unang tauhan sa reles na sinundan ng pangalawa. Pinulot na lamang nito ang hawak na baril ng unang tauhan.
"Tumulong na kaya tayo brad," ang nasabi ni Kenji na ikinalingon niya rito.
Pinagsalubong niya ang kanilang mga mata. "Ano naman ang maitutulong natin?" tanong niya naman dito.
"Marunong naman tayong humawak ng baril," paliwanag naman ni Kenji kaya naitindihan na niya kung anong gusto nitong mangyari.
"Mapapahamak talaga tayo sa naiisip mo. Masaklap pa kung mamatay tayo."
"Mangyayari pa rin naman iyon kung nakatayo lang tayo rito. Mabuti na iyong sinubukan nating tumulong. Liban pa roon wala naman sa ating dalawa ang natatakot mamatay kung para naman sa ibang tao ang dahilan ng kamatayan natin."
Napabuntong-hininga siya nang malalim sa huling nasabi ng kanyang kaibigan. "Sige na nga," pagsuko niya na lang sa kaibigan kapagkuwan ay lumakad patungo sa naghahandang pulis.
Sinabayan siya ng kanyang kaibigan habang ang mga tao ay naiwang nakadapa na nanginginig sa takot. Nakayukod na nagtungo sa gitna ng mga tao si Deturimo kasama ang campaign manager nito. Kapwa naduwag na ang mga ito kung kaya nga hindi malaman ang gagawin. Nang sandaling iyon naging simpleng mamayan lang si Deturimo. Walang nais na prumotekta sa kanya na mga taga-suporta dahil sa pagpapahalaga ng mga ito sa kanilang buhay.
"Bumalik na kayo roon," anang binatang pulis na si Gregorio sa kanila habang tinitingnan nito ang lamang bala ng magasin.
Nakatayo pa rin ito sa tabi ng tauhan na nawalan ng malay-tao.
"Makakatulong kami sa iyo," aniya naman sa pulis.
Sinabi niya iyon hindi dahil sa naniniwala siya sa binatang pulis na wala itong magagawang hindi maganda sa kanila. Nais niya ring ipakita rito na mabuti silang tao ng kanyang kaibigan upang hindi nito ituloy ang pagkuha sa kanila.
Pinakatitigan silang dalawa ni Kenji ng binatang pulis.
"Naturuan kami kung paano gumamit ng baril," palusot naman ni Kenji kahit totoo naman iyon.
Ibinalik na lang na lamang ni Gregorio ang magasin sa hawak na kuwarenta y singko na baril. "Sino naman ang nagturo sa inyo?" pag-usisa naman nito kasabay ng pagtapon nito ng baril.
Sinalo niya ang tinapon nito at pinamilyar ang kanyang kamay sa bigat niyon.
"Iyong kaibigan naming dating pulis," tugon naman ni Kenji na ikinakunot ng noo ni Gregorio. "Puwede mong alamin kung sino siya matapos nating makalabas dito para malaman mong hindi ko gawa-gawa ang sinasabi ko."
Inihagis ng binatang pulis ang pangalawang baril na nakuha nito sa tagilirian ng ikalawang tauhan ni Deturimo. Hindi iyon nasalo ni Kenji nang maayos kaya nahulog lang sa reles. Kumalatong iyon nang tumama sa matigas na bakal.
"Sa tingin niyo makakalabas kayo ng buhay dito?" sabi naman ni Gregorio nang pulutin ni Kenji ang nahulog na baril. Inilabas din nito ang dala nitong baril mula sa likod nito.
Humigpit ang kapit niya sa hawak na baril at hindi na niya napigilang magsalita. "Posible kung ikaw mismo ang babaril sa aming dalawa," patutsada niya sa binatang pulis. "Pipigilan lang naman nating makalapit dito ang mga kalalakihan. Hindi kailangang harap-harapang makipagbaliran, hindi ba?"
Tuwid siya nitong pagmasdan. "Bahala kayo sa gusto niyo pero makikinig kayo sa mga sasabihin ko. Ako ang mayroong katungkulan dito," malumanay nitong sabi habang kinokontrol ang sarili.
"Oo naman. Madali lang naman sa amin ang makinig," wika niya upang makita nitong naintindihan naman niya.
Mahahalatang hindi na naman nito nagustuhan ang kanyang sinabi sapagkat kanina lamang pinapalabas lang niya sa dalawang tainga ang mga sinabi nito.
Nilampasan siya nito sa paghakbang nito patungo sa mga tao. Sinundan niya ito ng tingin nang may ilang hakbang na lang ito sa mga ito
"Walang dapat kikilos sa inyo upang makaiwas tayong mayroong mapahamak sa inyo," ang maowtoridad na sabi ni Gregorio. Hindi naman nagsalita ang alin man sa mga tao kahit na si Deturimo. Humugot nang malalim na hininga ito kapagkuwan ay pinihit ang katawan pabalik sa kahabaan ng reles. Kasabay niyon ang paparating na mabibilis na hakbang na umaalingawngaw sa pader ng daanan ng tren.
"Handa ka na ba?" ang naitanong ni Kenji nang muli silang lampasan ng binatang pulis.
"Hindi na itinatanong ang mga ganiyang bagay," aniya sa kaibigan sa pagsunod nila sa binatang pulis.
Aminin man niya o hindi kinakabahan pa rin siya, mas inaalala niya ang kaligtasan ng kaibigan na ngumiti naman nang manipis. Handang-handang nga ito sa mga posibilidad kahit na kamatayan ang magigng resulta.
Naglakad silang tatlo ng mahigit isang daang metro palayo sa mga tao bago sila huminto. Hinarap sila ng binatang pulis habang papalapit naman ang mabibilis na yabag ng mga kalalakihan.
"Sa likuran ko lang kayo. Dumapa lang kayo. Hindi niyo kailangang pumatay kung maaari. Subukan niyo lang na tamaan ang kahit isa sa kanila," sabi ni Gregorio kapagkuwan ay binalik ang atensiyon sa paparating na mga kalalakihan.
Sinunod nga nila ang sabi nito, dumapa nga sila na nakahanda ang hawak na baril kasabay ng pag-iskwat nito. Sa kaliwa nakapuwesto ang kanyang kaibigan sa Kenji. Ilang sandali pa nga'y natanaw na nila ang mga kalalakihan na mayroong bilang na lima. Mabilisang nagpaputok ang binatang pulis na sinundan nila ni Kenji. Sa pagkabigla ng mga kalalakihan natamaan ang isa sa mga ito bago pa man magsitabi ang apat pa. Pagbagsak ng natamaan nagsidapa ang dalawa habang nanatili ang dalawa pa sa pader. Bumawi ang mga ito ng mga paputok gamit ang mahahabang baril. Muling napuno ang kahabaan ng daan ng ingay ng putok. Nasabi niyang maging ang binatang pulis ay walang kinakatakutan dahil hindi man lang ito umaalis sa kinapupuwestuhan. Natigil lang siya nang kamuntikan siyang tamaan. Tumama lang ang baril sa kaliwa niya lang mismo. Pinagmasdan niya ang kanyang kaibigan kung maayos lang ito. Hindi rin naman ito natamaan kung kaya nga ibinalik niya ang buong atensiyon sa pag-asinta. Ang tanging pinatamaan niya ay ang ibabang bahagi ng katawan ng mga kalalakihan sa kagustuhan nga ng binatang pulis. Ang may gawa ng lahat ay ang binatang pulis na walang mintis sa pag-asinta. Sa loob ng ilang minuto lamang bumagsak na ang lahat ng mga kalalakihan na maraming tama sa buong katawan. Nagbalik ang katahimikan doon matapos niyon.
Sa puntong iyon tumayo si Gregorio at tumakbo sa mga kalalakihan. Sila naman ng kanyang kaibigan ay bumangon na mula sa pagkadapa habang sinusuri ng binatang pulis kung mayroong humihinga pa. Inisa-isa nito ang mukha ng bawat isa na natatakpan ng gas mask.
"Kilala mo ba ang mga iyan?" ang naisipang itanong ni Kenji nang makasunod na sila sa binatang pulis.
Tinapos ng binatang pulis ang pagsuri kapagkuwan ay tumayo na ito nang tuwid. "Hindi," simpleng tugon nito. Ibinaling nito ang tingin sa kanilang dalawa ng kanyang kaibigan. "Nasaktan ba kayo?" dugtong nitong tanong.
"Maayos naman ako," sambit ng kanyang kaibigan.
Inilipat ng binatang pulis ang tingin patungo sa kanya. "Sigurado ba kayo? Hindi ko gustong nagsisinungaling kayo para makaiwas sa akin," paniniguro ng binata lalo na sa kanya.
"Sa tingin mo makakatayo kami kung natamaan kami?" ang mayroong kaunting panunuya na sabi niya sa kausap.
"Hindi ko nagugustuhan ang tono ng pananalita mo," ang makatotohanang sabi ni Greg habang nakatingin sa kanyang nang tuwid.
"Parehas lang naman tayo. Hindi ko rin nagugustuhan kung sino ka," mariin niyang sabi sa lalaki.
Sa sinabi niya'y nagkasubukan sila ng binata sa pamamagitan ng tingin. Naputol lang iyon nang magsalita si Kenji.
"Mabuti pa tumuloy na tayo hanggang sa labas. Sigurado naroon pa iyong iba na naghihintay," anang kaibigan niyang si Kenji. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanilang dalawa ng binatang pulis.
Hindi na lang nagsalita si Gregorio sa paghakbang nito. Bumuntot namang itong si Kenji.
"Huwag na tayong sumunod sa kanya. Kaya naman niya nang mag-isa. Nakita mo naman," aniya sa kaibigang habang nakasunod siya sa likuran nito. Napagtanto niya rin ang bagay na iyon habang nakikipagbarilan sa mga kalalakihan.
Nilingon siya ng kanyang kaibigan niya. "Pagkakataon na rin ito para mapatunayan sa kanya na walang mali sa atin upang hindi niya tayo kunin. Alam kong naisip mo rin iyon," saad ni Kenji kahit nasa unahan lang nito ang naglalakad na si Gregorio
Humugot siya nang malalim na hininga kaya napangiti ang kaibigan niya. Binalik na rin nito ang atensiyon sa paghakbang. Prominenteng maririnig naman ang kanilang paghakbang sa reles ng magkasunod-sunod. Hindi rin nagtagal pa napansin na nila nga ang tatlong pang kalalakihan na nakatayo sa bukana ng naging bibig ng daanan ng tren. Nag-aabang lang ang mga ito roon. Ang mga ito ang naunang nagpaputok kung kaya nga napadapa sila ni Kenji samantalang si Gregorio ay diretso lamang sa paglalakad habang bumabaril. Kamuntikan na naman siyang matamaan sa balikat, naramdaman niya talaga ang pagdaan ng baril. Walang nagawa ang tatlong lalaki kaya tumakbo ang mga ito papalabas upang magsitago sa likuran ng tibag ng mga bato.
"Dito na lang kayo. Huwag na kayong sumunod," ang iniwan ni Gregorio sa kanila. Tumakbo din naman ito papalabas ng daanan.
Nagkatinginan sila ni Kenji sa pagtayo nila sa reles ng tren. Imbis na makinig ang kaibigan niya kumaripas din naman ito ng takbo. "Tara na. Makakatulong pa tayo," sabi pa nito. Nang tingnan siya nito'y nakangisi ito nang matalim. Naramdaman niyang mayroong mali dahil sa mukha nito. Sumagi sa isipan niya ang nangyari rito sa nagdaang gabi na tila nawala ito sa sarili.
Hindi na niya ito napigilan nang maiwanan na siya nito. "Bumalik ka rito Kenji. Tumigil ka na. Hindi mo ba narinig, dito na lang tayo," pahabol niya sa kanyang kaibigan ngunit tila wala naman itong narinig. Hindi na siya nagdalawang-isip kapagkuwan ay mabilis itong sinundan.
Tumatawa pa nga ito sa pagtakbo nito na lalong dumagdag sa kakaibang ikinikilos nito. Nilampasan pa nga nito si Gregorio't pagkalabas nito nagpaputok ito nang baril sa iba't ibang direksiyon na animo'y isang taong nababaliw, naglalaro sa hangin ang malakas na tawa nito. Dinagdagan niya pa ang bilis ng pagtakbo nito nang makita niyang babarilin ng isa sa mga lalaking nakatago sa gawing kaliwa ang kaibigan niya.
Nang ilang hakbang na lang ang layo niya rito tinalon niya ito sabay tulak. Umalingangaw ang putok na nanggaling sa lalaki sa pagbagsak niya kasabay ng kanyang kaibigan. Naramdaman niya na lamang ang pagkabaon ng bala sa kanyang balat dahil siya ang natamaan.