Naranasan niya ang nakakapasong kirot sa kanyang balikat sa itaas lamang ng kanang dibdib. Kung kaya nga hinawakan niya ang bahagi ng katawan niyang iyon na nangingiyak ng pulang likido dahil sa tama ng bala. Impit ang kanyang pagdaing habang sa paligid nila ay patuloy ang putok ng baril --- nakakabingi na animo'y nasa isang pagtatanghal ng kuwitis.
Inaalala niya pa rin ang kanyang kaibigan na si Kenji sa kabila ng kanyang kalagayan dahil sa natamong tama ng baril. Tiningnan niya ito sa kanyang kaliwa na nakadapa rin habang tinatakpan ang ulo ng kamay upang maprotektahan ang sarili sa mga maliligaw na bala. Sa pagpiksi ng katawan nito sa pagputok ng baril palagay niya'y nagbalik na ito sa katinuan ng pag-iisip.
Nilingon siya nito kaya roon na niya ito nasigawan.
"Ano bang nangyayari sa iyo?! Bigla-bigla ka na lang nawawala sa sarili!" Hindi na niya napigilan ang kanyang sarili.
Pinaalala ng ginawa nito ang mga nangyari rin dito sa nagdaang gabi. Nagdalawang-isip siyang maniwala sa binatang pulis na si Gregorio na mayroon ngang kakaiba sa kanilang dalawa ng kanyang kaibigan.
"Pasensiya na," agaran naman na paghingi nito ng paumanhin. Sa pagsasalita nito'y tila nagi isa itong uod na lamang tiyan ng mga ibong mandaragit. Nanginig nang bahagya ang boses nito. "Pakiramdam ko lang ganoon dapat ang gawin ko kaya sumugod na lang ako bigla."
Kinalkula niya ang sinabi nito bago siya muling nagsalita.
"Huwag mo ng uulitin iyon. Hindi man ako takot mamatay pero ayaw kong makita kang malagutan ng hininga sa harapan ko," mariin niyang sabi sa kaibigan. Sinundan iyon ng pagtigil ng putukan kasabay ng pag-alingangaw ng mga sasakyang panghimpapawid na pumasok sa bibig ng lupang gumuho.
Natamimi na lamang ang kaibigan niya sa kanyang sinabi. Kapwa sila tumayo nang makita nila si Gregorio na patungo sa kanila. Ang kanyang kamay ay nanatiling nakahawak sa nasaktang balikat.
"Ano bang problema niyong dalawa? Nagpapakamatay ba kayo?" tanong ni Gregorio sa kanila. Imbis na sumagot mas pinili nilang manahimik. Kahit gustuhin niyang gantihan ang tanong nito hindi naman niya alam ang sasabihin. "Ayos ka lang ba? Mukhang natamaan ka?" dugtong nito nang mapatitig ito sa balikat niya.
"Daplis lang. Kaya ko naman." Binaba niya ang kanyang kamay nang hindi nito maisip na nasasaktan siya.
"Patingin nang masiguradong daplis nga lang," suhestiyon nito habang inaangat ang kanang kamay.
Nang aakma na siya nitong hahawakan umatras na siya palayo sa binatang pulis. "Hindi mo ba ako narinig?" tanong niya pa sa binata.
"Kung daplis lang iyan hindi magkakaganiyan ang paglabas ng dugo," ani Gregorio. "Mawalan ka ng dugo mas mahihirapan ka."
"Hindi mangyayari iyon. Nakakatayo pa nga ako. Ikaw ang may problema sa ating tatlo," patutsada niya sa binata.
Mapapansin ang paghugot nito nang malalim na hininga sa pagtaas-baba ng balikat nito. "Ikaw ang bahala kung iyan ang gusto mo. Nais ko lang naman na tulungan ka," anang binata sa kanya.
"Hindi mo ba pansin, hindi ko kailangan ng tulong mo," aniya sa binata. Umiinit ang dugo niya rito. Mukha man itong mabait pero pakiramdam niya mayroon itong gagawing hindi maganda sa kanila.
"Sige para matahimik ka na. Papabayaan na kita pero matapos na magamot iyang sugat mo kailangan niyong sumama sa akin," anang pulis na si Gregorio. Tinuro pa nito sila ng kanyang kaibigang Kenji. Matapos ng sinabi nito binaling nito ang atensiyon sa sasakyang panghimpapawid na ginagamit ng pulis na hugis dahunan. Lumapag ang naturang sasakyan ilang hakbang mula sa kanila kasabay ng iba pa na sa ibang bahagi naman ng gumuhong lupa.
Tinakpan pa nga niya ang kanyang ilong dahil sa naglalarong alikabok sa hangin gawa ng bugso ng hangin na dala ng sasakyang panghimpapawid.
"Anong gusto talagang mangyari niyan sa atin?" ang naibulong ni Kenji sa kanya na nasa kanyang kanan. Maging ito ay tinatakpan ang ilong habang nakatingin kay Gregorio na nasa harapan lamang nila.
"Hindi ko alam," ang makatotohanan niyang sabi. Iyon din ang tinatanong niya mula pa nang marinig niyang may kausap ito sa telepono.
Nagbukas ang likurang lagusan nito kapagkuwan ay nagsilabasan ang mga pulisya na mayroong lima ang bilang suot ang unipormeng nangingitim. Nagsikalat ang mga pulis at ang isa ay lumapit sa kinaroroonan nila.
Hinarap nito ang binatang pulis na si Gregorio kung kaya nanahimik silang dalawa ng kanyang kaibigan na si Kenji sa kinatatayuan.
"Ikaw ba iyong tumawag?" tanong ng bagong dating na pulis. Nangingitim ang ilalim ng mga mata nito sa kakulangan ng tulog.
"Oo," tugon naman ni Gregorio. Mayroon itong inilabas sa bulsa na parisukat ang hugis kasinglaki ng palad nito. Dahil doon nanlaki naman ang mata ng bagong dating pulis. Kapagkuwan ay itinikom na nito ang bibig. "Dalhin mo na lang silang dalawa't siguraduhin mong magagamot ang sugat niyang isa," dugtong ng binatang pulis na nakaturo pa ang hinlalaki sa kanya.
"Sige," tipid na sagot ng bagong dating na pulis kasabay ng pagtango.
Matapos niyon umalis si Gregorio. Lumakad ito patungo sa kinaroroonan ni Deturimo kasama na ang mga ibang mga tao.
Naalis niya ang kanyang atensiyon sa lumalayong binatang pulis nang mayroong ibinulong ang kaibigan niyang si Kenji.
"Dapat na ba tayong tumakbo?" anang kaibigan niya habang nakatingin sa pulis na nagbabantay sa kanila.
"Siraulo ka ba? Saan ka rito tatakbo? Nagkalat ang mga pulis," pabulong niyang balik sa kaibigan. "Saka kung gagawin natin iyon lalo lang tayong paghihinalaan."
Hindi nasundan ang kanyang sasabihin nang magsalita ang pulis sa kanilang harapan. "Hali na kayo," anang pulis kapagkuwan ay nagpatiuna ito sa paghakbang patungo sa naghihintay na sasakyang panghimpapawid.
Sumunod naman sila sa sinabi nito habang siya ay tinitingnan ang nakatayong si Gregorio sa dulo ng nagkatipong mga tao. Kausap ng mga pulis ang kumakandidatong politiko. Samantalang ang binatang pulis ay tahimik lang. Nang aakma itong lilingon sa kanila iniwas niya ang tingin dito't ibinaling ang atensiyon sa paglakakad.
Sila ng kanyang kaibigan ang unang nakaakyat sa sasakyang panghimpapawid kaya nakuha nilang makaupo sa tabi. Kapwa sila tumingin sa nagpaiwan na pulis sa dahilig. Iniwan sila nito upang tulungan pa ang ibang mga mamayang naroon.
"Makakahinga na rin nang maluwag. Kinakabahan talaga ako," anang kaibigan niyang si Kenji sa pagtiuna nitong maupo.
Imbis na bigyan niya ng pansin ang sinabi nito aniya, "Ano ba talagang nangyari sa iyo kanina?"
Tiningnan siya nito nang tuwid sa pagtabi niya rito. Iginalawa-galaw pa nga niya ang kanyang braso dahil sa natamong bala.
"Sinabi ko na nga sa iyo," ani naman nito. Mahina lang ang naging pag-uusap nila dahil sa pilotong nasa harapan.
"Hindi ako kumbinsido." Itinaas niya ang kanyang kamay upang maalis ang pamamanhid ng kanyang balikat. Pagkatapos ay binaba na rin niya naman.
Humugot nang malalim na hininga ang kanyang kaibigan bago magsalita. "Pakiramdam ko talaga kanina wala akong takot. Kaya tumakbo ako na para bang walang makakapanakit sa akin kahit hindi ko subukang magtago."
Pinakatitigan niya ito habang pinagmamasdan nito ang maruming palad.
"Matapos nating makaalis sa sasakyan na ito babalik na tayo kaagad sa atin," pinale niyang sabi sa kaibigan.
"Hindi iyon---"
"Huwag kang magreklamo," pagputol niyang sabi sa kaibigan. "Tama nga si Mang Bernardo hindi magandang pagkakataon ang pagpunta natin rito ngayon. Babalik tayo sa ayaw at gusto mo."
"Sige. Ikaw ang bahala," pagsuko na lang din nito. Ang tinig nito'y humina't natabunan ng ingay ng ibang mga taong umakyat sa sasakyang iyon.
Mahigit dalawampu ang mga sumakay sa naturang sasakyan kung kaya kumapal ang init sa loob na sinabayan ng pinaghalong mga amoy. Umurong pa nga sila ng kanyang kaibigan sa pagpuwesto ng ilan sa mga upuan hanggang dumikit na siya sa bakal na naghihiwalay sa piloto. Ang ibang mga sumakay ay naiwang nakatayo. Nang mapansin niya ang matandang nakatayo na ang mukha ay marungis dahil sa alikabok umalis siya sa kinauupuan. Sinenyas niya ang kanyang ulo para malaman nitong nakikipagpalit siya ng puwesto. Naintindihan naman iyon ng matanda ngunit hindi man lang ito nagpasalamat sa kanya pagkaupo nito. Ito namang si Kenji napatayo na lang din sapagkat hindi nito gustong madikit sa matanda. Sa nangyari'y naupo ang isang lalaki sa naiwang espasyo.
Sa pagkirot ng kanyang balikat napahawak siya ulit dito.
Mayamaya'y nagsiakyat na rin iyong mga pulis kapagkuwan ay nagsitayo ang mga ito kalapit ng sumasarang pinto ng sasakyan.
Inakala pa nga niyang hindi sumakay sa sasakyan ang binatang pulis na si Gregorio. Ngunit nagkamali siya nang makita niya itong nagsusumiksik sa mga tao patungo sa kanila ng kanyang kaibigan na si Kenji. Kasabay nito ang bahagyang panginginig ng sasakyan sa pag-angat nito mula sa lupa.
Ibinaba niyang muli ang kamay nang magkasalubong ang kanilang mga mata ni Gregorio. Ilang hakbang pa'y nakarating na rin ito sa kanilang harapan.
"Bakit hindi ka maupo nang hindi ka mahirapan diyan sa sugat mo?" ani Gregorio kapagkuwan ay lumingon ito sa kaliwa't kanan upang maghanap ng mauupuan niya. Ngunit wala naman siyang nahanap na bakante kung kaya nga binalik na lang nito ang tingin sa kanya. "Diyan ka na lang sa harapan kasama ng piloto," dugtong pa nito.
"Hindi ko kailangang maupo. Huwag mong subukang maging mabait sa amin dahil hindi naman kailangan," ang nasabi na lang niya sa binatang pulis.
Imbis na bigyang pansin ni Gregorio ang sinabi niya nilampasan siya nito sa paghakbang nito patungo sa kinalalagyan ng piloto.
"Puwedeng maupo rito sa kabila?" ang tanong ni Gregorio sa piloto habang nakatayo lang ito sa pintuan ng cockpit.
"Sige ba. Wala namang problema," tugon naman ng piloto kay Gregorio.
Nagkatinginan sila ng kanyang kaibigan na si Kenji dahil sa narinig. Napakibit-balikat na lamang siya na siya ring pagbalik ni Gregorio ng atensiyon sa kanila.
"Ikaw maupo ka roon sa harap bago ka pa tumumba," anang binatang pulis sa kanya.
"Mukha ba akong tutumba?" aniya kay Gregorio sabay baling ng tingin kay Kenji. "Ikaw na lang Kenji. Hindi maganda ang pakiramdam mo kahapon pa."
"Ayos lang naman ako brad," saad naman ni Kenji. "Wala naman akong masamang nararamdaman ngayon. Ni hindi na nga sumasakit ang ulo ko. Hindi rin ako nahihilo."
"Tumayo na lang tayo kung pagkagayon," aniya naman sa kaibigan. Hindi na nila tiningnan pa ang binatang pulis na si Gregorio na naging dahilan upang sumama ang mukha nito. Pinagmasdan niya ang ibang mga nakasakay doon.
"Anong problema niyong dalawa? Sinusubukan ko na ngang maging mabuti sa inyo," ang sabi ni Gregorio na animo'y mayroon itong hinanakit sa kanila ni Kenji. Hindi nito napansin nagkamali siya ng mga nagamit na salita.
"Ibig sabihin hindi ka nga talaga mabuti," aniya sa pulis nang pinagmasdan niya ito nang tuwid.
Kumunot ang noo ni Gregorio dahil sa sinabi niya. "Hindi ganoon ang ibig kong sabihin." Nasapo nito ang noo kapagkuwan ay binaba rin naman. Humugot na lang ito ng malalim na hininga. "Bahala na nga kayo. Kung iyan ang gusto niyo."
"Kanina ko pa nga sinabi sa iyo na hindi namin kailangan ng tulong mo," pinale niyang sabi sa binatang pulis.
Hindi na lamang ito nagsalita't tinalikuran na lamang siya. Bumalik na lamang ito ng pasok sa cockpit at ito na lamang ang naupo sa bakanteng upuan sa kanan ng piloto.
"Padaan sa ospital para sa mga may sugat," ani Gregorio sa piloto na narinig niya pa.
Kitang-kita niya rin naman ang pagtango ng piloto bilang tugon.
Sa makapal na salaming bintana ng sasakyan ay napagmasdan niya rin ang iba pang sasakyang panghimpapawid katulad ng sinasakyan niya na umaangat mula sa lupa. Napahawak pa nga siya sa bakal nang manginig nang bahagya ang kinasasakyan.
Pakiwari niya'y mayroong hindi mangyayaring maganda, lalo na't kumabog pa ang kanyang dibdib.
HUMINTO ANG KANILANG kinasasakyan sa kalapit na ospital mula sa pinangyarihan ng insidente matapos ang ilang minutong pananatili sa himpapawid. Bumaba iyon sa malapad na lapagan sa likuran na kinapapahingahan ng pinaghalong panglupa at panghimpapawid na mga sasakyan.
Sa puntong dumikit ang ilalim ng sasakyang panghimpapawid sa matigas na aspalto maririnig ang sigaw ng lider na pulis kasabay ng pagbukas ng likurang pintuan nito.
"Iyong mga mayroong sugat diyan magpaiwan na rito." Sa lakas ng boses ng pulis pumuno iyon sa kabuuan ng sasakyan.
Nang marinig nga niya iyon kumilos na siya sa kanyang kinatatayuan. Magkasabay silang nagsumiksik ni Kenji sa mga tao para makalabas. Pagkarating nila sa pintuan tiningnan sila nang tuwid ng mga pulis na hindi nila binigyang pansin at bumababa na lamang sa dahilig.
Matapos na makatayo sa aspalto lumingon sila sa sasakyan para tingnan iyong ibang pababa na nasagutan. Ngunit ni isa ay walang umalis liban na lamang kay Gregorio. Kung kaya nga nagkatinginan sila ni Kenji.
"Lumakad na kayo," utos ni Gregorio sa kanila sa paghakbang nito paalis ng dahilig.
Nagpatiuna pa nga ito sa paglalakad na sinundan naman ni Kenji. Samantalang siya naman ay pinagmasdan pa ang pagsara ng pinto ng sasakyang panghimpapawid. Naningkit ang mga mata niya dahil sa paningin niya'y nakatitig ang lahat ng mga sakay niyon maging ang mga pulis na animo'y mga estatwa ang mga ito. Hindi naalis ang kanyang tingin dito hanggang sa tuluyang sumara ang pinto't unti-unting umangat mula sa lupa.
Bago pa man siya makasunod kay Kenji napatingala siya sa kalangitan sa paglayo ng sasakyang panghimpapawid.
Nag-iba ang panahon nang araw na iyon. Tumabing ang makakapal na itim na ulap kung kaya nga hindi gaanong nakakalusot ang sinag ng araw. Kapansin-pansin din ang grupo ng uwak na nakadapo sa tuktok ng mas mababang gusali na katabi ng ospital sa gawing kanan niya. Nakahanay ang mga ito sa gilid kaya pakiwari niya'y mayroong inaabangan ang mga itong humandusay sa lupa upang pagpiyestahan ang laman.
Inalis niya lang ang atensiyon dito dahil sa pagtawag ng kanyang kaibigan na si Kenji na ilang dipa na ang layo.
"Brad, may problema ba?" sigaw ni Kenji kung kaya mabilis na siyang naglakad patungo rito. Dala nito sa isang balikat ang kanyang bag at ang bag naman nito'y sa likod.
"Wala naman," tugon niya naman dito. Napasulyap pa nga siya sa binatang pulis na nakatitig sa kanya. Nang tapikin siya ni Kenji sa balikat ibinalik na rin ni Gregorio ang atensiyon sa paglalakad.
Nilampasan nila ang mga nakahimpil na sasakyang nakaangat ng ilang pulagada mula sa lupa. Doon pa lang nakikita niya na ang mga taong palakad-lakad sa pasilyo dahil sa salaming dingding ng ospital sa unang palapag.
Ilang sandali pa nga'y nakapasok na sila sa likurang pintuan kung kaya nga binati sila ng hindi matapos-tapos na ingay na gawa ng mga tao roon. Nakakasilaw ang kaputian na nadagdagan ng bukas na mga ilaw sa kisame kahit na umaga.
Tumuloy si Gregorio sa tanggapan para sa likurang bahagi ng ospital. Sumunod na lang siya rito nang matapos na ang araw na iyon, maging si Kenji ay ganoon na lang din ang ginawa.
Sa likuran ng tanggapan ay nakatayo ang isang nars na purong puti ang kasuotan. Walang nakaputong sa ulo nito't sa tainga nito'y nakasuksok ang ear bud. Hinarap ito ni Gregorio dahilan upang maalis ang tingin sa ginagawa nitong pagpindot sa teklado ng manipis na kompyuter.
"Kay Dok Magdo nga diyan," sambit ni Gregorio.
Siya naman ay napapalingon sa mga taong naglalakad lalo na sa mga nakaputing mahahabang kasuotan.
"Anong ipapakunsolta niyo?" marahang tanong naman ng nars sa binatang pulis.
"Iyang kasama kong batang isa natamaan ng baril," pagbibigay-alam ni Gregorio.
Nahuli ng mata niya ang pagturo nito ng hinlalaki sa kanya nang maibalik niya ang tingin dito. Sumuksok sa tainga niya ang salitang ginamit nito. Dise siete anyos na siya kaya hindi na bata iyon sa panahong iyon.
Mabilis na pumindot ang nars sa teklado ng kompyuter matapos marinig ang sinabi ng binatang pulis kapagkuwan ay muling sinalubong ang tingin ng kausap.
"Maari mo siyang dalhin sa ikasampung palapag. Bakante ang ikalawang purok doon. Hintayin niyo na lang si Dok Magdo roon," mabilis na sabi ng nars.
Hindi na nakapagpasalamat pa si Gregorio sa nars dahil nakatanggap ito ng tawag. Lumakad na lamang ito na tinutumbok ang hanay ng mga elebeytor.
"Halika na kayo," sambit pa nga ng binatang pulis nang lampasan sila nito.
Agaran naman silang sumunod ni Kenji sa binatang pulis na walang lumalabas sa kanilang bibig. Wala rin naman kasi silang sasabihin kung kaya nanahimik lang silang magkaibigan kahit nang makarating sila sa elebeytor. Si Gregorio na ang kusang pumindot sa buton. Ilang minuto lang ang minalagi nila sa unang palapag bago tumunog ang elebeytor kasabay ng pagbukas nito.
Nagpatiunang pumanhik ang binatang pulis kasunod silang dalawa ni Kenji kapagkuwan ay pumuwesto sila sa kanan nito. Pagkasara na pagkasara ng pinto naging mabilis lang ang pag-angat ng elebeytor kung kaya nga nakarating kaagad sila sa ikasampung palapag. Bagay na hindi na niya pinagtakhan.
Malayo sa ingay ng unang palapag ang pasilyo sa palapag na iyon. Nakakabingi ang katahimikan doon na animo'y walang makakabasag dito. Panandaling nabulabog iyon sa paglabas nila ng elebeytor, ang paghakbang nila'y higit na mapapansin. Hindi naman malayo ang purok na sinabi ng nars sa kanila, kasunod lamang iyon ng alkoba ng elebeytor. Nilakad na nga nila ito hanggang makapasok doon. Si Gregorio na ang kusang nagbukas sa padulas na pinto. Sa loob niyon ay ang sampung higaan na mukhang hindi nagagalaw.
"Balak mo ba kaming patayin? Gagamitin mo lang iyong doktor nang hindi halata," aniya sa binata nang pumanhik siya. Samantalang si Kenji naman ay naunang mahiga sa kama matapos alisin ang mga bitbit na bag.
"Kung papatayin ko kayo una pa lang na nakita ko ang pagmumukha mo ginawa ko na sana," sabi naman ni Gregorio nang isara nito ang pinto. "Maupo ka na roon," dugtong pa nitong utos na nakaturo sa unang kama.
Imbis na sumunod aniya sa binata, "Kung gayon bakit dito pa talaga? Puwede namang sa ibaba na lang."
"Huwag ng maraming tanong. Hindi ito ang tamang lugar para pag-usapan ang ganiyang bagay," wika naman ni Gregorio. "Upo na," matigas nitong dugtong
Hindi niya ito maintindihan. Lalo lang siyang nahihiwagaan sa sinabi nito dahil sa pagkakaalam niya wala naman itong makukuha sa kanila kung plano nitong kidnapin silang dalawa ni Kenji.
Sinalubong niya ang mapanuri nitong mata kasunod ng malalim na buntong-hininga. Lumapit na nga lang siya sa unang kama, naupo roon kapagkuwan at pinagmasdan ang kanyang kaibigan na nakapikit ang mata. Nakahiga ito nang patagilid paharap sa kanya.
"Magpatingin ka na rin kaya mamaya sa doktor," suhestiyon niya sa kaibigan kaya naimulat nito ang mga mata.
Pinagmasdan siya nito nang tuwid sa pag-upo nito. "Mabuti pa nga baka mamaya may malala na akong sakit," pagsangayon din naman nito.
Tumango-tango siya sa kanyang kaibigan. "Pagkatapos niyon umalis na tayo rito nang hindi nalalaman ni Gregorio," bulong niya sa kaibigan kung kaya nga napalingon ito sa binatang pulis na nakasandig sa pader kasunod ng pinto.
"Sige. Maganda nga iyang naiisip mo," sambit ni Kenji sa mahinang tinig nang ibaling nito ang atensiyon sa kanya.
Hindi nadugtongan ang usapan nila nang sumingit si Gregorio. "Kung binabalak niyong takasan ako. Huwag niyo nang ituloy," wika ni Gregorio nang umalis ito sa pagkasandig.
Kapwa sila napalingon ni Kenji rito dahil sa sinabi nito.
"Wala sa plano namin ang ganiyan. Pinag-uusapan lang namin na masasayang ang araw namin ngayon dahil sa nangayari. Hindi kami kaagad makakapasyal," palusot naman ni Kenji na hindi niya alam kung pinaniwalaan ni Gregorio.
Nakatitig lang nang tuwid sa kanila ang binata kaya hindi niya mahulaan kung anong nasa isipan nito. Ibubuka na nito ang bibig upang mayroong sabihin ngunit hindi nito naituloy sa pagbukas ng pinto.
Pumasok sa purok na iyon ang doktor na nakaputing mahabang kasuotan na nakabukas ang mga butones. Dahilan kaya litaw ang pangloob nitong asul na polong mahaba ang manggas. Pagkasara nito sa pinto tiningnan nito si Gregorio.
"Sino sa kanila?" tanong ng doktor na si Magdo sa binatang pulis.
Tinuro siya ni Gregorio dahil sa katanungang iyon. "Siya," sambi pa nito sabay baba ng kamay.
"Sige," tipid na sabi ni Magdo. Isinuot nito sa kamay ang gomang guwantes mula sa bulsa ng mahabang kasuotan nito. Inilayo nito ang atensiyon kay Gregorio kapagkuwan ay humakbang patungo sa gilid kung saan naroon ang maliit na mesang de gulong. Hinila ng doktor iyon patungo sa kamang kinauupuan niya. "Hubarin mo na iyang damit mo," utos ng doktor habang inihahanda nito ang mga gagamitin sa mesa.
Sa sinabi nito'y hinubad na nga niya ang kanyang damit kaya kitang-kita ang sugat niyang namumula at ang natuyong dugo sa balat niya na nakapaikot rito.
Hindi niya maiwasang tingnan si Gregorio sapagkat nakatitig ito sa hubad baro niyang katawang pang-itaas. Pinakunotan niya ito ng noo.
"Iyan ba ang ayos lang? Tingnan mo nga iyang sugat mo?" ang nasabi ni Gregorio sa sugat niya sa balikat.
"Ano bang problema rito? Malayo naman sa atay. Saka hindi na bago sa akin ang ganito," ang makatotohanan niyang sabi. Makikita nga sa tagiliran niya ang pilat ng bakal na bumaon sa kanya nang unang mangalakal sila ni Kenji sa tambakan.
Ibinaling niya ang atensiyon sa doktor na si Magdo nang magtanong ito. "Gusto mo bang turukan kita ng pangpamanhid?" ang sabi ng doktor na ginantihan niya ng isang tango.
Kinuha nga nito mula sa mesa ang hiringgilya kasama na ang maliit na bote ng pangpamanhid. Kapagkuwan ay inihanda na iyon.
"Paano kayo naging magkakilala ni Gregorio?" ang naisipan niyang itanong. Nais niya ring malaman kung sino rin ba ang binatang pulis.
"Huwag mo siyang sasagutin," pigil naman ni Gregorio na ikinatawa ng doktor.
"Hindi mo siya kailangang pansinin. Ganiyan talaga iyan. Mailap," anang doktor ng iturok nito ang pangpamanhid sa kanyang braso kalapit ng sugat. Hindi naman siya napangiwi man lang. "Magkaklase kami niyan hanggang hayskul." Binunot nito ang hiringgilya na pinatong nito sa mesa kapagkuwan ay hinawakan ang gunting na mayroong nakaipit na bulak sa dulo. "Ikaw ba sino ka naman?" tanong nito ng linisan nito ang paligid ng sugat gamit ang bulak.
Mabilis na gumalaw ang kamay nito't mapapansing sanay.
"Isang simpleng mamayan lang ako galing ng ibaba," tugon niya naman sa doktor. Wala ring namang saysay kung magsisinungaling siya. Halata rin naman sa itsura niya ang bagay na iyon.
"Talaga? Bakit nagkakainteres sa iyo si Gregorio?" pag-usisa naman ng doktor.
"Iyan din ang gusto kong malaman," simple niyang sabi sa doktor na ikinatango nito.
Nang tapusin ni Magdo ang paglinis sa sugat niya sinulyapan nito si Gregorio. "Bakit nga ba?" tanong nito sa binatang pulis na mayroong manipis na ngiti sa labi.
"Hindi ko sasabihin iyo," matigas na sabi ni Gregorio sa kakilalang doktor. "Bilisan mo diyan. Hindi kami puwedeng tumagal dito."
"Ikaw na nga itong humingi ng pabor ganiyan ka pa," sambit ni Magdo nang palitan nito ang hawak ng pangsipit na matulis at manipis ang dulo.
"Masyado kang madaldal kaya dapat lang hindi mo malaman," hirit pa ni Gregorio na lalong ikinatawa ng doktor.
Pumuno sa kahabaan ng silid na iyon ang tawa nito. Kapagkuwan ay binaling nito sa kanya ang atensiyon. "Kita mo ang ugali niyan. Iba rin, hindi ba?" tanong ng doktor sa kanya upang makahanap ng kakampi.
"Napansin ko nga mula nang magkita kami kahapon," sabi niya na lang sa doktor na ikinangiti nito.
Itinikom na nga ng doktor ang bibig nito habang inabala ang sarili sa paglabas ng bumaong bala sa kanyang balikat. Pati siya napapatingin. Hindi naman gaanong malalim ang tama ng bala kaya nga madali rin nitong nakuha. Kaunting kirot lang ang naramdaman niya dahil sa itinurok na pangpamanhid. Ang sinunod nitong gawin ay ang tahiin ang sugat at lagyan ng bendahe. Habang tahimik lang ang kaibigan niya't ang binatang pulis na si Gregorio.
"Huwag mong masyadong gamitin iyang kanang kamay mo nang hindi magalaw iyang tahi. Uminom ka na rin ng gamot," bilin pa ng doktor nang hubarin nito ang guwantes na siyang tinapon nito sa stainless na basurahan sa ilalim ng mesa.
Napatango siya sa narinig. Bago pa ito umalis kinausap niya na ito. "Puwede pong matingnan iyang kaibigan ko, nagsusuka po iyan kahapon pa't nawawala sa sarili," pakiusap niya sa doktor.
"Anong nawawala sa sarili?" tanong ng doktor.
"Bigla mo iyang nagising habang tulog at tumakbo," pagkuwento niya sa nangyari sa nagdaang gabi.
"Sige. Walang problema," pagpayag naman ng doktor. Humakbang na nga ito patungo sa kaibigan niya.
"Maraming salamat," wika niya sa doktor habang isinusuot ang hinubad na damit na mayroong bahid ng dugo.
Naupo naman nang tuwid ang kaibigan niyang sa Kenji sa paglapit ng doktor dito. "Ano bang nararamdaman mo ngayon?" ang naitanong ng doktor dito.
"Napapagod lang dahil sa nangyaring insidente kanina sa pangangampanya," tugon naman ng kaibigan niyang si Kenji sa doktor.
"Napasali kayo roon. Akala ko naman iba ang nangyari sa inyo't nasugatan ang kaibigan mo." Naglabas ito nang maliit na flashlight sa bulsa ng mahabang kasuotan. "Ngumanga ka," utos nito na sinunod naman ni Kenji. Inilawan nito ang loob ng bibig ni Kenji pati na rin ang mata nito.
Hindi rin naman tumagal iyon na ilang minuto lang ang tinagal.
"Anong problema sa akin dok?" ang naitanong ni Kenji nang matapos sa pagsuri ang doktor.
"Mukhang malusog ka naman. Wala naman akong makitang mali sa iyo para masabi kong may sakit ka," paliwanag naman ng doktor. "Nasobrahan ka lang sa pagod, kulang sa tulog at may nakain kang masama."
Tahimik lang naman si Kenji nang makinig sa nakakatanda. Samantalang siya naman hindi mapaniwalaan ang narinig.
Ibinalik ng doktor ang hawak na flashlight sa bulsa. Pagkaraa'y nilapitan nito si Gregorio. Nagbulungan pa ang dalawa kaya napapatingin silang dalawa ni Kenji sa mga ito. Matapos niyon lumabas na ang doktor. Nang makalabas na ang doktor tiningnan siya ni Gregorio kaya binaling na lang niya ang atensiyon sa kaibigan.
"Bumili ka kaya muna ng makakain Kenji. Nagugutom ako," aniya sa kaibigan na isang paraan nila ng pag-uusap na may ibang ipagkahulugan. Mauuna lang ito at siya naman magpapaiwan hanggang makagawa ng paraan upang makatakas.
"Mabuti pa nga," wika nito nang umalis ito mula sa pagkaupo sa kama.
"Kahit dalawang burger na lang sa akin," aniya sa kaibigan.
Inabot nito ang kanyang bag na binitbit nito. Kapagkuwan ay lumakad patungo sa pinto bitbit ang sariling bag.
"Puwede naman akong lumabas para makabili ng makakain ano?" tanong pa ni Kenji sa nakatayo lamang na si Gregorio. Tumango naman ang binatang pulis bilang pagpayag kung kaya nakalabas naman ang kaibigan niya na binigyan pa siya ng huling tingin.
Siya naman ay tiningnan niya ang kanyang bag. Kasabay ng pagtunog ng cellphone ni Gregorio. Inilabas nga nito ang manipis na aparatu mula sa bulsa ng suot na short upang sagutin ang tawag. Nakinig lang ito sa sinasabi ng tao sa kabilang linya na walang lumalabas sa bibig.
Matapos ng tawag lumapit ito sa kanya hanggang sa nakatayo na ito sa tabi ng kama. "Dito muna kayo ng kaibigan mo hanggang makabalik ako kapag narito na siya. May kikitain lamang ako. Maghintay lang kayo ng mga sampung minuto," bilin ng binatang pulis sa kanya.
"Sige ba," aniya naman dito.
Nabigla pa siya nang mabilis nitong hawakan ang pulsuhan niya at pinusasan siya nito. Ikinabit nito ang kabila sa bakal na harang ng higaan. "Alam kong aalis kayo kaya kailangan ito para hindi mo magawa," ang nakakalokong sabi ni Gregorio. "Akala mo hindi ko alam."
Hinawakan pa siya nito sa kanyang buhok kaya nainis lang siya rito lalo. Ginalaw niya ang kanyang ulo nang maalis nito ang kamay.
"Bwisit ka!" matigas niyang sabi pa sa binata.
"Alam ko." Marahan siya nitong tinapik sa pisngi. Pagkaraa'y umalis na ito't iniwan siyang mag-isa sa silid na iyon.
Hinatid niya ito nang masamang tingin sa paglabas nito ng pinto't pagsara nito roon. Sinubukan niya pang alisin ang posas sa kanyang kamay at sa bakal. Ngunit nanginig lang siya dahil sa inilalabas nitong boltahe ng kuryente.
Makalipas ng ilang sandali naghanap siya ng maaring niyang ipangtusok. Sumagi sa isipan niya ang ginamit na hiringgilya ng doktor na iniwan sa mesa. Ang ginawa niya'y inurong niya ang posas kaso hindi niya pa rin abot dahil sa hanggang gitna lang ng higaan ang harang na bakal. Ginamit niya na lamang ang kanyang paa upang maabot ang mesa. Nangyari naman iyon sa pangalawang subok niya. Nang mailapit niya iyon sa kanyang tabi kinuha niya kaagad ang hiringgilya. Kapagkuwan ay tinusok niya sa mumunting awang ng bibig ng pinagdidikitan ng hinlalaki. Maingat niyang ibinaon nang hindi mabali ang karayom. Kaunting tulak pa't umabot na sa kalahati ang karayom, doon na rin iyon huminto na sinundan ng pagdaloy ng boltahe ng kuryente. Idagdag pa ang pagtanggal ng posas sa bakal at sa kanyang pulsuhan.
Nang makatayo siya'y napalingon siya sa pinto sa pagbukas niyon. Natigalgalan siya sa pag-aakalang nakabalik na si Gregorio. At muling nakahinga nang maluwag nang makitang ibang tao ang pumasok --- isang dalagang nakadilaw na blusa ang pumasok na hindi nalalayo ang edad sa kanya.
Sa loob ng ilang segundo siya'y natuwa't mabilis ding napalitan ng pagtataka. Sapagkat nang maisara ng dalaga ang pinto naglabas ito ng baril mula sa likuran ito. Walang sabi-sabing tinutok nito iyon sa kanya. Kasabay ng unang pagputok nito tumalon siya sa ilalim ng kama't gumapang patungo sa kabila dahil sinusundan siya ng baril ng dalaga.
Napapamura na lang siya sa kanyang isipan habang tumatama ang bala ng baril sa sahig at sa mga higaang nagsisilbi niyang pananggalang. Mabilis ding tumatakbo ang kanyang isipan upang mabigyan ng kasagutan ang katanongang kung sino ang nag-utos sa dalaga. Isang tao lang naman ang kanyang nakikita --- ang binatang pulis na si Gregorio. Kaya nga siguro marahil iniwan siya nito na nakaposas sa higaan.
Sa huling higaang ginapangan niya ibinuhos niya ang kanyang lakas sa pagbuhat dito patungo sa dalaga. Tumilapon nga iyon sa dalaga ngunit hindi iyon naging sapat para tigilan siya nito. Walang kahirap-hirap iyon na sinipa nito pabalik sa kanya kasabay ng pagpaputok.
Isang maliksing kilos din ang ginawa niya upang makailag patungo sa mesa sa tabi. Kinuha niya iyon sabay tapon sa dalaga. Habang nasa ere iyon sinabayan niya iyon ng pagtakbo pasugod sa dalaga na may kasamang pagsipa.
Ang sumunod na tagpo'y naging mabilis. Upang makailag ang dalaga yumuko lang ito kaya lumampas lang dito ang mesa't bumagsak sa sahig. Maging ang baril na hawak ito'y patutok na sa kanya. Bago pa man ito makapagpaputok ulit nasipa na niya ang baril. Nabitiwan man iyon ng dalaga ngunit hinarap pa rin siya ito.
Nagpakawala ito ng dalawang suntok na inilagan niya lang. Kapagkuwan ay hinawakan niya ang kamay ng dalaga kasunod ng pagpalibag dito. Sa kasamaang-palad hindi naman bumagsak ang babae. Sapagkat nakatayo itong lumapag sa lupa.
Sabay pa nga silang tumingin sa baril. Dahil sa malayo iyon sa kanya at mas malapit sa dalaga tinakbo niya na lang ang mesa na kinalalagyan ng mga gamit ng doktor. Kinuha niya kaagad ang gunting.
Pagtapon niya sa matulis na gunting patungo sa dalaga binaril lang nito iyon. Tumalsik lang ang gunting sa sahig na bumaon pa nang kaunti. Hindi ito nag-aksaya ng oras at muli siya nitong binaril. Mabuti na lamang nakayuko siya patungo rito. Sa sumunod nitong pagpaputok humakbang siya pakaliwa upang makailag. Pagkaraa'y sinunggaban niya ang dalaga't hinawakan ang kamay nitong may baril. Pinilipit niya iyon kasabay ng pag-ikot niya sa likod nito't kinuha niya ang baril na siyang tinutok niya sa tagiliran nito.
"Sino ka ba? Sinong nag-utos sa iyo?" mariin niyang tanong sa dalaga.
Imbis na makakuha ng sagot dito mayroon kung anong gumapang mula sa loob ng suot nitong blusa at lumabas sa kuwilyo. Nalaman niya na lang na isang ahas na itim nang makita niya ang ulo nito't marinig ang pagsitsit nito. Bago pa man siya matuklaw ng itim na ahas tinulak niya ang dalaga papalayo kaya hangin lang ang nakagat ng ahas. Kapagkuwan ay nagtago ang makamandag na hayop sa leeg ng dalaga.
Sa puntong ding iyon ay bumukas ang pinto't napatigil sila pareho ng dalaga. Papasok dito ang binatang pulis na si Gregorio. Nagkatinginan pa si Gregorio at ang dalaga bago ito matuling tumakbo. Tumalon ito sa bintana na ikinabasag ng salamin.
Hinabol niya pa ang dalaga ngunit nang silipin niya ito hindi na niya naabutan. Wala rin ito sa ibaba kung saan dapat ito bumagsak na lalo niya lamang pinagtaka.
Inaalala niya kung saan niya nakita ang dalaga. Natandaan niya rin naman kaagad, ito iyong dalagang balak pagnakawan sana ni Kenji.