Kabanata 9

5540 Words
PATULOY na naghanap ang kanyang mata sa mga sasakyan sa ibaba upang masabi niyang nagtatago lamang ang dalaga sa isa sa mga ito. Ngunit ni katiting na senyales na magsasabing naroon pa ito ay wala siyang makita kung kaya nga itinigil niya na lamang ang pagdungaw. Kapagkuwan ay binitbit ang bag na naroon sa higaan. Sapagkat wala naman siyang masisi nang sandaling iyon sinigawan niya ang papalapit na si Gregorio. "Ito ba ang walang nais na patayin kami? Nagpadala ka pa ng ibang tao!" Halos lumitaw ang ugat sa leeg sa kanyang pagsigaw. "Diyan ka lang! Huwag ka ng lalapit sa akin!" dugtong niya nang hindi ito tumigil sa paghakbang. Nahinto ito kalapit ng mesa't natapakan ang mga gamit ng doktor na nahulog sa sahig. "Hindi mo ba nakikita na wala akong kinalaman sa nangyari ngayon lang?" pangungumbinsi naman ng binatang pulis sa kanya. "Malabo akong maniwala sa iyo!" birada niya naman sa kausap. "Gaano ba kahirap sa iyo na paniwalaan ako? Bulag ka ba? O hindi mo lang matanggap na mayroong tumutulong sa iyo?" Natigalgalan naman siya sa sumunod na sinabi nito. "Kung nakinig ka na lang sana sa akin una pa lang. Hindi na sana ito mangyayari. Hindi na sana kita nadala sa ospital na ito." "Sige sabihin na nga nating hindi mo kagagawan ito. Ngunit sino naman iyong babae?" pag-usisa niya sa binatang pulis. Sinalubong din naman nito ang kanyang mga matang nagtatanong. "Hindi ko siya kilala. Posibleng miyembro siya ng konseho. O hindi naman kaya mula sa ibang grupo na kaaway ng konseho," paliwanag naman ni Gregorio. "Anong konseho ang sinasabi mo?" Nagsalubong ang kanyang dalawang kilay sa pag-iisip kung ano ang sinabi nito. Wala naman siyang makuhang sagot sa isipan, iyon nga ang unang pagkakataon na narinig niya ang bagay na iyon. "Ang konseho ng hindi pangkaraniwang mga bagay," tugon naman ng binata sa kanyang katanungan. "Sila ang mga naatasang umayos sa mga sumisira sa balanse ng mundo." "Paano mo nalaman iyan?" aniya sa binata. Pinaliwanag din niyon ang paglabas ng makamandag na ahas sa kasuotan ng babae at ang pagkawala nito na parang bola. "Dahil miyembro rin ako ng konseho na sinasabi ko," ang pagtatapat ng binata na lalong ikinakunot ng kanyang noo. "Kung gayon kilala mo nga ang dalagang iyon." Sumama na ang kanyang tingin sa kausap. "Maniwala ka hindi ko siya kilala." Kumalma ang tinig ng binata sa patuloy nitong pagtatanggol sa sarili. "Wala akong ibang intensiyon. Nais ko lang talaga kayong tulungan. Walang patawad ang konseho lalo na mga sa pangyayaring mayroong kinalaman sa kasamaan. Hindi kayo bubuhayin ng kaibigan mo." Lalo lamang siyang naguluhan sa narinig. "Hindi kita maintindihan lalo na ng kung bakit gustong patayin kami ng konseho na pinanggalingan mo." "Nababalot kayo ng kadiliman ng kaibigan mo," marahang sambit ni Gregorio kung kaya tila bomba iyong sumabog sa kanyang pandinig. "Kaya nga gusto kong tulungan kayo na maalis iyon. Dahil naniniwala akong lahat ng taong nasa ganoong sitwasyon ay may pag-asa pang mabuhay ng normal. Kapag nakuha ka ng konseho kamatayan kaagad ang ibibigay sa inyo. Sumama kayo sa akin dahil matutulungan ko kayo upang makalaya kayo sa kadiliman. At bago pa lumala ang lahat." Mahirap tanggapin ang mga sinasabi nito ngunit hindi niya rin inaalis ang mga posibilidad sapagkat mula nang umuwi sila mula sa laot may pangyayaring hindi niya maipaliwanag. Iyon marahil ang mga bagay na tinutukoy ng binata. Kumilos siya sa kanyang kinatatayuan hindi dahil sa tinatakasan niya ang katotohan kundi dahil nakalimutan niyang pinalabas nga niya ang kaibigan na si Kenji. Posibleng puntahan ito ng dalagang sumugod sa kanya. Dali-dali siyang naglakad na nilalampasan si Gregorio. Hindi naman siya nakatuloy nang pigilan siya nito sa kanyang braso. "Bitiwan mo ako!" matigas niyang sabi sa binatang pulis. "Kailangan kong puntahan ang kaibigan ko! Naghihintay siya sa akin!" "Huwag mong sabihing hindi pagkain ang pakay niya kaya siya lumabas," mabilis na sabi ni Gregorio sa kanya. "Nasaan na ba siya ngayon?" dugtong nito nang tingnan niya lang ito. "Wala akong plano na sabihin sa iyo," mariin niyang sabi. Humigpit ang kapit nito sa braso niya. "Sige huwag mong sabihin pero sasama ako sa iyo. Hindi ko kayo maaring basta pabayaan na lang. Ngayon pa't mayroong ibang tao ng nakakita sa inyo." Kinalkula niya sa isipan ang sinabi nito kapagkuwan ay inalis niya ang kamay nito sa kanyang braso. Hinayaan lang din nitong maalis iyon. "Ikaw kung gusto mo," sambit niya sa binata. Tinalikuran niya ito kapagkuwan ay nagpatiuna sa paglalakad sa pasilyong patungo sa elebeytor na nasa kabila, hindi ang sinakyan nila paakyat doon. Nang makarating sa alkoba pinindot niya kaagad ang buton, pagkaraa'y naroon na ang elebeytor sa loob ng ilang segundo. Bumukas iyon kasabay ng matinis na tunog. "May nangyari ba sa inyong kakaiba bago kayo umakyat ng New Manila?" pag-usisa ni Gregorio nang magkasabay silang pumasok sa elebeytor. Tiningnan niya ito nang tuwid sa pagsara ng pinto't mabilis na pagbaba nila. Kung totoo ngang tatapusin sila ng konseho, hindi malayong ganoon din ang gawin ni Gregorio. Kasali nga rin naman ito sa naturang konseho. Posibleng may ibang bagay pa itong gawin liban sa pagpatay sa kanila. Hindi niya rin naman maalis sa sarili na hindi nagsasabi ng totoo ang binatang pulis. "Wala naman sa pagkakaala ko," pagsisinungaling niya't inilayo sa paningin nito ang kanyang paa. Nanginig nang bahagya ang kanilang kinasasakyang elebeytor pagkarating nito sa unang palapag. Agarang sinundan iyon ng pagbukas ng pinto nito. Paghakbang niya palabas kasabay ni Gregorio bumungad sa kanya ang maraming taong naglalakad papunta't paparito sa bulwagan na iyon. Mayroon itong mataas na kisame kung saan nakakabit ang malalapad na monitor. Nagtuloy-tuloy lang sila ng lakad na hindi pinagkaabalahang tingnan ang mga naroon. Nang makalabas sila sa harapan ng pintuan napahinto sila dahil sa mga nagkatipon na mga tao roon. Karamihan sa mga ito ay may dala-dalang mga camera at malalaking mikropono. Sa gitna ng mga tao ay naroon si Deturimo na pinoprotektahan ng dalawang bodyguard nito't campaign manager na kalbo dahil sa pagsiksikan. Hinila siya ni Gregorio sa suot patabi sa pagpasok ng mga ito. Sa sabay-sabay na pagsasalita ng mga reporter wala na siyang maintindihan. Naitulak pa siya ng iba kaya kamuntikan siyang matumba, bumangga lang siya sa dibdib ni Gregorio na nasa likuran niya lang. Dahilan upang lingonin niya ito lalo na't hinawakan pa siya nito sa balikat. Lumayo siya sa binata't binalik ang tingin sa nagsusumiksik na mga tao sa pintuan. Sa puntong iyon nagkasalubong ang kanilang tingin ni Deturimo. "Kayong dalawa, sandali lang!" pagtawag pa ni Deturimo sa kanila kaya napalingon ang mga reporter sa kanila. "Nakalimutan kong magpasalamat sa inyo!" Ang ilan pa sa mga reporter kasali roon sa nagkatipon ay kinuhanan sila ng litrato. Hindi na siya nakapagsalita ng itulak siya ni Gregorio sa balikat upang maglakad. "Umalis na tayo. Hindi maganda kung makipag-usap pa diyan kay Deturimo. Gagamitin lang tayo niyan upang gumanda ang imahe niya," mabilis na sabi ni Gregorio sa kanya kaya napahakbang na lang siya papalayo katulad ng gusto nito. Binilisan nila ang kanilang paghakbang kung kaya nga hindi rin naman nakabuntot sa kanila ang mga reporter. Ang pakay nga rin naman ng mga ito ay ang kumakandidato bilang presidente. Bumagal lang sila sa paghakbang ni Gregorio nang makarating sila sa tabi ng kalsada. Sa harapan nila'y patuloy ang pag-andar ng mga sasakyan na nakalutang ng ilang dangkal mula sa aspalto. Habang tahimik na nakatingin sa kanya si Gregorio pinag-isipan niya kung saan pumunta si Kenji. Pinalangin niyang huwag naman sanang napatay na ito ng dalagang nakadilaw na blusa. Habang nag-iisip napapalingon siya sa paligid. Ibang-iba nga naman talaga ang kalye roon kaysa sa nilakihan niya. Wala siyang nakikitang mga malapiyestang mga kawad ng kuryente't maayos ang daloy ng trapiko. Pati ang mga gusali'y hindi magulo ang pagkatayo. Nang mapalingon siya sa kanan kung saan naroon ang hintayan lumapit siya rito't humarap sa malapad na salamin kung saan umaandar ang patalastas ng inumin na coke. Pinindot niya ang maliit na logo ng mapa sa pinakababa't napalitan ang patalastas ng buong mapa ng ikapitong distrito na pumuno sa kabuuan ng salamin. "Saan ka kaya pumunta Kenji?" ang pagkukunwari niyang tanong sa hangin. Pinindot niya ang kalapit lang na arcade roon sa ospital. Umakto siyang iyon nga ang kanyang hinahanap. "Anong hinahanap mo?" pag-usisa naman ni Gregorio nang lumapit ito sa kanya. "Malapit na arcade. Usapan namin ni Kenji na doon kami magkikita," tugon niya naman sa binatang pulis. Tumayo pa ito sa kanyang kaliwa. Pinindot niya pa iyong ibang mga arcade. "Iyang Luna ang malapit," komento pa ni Gregorio. "Nakita ko nga. Pero kailangan ko ring ilagay sa isipan ko ang iba baka sakaling wala roon si Kenji," aniya sa lalaki't tinigil ang pagpindot nang nasa huling arcade na siya. "Tara na," aniya kasabay ng pagbalik ng patalastas na inilalabas ng salamin. Magkasabay silang naglakad sa gilid ng daan. "Matapos ko kayong matulungan magkakaroon kayo ng bagong buhay," wika ni Gregorio na tila baga'y siguradong-sigurado na ito roon. "Anong bagong buhay? Bibigyan mo kami ng limpak-limpak na salapi?" aniya sa binatang pulis kahit hindi nakatingin dito. Ang mga mata niya'y nakapako sa mga taong naglalakad din. "Pera na lang ang parating laman ng utak mo," paratang ni Gregorio. "Kung nakatira ka sa kung saan ako nakatira maiintindihan mo kung bakit," aniya naman sa binatang pulis. Hindi niya pansin ang pagtitig nito sa kanyang mukha dahil sa malayo siya nakatingin. Naiwan ito ng ilang hakbang sa saglit nitong paghinto na hindi niya namalayan sa patuloy niyang paglalakad. Sumunod din naman ito nang marating niya ang kalye kung saan naroon ang istasyon ng subway. Hinabol din naman siya nito nang mayroong limang dipa na lang ang layo niya sa pasukan ng istasyon. Nilingon pa nga niya ito dahil sa bigat ng hakbang nitong naririnig niya. "Sumakay na lang tayo ng tren para madali tayong makapunta. Matatagalan tayo kung lalakarin lang natin. Hindi rin naman puwedeng sumakay ng taxi sa bahaging ito ng siyudad,"  suhestiyon naman nito sa kanya kasabay ng pagtagilid nito nang paharap sa kanya sa bugso ng mga taong napadaan. Naging isang dangkal lang ang pagitan ng kanilang mga katawan. Tinugon niya lang ito ng tango't tumuloy na nga sila sa pasukan ng istasyon. Sa pagbaba nila ng hagdanan umiiwas sila sa mga taong nakakasalubong kung kaya nga nagkahiwalay silang dalawa. Muli lamang silang nagkatagpo nang makarating sila pareho sa plataporma kung saan mas siksikan ang mga tao. "Bibili lang ako ng tiket," paalam niya sa binatanag pulis sa kanyang paghakbang patungo sa kubol ng nagbebenta ng tiket. Hindi naman siya nakatuloy nang pigilan siya ni Gregorio sa dala niyang bag kaya hinarap niya ito. "Mayroon ako nito." Pinakita nito sa kanya ang  tsapa bilang pulis mula sa suot na bulsa. "Sinabi mo sana kaagad," aniya naman sa binatang pulis. Humalo sila sa mga taong nagkatipon doon at nagsumiksik makalampas lang sa makinang sumusuri sa tiket. Sa likuran siya pumuwesto ni Gregorio nang dumaan sila rito kasabay ng pagdutdot nito sa tsapa. Hindi nagbago ang dulot na ingay ng mga tao roon. Nahaluan pa ng tugtog na naglalaro sa hangin. Hindi rin naman sila nahirapan na makaabot sa dulo ng plataporma. Wala ring lumabas sa kanilang bibig habang naghihintay sila sa pagdating ng sasakyang tren. Ang kanyang buhok ay sumayaw sa hanging nakakapasok sa daanan sa ilalim ng lupa. Ilang sandali lang ang kanilang paghihintay nang dumating ang puting tren. Nakakapunit-tainga ang paghinto nito dahil sa pagkiskis ng bato-balani sa bakal na reles. Sa pagdating ng tren lalong kumapal ang mga taong naghihintay. Natutulak pa siya ng iilan kaya kamuntikan na siyang mahulog sa reles. Mabuti na lamang nahawakan siya ni Gregorio sa braso kaya nakaiwas na mapisa siya ng pahintong tren. Pinakawalan lang siya nito nang humarang na sa kanilang harapan ang tren. Eksakto sa kanila ang pinto na bumukas na rin naman agad. Sa pagsakay ng mga tao nadala siya ng mga ito kaya napahakbang na rin siya. Maging si Gregorio ay ganoon din ang ginawa. Imbis na maghanap siya ng mauupuan humakbang siya pabalik ng pinto sa patuloy na pagpasok ng mga tao. Samantalang si Gregorio ay diretso lang kung kaya nga limang tao ang naging agwat niya rito dahil na rin sa pagsisiksikan. Huli na nang napagtanto ni Gregorio ang balak niya. Sapagkat nakarating na siya sa sumasarang pintuan. Tumalon siya papalabas na nagawa naman niya. Kamuntikan lang maipit ang kanyang paa. Pagkatayo niya'y umandar na rin ang tren. Tinaas niya pa ang kamay upang magpaalam kay Gregorio na nakatayo sa pintuan ng lumalayong tren. Nakaguhit sa mukha nito ang galit dahil naisahan niya ito. Nang nasa huling kubol na ang tren lumakad na siya't tumalon sa hanay ng makinang sumusuri sa tiket upang makabalik sa kalsada sa itaas. HINDI SIYA NAGTUNGO sa ano mang arcade na kalapit ng ospital kundi sa isang kainan siya pumunta. Nang tumingin siya kanina sa mapa kasama si Gregorio kaagad niyang nakita na mayroong isang pinakamalapit. Hindi siya nag-aksaya ng mga sandali kung kaya takbo-lakad ang kanyang ginawa makarating lang roon. Ilang kanto lang ang layo ng kainan na iyon mula sa ospital. Hapo siya nakarating sa daan sa harapan nito. Hindi nakakadaan ang mga sasakyan sa kalyeng iyon dahil sa mga taong nagkatipon doon, isa rin kasing pamilihan ang mahabang kalye na iyon kaya ganoon na lamang ang pagdagsa ng mga tao. Malapad ang karatula ng kainan na makulay ang ginamit na letra sa pangalan nito. Maging ang haba niyon ay kasing haba rin ng pintuan nito na mahigit limang dipa. Inikot niya ang kanyang paningin upang mahanap ang kaibigan niya sa mga taong naroon. Hindi natigil ang pagkabog ng kanyang dibdib dahil sa kaba na sinabayan pa ng pagkahingal. Napaatras pa siya ng isang hakbang nang mabangga siya ng lalaking nakasakay sa isang hoverboard. Kapagkuwan ay lumingon siya sa direksiyon kung saan naroon ang mahabang patayong paskilan kasunod lang ng kainan, nakakabit iyon sa gilid ng matayog na gusali. Mula roon ay naririnig niya ang pagsigaw ng kanyang kaibigan. Nakita niya nga si Kenji na nakatayo sa ilalim lang ng paskilan habang ikinakaway ang kamay. Sa labi pa nito ay nakaguhit ang isang ngiti. Dahilan upang makahinga siya nang maluwag. Doon na rin niya hinabol ang kanyang hininga at kumaway-kaway din para rito. Nang masigurado ng kaibigan niya na nakita na niya ito binaba na nito ang kamay. Samantalang siya naman ay naglakad patungo sa kinapupuwestuhan nito. Dahil sa dami ng mga tao roon kailangan niyang umiwas. Natabunan ng mga tao ang kanyang paningin lalo na't dumaan pa ang ilan na kalabisan ang katangkaran. Hindi niya tuloy napansin na mayroong nangyari sa kanyang kaibigan na si Kenji. Nalaman niya lang iyon nang makarating siya sa kinatatayuan nito kanina lamang. Mabilis siyang nabuhusan ng pag-alala dahil sigurado siyang hindi lang gawa ng kanyang imahinasyon nang makita niya ito. Hindi niya tuloy mapigilang tawagin ito sa kabila ng ingay ng kalyeng iyon. "Kenji!" sigaw niya na halos ikinaputol ng litid sa kanyang leeg. Namaos pa ang kanyang tinig. Inilang ulit niya iyon habang iniikot ang paningin ngunit wala naman siyang nakuhang sagot mula sa kaibigan. Samantalang ang ibang mga tao ay mistulang walang naririnig. Hindi niya malaman kung saan ba dapat siya tumakbo. Kaya sa kanan na lang siya pumunta habang hinahanap pa rin ng mata ang kanyang kaibigan. Nang makalampas siya sa tindahan ng mga damit napahinto siya nang mapansin niya ang sapatos ng kaibigan niya sa pinto ng tindahan. Agaran niya iyong pinulot. Kapagkuwan ay tumayo rin naman. Doon niya rin napansin ang pagpasok ng lalaking nakapurong itim na kasuotan na pumasok sa isang pinto sa loob ng tindahan ng damit. Pinaghinalaan niya ito sapagkat natatakpan ang mukha nito ng pulang maskara. Bago pa mahuli ang lahat pumasok siya ng tindahan na may kadiliman dahil sa mga nakapatay na ilaw. Sa pagtakbo niya patungo sa pinto isinuksok niya sa kanyang bag ang sapatos ng kaibigan habang nilalampasan ang mga estante ng damit. Halos magiba ang pinto nang itulak niya iyon papasok. Sa likuran niyon ay naroon ang makipot na pasilyo na kinatatambakan ng mga nakakahong damit at mga maneking walang saplot. Tinakbo niya rin iyon hanggang makarating sa dulo niyon kung saan ang kusinang hindi nagagamit. Paghinto niya sa tabi ng lutuan narinig niya ang pagkalatong ng bakal na pinto. Pinuntahan niya ang pinagmulan ng ingay na iyon na nasa likuran naman ng umaalingasaw na banyo. Nahanap niya rin naman ang pinto. Lumabas rin siya kaagad doon at dinala siya ng pinto na iyon sa eskenitang hindi gaanong naabot ng sinag ng araw. Kapansin-pansin ang paggalaw ng mga naipong tubig-ulan doon kaya lumingon siya sa kaliwa't kanan. Nahagip ng mata niya ang tumatakbong lalaking nakamaskara ng pula na hindi pa gaanong nakakalayo. Sa unahan nito ay ang isang lalaki pa na karga sa balikat ang kaibigan niyang si Kenji. Sa nakita niya'y tinakbo niya ang mga ito. Tumatalsik ang mga tubig na kanyang natatapakan na siyang pumaligo sa mga basurang natingga rin roon. Nang mayroong ilang dipa na lang ang layo ng dalawang lalaki sa kanya umakyat ang mga ito sa hagdanan na nadaanan ng mga ito paitaas ng limang palapag na gusali. Kahit na hinihingal hindi siya huminto makasunod lang sa mga kalalakihan. Inakyat niya rin ang bakal na hagdanan. Sa katahimikan ng eskenitang naroon umalingawngaw ang bawat pagtapak niya sa bakal na baitang. Nang makarating siya sa ikatlong lebel ng hagdanan hinarang siya ng isa mga lalaki. Hawak nito sa kamay ang isang kutsilyo. Walang pag-aalinlangang sinugod siya nito ng saksak. Sa kabutihang-palad nailagan niya naman iyon kasabay ng paghampas sa kamay ng lalaki't pinilipilit iyon. Ngunit hindi man lang nabitiwan ng lalaki ang kutsilyo. Sa isang kamay pa nito'y lumabas din ang isa pang kutsilyo na itatarak nito sa kanya. Umatras siya upang makaiwas na masugatan ng lalaki kasabay ng pagbitiw sa kamay nito. Sa pag-atras niya'y sinugod naman siya ng lalaki na may kasamang masamang tawa. Nang salakayin siya nito ng magkasunod na saksak huminga siya nang malalim kapagkuwan ay marahas na hinarang at tinulak ng palad ang dalawang galanggalangan nito. Kasunod ng dalawang suntok sa tiyan. Ang panghuli niyang ginawa'y hinawakan niya ito sa suot sabay balibag paalis ng hagdanan. Sa nangyari'y nahulog nga ang lalaki sa ibaba nang nakatihaya sa matigas na semento, narinig pa niya ang paglagabog nito. Dumaloy sa kanyang dibdib ang kaba sapagkat mukhang nakapatay pa siya kaya nga pinagmasdan niya ito nang maigi. Ni hindi gumalaw ang lalaki sa kinabagsakan nito. Sa kabila ng kaba pansamantala niyang binalewala ang bagay na iyon dahil ang mahalaga sa kanya nang mga sandaling iyon ay ang makuha niya ang kanyang kaibigan na si Kenji. Kung kaya nga nagpatuloy siya sa pag-akyat hanggang makarating sa tuktok na ang tanging makikita roon ay ang sirang malaking drum ng tubig na mayroong malaking butas sa gitna kasing laki ng bibig nito. Tinakbo niya ang likuran niyon upang mahabol ang lalaking may dala sa kanyang kaibigan ngunit sa kasamaang-palad ni anino ng lalaki at ni Kenji ay wala. Pinakaisip niya pa kung paano nangyaring nawala ang lalaki dala ang kaibigan niya habang pinagmamasdan niya ang mga matayog na gusaling katabi. Ni wala siyang naubatang sasakyang panghimpapawid o narinig man lang. Mariin siyang napahawak sa kanyang buhok sa kaguluhan ng mga nangyayari. "Hindi ito puwede. Hindi totoo ito," ang naisambit niya sa kalabisan ng pagtataka. Pabalik-balik pa siyang naglakad sa kalaparan ng tuktok ng gusaling iyon ngunit wala pa rin siyang nahanap na kasagutan. Nang sumagi sa kanyang isipan na posibleng buhay pa ang lalaking nahulog tumakbo siya kaagad paibaba. Maari niya itong tanungin kaya lamang sa ikaapat na palapag pa lang siya napagtanto niyang wala na rin sa semento ang lalaking bumagsak. Dumagdag lamang iyon sa kaguluhan ng kanyang isipan. Sa tantiya niya kung tumakbo man ito maabutan niya pa sa haba ng eskenita. Hindi rin naman siya nagtagal sa hagdanan. Tuluyan siyang bumababa kapagkuwan na habol ang hininga, pagkaraa'y bumalik sa direksiyong kanyang pinanggalingan. Nang makapasok siya sa bakal na pinto narinig niya kaagad ang ingay ng gawa ng nagluluto sa kusina. Nahihiwagaan siyang dumaan dito sa ilalim ng nakatitig sa kanya na matabang babaeng nagluluto roon. Hindi niya tiningnan ang matandang babae sapagkat iba kung ito'y makatingin. Pakiwari niya'y lalamunin siya nito ng buo. "Hoy! Sino ka ba?! Ano ang ginawa mo rito?! Kanina ka pa!" galit na sigsw ng matabang babae sa kanya. Hinawakan pa nito ang maliit na kawaling ipangbabato nito. Imbis na sagutin ang matandang babae matulin na lamang siyang naglakad paalis ng kusina't nilakad ang pasilyo na kinatatambakan ng mga manekin at nakakahong mga damit. Kahit sa tindahan na kanina'y madilim at tahimik ay napuno ng ingay ng mga mamimili. Napalingon pa ang ilan sa kanya sa pagdaan niya sa mga ito. Nang makalabas siya ng tindahan nagtanong na naman siya sa kanyang sarili kung alin nga ba ang tunay na nangyari at alin lamang ang imahinasyon. Binuksan niya rin ang kanyang bag na dala upang malaman kung naroon ang pares ng lumang sapatos ng kaibigan niya. Naroon nga iyon na kanyang inilabas. Hawak niya iyon nang tumingin siya sa itaas ng mga gusali para malaman kung mayroong nakakalat na kamera roon. Mayroon naman siyang nakitang kalapit na kuhang-kuha ang harapan ng tindahan. Habang nag-iisip ng tamang gawin nilalampasan lang siya ng mga taong naglalakad. Sa huli isang bagay lamang ang naisip niyang gawin. Wala na siyang mapagpipilian. Kailangan niyang magtungo sa istasyon ng pulisya sa distrito na iyon. PAGKAPASOK NIYA SA istasyon ng pulis pinaupo siya sa isa mga upuan na nakahanay. Sa harapan ng mga upuan na iyon ay maliit na lugar na nahihiwalay ng partisyon. Sa likuran naman niyon ay ang mga mesa ng kapulisan kung saan makikitang abala ang mga pulis. Nanggagaling din dito ang hindi matapos-tapos na tunog ng telepeno dahil sa sunod-sunod na tawag. Mayroon pa ngang napapasigaw na pulis habang may kausap sa telepono. Sa hanay ng kinauupuan niya naman ay mayroong umiiyak. Ilang minuto na siyang naghihintay sa pulis na kakausap sa kanya ngunit hindi pa rin ito bumabalik. Ang paalam nito ay kukuha lang ng maiinom na kape ngunit wala pa rin ito. Mabuti pa iyong nasa kasunod at sinundan niyang maliit na lugar ay patuloy sa pag-uusap. Kinuyakoy niya ang kanyang paa dahil sa pagkainip at pag-aalala sa kinuhang kaibigan. Balak na sana niyang magtawag para may kumausap sa kanya na hindi niya na naituloy nang makita na nga niya ang pulis na naglalakad sa gawing kanan niya. Bitbit nito sa dalawang kamay ang kape habang tumatalbog-talbog ang taba sa tiyan sa paglalakad nito. Nakuha pa nitong makipag-usap sa pulis na kalalabas lang sa opisina. Tumawa pa ito na kapansin-pansin sa paglabas ng gilagid nito na animo'y hindi siya naghihintay sa puwesto nito. Matapos nitong makipag-usap lumakad na itong nakangiti sapagkat nadaan nito ang grupo ng mga babaeng pulis na nag-uusap naman. Nagsisimula ng uminit ang ulo niya sa tagal ng matabang pulis. Naikumyos na nga niya ang kanyang kamao sa ibabaw ng kanyang hita. Pinagpasalamat niya rin naman nang hindi ito muling nakipag-usap pa hanggang sa makabalik sa mga mesa ng kapulisan. Nakasunod lang siya ng tingin dito sa pag-ikot nito't pagtungo sa puwesto nito kung saan siya naghihintay. Pinatong nito sa gilid ang dalang dalawang kape. Kapagkuwan ay naupo na sa de kutson na silya. Yumangitngit pa nga iyon sa bigat nito. Tinanggalan pa nga ng matabang pulis ng isang butones ang puting unipormeng suot nito habang nakatitig sa kanya. Sinalubong niya rin naman ang mga mata nito na walang pag-aalinlangan. Ang balat sa ilalim ng mga mata nito'y nangingitim. Hanggang sa ito na ang kusang pumutol kasabay ng paglinis nito sa lalamunan. "Ano bang sitwasyon mo?" tanong nito nang buksan nito ang dalawang manipis na kompyuter. "Mayroong kumuha sa kaibigan ko," pagbibigay-alam niya naman dito. Umarko ang isang kilay nito dahil sa nasabi niya. "Kinuha? Ipaliwanag mo nang mabuti. Baka naman may pinuntahan lang," matigas naman nitong sabi. "Kung hindi mo naman siya makita kailangan nating maghintay ng bente kuwatro oras para masabing nawawala naman siya." "Hindi rin siya nawawala. Mayroon ngang kumuha sa kanya. Sa madaling salita kinidnap siya," mariin niya ring sabi rito. Hindi niya nagugustuhan ang tono ng pananalita nito. Pakiwari niya'y tingin nito'y gawa-gawa lang niya ang kanyang nasabi't nanggugulo lang sa istasyon katulad ng ibang mga naroon. "Paano mo naman nasabi iyon?" pangalawang tanong naman nito. "Dahil nasaksihan ko." Inilabas niya mula sa kanyang bag ang pares ng sapatos ng kaibigan niya. "Ito ang naiwang sapatos niya," dugtong niya pagkalapag niya sa sapatos sa pagitan nila ng matabang pulis. Pinagmasdan nang maigi ng matabang pulis ang sapatos at ibinaling sa kanya nang magsawa. "Kailan naman nangyari?" sumunod nitong tanong. "Kanina lang bago ako pumunta rito." Inilagay niya ang kanyang kamay sa tabla katabi ng lumang sapatos. Dahil sa saglit na nanahimik ang pulis sinimulan niya ang kanyang pagkuwento. "Dapat magkikita kami sa prangkisiya ng Habanero sa Kalye Onse. Kaso nang papalapit na ako sa kanya bigla na lang siyang nawala. Nang hanapin ko siya nakita kong may kumuha sa kanya kaya hinabol ko hanggang sa eskenita sa likod ng tindahan ng damit. Dalawang lalaki iyong kumuha sa kaibigan ko. Kaso noong makaakyat ako sa tuktok ng inakyatan nilang gusali---" Nanghina ang boses niya sa mga huling salita na nabanggit sapagkat hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang biglaang pagkawala ng mga lalaki dala ang kanyang kaibigan na si Kenji. "Kaso ano?" pag-uudyok ng matabang pulis upang ituloy niya ang kanyang sinasabi. Ang mga kamay nito'y mabilis na pumindot sa teklado ng kompyuter. "---hindi ko na naabutan ang lalaki na may dala sa kaibigan ko," pagtatapos niya sa mga sasabihin niya. "Paanong hindi mo naabutan?" pag-usisa ng pulis. Mababatid din naman sa paraan ng pagsasalita nito na hindi nito gustong magtanong o kausapin man lang siya. "Hindi ko rin alam. Marahil gumamit sila ng sasakyang panghimpapawid na nakakapagbalatkayo kaya hindi ko nakita." Humugot nang malalim na hininga ang pulis. "Walang nakakagamit ng nakakapagbalatkayong sasakyan maliban sa sundalo ng gobyerno," paliwanag ng pulis sa kanya. "Posible rin namang nakopya ng kumuha sa kaibigan ko ang paggawa sa sasakyan," pamimilit niya naman dito. "Imposible iyang sinasabi mo. Hindi binabahagi ang kaalaman sa paggawa ng sasakyan na sinasabi mo. Naintindihan mo ba iyon?" tumaas ng bahagya ang boses nito dahil hindi na ito nakakapagpigil. "Kung gayon posibleng sundalo ng gobyerno ang kumuha sa kaibigan ko." Naihampas ng pulis ang kamay sa teklado dahil sa inis. "Siraulo ka bang bata ka? Huwag kang gumawa ng kuwento para lang manggulo. Maraming nangyayari na kaguluhan ngayon sa distritong ito. Huwag ka nang dumagdag.'" Kumunot na rin ang noo nito't nanatiling ganoon sa patuloy nilang pag-uusap. "Totoo ang sinabi ko. Puwede mong tingnan ang kamera sa kalye na iyon. Lalo na ang sa likod ng tindahan," suhestiyon naman niya sa pulis. "Hindi mo kailangang sabihin kung ano ang gagawin ko. Pulis ako kaya alam ko ang dapat gawin," ang hindi natutuwang sambit ng pulis. Ininom nito ang isang baso ng kape kapagkuwan ay pinagpatuloy ang pagsasalita. "Walang kamera sa likod ng tindahang sinasabi mo." "Iyong sa daan na lang," aniya sa pulis kaya sinamaan siya nito ng tingin. Itinikom na lang niya ang kanyang bibig. Nagtipa ito sa teklado nang makailang ulit bago lumitaw sa kabilang kompyuter ang kuha ng kamera sa harapan ng tindahan ng damit. Pinatagilid pa nga ng pulis iyon nang makita niya iyon. "Sa kuha ng kamera wala namang makikitang taong buhat ng kung sino," anang pulis. Hindi rin naman ito nagsisinungaling sapagkat wala naman talagang nakuha ang kamera katulad ng sinabi niyang pagdala sa kanyang kaibigan. Pero nakuhanan ang kanyang pagtakbo't pagpulot sa sapatos. "Totoo ang pagpulot mo sa sapatos pero iyong sinasabi mong kinuha ang kaibigan mo ay hindi." "Iyong sa harapan ng Habanero subukan mo," sambit niya sa pulis na wala sa loob na sinunod nito. Pinalitan nga nito ang nakalahad na kuha ng kamera sa kompyuter. Ganoon pa rin ang resulta walang nahagip na kaibigan niya. Ngunit naroon siya na kumakaway kaya sumama pa lalo ang mukha ng pulis. Iniisip nitong nasisiraan siya ng ulo na mapapansin sa klase ng tingin nitong ibinibigay sa kanya. "Dapat siguro bata hindi istasyon ang pinuntahan mo. Sa ospital ng mga baliw ka dapat dumiretso," panunuya sa kanya ng pulis. Sa pagkakataong iyon noo na naman niya ang kumunot. "Iyong sa tindahan ng damit baka may kamera sila sa loob," hirit niya sa pulis. Atubiling pinasok nga rin naman ng pulis ang kamera ng tindahang sinabi niya. Mayamaya nga'y pinakita nga ng kompyuter ang kuha tatlumpung minuto bago ang mga sandaling pumasok siya roon. Napatitig siya sa mukha ng kompyuter habang mabilis na umaandar ang takbo ng kuha hanggang sa nahagip ang mabilis na naglalakad siya. Doon na binagalan ng pulis ang takbo. Makikitang naglalakad siya patungo sa pinto na nilalampasan ang mamimiling naroon. Sinundan pa nga siya ng tingin. Hindi niya maunawaan ang nakikita niya sapagkat nang pumasok naman siya sa tindahan wala namang ni isang tao roon, bukas na bukas pa ang ilaw. Lalong nadagdagan ang kanyang pagtataka dahil hindi man lang nakunan ang mga lalaking kumuha sa kaibigan niya. "Ayan bata siguro naman makukuntento ka na," wika ng matabang pulis nang isara nito ang mga bintana ng kamera. "Kaya kung ako sa iyo umuwi ka na sa inyo." "Pero totoo iyong nakita ko," pagpupumilit niya sa pulis. "Puwede mong hanapin ang kaibigan ko sa ibang lugar. Baka sa ibang mga kamera mahagip siya. Pangalan niya ay Kenji. Kenji Castillo. Imposible namang hindi siya makita sa kamera." Sa sunod-sunod na sinabi niya lalong tumalim ang tingin sa kanya ng matabang pulis. "Kasi nga wala roon ang kaibigan mo! Tumigil ka na bata!" mariin nitong sabi. Binagsak muli nito ang kamao sa teklado. Sa lakas ng pagbagsak nito nanginig ang mesa. Dahilan upang matapon ang kape nito. Nagdagdagan lang ang galit na nararamdaman nito. "Kung wala kang magawa sa buhay mo huwag mo kaming istorbohin! Marami kaming ginagawa!" Nais niya rin sanang sabihin na mayroong gustong pumatay sa kanya na dalaga ngunit naisip niyang lalo lang lala't baka kaladkarin siya ng pulis palabas. Kung may kinalaman naman si Gregorio posibleng gagawan niya nang paraan upang maitago ang tunay na nangyari sa ospital. Nahinto lang sa pag-alburuto ang matabang pulis nang lumapit sa puwesto nito ang binatang pulis na hindi niya akalain na makikita niya roon. Kung paglalaruan nga naman siya ng pagkakataon, iyong hindi pa umaayon sa kanya. Nanlaki ang mata niya sa pagkabigla, sa kamay nito ay hawak nito ang karton na naglalaman ng kung anu-anong gamit. Pumiksi ang matabang pulis sa pagkatalikod nito nang tapikin ito ni Gregorio sa balikat. "Huminahon ka diyan Reyes," ani Gregorio nang alisin nito ang kamay sa balikat ng matabang pulis. Nilingon naman ng matabang pulis ang binata. "Pasensiya na. Nakakainis lang kasi nang-iistorbo lang ang batang iyan," sumbong ng matabang pulis. Kapagkuwan ay nilinis nito ang natapong kape gamit ang tisiyu. "Naiintindihan ko," wika naman ni Gregorio na sa kanya nakatingin. "Lumapit lang ako rito para magpaalam sana sa iyo." "Oo nga pala ito ang huling araw mo rito," bulalas naman ng matabang pulis nang mayroong maalala. Hindi na niya hinintay pa na mayroong sabihin sa kanya ang binatang pulis. Habang nag-uusap pa rin ang mga ito kinuha niya ang sapatos kapagkuwan ay matuling naglakad papalayo. Sa bilis ng hakbang niya sinaglit niya lang ang pasilyo hanggang makarating sa bulwagan. Hindi siya huminto't nagtuloy-tuloy sa paglalakad papalabas ng limang palapag na istasyon. Pagkarating na pagkarating niya sa daan biglang bumuhos ang ulan. Dahil dito naptigil siya paglalakad kapagkuwan ay napatitig sa kalangitan. Hindi niya makumbinsi ang sarili na imahinasyon lang ang lahat. Sigurado siya sa nakita niya. Ngunit sa kamera naman wala ngang nahagip na kaibigan niya o isa sa mga lalaki man lang. Hinugasan ng kanyang isang kamay ang mukha sa labis na kaguluhan ng kanyang isipan. Kahit nababasa ng pagbuhos ng ulan hindi siya sumilong. Napalingon lang siya sa direksiyon ng istasyon nang marinig niyang magsalita si Gregorio. "Naniniwala akong kinuha nga ang kaibigan mo," anang binatang pulis. "May mga bagay na nangyayari sa mundo na hindi maipaliwanag ng sensiya. Ang nangyari sa kaibigan mo ay isa lang doon." Nilingon niya ito dahil sa mga sinabi nito, dala pa rin nito ang karton. "Ang sabihin mo ikaw ang kumuha sa kaibigan ko! Mula nang makita mo kami iyon naman ang gusto mong gawin!" ang nailabas niya sa binatang pulis sa namumuong galit sa kanya. "Dahil gusto ko nga kayong tulungan!" Napasigaw na rin ito dahil sa inis. Maging ito ay basang-basa na rin ng ulan. "Kasinungalingan!" birada niya naman. Nang mga sandaling iyon tahimik ang daan sa harapan ng istasyon. Ni isang sasakyan walang napapadaan. "Kung gusto mo pang makita ang kaibigan mo kailangan mong maniwala sa akin! Hindi lang konseho ang magkakainteres sa inyo! Suwerte ka kaibigan mo lang ang nakuha!" "Siraulo ka ba?! Hindi rin tamang kunin nila ang kaibigan ko! Mas gugustuhin ko pang ako ang kinuha kaysa sa kanya! Ibalik mo ang kaibigan ko!" Nilapitan siya ng binatang pulis upang mahawakan siya ng mahigpit sa braso. "Sige! Ibabalik ko ang kaibigan mo! Pero kailangan mong maniwala sa akin!" ani Gregorio. Mula sa pagsigaw humina ang pagsasalita nito. "Mahirap ba sa iyo maniwala sa akin? Hindi ako masamang tao Arjo. Hindi." Natamimi siya sa sinabi nito dahil na rin sa paraan ng pagtitig nito. Tila maging kalooban-looban niya'y nakikita nito. Pinag-isipan niya kung tama nga ba sinasabi ni Gregorio sa kanya. Wala pa rin siyang mapagpipilian. Kung ito lang ang makakatulong sa kanya wala siyang ibang nagagawa. "Sige kung iyan ang gusto mo. Pero siguraduhin mong maibabalik mo ang kaibigan ko." Inalis niya ang kamay nitong nakakapit sa kanyang braso. "Oo, gagawin ko ang gusto mo," sambit ng binatang pulis kapagkuwan ay binigay sa kanya ang karton. Kinuha niya iyon bago pa mahulog sa semento. "Dito ka lang muna. Huwag kang aalis. Kukunin ko lang ang kotse ko sa parkingan ng istasyon." Matapos ng sinabi nito'y tinalikuran na siya nito't naglakad pabalik ng istasyon. Ang tanging nagawa niya na lamang ng sandaling iyon ay sundan ito ng tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD