ILANG DIPA MULA SA PINTUAN ng istasyon bumukas ang daanan sa aspalto. Lumuwa roon ang kotseng pagmamay-ari ng binatang pulis. Ang kulay nito ay abo kung kaya mistula itong humahalo sa kulay ng daan sa ilalim ng bumuhos na ulan. Hindi marinig ang ugong ng makina sa magandang takbo nito. Dumudulas lang ang tubig ulan sa katawan nito't tumutulo sa ilalim na hindi kakikitaan ng ano mang gulong.
Humakbang si Arjo ng isa patalikod nang inihinto ni Greg ang kotse sa harapan niya. Sinundan iyon ng manipis na pagkalatong ng maliit na bahagi ng kotse nang bumukas ang kanang pinto nito. Pumaltik lang ang pinto paitaas kaya nagmukha itong tainga ng sasakyan.
Pinagmasdan siya ni Gregorio mula sa loob ng sasakyan. Ang mga kamay nito ay nakahawak sa manibela. "Sumakay ka na. Mahirap nang mabasa ka ng sobra ng ulan," sambit nito na para namang iniisip talaga nito ang magiging kalagayan ng kalusugan niya.
Matagal niya itong pinagmasdan na hindi gumagalaw sa kinatatayuan. Samantalang ito rin naman ay tuwid siyang tiningnan na walang lumalabas sa kanilang mga bibig. Napagod na rin itong kumbinsihin siya kaya imbis na magsalita nanahimik na nga lang ito.
Nang mapagtanto niyang mayroon nga pala siyang dalang karton, umakyat na nga rin siya matapos ang malalim na buntong-hininga. Gawa man sa kahoy iyon pero hindi niya alam kung mayroong mababasa sa mga gamit sa loob.
Umayos siya ng upo sa upuan kasabay ng pagbaba ng pinto't pagsara nito. "Saan ko ba ilalagay ito?" ang tanong niya habang hawak pa rin ang karton.
"Diyan sa likod. Ilagay mo," sambit ng binatang pulis nang paandarin na nga nito ang sasakyan.
Pinihit niya ang kanyang katawan patalikod upang mailagay niya sa likurang upuan ang karton. Nang bitiwan niya iyon naupo siya na ang atensiyon ay sa daan at nananihimik dahil sa pagbuhos ng ulan. Kahit na nababasa niya ang kinauupuan wala rin siyang sinabi sa pag-iisip na mayroong masabing hindi maganda si Gregorio. Posibleng hindi nito gustong nababasa ang loob ng sasakyan. Ngunit nang tingnan niya ito naalis din sa isipan niya ang bagabag nga iyon. Parehas nga naman pala silang basa ng binatang pulis. Binayaan lang din nitong tumulo ang basang damit habang nagmamaneho.
Sa pananatili nilang tahimik lalong nakakaramdam siya ng pagkaasiwa. Hindi niya rin naman alam kung anong sasabihin sa binata sapagkat maging ito ay tikom ang bibig habang ang buong atensiyon ay sa daan. Kaya ang ginawa na nga lang niya'y hindi kumilos sa kinauupuan.
Wala ng ikatatahimik pa ang loob ng kotse sa pagbagtas nito sa daang iyon. Tila ba hindi nangyari ang mga bagay-bagay sa kanya bago siya mapunta sa sitwasyong iyon, nakaupong kasama ang binatang pulis.
Ang buong akala niya'y tatagal pa ang katihimikang iyon ngunit lubos siyang nagkamali. Sapagkat bago pa man makarating ang kotse sa interseksiyon ng Legarda, naggitgitan na ang mga sasakyan. Kung kaya nga umaalingawngaw sa ere ang mga busina ng bawat sa sasakyan.
Hindi bumuka ang bibig ni Gregorio habang pinagmamasdan nito ang pagbigat ng trapiko sa kanilang unahan. Kahit nang alisin nito ang kotse't pinasok sa makipot na daan na kasya lang ang isang sasakyan. Ang mga dingding ng gusali sa daang iyon ay napipintahan ng kung anu-anong larawan.
"Wala ka bang sasabihin diyan?" ang naitanong niya kay Gregorio sa paglayo nila sa abalang kalsada. Hindi na niya makaya ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
"Gusto mo bang may sabihin ako?" sambit ni Gregorio na hindi rin naman niya nagustuhan.
"Sige. Hindi na lang. Naisip ko lang kung bakit hindi ka nagtatanong."
Nang sabihin niya ang mga iyon, pinagmasdan niya ang mga larawan sa dingding ng mga gusali na nalalampasan nila sa katamtamang bilis ng sasakyan.
"Wala rin namang saysay kung magtanong ako. Hindi mo rin naman sasagutin. Magsisinungaling ka rin lang naman," ang walang buhay na sabi ng binatang pulis.
Sinulyapan pa nga niya ang mukha nitong seryosong nakatingin sa daan. Pinag-isipan niya pa kung dapat bang sabihin dito ang tungkol sa pangyayaring hindi rin naman siya sigurado kung totoo man o hindi. Sa huli napagdesisyunan niyang hindi na lang hanggang makasigurado niyang matutulungan siya nitong mahanap ang kanyang kaibigan na si Kenji.
Nagbalik ang katahimikan sa loob ng sasakyan na sinasabayan ng pagbagsak ng ulan sa bubongan. Nagpatuloy ang kotse sa pagtahak ng daan na iyon hanggang makarating sa ilalim ng tulay na ang haba'y dalawang landas. Mahahalatang bibiharang mayroong dumaan sa dakong iyon dahil sa mga nadalang basura roon at pamumuo ng ligaw na d**o sa awang ng aspalto at pader.
Pinagmasdan niya nang maigi ang unahan dahil pakiwari niya'y mayroong mangyayaring hindi maganda. Naisip niya pa ngang babagsak ang tulay na magdudulot na sila'y matatabunan niyon.
Ang isipin naman niyang iyon ay napalitan nang biglang inihinto ni Gregorio ang sasakyan. Humarang sa katapusan ng ilalim ng tulay ang lalaking agaran niya namang nakilala. Ang naitanong niya lang paano siya nahanap ng bakulaw na lalaki. Nakuha pa niyang pumadaosdos sa upuan na para namang maitatago siya niyon. Si Gregorio naman binusinahan ang bakulaw ngunit hindi ito umaalis sa kinatatayuan. Tumuwid din naman siya ng upo nang mapagtanto walang saysay ang pagtago niya sa paningin gayong alam nitong sakay siya ng kotseng iyon. Kung kaya nga rin humarang ito sa daraanan nila ni Gregorio.
"Sagasaan mo," aniya sa binatang pulis sa pagbusina nito ulit sa bakulaw.
Sa nasabi niya'y tiningnan siya ni Gregorio. "Bakit ko naman gagawin iyon?" takang tanong naman nito.
"Gusto kaming saktan niyan. Noong nasa Batangas pa lang kami," pagbibigay alam niya sa binatang pulis na nagpakunot sa noo nito.
"Bakit naman gagawin iyon ng taong iyan sa inyo?'
Sinalubong niya ang mata nitong nagtatanong. Wala sa plano niya ang sagutin ang katanungan nitong iyon. Nawalan na rin siya ng pagkakataong magsalita nang ilabas ng bakulaw ang dala nitong baril mula sa likuran. Sa unang putok ng gamit nitong baril hindi lumusot ang bala sa harapang makalap na salamin ng kotse. Mabilisang inatras ni Gregorio ang sasakyan makalayo lang sa bakulaw upang hindi sila matamaan ng pagpaputok nito ng baril na sinundan nito kaagad.
"Sabi ko sa iyong sagasaan mo na lang!" sigaw niya kay Gregorio sa pag-atras ng sasakyan. Samantalang ang bakulaw naman ay mabagal ang hakbang habang nagpaputok ng baril. Tumama naman ang ibang bala sa salamin kaya nadagdagan ang basag.
"Isa akong pulis! Hindi ko lang puwedeng basta sagasaan lang ang kung sino man!" bulyaw pabalik ng binatang pulis sa kanya.
Hindi siya nakapagsalita sa isinigaw nito. Kundi napapiksi siya nang padausdos dahil lumusot ang isang bala na tumama sa basag na bahagi ng salamin. Kamuntikan na siyang matamaan niyon. Bumaon lang ang bala sa sandigan sa itaas lang ng kanyang balikat.
Tiningnan niya ang bakulaw na sige pa rin sa pagbaril. Kapagkuwan ay binaling kay Gregorio.
"Ako na nga ang gagawa." Bahagya niyang tinulak sa balikat si Gregorio upang mapadyakan niya ang silindiyador. Isinabay niya rin ang pagpihit sa kambyo nang paambante.
Bago pa man siya mapigilan papalayo ni Gregorio humarurot na ang sasakyan patungo sa nakatayo lamang na bakulaw. Sa tulin ng sasakyan sinaglit lang niyon ang ilang dipang distansiyang namagitan sa bakulaw at sa kanila.
Nakapagpaputok pa ang bakulaw ng isang putok na lumusot din sa salamin bago sumalpok ang kotse rito. Dumaplis sa kanang pisngi niya ang bala kaya gumuhit ng dugo sa kanyang balat. Ngunit imbis na masaktan ang bakulaw nakatayo pa rin ito habang buong lakas na sinunggaban ang kotse. Bumaon pa ang mga kamay nito sa nguso. Nakuha pa siya nitong ngitian nang magkasalubong ang kanilang mga mata. Doon niya talaga napatunayang mayroong kakaiba sa bakulaw na iyon. Nakatayo pa nga ito nang kuryentehin nila iro. Napamura na lang sa siya sa kanyang isipan dahil dumagdag ito sa kaguluhan ng nangyayari sa kanya.
Hindi na sila nakakilos ni Gregorio sa loob ng kotse nang malakas na habyugin ng bakulaw ang unahan ng sasakyan. Pumaltik ang sasakyan sa lakas ng bakulaw, ang nguso nito ay nangudngod sa aspalto habang ang puwetan nito'y kumiskis sa ilalim ng tulay. Sa loob ng ilang segundong pagbaliktad niyon maging sila ni Gregorio ay umikot sa loob. Natamaan pa siya ng nahulog na karton sa mukha kaya tanging impit na ungol ng pag-aray ang lumabas sa kanya. Lumampas lang ang sasakyan sa uluhan ng bakulaw bago ito tuluyang tumaob. Hindi pa nakuntento ang bakulaw kaya sinipa pa nito ang sasakyan. Dahil sa nakalutang pa rin ang sasakyan madali lang iyong tumalsik na umikot pa ng dalawang beses. Napakapit pa siya sa upuan nang mahigpit. Kapagkuwan ay bumangga sa pader ang sasakyan na ikinatigil nito. Kasabay ng pagkabasag ng salamin sa pintuan ng sasakyan sa kanan kung saan tumama ang kanyang paa. Sa nangyari'y bumaliktad na lang din sila pareho ni Gregorio sa loob. Ang ulo niya'y pumatong sa matigas na dibdib ng binatang pulis.
Mabilisang kumilos si Gregorio nang makita nitong humakbang papalapit sa kanila ang bakulaw. Kinuha nito ang sariling baril na nakatago sa ilalim ng dasbord. Tinutok nito iyon sa papalapit na sinundan kaagad ng pagpaputok kaya nga nasabag ang salaming pinto kahit nakabaliktad.
Napailag naman ang bakulaw patungo sa kaliwa. Hindi sinayang ni Gregorio ang pagkakataon kung kaya nga walang pagdadalawang-isip na lumabas ito kotse matapos na bumukas ang pinto. Dumuyan pa nang kaunti ang sasakyan sa pagkabawas ng bigat na dala niyon. Walang takot nitong hinarap ang bakulaw kasabay ng pagbaril dito. Ngunit wala rin naman itong natamaan dahil sa maliksing pag-ilag ng bakulaw kasunod ng pagsipa sa hawak na baril.
Nabitiwan ni Gregorio ang baril kaya nga ito naman ang babarilin ng bakulaw. Hindi rin naman nagpahuli ang binatang-pulis, agaran itong yumuko ng pasugod sa bakulaw na may kasamang pagsuntok sa tagiliran nito't pagsiko sa siko nito. Napaatras ang bakulaw hawak ang baril. Itutok na sana ng bakulaw muli ang baril. Mabuti na lamang madaling nakagawa ng paraan ang binatang pulis. Umikot ito sa ere na may kasamang pagsipa sa baril ng bakulaw. Sa nangyari tumalsik din ang baril ng bakulaw.
Sa pagtayo ng binata sa aspalto na nakayuko pareho na silang walang baril.
"Mahusay ka---" sabi ng bakulaw kay Gregorio "---na hindi rin magtatagal."
Tumawa pa ang bakulaw sa pagsunggab nito sa binatang pulis. Nakahanda na ang kanang kamao para manuntok.
Ang tanging nagawa ni Arjo ay panoorin na lamang paglalaban ng dalawa nang ayusin niya ang sarili sa loob ng sasakyan.
Ang tanging naisip na gawin ni Gregorio ay salagin ang suntok. Iniharang nito ang dalawang kamay na magkatagpo nang pakrus sa harapan. Inasahan na rin nitong iba ang taglay na lakas ng bakulaw kaya hindi na ito nagtaka nang tumama ang kamao.
Tumalbog ang binatang pulis nang may ilang dipa bago nagpagulong-gulong bago ang katapusang tulay kung saan bumubuhos ang ulan.
"Hindi ka dapat narito sa labas," ang nasambit ni Gregorio nang pinilit nitong bumangon.
"Bakit naman hindi?" nakakalokong wika ng bakulaw sa paghakbang nito papalapit kay Gregorio. "Isang malayang tao na ako ngayon." Tumawa pa ito nang mapakla.
"Sumumpa ka sa Pilipinas na tanging sa kanya ang serbisyo mo't maging magandang ehimplo," paalala ni Gregorio sa tuluyan nitong pagtayo. Mahahalata ang pamumula ng sinangga nitong kamay na inilaylay lang nito dulot ng hindi pa naalis na pagkirot.
"Dati iyon nang hindi pa kami pinabayaan ng gobyerno," sagot naman ng bakulaw na may kasunod pa ring tawa na parang nasisiraan na ng ulo. "Hahayaan kitang mabuhay. Ibigay mo lang sa akin ang bata," dugtong pa nito.
Sa nakikita ni Arjo mahihirapan si Gregorio na kalabanin ang bakulaw nang matagal na hindi ito nababalian o nasusugatan. Naging dahilan ang sitwasyon iton kaya atubili siyang bumaba ng sasakyan habang papalapit pa ang bakulaw sa binatang pulis. Pinulot niya ang tumalsik na dalawang baril. Sa palagay niya kung ang katawan nito ay pinalitan ng buong bakal mayroon itong mahinang bahagi. Inasinta niya ang likuran ng tuhod nito na magpapawalang-kilos dito kung masira niya ang bahaging iyon. Katulad ng turo sa kanila ni Mang Berting kung nakakaharap ang isang taong-bakal.
Hindi na nga siya nag-aksaya ng oras sa lalong pagliit ng distansiya ng bakulaw sa binatang pulis. Nagpaputok na siya kaagad. Sa unang pagtama ng bala nalaman niya ngang purong bakal ang katawan nito. Dahilan upang sinunod-sunod niya ang pagbaril sa bahaging iyon kasabay ng pagkalatong ng bakal. Pinaglipat-lipat niya sa dalawang paa ang pagbaril. Napaatras siya nang pihitin ng bakulaw ang katawan patungo sa kanya. Imbis na tumuloy ito patungo sa binatang pulis siya naman ang tinakbo nito ng pasugod. Napamura na lang siya habang binabaril ang bakulaw kasabay ng kanyang pag-atras. Bumabaon ang mga bala sa dibdib nito dahil sa naiiwang lamang doon. Ngunit hindi pa rin ito nasasaktan kahit dalawang baril na ang gamit niya sa pagbaril dito. Nag-alala siyang hindi naging epektibo ang pagbaril niya sa tuhod ng bakulaw.
"Tumigil ka na bata! Walang magagawa iyan!" sambit pa ng bakulaw.
"Tumakbo ka na Arjo!" sigaw pa ni Gregorio ngunit tila wala rin naman siyang narinig. Pinagpatuloy niya ang pagbaril sa bakulaw.
Nang malapit na ito sa kanya bigla itong napaluhod sa semento. Kasabay ng pagbusirit sa paa nito ng mga dagitab dahil sa pagkasira ng bahaging iyon. Naging ilang dangkal na lang ang layo ng kamay nitong sinusubukan siyang sakmalin.
"Anong ginawa mo?!" matigas na sabi sa kanya ng bakulaw.
"Bagay lang iyan sa iyo. Ni wala namang kaming nagawang masama pagkatapos balak mo kaming saktan ng kaibigan ko," ang nakuha niyang sabihin sa bakulaw.
"Nabayaran na ako kaya siyempre kailangan ibalik ko sa pamamagitan ng serbisyo." Inangat ng bakulaw ang kanyang katawang pang-itaas gamit ang malalakas niyang mga braso.
"Anong klaseng pag-iisip mayroon ka?" Imbis na sagutin siya ng bakulaw tinawanan lang siya nito. Humugot siya nang malalim na hininga bago muling magsalita. "Nasaan na ang kaibigan ko?"
Iniisip niya pa rin naman talaga ang lahat ng posibilidad na kung sino ang kumuha sa kaibigan niya. Ang naisip niya nga'y may kinalaman din doon ang bakulaw. Ngunit imbis na makakuha siya ng impormasyon sa kinaroroonan ni Kenji iba ang lumabas sa bibig ng bakulaw.
"Hindi ko alam kung ano iyang sinasabi mo," sambit naman ng bakulaw.
Tinutok niya ang baril na hawak sa kanang kamay dito. "Saan mo dinala ang kaibigan ko? Ibalik mo siya sa akin."
Napatawa nang mapakla ang bakulaw. "Kawawa naman kayo. Dapat hindi na lang kayo umalis ng Romblon," panunuyang sabi ng bakulaw sa kanya.
Sa inis niya'y pinaputokan niya ito sa balikat. "Wala kang karapatan para sirain mo ang buhay namin!"
Tumalbog lang ang balang tumama sa katawan nito. Nakuha na naman nitong tumawa na sinundan nito nang mabilis na paggapang gamit lang ang kamay. Mistula itong asong nauulol na gusto siyang lapain. Bago pa man siya masaktan nito tumakbo siya papalayo dito patungo sa kotse. Iyong inakala niyang sasaktan siya nito dumiretso lang ito ng gapang paalis ng ilalim ng tulay.
Nang makalabas na ito nilingon siya kahit gumagapang pa rin. "Babalikan kita bata! Maghanda ka!" sigaw nito sa paggapang nito sa pader paitaas na animo'y isang gagamba.
"Ano naman ang kilangan sa inyo ng dating sundalo?" naisipang itanong ni Gregorio patungo sa kanya habang minamasahe ang kamay na nasaktan.
"Dating sundalo iyon?!" bulalas niya dahil sa pagkabigla.
"Oo. Hindi lang basta sundalo. Kasama siya sa kaunaunahang pangkat," pagbibigay-alam ni Gregorio na ikinatango-tango niya. "Ano ngang kailangan niya?" pag-ulit nito sa naunang katanungan.
"Napag-utusan siya ng kababayan naming si Roberto na singilin kami dahil sa kinuha naming pera ni Kenji," aniya naman sa binatang pulis.
"Wala ka bang magawang matino?" patutsada naman nitong si Gregorio. Kung makatingin pa ito sa kanya tila ba nakagawa nga siya ng masama.
"Binawi lang namin ang dapat sa amin. Madalas kaming agawan ng huli ng kababayan naming iyon. Kung makatingin ka diyan."
"Bakit hindi lang ang taong sinasabi mo ang sumunod sa inyo?" Hindi pa rin siya titigilan nito.
"Kasi nga marami iyong kaaway sa siyudad. Siyempre hindi siya aalis sa lungga niya." Tinapon niya ang dalawang baril sa binatang pulis na nasalo rin naman nito. Tiningnan siya nito nang tuwid. "Hindi kita pinipilit na maniwala. Puwede rin namang huwag mo na rin akong tulungan kung ayaw mo na."
"Mayroon akong isang salita. Kapag sinabi ko gagawin ko." Pinasok nito ang baril sa sasakyan. "Tulungan mo akong ibalik sa ayos itong kotse.
Lumapit din naman siya sa tagiliran ng sasakyan. "Kung dati siyang sundalo. Hindi ba dapat ipaalam mo iyon sa kinauukulan. Mukhang isa siyang takas sa nakita ko base sa pag-uusap niyo kanina."
"Gagawin ko mamaya pagkadating sa bahay." Humawak ito sa tagiliran ng bubong kahanay ng manibel. Maging siya ay humawak din sa naman ngunit sa bandang hulihan siya ng bubong, sa kaliwa nito.
"Akala ko ba tutulungan mo ako? Bakit pupunta pa tayo sa bahay mo? Kailangan nating madaliin ang paghahanap sa kaibigan ko baka ano na ang mangyari sa kanya," ang may pag-alala niyang sabi.
"Kaya dapat umuwi ako kasi mas mainam na doon ako tumawag nang walang ibang makakaalam ng nangyari," paliwanag naman nito.
Huminga ito nang malalim sabay hila sa sasakyan sasakyan upang mapaliktad ito. Dahil sa nakalutang naman ito ng ilang dangkal mula sa lupa hindi iyon gaanong mabigat. Sinabayan niya na rin ang binatang pulis.
Sinimulan na rin nitong ibaliktan ang tumaob na sasakyan.
"Bakit pakiramdam ko tinatago mo ang tungkol sa amin?" ang nakuha niyang sabihin habang inilalabas niya ang lakas sa pagbaliktad sa kotse.
"Dahil iyon ang kailangan. Maniwala ka mas mainam na ganito kaysa malaman ng konseho o ng iba pa. Sinabi ko na sa iyo hindi ka bubuhayin," paalala nito.
"Oo nga naman. Ang parehong konsehong kinabibilangan mo," ang nasabi niya na lang. Ibinuhos nila pareho ang naiiwang lakas sa kanilang katawan upang tuluyang maayos ang sasakyan. Itinaas pa nila ang kanilang mga kamay kung kaya nga nasa uluhan na nila iyon.
Matapos nang mahabang pag-ingit nabaliktad na nga nila ang sasakyan. Napahugot sila nang malalim na hininga sa kaunting pagninig ng kotse kapagkuwan ay hindi na ito gumalaw.
"Mapapagastos na naman ako sa pagpaayos ng kotse na ito," sambit ni Gregorio nang lumapit siya sa manibela matapos nitong umikot sa unahan ng kotse. Inalis nito ang mga gamit nitong kumalat sa upuan kapagkuwan ay sumakay na rito. Nilingon siya nito nang mapansing hindi siya gumagalaw sa kinatatayuan. "Anong ginagawa mo pa diyan? Kailangan ko pa bang sabihin na aalis na tayo?"
Sinalubong niya lang ang tingin nito na walang sinasabi kapagkuwan ay sumakay na. Pagkaupo na pagkaupo niya'y pinaandar kaagad ni Gregorio ang sasakyan paalis ng ilalim ng tulay.
Imbis na tahakin ang kalsada pinindot ng binatang pulis ang asul na buton sa gitna ng manibela. Sa ginawa nito'y umangat nang umangat ang sasakyan mula sa lupa nang mahigit isang daang metro. Dahilan upang umilaw nang kulay pula ang parisukat na monitor sa dasbord ng sasakyan.
"Unang babala. Lumampas na kayo sa pamantayang inaangat ng mga sasakyan. Ibaba niyo bago pa ang susunod na babala," anang tinig ng isang lalaki na madalas maririnig kahit saang dako ng New Manila.
Sa narinig tiningnan niya ang mukha ni Gregorio. "Ano bang binabalak mo? Mamatay ka kung bigla huminto itong sasakyan sa taas na ganito," paalala niya sa binatang pulis.
Tiningnan lang siya ni Gregorio sa patuloy na pag-angat ng sasakyan. Inilapit lang nito ang palad sa monitor bago tumigil ang babala.
"Kita mo? Hindi mo kailangang mag-alala," ang nasabi pa ni Gregorio na ikinakunot niya ng noo. "Pulis ako kaya puwede kong gawin ang ganito."
"Hindi patas," komento niya sa binatang pulis.
"Ganoon talaga. Pumasok ka na rin sa pagiging pulis para maging makabuluhan naman ang buhay mo."
"Hindi ko kailangang pumasok bilang pulis para maging makabuluhan lang ang buhay ko."
"Bakit naman hindi? Takot ka bang mamatay?" Iniliko ni Gregorio ang kotse dahil babangga na sila sa matayog na gusali.
"Huwag ka ngang magpatawa. Hindi ako takot mamatay," wika niya naman sa binatang pulis kapagkuwan ay ibinaling niya ang tingin sa labas.
"Dapat natatakot ka dahil kung wala kang nararamdamang ganoon hindi ka tunay na buhay," ang makahulugang sabi ni Gregorio na pinalabas niya lang sa dalawang tainga.
Dahil sa basag ang salamin ng pinto sa gawi niya't inuupuan ni Gregorio pumapasok ang may katamtamang lakas ng bugso ng hangin na may kasamang ulan. Nagdulot iyon upang maglaro ang ilang mga papel sa loob. Maging ang basa niyang buhok nakikipagsayaw sa hangin.
Sa ibaba nila'y patuloy ang abalang siyudad kahit na umuulan. Naroong nagsiksikan ang mga sasakyan. Maging ang mga tao'y palakad-lakad na may dalang payong. Natanaw niya rin ang dahilan kung bakit biglang sumikip ang daloy ng trapiko sa interseksiyon ng Legarda. Naroong umuusok sa daan ang bumagsak na sasakyang panghimpapawid kaparehas ng sinakyan nila paalis ng gumuhong lupa. Sa pananatili nila sa himpapawid pansin niya rin ang iba pang mga katulad na sasakyang dahunan na bumagsak sa ibang bahagi pa ng siyudad. Kapansin-pansin sa hindi kalayuan ang isa pang sasakyang panghimpapawid na bumangga sa gusali, likuran na lang niyon ang kitang-kita.
"Anong nangyari? Bakit nagsibagsakan iyong mga sasakyan?" ang naisatinig niya nang ibalik niya ang atensiyon sa nagmamanehong si Gregorio.
"Lahat ng sasakyang dahunang rumesponde sa pagguho ng lupa nagkasabog lahat ang makina na ikibinagsag ng mga ito. Pinaniniwalaang ang target ay si Deturimo na hindi rin naman sumakay sa mga iyon. Masuwerte pa rin tayo dahil nakababa tayo bago pa mangyari iyon," pagbibigay-alam ni Gregorio sa kanya. "Kaya nga iniwan kita matapos akong makatanggap ng tawag. Dahil iyon sa nangyari."
Naisip niya tuloy ang tingin ng mga tao sa kanya sa sinakyan nilang sasakyang panghimpapawid. Tinanong niya sa kanyang sarili kaya ba ganoon na lamang ang paraan ng tingin ng mga ito dahil mamatay na ang mga ito. Pero kung iisipin niya lalo lang siyang nalilito dahil ano naman ang koneksiyon ng tingin ng mga ito sa nangyari. Palagay niya rin naman nagkataon lang at gawa lang ng kanyang imahinasyon.
"Sino naman ang gagawa ng ganoong bagay?" tanong niya naman sa binatang pulis dahil hindi rin naman siya sigurado kung kaaway ni Deturimo o kalaban naman ng gobyerno.
"Iyan ang hindi pa natin malalaman. Magsisimula pa lamang ang imbestigasyon," sabi naman ni Gregorio kapagkuwan ay mabilis nitong pinaandar ang sasakyan. "Kaya nga hindi na lang dapat kayo pumunta rito. Tingnan mong nangyari sa inyo."
"Hindi mo kailangang ipaalala sa akin. Alam ko," simple niyang sabi.
Nawalan na silang dalawa ng pagkakataon na mag-usap pa dahil sa paglakas ng bugso ng hanging pumapasok sa sasakyan. Pakiwari niya'y mabibingi siya ng ugong. Kumapit na lamang siya nang mahigpit sa upuan kung sakaling biglang huminto ang kotse na hindi nila inaasahan. Hindi rin naman niya alam kung paano gumamit ng seat belt. Wala rin naman siyang makitang may ganoon sa kotse na iyon. Kahit nga ang binatang pulis wala ring ginamit na seatbelt.
Sa bilis na pagpapatakbo ni Gregorio mistula na siyang nasa paliksahan. Wala lang dito ang mga gusaling nadadaanan dahil mahusay naman itong nakakaiwas. Pakiramdam niya rin nanadya ito kaya hindi niya pinahalatang naiirita na siya sa kinauupuan.
Matapos makailang liko sa mga gusali nakarating na rin sila sa tinitirahan ni Gregorio. Ang bahay nito ay naroon sa isa mga limang pares ng matayog na condominium na nakahanay. Sa lupa sa ibaba'y malusog na tumubo ang mga halaman at puno na nagsisilbing silong ng mga taga-roon sa init ng araw.
Imbis na bumaba sa kapatagan inihinto ni Gregorio ang kotse sa ikasiyamnapung palapag. Kadikit lang ng salaming dingding na natatabingan ng abuhing kurtina kung kaya nga hindi niya makita ang loob. Sa puntong pumantay ang kotse sa sahig ng palapag umurong pataas ang gitnang bahagi ng salamin, gumawa iyon ng pinto kung kaya nga sumayaw ang nakatabing na kurtina bunsod nang malakas na ihip ng hangin.
Naunang bumaba si Gregorio matapos nitong ilagay sa auto ang kotse at ilabas ang dalawang baril. Maingat itong tumapak sa sahig kasabay ng paghawi ng kurtina. Samantalang siya naman natigalgalan sa upuan dahil iyon ang unang pagkakataon na makita niya ang pagtago ng dingding na salamin. Hindi niya nga alam na mayroong ganoong bagay na nagawa sa siyudad na iyon.
"Baba na diyan bago pa mabasa itonv kurtina," tawag ni Gregorio sa kanya nang lingonin siya nito.
"Paano itong kotse mo?" tanong niya naman nang lumipat siya sa inupuan ni Gregorio para makababa.
Tinapak niya ang kanyang paa sa sahig sabay tayo.
"Bababa iyan ng kanya lang," sabi naman ni Gregorio.
Nang sabihin nga nito iyon dahan-dahang bumaba ang kotse kaya napapasunod siya ng tingin dito. Tumigil lang siya sa pagtanaw dito nang hilahin siya ni Gregorio sa dalang bag sa pagbaba naman ng salaming dinding. Kung kaya nga natigil sa pagsayaw ang kurtina. Binitiwan na rin naman siya ni Gregorio sa paglapit nito sa mesa upang mailagay ang dalawang baril sa debuhista.
Sa pagpihit niya ng katawan nalaman niyang nakapasimple ng ayos ng bahay ni Gregorio. Ni walang kadisensyo-disenyo ang dingding nitong napintahan ng abong kulay. Ngunit kung pagmamasdan pa rin naman ay sopistikado dahil sa kusina nitong sobrang linis. Isama pa ang puting-puti na sofa na nasa harapan niya kapantay ng malapad na telebisyon. Wala ng ibang mga gamit roon maliban sa una niyang mga napuna.
"Akala ko hindi ka nakatira rito sa distritong ito?" naisipan niyang itanong kay Gregorio.
Nilingon siya nito. "Bakit mo naman naisip ang ganiyan?"
"Noong marinig kong makipag-usap ka roon sa matabang pulisbpagkaintindi ko sa ibang distrito ka nakatira dahil umalis ka sa istasyon."
"Iyon ba." Napatango-tango pa ito. "Ang totoo niyan dito talaga ang bahay ko. Pero sa pangunahing istasyon talaga ako nakadistino sa unang distrito. Pinaiikot lang kami sa mababang istasyon sa ikatatlong linggo ng bawat buwan. Bakit mo natanong?"
"Wala lang. Masama ba? Ikaw nga nagtatanong sa akin," simple niya namang sabi sa binatang pulis.
"Nagtatanong nga ako pero wala namang nakukuhang sagot," walang buhay na sabi ni Gregorio. "Maligo ka na't magpalit nang makapagsimula na tayo sa paghahanap sa kaibigan mo." Tinuro nito ang pintuang malabong salamin sa gawing kanan na binaba rin naman nito kaagad. "Magpapadala lang ako ng mensahe sa tutulong sa atin. Mamimili ka lang ng damit sa lagayan dahil sigurado basa iyang mga dala mo."
Tinugon niya ito ng isang tango kaya lumakad na ito patungo sa isa pang pintong malabong salamin na kasalungat ng pader na kinalalagyan ng pintong itinuro nito. Nagtago ang pinto nang humakbang ang binata papalapit dito. Nang makapasok na ito pumasok na rin siya sa pintong tinuro nito.
Sa loob ng pintong pinasukan niya ay maikling pasilyo na may lapad na dalawang dipa. Sa dulo niyon naroon ang palikuran na nahihiwalay ng makapal na salamin. Inalis niya ang kanyang bag sabay tiningnan niya ang laman niyon. Basang-basa ang pera na pinaghirapan nilang kunin kay Roberto na ikinabuntong-hininga niya nang malalim.
Nang isinara niya ang bag biglang mayroong lumuwa na kompartaminto sa dingding kapantay ng kanyang beywang. Sinilip niya pa kung mayroong laman ngunit wala naman siyang nakita. Naisip niyang ilalagay doon dapat ang bag kaya inilagay nga niya. Pagkapasok nga niya ng bag doon muli itong nagtago sa pader. Napapatanong lang siya kung anong mangyayari sa gamit niyang iyon. Kahit na luma na iyon pinag-iingatan niya pa rin.
Naghubad na rin siya ng suot na damit hanggang wala nang maiwan na saplot sa kanyang katawan. Nang bibitiwan na niya iyon lumuwa naman ang isa pang kompartaminto kasunod lang ng una. Inilagay nga niya ang hinubad doon kasama ang butas-butas na sapatos.
Sa pagtago ng kompartaminto pumasok na rin siya sa palikuran. Humati ang salamin sa puntong tumapak siya sa malambot na parihabang basahan kaya nga nakatuloy na siya. Dumiretso siya ng ligo na hindi na tinitingnan pa ang bathtub, basin at lababo. Sa paglagaslas ng tubig mula sa parisukat na bakal sa kanyang uluhan iniisip niya kung nasaan ang kaibigan niya. Malamig man ang tubig ngunit hindi niya alintana iyon. Hinayaan niya lang tumama iyon sa kanyang uluhan at bumagsak sa kanyang hubad na katawan.
Hindi rin naman siya nagtagal sa pagligo't hindi rin nagsabon bago niya pinatay ang shower. Nang makalabas siya sa paliguan naisip niya kong saan ba iyong lagayan ng damit na sinasabi ni Gregorio. Sa paghahanap niya rito sumara ang pintong salamin ng paliguan. Ang naisip niya'y tapikin ang dingding para lumabas ang lagayan. Hindi nga siya nagkamali dahil nang malapit na siya sa pintong salamin bumukas na nga ang malapad na closet na nagtatago sa dingding.
Hindi niya rin naman malaman kung anong isusuot sa dami ng mga nakasabit na damit. Ang naisipan niya na lang na piliin ay ang pulang t-shirt at sweat pants. Nang isusuot niya ang sweat pants bigla na lang bumukas ang pinto sa kanan niya. Pumanhik si Gregorio na ang suot lang ay brep na itim kung kaya nga lantad ang matipuno nitong pangangatawan.
Naitabon niya sa harapan niya ang hawak na sweat pants. "Kumatok ka kaya," sambit niya rito.
"Para ano? Kailangan ba iyon?" sabi nito pabalik sa kanya nang maglabas ito ng pantalong itim sa lagayan.
"Hindi naman," aniya na lang sabay suot sa sweat pants kahit na walang brep. Maluwag sa kanya ang damit ni Gregorio.
"Iyon naman pala." Isinuot na nito ang kinuha na pantalon kapagkuwan ay kumuha pa ng puting t-shirt para sa pang-itaas na katawan. Kasabay niya na isinuot ang pulang t-shirt.
"Iyon mga damit at bag ko, paano ko makukuha?" paalala niya kay Gregorio nang papalabas ito ulit.
"Balikan mo na lang mamaya," sambit nito't sumara sa likuran nito ang pinto kaya hindi na niya na ito natanong kung bakit ganoon ang nasabi nito.
Napakibit-balikat siya kaysa naman magtaka pa siya kung saan papunta ang mga gamit niya. Inaalala niya lang iyong pera. Kung sakaling mapunit man iyon sisingilin niya na lang si Gregorio. Malaki ang posibilidad na mapunit dahil basa.
Hindi siya nanatili ng matagal roon kaya lumabas siya na tinutumbok ang kusina. Naglabas siya ng inuming tubig mula sa abuhing predyider habang naririnig niya ang pakikipag-usap ni Gregorio sa loob ng kuwarto nito. Hindi naman iyon malinaw kaya wala rin naman siyang maintindihan.
Nakatalikod siya sa sofa nang buksan niya ang boteng plastik. Nakarinig siya ng kaunting pag-irit ng kutson kaya lumingon siya sa sofa habang nasa bibig ang inumin. Pagkaharap niya sa sofa natigalgalan siya't natigil sa pag-inom sapagkat nakikita niya ang babaeng nakaputing blusa na nagbabantay sa paupahan, nakaupo ito nang tuwid roon. Sumilay pa sa labi nito ang pilit na naman nitong ngiti na imbis na ikatutuwa ng mga nakakakita kakabahan na lang.
Sa pagtataka niya kung paano nakapasok ang babae, nilingon niya ang pinto. Hindi naman bukas iyon. Kahit iyong pinasukan nilang dingding sarado naman. Ni hindi niya narinig na bumukas iyon o ang pinto.
Hindi nagsaalita ang babae kahit nagkakasalubong ang kanilang mga mata.
Naputol lang ang tinginan nila nang lumabas ng kuwarto si Gregorio. Siya ang una nitong napansin kapagkuwan ay nilipat ang mata sa tintitigan niya. Nang makita nito ang babae napabuntong-hininga ito nang malalim.
"Huwag mo siyang takutin baka mamaya pumutok utak niyan dahil sa mga nangyayari sa kanya," paalala ni Gregorio rito.
Doon niya na rin nahanap ang kanyang tinig upang magsalita. "Anong ginagawa niya rito?" ang tanong niya. Hindi na niya tinanong kung paano nakapasok ang babae.
Pinagmasdan siya nang tuwid ni Gregorio bago ito sumagot.
"Tutulungan niya akong mabasa ang isipan mo kasi hindi mo naman ako sinasagot kapag tinatanong kita," simpleng sabi ni Gregorio.
"Ano?" ang naibulalas niya dahil sa narinig. Naitanong niya sa sarili kung posible ba iyon. Dahil sa mga nangyari sa kanya nasabi niyang marahil magagawa nga iyon ng babae.