CHAPTER 5

1566 Words
*CHAPTER 5* "Sige miss, thanks," pagkatapos ko magpasalamat, umalis na siya. Pagtingin ko sa tray, black coffee at donut ang nakalagay. Ito rin ang in-order ko kahapon. Nagkataon lang kaya o napansin niya talaga, kaya ito ‘yung in-order niya para sa ‘kin? Teka, hindi ko na naman pala natanong ‘yung pangalan niya. Binuklat ko uli ‘yung mga libro, at nagbakasakaling may makita akong pangalan. May nakita naman ako, Cecilia de la Vega. Nakasulat ito sa bawat unang pahina ng mga libro. Pangalan siguro ‘to ng mommy niya. Eh siya kaya ano’ng pangalan niya? Hindi man lang siya nagpakilala, bago umalis. Pero bakit nga ba kailangan pa magpakilala? Eh hindi na naman kami uli magkikita. Kaso hindi man lang ako nakapag-thank you sa mga libro na binigay niya. Napabuntong-hininga uli ako. Hayaan ko na lang nga. Pagkatapos kong ubusin ‘yung coffee at donut na binili ni mysterious guy para sa ’kin, mysterious guy na lang ang tawag ko sa kanya wala na ‘yung s***h spoiler, kasi nakabawi na naman siya sa ‘kin, umuwi na ‘ko at pagpasok ko pa lang ng kwarto narinig ko na agad si Abby. "Hmmm... Sandali lang daw siya. Hindi raw ‘yun date, pero bakit ngayon lang kaya siya?" Kahit hindi nakatingin si Abby sa ‘kin dahil kasalukuyan siyang naglalagay ng nail polish sa kuko niya sa paa, obvious naman na ako ang pinariringgan niya. "Hinintay ko pa kasi siya ‘tsaka kumain pa ‘ko. Ako lang at hindi siya kasama. Umalis kasi siya agad," paliwanag ko sa kanya habang naglalakad ako palapit sa kama ko na bitbit ‘yung bag na may lamang mga libro. Nilingon ako ni Abby, "Ganon? Iniwan ka agad?” “May lakad siguro ‘yung tao.” “Hindi man lang kayo nag-moment na dalawa. Ano ba ‘yan.” “Anong moment ‘yang pinagsasabi mo? Walang ganon.” “Ok, ok. Fine. Eh ano naman ‘yang dala mo?”  Bumaba sa kama niya si Abby na nakatikwas pa ang mga daliri sa paa habang naglalakad papunta sa kama ko. Ingat na ingat siya na huwag masira ‘yung kapapahid niya pa lang na nail polish. “Walang moment, pero may pag-regalo agad sa first date? Uyyy…" "Mga libro. Ito ‘yung sinasabi niya na pambawi raw niya." Ipinatong ko ‘yung bag sa kama ko at saka ko tiningnan ‘yung mga daliri ko na medyo namula dahil sa pagbitbit ko ng bag. "Libro na naman?” Hindi makapaniwalang sabi ni Abby, pagkaupo niya sa tabi ko at ipinatong pa ang mga paa sa kama. “Ano ba ‘yan, hindi na nagsawa?" sabi niya habang  pinapaypayan ng mga kamay niya ang basang nail polish sa mga kuko sa paa. Nakakatawa ‘yung pagka-frustrate niya kahit hindi naman siya ‘yung nakatanggap nitong mga libro. "Hindi kaya nakakasawa magbasa at itong mga libro na binigay niya sa ‘kin, ang hirap na kaya hanapin ng mga 'to." "Pinagtatanggol? So like mo na siya? Uyy... dahil lang pala sa libro, magkaka-lovelife ka Allison." "Hindi 'no! Ni hindi ko pa nga alam kung ano’ng pangalan niya," sagot ko, habang inilalabas ko isa-isa ‘yung mga libro mula sa bag. Balak ko na kasi ilagay sa bookshelf ko. Buti na lang may space pa na pagsisingitan para sa mga bagong libro ko. "Ano?! Pangalawang beses n’yo na magkita, hindi mo pa rin alam ‘yung pangalan niya?" medyo gulat na tanong niya. "Oo, kasi nga umalis siya agad. Hindi nga ako nakapag-thank you para dito sa mga libro na ibinigay niya. Collection pa naman ‘to ng mommy niya." "Dapat siguro magkita kayo uli." "Paano naman kaya ‘yon? Pangalan nga hindi ko alam, ‘yung contact number pa kaya? Paano ko naman siya sasabihan na magkita kami uli, o kahit pasalamatan na lang thru text o kaya tawag. ‘Tsaka siya naman ‘yung biglang umalis eh, bago pa ‘ko makapagpasalamat." "Ano ba ‘yan! Paano ‘yan, hanggang d’yan na lang kayo? Forever na lang siyang unknown." Mas lalong na-frustrate si Abby. Mas apektado pa siya kesa sa akin. Nagkibit-balikat ako. "Ganon na nga siguro." "Sayang naman!" Hinayang na hinayang si Abby, pero ako naman hindi. "Bakit naman sayang?" "Akala ko pa naman magkaka-lovelife ka na at baka sakaling siya ang makapagpalabas sa ‘yo rito." Pumalatak ako. "Ikaw talaga Abby. Bakit ba gustong-gusto mo ‘kong lumabas? Masaya naman ako rito kasama ng mga libro ko." "Ay, bahala ka nga. Tatandang dalaga ka niyan. Sige ka," pananakot niya sa ‘kin na wala namang epekto sa ‘kin dahil naniniwala ako na sa bawat tao may nilaan si Lord na maging kapareha. Baka hindi pa lang talaga panahon na makilala ko ‘yung sa ‘kin. "Hindi 'no. Ang pag-ibig kusang dumarating ‘yan. Kung para sa ‘yo, kusang lalapit ‘yan." "‘Yan ang napapala mo, kababasa ng mga romance books. Allison, hindi ka bida sa isang fairy tale na laging may dumarating na Prince Charming. Galaw-galaw rin." "Eh bakit ikaw? Labas ka nang labas pero wala ka pa ring lovelife." "Meron kaya! Si Ian!" todo smile pa siya nang banggitin niya ‘yung pangalan ni Ian. Kulang na lang magka-hearts siya sa mga mata niya.  "Ian? ‘Yung drummer? Kilala ka ba niya?" "Hindi pa, pero darating din tayo d’yan." "Goodluck sa ‘yo Abby. Sabihan mo na lang ako ‘pag nakilala ka na niya," natatawa kong sabi at saka ako tumayo at dinala ‘yung ilan sa mga librong binigay sa akin ni mysterious guy at isa-isa kong nilagay sa bookshelf. *** Kinabukasan, Monday. May pasok na naman. Aral na naman at balik sa pakikinig ng lectures ng mga teacher at tambak na assignments. Paglabas ko ng classroom nang last subject ko, may tumawag sa pangalan ko. Nang tingnan ko kung sino, si Kendi pala na schoolmate ko. Cute siya na petite, short-haired na naka-full bangs pa. Kung titingnan mo siya, mukha pa rin siyang high school student. Ang cute niya, at bagay sa kanya ‘yung pangalan niyang Kendi. "Hello!" "May nagpapabigay nito sa 'yo." May inabot siyang letter sa 'kin. "Kanino galing?" kunot-noo kong tanong habang tinitingnan ko ang harap at likod nito. "Hindi ko alam. Basta, lalaki siya na naka-hoodie tapos naka-shades. Hindi ko masyadong nakita ‘yung mukha niya. Kapag sinusubukan ko kasing tingnan ‘yung mukha niya, iniiwas niya. Tapos may dala pala siyang big bike." Si mysterious guy agad ang pumasok sa isip ko. Paano niya nalaman na nag-aaral ako rito? Stalker? Pero wala naman sa itsura niya dahil mukha naman siyang mabait. Magaan naman ‘yung pakiramdam ko sa kanya. Mukhang hindi naman siya gagawa nang masama. "Ok. Thanks Kendi." "Welcome!" Nakangiti niyang sagot na kasing tamis ng pangalan niya. Napangiti rin ako. Nakakatuwa kasi siya. Nang makaalis na si Kendi, binuksan ko na ‘yung letter. Sobrang curious ako sa kung ano’ng nakasulat dito. Meet tayo sa coffee shop after ng class mo. Hihintayin kita. ‘Yon lang? Ni hindi man lang siya nagpakilala sa letter. So, ine-expect niya na alam ko agad na sa kanya ito galing? Manghuhula ba tingin niya sa ‘kin? Kakaiba siya. Pero bakit kaya niya gusto makipagkita uli? May ibibigay kaya uli siya sa 'kin o baka naman babawiin na niya ‘yung mga libro, kasi nagbago na ‘yung isip niya? Ano ba ‘yan. Bakit naman biglaan? *** Pwede naman akong hindi makipagkita sa kanya pero pinili ko pa ring pumunta. Pumasok na ‘ko sa coffee shop at sa parehong table kung saan kami nakapwesto noong first at second time na pagkikita namin, nandoon siya nakaupo, suot pa rin ang trademark niyang hoodie. Naglakad na ‘ko palapit sa kanya. "Hi," sabi ko sa kanya, sabay upo ko sa upuan na nasa tapat niya. "Hi! Buti dumating ka. Akala ko ‘di ka darating," masayang bati niya sa ‘kin. "Kanina ka pa rito? Bakit mo pala ‘ko pinapunta rito? Babawiin mo ba 'to?" pinatong ko sa table ‘yung mga libro na binigay niya sa 'kin. Nakalagay ‘to sa bag na dating pinaglagyan noong binigay niya ang mga ‘to sa ’kin. "Medyo kanina pa ‘ko rito. Ang tagal pala ng uwian n’yo.” Napatingin siya sa ipinatong ko sa table. “‘Bakit dala mo ‘yan? Hindi naman kita pinapunta rito para bawiin ‘yang mga libro. Sana ‘di mo na dinala. Nabigatan ka pa." "Hindi, ok lang naman. Thanks nga pala sa mga 'to. Hindi na kita napasalamatan kasi umalis ka na agad kahapon." "May biglaang tawag kasi, kaya kinailangan ko na umalis. Sorry," paliwanang niya sa ‘kin. "Bago ko nga pala makalimutan, ano’ng name mo? Third time na natin magkita, pero hindi ko pa rin alam ‘yung name mo." "Cedrick… Cedrick de la Vega," sagot niya at pagkatapos ay inilahad ‘yung kamay niya sa ‘kin na inabot ko naman. Napatitig pa ‘ko sa mga mata niya habang magkahawak ang mga kamay namin at doon ko napansin na light brown pala ang kulay ng mga mata niya. "I’m Allison Monteverde." "I know," diretsong sagot niya at nagulat naman ako. Bakit alam niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD