CHAPTER 1
MYSTERIOUS GUY AT THE COFFEE SHOP
by J.C. Quin
Copyright © J.C. Quin 2012
All Rights Reserved
Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, songs, places, events and incidents are either products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
*CHAPTER 1*
Tahimik akong nagbabasa nang yayain ako ni Abby na sumama sa lakad nila ng mga kaibigan niya. Pupunta kasi sila ng mall para manuod ng mall show ng paborito nilang banda. Si Abby nga pala ang roommate ko rito sa dormitory ng school kung saan kami nag-aaral. Mahigit three years ko na rin siyang kasama. Although hindi kami classmates kasi magkaiba ang course namin, masasabi ko na siya ‘yung pinakamalapit na kaibigan ko rito sa school. Nag-aaral kami sa isang exclusive all girls school, and I'm on my last year bilang Marketing student.
Since elementary, palaging sa all-girls na school ako nag-aaral, kaya lumaki ako na medyo mahiyain pagdating sa mga lalaki, lalo na’t hindi rin ako mahilig lumabas o gumimik. Most of the time sa bahay lang ako after class, at hobby ko lang ang magbasa, kaya rito sa kwarto namin ni Abby, may isa akong bookshelf na puno ng mga libro na nabasa ko na o kaya bagong bili pa lang at hindi ko pa nababasa. ‘Yung iba nga may balot pa. Mahilig ako sa mga romance stories o kaya fantasy. Tuwing bibisita rin si Mommy dito, lagi siyang may dala na mga bagong libro. Alam niya kasi na ‘yun lang ang libangan ko.
"Hindi na, kayo na lang. Hindi ko rin naman mae-enjoy kung sasama ako, kasi hindi ko naman kilala ‘yung banda na panunuorin n’yo," sagot ko sa kanya. Mahilig naman ako sa music. ‘Yung mga classical nga lang ang kadalasang pinakikinggan ko dahil nakakakalma at masarap sa tenga. Magandang background music habang nagbabasa.
"Allison… Paano mo makikilala kung hindi ka sasama at hindi mo makikita? Minsan naman, i-try mo lumabas, hindi ‘yung palagi ka na lang nakakulong dito sa loob ng kwarto natin at nagbabasa. Lalabas ka lang ‘pag papasok ka na sa klase mo o kaya ‘pag nand’yan ang sundo mo pauwi sa bahay n’yo. Hindi ka ba naiinip?" tanong ni Abby sa ‘kin. Nakakunot pa nga ‘yung noo niya habang nagsasalita na para bang napakalaking prolema nang hindi ko paglabas ng dorm at pananatili rito, kasama lahat ng mga libro ko. Kahit ilang beses ko atang i-explain sa kanya, hindi niya maiintindihan ang ibang saya na naibibigay ng pagbabasa sa ‘kin. Na itong mga libro ko ay sapat na para makumpleto ang araw ko.
"Hindi. Ang saya kaya magbasa. Try mo," sagot ko. Masaya naman talagang magbasa. Sa pagbabasa, marami kang pwedeng matutunan. Pwede ka ring dalhin ng imahinasyon mo sa iba’t-ibang lugar na hindi mo pa napupuntahan o hindi nage-exist dito sa totoong mundo. Malalaman mo rin ang iba’t-ibang bagay na hindi naman itinuturo sa school. Kapag nagbabasa ako para na rin akong nanunuod ng movie o kaya palabas sa TV, ‘yun nga lang ‘yung palabas nagpe-play sa utak ko.
"No thanks!" nakailing pa niyang sabi. Bigla kong naalala, nang minsan nga palang subukan ni Abby na sabayan ako sa pagbabasa, hindi pa siya nakalalagpas sa isang chapter ay nakatulog na siya. "Sige na nga aalis na ‘ko. Uuwian na lang kita ng pasalubong. Ano’ng gusto mo? Ay, alam ko na. Donuts. Bakit nga ba nagtanong pa ‘ko.” Natawa ako sa sinabi niya. Alam na alam na niya kung ano’ng gusto ko. Wala naman akong ibang hiniling na pasalubong sa kanya kundi donuts.
Pag-alis ni Abby, tinuloy ko na ‘yung pagbabasa ko. Ilang chapters na rin ‘yung nabasa ko nang makaramdam ako ng antok, pero dahil ayoko pang tigilan ‘yung pagbabasa, tumayo ako mula sa kama at pumunta sa kitchen para magtimpla ng kape. Bawat kwarto kasi rito sa dorm ng school, may sariling kitchen at may sarili ring CR. Pagbukas ko ng cabinet nakita ko na wala na pala kaming coffee. Naubos ko na nga pala kahapon at hindi na ako nakadaan ng supermarket para bumili dahil late na ako nakauwi galing library para tapusin ‘yung research paper ko. Paano ba ‘yan? Kailangan ko mag-coffee, kung hindi aantukin ako nito. Ilang pages na lang matatapos ko na ‘yung book, kaya kahit ayokong lumabas, nag-decide ako na umalis ng dorm at pumunta roon sa bagong bukas na coffee shop na malapit dito sa school. Naalala ko tuloy ‘yung donut na inuwi ni Abby sa 'kin two weeks ago. Doon niya binili ‘yun at ang sarap. Simpleng honey-glazed donut lang ‘yon pero ang sarap talaga. Very moist ‘tsaka hindi masyadong matamis. Ang sarap kainin kasabay ng black coffee. Dahil sa pag-alala sa donut bigla kong naramdaman na gutom na ako at naalala na hindi pa nga pala ako nagla-lunch. Kung nandito si Abby panigurado napagalitan na naman ako. Palagi niya akong sinesermonan kapag late ako kumain, lalo na kung ang dahilan ay ang pagbabasa ko.
Nakasuot ako ng shorts at oversized t-shirt na konti na lang abot tuhod na, kaya naghanap ako sa closet ko ng damit na isusuot ko panlabas. Isa kasi sa bilin ni Mommy sa ‘kin, huwag na huwag daw akong lalabas na nakapang-bahay lang at hindi man lang nag-aayos.
Karamihan ng damit ko puro dress. Hindi kasi ako mahilig mag-shopping, pero si mommy hilig akong bilhan ng mga damit. Karamihan pa may lace o kaya floral ang design. Masyadong pa-girl, pero ok lang naman sa ‘kin at ‘yon na rin ang nakasanayan ko. Pagkatapos ko magbihis, inayos ko ‘yung pagkaka-tirintas ng buhok ko. Tinanggal ko muna ‘yung eyeglasses ko, nag-powder nang kaunti at saka ko isinuot uli ‘yung eyeglasses sa mata ko. Bata pa lang ako medyo malabo na ‘yung mga mata ko, idagdag pa na simula pa noon hilig ko na talaga ang magbasa. Sa isang araw nga kaya kong tapusin basahin ang dalawang libro. ‘Yung tipong ligo, kain at pagpunta sa CR lang ang pahinga. Kinuha ko na ‘yung sling bag ko na floral ang design, na si mommy rin ang bumili. Nilagay ko ‘yung pulang wallet ko sa bag at binitbit ko ‘yung libro na binabasa ko kanina, at saka ako lumabas ng kwarto.
Malapit lang naman ‘yung coffee shop kaya nilakad ko na lang. Nasa bungad pa lang ako ng pintuan nito pero kita ko na agad na halos lahat ng tables occupied na. Balak ko pa naman sanang dito magbasa habang nagkakape at kumakain ng donut. Naglakad na ‘ko papasok at pumila na ‘ko sa may counter. Medyo may kahabaan ‘yung pila at pansin ko, ‘pag may mga lumalabas may nag-o-occupy rin agad ng mga tables na nagiging bakante. Sana sa oras na maka-order na ‘ko, may available na upuan na para sa ‘kin. Nang turn ko na para um-order, sinabi ko na sa cashier na black coffee at dalawang honey-glazed donut ang order ko, at saka ako nagbayad. After a few minutes nasa harapan ko na ‘yung tray na may lamang order ko. Pinatong ko sa tray ‘yung libro na hawak ko, at saka ko dinala para maghanap ng table, kaso lahat ata occupied pa rin.
Palinga-linga ako para humanap nang bakante at ang swerte ko kasi may isang babaeng tumayo mula doon sa table na pang-dalawahang tao. Akala ko kasama niyang aalis ‘yung lalaking nakaupo rin pero hindi pala. Hindi naman tumayo ‘yung lalaki at sumunod doon sa babae. Pagdaan ng babae sa gilid ko, narinig ko pang sabi niya, "Ang gwapo niya talaga…" habang nakatingin sa tissue paper na hawak niya tapos ang saya-saya niya. Ano kayang meron doon sa tissue?