*CHAPTER 4*
Since Sunday ngayon, wala kaming pasok. Nag-attend lang kami ng mass sa chapel ng school tapos balik na sa kanya-kanyang mga kwarto kaming mga estudyante na hindi nagsiuwi sa mga bahay at nag-stay lang dito sa dorm ng school.
"Allison! Anong oras ‘yung date mo?" pangungulit ni Abby sa ‘kin habang nakadapa sa ibabaw ng kama niya at nakaharap sa akin. Ewan ko ba sa kanya, at naisipan na naman niya akong kulitin. Palibhasaa tapos na kasi niyang gawin ‘yung mga assignments niya, samantalang ako hindi pa. Sobrang dami naman kasi. Ang hirap talaga ‘pag graduating na.
"Sabi ngang hindi date ‘yun ‘tsaka mamaya pa ‘yun. Mga 3:00 PM."
Bumangon siya at umayos ng upo, "Sama ako. Gusto ko makita si cute guy." Ang lapad ng ngiti niya at nagtaas-baba pa ang mga kilay niya. Sa itsura niya parang may naiisip siyang gawin na kalokohan.
"Hindi. Huwag na.” Matinding pagtanggi ko at pailing-iling pa ako. Hindi ko siya isasama dahil baka may masabi siyang hindi dapat, o baka ipagtulakan niya ako sa guy na ‘yun. No. Hindi pwede. Ayaw. Nakakahiya. “Uuwi rin naman ako agad." Wala naman talaga akong balak magtagal. Pupunta lang ako para hindi ako makonsensya na may isang tao akong pinaghintay.
Bumuntung-hininga si Abby at saka nagsalita. "Sige na nga. Moment n’yo nga naman ‘yon. Sige, solohin mo na siya. First date mo ‘to, so bakit nga naman ako sasabit? Sige, friend. Enjoy ka. Basta tandaan mo ang bilin ko. No kisses sa first date ha?" Napailing na lang ako.
Pagdating ng 2:45 ng hapon tapos na ‘kong mag-ayos at paalis na ‘ko ng dorm. Nakasanayan ko na kasi na palagi akong on-time. Ayoko kasing nale-late at ayoko sa mga taong late.
"Ang cute mo naman sa dress mo. Sigurado ako, date talaga ‘yan," sabi sa ‘kin ni Abby habang nakaupo sa kama niya na katapat lang ng kama ko.
"Hindi nga ‘to date at halos lahat talaga ng damit ko dress. Para namang hindi mo nakikita ‘yung laman ng closet ko. Sige na nga, alis na ‘ko. Ba-bye na."
"Bye at Goodluck!" pahabol pa ni Abby habang palabas ako ng kwarto.
***
Saktong 3:00 PM dumating ako sa coffee shop. Wala pa si mysterious s***h spoiler guy, kaya umupo na lang muna ako kung saan kami nakaupo kahapon. Medyo konti ang tao ngayon kaya maraming bakanteng upuan pero pinili ko pa rin ‘yung pwesto namin kahapon para madali niya akong makita.
3:05 PM na pero wala pa siya at nag-uumpisa na ‘kong mainip. Pambihira talaga. Siya ‘yung lalaki pero naunahan ko pa siya. Pasalamat siya wala akong ibang lakad. Wala naman akong gagawin kaya hinabaan ko pa ang pasensya ko para maghintay sa kanya nang ilan pang minuto. Para hindi ako tuluyang mainip at ‘di ko maisipang umalis, kinuha ko muna ‘yung librong dala ko at nagbasa.
Pagtingin ko uli sa relo ko, 3:15 PM na. Fifteen minutes na ‘kong naghihintay sa kanya. Kapag after five minutes wala pa siya, aalis na ‘ko. Ayoko sa mga taong late. Para sa ‘kin bawat segundo importante, kaya nga ‘pag wala akong ginagawa, nagbabasa ‘ko. Ayokong naaaksaya ‘yung oras ko.
Tinuloy ko muna uli ang pagbabasa at maya-maya may nagsalita sa tabi ko. "Hi miss. Sorry kung ngayon lang ako. Kanina ka pa ba?" Pag-angat ng ulo ko, nakita ko siya na nakaupo na sa tapat ko. Naka-hooded jacket na naman siya, iba nga lang ‘yung kulay. Kahapon kasi naka-green jacket siya, ngayon naka-black siya. Tulad kahapon ‘yung hood ng jacket niya nakalagay na naman sa ulo niya. Hindi kaya pwedeng tanggalin niya ‘yun sa ulo niya? Takot ba siya sa mga tao, kaya ayaw niya na masyadong pinapakita ‘yung mukha niya at laging tinatago sa loob ng hood ng jacket niya? Pero kung takot siya sa tao bakit sa ‘kin nakikipag-usap siya? Ang daming nabubuong tanong sa isip ko.
"Medyo. May fifteen minutes na rin ako rito," seryosong sagot ko.
"Sorry... Sorry talaga."
"Ok lang." May magagawa ba ako kung late siya? May mapapala ba ako kung aawayin ko siya? Wala naman kaya, palalampasin ko na lang.
"Ito nga pala ‘yung ibibigay ko sa 'yo." May inilapag siyang ecobag sa ibabaw ng table na mukhang maraming laman at mukhang mabigat.
"Ano ‘yan?" nahihiyang tanong ko. Regalo? Hindi ako sanay na nakakatanggap ng regalo galing sa ibang tao, lalo na sa taong kahapon ko lang nakilala.
"Tingnan mo na lang." Medyo nag-aalangan akong tingnan at mukhang napansin niya, kaya siya na ‘yung kumuha ng laman ng bag, at inilapag niya ‘yun sa ibabaw ng table. Itinulak niya pa ‘to palapit sa ‘kin. "Halata naman na mahilig ka magbasa, kaya ito ang pambawi ko sa ginawa ko sa ‘yo kahapon."
"Bakit nag-abala ka pa? Sana hindi mo na binili ‘yang mga libro na ‘yan," sabi ko dahil nahihiya talaga ‘ko. Parang ‘di naman ganun kabigat ‘yung nagawa niya. Oo, nawalan ako ng gana tapusin ‘yung libro na binabasa ko kahapon, pero ‘di naman niya ‘ko kailangan bigyan ng mga libro.
"Don’t worry, hindi ko binili ‘yan, pero sa 'kin ang mga ‘yan."
"Hindi mo binili, pero sa ‘yo? Regalo sa ‘yo?" Mas lalo akong nahiya na tanggapin ‘yung mga libro na ibinibigay niya.
"Ilan lang ‘yan sa collection ng mom ko, pero sa ‘kin na ‘yan ngayon and nabasa ko na rin naman lahat ng mga ‘yan, kaya ok lang."
"Huwag mo na ibigay sa ‘kin ‘tong mga ‘to. Nakakahiya, lalo na’t sa mommy mo pala ‘to. Bakit mo kinuha para ibigay sa 'kin? Baka hanapin ng mommy mo."
"No. It’s ok. Really. Hindi magagalit ang mom ko, matutuwa pa siguro ‘yun."
"Pero nakakahiya talaga.”
"Huwag mo na tanggihan ‘yang binibigay ko. Wait, gusto mo ba ng coffee? Donuts?" Hindi pa ‘ko nakakasagot, nakatayo na siya.
"Ha? Ano, huwag na," pagtanggi ko. May mga libro na nga siyang binibigay sa ‘kin tapos ililibre pa niya ‘ko. Nakakahiya naman.
"Puro ka naman ‘wag," sabi niya na medyo natatawa. “Sige na. Bibili na ‘ko.” Bago siya umalis para um-order, inayos pa niya ‘yung hood ng jacket niya at saka naglakad paalis nang nakayuko na para bang itinatago na niya ‘yung mukha niya.
Habang nasa may counter siya, napabuntung-hininga na lang ako habang tinitingnan ko isa-isa ‘yung mga librong ibinigay niya. Lahat ng mga ‘to, hindi ko pa nababasa at puro mga romance books, na ‘yung iba mahirap na makahanap. Nahihiya talaga akong tanggapin ‘to, lalo na’t sinabi niya na collection ‘to ng mommy niya. Binubuklat-buklat ko ‘yung isa sa mga libro nang may magpatong ng tray sa harapan ko. "Ma’am, ito na po ‘yung order n’yo." Napatingin ako roon sa nagsalita. Isang payat na matangkad na babae na medyo chinita. Isa sa mga crew ng coffee shop at nalaman kong Shiela ang pangalan niya nang dahil sa name plate na nakalagay sa kaliwang dibdib ng uniform niya.
"Miss, hindi po sa ‘kin ‘yan. ‘Yung kasama ko umo-order pa. ‘Yon siya oh," tumuro pa ‘ko sa may counter pero wala na siya doon at ibang customer na ‘yung umo-order. "Nasaan na ‘yun?" napatanong pa ‘ko.
"Ma’am, umalis na po siya. Ibinilin na lang po niya na ibigay sa inyo ‘to." Ano ba naman ‘yung lalaking ‘yon, umalis nang wala man lang paalam.