*CHAPTER 3*
Pagdating ko sa dorm, naupo ako sa kama habang nakatitig sa librong binabasa ko kanina. Naiinis pa rin ako at wala na akong magawa dahil ayoko nang basahin ‘yung libro, dahil nga sinabi na ni mysterious s***h spoiler guy ‘yung ending. Para maalis ‘yung inis ko, kumuha na lang ako sa bookshelf ng bagong libro na babasahin. Dahil romance ‘yung librong binabasa ko kanina, naghanap ako ng ibang genre. Mystery thriller na book ang napili ko. Matagal na ito sa bookshelf ko at panahon na siguro para basahin ko. Baka sakaling matakot ako at mawala na ‘yung inis ko.
Well hindi naman ako nagkamali at sa sobrang tutok ko sa pagbabasa, hindi ko na namalayan ‘yung oras. Maya-maya dumating na si Abby. "Allisssooon! Sayang ‘di ka sumama, ang galing-galing at ang cute-cute talaga ni Ian!" sigaw niya pagkapasok na pagkapasok sa kwarto.
Napatingin ako sa kanya. "Shhhh… nagbabasa ako, ‘tsaka sino bang Ian?" tanong ko, pero ibinalik ko rin agad ‘yung atensyon ko sa binabasa ko.
"Si Ian, my Ian!" Ah, naalala ko na. ‘Yung drummer nga pala ng favorite band niya. "Anyway, my God ka Allison! Umalis ako na nagbabasa ka. Pagbalik ko nagbabasa ka pa rin? Sa buong oras na wala ako, iniangat mo man lang ba ‘yang puwitan mo d’yan sa kama mo?"
Tiningnan ko siya at nginitian. "Ganon talaga," sabi ko at pagkatapos ay balik uli ako sa pagbabasa.
"Seryoso?! Buong araw ka lang ba talaga d’yan at ‘yan ang ginagawa?" tumabi si Abby sa ‘kin, at medyo pabagsak pa ‘yung pag-upo niya kaya gumalaw ‘yung kama. Nahinto ako sa pagbabasa, kaya ipinatong ko na ‘yung libro na binabasa ko sa ibabaw ng drawer na nasa tabi ng kama ko. Alam ko kasing hindi ako titigilan ni Abby, dahil kilala ko na siya. Kapag galing siya sa mall show ng favorite band niya, hindi niya kayang hindi magkwento. ‘Yung tipong sa ayaw at sa gusto ko, kailangan ko makinig sa kanya.
"Hindi naman. Lumabas kaya ako kanina."
"Wow! Achievemment ‘yan! Isang maliking himala. Saan ka naman nagpunta?"
"D’yan lang sa bagong bukas na coffee shop. Naubusan kasi tayo ng coffee ‘tsaka nagutom din ako," kwento ko sa kanya. "Teka, nasaan na ‘yung pasalubong mo para sa 'kin?" tanong ko.
"Ayan. Ubusin mo ‘yan ah," tapos pinatong niya sa ibabaw ng hita ko ‘yung plastic na ang laman ay ‘yung box ng donuts.
"Thank you!" Malapad ang ngiting sabi ko sa kanya. Binuksan ko agad ‘yung box ng donut. Ewan ko ba, kahinaan ko talaga ang donuts. "Kumusta lakad n’yo?" tanong ko sa kanya habang pinipili ko kung anong flavor ng donut ang una kong kakainin. Ang dami kasi.
Bigla na lang sumigaw si Abby kaya muntik ko nang maibagsak ‘yung box sa gulat ko sa kanya. ‘Yun pa lang ang tinanong ko pero nakatili na siya agad. "Eeee!! Naalala ko na naman si Ian!” sabi niya habang nakalapat sa magkabilang pisngi ang nakasarado niyang mga kamay at namimilipit siya sa kilig. “Ang gwapo niya talaga! Ang macho! Ang galing-galing pa niya tumugtog ng drums!" Pagkatapos ay naghahampas naman siya sa hangin na akala mo nagda-drums din siya.
"‘Yun lang gwapo na?" tanong ko. Hindi naman kasi ako fan ng mga banda, kaya hindi ko siya ma-gets.
"Gwapo talaga siya! Kung sumama ka, sigurado magkaka-crush ka rin sa kanya."
"Hindi siguro," nakailing ko pang sagot.
Umupo sa tabi ko si Abby habang yapos-yapos niya ang unan ko na kinuha niya sa kama. “Swear gwapo siya! Ang tangos ng ilong niya, ang pula ng lips ‘tsaka ang amo ng eyes niya. Tapos ‘yung hair niya mukhang ang lambot parang ang sarap hawakan.” Niyakap niya nang mahigpit ang hawak na unan na para bang si Ian ‘yun.
Kinuha ko ‘yung unan sa kanya, “Kung si Ian talaga ‘tong hawak mo, durog na siya,” biro ko sa kanya.
"Hindi ko kasi mapigilan ‘yung kilig ko. Bakit? Never ka bang nakaramdam nang ganito?” Umiling ako. “Sa bagay paano mo naman mae-experience kiligin, eh palagi ka lang nakakulong dito. School dorm bahay ka lang. Try mo kasi lumabas. ‘Yung labas na medyo malalayo ka rito sa school, para kiligin ka naman ng tunay at hindi puro lang sa mga kathang-isip na mga characters d’yan sa mga libro mo."
Nagdalawang-isip muna ako bago ko sabihin kay Abby ang nangyari kanina. "May nakita akong guy kanina sa coffee shop. Cute siya." Tumili nang malakas si Abby pagkarinig sa sinabi ko.
"Talaga?! Ano’ng pangalan? Taga-saang school? Ilan taon na? Ano’ng course?" Ang daming tanong ni Abby, pero kahit isa wala akong sagot sa mga ‘yon.
"Ewan ko. Hindi ko natanong eh.”
“Ay, ano ba ‘yan. Akala ko pa naman new achievement unlocked na.”
“Pero magkikita uli kami bukas."
"Oh my God! Is this real? Si Allison ka ba talaga? May sakit ka ba? May something ba sa kape sa coffee shop na ‘yon at makikipagkita sa isang guy bukas?”
“Grabe naman ang reaction mo.” Marahan kong tinulak sa balikat si Abby. “Ayoko na ngang magkwento.”
“No. Kailangan mo magkwento! My God Allison ikaw ba talaga ‘yan?! May date ka bukas?!" sabay dampi ng palad niya sa noo ko na tinanggal ko naman agad.
"Wala akong sakit. May atraso kasi siya sa ‘kin. Bukas daw siya babawi at may ibibigay raw siya sa ‘kin, pero hindi date ‘yon," paliwanag ko sa kanya. Masyado naman kasing advance ‘yung utak ni Abby. Date agad ang naisip, eh hindi ko nga kilala ‘yung lalaking ‘yon.
"Bakit? Ano’ng atraso sa ‘yo ng cute guy na ‘yon?" Tumaas-taas pa ‘yung dalawang kilay niya.
"Sinabi niya kasi ‘yung ending ng book na binabasa ko kanina." Bigla akong napasimangot nang maalala ko na naman ‘yung pang-ii-spoil ng story sa ‘kin ng lalaking ‘yon kanina.
"That’s it?! And tungkol na naman sa libro? Medyo nakaka-disappoint, pero ok na rin. Sino namang mag-aakala na dahil sa sobrang hilig mo sa pagbabasa, may mami-meet kang guy sa coffee shop at magkikita pa kayo uli bukas. Uyyy... Baka naman siya na si lovelife mo."
"Tumigil ka nga d’yan Abby. Sa totoo lang ayoko sana pumunta, kaso baka pumunta siya at maghintay sa wala kung hindi ako sisipot, kaya pupunta na lang ako. Kawawa naman kasi at ayoko ring dalhin sa kunsensya ko na may pinagmukha akong tanga na tao."
"Uyyy… Kawawa raw. Ang sabihin mo, gusto mo rin talaga siya makita. Ayie! May date si Allison! May date si Allison!" Tumayo pa siya at nagsasayaw sa harapan ko.
"Hmp! Bahala ka nga d’yan. Basta hindi date ‘yon." Tinalikuran ko na siya at binalikan ko na lang ‘yung box ng donuts. Imbis na makinig ako sa pang-aasar niya, mas mabuti pa na kumain na lang ako.