Sa ospital.
Minabuti ni Hansel na pumunta na lang sa vending machine at bumili nang kape. Gutom man, dahil sa naiwan kasama ni Erick ang pagkain na para sana sa kanilang dalawa. Mas gugustuhin nang iwanan na muna niya sandali ang Komandante, sinisisi niya rin ang sarili kung bakit sa dinami-dami ng lalaking magugustuhan niya, sa lalaking kailanman ay 'di siya kayang mahalin pabalik pa tumibok ang kanyang puso, ang masaklap pa ay may nagmamay-ari na sa puso ng lalaking mahal niya at ito'y walang iba kungdi ang sarili pa niyang kapatid.
'Napakadesperado mo Hansel.' saad sa isip ni Hansel at 'di nito namalayan na tumulo na naman ang kanyang mga luha.
...
Nawala na ng gana pang kumain si Erick matapos ang nangyari, inaamin niya na sobrang napakalaki ng kasalanan niya sa nakababatang kapatid ng nobya at nakadagdag pa ang pagsikip ng dibdib niya ng makita ang malungkot na itsura ni Hansel matapos marinig ang mga nasabi niya.
'Ano bang probelema ko.' inis na saad sa isip ni Erick.
...
Gaya nga ng naisipan kanina ni Lorenzo para maalis ang mga gumugulo sa isip niya. Naririto ngayon ito sa isang mall at kasalukuyang tumitingin sa iba't-ibang tindahan ng kung anu-ano.
Abala ito sa pagtingin-tingin ng mga damit ng makita niya ang isang larawan ng isang modelo. Kasunod nga nun ay nanlalaking mata ito at 'di makapaniwala sa nalaman.
'Modelo si Vince?' saad sa isip ni Lorenzo.
Hindi pa man nakakabawi si Lorenzo sa natuklasan sa kapitan, narinig nito ang maingay na dulot ng mga taong kasalukuyang may pinagkakaguluhan.
"Anong meron ate?" tanong ni Lorenzo sa saleslady.
"Mukhang nandyan yata si Mr. Vince Manalo na isa sa pinakasikat na modelo ngayon. Sige iwan na muna kita at makikigulo rin ako sa kanila." sagot ng babaeng saleslady at nagtungo sa nagkakagulong mga tao.
...
Hindi inaasahan ni Captain Manalo, na kapalit ng pagsunod niya sa bagong target nito, ngayon siya naman ang hindi tinantanan sa pagsunod ng mga fans niya. Inaamin niya na ang pagiging modelo at ang paghanga sa kanya ng maraming fans ay nakadagdag para mapabilis na mahulog sa kanya ang mga kababaihan. At gaya nga ng kasabihan niya na 'collect and collect but never ever select.' Ito'y talagang kanyang pinanindigan, marami ng mga babaeng nagpunta sa kanilang bahay at nagsabing naanakan niya ang mga ito, pero dahil na rin sa impluwensyang meron ang mga magulang, bukod pa sa marami rin itong sariling pera, sa tulong ng DNA test, wala ni isa man ang nakapagpatunay na siya nga ang ama ng mga anak ng hindi bababa sa limampung kababaihan. At ngayon nga ay mukhang madadagdagan na naman ang bilang ng mga babaeng naikama niya, dahil may natipuhan ito sa mga kasalukuyang kababaihang 'di magkamayaw na makamayan man lang siya.
Kita ng dalawang mata ni Lorenzo, ang pinagkakaguluhang sundalo na isa rin palang modelo. Kaya naman, lalo nitong itinatak sa kanyang isipan na layuan na ang kapitan.
...
Sa gubat.
Matapos tuluyang maitayo ni Sebastian ang camping tent na gagawin nilang tulugan ni Richard sa gagawin nilang camping. Kinuha ng Komandante ang isang itak para gamitin sa pagbukas ng mga bukong kanina lang ay kinuha niya.
Nakita ni Richard ang ginagawa ni Sebastian at namangha siya sa husay ng Komandate na sanay na sanay sa pagbalat ng mga buko.
"Sir anong puwede kong gawin para tulungan ka?" tanong ni Richard.
Napatingin naman si Sebastian sa bunso ng heneral, na kasalukuyang nakaupo sa ugat ng malaking puno habang pinagmamasdan siya sa kanyang ginagawa.
"Kiss lang baby ang kailangan ko." sagot pabalik ni Sebastian sabay nguso nito sa kanyang bibig.
Napailing naman si Richard sa kalokohan ng Komandante, ganunman handa itong pagbigyan ang gusto na 'yon ng huli.
Tumayo nga si Richard at dinaluhan si Sebastian na nakanguso parin sa mga oras na 'yon. At sa isang iglap pa ay hinalikan nito ng puno ng pananabik ang mga labi na 'yon ng Komandante.
Kapwa hingal na hingal ang dalawa matapos ang ginawang halikan.
"Ang sarap nun baby, hindi na ako makapaghintay na gumabi na." nakangising saad ni Sebastian.
"Mukhang ibang hayop ang lalapa sa akin mamaya sir ah." naiiling na saad ni Richard.
"Hahaha tama ka baby at malaya kang umungol ng malakas mamaya sa mga gagawin natin." ngising saad parin ni Sebastian.
"Baste!" saway ni Richard sa pilyong Komandante dahil nag-uumpisa na naman ito.
"Hahaha." tawa ni Sebastian na kita pa ang pamumula ng mukha ni Richard na dulot ng mga sinabi niya.
...
Sa Mall.
Sa tulong ng mga gwardiya nang establisyementong kinaroroonan niya, nagawa ni Vince na makaalis sa mga nagkakagulo sa kanya. Pumasok rin siya sa isang department store na pag-aari ng pamilya nila at mabilis itong nagbihis at nag-disguised para hindi siya makilala ng mga fans niya.
Gaya nga ng inaasahan, malayang nakapag-libot-libot ang kapitan ng hindi na pinagkakaguluhan ng mga tagahanga niya, sinimulan na rin nito ang paghahanap sa sundalong bago niyang pagkakaabalahan.
Ilang minuto rin itong naglibot-libot sa mall, pero ni anino ni Lorenzo ay 'di na nito nakita, kaya naman nagpasya na lamang itong kumain sa paborito niyang resto na may branch din dito mismo sa mall.
...
Ang balak na pamamasyal ni Lorenzo para mawala ang gumugulo sa isip niya, kabaligtaran ang nangyari matapos niyang malaman ang isang bagay tungkol sa taong laman ng isipan niya. Gaya nga ng sinabi sa kanya ng saleslady kanina, tunay ngang sikat na modelo ang Kapitan. At lalo lamang siyang naiinis sa sarili dahil sa hinayaan nitong may mangyari sa kanila.
At dahil alam nitong posibleng magkita sila dito sa mall, naisipan ng sundalo na umuwi na lamang sa inuupahan.
...
Sa gubat.
Malapit ng dumilim ang paligid ng gubat at dahil walang kuryente sa kinalalagyan nila, inumpisahan ng sindihan ni Sebastian ang bonfire na magsisilbing ilaw nila ni Richard.
"Halika baby, ikwento mo na sa'kin kung bakit ka takot na takot sa gubat." saad ni Sebastian.
Dala ang mga marshmallow na nakatusok sa mga barbeque stick, lumapit si Richard sa kinalalagyan ng Komandante, na kasalukuyang malapit sa bonfire at nakaupo sa isang malaking trosong nakatumba.
"Mamaya na 'yon sir, kumain na muna tayo ng mga ito." saad ni Richard at inilapit sa apoy ang ilan sa mga hawak na marsmallow na nasa stick.
"Sige baby, oo nga pala tinawagan ko sila Bong at Isko at mamaya may dala silang mga pagkain." saad ni Sebastian at tukoy sa dalawang lalaking bantay rito sa gubat.
"Hindi ba nakakahiya sir, pasensya na, kasi kung hindi lang ako takot na mag-isa dito sa gubat, 'di sana hindi na natin sila naabala pa." saad ni Richard na hindi maiwasang makaramdam ng lungkot.
"Baby, normal lang sa isang tao ang may kinatatakutan, hindi rin kita sinisisi dahil dun, alam ko rin na isa ka sa mga taong matapang na kilala ko at nandito lang ako para samahan ka na harapin ang kung anumang kinatatakutan mo pa." alo ni Sebastian sa kasama at hinalikan muli sa ulo ang katabi nitong si Richard.
"Salamat sir at masaya akong ikaw ang kasama ko, dahil kapag kasama kita, alam kong kaya kong harapin kahit ano pang kinatatakutan ko." saad ni Richard na inilapit ang mukha sa mukha ng Komandante at pinagtapo ang kanilang mga labi.
Nang humiwalay sa halikan ang dalawa, kita nila sa kanilang mga mata, kung paano kasaya at kamahal nila ang isa't-isa.
...
Sa Ospital.
Dala ng hindi magandang nasabi kay Hansel ay pinili ni Erick na sandaling iwanan ang nobya para hanapin ang una.
Ilang minuto rin siyang naglakad sa pasikot-sikot ng ospital at napadpad ito sa chapel ng nasabing gusali. Sa chapel niya nakita ang nakahigang si Hansel na kasalukuyang natutulog.
Minabuti niyang lapitan ang nakababatang kapatid ng nobya para sana gisingin ito, pero natigilan siya ng makita ang basa sa gilid ng mga mata ni Hansel.
Sumikip ang dibdib ni Erick sa nakitang ayos ni Hansel at nakita na lamang nito ang sarili na umupo sa kinahihigahang mahabang silya ng huli. Sa kanyang pag-upo, hindi na napigilan pa ni Erick ang sarili at pinusan sa pamamagitan ng kanyang daliri ang luha sa gilid ng mga mata ni Hansel. Matapos nun, ang buhok naman ng binata ang kanyang hinaplos-haplos, na namiss nitong gawin at hindi na niya matandaan kung kailan nung huli niya itong nagawa.
"I'm sorry Hans." saad ni Erick sa tulog parin na kasama.
...
Sa Amerika.
Kasalukuyang naririto ngayon sa ospital si Rachelle. Hindi na siya makapaghintay para sa gagawing operasyon sa kanya, na magiging unang hakbang niya para mapasakanya muli si Sebastian.
...
Sa gubat.
"Salamat sir at dinala mo ko dito sa gubat, kanina ng malaman kong dito tayo magpapalipas ng gabi, bumalik sa akin ang mga nangyari nung bata pa ako. Matapos ang ginawang pananakot sa akin ng mga kaklase ko noon, isinumpa ko na hindi na muli pa akong mananatiling mag-isa ng matagal sa gubat, pero ngayon na kasama kita at gumawa tayo ng magagandang bagay dito sa gubat, sa tingin ko mabubura na ang takot ko kapag muling nagpunta ako dito." saad ni Richard.
"Basta para sa'yo baby at gaya nga ng sinabi ko, isa ka sa pinakamatapang na taong nakilala ko. Pero may ipagtatapat rin ako sayo." saad ni Sebastian.
Napatingala naman si Richard na kasalukuyang nakahiga sa hubad na dibdib ng Komandante, para tingnan sa mukha ang huli.
"Ano 'yon sir?"
"Ang mawala ka baby sa buhay ko, ang tanging bagay na kinatatakutan ko." seryosong usal ni Sebastian sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Richard.
Parang may humaplos sa puso ni Richard sa narinig nito sa Komandante at dala ng labis na kaligayahan, tumulo ang luha sa mga mata ng una na dulot ng pag-ibig ng huli.
"Ako man sir, pinakakinakatakutan ko ang mawala ka sa akin at ipinapangako ko, hinding-hindi kita iiwan." ganting saad ni Richard.
"At hinding-hindi naman kita papakawalan baby, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko." saad ni Sebastian, sabay punas sa luha ng bunso ng Heneral at muling pinagtagpo ang kanilang mga labi.
At sa kalaliman ng gabi sa gitna ng gubat na 'yon, ipinadama ni Sebastian at Richard ang nagniningas nilang pag-ibig sa isa't-isa.
...
Nagising si Hansel mula sa pagkakatulog nito sa chapel ng ospital. Pagmulat ng mga mata niya, bumungad ang guwapong mukha ng Komandante na natutulog habang nakaupo malapit sa kinalalagyan niya. Sandaling pinagmasdan pa ni Hansel ang mukha ni Erick, na sa ganitong pagkakataon lang niya malayang nagagawa. Nang makita nitong gumalaw ang katawan ni Erick ay mabilis na umiwas ng tingin si Hansel at minabuti ng bumangon, bago pa siya makita ng alam niyang galit parin sa kanya na Komandante.
Nang tuluyang makabangon, aalis na sana ng chapel si Hansel at iwanan na lang ang tulog parin na Komandante. Ngunit nang maalala nito na ngayong araw rin ay babalik si Benedict para dalawin ang kanyang ate, kabado man na baka magalit muli sa kanya si Erick, naglakas loob itong gisingin na ang natutulog parin na Komandante.
"Sir, gising na." yugyog ni Hansel sa balikat ni Erick para magising na ang huli.
Pero walang reaksyon dito ang ilang araw ng puyat na Komandante. Sinubukan muli ni Hansel na yugyugin ang balikat ni Erick, ngunit dala ng napalakas niyang pagyugyog ay napahiga papunta sa kanya ang katawan ng Komandante. Sa nangyari ay muntik ng magtagpo ang kanilang mga labi, pero mabuti nalang at kaagad niyang naiharang ang isa pa nitong kamay sa dibdib ng Komandante.
Sa ilang araw niyang pagbisita muli sa wala paring malay na nobya, ngayon lamang muli siya nakatulog ng maayos. Hindi alam ni Erick kung totoo o nanaginip lang siya, nang maramdaman ang isang kamay sa kanyang dibdib na nagbigay ng 'di niya maipaliwanag na pakiramdam. Kasunod nito ay nagising ang Komandante at bumungad ang namumulang mukha ni Hansel.
"Uhm nakatulog pala ako, ikaw Hansel kagigising mo lang ba?" saad ni Erick at tanong nito sa katabi.
Natigilan naman si Hansel sa tanong ni Erick sa kanya, ngayon na lang muli kasi nitong narinig ang mahinahon na boses ng Komandante sa tuwing kausap siya.
"Na-nauna lang ako ng kaunti sa'yo kuya." sagot ni Hansel na makabawi ito.
"Ganun ba, halika samahan mo na akong mag-almusal bago tayo bumalik sa ate mo." saad ni Erick habang inuunat ang mga braso nitong nangalay sa kanyang pagtulog sa upuan ng chapel.
Kita ni Hansel ang pagflex ng mga malalaking braso ng Komandante, pero kaagad rin nitong iniwas ang pagtingin sa katawan ng huli.
"Hindi na kuya, bibili na lang ako ng kape ko." tanggi ni Hansel sa alok ni Erick.
"Hans, alam kong hindi ka nakakain kahapon, kaya sa ayaw o gusto mo sasabayan mo akong mag-almusal." maotoridad na saad ni Erick.
"Pero nakakahiya kuya, ikaw na nga ang gumagastos ng lahat sa ospital bills ni ate, dadagdag pa ako sa'yo." saad ni Hansel.
"Walang kaso 'yon sa akin, isa pa hingi ko na rin ng sorry 'yon dahil sa mga maling nasabi ko sa'yo kahapon. Kaya sana patawarin mo ako." seryosong saad ni Erick na tumingin ng diretso sa mukha ni Hansel.
Hindi alam ni Hansel kung anong naging dahilan kung bakit biglang nagbago ang pakikitungo sa kanya ng Komandante, ganun man ay masaya ito sa nangyayari, ganito rin kasi ang pakikitungo sa kanya ni Erick bago ang nangyaring aksidente sa kanyang ate.
"Sige kuya." nakangiting pagpayag ni Hansel at pagpapatawad nito kay Erick.
...
Gaya ng dati, nagising na naman si Vince sa isang hotel at katabi nito sa kama ang babaeng wala kahit ni isang saplot na suot sa katawan, na dahilan ng kanilang pagtatalik. At bago pa magising ang babae, mabilis na pumasok sa banyo ang kapitan para maligo.
Pagkatapos maligo at magbihis ay umalis na rin si Vince sa nasabing lugar.
...
Kasalukuyang nag-aalmusal si Lorenzo sa karinderya ng tumunog ang kanyang cellphone dulot ng isang dumating na mensahe. Pagtingin ng sundalo sa mensahe ay galing pala ito kay Richard at inahanyayahan siyang maghapunan sa bahay ng mga Manalo na galing pa mismo sa amang Heneral ng kaibigan. Sandaling natigilan si Lorenzo at iniisip kung tatanggapin ba nito ang imbitasyon, sa isip niya siguradong makakasalamuha niya ang kapitan na gustong-gusto niya ng iwasan, pero nahihiya rin siyang tanggihan ang gusto ng Heneral. Napabuntong hininga na lamang ang pobreng sundalo at kasunod nun ay nireplayan niya ang mensaheng 'yon ni Richard.
"Salamat Chard, sige pupunta ako."
...
Kasalukuyan silang pabalik ni Sebastian sa bahay ng matanggap ni Richard ang sagot sa kanya ni Lorenzo sa text.
"Pumayag siya Baste at pakiusap 'wag mo ng pagselosan 'yung tao." saad ni Richard.
"Promise hindi na baby, pero 'yung hinihingi ko sayong round 3 ha." ngising saad ni Sebastian.
"Seryoso ka Baste?" 'di makapaniwalang tanong ni Richard, ang siste kasi nabanggit ng Komandante ang naudlot na round 2 nung nakaraang araw at dapat raw ay ibigay sa kanya ni Richard 'yon.
"Seryosong-seryoso baby." nakangiting sagot ni Sebastian.
Naiiling na lang si Richard sa narinig, pero gagawa siya ng paraan para hindi matuloy ang round 3 na hinihingi sa kanya ni Sebastian.
...
Habang nag-aalmusal sila ni Erick, hindi alam ni Hansel kung paano sisimulan ang gagawin nitong paraan para mapapayag ang Komandante na umuwi na muna sa kanila. Alam niyang malaking gulo ang siguradong mangyayari kapag nagpang-abot si Erick at si Benedict.
"Kuya, ayaw mo bang umuwi ka na muna at magpahinga, ako na lang ang bahalang magbantay kay Ate." saad ni Richard na pumutol sa pagkain ni Erick.
"Ayos lang ako 'wag mo kong alalahanin, nakatulog na rin ako ng maayos kagabi. Ikaw, baka gusto mo munang umuwi sa inyo, ako na lang muna ang bahala sa ate mo." saad ni Erick.
Sa narinig ni Hansel ay alam nitong malabo ng mapaalis pa ang Komandante sa opistal at nag-uumpisa na itong kabahan sa maaaring gulong mangyayari mamaya.
"Pero kuya baka hinahanap ka sa inyo, pangako tatawagan kaagad kita kapag may pagbabago sa lagay ni ate." subok pa ni Hansel.
Nahalata ni Erick ang pagpupumilit ng kausap na umuwi muna siya sa kanila at alam nitong may itinatago sa kanya ang nakababatang kapatid ng nobya.
"Hans, may itinatago ka ba sa akin?" seryosong tanong ng Komandante.
"Ha? Wa-wala kuya, ano naman ang pwede kong itago." kabang saad ni Hansel at naisip na tunay ngang malakas ang pakiramdam ng Komandante.
"Sigurado ka?" pagtitiyak ni Erick sa kausap na halata nitong may hindi gustong ipaalam sa kanya.
"Wala nga kuya, a-ano mabuti pa ay kumain na lang tayo." sagot ni Hansel at minabuting kumain na lang bago pa tuluyang mapaamin siya ni Erick.
Hindi na nagtanong pang muli si Erick, ganunman sisiguraduhin niyang malalaman nito ang ayaw sabihin sa kanya ni Hansel.
...
Abala sa pagkain ng almusal si Vince ng dumating ang kapatid na si Richard at ang kaibigang si Baste.
"Kamusta ang gubat Chard?" tanong ni Vince sa kapatid.
"Hayun kuya, gubat parin." sagot ni Richard.
Natawa naman si Sebastian sa sagot na 'yon ni Richard.
"Pilosopo ka talaga bunso, eh ikaw Baste nakarami ka ba?" saad ni Vince at ngising baling nito kay Sebastian.
"Kuya!" saad ni Richard bago pa makasagot si Sebastian.
"Bakit ba Chard, tinatanong ko lang kay Baste kung marami siyang nakuhang buko." palusot pa ni Vince.
"Marami bayaw, mamaya kukuhanin pa namin ni Richard 'yung iba." nakangising sagot ni Sebastian.
"Ewan ko sa inyong dalawa at anong tinawag mo kay kuya?" saad at tanong ni Richard, na 'di nakaligtas ang pagtawag ng bayaw ni Sebastian sa kapatid.
"Ha iyon ba, darating din ang araw na magiging asawa kita kaya sinasanay na namin ni Vince ang mga sarili namin, hindi ba bayaw?" paliwanag ni Sebastian at hingi ng suporta kay Vince.
"Oo nga naman Chard, sinabi ko rin nga kay Baste na dapat tawagin ng papa si papa kaya lang natakot siya." saad ni Vince at natatawa pa ito sa huling sinabi.
"Eh sinong 'di matatakot kay tito bayaw." naiiling na sagot naman ni Sebastian.
"Akala ko ba Baste, yung sinabi mo sa akin ang tanging kinatatakutan mo, eh kay papa pala takot na takot ka." asar ni Richard sa Komandante.
"Baby naman, syempre respeto ang ibig sabihin nun kaya takot ako kay Heneral, pero totoong ang mawala ka sa'kin ang pinakakinatatakutan ko."
"Kayong dalawa tama na ang pagiging sweet niyo, mabuti pa sabayan niyo na lang ako." saad ni Vince.
"Inggit ka lang tol, hindi ka pa kasi humanap ng seryosong mamahalin mo." asar ni Sebastian sa kaibigan.
"Tama si Baste kuya, sawa na kami sa mga nagpupunta dito at nagsasabing naanakan mo sila." sang-ayon ni Richard kay Sebastian.
Sandaling napaisip si Vince sa sinabi ng dalawa, pero wala pa sa isip niya ang tigilan ang nakagawian niya.
"Ako na naman ang nakita niyo." saad lang ni Vince at nagpatuloy ito sa pagkain.
...
Habang pabalik sila ni Erick sa ospital, panay ang dasal sa isip ni Hansel na sana'y huwag na munang dumating si Benedict para dalawin ang kanyang ate.
Pero hindi nasagot ang dasal na 'yon ni Hansel, habang palapit sila ng palapit ni Erick sa kinaroroonan ng kanyang nakaratay parin na kapatid, kita niya ang pamilyar na lalaki na naroroon mismo sa labas ng ICU.
"Ku-kuya pwede bang bumalik muna tayo sa pinagkainan natin, naiwan ko yata 'yung wallet ko." kabang pakiusap ni Hansel kay Erick, bago pa sila tuluyang makarating sa ICU.
Hindi na pinansin pa ni Erick ang sinabing 'yun ni Hansel, malinaw na sa kanya ngayon ang lahat, kung bakit pilit siyang pinapauwi kanina ng huli.
Nakita ni Hansel ang naging seryosong mukha ng Komandante habang sa lalaking nasa harapan nila ang tingin ng huli. Ibayong kaba at takot ang namayani kay Hansel dahil alam niyang galit na galit na ngayon si Erick.
"Kuya." saad ni Hansel sabay hawak sa braso ni Erick, na wari mo'y sa paraang iyon ay mapipigilan niya ang galit ng huli.
Hindi parin pinansin ni Erick si Hansel, bagkus ay mabilis itong naglakad papunta sa lalaki.
"Bumalik kana pala." ngising saad ni Benedict ng makita ang dumating na si Erick.
"Anong ginagawa mo dito?" seryosong tanong ni Erick na pinipigilan ang galit na nararamdaman nito.
"Mukhang nasabugan yata ng bomba ang ulo mo, eh ano pa kungdi kay Roxanne." sagot ni Benedict na 'di naaalis ang ngisi sa mukha.
"Ikaw yata ang nauntog, hindi mo ba alam na ako na ang nobyo ni Roxanne." saad ni Erick.
"Nobyo? Kailan pa?" natatawang saad ni Benedict.
"Banedict pwede bang tumigil ka na." sabat ni Hansel para mapigilan ang alam nitong malapit ng mag-umpisang gulo sa dalawa.
"Ikaw ang tumigil Hansel!" singhal lang ni Benedict.
"Huwag mo siyang sisigawan." saad ng nagpipigil na si Erick.
"Oh bakit, kasi kapatid siya ng nobya mo? Ulol! Hindi naging kayo ni Roxanne dahil hindi naman kami naghiwalay." galit na saad ni Benedict.
"Ikaw ang ulol! Matagal na kayong wala ni Roxanne at hindi mo lang matanggap na ipinagpalit ka niya sa akin." sagot ni Erick.
"Bakit hindi mo tanungin si Hansel, tutal alam kong alam naman niyang totoong may relasyon pa kami ni Roxanne." ngising saad ni Benedict.
Gaya nga ng kanyang inaasahan sa siraulong si Benedict, dumating na ang sandaling kinatatakutan ni Hansel.
Kita ni Hansel ang pagbaling ni Erick sa kanya para kumpirmahin ang sinabing 'yon ni Benedict, gusto man nitong pasinungalingan ang sinabi ng huli at protektahan ang kanyang ate ay wala ng nagawa pa si Hansel.
"I'm sorry kuya." nakayukong saad ni Hansel.
"Ka-kailan pa?" tanong ni Erick sa nabasag na boses na dulot ng sakit na nakumpirma ang matagal na niyang hinala.
"Nalaman ko lang kuya, nung araw na tinawagan kita at pinuntahan mo ako sa bar na siya rin gabing naaksidente si ate.. sorry kuya." sagot ng nakayuko parin na si Hansel.
"Don't be, may ideya na rin ako pero dahil sa mahal ko ang ate mo ay nagbulag-bulagan ako." saad ni Erick.
"At ikaw." baling ni Erick sa nakangisi paring si Benedict.
Tumingin naman si Benedict kay Erick at dahil hindi nito napaghandaan ang huli.
Isang suntok ang pinakawalan ni Erick sa mukha ni Benedict at sapul sa mata ang huli na ikinatumba rin nito.
"Nandito ka na rin sa ospital, mabuti pang ipagamot mo na rin 'yan." saad ni Erick at matapos nun ay umalis na rin ito sa ospital.