UNA
Patuloy ang pagpapalitan ng mga putok ng baril ng mga sundalo sa mga teroristang grupo. Isa sa mga sundalong naroon ay si Richard na unang beses madestino sa Maguindanao, hindi ito nagdalawang isip na magbonluntaryo ng mangailangan ang kasundaluhan ng mga dagdag na sundalo para tulungan ang mga kabaro nila sa isang buwan ng hindi matapos-tapos na giyera. Nasa batas militar na rin ang lugar ng dahil sa nasabing giyera. Marami na rin sa mga terorista ang mga nasawi, gayun din sa mga kasundaluhan.
"Mga bok hindi lang para sa atin ang laban na ito kungdi pati na rin para sa Pilipinas. Kaya anuman mangyari sa atin ay ang nasa itaas na ang bahala." pagbibigay ng lakas ng loob ni Major Manlangit na nangunguna sa kanila. Matapos nga nun ay wala ng ibang maririnig sa lugar kungdi ang palitan ng putok ng mga baril at mga pagsabog ng mga bomba sa magkabilang panig.
Sa ilang minutong pakikipalitan ng putok ni Richard sa mga terorista ay parang araw sa kanya ang katumbas nito. Inihanda na rin niya ang sarili sa pagkitil ng buhay ng ibang tao dahil kung hindi ito ang kikitil sa buhay ng kalaban ay siya ang kikitilan ng mga ito.
"Bok unang beses mo ba?" sabi ng tumabing kabaro nito na kagaya niya'y unang beses rin sumabak sa totoong giyera. Tango lang ang naging sagot ni Richard atsaka nito nakita ang pangalang Velasco ng kapwa nitong sundalo sa unipormeng suot nito.
"Manalo ka pala at huhulaan ko kamag-anak mo si Heneral Manalo ano?" sabi pa ni Velasco ng makita naman nito ang pangalan sa uniporme ni Richard. Gaya kanina ay tango lang ang naging sagot ni Richard sabay paputok nito sa armas na hawak nito sa mga kalaban at dalawa sa mga ito ang tinamaan.
"Bok ang galing! Dalawa kaagad ang timamaan mo." puri ni Velasco sa kanya. Pero walang naging reaksyon si Richard sa natanggap na papuri. Samantala si Velasco naman ay bumalik na rin sa pagkikipagpalitan ng mga putok sa mga kalaban. Maging si Velasco ay magaling rin sa pakikipagpalitan ng mga putok sa kalaban. Sa katunayan kahit unang beses pa lang sumabak sa giyera ay isa ito sa mga natira sa mga sundalong kasabay niya isang linggo na ang nakakalipas. Ang iba sa mga kasabayan niya ay nagtamo ng mga tama ng baril at kasalukuyang nasa ospital na. At ang iba ay hindi na umabot ng buhay sa ospital dahil sa dito na mismo sa kinalalagyan nila binawian ng buhay.
"Ilang araw ka na dito bok?" unang salitang binitawan ni Richard mula sa isang oras na nitong pakikipaglaban sa mga terorista.
"Ikapito na bok." maagap na sagot ni Velasco at masaya na nakausap niya si Richard.
"Ang tagal mo na pala, mas magaling ka panigurado kesa sa akin." balik papuri nito kay Velasco. Sa narinig na papuri ni Manalo sa kanya, napangisi si Velasco.
"Hindi naman masyado bok, kung pagalingan lang sa pagpapatumba sa mga kabalan sa pamamagitan ng mga armas ay 'di hamak na mas magaling sa akin si Komandante Manlangit." kwento ni Velasco sa pinuno nila. Sa narinig ni Richard ay napatingin ito sa gawi ni Major Manlangit na nasa may unahan nila. Abala ang Komandante sa pakikipalitan rin ng mga putok sa mga kalaban. At tama ang naikwento ni Velasco tungkol kay Komandante Manlangit, dahil kung si Velasco ay pangpitong araw na niya sa giyera, si Major Manlagit naman ang inatasan ni Heneral Diosdado Manalo na siya rin ama ni Richard na manguna sa pakikipaglaban sa mga terorista na ngayon ay mag-iisang buwan na. Kita ng dalawang mata ng mga kapwa sundalo ang galing ng kanilang Komandante sa pakikipalitan nito ng putok sa mga terorista.
Nagpatuloy ang palitan ng mga putok sa magkabilang panig at dahil sa tagal na rin ng nasabing giyera sa pagitan ng militar at mga terorista. Halata na ang pagod at hirap sa mga sundalo. Lalo pang naging mahirap ang mga sumunod na pakikipaglaban nila dahil sa papalubog na ang araw.
"Men sa tantiya ko malapit na natin magapi ang mga terorista. Kaya konting tiis pa at alam kong mananalo tayo sa laban natin sa kanila." mga salitang binitiwan ni Komandante Manlangit sa kapwa sundalo.
"Sir, yes, Sir!" sabay-sabay na sagot ng mga sundalo sa kanilang Komandante.
Sa kalaliman ng gabi ay nagpatuloy ang mga sundalo sa pakikipaglaban. Mga ingay ng putok ng baril ang maririnig at ang liwanag na mula sa mga ito ang makikita sa madilim na paligid. At gaya nga ng sabi ni Komandante Manlangit ay malapit na nilang magapi ang mga terorista, pero ang mga sumunod na mga pangyayari ang hindi nila inaasahan.
Wala na sa dalawampu ang natirang bilang ng mga terorista. At ang layunin ng mga ito'y malabo na nilang makamit dahil sa kakaunti na lang nilang bilang. Kaya naman wala ng pakialam ang mga ito sa kanilang mga sariling buhay at ang nasa isip na lang ay ang makakitil ng mas maraming sundalo kapalit na sariling buhay. Limang mga terorista ang may suot na mga bomba ang mabilis na tumakbo palapit sa kinaroroonan ng mga sundalo. Handa man ang mga sundalo sa ganitong sitwasyon ay iba parin kapag nasa harap mo na ang ganitong sitwasyon. Sa galing ng pag-asinta ni Komandante Manlangit ay apat kaagad ang mabilis nitong napatumba sa mga teroristang palapit sa kanila. Pero kahit na magaling ang komandante ay hindi nito kayang bumaril ng limang beses na magkakasunud-sunod. Ang ikalimang papalapit sa kanilang kinaroroonan ay napatumba rin nito ngunit malapit na ito sa kanilang kinalalagyan. At nang matumba ang nasabing terorista ay kasunod nitong sumabog ang bombang suot nito. Dala ng mabilis na pag-iisip sa susunod na mangyayaring pagsabog ay kaagad dumapa palayo sa kapwa sundalo ang Komandante. Hindi na nito inisip ang sariling buhay at ang mahalaga ay maging ligtas ang kapwa sundalo nitong malapit sa kanyang kinalalagyan.
Bago ang nangyaring pagsabog ay sinubukan ni Richard ang lumapit ng kaunti sa kilalagyan ng kanilang Komandante para mas matulungan ito sa pakikipaglaban sa mga terorista. Mas malapit kasi ang kinalalagyan ni Komandante Manlangit at ang pwestong iyon ang naisip ni Richard na magandang anggulo para mas makita ng maayos ang mga kalaban at para mapadali ang pagpapatumba sa mga ito. Nang makita nito ang limang teroristang palapit sa kanila ay natigilan ito. Sunod na nakita na lang ni Richard ang isa-isang pagkatumba ng mga ito ng dahil sa kanilang Komandante. At nakita rin ni Richard ang isang natirang terorista sa lima, na palapit na ng palapit sa kinalalagyan nila at bago pa niya mabaril ito'y sumunod rin na napatumba ito ni Komandante Manlangit. Hindi pa man nakakababawi sa nakitang galing ng kanilang komandante ay nakita na lang ni Richard ang pagdapa ni Komandante Manlagit sa kinaroroonan niya. Kasunod nga nun ay narinig ni Richard ang malakas na pagsabog.
...
Hindi alam ni Richard kung anong mararamdaman sa mga oras na iyon. Parang huminto ang oras at wala itong marinig, makita at madama man lang sa ilang segundong lumipas. Hindi na iyon kataka-taka dahil sa malakas na pagsabog na nangyari. Ang daing ni Komandante Manlangit ang gumising sa natutulog na diwa ni Richard. Kasunod noon ay naramdaman niya ang bigat ng katawan nito na dagan-dagan siya. Rinig rin niya ang patuloy na mga putok ng mga baril atsaka lamang bumalik sa kanya ang realisasyon na nasa gitna siya ng giyera. Bumalik rin sa kanya ang mga lumipas na nangyari at kung paano siya iniligtas ng kanilang Komandante sa nangyaring pagsabog. Maingat niyang ginalaw ang katawan ng Komandanteng nakadagan sa kanya, at sa tulong ng flashlight ay nakita niya ang mga sugat na natamo nito dahil sa pagsabog, na alam niyang kanya dapat matatamo kung hindi ito dumapa sa kanya. Mabilis na tumingin sa paligid si Richard at ng makita na hindi delikado ang kinalalagyan nila ni Komandante Manlangit ay mabilis nitong kinuha ang dala-dala nilang first-aid kit at isa-isang nilagyan nito ng paunang lunas ang mga sugat ng kanilang Komandante.
"Manalo, ayos ka lang ba?" tanong ni Velasco na lumapit sa kinaroronan ni Richard.
"Ayos lang ako bok, si Major Manlangit, maraming sugat ang natamo dahil sa pagsabog." Sa narinig kay Richard ay kaagad na tinulungan ni Velasco si Richard sa pag-alalay sa walang malay na nilang Komandante.
Matapos nga ang pagsabog na naging dahilan sa pagkakaroon ng maraming sugat ni Komandante Manlangit. Kaagad na nilusob ng mga kasundaluhan ang kinaroroonan ng mga natirang terorista. Ang ibang nanlaban ay napatay ng mga sundalo at dalawa lang ang sumuko at nahuli ng buhay, kasama ang isa sa mga buhay ang pinuno nila nasi Al Jaggar Muhamad na magpapakamatay sana pero napigilan ng isa sa mga sundalo.
Mahalaga kasing may mahuling buhay sa mga terorista para may malaman ang pamahalaan sa mga ito. At matapos nga ang isang buwan ay mission accomplished ang mga kasundaluhan sa pakikipaglaban sa mga terorista.
Laman ng mga pahayagan, mga balita sa radyo at telebisyon ang kabayanihan ng mga sundalo at ang matagumpay nilang pakikipaglaban sa isa sa mga malaking grupo ng mga terorista dito sa Asya. Ang pagkakahuli ng buhay sa pinuno ng mga terorista na si Al Jaggar Muhamad ay isang malaking tagumpay hindi lang sa Pilipinas kungdi pati na rin sa buong mundo.
...
Kasama ni Private Richard Manalo si Private Lorenzo Velasco na naririto ngayon sa ospital at nagbabantay sa kwarto kung saan dinala si Major Sebastian Manlangit matapos magtamo ng mga sugat. Ang ilan pa nilang kabaro na nagtamo rin ng mga sugat at mga tama ng baril ay nandirito rin sa nasabing ospital.
Kasalukuyan nilang pinapanood ni Velasco sa telebisyon na nasa loob ng kwarto, ang balita sa laban nila sa mga terorista. Bahagyang nabalot ng katahimikan ang dalawa ng makita sa balita na limampu sa kanilang kabaro ang mga nasawi sa giyera. Ipinakita rin sa balita ang mga kaanak ng mga nasawing sundalo na puno ng hinagpis sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay. Sa nakitang 'yon ay nagpaalam si Velasco kay Manalo na bibili muna ng kanilang makakain. Alam ni Richard ang tumatakbo sa isipan ng kapwa sundalo nito. Maaaring iniisip nito na posibleng ang mga sarili nila mismo, ang mga sundalong nasawi na nasa balita. Kung tutuusin alam naman nila ang peligro sa propesyong napili nila, pero hindi maalis sa kanilang isipan na posibleng sa susunod na balita ay kasama na ang pangalan nila sa mga sundalong masasawi sa pakikipaglaban para maging ligtas at maayos ang Pilipinas.
Sa nakitang balita ay kaagad tinipa ni Richard ang telepono at tinawagan ang Mama nito.
"Hello Mom." Bungad nito sa kabilang linya ng sagutin ng mama nito ang tawag. At sa durasyon ng ilang minuto nitong pakikipag-usap sa kabilang linya, ang mama nito'y walang tigil sa pag-iyak. Kaya naman panay ang pagpapatahan ni Richard rito. At bago pa maibaba ni Richard ang tawag ay ipinaalam ng mama nito sa kanya na sasama ito sa Ama niyang Heneral na pupunta sa kinaroroonan niya.
Napabuntong hininga na lang si Richard. Hindi naman niya masisisi ang mama niya, dahil nga ito ang bunso kaya naman hindi na nakapagtataka ito ang paborito ng Mama niya sa tatlong anak nitong lalake. Nakipag-away pa nga ang mama niya sa ama niya noon, ng ipaalam ng ama niya sa mama niya na maging si Richard ay gusto nitong maging sundalo dahil pangarap ng ama nila na maging sundalo lahat ang kanyang mga anak. Pero wala na rin nagawa ang mama niya na sabihin ni Richard na maging siya mismo ay gusto ang pagiging sundalo.
Napatingin si Richard sa pagbukas ng pinto ng kwarto at pumasok ang dalawang lalaking sundalong hindi niya inaasahang darating.
"Kuya Erick, Kuya Vince." naguguluhan niyang sabi. Si Erick ang panganay sa kanilang magkakapatid at kagaya ni Sebastian ay isang Komandante rin. Lingid sa kaalaman ni Richard ay kaibigan ni Sebastian ang kanyang mga kapatid. Si Vince naman ay Kapitan ang ranggo nito at kasama ng kanilang kuya na nadestino ilang linggo pa lang ang lumipas sa South Cotabato.
Kaagad na niyakap ng mga kuya niya si Richard sabay gulo pa ng dalawa sa buhok ng kapatid.
"Nice one bunso, unang misyon na sabak mo at matagumpay niyong nagawa." ngiting sabi ng panganay na si Erick.
"Salamat, kuya. Oo nga pala buti nandito kayo?" tanong ni Richard sa mga kuya niya. Nagkatinginan ang mga kuya niya at tinanguan ni Erick si Vince para ito na ang magpaliwanag.
"Ang totoo niyang Chard hindi namin alam na kasama ka pala sa mga ipinadala sa Magunidanao. Kaya nandito kami ngayon dahil nabalitaan namin ang nangyari kay Baste." panimula ni Vince at lalo naman naguluhan si Richard sa narinig. Sa nakitang naguguluhang mukha ng kapatid, si Erik na ang sumunod na nagpaliwananag.
"Si Sebastian Manlangit o Baste ang nakasanayan na naming tawag sa kanya ay kaibigan namin dalawa ng kuya Vince mo. Gaya nga ng sabi ni Vince matapos namin mabalitaan ang nangyari sa kanya ay kaagad kaming nagpaalam sandali para bisitahin siya."
"Nakakapagtaka lang kuya, sa tagal nang nakasama natin ang mokong na ito ay ngayong lang siya napuruhan ng ganito." pahayag ni Vince sa nakitang ayos ng kaibigan nila. Sa narinig ay biglang napalunok si Richard. Alam niyang tama ang kuya nito, hindi man niya hiniling na iligtas siya ni Sebastian ay alam niyang siya ang dahilan kung bakit naririto ito ngayon sa ospital na puno ng mga sugat at walang malay.
Naputol ang pag-uusap ng tatlo ng pumasok si Lorenzo dala-dala ang mga pagkain na kakainin nila ni Richard. Si Lorenzo naman ay bahagyang nagulat sa nakitang kasamang mga sundalo ni Richard. Nang mahagip ng mga mata ni Lorenzo ang mga suot na uniporme ng dalawang lalakeng sundalo at mapagtanto na nakakataas sa kanya ang dalawang sundalo ay kaagad itong nagbigay galang sa dalawa.
"Mga Sir." sabi ni Lorenzo sabay saludo. Sumaludo naman pabalik ang mga kuya ni Richard at ibinaba na ni Lorenzo ang kamay nitong nakasaludo. Kaagad naman ipinakilala ni Richard ang mga kapatid kay Lorenzo.
"Mga sir, baka gusto niyong kumain at ibibili ko kayo." saad ni Lorenzo sa mga kuya ni Richard.
"Ayos lang kami Velasco, mas mabuting kayong dalawa ni Chard ang kumain, alam kong pagod at gutom kayo sa katatapos lang na giyerang sinuong n'yo." maagap na sabi ni Vince na tango lang na sinang-ayunan ni Erick.
Nagpatuloy sa pagkain ang dalawa, habang seryosong kumakain si Richard ay pinagmamasdan naman ni Lorenzo ang una. Hindi kagaya kahapon ng unang makita ni Lorenzo si Richard. Kitang-kita ngayon ni Lorenzo ang maamong mukha ni Richard, kung tutuusin para sa kanya hindi bagay maging sundalo ito dahil ang mukhang meron ito ay hindi nababagay lagyan ng pintura at takpan. Mas nababagay na ipakita ang mukhang angkin nito na dapat ay nasa mga cover ng mga magazine o kaya'y nasa mga patalastas na nag-eendorso ng mga produkto na ginagamit sa pagpapaganda ng mukha. Habang abala sa pagtitig si Lorenzo sa mukha ni Richard. Sa loob ng kwartong yun ay nakamasid si Erick sa bunsong kapatid at nakikita ang paraan ng pagtitig ng kasama nitong sundalo. Sa kanilang tatlong magkakapatid tanging si Richard ang nagmana sa maputing kutis na meron ang mama nila. Parehong moreno ang balat nilang dalawa ni Vince na namana naman nila sa kanilang ama. Sa nakitang pagtitig ng sundalo sa kapatid ay lumapit ito sa kinaroroonan ng dalawa.
"U-uhm." pagtikhim ni Erick na tumawag ng pansin ng dalawa. Sa narinig naman ay kaagad na iniwas ni Lorenzo ang paningin kay Richard.
"Ikaw Velasco, unang sabak mo rin ba sa giyera?" tanong ni Erick sa sundalo, na sa mga oras na iyon ay kinakabahan at naisip na baka nahalata nito ang ginawang pagtitig niya kay Richard.
"Sir, yes sir!" sa narinig na sagot ni Velasco ay napangiti sina Erick at Richard.
"Relaks ka lang bok, naitanong ko lang." natatawang saad ni Erick sa kabadong sundalo.
"Kuya, tigilan mo na si Lorenzo hayan tuloy hindi na makakain ng maayos ang tao." saway ni Richard sa kapatid.
"Sige maiwan ko na kayo, Velasco sa pagkain ang tingin ha." seryosong saad ni Erick na ikinaubo ng pobreng sundalo. Naguguluhan man sa narinig sa kuya nito ay kaagad naman iniabot ni Richard ang bote ng tubig sa nabilaukang kasama.
...
Sa pagdating ng mga kapatid ni Richard para bisitahin ang kaibigang si Sebastian ay naisipan nila Richard at Lorenzo na iwanan na ang dalawa sa pagbabantay sa kanilang Komandante. Matapos ngang kumain ay nagpaalam si Richard sa mga kapatid para bisitahin at kamustahin din ang mga iba pang nakasama nilang sugatan na mga sundalo. Si Lorenzo naman ay sinamahan rin si Richard.
Pag-alis ng dalawa sa kwarto ni Sebastian ay pumasok naman ang doktor na tumitingin sa sundalo.
"Kaanu-ano po kayo ng pasyente?" tanong ng doktor kina Erick at Vince na kasalukuyan nagbabantay kay Sebastian.
"Mga kaibigan kami dok at kapwa rin niya sundalo." sagot ni Erick sa tanong ng doktor.
"I see, base sa mga tests na ginawa sa kanya ay maayos naman na ang pasyente. Ang mga sugat naman sa mga katawan nito ay nalunasan na rin at salamat rin sa paunang lunas ng kasamahan niyong sundalo ay naiwasan ang pagkakaroon ng impeksyon ng pasyente. At sa mga susunod na oras ay asahan na rin na magigising na ito. At kapag nagising na ito ay ilang tests ulit ang gagawin para makasigurong nasa mabuting lagay na ito." mahabang paliwanag ng doktor.
Sa narinig na sinabi ni dok ay nakahinga ng maluwag ang magkapatid.
"Salamat dok." saad ni Vince at nagpaalam na ang doktor sa dalawa.
"Mabuti naman at ayos na ang lagay ni Baste, paggising niya'y makakatikim sa akin ang mokong." pabirong saad ni Vince.
"Tama ka Vince, asar ang aabutin niya sa atin paggising niya." sang-ayon ni Erick sa kapatid.
...
"Dado sa susunod na may misyon kayong mga sundalo, 'wag mo naman ipadala ang anak ko sa giyera! Kabago-bago pa lang ng anak ko bilang sundalo ay isinabak mo na kaagad sa delikadong misyon, paano kung nasugatan siya o kaya'y mas malala pa ang mangyari sa kanya." mahabang litanya ni Aurora Manalo sa Heneral ng AFP at asawang si Diosdado Manalo. Sa narinig na litanya ng asawa ay sanay na ang Heneral. Siya bilang Heneral ng AFP ay isang karangalan na makapagsilbi sa bayan at nakadagdag pa na ang tatlong anak nitong lalake ay kasama niya sa pagsisilbi sa Pilipinas bilang mga sundalo.
"Aurora huminahon ka mahal, hindi ba kakausap mo pa lang kay Richard sa telepono at nalaman mo na maayos lang siya." saad nito sa asawa.
"Oo maayos nga siya, sa ngayon, paano sa susunod? Hindi kita mapapatawad Diosdado kapag may nangyaring masama sa anak ko." emosyonal nang sabi ng maybahay ni Heneral.
"Aurora." mahinahong saad ng Heneral, pero kaagad ng lumabas si Aurora sa opisina ng asawa. Napabuntong hininga nalang ang Heneral.
...
Gaya nga ng sabi ni Aurora sa anak ng makausap niya ito kanina sa telepono ay sumama ito sa asawang Heneral na papunta sa Davao para kamustahin ang mga kasundaluhan. Tahimik si Aurora sa durasyon ng kanilang bihaye at ipinaparating nito sa asawang Heneral ang sama ng loob sa asawa dahil nilagay niya sa peligro ang bunso nitong anak, na mula pa nang pagkabata ay iniingatan niya.
Ang Heneral naman ay sanay na sa ugali ng may bahay at alam nito na noon pa man ay labis ang pagpoprotekta sa kanilang bunso. Nais kasi ng maybahay nito na magkaroon ito ng anak na babae. Ang pangarap na ito ni Aurora ay 'di na maari dahil sa naging maselan nitong pagbubuntis sa kanilang bunso at maliit na ang tyansa na makakabuo pa ulit ang mag-asawa. Na naging dahilan ni Aurora para ituring na parang babae ang kanilang bunso noong isilang ito. Si Diosdado na kilala bilang matikas na sundalo ay wala ng nagawa pa sa naging patrato ng may bahay sa kanilang bunso. Nag-aalala man na baka lumaking binabae ang bunsong anak na si Richard ay hindi na niya ito binigyang pansin pa. Alam ng Heneral na mas mahirap ang kalagayan ng asawa, na ang propesyon ay pag-papaanak sa mga buntis pero ang sarili nito'y hindi na maari pang manganak ulit.
...
Sa pagdalaw ni Private Manalo at Private Lorenzo sa mga kabarong sugatan ay magkahalong tuwa at lungkot ang naging damdamin ng mga ito. Tuwa na hindi na madagdagan pa ng isa ang bilang ng mga namatay na sundalo at lungkot dahil ang ilan ay hindi na maaring makabalik ulit sa pakikipaglaban. Ang ilan kasi sa mga kabaro nila ay naputulan ng mga paa o braso. Ganoon man ang naging kapalaran ng mga ito ay nagawa pang magbiro na ilan, na labis na inangahan ng dalawa.
Habang abala si Richard at Lorenzo sa pagbisita sa mga kabaro ay ilang sandali pa'y nakarating na sa ospital si Heneral Manalo kasama ng ilan pang miyembro ng AFP at ng may bahay nitong si Aurora.
...
Kaagad na dumiretso si Heneral Manalo kasama ng asawa at ilan pang sundalo sa kinaroroonan ni Major Manlangit.
Pagbukas ng pinto sa kwartong kinaroroonan ni Manlangit ay bumungad sa lahat ang dalawang kapwa nila sundalo.
Si Captain Vince Manalo at Major Erick Manalo naman ay hindi na nagulat pa ng dumating ang Heneral nilang ama sa kwarto ng kaibigang sundalo. Kaagad na sumaludo ang magkapatid sa kanilang Amang Heneral pati na sa mga kasama nitong nakatataas sa kanila.
"Captain Manalo, Major Manalo, anong balita sa lagay ni Major Manlangit?" tanong ng heneral.
"Sir, nasa stable na ang lagay ni Major Manlagit sir!" pormal na saad ni Major Manalo.
"Sir, anytime magigising na rin si Major Manlangit sabi ng doktor sir!" dagdag naman ni Captain Manalo.
Sa narinig ng heneral sa dalawa ay nagpaalam na ito para naman dalawin ang ilan pa sa mga sundalong naririto rin sa ospital.
Sa pag-alis ni Heneral Manalo kasama ng iba pang AFP ay naiwan si Aurora sa kwarto kasama ng mga anak.
"Vince, Erick mga anak kamusta kayo."
"Mabuti naman kami ni kuya, mom." saad ni Vince.
"At ayos lang din si bunso mom, alam kong nag-aala ka, kaya halika at sasamahan kita sa kanya." saad naman ni Erick.
"Vince, ikaw na muna ang bahala kay Baste." baling nito sa kapatid. Sa narinig ni Aurora sa pangalang baste ay doon lamang niya naalala na kaibigan pala ng mga anak nito ang nakaratay ngayon na sundalo.
"Sige kuya."
"Kawawa naman ang kaibigan niyo, mabuti naman at stable na ang lagay niya." saad ng mom nila.
"Oo nga mom at dahil sa kailangan na magpahinga si Baste ay naisip namin ni kuya na sa atin na muna siya habang nagpapagaling siya." saad ni Vince sa napag-usapan nila ng kanyang kuya kanina.
"Maganda ang naisip niyo, oo nga pala at hindi kaagad makakauwi ang mga magulang niya na nasa states." sang-ayon ng mama nila.
"Oo nga mom, nakausap ko na sina tito at tita kanina at nagpasalamat ang mga ito at hindi na sila masyadong mag-aalala pa dahil sa atin pansamantala tutuloy si Baste." kwento pa ni Vince.
"Tara na mom at puntahan na natin si bunso." yaya ni Erick sa mama nito.
...
Matapos mabisita nina Richard at Lorenzo ang mga kabaro ay nagpaalam na si Lorenzo na uuwi na sa kanila.
"Ah Manalo hihingin ko sana ang numero ng cellphone mo, para alam mo na, may kontak tayo sa dalawa." lakas loob na paghingi ni Lorenzo sa cellphone number ni Richard.
"Walang problema bok, amin na ang cellphone mo." pagpayag naman ni Richard, na walang ideya kung paano napasaya si Lorenzo sa simpleng pagpayag lang nito.
"Sige bok una na ako." paalam ni Lorenzo.
"Sige bok, ingat ka." ngiting saad ni Richard. Ang pag-aalala at ngiting iyon ni Richard ay baon ni Lorenzo habang naglalakad paalis at ibayong saya ang dulot nito sa kanya.