Marahan akong bumuntong-hininga habang iniinda ang pamimitig ng aking mga binti. Muli ay pinasadahan ko ng tingin ang kabuohan ng maliit na kuwarto na aking kinaroroonan. Nag-aalangan pa akong pumuwesto sa isang sulok kung kaya't mas pinili ko na lang na tumayo habang hinihintay na bumalik si Iracebeth galing sa pakikipag-usap niya kay Leon. Ilang segundo pang natigil ang aking paningin sa nakasarang dahon ng pinto. Sumagi sa isipan ko na lapitan iyon kanina at kalabugin ngunit sa huli ay hindi na ako nagtangka pa itong gawin. Natatakot ako na baka mas lalo ko lang ikapahamak kapag ginawa ko pa ang bagay na iyon; ang mag-eskandalo dito.
Dama ko ang panunuyo ng aking lalamunan habang nilulunok ko ang sariling laway upang kahit papaano ay maibsan ang aking nararamdamang pagka-uhaw. Walang anu-ano ay bumukas na ang pinto ngunit walang katawan na iniluwa doon, sa halip ay isang kamay ang pumasok sa maliit na siwang ng bukas nito at tatlong klase ng paperbag ang bumungad sa akin na hawak noon. Pamilyar sa akin ang mga brand na iyon ngunit kahit na kailan ay hindi pa ako nagkaroon ng ganoong klase ng kagamitan buong buhay ko.
“You're one lucky girl. Mabuti na lang at kay Leon ka na diniretso nina Elliot kanina dahil kung sa akin ay talagang sa black market ang magiging bagsak mo.” makahulugan niyang sinabi na sa aking pandinig ay iba ang kahulugan.
Napasinghap at napapitlag ako at kapagdaka ay napapikit nang walang imik na ihagis niya sa aking mukha ang mga paperbag niyang dala. Tinuro pa ni Iracebeth ang papunta sa cr na nasa loob ng kuwarto saka ito umupo sa one-seater na sofa at dume-kwatro. Nang hindi pa ako kumilos at sumunod sa kanyang ipinag-uutos ay nagbalik siya ng tingin sa akin na nakalapat mula sa screen ng kaniyang laptop.
“Hindi na ako ibebenta sa black market? Ano na ang mangyayari sa akin?”
“Why don't you shut the f**k up and do what I am asking you to do?” tanong niya sa masungit na boses, tinaasan pa niya ako ng isang kilay na agad ko namang ikinalunok ng sariling laway. Kinakabahan na ako sa kanya. “Sa bathroom, bilis!” utos niya sa matinis na boses habang itinuturo sa akin ang hindi kalayuang pintuan ng banyo na binanggit niya kanina.
Bitbit ang tatlong paperbag gamit ang aking isang palad ay nag-aalangan ang aking mga yapak na pumasok sa bathroom. Ramdam ko sa aking dibdib at rinig na rinig ko pa nga sa aking tainga ang mabilis na pintig ng aking puso. Mukhang may iisang lahi sila ng tinatawag nilang Boss kung makapag-utos. Hindi na bale, mabuti na rin ang ganito keysa naman ang pahirapan pa ako.
Ngayong alam ko na rin at napagdesisyon na nilang hindi na ako ibebenta sa black market ay pwede na ba akong bahagyang makahinga nang maluwag?
Pero ano na kaya ang plano o gagawin nila sa akin?
Natatandaan ko pa kanina ang pagbalatay ng inis at frustration sa mukha ni Leon habang hinahatak ako ng mga tauhan nito palabas ng kaniyang opisina. Sigurado akong hindi nagbago ang isip nito kung kaya't sobra akong naguguluhan ngayon.
Baka naman umobra ang pakiusap ko sa kanya?
Imposible. Parang ang labo noong mangyari.
“Hindi ka pa ba tapos?!”
Sakto sa pagkaubos ng tubig galing sa showerhead matapos ko iyong patayin ay ang pagkatok ni Iracebeth sa pintuan ng banyo. Inabot ko ang kulay itim na roba at dali-dali na iyong ibinalot sa aking katawan na basa pa ng tubig.
“T-Tapos na!” sigaw ko pabalik upang malaman niyang tapos na akong maligo.
Ilang segundo pa akong nag-abang kung mayroon pa ba akong maririnig na kung anong mga salita mula sa kaniya ngunit katahimikan na ang namayani. Marahil ay umalis na siya o kuntento na siya sa naging sagot ko. Binalikan ko ang mga paperbag na aking iniwan sa ibabaw ng granite na counter top kung nasaan din ang maliit na lababo. Ganoon na lang ang pagngiwi ng aking labi at pangungunot ng aking noo ng mailabas ko ang set ng bagong underwear galing sa loob ng paperbag. Malambot ang tela ng kulay itim na panty ngunit ang materyal noon ay halos maihahalintulad ko sa kulambong ginagamit ko sa pagtulog. Kahit na suotin ko ito ang pakiramdam ko ay wala pa rin akong suot na underwear sa katawan. Ganoon din ang tela ng kapares nitong bra. Ang pinagkaiba lang ay may maliit na burda ng bulaklak na sakto ang kapal para matakpan ang aking n****e. Nahulog iyon muli sa loob ng paperbag ng aking sinadyang bitawan.
“Diyos kong mahabagin! Puwede na ba akong magsuot ng ganito? Ang laswa naman masiyado para sa aking edad!” pagkausap ko sa aking sarili at kapagdaka ay niyakap ko na ang aking katawan, nangingilabot na naman ako.
“I need you out of there in five minutes!” boses ni Iracebeth mula sa likod ng pintuan ng banyo ang gumising sa aking labis na pagkakagulat doon.
Kumpara noong una niya akong kinatok ay kapansin-pansin na mas numipis na ang pagtitimping mayroon ito. Labag man sa aking kalooban ay muli kong dinampot ang underwear na nabitawan. Nakangiwi at hindi mapakali na sinipat ko ang aking sarili sa salamin habang suot ang underwear na ibinigay niya sa akin. Binilinan din ako ni Iracebeth na patuyuin na ang aking buhok gamit ang blower na nahanap ko sa drawer na nasa ilalim ng counter top. Nang makuntento sa kasalukuyang ayos ng aking mahabang buhok. Ang damit na isusuot naman ang sunod kong hinanap sa paperbag. Ganoon na lang muli ang pagluwa ng aking mga mata at pagkahulog ng aking baba nang makita ang laman ng isa pang paperbag. Pakiramdam ko ay agad akong nahumaling sa disenyo ng kulay puting dress na nasa aking mga kamay. The silk linen dress featured a boned corset bodice with a shirred back and rouleu straps, finished with a full skirt. Kahit sino naman yatang magsuot nito ay magmumukhang disente at mamahaling babae sa loob ng isang iglap.
Paglabas ko ng bathroom suot ang puting dress pati na rin ang heels na kapares nito ay nag-aalangan pa akong kunin ang atensyon ni Iracebeth kaya't parang timang lang akong tumayo malapit sa kaniya hanggang sa tuluyan niya na akong mapansin. Sandaling kumislot ang kung anong bagay sa kaniyang mga mata bago ito bumalik sa dati na nagsusungit at walang pakialam. Inangat niya ang sleeves ng pulang blazer na suot para tingnan ang oras. Maya-maya pa, Iracebeth stood up from the sofa. Ilang saglit nitong inayos ang sarili bago lumakad na palabas. Wala siyang sinabing kahit na ano ngunit sa hindi malamang dahilan, ramdam ko na tila ba pinasusunod niya ako sa kanya kung kaya naman parang robot akong sumunod na palabas.
“And for tonight's tournament. The Champion gets to own and take home a special trophy from the boss.” naulinigan kong boses ng announcer na hindi ko pa malaman kung saan nakapuwesto sa lawak ng lugar na pupuntahan namin.
Habang papalapit pa kami ni Iracebeth sa caged na boxing ring na tanaw ko na ay tumapat sa akin ang spotlight na nagpatigil sa aking pagkilos pati na rin sa aking paghinga. Napuno ng hiyawan ng mga lalakeng nagdiriwang ang maliit na arena na aking narating sa pagsunod ko lang kanina kay Iracebeth.
“What are you doing? Walk!” may diing pang-uudyok ni Iracebeth sa akin.
Hindi ako kumilos. Dumadagundong na ang kaba sa aking dibdib.
Ako ba ang tinatawag ng announcer na magiging trophy?
Kung ganun, hindi nga nila ako ibebenta sa black market pero gagamitin naman pala nila akong premyo sa mananalo sa tournament na ito bilang tropeo. Ang buong akala ko pa naman ay nagbago na ang isipan ni Leon.
Ilang saglit pa ay hila-hila na ako papunta sa dapat naming puwesto ni Iracebeth dahil hindi pa rin ako gumalaw sa aking pwesto kanina. Ang spotlight ay nakatapat pa rin sa akin, halos hindi ko na maaninag ang paligid sapagkat binubulag ako ng liwanag noon. Parang gusto na namang manubig ng aking mga mata. Hindi pa rin pala ako makakaligtas bilang masaklap na pambayad.
“And tonight...a challenger rise up, daring to change our undefeated's fate. Whoever wins this rounds get to take our trophy home.” dagdag pa ng announcer at ang trophy na tinutukoy nito ay walang iba kung hindi nga ako.
Ang arena na kanina lang ay napupuno ng nakakabinging hiyawan ay bigla na lang nabalot ng nakakabinging katahimikan nang umakyat na sa ring ang nasabing challenger. None of them expected it to be him, their boss. Si Leon!