Prologue
Mabagal akong naglalakad bitbit sa isang kamay ang pang-ulam na gulay na binili ko gamit ang natitira kong baon ngayong araw. Dadaan pa sana ako sa tindahan ni Aling Cynthia para ibili sana si Tatay ng paborito niyang panulak ng makarinig ako ng malakas na kalabog at ingay na nangagaling sa aming maliit na barong-barong. Kaagad akong napahinto sa paglalakad. May kung anong takot at kaba ang bumalot sa aking katauhan at gumapang sa aking dibdib. May kutob na ako kung anong nangyayari sa loob pero pilit ko iyong iwinawaglit sa aking isipan. Nasa bahay na naman yata ang mga lalaking pinagkakautangan ni Tatay para maningil na naman ng lumulobong utang.
“Charlie!” may diin na halos pabulong na tawag sa akin ni Aling Cynthia mula sa maliit na siwang ng kaniyang sari-sari store. Wala sa sariling napatingin ako sa gawi nito. Kasunod noon ay ang paghakbang ng aking mga paa para malapitan siya. “Halika muna rito sa loob sandali. Magtago ka rito!” May pang-uudyok na anas nito sa akin na kulang na lang ay manginig ang kanyang tinig, “Nakita kong may grupo ng mga kalalakihan na pumasok sa inyo. Kapag umuwi ka ngayon baka mapagdiskitahan ka pa ng mga iyon.” anito sa akin na abot-abot na ang kaba sabay payapay ng kamay sa akin.
Muli akong napatingin sa aming barong-barong. Binabalanse kung ano ba ang dapat kong maging desisyon. Ilang sandali pa ay sinakop na ang aking tainga ng ilang sunod-sunod ng malalakas na putok ng baril mula dito.
“Tatay!” halos mamaos na malakas na sigaw ko.
Narinig ko pa ang ilang ulit na pagtawag sa akin ni Aling Cynthia ngunit hindi ko na ito pinansin pa. Ang buong atensyon ko ay nasa bahay na namin. Nangingilid na ang luha sa aking mga mata. Iniisip ko pa lamang na ang bala galing sa narinig na pumutok na baril ay tumama sa katawan ni Tatay, nanghihina na ako sa labis na takot at pag-aalala sa kung anong lagay niya. Nabitawan ko na ang mga supot ng gulay na dala ko. Hindi ko namalayan kung nasaan na iyon at sa totoo lang, wala na rin akong pakialam pa doon.
"Tatay!" muling tawag ko habang hindi mapigilan ang nangingilid kong luha.
Dinala ako ng aking mga paa sa gilid ng aming barong-barong upang makita lang ang pamilyar na bulto ng katawan ng lalakeng halos humandusay na. Nakayakap ito sa kaniyang sarili upang sarilinin ang takot na nadarama niya. Duguan ang mukha niya ngunit sa awa ng Diyos hindi naman sa katawan niya pinatama iyong bala ng baril kung hindi sa pinaka-iingatan nitong telebisyon. Duguan lang ang mukha niya dahil sa pambubugbog sa kanya. Ilang minutong nagtama ang aming mga mata ni Tatay.
“Charlie...” tawag nito sa aking pangalan ngunit halos walang boses na lumabas sa kanyang bibig, nahihintakutan na siyang napatingin sa akin.
Napatda ako sa kinatatayuan at halos lumubog ang aking mga paa nang ang apat na matatangkad na lalake ang unti-unting lumingon sa aking direksyon. Walang pag-aalinlangan na tinulak ko ang isa sa kanila para malapitan ko si Tatay. Namamaga na ang mukha nito dahil sa bugbog na natamo. Halos hindi ko na nga siya makilala kung hindi sa kanyang tinig at bulto ng katawan.
“Umalis ka na!” malakas na hiyaw ni Tatay. Tinulak niya ako palayo sa kaniya nang subukan ko siyang yakapin dahilan para masubsob ako sa papag naming yari sa kawayan. “Charlie, sige na anak habang may panahon ka pa!”
Naramdaman ko ang pag-angat ng school palda na suot kung kaya't sigurado ako na nakita ng mga lalakeng naroon ang cycling shorts na suot ko bilang pang-ilalim. Dali-dali akong umayos ng upo. Hinila ko ang aking palda hanggang sa may tuhod. Kung mas mahihila ko pa iyon para lalong mapahaba ay ginawa ko na. Hindi kasi ako mapalagay sa malagkit na tingin na ipinupukol ng mga kalalakihan sa akin ngayon na parang gutom na gutom.
“Hindi ako aalis. Hindi kita iiwan dito, Tatay!” mariing pagtanggi ko, bakas pa rin ang mga luha sa aking mukha.
Gumapang si Tatay papunta sa binti ng lalakeng ang buhok ay abot sa kaniyang leeg. May peklat ito sa kaniyang pisngi na mukhang galing sa hiwa ng kung anong matalim na bagay. Ang kanang kamay naman nito ay nababalot ng tattoo. Mukhang siya ang lider ng grupong ito.
“Sir, sabihin mo naman kay Boss na bigyan pa ako ng isang buwan. Babayaran ko lahat ng utang ko sa kaniya kasama na ang tubo.” pagmakakaawa nito na kulang na lang ay halikan ang mga paa nito.
Gumuhit ang mapaklang likido sa aking lalamunan. Kung umabot na sa punto na pinagbabantaan na si Tatay ng ganito, sigurado ako na hindi biro ang halaga ng inutang niya kahit pa bigyan ito ng isang taon na palugit. Palagay ko ay hindi pa rin iyon sapat para mabayaran niya ang lahat ng pagkakautang, maliban na lang kung makipagsundo siya sa demonyo. Sinundan ng aking mga mata nang yumuko ang lalake para ipantay ang sarili sa mukha ni Tatay. Nakangisi man ito sa kaniya ngayon, ang mga mata naman nito ay parang sa ahas kung manlisik na punong-puno ng kamandag.
“Isang buwan? Paano mo kami mababayaran sa utang mong lampas tatlong daang libo? Sigurado ako na hahanap ka lang ng tiyempo para takasan kami." anito kay Tatay na bahagya pang ngumisi.
Three hundred thousand? Paano umabot ng ganoong kalaki ang utang ni Tatay sa mga taong ito? Saan niya nilustay ang ganoon kalaking pera?
Kinulong ng lalake sa kaniyang mga daliri ang baba ni Tatay saka ipinihit iyon paharap sa aking direksyon. Napapitlag ako at agad na namutla.
“Mayroon pa akong naiisip na isang paraan para makapagbayad ka kay Boss. Maliligtas ang buhay mo at magkakapera ka pa depende sa kung magkano natin mabebenta ang unica hija mo.” suhestiyon ng lalake sa nakahihindik niyang tono.
Kulang na lang ay isiksik ko ang aking sarili sa pader para lang masiguro ko na hindi ako makukuha ng mga huklubang ito. Ang mga luha ko na kanina lang ay nagbabantang tumulo ay tuluyan ng kumawala sa aking mga mata kasabay ng marahan kong pag-iling. Alam ko na kung saan ito hahantong.
“Tay, huwag po. Ayaw ko po. Huwag po kayong pumayag sa gusto nilang mangyari. A-Anak niyo po ako hindi ba?” pagmamakaawa ko gamit ang basag kong boses dala ng pag-iyak. Ngayon pa lang ay kinikilabutan na ako.
Binitawan ng lalake ang baba ni Tatay saka ito umayos ng tayo. Namulsa ang kanyang isang kamay at bahagyang lumingon sa may aking banda.
“Ikaw rin. Maputi, makinis, maganda at batang-bata pa ang anak mo. Mabebenta yan ni Boss sa malaking halaga. Malaking pera ang makukuha mo at mauubos na ang utang mo sa kaniya. At saka malaya ka na ulit.”
Tingin ko nga ay hindi pa tapos ang lalake sa mga sinasabi nito kay Tatay pero mukhang nakumbinsi na niya ito sa kanyang mga sinasabi. Biglang ginalaw ni Tatay ang kaniyang ulo upang marahang tumango para sang-ayunan ang gusto nitong mangyari. Tumayo na rin ito at lumapit sa akin. Pilit niya akong hinila patayo kung kaya't mas lalo akong pumalahaw ng iyak.
“Charlie, sumama ka na sa kanila! Hindi ba't nangako ka sa akin na kapag kaya mo na. Kapag may oportunidad ka na bigyan ako ng maginhawang buhay ay gagawin mo? Heto na 'yon. Sumama ka na sa kanila. Sila na ang bahala sa iyo.” halos hindi pumasok iyon sa aking isipan.
Gamit ang buong puwersa ay hinatak ako ni Tatay dahilan para mapabitaw na ako sa poste na aking kinakapitan. Tinulak niya ako papunta sa lalakeng may mahabang buhok na agad pinulupot ang braso sa aking beywang para hindi na ako makapalag pa. Dumagungdong ang takot at galit sa aking dibdib lalo na nang makita ko ang pagngisi ni Tatay. Wala man lang bahid ng pagsisisi sa kaniyang naging desisyon na ibenta ako sa kung sinumang Boss nila.
“Tama ka nga, Charlie. Ikaw nga ang mag-aahon sa akin sa hirap.” dugtong pa nitong tuluyang bumasag sa aking pusong ngayon ay labis na ang bigat.