NAPADILAT ako at nakita ko ang kisame ng tinitirahan kong apartment. Napabangon ako at siyang pagsakit ng aking ulo at katawan. Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin pero pakiramdam kong nabugbog ang buong katawan ko.
Napaupo ako sa kama at pilit na inaalala ang mga nangyari sa akin. Ang alam ko ay nakipag-break ako sa ex-boyfriend ko sa isang convenience store after ng pag-tu-tutor ko and nakausap ko rin si Mama about sa pagpapagamot na nabangga ng kapatid ko then... After nu'n, anong nangyari sa akin?
Hinilot ko ang magkabilang sintido ko pero wala na talaga akong maalala pa p'wera roon. Napataas ang tingin ko ng umilaw ang aking cellphone, nakita ko ang pangalan ni Mama.
Sinagot ko iyon at nailayo ko rin agad ang aking cellphone, hindi pa ako nagsasabi ng hello pero ratrat agad si Mama sa akin.
“Anak, bakit ngayon mo lang sinagot ang tawag ko?! Kahapon pa kita tinatawagan at tinext ko na sayo ang number ng C-cash nila pero hindi ka nag-re-reply. May nangyari ba sayo?” Sunod-sunod na tanong niya sa akin na siyang pagtataka ko.
“Teka, ’ma? Kanina lamang tayo nagkausap, ‘di ba?” Nalilito kong sabi sa kanya.
”Anong kanina lamang, Rhodisa? Isang araw na ang nakakalipas? Kahapon tayo nag-usap about sa C-cash app na iyan, ‘nak?! May nangyayari ba sayo d'yan?”
Napatayo ako sa aking kama at lumapit sa calendar kong nandito. “Oh, s**t!” mura ko sa aking sarili ng makita ang date at maging cellphone ko ay tinignan ko na rin.
Monday na ngayon! Meaning hindi ako nakapasok kagabi sa convenience store? May absent na akong isa. Anong sasabihin ko kay Gigi and Alex?
“Rhodisa, anak? Ayos ka lang ba d'yan? Nilagnat ka ba kaya hindi mo alam na isang araw na ang nakakalipas?”
Naririnig ko ang sinasabi ni Mama sa kabilang linya. Anong nangyari sa akin kahapon?
“Ma, naririnig po kita. Wala rin po akong sakit kaya huwag na po kayong mag-alala. Ang gusto ko lang po malaman, anong oras po kayo tumawag sa akin kahapon?” Seryoso ang tanong ko sa kanya.
“Mga tanghali, anak. Tumawag ako, right after ng tutor mo. Nakalimutan mo na bang sinabi mo sa akin kung anong oras ang out mo sa pagtu-tutor, ayoko namang gambalain ka kapag nagta-trabaho ka. May nangyari ba sayo kahapon? Ilang beses akong tumawag at nag-text sa'yo pero wala akong na-receive na reply man lang mula sayo.”
Napatango-tango ako sa sinabi ni Mama kahit hindi naman niya ako nakikita. So, tama ang pagkakaalala ko. Pero, hindi ko malaman after ng pag-uusap namin ni Mama, anong nangyari sa akin? Bakit hindi ako nakapasok sa convenience store kanina?
Anong mayro'n?
“Ma, sige na po. Mag-aasikaso pa po ako papunta sa campus namin ngayon. May klase pa po ako.” saad ko sa kanya. Pilit kong pinapakalma ang boses ko para hindi na siya mag-worry.
“Sige, ‘nak, kapag problema ka sabihin mo sa akin! Nag-aalala ako sa'yo lalo na't mag-isa ka lang d'yan. By the way, huwag mong kalimutan iyong C-cash number na tinext ko, text mo na lamang ako kapag naipadala mo na sa kanila para masabihan din sila. Sige, Rhodisa, ingat ka d'yan. Iyong utang ko ay babayaran ko sa paghulog ng Papa mo.” Mahabang sabi ni Mama sa akin kaya napatango na lang ulit ako sa kanya.
“Sige po,” aniya ko at binaba na ang tawag.
Napaupo ako sa kama at napahiga roon habang nakalaylay ang aking paa.
Ano ba talagang nangyari sa akin kahapon? Bakit hindi ko maalala man lang?
Siguro naman hindi iyon importante kaya nakalimutan ko.
Tara na, Rhodisa, need natin pumasok at graduating na tayo this year.
Naligo na rin ako at nag-asikaso ng aking sarili. Sinuot ko ang aking damit na pang-nurse, next month ay mag-i-intern na kami kaya need ko talaga mag-bayad sa kulang kong tuition fee dahil kung ‘di hindi ako makakasama sa intern plus hindi ako ga-graduate. Iyon lang naman ang consequences iyon kapag hindi binayaran ni Mama ang utang niya sa akin.
Tinignan ko ang bawat ng sulok ng apartment kung natanggal ko ba ang lahat ng saksak at saka na ako lumabas. Ni-lock ito para wala talagang makapasok na ibang tao.
Isinantabi ko muna ang aking iniisip kanina kung ano ba ang nangyari sa akin kahapon after kong makausap si Mama. Wala talagang pumapasok sa isipan ko. Kahit anong taktak na gawin ko.
Nakarating ako sa campus namin na on time kaya laking ginhawa ko na hindi ako na-late, nagkaroon ng banggaan sa dinaanan ng jeep namin kanina, shumort cut na nga siya pero traffic din.
“Isa, kumusta ang weekend mo?”
Napapikit ako nang marinig ang boses ng isa kong kaibigan na si Lanie. Hindi ko siya pinansin at umupo ako sa designated seat namin.
“Huy, deadma lang? Kumusta ang weekend? Magbabayad ka na ba this weekend ng tuition fee or next-next month na?” pagtatanong niya ulit sa akin, sinundan niya ako.
“Next month. Inutang ni Mama ang pangbayad ko.” Wala kong ganang sabi sa kanya.
“Nilalagnat ka ba, Isa? Bakit ganyan ang mata mo, nangungumata?”
Napatingin ako kay Lanie ng sabihan niya iyon kaya kinuha ko ang compact mirror ko sa aking bag at nakita ko ang aking mga mata.
“Puyat lang ito. Wala rin akong sakit.” ani ko at binalik ang mirror na kinuha ko. “Ikaw, kailan ka magbabayad? Si Rosalie nakapagbayad na rin ba?” pagtatanong ko sa kanya at napasandal sa aking upuan.
Heto ang mahirap kapag graduating hindi ka na p'wedeng mag-premisory note kaya no choice kung ‘di magbayad na talaga.
“Ah, ngayon yata iyon. Oh, siya, sabay tayo magbayad next month, ha? Next-next month pa man din ang intern na natin, after ng semester break!” saad niya sa akin at pumunta sa isa naming kaklase. Nagalaw na naman niya siguro ang pambayad niya sa tuition fee, iba talaga kapag anak mayaman.
Napaubob na lang ako sa aking table habang hinihintay ang professor namin sa isang major subject. Need ko rin pala magbayad for thesis. Ang dami kong bayarin.
“That‘s it for today, class! Don't forget the reaction paper sa ginawa niyong experiment!” Paalalang sabi ng professor namin at nakita ko na siyang lumabas.
Tapos na ang class namin today.
Napaunat-unat ako at sinukbit na ang aking bag. Palabas na sana ako ng harangan ako ng dalawa, sina Rosalie at Lanie.
“Gala tayo?” Nakangising sabi ni Rosalie sa akin at nakita ko pa ang pag-ikot ng susi sa kanyang kanang hintuturo.
Gusto kong gumala pero... May pasok ako mamaya sa convenience store.
Ngumiti ako sa kanya at umiling. “May work pa ako mamayang gabi, girls! So, pass ako!” sabi ko sa kanilang dalawa at dumaan sa pagitan nilang dalawa.
“Urgh, you're always busy, Isa! You don't have time for yourself!” sigaw sa akin ni Rosalie na siyang kinangiti ko.
“Yes, kaya ka siguro hiniwalayan ni John, Isa! Dapat kasi inaasikaso mo rin ang sarili mo at hindi puro work lamang! Get a life, Isa! Next month lalo tayo magiging busy dahil sa OJT natin!”
Hindi ko na pinakinggan ang sinabi ni Lanie at dineadma lamang ito hanggang makababa ako sa aming floor.
Gusto ko munang bumalik sa apartment para makapaghinga at makatulog man lang kahit saglit para sa mamayang night shift ko sa convenience store ay hindi ako antukin.
Mukhang hindi sumang-ayon sa akin ang kapalaran dahil pagkasakay ko sa jeep ay halos hindi na gumalaw ito.
Traffic.
Tumingin na lamang ako sa labas ng jeep, naiinip na akong nakaupo rito dahil wala talagang galawan ang mga sasakyan. Hindi naman ako p'wedeng bumaba dahil nakapagbayad na ako at worst malayo pa ito sa kanto ng apartment ko.
Halos trenta minuto na tumagal ang traffic nang gumalaw na rin ang mga sasakyan, nakalagpas na kami sa intersection kung saan ay may nagmamando na‘ng traffic enforcer.
Paglampas namin sa intersection ay doon na naging smooth ang aming byahe. Bumaba ako sa may kanto at nilakad na lamang ang papasok sa apartment na tinutuluyan ko.
Wala na akong pera para mag-traysikel. Kailangan kong magtipid.
Pagkarating ko sa aking inuupahan na apartment ay nagpahinga muna ako saglit at nag-half bath na rin agad para mag-re-ready na lamang ako mamayang gabi.
After ng half bath na ginawa ko ay nag-review muna ako saglit, inaral ang mga tinuro kanina at ginawa ko na ang reaction paper para sa ginawa namin experiment kanina, hanggang nagpasya na akong matulog ng dalawang oras para hindi ako bangag kapag pumasok sa convenience store mamaya.
Naging mabigat ang ulo ko ng magising. Napaupo agad ako sa may kama at inaalala ang panaginip kanina. May dalawang bata sa panaginip ko at tinatawag nila akong Mama, masyadong blurred ang kanilang mukha sa panaginip ko.
Tinapik ko nang mahina ang aking magkabilang pisngi at binalewala lamang ang napanaginipan ko kanina. Hindi ko rin kasi alam kung para saan iyon!
Kumain na muna ako at nagbihis na rin ako ng white shirt na may design na isang pusa, at ang uniform ko sa convenience store ay nilagay ko na muna sa bag, doon na lamang ako magpapalit.
Pasado alas-otos ‘y trenta ng gabi ay umalis na ako sa tinutuluyan ko at ni-lock ko na lamang ito nang maayos. Sa puntong ito ay sumakay na ulit ng jeep papunta sa convenience store, tatlong stop light away lang naman ang pinagta-trabauhan ko, sa apartment ko.
Nasa harapan na ako ng convenience store at maaga pa ako ng kinse minuto sa shift kong nine ng gabi. Tinulak ko na ang pinto ng convenience store at nakita ko na roon sina Gigi and Alex, himala ang aga nila.
“Good evening, cus– ikaw lang pala Isa! Bakit ganyan ang mata mo, Isa? Puyat ka yata?” Gulat na sabi ni Alex sa amin ng makita niya ako. Naglalampaso siya ngayon ng sahig.
Napangiti ako sa kanya pero ramdam kong hindi ito umabot sa aking mga mata.
“Oo nga! At saka, bakit hindi ka pumasok kagabi, ha? Naghihintay kami ni Alex sa'yo, Isa! Nagtanong nga si Manager kahapon kung bakit hindi ka pumasok? Sinabi na lang namin na baka may inaasikaso ka sa studies mo!” Mahabang sabi sa akin ni Gigi kaya napakamot ako sa aking buhok.
“Pasensya na, Alex and Gigi. Nakatulog ako buong maghapon, e. Hindi ko napansin ang oras. Kaya sorry na!” sabi ko sa kanila at yumuko pa.
“Gano‘n ba? Dapat nagsabi ka sa amin, stress ka lang, Isa. Dapat mag-day off ka muna lalo na't graduating ka na.” wika sa akin ni Gigi kaya tumango ako sa kanila.
“By the way, kumusta ang kaso ng kapatid mo, Isa? Okay na ba?”
Narinig ko ang pahabol na tanong ni Gigi, nandito na ako sa loob ng convenience store namin kung saan ay para sa mga employee lamang.
“Maayos na lahat! Nanghingi lamang iyong biktima ng pera para sa pampagamot kaya nagsend ako ng money kay Mama kanina.” sagot ko sa kanya at sinuot na ang uniform namin dito. Tinali ko na rin ang aking buhok para presentable naman kaming tignan.
Lumabas na rin ako at sinamahan si Gigi sa harap ng counter. Mag-uumpisa na naman ang paulit-ulit kong buhay bilang student nurse and working student.