Napakunot noo si Patrick ng sa pagkababa nila ng sasakyan ay biglang kumapit sa kanyang kamay ang anak. Kung tutuusin ay mas matangkad pa ito sa kanya. Ngunit kung makahawak sa braso niya si Byron ay parang batang mawawala sa loob ng palengke.
Siguro nga ay naging abala siya sa trabaho noong panahong bata pa ito. Pero sa edad na trenta'y singko ay ngayon lang naranasan ni Patrick na hawakan siya ng anak na wari mo ay batang natatakot sa multo.
"Clyde," tawag ni Patrick dito. "Ayos ka lang?" Kitang-kita ni Patrick ang paglunok ng anak. Isa pa ay halos mawalan na ito ng kulay. Mas lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa braso niya.
"Ayos lang ako daddy. Kaya lang---," hindi matuloy ni Byron ang sasabihin ng makakita na naman siya ng babaeng lumabas na club na halos wala ng takip ang katawan.
Alam niyang maagap pa, at halos lampas alas singko pa lang ng hapon. Ngunit ang nakikita niya sa labas ng club ay parang nagsisimula na ang trabaho.
"Daddy," ani Byron ng maramdaman niya ang pagtapik ng daddy niya sa kamay niya.
"Relax anak, kasama mo ang daddy, hmm," ani Patrick na napapangiti na lang sa reaksyon ng anak.
Daig pa ang limang taon na batang paslit lang ang kasama niya sa mga oras na iyon.
"Sumunod kayo sa akin. Naghihintay na si madam," utos ng lalaking kasama nila kanina sa sasakyan. Nauna na ring maglakad ang dalawang lalaki pa na sakay sa sasakyan ng mga ito. Kaya naman sumunod na silang mag-ama sa tatlo.
Pagpasok pa lang sa loob ng club ay nakailang pag-aantanda pa si Byron. Mga babaeng halos kakarampot na saplot lang naman ang suot ng nakakasalubong nila. Ngunit sa ilang beses na pag-aantanda ni Byron at pagpikit ay daig pang multo nakakasalubong nila.
"Anak, mga tao ang nakakasalubong natin ha, ipinapaalala ko lang," naiiling na saad ni Patrick.
"I know dad. Kaya lang po, hindi ako sanay makakita ng ganoon."
"Ako din naman anak. Wala akong ibang tiningnan sa ganyan ayos kundi ang mommy mo. Kaya nga sumama ako sa iyo. Alam kong ganyan ang magiging reaksyon mo. Baka hindi mo pa nakakausap iyong madam nila, hinimatay ka na sa nakikita mo," ani Patrick ng tumigil sila sa harap ng silid na may pulang pintuan.
Ilang beses na kumatok ang lalaking kasama nila bago nito binuksan ang pintuan. Pinapasok naman silang mag-ama. Tapos ay lumabas ng muli ang lalaki.
Nadatnan nila sa loob ang may edad na babae, habang humihithit ng sigarilyo.
"Ano ang pakay ninyo?" matalim nitong tanong habang pinapasadahan sila ng tingin na mag-ama. "Totoo ba ang sinabi ng tauhan ko na babayaran ninyo ng halaga ang pokpok na iyon?" nakangisi pa nitong tanong.
Naikuyom ni Byron ang kamao. Hindi niya nagustuhan ang sinambit na tawag ng babae kay Magdalene. Alam niyang hindi gusto ni Magdalene na mapunta ito sa lugar na iyon. Kaya wala ni sino man ang maaaring manghamak sa dalaga.
Ilang beses na umubo si Byron. Hindi niya kayang tagalan ang usok ng sigarilyo, ngunit wala naman siyang magagawa. Hinaplos na lang ni Patrick ang likod ng anak. Binigyan din niya ito ng panyo na maaari nitong ipantakip sa ilong.
"Oo narito kami para pag-usapan ang lahat," sagot ni Patrick. Alam niyang sa mga oras na iyon. Hindi na kakayanin ng anak na magsalita pa.
"Buweno, hindi naman ako mahirap kausap. Tatlumpung milyon kaya ninyo?" natatawang tanong ng may edad na babae.
Kinuha ni Patrick ang tseke sa bulsa ng suot nitong coat. At isinulat ang halagang hinihingi ng babae, bago niya ito iniabot dito.
"Maayos akong kausap. Pero oras na sumira kayo sa usapang ito at ginulo pa ninyo ang dalagang iyon ay hindi ako magdadalawang isip na ipakulong ka at bigla na lang magsasara ang club mong ito," banta pa ni Patrick.
"Pera-pera lang ako ginoo. Ngunit hindi ako sumisira sa usapan. Napakaswerte ng babaeng iyon. Mukhang tiba-tiba siya sa inyo."
Hindi na nagawang sumagot ni Patrick. Ayaw din naman niyang aksayahin pa ang oras sa ganoong uri ng tao. Hinila na niya si Byron palabas ng opisinang iyon. Wala namang humarang sa kanila at tuluyan na silang nakalabas ng club.
Habol hininga naman si Byron ng makalabas silang mag-ama ng club. May dalang tubig si Patrick sa sasakyan kaya naman mabilis niya iyong kinuha at ipinainom sa namumutlang anak.
"Ayos ka lang Clyde?"
"I'm okay dad."
Nailing na lang si Patrick ng mabuway si Byron at paupong bumagsak sa lupa. Napasandal pa ito sa may kotse kaya hindi tuluyang napahiga.
"Alam kong hindi ka okay anak. Sinong maniniwala sa iyo? Mula pa ng makapasok tayo sa opisinan ng kung sino mang madam na iyon ay hindi ka na nakapagsalita. Isabay pa ang halos manigas ka na habang inaakay kita palabas dito. Anak, daig mo pang nakakita ng multo. Sinasabi ko naman sa iyong tao iyong nakikita mo. Wala nga lang halos suot." Nagawa pang magbiro ni Patrick.
"Mas nakakatakot pa nga sila daddy. Bakit ganoon sila manamit? Kahit si Dalene ay napilitang magsuot ng ganoon," may inis niyang sambit.
"Nakita mo si Magdalene sa ganoong kasuotan?"
"Yes dad. Kaya nga mula ng malaman ko ang pinagdaanan niya, ginusto ko na kaagad na mailayo siya sa lugar na ito." Napangiti na lang si Patrick sa sinabi ng anak.
"Pero ngayon ayos ka na? Huwag kang mag-alala hindi na nila guguluhin ang dalagang iyon."
"Thanks dad," ani Byron ng alalayan siya ng daddy niya na makatayo. Hanggang sa makasakay siya sa loob ng kotse.
Habang binabagtas nila ang daan pabalik ng monasteryo ay napangiti na lang si Patrick ng mapansing nakatulog na ang anak.
"Ang tanda mo ng bata ka, pero sa nakikita ko, ngayon ka pa lang talaga nagbibinata. Hindi naman sa kinukwestiyon ko ang propesyon mo anak. Ngunit kahit anong mangyari ay mahal na mahal ka namin ng mommy mo. Kung sakaling mag-iba ang ihip ng hangin ay narito pa rin kami para sa iyo," ani Patrick. Alam naman niyang hindi iyon naririnig ng anak. Ngunit nais pa rin niyang sabihin dito iyon. Lalo na at hindi naman niya iyon masasabi kung gising ito.
"Mahal kumusta?" Nag-aalalang asawa ang sumalubong kay Patrick pagkababa niya ng sasakyan. Batid niya ang takot dito. Lalo na ng bigla siyang yakapin ng asawa. Hindi na nito napigilan ang maiyak.
"Tahan na mahal. Maayos lang kami."
"Si Byron? Nasaan siya? Bakit hindi pa rin bumababa ng sasakyan?"
"Relax Pat. Nakatulog si Clyde. Alam mo kung anong lugar ang pinuntahan namin. Kaya halos mamutla iyang anak mo dahil sa mga nakikita niya," paliwanag ni Patrick.
Doon lang din niya napansin na kasunod ng asawa ang tatlong madre at ang mag-asawang katiwala. Naroon din si Magdalene na sa tingin niya ay naiiyak na.
"Halika hija." Wala namang pag-aatubiling lumapit si Magdalene sa mag-asawa. "Wala ng problema. Makakalabas ka dito ng malaya at walang maghahabol sa iyo. Pwede kang sumama sa pamamalengke, pwede kang makalayo ng walang iniisip na baka may makakita sa iyo," malambing na saad ni Patrick.
Hindi na napigilan ni Magdalene na yakapin ang mag-asawa. Labis siyang nagpapasalamat sa mga ito. Kung noong nakaraan ay palagi na lang siyang natatakot ngunit sa kabaitan ni Byron at ng mga magulang nito. Sa isang iglap, nawala sa buhay niya ang kinatatakutan niya.
"Salamat po. Marami pong salamat sa inyo," umiiyak na ring saad ni Magdalene.
"Hindi naman ako ang talagang nakatulong sa iyo hija. Si Clyde iyon. Kasama lang ako."
Napangiti naman ang mag-asawa habang yakap si Magdalene. Magaan ang kalooban nila sa dalaga. Kahit alam nilang hindi maganda ang lugar kung saan ito sapilitang pinagtrabaho.
"Tara na sa loob ng makapagpahinga na kayo," ani Mother Ofel sa kanila.
"Mauna na kayo Mother Ofel, Sister Vans, Sister Mary. Kayo din po Manang Claire, Manong Juan. Doon na lang po kaming mag-asawa sa bahay ni Byron magpapahinga. Hindi na lang din muna kami uuwi."
Nagpaalam na din sa kanila ang mga ito at isa-isa ng nagtungo sa kanya-kanyang mga laang bahay.
Nakahawak kamay naman si Patricia kay Magdalene. Lihim siyang nagagalak sa ipinaparamdam ng ginang sa kanya. Simpleng hawak lang iyon, ngunit nakakaramdam siya ng pag-aalaga at pagmamahal.
Nasa ilang minuto ding ginising ni Patrick ang anak bago ito magising. Nakaramdam ng habag si Magdalene dahil sa pamumutla nito.
"Byron ayos ka lang? Namumutla ka anak," nag-aalalang saad ni Patricia.
"Ayos lang ako mommy, huwag po kayong mag-alala. Kailangan ko lang po siguro ng pahinga."
Inalalayan ni Patrick si Byron hanggang sa makapasok sila ng loob ng bahay. Si Magdalene naman ay kasa-kasama pa rin ng mag-anak hanggang sa makapasok doon. Nag-aalangan man ay wala naman siyang magawa. Hindi binibitawan ng ginang ang kamay niya.
Hindi naman pumayag si Byron na doon matulog sa sarili nitong silid. Lalo na at naroon ang mga magulang. Doon siya natutulog sa malaking couch na ipinasadya niya. Para pag matutulog doon ang mga magulang ay may komportable din siyang matutulugan.
Tahimik lang na nakaupo si Magdalene sa pang-isahang upuan. Hindi niya alam kung paano sasabihing aalis na siya at pupunta na sa bahay na tutuluyan niya.
Naghahanda ng pagkain si Patricia. Hindi naman siya nakasabay ng pagkain sa hapunan dahil sa labis na pag-aalala sa mag-ama niya.
"Byron, Magdalene, halina kayo at kumain," tawag ni Patricia. Si Patrick naman ay nakaupo na sa may hapag at kanina pang kasama ng asawa sa kusina.
"I'm fine mommy. Hindi ko po alam kung kaya kong kumain sa nararamdaman ko," pag-amin niya.
"Mrs. Vergara, ayos lang po ako. Salamat po," sagot lang ni Magdalene.
"Magdalene, sabi ko naman sa iyo na tita at tito na lang," napatango na lang si Magdalene bilang sagot. "Pero hindi ako papayag na hindi kayo kumain na dalawa. Anak, huwag matigas ang ulo. Ikaw naman Magdalene, sabi ni manang ay hindi ka rin naman daw nakakain. Halatang-halata din sa iyo ang pag-aalala kanina. O ito. Kung hindi kayo makatayo para kumain ay dyan kayong kumain na dalawa. Pero hindi pwede iyon magpapalipas kayo ng gutom," sermon ni Patricia habang nakaharap na nakapamaywang sa dalawa. Naiiling naman si Patrick habang nakatingin sa kanila.
"Mommy medyo masama po talaga ang pakiramdam ko. Masakit po ang ulo ko. Magpapahinga na lang po ako."
"Kung ganoon ay sige, susubuan na lang kita. Kahit ganyan ka ng katandang bata ka ay anak pa rin kita at ako ang iyong ina. Kaya aalagaan kita."
Nakapikit si Byron ng mga oras na iyon at agad ding napamulat. Halos manlaki naman ang mga mata ni Byron sa narinig.
"Mommy!" gulat niyang saad ng maupo si Patricia na nakatalungko sa tabi ni Byron para masimulang pakainin ang anak. "Kaya ko na po," walang pagpipilian niyang saad.
"Alam kong masama ang pakiramdam mo anak. Huwag ka ng mahiya. Ibuka mo na ang bibig mo."
"T-tita, a-ako na lang po ang b-bahala. A-ako naman po ang d-dahilan kung b-bakit po m-masama ang p-pakiramdam ni f-father. Ako na lang po ang magpapakain sa kanya. Kumain na rin po kayo," nauutal pang saad ni Magdalene na ikinangiting bigla ni Patricia.
"Sige na hija, ikaw na ang bahala. Kumain ka rin ng maayos ha," masiglang saad ni Patricia at mabilis na iniwan sila. Lumapit ito kaagad sa asawa at naupo sa harapan nito at mabilis ding sumandok ng pagkain at inilagay sa plato.
Nakakunot noong sinundan ng tingin ni Byron ang ina. Hindi niya alam kung bakit parang ang sigla nito, ay wala namang kakaiba. Napailing na lang siya.
"K-kaya po ba ninyo maupo?" Nabaling ang tingin ni Byron kay Magdalene ng magsalita ito.
"Hindi ko alam. Pero totoong nahihilo ako, at sumasakit ang ulo. Pasensya ka na. Hindi ako sanay sa amoy ng sigarilyo. Pero iyong madam na sinasabi nila ay naninigarilyo ng harapin kami ni daddy. Kaya siguro sumama din ang pakiramdam ko. Bukod pa doon ay nahindik ako sa mga kababaihang nakita doon sa club na iyon. Paano nila naaatim na maglakad sa harap ng maraming tao ng halos napakaliit ng suot?" Hindi pa rin mapaniwalaan ni Byron ang kanyang nakita, kani-kanina lang.
"Father, ganoon talaga sa lugar na iyon. Naranasan ko rin lahat ng nakita mo doon. Pasensya na, sorry po talaga."
"You don't need to say sorry. Wala kang kasalanan, at hindi ako nagsisisi na napunta ako doon para mailayo ka sa lugar na iyon."
"Salamat po ulit."
"Your welcome Dalene." Halos malaglag naman ang puso ni Magdalene sa ngiting ibinibigay ni Byron sa kanya. Alam niyang mali, ngunit hindi niya maiwasang hindi mahulog ang loob dito. Kahit sabihing nasa bente kwatro oras palang, mula ng magkita sila.
"Ah, eh, father pakakainin na kita?" Wala na rin namang nagawa si Byron kundi ang tumango.
Nasilip niya sa may kusina ang mommy niyang masama ang tingin sa kanya kung hindi pa siya kakain. Nakita pa niya ang pagtango ng daddy niya. Napahugot na rin siya ng hininga, at muling ipinikit ang mga mata. Umayos din siya ng pwesto sa couch.
Masama pa rin talaga ang pakiramdam niya. Kaya naman hinayaan niya si Magdalene na pakainin siya, habang nakatagilid at nakahiga sa couch at nakapikit ang mga mata.