Chapter 15

2065 Words
Nasa isang buwan na rin mula ng tumira sa monasteryo si Magdalene. Mula ng mapadpad siya doon ay nakaramdam talaga siya ng kapayapaan. Maliban na lang pagnakikita niya si Byron. Tuwing nakikita kasi niya ito ay daig pang may bagyo sa puso niya. Nagkakagulo ang sistema niya tuwing nakakaharap ito. Sa tingin niya ay humanga siya. Paghanga lang naman, pangungumbinsi niya sa sarili. Dahil sa kalituhang nararamdaman. Dalawang linggo na rin siyang nagtuturo ng pananahi sa mga bata. Binilhan sila ng mga magulang ni Byron ng mga magagamit nila sa pananahi. At sa mga oras na iyon ay isang apron ang kanilang ginagawa. "Ate Magdalene, tama po ba?" tanong ni Lala sa kanya. Isa sa mga batang nakita na lang sa labas ng gate ng monasteryo. Itinaas pa nito ang tinatahi para makita niya. "Oo tama lang iyan. Basta mga bata, dahan-dahan lang ha. Matulis ang karayom baka kayo ay matusok," palaging paalala ni Magdalene. Alas kwarto ng hapon ng itago ng mga bata ang kanilang panahi ng matapos sila sa ginagawa. Inutusan naman ni Magdalene na ipakita ang mga natahi ng mga ito kina Mother Ofel. Naiwan lang si Magdalene doon sa pwesto nila sa likod ng ampunan. "Maghapon ka ng nangturo sa mga bata hindi ka ba napapagod Dalene?" mahinahong tanong ng isang tinig. Nagulat siyang talaga lalo na at hindi man lang niya naramdaman ang paglapit nito sa kanya. "Father naman. Ginugulat mo ako," reklamo ni Magdalene na ikinangiti lang ni Byron. "Hindi ko naman akalain na magugulat kita. Akala ko nga ay napapansin mo ako. Kanina ko pa kayong pinagmamasdan. Nakakatuwang natuturuan mo ang mga bata na manahi. Magagamit nila iyan pagpumasok na sila mismo sa paaralan," paliwanag ni Byron. "Hindi ko naman po kayo napansin talaga. Nakakatuwa po kasing turuan ang mga bata. Lalo na sa mura nilang edad ay wiling silang matuto. Lalo na iyong mga malalaki na. Sabi nina Mother Ofel ililipat na sila sa bayan. Doon na daw titira ang mga ito, para maranasan ang makapag-aral sa totoong paaralan." "Ganoon na nga. Mas maganda kasi doon lalo na at mas marami silang matututunan. Samantalang dito ay una nilang matututunan ay ang kabutihang asal, at ang magkaroon ng takot sa Panginoon. Kaya bata pa lang ay hinahasa na sila sa hamon ng buhay. Alam din nila na pagtungtong nila ng anim na taon ay aalis na sila dito. Pero pwede naman silang dumalaw pag marunong na sila at malaki na." Napangiti na naman si Magdalene. Mahirap ang lumaking walang kinikilalang mga magulang. Ngunit kahit papaano ay maswerte ang mga batang lumaki sa pangangalaga nina Father Byron. "Father nagugutom ka ba? Gusto mo bang ikuha kita ng meryenda?" tanong ni Magdalene na ikinailing ni Byron. "Katatapos ko lang," sagot ni Byron ng may iabot itong maliit na supot kay Magdalene. "Ano po iyan?" "Kunin mo," utos ni Byron. Kinuha naman ni Magdalene iyon at binuksan. Hindi naman napigilang mapangiti ni Magdalene ng makitang cookies ang laman noon. Ngunit hindi lang basta cookies. Dahil medyo mainit pa iyon at halatang bagong luto. May ibinigay din si Byron kay Magdalene na vacuum tumbler na naglalaman ng mainit na kape. "Para sa akin po ito?" ani Magdalene na ikinatango ni Byron. "Saan po galing at sino po ang nagtimpla ng kape?" Napangiti naman si Magdalene ng mapansin ang biglang pamumula ng pisngi ni Byron na wari mo ay nahihiya. Hindi niya alam kung bakit. Ngunit sa tingin talaga niya ay may kaugnayan sa tanong niya ang pamumula ng pisngi nito. "Kainin mo na lang iyan," ani Byron at mabilis siyang iniwan. Napanganga na lang si Magdalene sa inasal ng pari. "May nasabi ba akong masama?" tanong ni Magdalene sa sarili, napailing lang din siya. "Wala naman di ba?" sagot din niya, habang patuloy na nilalantakan ang cookies at kape na binigay sa kanya ni Father Byron. Katatapos lang niyang ubusin ang kape at cookies ng biglang dumating si Sister Vans at Sister Mary na may malawak na ngiti. "Magdalene mukhang napagod ka sa pagtuturo sa mga bata. O hayan meryenda mo. Masarap yan," nakangiting saad ni Sister Vans ng ibaba sa harapan niya ang ilang pirasong cookies na nakabalot sa isang cellophane. Katulad din iyon ng bigay ni Father Byron sa kanya. "Heto pa, orange juice. Iyan kasi ang request ng mga bata," dagdag pa ni Sister Mary. Maang siyang nakatingin sa dalawang madre. Hindi tuloy niya masabing tapos na siyang magmeryenda. Nahihiya siyang sabihin na nadalahan na siya ni Father Byron ng meryenda at cookies din. Kape nga lang ang kapartner ng bigay ng pari sa kanya. "Hindi mo ba nagustuhan?" Mabilis siyang napailing. "Naku naman sister, nagustuhan ko po syempre. Salamat po dito. Kaya lang medyo busog pa po ako. Baka po pag kinain ko iyan ay hindi ko na magawang maghapunan." Totoo naman kasi ang sinabi niya. Tatlong balot ng cookies ang laman nang supot na bigay sa kanya ni Father Byron. At ang lahat ng iyon ay naubos niya kapartner ng kape kaya busog na busog siya. "Ganoon ba, hindi bali itago mo na lang iyan," dinampot ni Sister Vans ang cookies at inilagay sa kamay niya. "Itong juice gusto mo ba?" Napailing na lang siya bilang sagot. Nakapagkape na rin naman siya. "Si father ang nagbake niyan. Sabi ni Mrs. Vergara ay bonding nila ni Father Byron ang magbake noon. Kaya hindi nakakapagtakang magaling gumawa ng cookies si Father Byron. Minsan nga ay talagang gumagawa si father ng madaming cookies. Tapos ay ipapamigay namin sa mga nagsisimba," paliwanag ni Sister Mary. Para namang may kung ano na namang tumatambol sa puso ni Magdalene. Wala namang ginagawa si Father Byron para magustuhan niya. Pero sa mga naririnig niya tungkol dito ay parang may kung anong damdamin ang nag-uudyok sa kanya na mas lalong magustuhan ang walang kamalay-malay na pari sa kanyang nararamdaman. "S-salamat, Sister Vans, Sister Mary. M-mamaya ko na lang kakainin ito," ani Magdalene at iniwan siyang muli ng dalawa. Napahawak si Magdalene sa dibdib sa tapat ng kanyang puso. May kung anong hiwaga talaga sa puso niya na hindi niya maipaliwanag. "Bakit naman kasi tumitbok ka nang tumitibok? Oo nga buhay ako. Pero bakit naman sa hindi pa pwede?" reklamo ni Magdalene. Napasubsob na lang siya sa may lamesa. Naiinis siya sa sarili nila. Sa ganoong kabilis na panahon. Heto siya, nagmamahal ngunit one sided lang naman. Alam naman niyang iyon ang kahihinatnan ng lahat. Alam niya sa sarili niya kung ano pa rin ang mali at ang tama. Hanggat kaya niyang humanga ng palihim ay gagawin niya. Sa ngayon masasabi niyang masarap magmahal. Na ang nararamdaman niya ay isang inspirasyon na masarap lang damdamin at titigan. Samantala, mabilis na napaupo si Byron sa tumba-tumba na nasa may teresa ng bahay niya, pagkarating niya doon. Hindi niya alam kung bakit naglagay siya ng tatlong balot ng cookies sa isang supot at nagtimpla pa siya ng kape para kay Magdalene. Kahit pwede namang ibigay niyang lahat iyon kay Manang Claire at ito na ang bahala. Kaya lang nang marinig niya ang boses ng mga bata sa likod ng ampunan na tinatawag si Magdalene ay mabilis niyang inayos ang cookies na ihinawalay niya sa mga ginawa na niya ang para ibigay sa dalaga. Wala namang ibig sabihin ang pagbibigay niya ng cookies at kape kay Magdalene. Hindi naman siguro masama ang maging mapagbigay. Ngunit ng magtanong si Magdalene kung saan galing ang cookies at kung sino ang nagtimpla ng kape ay parang may gumising sa kanyang kamalayan. Parang bigla siyang napabangon sa katotohanang pari siya. May kung anong gulo na nagra-riot sa puso at isipan niya. Kaya bigla niyang iniwan si Magdalene sa pwesto nito. Parang bigla siyang sinampal ng katotohanan na mali ang tumatakbo sa puso niya. Bagay na talagang nagpalito ng bigla sa kanya, mula ng makilala niya ang dalaga. Napapikit ng mga mata si Byron. Hindi niya lubos maisip kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya. Hindi naman siya ganoon, noon. Ngunit ng dumating si Magdalene sa buhay niya. Parang hindi na siya si Byron, na Byron noon. Parang kahit siya ay naninibago sa sarili niya. Parang gusto niyang tanungin ang sarili niya kung sino na ba talaga siya ngayon. "Ano po ba ang nangyayari sa akin?" ani Byron habang nasa tumba-tumba pa rin at nakapikit. Gusto niyang payapain ang sarili sa nararamdaman. Wala siyang ginagawang mali. Pero ang isipan niya, parang sinasabihan siya na nakagawa siya ng mali. Napahugot siya ng hangin. "Gusto ko ang propesyon ko at masaya ako. Pero nagtataka ako sa agam-agam ngayon na bumabalot sa puso at isipan ko," aniya kahit alam niyang walang makakasagot sa kanyang mga tanong. "Magagalit po ba Kayo sa akin sa nangyayari sa akin ngayon?" tanong ni Byron na hanggang ngayon hindi niya makuha ang dahilan kung bakit siya naguguluhan. "Hayaan po ninyo at kahit po may kung ano akong nararamdaman. Maliwanag naman po ang aking isipan. Alam ko po ang tama, at kung ano po ang mali," pagpapayapa ni Byron sa sarili. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya sa may tumba-tumba. Kaya hindi niya naramdaman ang pagdating ng kanyang mga hindi inaasahang bisita. Halos nasa isang oras ding naidlip si Byron. Ngunit dahil sa sobrang pag-iisip ay parang pagod na pagod pa rin ang kanyang katawan. Lalo na at masarap ang pagkakaupo niya sa tumba-tumba na iyon. Bumalik lang ulit ang kanina lang ay iniisip niya. Hindi talaga niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya. "Ano po ba talaga ang nangyayari sa akin?" wala sa isip na tanong muli ni Byron. Medyo napalakas pa ang boses niya. Sa kaalamang mag-isa lang siya doon. Ngunit bigla na lang naimulat ni Byron ang mga mata ng maramdaman niyang may kamay na pumatong sa kanyang noo. Gulat na gulat siya sa dalawa niyang bisita ngayon. "May sakit ka ba anak? Ano ang sinasabi mong, ano ang nangyayari sa iyo? Masakit ba ang ulo mo? May masakit ba sa iyo? Ikukuha kita ng gamot," nag-aalalang saad ni Patricia na ikinamaang ni Byron. Napailing din siya bilang sagot sa kung may sakit siya. Hindi naman niya akalaing magtutungo ang mga magulang niya sa monasteryo sa mga oras na iyon. "Mommy? Ano pong ginagawa po ninyo dito?" "Ayaw mo bang narito kami ng daddy mo?" nalulungkot pang saad ni Patricia. "Hindi po sa ganoon mommy. Nagtataka lang po ako." "Anak we have a proposal to you. Kagabi pang excited ang mommy mo na magtungo dito. Namili lang siya ng mga damit at gamit na gusto niyang ibigay kay Magdalene," saad pa ng ama. "Po? Para saan po ang proposal?" Umahon si Byron sa tumba-tumba at naupo ng maayos sa bakanteng upuan na naroroon. Inabutan din siya ng mommy niya ng isang tasa ng tsaa. Siguro dahil wala naman siyang sakit ay hindi na lang gamot ang ibinigay nito sa kanya. Kundi tsaa. "Anak ano kasi. Mula noong nakilala ko si Magdalene, hindi na nawala sa isipan ko ang dalagang iyon. Kaya naman kinausap ko ng masinsinan ang daddy mo." "Tapos ano po ang napag-usapan ninyo?" inosenteng tanong pa ni Byron. "Ganito kasi anak. Isa pa ay wala namang pagtutol sa daddy mo. Lalo na at napag-isip-isip namin na hindi naman siguro masama na magkaroon kami ng isa pang tagapagmana. Nais sana naming mag-ampon," wika ng mommy niya. "Wala pong problema sa akin kung iyan po ang nais ninyo. Tama naman po iyang desisyon ninyo. Wala po kayong pagtutol na maririnig sa akin. Sino po sa mga bata ang napupusuan po ninyong ampunin?" masayang saad pa ni Byron na malawak na ikinangiti ng mga magulang niya. "Nais sana namin na ampunin ng daddy mo si Magdalene anak. Total naman ay wala kaming aasahang apo sa iyo. Isa pa ay ulilang lubos si Magdalene. Hindi sa hinahamak ko siya. Ngunit kaya naming ibigay ng daddy mo ang maginhawang buhay sa kanya. Kapalit ng pag-ampon namin sa kanya, at kami na ng daddy mo ang kikilalanin niyang mga magulang. Higit sa lahat. Pwede namang si Magdalene na ang magbigay sa amin ng apo," masiglang saad ni Patricia ng biglang mabitawan ni Byron ang hawak niya tasa. "Ayos ka lang Clyde?" tanong ng daddy niya. Pinulot na rin ni Patrick ang nagkalat na basag na tasa. "Hindi po." "Hindi? Akala ko ay walang masakit sa iyo. Anong nararamdaman mo?" tanong pa ng ama. "Hindi po ako papayag na ampunin ninyo si Dalene," mariing pagtutol ni Byron na ipinagtaka ng mag-asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD