Nasa may teresa lang si Byron sa mga oras na iyon. Nakaupo at nagmumuni-muni sa kung anu-anong mga bagay. Habang nakatingin sa mga batang masiglang naglalaro. Kasama ng mga ito si Magdalene. Hindi niya tuloy maiwasang mapangiti. Tuwing naririnig niya ang malakas na halakhak ng dalaga.
Umalis sina Mother Ofel. Kasama sina Sister Vans at Sister Mary. Namamalengke naman si Manang Claire kasama ang asawa nito. Sila lang ang naiwan doon. Siya ang naiwang pinakamatanda doon sa mga oras na iyon.
Hindi namalayan ni Byron na matagal na rin pala siyang nakatitig sa mga batang naglalaro. Nagulat na lang siya sa babaeng yumakap sa kanya mula sa likuran at hinalikan siya sa pisngi.
"Mommy," gulat niyang saad. Malakas namang humalakhak ang daddy niya. "Anong ginagawa ninyo dito? Kanina pa kayo?" tanong niya na ikinatango ng ama.
"Actually Clyde nakaabot kami sa huling misa. Ang hindi lang namin malaman ay kung bakit parang wala sa sarili ang aming nag-iisang anak. Nakapark sa gilid ng simbahan ang kotse na dinaanan mo lang ng lumabas ka. Nabigyan na rin namin ng pasalubong ang mga bata. Ganoon din ang dalagang kanina pa kalaro ng mga ito. Tapos ay nagpaalam na rin sina manang na mamamalengke kaya nagpaabot na rin ako ng pandagdag grocery. Higit sa lahat ng pumasok ka sa loob para magpalit ng damit mo ay nasa kusina kami ng mommy mo at nagkakape. Tapos ay kanina ka pa naming napapansin na tulala at nakatingin sa kanila," mahabang paliwanag ni Patrick habang hawak pa ng ama ang tasa ng kape.
Salitan namang tinitigan ni Byron ang mga magulang. Naguguluhan siya kung totoo ba ang sinasabi ng mga ito. Alam niyang magtutungo ang mga ito doon. Pero hindi talaga niya nakita ang pagdating ng mga ito.
"Totoo po?"
"Oo anak. Sino siya?" wika ng mommy niya.
"Sino po?"
"Anak naman. Syempre iyong dalaga. Alam mo namang kilala namin ang mga bata eh," reklamo ni Patricia na ikinatawa ng asawa. Naupo na rin ito sa tabi ng anak.
"Si Magdalene po. Akala ko ba nakilala na ninyo siya?"
"Oo, pero sa pangalan lang. Isa ba baka matunaw na ang dalagang iyon sa ngiti mo at sa pagkakatitig mo," tudyo ng ina na. Kaya naman napaupo siya ng ayos.
"Mommy! Ano po ba iyang sinasabi po ninyo. Para naman pong hindi ninyo alam kung ano ako ngayon."
"Alam nga namin anak. Kaya nga sobra kaming nahihiwagaan ng mommy mo," sabat naman ni Patrick.
Wala na rin namang nagawa si Byron kundi ang isalaysay sa mga magulang ang pinagmulan ni Magdalene. Nakita niya ang awa sa mga magulang.
"Anong plano mo anak?" seryosong tanong ng daddy niya na hindi naman talaga niya alam kung ano ang dapat niyang gawin.
"Sa totoo daddy sanabi ko sa kanya ay ako na ang bahala. Pero hindi ko po alam kung ano ang dapat kung gawin. Daddy sa club daw siya nagtatrabaho bilang waitress. Pero iyong may iba pang ipagawa sa kanya," bulalas ni Byron na hindi napigilan ang mapatayo at mapaantanda. Hindi niya lubos akalain kung ano ang pakiramdam ng babaeng halos halayin na sa hawak at sabihan ng malalaswang salita. "Ang isang inosenteng tulad ni Dalene ay hindi dapat mapunta sa lugar na iyon. Pero dahil sa mga taong walang ibang hangad kundi ang pansariling interes ay napunta siya doon," dagdag pa ni Byron at muling naupo.
Hinaplos naman ni Patricia ang likurang bahagi ng anak. Sa buong buhay niya mula ng isilang niya si Byron ay ngayon lang niya naramdaman ang tensyon sa katawan nito. Bigla siyang nakaramdam na may mumunting galit sa puso ng anak. Na for the first time in the history, ngayon lang nangyari. Nagkatinginan ang mag-asawa. Ayaw man nilang isipin pero iisa ang tumatakbo sa isipan nila.
"Pero you want to help her?" tanong ni Patrick na ikinatango niya.
"Wholeheartedly," simpleng sagot ni Byron na ikinangiti ng mag-asawa.
Dahan-dahan lumapit si Patricia kay Patrick at palihim na kinurot ang asawa.
Napakunot noo naman si Patrick. "For what?"
"Feel my feelings naman mahal. Huwag manhid," asik ni Patricia kaya napangiti si Patrick.
"Pero sigurado akong mali pa ang iniisip mo mahal."
"Mali man pero kitang-kita mo naman ang mukha. Hindi mapakali. Pero ano ang gagawin natin? Alam kong mali. Pero paano kung itong mali na ito ang tama? Hahayaan ba ng pagkakataon, ng tadhana na hindi mangyayari ang bagay na iyon," bulong pa ni Patricia.
"Ewan ko mahal. Bahala na. Pero kung ang tadhana ang gagawa ng paraan, wala akong pagtutol at tatanggapin ko iyon ng buong puso," sagot ni Patrick at muling sinulyapan ang anak na nakatingin pa rin sa mga bata kasama si Magdalene.
"Pwede ba akong mangutang sa inyo daddy, mommy? Alam kong masama ang magkaroon ng utang, kaya lang ano po kasi," nahihiyang saad ni Byron.
Nagkatinginang mula ang mag-asawa. Nakatikim na naman ng kurot si Patrick mula sa asawa, at alam na talaga niya kung para saan iyon. Napailing na lang siya, habang hinahaplos ang parteng kinurot ni Patricia.
"Hindi mo naman kailangang humiram anak. Sa totoo lang nagtatrabaho lang kami ng mommy mo sa kompanya. Pero pulubi na kami ngayon. Sa iyo na nakapangalan ang kompanya natin. Kaya naman anak, lahat ng donasyon na dinadala namin dito, ay mula sa kompanya mo."
Gulat namang napatingin si Byron sa mga magulang. Napahilot pa siya ng sentido. "Ano pong sinasabi ninyo?"
"Nag-iisa ka lang naming anak. Kanino pa ba namin ibibigay ang kompanya. Nag-aral ka naman para mahawakan ang kompanya natin sa future. Kaya anak hindi iyan magiging hadlang sa iyo. Maging sa propesyon mo ngayon at sa paghawak ng kompanya pagdating ng panahon."
Napatango na lang si Byron. Wala naman siyang magagawa. Kakayanin ba niyang magtampo sa mga magulang? Ang sagot ay hindi, kahit kailan.
"Naiintindihan ko po. Sige po. Pero sa ngayon po ay kayo po muna talaga, alam po ninyong masaya ako sa ginagawa ko."
"Alam namin anak. Kaya nga galing pa rin sa amin ang donasyon," nakangiting saad ni Patricia kaya natawa na lang din si Byron sa ina.
Muling sinulyapan ni Byron si Magdalene. Hindi niya alam talaga ang dahilan. Ngunit sa boses nito nakakahanap siya ng kapayapaang hindi niya alam na may ganoon palang pakiramdam.
Napangiti na lang din si Patrick at muling sinulyapan ang nagtatawanang mga bata kasama si Magdalene. Ganoon din si Patricia.
Napuno silang tatlo ng katahimikan. Ang maingay na lang ay ang mga batang, hindi pa rin nagpapatalo sa laro. Lalo na at ang palaging taya ay si Magdalene. Habulan iyon ngunit nasasabayan ng dalaga ang lakas at liksi ng mga bata.
"Magluluto ako ng meryenda," ani Patricia ng mapansin ang oras. Alas dos y media na. "Mamaya ay siguradong magugutom na ang mga bata."
Papasok pa lang siya sa loob ng bahay ng biglang magsigawan ang mga bata. Sabay namang napatayo si Patrick at Byron ng marinig ang sigawang iyon. Halata ang takot sa mukha ng mga bata ng makita ang tatlong armadong lalaki na walang pakundangan sa pagpasok sa monasteryo. At nagtutok ng hawak na mga baril sa dalaga.
"Dito ka lang pala nagtatago, pinahirapan mo pa kami! Sumama ka sa amin kung ayaw mong magkagulo dito. Kung ayaw mong may madamay na inosenteng bata." Dinig nina Byron na saad ng isa sa tatlong lalaki.
Nag-iiyakan ang mga bata. Ngunit isa-isang pinababalik ni Magdalene sa loob ng bahay ang mga bata. Pasalamat na lang at hinayaan iyon ng tatlong lalaki. Ngunit si Magdalene ay naroon pa rin sa pwesto nito at hindi magawang kumilos.
Mabilis ang hakbang na nilapitan ni Byron ang pwesto ni Magdalene. Oo natatakot siya, ngunit alam niyang nasa panig niya ang presensya ng Panginoon. Kaya pilit niyang inaalis ang takot sa kanyang puso.
Nagulat na lang si Magdalene na nasa tabi na niya si Byron. Kahit ang tatlo ay hindi kaagad napansin ang kanyang paglapit.
"Sino ka?" tanong ng isa pang lalaki. Nahati ang pagkakatapat ng baril na hawak ng mga lalaki sa kanila ni Magdalene.
"Hindi na kailangang malaman kung sino ako. Ang nais kong malaman ay sino kayo at nanggugulo kayo dito? Hindi ba ninyo alam kung anong lugar ito?" mahinahon pa ring saad ni Byron.
Nasapo naman ni Patricia ang dibdib. Hindik na hindik siya sa mga taong nagtapat ng baril sa anak. Pasalamat na lang siya at wala siyang sakit sa puso. Kung hindi ay baka inatake na siya.
"Patrick ang anak natin," nag-aalala niyang saad.
"Huwag kang mag-alala mahal. Alam ni Clyde ang ginagawa niya. May awa ang Diyos," kalmanteng sagot ni Patrick.
"Alam mo kung sino ka mang nagpapakabayani ay wala kaming pakialam kung nasaan kami. Ang importante lang sa amin ay maibalik namin sa lugar kung saan nababagay ang babaeng iyan." Dinuro pa ng nagsalita si Magdalene.
"Ano ba talaga ang kailangan ninyo sa kanya?"
"Ano ang kailangan namin? Katawan niya. Hindi pa kami napapagbigyan dahil napakaarte niya. Tapos tatakas na lang siya ng basta na lang. Isa pa malaki ang kailangang bayaran ng babaeng iyan kung nais niyang makaalis sa lugar na iyon." Inilibot pa ng tatlong lalaki ang tingin sa kabuoan ng lugar. "Pero sa tingin ko pa lang sa lugar na ito ay mga wala naman kayong pera. Kaya huwag na kayong magmatigas. Sumama ka na sa amin Magdalene kung ayaw mong pati iyang lalaking iyan na nasa tabi mo, pasabugin ko ang bao ng ulo."
Nahindik si Magdalene sa narinig. Doon hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa mata. Ayaw man niyang bumalik sa lugar na iyon ay wala siyang magagawa. Madaming mapapahamak, tapos sa bandang huli ay ibabalik din siya sa lugar na iyon. Tapos may nasaktan pa. Kaya wala siyang pagpipilian kundi ang sumama.
"Huwag ninyo silang sasaktan. Sasama na ako. Pakiusap huwag ninyo siyang gagalawin kahit na anong mangyari."
Nagtawanan ang tatlong lalaki. "Madali ka naman palang kausap eh. Tayo na," saad pa ng isa.
Hahakbang na sana si Magdalene ng hawakan ni Byron ang kamay niya. Naguguluhan siyang tumitig dito.
"Walang aalis at hindi ka sasama sa kanila," ani Byron sa mahinang tinig.
"Hindi maaari, mapapahamak kayo. Hindi ko kayang may masaktan ng dahil sa akin. Lalo ka na."
"Walang masasaktan, walang mapapahamak. Maniwala ka."
Hindi magawang alisin ni Magdalene ang mga titig niya kay Byron. Mula ng mag-asawa muli ang ina, ay ang inang si Magda lang ang nagtatanggol sa kanya. Pero ngayon hindi niya maiwasang tumalon ang puso sa naririnig mula kay Byron. Alam niya sa puso niyang desidido itong ipagtanggol siya. Pero naroon ang takot na maaaring ikapahamak nito ang gagawing hakbang
"F-father," mahina niyang bulong. Ngunit nagsisimula ng magbagsakan ang mga luha sa kanyang mga mata.
"Magtiwala ka. Maiaalis kita sa lugar na iyon." Desidido at walang halong takot sa tinig na iyon ni Byron.
"Ano nang ginagawa mo dyan Magdalene. Sumama ka na sa amin," utos ng lalaki na wari mo ay naiinip na. "O gusto mong pilitin ka pa namin. Pero kami muna ang magsasawa sa iyo, bago ka namin ibalik kay madam," nakangising dagdag pa nito.
Lalo lang siyang nahindik sa narinig. Sawang-sawa na siyang makarinig ng ganoong salita. Kung maaari nga lang na tigilan na siya ng mga lalaking ito. Kung maaari lang sana.
"Hindi siya aalis dito at hindi siya sasama sa inyo. Ako ang magbabayad ng kaukulang halaga para tigilan na ninyo siya," ani Byron na ikinatawa ng tatlong lalaki.
"Ikaw?" Hindi pa rin mapaniwalaang saad ng lalaki na lalo ikinatawa ng mga ito.
Bigla naman napatingin ang tatlo ng makarinig ng tikhim. Nagulat din si Byron ng hindi napansin ang paglapit ng ama.
"Sino ka?"
"Isa sa sponsor dito. At dahil hindi ko hahayaang na manggulo kayo, isama ninyo ako sa lugar na sinasabi ninyo. Ibibigay ko si Magdalene kung hindi ko matutumbasang bayaran ang hinihingi ninyong halaga. Ngunit titigilan na ninyo siya kung maibibigay ko ang karapatang bayad. Dahil ako ang gagawa ng paraan para makulong kayong lahat, oras na lumapat ang kahit na dulo ng kuko ninyo sa kahit na dulo ng buhok ng dalagang iyan," may diin ngunit mahinahong saad pa rin ni Patrick. Nakatingin lang ito sa anak.
Tumaas naman ang kilay ni Byron bilang sagot sa ama. Napangiti si Patrick, alam niyang nagustuhan ng anak ang naging panghihimasok niya sa usapan ng mga ito tungkol kay Magdalene.
Ilang minutong may tinawagan ang pinaka leader sa tatlong lalaki. Hanggang sa matapos ang tawag at sinabi nitong pumapayag ang boss sa kondisyon nila.
Ngayon ay binabagtas nina Byron at ng daddy niya ang daan patungo sa club na sinasabi ng mga ito. Nasa back seat ang isang lalaki. Ang dalawa ay nakasakay sa sasakyang dala ng mga ito. Habang si Magdalene at ang mga bata ay naiwan sa mommy niya.